BELLA’S POV
Nandito na kami sa kusina. Lumabas kami dahil baka magising ang mga bata kung sa harap nila kami mag-uusap. Alanganing tumingin ako kay Nanay. Ilang beses na siyang bumontong-hininga. Parang stress na stress siya bigla.
“Hindi kita pipilitin na sabihin sa akin ang totoo. Kung ayaw mong sabihin sa akin kung sino ang mga ama nila—”
“’Nay, iisa ang ama nila,” putol ko sasasabihin niya. Ayaw kong isipin niya na magkaiba ang ama ng mga anak ko pero sa ngayon ay iyon lang muna ang masasabi ko sa kaniya.
“Niloko ka ba niya?”
Mariin akong umiling.
“Kung ganoon anong problema? Mayaman ba siya? Binayaran ka ng ina para layuan siya?” eksaheradang tanong niya.
“Kapapanood ninyo ng drama sa reels,” sagot ko at naupo.
“Iyon na lang kasi ang naisip kong dahilan. Ayaw ba sa iyo ng ina noong boyfriend mo?” pangungulit pa niya.
Hindi raw niya ako pipiliting sabihin sa kaniya ang totoo pero kinukulit naman niya ako ngayon.
Muli akong umiling. Paano ko ba ipapaliwanag na mayaman ang ama ng mga anak ko at mabait sa akin ang ina nito pero ang problema, wala itong ideya na may mga anak na kami. Daig ko pa ang nagnakaw lang ng sperm mula sa kaniya.
Sinalubong ko ang mga mata ng ina ko. Malungkot akong ngumiti sa kaniya.
“Hindi ko siya boyfriend. Hindi niya ako mahal,” mahina pero ramdam ko ang pait sa dila ko habang sinasabi ko iyon.
Nakita kong lumambot ang mukha ni Nanay. Bigla siyang natahimik at nakita ko ang awa sa mga mata niya kaya pilit akong ngumiti sa kaniya.
“Nagpabuntis ka sa lalaking hindi ka mahal? Bella…” Napahawak siya sa noo niya. “Nagawa ko rin iyon, pero isang beses lang.” Hindi makapaniwalang tumingin siya sa akin. “Anak matalino ka naman, pero bakit mas tanga ka pa yata sa akin?”
Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa sinabi ni Nanay. Magaan ang tono niya habang sinasabi niya iyon pero alam kong disappointed siya sa akin.
“Mahal ko, e.”
Tuluyan nang nalaglag ang mga panga ng ina ko. Nagmamadali rin siyang naupo sa tapat ko habang tila hindi niya alam kong kaawaan ba niya ako o pagagalitan. Pero kilala ko si Nanay, mabait siya at maunawain. Alam kong mas nag-aalala siya sa akin.
“Huwag kayong mag-alala, ‘Nay. Okay lang ako. Masaya akong meron akong Ben at Gray. Isa pa, kaya ko naman silang buhayin. Kaya kong maging ama at ina para sa mga anak ko,” wika ko at ngumiti kay Nanay.
“Alam kong kaya mo. Napatuyan mo na sa akin iyon. Saka nandito ako, hindi ko rin pababayaan ang mga apo ko. Naiinis lang ako. Sinong Poncio Pilato ba ang lalaking iyon? Sigurado ako, pangit ang taste niya. Ang ganda mo, matalino ka pa at mabait tapos ayaw niya sa iyo. Naku, huwag mo na ngang sabihin sa akin kung sino siya. Ayaw ko siyang makilala, baka tumaas ano pa magawa ko kapag nakita ko siya,” wika ni Nanay kaya napapangiti ako pero sa loob ko ay nakokonsensya ako.
Walang kasalanan ang ama ng mga anak ko. Damay lang siya sa mga ginawa ko at naging desisyon ko sa buhay.
“Basta last na iyan. Kapag nabuntis ka pa ulit ng hudyong iyon, ikaw na ang makakatikim sa akin,” pagbabanta ko sa kaniya.
Mabilis akong ngumiti sa kaniya. Last na talaga. Kapag ginawa ko ulit ang mga ginawa ko kung paano ako nabuntis kay Ben at Gray, baka mabuko na ako.
Hinawakan ko ang dalawang kamay ng ina ko. Medyo kulubot na ang mga balat niya dahil sa katandaan. Ito ang kamay na umagapay sa akin hanggang sa paglaki ko. Siya ang tanging pamilyang meron ako kaya mahal na mahal ko siya.
“Salamat, ‘Nay. Dahil kahit na dalawang beses ko kayong binigo, hindi kayo nagalit sa akin,” pagpapasalamat ko sa kaniya.
Isang taon na si Ben noong sabihin ko sa kaniya ang totoo. Umiyak siya sa akin, tinatanong kung anong nangyari. Paanong may anak na ako at pilit niya akong pinapauwi ng bansa pero naging tikom ang mga labi ko at wala akong sinabi sa kaniya, hindi rin ako nakinig sa kaniya. Nanatili ako sa Thailand at pilit na binuhay ang anak ko mag-isa. Choice ko na ipagbuntis si Ben kaya hindi pwedeng si Nanay ang maghirap sa kaniya. Ngunit nang maging tatlong taon na si Ben ay inuwi ko na siya ng bansa. Nang makita niya ako ay agad niya akong niyakap at si Ben. Hindi man lang siya nagalit, basta na lang niya ako tinanggap. Nag-resign na rin si Nanay sa mga Haxell. Iniwan ko sa kaniya ang anak para bumalik ng Thailand at magtrabaho without knowing na may bagong supling pala akong dinadala.
Pero wala akong naririnig sa kaniya. Walang masasakit na salita. Puro lang pagtanggap. Nagtanong siya pero hindi niya ako pinilit na sagutin ang mga iyon. Tila ba kahit hindi ako magpaliwanag sa kaniya, naiintindihan niya ako. Kaya nagpapasalamat ako na siya ang ina ko. Hind
“Anak kita. Mahal kita, alam mo naman iyon, hindi ba? Kaya kahit anong mangyari, nandito lang ako palagi. Palalakihin natin ang mga anak mo na mabubuting bata,” malumanay niyang saad.
Tumango ako sa kaniya. Pinipigilan kong maiyak. Ang swerte ko, dahil siya ang ina ko. Lumaki man akong walang ama, hindi ko iyon naramdaman pinunan niya lahat.
Kaya ganoon din ang gagawin ko. Alam kong selfish ako sa ginagawa ko. Ako kasi lumaking walang ama dahil tumakbo sa responsibilidad ang ama ko, habang ang mga anak ko. Lalaki silang walang ama dahil tinago ko sila sa ama nila.
Pero hindi pa rin ako sigurado kong gaano ko sila katagal na maitatago. Lalo na si Ben, habang lumalaki siya, nagiging kamukha siya ng ama niya. Kaya paano ko maitatangging mag-ama sila? Idagdag pang malapit kami sa pamilya niya.
Bigla akong kinabahan. Hindi ko alam kung bakit pero ngayong nagdesisyon na akong manatili sa bansa, ibig sabihin maaring madalas ko na rin siyang makikita. Huwag naman sana, busy din naman iyon. Sa trabaho at mambabae, kaya kahit magkita kami, sigurado akong hindi niya ako papansinin gaya ng dati. Wala iyong pakialam sa akin dahil hindi niya ako gusto.
“Sige na, alam kong pagod ka pa sa byahe kaya magpahinga ka muna,” wika ni Nanay. “Huwag na tayong mag-drama. Akala ko kasi binayaran ka ng malaki ng ina ng lalaking iyon kaya hindi kayo nagkatuluyan, sasabihin ko sana sa iyo na dapat tinanggap mo.”
“Nay!”
Tumawa siya.
“Biro lang. Sige na pahinga ka na muna dahil kapag nagising si Ben, sigurado akong kukulitin ka na naman noon. Alam mo naman na miss na miss ka ng panganay mo.”
“Sige po.”
Tumayo na ako sa kaniya at tumalikod. Nagtungo ako sa kwarto kung nasaan ang mga anak ko. Awtomatikong may sumilay na ngiti sa mga labi ko nang makita ko silang dalawa na natutulog. Nakadantay pa ang isang hita ni Gray sa kuya niya.
Tumingin ako sa bag ko na napatong sa paanan ng kama nang tumunog ang phone ko. Lumapit ako doon at kinuha ang phone ko sa loob para tingnan kung sino ang nag-message.
Napangiti ako nang mabasa ko ang mensahe.
‘Welcome back, little girl.’