Natigagal si Gian, hindi niya akalaing luluhod sa kanya ang isang tinaguriang LEON!
Parang bigla siyang naalimpungatan.
"Tumayo po kayo sir!" hinila niya ang matanda patayo.
Pero matigas ito at nanatiling lumuluhod!
"Patawarin mo ako Gian, sising-sisi ako sa ginawa ko sa'yo. Hiyang-hiya ako sa'yo sa mga nagawa ko, " nakayukong wika ng matanda.
Naumid ang dila ng binata habang nanatiling nakatayo sa harapan ng don.
Dito sa buong Zamboanga ay pinakakilala ang isang Don Jaime Lopez bilang isa sa pinakamakapangyarihan dahil sa negosyong minahan bilang isa sa pinakamalaking supplier ng mga planta ng mga delatang sardinas.
Ngunit heto si don Jaime lumuluhod sa kanyang harapan!
"Napakalaki kong tanga noong hindi kita pinaniwalaan at pinakinggan. Sana magawa mo akong patawarin Gian."
Nahahabag na napatingin ang binata sa lolo ng kanyang minamahal.
Kahit nagkamali pa ito hindi pa rin ito dapat lumuhod sa kanya.
"Alam kong walang kapatawaran ang ginawa ko.
Pero umaasa akong mapapatawad mo ako.
Napakabait mo pa rin sa akin kahit tinangka na kitang patayin.
Wala na akong makikitang gaya mo, kaya umaasa akong mapatawad mo ako.
Hindi nagkamali ang apo ko nang piliin ka niya at iniwan ako."
Halata na sa tinig nito ang pag-iyak.
"Ngayon ko nalaman, mas mahusay ka palang magmahal kaysa sa akin. "
"Huwag niyong sabihin 'yan don Jaime. Mahal kayo ng inyong apo. Nagkataon lang na minahal niya rin ako at mahal ko siya kaya nagawa kong lumaban.
Ako ang dapat humingi ng tawad sa inyo don Jaime dahil hindi ako tumupad sa usapan at nagawa ko kayong suwayin nang minahal ko ang inyong apo. "
Siya naman ang lumuhod dito.
"Wala kang kasalanan Gian, nagmahal ka lang, ngayon naiintindihan ko na kung bakit nagawa akong iwan ng apo ko at ipinagpalit sa'yo. "
"Marami ping salamat sa pang-unawa sir." Tumayo siya at inalalayan itong tumayo rin.
Sa pagkakataong ito ay tumayo na ang matanda at umupo sila sa sofa.
"Don Jaime, natutuwa ako at pumunta kayo, ang totoo may ibibigay ako sa inyo. "
"Ano 'yon?"
"Isa pang matibay na ebidensiya. "
"E-ebidensiya?"
Tumango ang binata at may kinuhang folder sa ibabaw ng mesa.
"Natitiyak kong kailangan niyo ito. Don Jaime ito ang huli kong alas. Ibibigay ko ito sa inyo dahil ayokong maglihim at magsinungaling, natatandaan ko ng sinabi ninyo 'yon sa akin. "
Iniabot niya ang isang brown envelope.
"Ayokong malaman ninyo na isang araw hindi na kayo ang may-ari ng inyong kumpanya.
Nasa loob niyan ang taong bagong nagmamay-ari ng inyong kumpanya."
"Patawad Gian kung hindi ako nagtiwala noon sa' yo."
"Nagtiwala po kayo don Jaime sa ibang paraan."
Tinanggap ng don at binuksan.
Nanlaki ang mga mata ng don sa nakita.
"Punyeta!" malakas na mura ni don Jaime.
Bumalasik ang mukha ng don. Bumalik na ang Leon!
"Don Jaime, ingatan ninyo ang inyong sarili dahil posibleng ang ebidensiyang 'yan ay magpapahamak sa inyo."
"Maraming salamat Gian."
Kitang-kita sa mukha ng don ang kasiyahang nadarama at ang lubos nitong pasasalamat.
"Kung hindi naman kalabisan maaari ba kitang hawakan?"
"Sige lang po sir. "
Tinapik-tapik siya ng matanda sa balikat.
Umaapaw ang saya na nararamdaman niya dahil parang tinatanggap na siya nito.
Mas lumapit ang binata kay don Jaime kaya ang resulta niyakap siya nito.
"Maraming salamat hijo, hinding-hindi ko ito makakalimutan. Mag-iingat ka rin, alagaan mo at protektahan ang apo ko. "
"Opo sir, " nakangiting saad ng binata.
"Aalis na ako, maraming salamat sa pagtitiwala mo. "
"Maraming salamat din ho sa pagtitiwala don Jaime. Mag-iingat po kayo sir."
Inihatid niya ang matanda hanggang sa labas ng pintuan ng kanyang kwarto.
Ilang sandali pa dumating si Vince.
"O ano pare, sinapak mo ba kahit isang beses lang?"
"Hindi ah! Bakit ko gagawin 'yon eh malaki ang utang na loob ko kay don Jaime."
"Ang sabihin mo tuwang-tuwa ka dahil dinalaw ka ng magiging biyanan mo!"
"Sira, pero Vince pare hindi ko akalaing gagawin ni don Jaime ang gano' n?"
"Alin? Bakit ininsulto ka na naman ba!" tumaas ang boses nito.
"Hindi pare, lumuhod sa harapan ko si don Jaime. "
"Hindi nga?" namilog ang mga mata ng kaibigan.
"Pare, hindi ako nakapagsalita, gulat na gulat ako, akalain ko bang gagawin 'yon ng isang don?"
"Malamang pare na realize niya ang kanyang mga pagkakamali."
"Pare, ayos na kami, wala na akong problema ngayon.
Hindi man niya derektang sinabi pero alam ko pumapayag na siya sa relasyon namin ng apo niya."
"Congratulations pare! Matutuloy na nga ang kasalan!"
"Ikaw talaga," nangingiting naiiling na turan niya.
Lumapit si Vince at niyakap siya.
"Masaya ako pare para sa'yo. " Tinapik-tapik nito ang kanyang balikat.
"Pare salamat, ibinigay ko na kay don Jaime ang pinakahuli kong alas. "
Kumalas si Vince.
"Kaya pala pinayagan ka na. "
"Gago! Humingi muna siya ng tawad at ibinigay sa akin ang apo niya bago ko ibinigay sa kanya ang ebidensiya. "
"Pare, hangang-hanga talaga ako sa'yo, kung naging babae lang ako pinikot na kita!"
"Tarantado ka talaga!"
"Pero pare, hindi ba delikado ang ibinigay mo?"
Sumeryoso si Vince.
"May tiwala naman ako sa mahigpit na pagbabantay ninyo kay don Jaime. Kaya alam ko hindi siya mapapahamak."
"Pare, excited na ako sa mangyayari.
Bilib talaga ako sa'yo, pahiga-higa ka lang pero 'yang utak mo tumatakbo! Akalain mong nakarating hanggang sa kumpanya nila don Jaime?"
"Sira ka talaga, matagal ko ng pinaghandaan ito, alam ko kasing darating ang ganitong pangyayari. "
"Kaya wala talagang duda na hahabulin ka ni Ms.Ellah pare, nasa iyo na ang lahat!"
"Hindi naman, wala akong kayamanan. "
"Pero nakuha mo ang nag-iisang kayamanan ni don Jaime.
Hoooh! Umaapaw na ang paghanga ko sa'yo pare! Nakakainggit ka na!"
"Gago! Wala kang dapat kainggitan sa akin dahil parehas lang tayo, kaya nga tayo magkasundo eh. "
"Pare, nagpapasalamat ako at naging matalik tayong magkaibigan.
Hindi ko 'yon pinagsisisihan kahit minsan!"
"Ako rin pare, mantakin mong itinaya ko ang buhay ko noon sa'yo?"
"Oo nga pwede mo naman akong iwan na lang doon at hinintay ang kamatayan ko. "
"Tarantado eh 'di kargo de kunsensiya kita!"
"Lintek pare, eh kung ikaw ang namatay eh 'di kargo de kunsensiya kita?"
Nagtawanan ang dalawang magkaibigan.
Sabay pa silang bumuntong hininga.
Maya-maya biglang pumasok ang dalaga.
"Gian! Gian! Pinayagan na tayo ni lolo!" tuwang-tuwang niyakap siya nito ng mahigpit.
"Oops, labas muna ako, sige pare, Ms. Ellah. "
"Ay," sambit ng dalaga na tila nahihiya bago kumalas.
"Sige, mag-iingat ka."
"Pare salamat," aniya
"Walang anuman pare. "
Tumabi sa kanya si Ellah.
"Waaahhhh ang saya-saya ko!"
Natatawa si Gian habang pinagmamasdan ang tumalon-talon pang nobya.
"Nagpapasalamat ako at natanggap niya rin tayo, " niyakap niya ito ng mahigpit.
"I love you Panget," emosyonal nitong wika.
" I love you too Ganda," hinalikan niya ito sa buhok.
Matagal silang nagyayakapan.
Parehas na sila ngayong nakakahinga ng maluwag at hindi na nahihirapan.
---
Nakahiga si Gian habang nanonood ng TV at si Ellah naman ay naghahanda ng pagkain nila.
"Nakapalaki na ng utang na loob ko sa'yo, paano pa ba ako makakabayad niyan?"
"Hindi mo naman kailangang tumanaw ng utang na loob dahil obligasyon ko ang protektahan ka."
"Obligasyon?"
"Oo naman."
"Ako? Ano ang obligasyon ko sa'yo?"
"Wala, mahalin mo lang ako sapat na 'yon."
"Talaga? Pangako mamahalin kita hanggang sa aking huling hininga."
"Maraming salamat, mahal na mahal kita."
"Napakatalino mo na, napakagwapo mo pa, napakabait at malawak ang pang-unawa, Gian, hindi kaya maaga kang kukunin ni Lord?"
Natawa ang binata.
"Ikaw talaga, gusto mo ba?"
"Siyempre hindi, ang gusto ko magiging tulad tayo ng dalawang matanda noon sa couple restaurant."
"Ayoko, pangit sila"
"Sira."
"Sigurado ako kahit gano'n tayo katanda, maganda ka pa rin at gwapo ako."
"Hay naku! Umandar na naman ang kayabangan."
"Totoo naman ah, ang sabi nga ni sir Ramon, lamang raw ako ng limang paligo sa kanya."
"Hmp! Ang unang sinabi niya tatlo raw, pero nang lapitan ko dalawa na lang daw, pero ng lumapit ka lima pala."
Natawa si Gian. Maya-maya ay sumeryoso siya.
"Alam mo, na mimiss na kita."
"Ha? Eh lagi tayong magkasama ah?"
"Iba pa rin 'yong solo kita."
"Bakit solo mo naman ako ah? "
"I mean 'yong magagawa natin ang gusto natin ng walang nakakakita," bulong niya sa tainga ng dalaga.
"Naku Gian ha! Ayoko na, buti na lang tumawag si Vince noon!"
"Bakit ayaw mo ba?" hinahalik-halikan ng binata ang likod ng tainga ng kasintahan.
"Magtigil ka nga!" bahagya itong umiwas.
Pero hinabol niya ng halik si Ellah sa pisngi kaya nanulak ang dalaga.
Nasa ganoon silang posisyon nang biglang pumasok si Vince.
Sabay silang kumalas sa isat-isa.
"Pare may nakalimutan pala ako...ah sige wala na pala, tuloy niyo lang. "
"Bakit pare ano 'yon?"
"Ang sabi ni don Jaime, siya na raw ang sasagot sa gastos mo dito. Akalain mong mabait pa rin?"
"Paki sabi pare, huwag na nakakahiya. "
"Alam mo naman ang don hindi tumatanggap ng hindi. "
" Oo nga eh, sige pakisabi na lang salamat. "
"Oo, sige tutuloy na ako, ah siya nga pala pare, dahan-dahan lang baka mabinat ka. "
"Gago! Lumayas ka na nga!"
"Ms. Ellah, tutuloy na ako. "
"S-sige."
Nangingiting lumabas si Vince sabay kindat sa dalawa.
Nagkatinginan silang dalawa at sabay na nagtawanan.
"Ayoko na ngang lumapit sa'yo," nakairap na wika ng nobya.
"Bakit naman?" nangingiti niyang tanong.
"Gian 'yang ngiti mo ngiting aso. "
"Bagay naman tayo, pusa ka eh. "
"Ano?"
"At ang lolo mo Leon. "
"Wow! Mga hayop na pala tayo ngayon?"
"Hayop sa ganda!"
"Ewan ko sa'yo, tumigil ka nga!"
Malagkit ang mga titig ng binata sa dalaga habang nakangiti pa rin.
Maaaninag sa mga mata niya ang pananabik sa minamahal.
At nagsimula siyang mag-init parang gusto niya itong kuyumusin ng halik!
"Gian... "
Napalunok ang binata "Hm?"
Tanong niyang nakatitig na sa mga labi nito.
Lumapit si Ellah at tinitigan siya.
Bumaba ang tingin nito patungo sa mga labi niya, na para bang nag-aanyaya ito ng isang maalab na halik!
Huwag itong magkakamali dahil hindi niya ito tatanggihan!
Lumapit din siya at hinawakan ang pisngi ng dalaga.
Yumuko siya para magpang-abot ang mga labi nila ngunit nagsalita ito.
"Panget, bakit 'yang buhok mo laging nakatakip sa 'yong noo?
Parang Korean style? Halos hindi na nga makikita 'yang mga mata mo eh, " Hinawakan ni Ellah ang noo niya habang nakatingin doon.
'Panira talaga ng moment o!'
"Nahihiya kasi ako."
"Bakit?"
"Sabihin na lang nating, kulang ng self confidence."
"Saan?"
"Sa'yo."
"Ha? Gano'n ba ako kaganda?" turo pa nito sa sarili na parang na shock.
"Parang, nahihiya kasi ako sa'yo. "
"Wow! Nahihiya ka pa sa lagay na 'yan?"
Natawa ang binata at kinabig ang nobya at niyakap na agad naman nitong tinugon.
Hinalik-halikan niya ito sa buhok.
Hindi pa rin siya makapaniwala na unti-unting matatapos ang mga kinakaharap nilang problema.
Ang pagluhod ni don Jaime sa kanya ni minsan sa hinagap hindi niya 'yon naisip.
Ang makuha ang babaeng pinakamamahal niya na muntik na niyang isuko ay naging kanya pa rin.
Ipinikit ng binata ang mga mata at nanalangin.
Nagpapasalamat siya sa lahat ng nangyaring pagsubok na kanyang nalagpasan.
Dalawang beses man siyang muntik ng bawian ng buhay pero nagawa niya pa ring malagpasan ang pinakamabigat na pagsubok na 'yon.
Alam niya gaano man kalupit ang darating na sakit kaya niya 'yong malagpasan!
Ah, wala ng mas ikasasaya sa kanyang nararamdaman, dahil sabi nga ni Vince nasa kanya na ang lahat.
At ang lahat sa kanya ay si Ellah!
---
Kinabukasan.
Kausap ni Gian sa cellphone ang tauhang inutusan.
"Sir, nakumpirma ko na kung sino ang may-ari ng lugar ng kargamento."
"Sino?"
"Si Congressman Delavega!"
Napapikit ang binata. Kumpirmado na.
"Isa lang sa business partner niya si Charles Velasco."
"Alam mo ba ang mga pagmamay-ari ni Congressman?"
"Yes sir. "
"Ipadala mo sa akin ngayon."
"Opo."
Pagkatapos ng usapan ay binuksan niya ang laptop at tiningnan ang email.
Ilang sandali pa may pumasok na.
Binuksan niya at nanggaling kay Esiah.
Nakalista roon ang lahat ng negosyong hawak ng Congressman.
Hinanap niya ang pangalan nito ngunit iba ang kanyang natuklasan.
---
Napasugod ang dalaga sa kinaroroonan ng nobyo dahil sa nalaman niya.
"Gian is it true! "
"Buksan mo ang t.v." utos ni Gian sa kanya.
Sinunod naman niya.
Kaya kitang-kita nila ang pagkaka posas ng isang taong kailan man ay hindi nila nakakalimutan.
Nagkislapan ang mga kamera sa harapan ng isang may edad ng lalaki.
"Congressman, totoo bang kayo na ang bagong may-ari ng MEDC?"
"Congressman, may kinalaman ba ito sa barilang naganap kung saan sangkot ang inyong anak?"
"Congressman, ano ang masasabi ninyo?"
Marami pang mga tanong pero wala itong sinagot kahit isa habang bitbit ito ng mga pulis.
"Ang walang hiya!" sigaw ng dalaga.
"Siya pala ang bagong may-ari ng kumpanya? Ang kapal ng mukha!"
"Sa kanya kumukuha ng suporta si Mr. Javier at direktor Han pati na ang presidente. "
"Ang kapal ng hayop na 'yon! Pinagkakatiwalaan siya ni lolo 'yon pala siya ang traydor!"
"Pasensiyahan mo na ang lolo mo, nagkamali lang siya ng taong pinagkatiwalaan. "
"Talaga bang makukulong ang Dela vega na 'yon? "
"Hindi 'yon gano' n kadali, maimpluwensiya siya at makapangyarihan. "
Napalingon siya sa binata.
"Kung gano'n malaya pa rin siya kahit may mga ebidensiya na?"
"Hindi naman, pero hindi sapat ang ebidensiya para makulong siya. "
"Kung gano'n, malulusutan pala niya ito?" Nababaghan niyang tanong.
Siya naman ang tiningnan ni Gian.
"Hindi 'yon mangyayari, hindi ko 'yon mapapayagan. "
"Pero wala naman tayong magagawa dahil makapangyarihan siya! " Bakas sa kanyang mukha ang anyo at galit para sa taong minsan ay itinuring ng kanyang lolo bilang kaibigan.
"Makukulong pa rin siya, pero ang magpapakulong sa kanya ay ang taong bayan.
Lahat sa kanyang distrito ay hindi na siya tinatanggap. "
Napalunok si Ellah.
Pumasok si Vince.
"Kumusta pare?"
"Gian pare, mantakin mong nahuli natin ang pinakamalaking isda?"
"Hindi siya isda, ahas siya!" sabad ng dalaga.
Natawa ang dalawang lalaki.
"Pare, isinusuka na siya ng kanyang distrito, mahirap man o mayaman ay nagsasampa ng reklamo, isipin mo na lang hindi lang siya nangungurakot, isinusugal pa niya sa casino ang pera ng bayan! Bukod pa ro'n siya nga ang may-ari ng kuta ng kargamento at hindi lang 'yon siya rin ang may-ari ng kumpanya! "
"Alam ko na 'yon, kaya hindi man tayo ang makakapagpakulong ayos lang dahil ang mismong taong bayan ang gagawa noon para sa atin. "
"Pare, malaking tulong ang ebidensiyang hawak mo, dahil unti-unti ng lumantad ang baho ng congressman na 'yon. "
"Tama ka pare, kumusta si don Jaime?"
"Hayun! Gigil na gigil sa kaibigan niya kuno!"
"Naaawa ako kay don Jaime, nagtiwala siya sa maling tao. "
"Pare, anong tao? Demonyo ang pinagkakatiwalaan niya!"
"Vince pare, salamat sa pag-aalalay kay don Jaime, hindi ko kasi 'yon magagawa sa ngayon. "
"Ayos, lang pero hindi ba, gagaling ka na?"
"Tama ka. "
"Ayos 'yan! O sige pare, aalis muna ako, marami pa akong aasikasuhin eh. "
"Sige pare salamat. "
"Mauuna na ako Ms. Ellah. "
" Maraming salamat Vince. "
Hinarap niya ang kasintahan pagkaalis ng kaibigan nito.
"Gian?"
"Bakit?"
"Paano mo nalamang si Delavega ang bagong may-ari ng kumpanya?"
Huminga ito ng malalim.
"Ipinakumpirma ko kay Greg ang tungkol kay Rodney Chang ang bagong investor, at ang natuklasan ni Greg ay may inuugnay ditong nagngangalang John Cervantes. Ito raw ang bagong may-ari ng inyong kumpanya na may construction company.
Nang hinanap ko sa record ng DTI wala roong nakalagay na MEDC na pagmamay-ari ng John Cervantes kaya alam ako na hindi sa legal na pamamaraan nakuha ang kumpanya."
Nagtagis ang mga ngipin ng dalaga.
Base sa sinasabi ni Gian halatang matagal ng pinagplanuhan ang pag-agaw ng Congressman sa kumpanya nila!
" Noong ipinaaalam ko kay Esiah ang mga negosyo ni Congressman, ibang pangalan ang nakalagay doon bilang may-ari."
"Sino?" Kinakabahang tanong niya.
"Si John Cervantes."
"At alam mo ba kung ano ang natuklasan ko?"
"Ano?"
"Ang may-ari ng MEDC ay si John Cervantes.
Wala sa DTI pero nang ipatuklas ko ng palihim doon lang lumabas."
Naikuyom ng dalaga ang kamay bago sinabi ang nakumpirma niya.
Ibig sabihin si Congressman Delavega at si Cervantes ay iisa."
"Tama ka, may kutob na ako noon pa man na taga labas ang may pakana sa lahat ng gulong nangyayari sa kumpanya ninyo hindi ko lang ma pin point kung sino."
"Wala man lang kaalam-alam si lolo?"
"Hindi niya alam pero hindi rin siya nagtitiwala ng lubusan sa Congressman. Tama si don Jaime, walang kaibigan pagdating sa kapangyarihan. "
Tumalim ang tingin ni Ellah sa kawalan.
"Gian, gusto kong makita sa na humimas ng rehas ang Congressman na 'yon! "
"Mangyayari ang gusto mo, at hindi siya basta-basta makakapagpiyansa dahil taong bayan ang magpapakulong sa kanya."
---
Makalipas ang isang linggo.
Tuluyan ng nalinis ang landas ng binata.
At tuluyan na rin siyang gumaling.
Sa kanyang paglabas napakaraming magandang nangyayari sa kanya.
Naisip tuloy ni Gian ang sinabi ng dalaga, na baka maaga siya kukunin ni Lord!
Hindi kasi niya inaasahan na iimbitahan siya ni don Jaime para sa isang hapunan na tahimik nilang piangsasaluhan.
Malapit na silang matapos sa pagkain nang magsalita ang don.
"Gian, nagpapasalamat ako at nakaligtas ka sa nangyari at nalantad ang tinatago ng congressman na 'yon dahil sa tulong mo. "
"Wala po 'yon don Jaime. "
"Matanong ko lang, bakit hindi ka gumanti?"
Nagkatinginan sila ng dalaga.
Uminom ng tubig ang don bago nagsalita.
"May sapat kang kakayahan para gawin 'yon.
Hindi ka ordinaryong tao at mataas ang tungkulin mo sa lipunan. Pero sa kabila ng lahat tinulungan mo ang taong nagpapatay sa'yo. "
Yumuko ang binata.
"Hindi ko po 'yon magagawa sa taong dati ay tinulungan din ako.
Don Jaime kayo ang dahilan kaya hanggang ngayon nabubuhay pa rin ako.
Kung hindi dahil sa tulong ninyo matagal na akong patay. Kaya bakit ko gagawin ang paghihiganti sa taong pinagkakautangan ko ng aking buhay? "
Hindi nakapagsalita ang matanda.
"Don Jaime, kung maaari lang po kalimutan na natin ang nangyari dahil kahit kailan hindi ko kayo magawang pag-isipan ng masama. "
Namula ang mga mata ng don.
"M-maraming salamat Gian, mahirap ng makatagpo ng taong tulad mo. Kaya ipagkakatiwala ko sa'yo ang apo ko ng buong buo. "
Nakahinga ng maluwag si Ellah samantalang naninikip ang dibdib niya sa saya!
"Pero sa isang kundisyon. "
Kumabog ang dibdib ng binata sa narinig.
Kinabahan siya sa kadahilanang baka matindi ang kapalit.
"A-ano ho 'yon don Jaime?" lakas loob niyang tanong.
"Mag resign ka sa trabaho mo. "
Natigilan si Gian.
"Hindi pwede 'yan lolo! Hindi 'yon gano'n kadali!" angal ng dalaga.
"Ellah, makinig tayo sa sasabihin ng lolo mo, " aniya habang nakatingin sa kasintahan.
"Sa tuwing magkakasama kayo ng apo ko, hindi ako mapapanatag dahil alam ko kung gaano ka delikado ang trabaho mo.
At hindi ko maiiwasan ang mangamba na baka manganganib din ang apo ko."
Hindi siya nagsalita at naiintindihan niya ang ibig sabihin ng don.
"Kaya kung papayag ka, ipagkakatiwala ko sa'yo si Ellah. "
"Lolo naman! Ginigipit ninyo si Gian!" daing ng nobya.
"Mahal niya ang trabaho niya sana po ay igalang natin 'yon!"
Huminga ng malalim ang binata bago tumingin ng matiim sa don.
"Pumapayag po ako don Jaime, " deretso niyang sagot.
Nanlalaki ang mga mata ng nobyang nakatingin sa kanya.
"Gian!"
"Wala ng mas mahalaga pa sa inyong apo don Jaime, kaya kahit gaano man kabigat ang kapalit na hihilingin ninyo ay gagawin ko, tatalikuran ko ang lahat para sa inyong apo. "
Hinarap niya ang kasintahan at buong pagmamahal na tiningnan.
"Lahat magagawa kong ipagpalit kung ikaw ang nakataya Ellah."
Sa pagkakataong ito natahimik ang nobya.
"Magaling ang desisyon mong 'yan, madali kang kausap, " ani don Jaime na ikinatingin niya rito.
" Huwag kang mag-alala, dahil sa pag-alis mo sa iyong trabaho ay gagawin kitang presidente ng kumpanya ko. "
Ang mga mata naman niya ang nanlaki sa kaba.
"Pero dapat magpakasal muna kayo ng apo ko para maging legal ang pag appoint ko sa'yo. "
Napalunok ang binata.
'Kakayanin ko ba?'
"Ellah, hija," tinignan nito ang apo.
"Simula ngayon ang iyong mapapangasawa ay isa ng negosyante!"
Napatanga ang dalawa!