Episode 6 The Confession

2662 Words
Sabay silang napatingin sa sumbrero. "Tang ina!" mahinang mura ng binata. Nang sa pagtihaya ng binata ay sumalubong ang baril sa noo ni Gian. Nanlaki ang mga mata ng dalaga ni hindi siya nakasigaw. Naipikit niya ang mga mata at hinintay ang kamatayan nito! Pumutok ang baril kasabay ng pagdilat ng mga mata niya. Nakita na lang niyang nag-aagawan ang mga ito sa baril kaya kung saan-saang dereksyon ito nakakatutok sabay putok. Sinipa ng binata ang binti ng lalaki kaya napaluhod ito at inundayan ng sunod-sunod na suntok sa mukha hanggang sa mawalan ito ng ulirat. Mabilis nitong napulot ang baril at nang kukunin na nito ang sumbrero ay saka naman ito pinaputukan ng kasamahan ng kalaban kaya mabilis na nagkubli ang binata sa poste na kinaroroonan ni Ellah. Walang ibang ginawa si Ellah kung hindi ang manalangin. Napaluha ang dalaga. Gumanti ng pamamaril si Gian. Palingon-lingon ito sa kinaroroonan ng kalaban habang panay ang tingin sa sumbrerong nalaglag. "Ano bang ginagawa mo?" mahinang singhal niya. Pero hindi siya nito pinansin. Alam niyang muli nitong kukunin ang sumbrero. "Gian please!" hinawakan niya ito sa braso. "No!" iwinaksi nito ang kamay niya. Huminga ito ng malalim at siya pinigilan ang pag hinga. Tumakbo ang binata nang nakayuko papunta sa sumbrero habang nagpapaputok ng sunod-sunod. Inunahan nito ang kalaban, at nang makuha nito ang sumbrero ay mabilis itong tumakbo pabalik habang hinahabol ng bala. Marami ang sasakyang nakaharang kaya hindi ito tinatamaan. Ang huling bala ay tumama sa posteng pinagkukublihan nila kaya hindi ito tumagos. "Muntik na 'yon ah?" Hindi siya umimik. Halo-halo na ang kanyang nararamdaman. Takot at galit! Maya-maya pa ay nakita na nila ang paparating na mga gwardya ng naturang restaurant at nagpaputok. Nabaling dito ang atensyon ng kalaban. "Ms. tatakbo tayo papunta sa kotse. Ihanda mo ang sarili mo." Hinawakan ni Gian ang isang kamay niya at pinagsalikop ang kanilang mga daliri at mahigpit na nakahawak sa isat-isa. "Bibilang ako." Naging sunud-sunuran siya sa lahat ng sasabihin ng bodyguard dahil parang ito lang paraan para makaligtas. "Isa...dalawa...takbo!" Magkasabay silang tumatakbo habang hinahabol ng bala! Panay naman ang sigaw niya sa tindi ng takot. Biglang may humarang kaya pinaputukan ito ng binata, tinamaan ito sa dibdib at bumulagta. Nanginig ang dalaga! Hindi na sila tinigilan ng mga ito, kaya napaupo sila habang nakakubli sa isang sasakyan. "Ms. tumakbo ka sa kotse, tumakbo ka ng mabilis at 'wag kang lilingon, naiintindihan mo? Huwag kang lilingon!" mahinang bulong ni Gian at ibinigay sa kanya ang susi. "O-oo!" tinanggap niya 'yon. Nararamdaman niyang unti-unting lumuluwag ang pagkakahawak nito sa kanyang kamay. "Bibilang ako ng..." "Natatakot ako!" "Nandito ako sa likuran mo, magtiwala kang hindi kita pababayaan!" Huminga ng malalim ang dalaga. Bahagya siyang tumayo. "Isa...dalawa...TAKBO!" Kumaripas ng takbo si Ellah! Nagsimula na naman ang barilan at nagpalitan ng putok. Napahiyaw siya at napatakip ng tainga habang tumatakbo nang nakayuko. Nagpakubli-kubli siya sa maraming kotse. Tumatakbo siya habang pinoprotektahan ng baril ng binata, hanggat may nagtatangkang bumaril sa kanya ay mabilis nitong pinapuputukan ang kalaban. Hanggang sa nakarating siya sa kotse, naiiyak na binuksan niya ang pinto at mabilis na pinaandar. Nasa isipan niya ang pag-alis para makaligtas at hayaan na lang ang gwardya. Umikot siya at ilang sandali pa ay palabas na. Napalingon siya nang makarinig ng putok at nakitang nagkukubli si Gian sa mga kotse. Bigla niyang iniliko pabalik sa kinaroroonan ni Gian. Panay pa rin ang pamamaril nito. Binuksan niya ang unahang pinto. "Gian pasok!" Mabilis itong pumasok. "Dapa!" utos nito. Dumapa siya habang nagmamaneho. Isinara nito ang pinto. Pinalipad ng dalaga ang kotse habang tuloy sa pakikipagbakbakan ang binata. Nakalabas sila sa basement. Nagkagulo ang mga tao! Hindi na sila hinabol ng mga ito. Nang medyo nakalayo na sila ay nagsalita ito. "Ako na ang magmamaneho." Agad silang nagpalit ng puwesto, hindi na siya nag-abalang bumaba. Saglit lang ito na ang nagpapalipad ng sasakyan! --- Nang kumalma ang sitwasyon, inihinto ni Gian ang sasakyan at biglang hinila ang dalaga palapit. "Ayos ka lang ba? Wala bang masakit sa'yo? Hindi ka ba nasugatan?" pina-ikot-ikot niya ang dalaga. "Hindi naman, ayos lang ako." Biglang niyakap ng binata si Ellah. Nararamdaman niya ang panginginig ng amo. "Salamat at ligtas ka." "Akala ko mamamatay na tayo," mangiyak-iyak na wika nito. Naaawang hinaplos niya ang likod nito upang kumalma. "Hindi mangyayari 'yon hanggat ako ang kasama mo." Gumanti ng yakap ang dalaga. Namagitan ang katahimikan hanggang sa kumalma na ito. "Pero bakit bumalik ka pa? Dapat iniligtas mo na ang sarili mo at iniwan ako, delikado ang ginawa mo kanina." "Hindi ko 'yon gagawin! Mamamatay ako sa konsensiya kung may nangyaring masama sa'yo." "Mas ikamamatay ko kung napahamak ka." Inihimlay ng dalaga ang ulo nito sa kanyang balikat. Napakislot siya at nanigas pero hinayaan lang ito. Nagpapasalamat siya at walang anumang masamang nangyari rito. Matagal silang nagyakapan. "Natatakot ka pa ba?" "Hindi na masyado, ikaw hindi ka ba nasugatan?" "Hindi" "Naiinis ako sa'yo kanina." Kumalas ang binata sa pagkakayakap. "Bakit?" "Nasa panganib na nga tayo nagawa mo pang pulutin ang sumbrero mo." "Bigay mo 'yon ayokong iiwan lang doon." "Pero kahit na! Pwede pa kitang bilhan uli ng mas marami kung talagang nagustuhan mo 'yon." "Wala ng papantay sa bagay na 'yon Ms. Ellah." "Are you crazy? Paano kung nabaril ka dahil lang sa sumbrero na 'yon hindi mo ba naiisip kung gaano ka delikado ang ginawa mo kanina?" "Hindi naman ako tinamaan eh." "At nagrarason ka pa paano kung namatay ka dahil lang do'n?" Napangiti ang binata. "Masyado kang nag-alala gusto ko tuloy isipin na kaya ka nagkakaganyan ay dahil natatakot kang mawala ako." "Tama ka! Natatakot talaga ako!" Napalingon siya rito. "Anong ibig mong sabihin?" "Natatakot akong mawalan ng bodyguard!" "Iyon lang?" panigurado niya. "Oo 'yon lang." Bumuntong-hininga si Gian. "Sino ba 'yong mga 'yon?" tanong niya habang nagmamaneho pauwi. "Anak siya ng isang congressman sa kabilang distrito. Maimpluwensiya ang pamilya nila." "Sino ba siya?" "Xander Dela vega." "Xander, Dela vega" ulit niya. "Buti na lang hindi na nila tayo hinabol." "Hindi nila 'yon magagawa dahil isang pulitiko ang ama niya ma eeskandalo sila." "Buti na lang anak siya ng pulitiko kaya nakaligtas tayo." "Huwag kang mag-alala dahil hanggat ako ang bodyguard mo walang sino man ang makakapanakit sa'yo." --- Kinabukasan may date na naman ang amo niya dahil linggo. Masakit man ang katawan pero hindi niya ito tinanggihan nang ayain na naman siyang magtrabaho kahit linggo. "Hindi mo ba sinabi sa lolo mo ang nangyari kagabi?" tanong niya habang nagmamaneho patungo sa katatagpuin nito. "Hindi na, mag-alala pa siya." "Paano kung mangyari uli ang ganito?" Hindi ito umimik. "Dapat sinabi mo" "Para ano pa? Mag-aalala lang siya." Hindi na siya kumibo dahil parang masama ang pakiramdam niya at nilalamig na. "Okay ka lang ba kagabi? Pasensiya na kung nadamay ka" Napalingon siya rito. "Ayos lang ako ikaw ang inaalala ko." "Ayos lang ako." Hindi na siya umimik at matamang nag-isip kung bakit hindi napabalita ang nangyaring gulo kagabi. "Wala man lang yatang balita sa nangyari kagabi?" "Ganyan kalakas ang impluwensya ng mga Dela vega. Kaya nilang pagtakpan ang isang eskandalo." Kung nailabas 'yon sa medya tiyak ng sira ang pangalan ng mga ito kaya maagap na tinakpan na parang walang nangyari. Napaisip siya sa nangyari. 'Kung sakali bang namatay ako kagabi ganoon na lang ba 'yon? Papanaw ba akong wala man lang makakaalam? Dahil sa lakas ng impluwensiyang kayang magtakip ng katotohanan?' "Tingin ko hindi na naman mangyayari ang nangyari kagabi," basag nito sa katahimikan. Huminga siya ng malalim. "Ayos ka lang ba?" Umiling ito "Medyo masakit ang katawan ko at parang magkakasakit ako eh." Binagalan niya ang pagmamaneho. "Huwag ka na lang kayang tumuloy?" "Hindi pwede, magagalit si lolo." Napatiim bagang siya sa narinig. "Pero kung sinabi mo ang nangyari kagabi tiyak hindi ka na niya papayagang makikipag date pa kung kani-kanino." "Hayaan na lang natin tingin ko hindi na 'yon mauulit pa." "Pero magkakasakit ka na!" bahagyang tumaas ang kanyang boses. "Simpleng sakit lang 'to! Mas kaya ko ito kaysa tanggihan si lolo!" Hindi na siya kumibo hanggang sa nakarating sila. Iniisip lang naman niya ang kapakanan ng amo. Inihatid niya ito papasok sa loob. Nakita ni Gian na tumayo ang lalaki at talaga naman masasabi niyang pinagpala ito. May itsura na mayaman pa! 'Hotelier? Talaga naman! Talagang umaapaw sa kayamanan ang mga lalaki rito!' "Hi! Thank you for coming," ipinaghila nito ng upuan ang dalaga. "Hello," umupo na si Ellah. "Sa labas lang ako," paalam niya. "Sige" tugon ni Ellah at hinarap na ang lalaki. Nanatili siya sa labas, base sa takbo ng nakikita niya natitiyak niyang hindi na ito masasaktan. Napasandig ang binata sa dingding. Habang panay ang kanyang pagbuntong-hininga. "Buti kahit papaano nakarating ka," dinig niyang wika ng lalaki. "Ha?" "Nagpapasalamat ako dahil hindi naman nasayang ang paghihintay ko ng almost one hour." "P-pasensiya ka na, sa totoo lang kasi may sakit ako eh pero pinilit ko talagang pumunta." "Ha? Kung ganon dapat na ipostpone na lang sana, mas importante pa rin ang kalusugan kesa sa mga ganito. Marami pa namang ibang pagkakataon." Napatiim-bagang ang binata at nakapikit. Hindi niya sinasadya ang makinig sa usapan pero para kasing nanghihina ang kanyang tuhod sa nasaksihan. 'Ganitong klaseng lalaki ang nabababay sa kanya hindi ang gaya ko.' Kailangan na niyang umalis. Pinilit niya ang sarili na lumayo at naghintay sa loob ng sasakyan. "Ang tagal namang lumabas!" Nagsimula na siyang mainip habang nakatayo sa labas ng kotse. Napapailing si Gian. 'Mantakin bang pagkatapos ng gulo ay makikipagdate pa ito? Hindi man lang na trauma, animo sanay sa gyera!' Pumasok siya sa loob ng sasakyan at isinandal ang ulo sa upuan at ipinikit ang mga mata. Naalala niya ang barilang naganap kagabi. Naisip niyang kaya nga niyang ibuwis ang buhay para sa dalaga. Hindi niya matatanggap na mapahamak ito habang nasa kanyang mga kamay. Pero nasaan ito ngayon? Masayang nakikipagtagpo sa ibang lalaki. "Tangna namang buhay 'to!" naiinis na mura ni Gian. Panay ang sulyap niya sa labas ng restaurant. Bumuga ng hangin ang binata. Masakit ang kanyang katawan dahil sa natamong bugbog. Pero mas masakit ngayon ang nararamdaman niya. Muli niyang sinulyapan ang restaurant. Tiningnan niya ang orasan sa kotse. Alas otso y medya na ibig sabihin mag-iisang oras na pero hindi pa rin lumalabas ang dalawa. Kung bakit kasi tila ba napakabagal ng oras gayong naiinip na siya sa kakahintay. Kung kailan ka nagmamadali ay siya namang bagal ng oras. Maya-maya pa lumabas ang mga ito kaya ganoon na lang ang kanyang tuwa. Ngunit ang saya na 'yon ay dagli ring naglaho nang mapansin niya ang isang bagay. Magkahawak-kamay ang dalawa. Biglang sumakit ang kanyang mga mata sa nakita. Ipinikit niya ang mga mata nang makitang hinalikan ng lalaki sa pisngi ang amo. Umahon ang galit sa kanyang dibdib at animo gusto na niyang gibain ang pagmumukha ng kahalikan nito. Ngunit, wala siya sa posisyon para makialam sa relasyon ng kanyang amo, tauhan lang siya. Isang hamak na tauhan! Nang malapit na ang dalaga sa kotse ay inayos niya ang sarili. At walang imik na pinagbuksan ito ng pinto. Wala ring imik na pumasok ang dalaga. Walang imik na nagmaneho siya palabas. Nasa daan na sila pero nanatiling walang umiimik sa kanila. Humugot ng malalim na paghinga si Gian bago nagsalita. "Saan po tayo?" tipid niyang tanong. "Uuwi na" tipid din nitong sagot. Wala ng nagtangkang magsalita sa kanilang dalawa. Pakiramdam ng binata napakahaba ng gabi, sinulyapan niya ang dalaga, nasa labas ito ng bintana nakatingin. Itinutok niya ang paningin sa daan. 'Pasensiya ka na Ms. Ellah pero hindi ko pa kayang makipag-usap sayo.' Marahas na huminga ng malalim si Ellah. "Bakit napakatahimik mo na naman ano bang nangyayari sa'yo?" Hindi siya umimik. "Ano ba? Magsalita ka, sabihin mo kung ano ang nararamdaman mo bigla ka nalang mananahimik diyan." Muli, hindi siya nagsalita. Mas lumala yata ang panlalamig na nararamdaman niya kaya hininaan niya ang aircon. "Gian ano ba! Sumagot ka!" sigaw na ni Ellah. "Wala!" Hindi na rin ito nagsalita. Mahaba pa ang byahe pero nakakabingi ang katahimikang namamagitan sa kanilang dalawa. "Ihinto mo diyan sa tabi ng pharmacy." Sinunod niya ang utos nito. Lumabas ang dalaga at saglit lang may dala na itong gamot. "Hindi mo siguro napapansin pero may sugat ka sa gilid ng labi mo" Nilagyan nito ng gamot ang bulak. Napahinto ang binata nang maipit sila sa traffic. "Lumapit ka dito." Tama naman ito ang mga mababaw na sugat lang ay hindi na niya pinapansin pa. "Okay lang ako, hindi pa ako mamamatay nito." "Kahit na, gamutin mo 'yan!" Kinuha niya ang bulak at inilagay sa gilid ng kanyang labi. "Hindi mo nalagyan ng husto." Lumapit ang dalaga at kinabig ang kanyang mukha paharap dito. Agad nitong nilagyan ng gamot ang gilid ng labi niya at pagkatapos nilagyan ng plaster. Nagtagpo ang kanilang paningin pero sabay silang nag-iwasan. Tama lang dahil paalis na rin sila doon. Hanggang sa nakarating sila ng tirahan wala silang imikan. Pinagbuksan niya ng pinto ang dalaga. Bumaba ito ng walang lingon-likod. --- Dumeretso si Gian sa bar. Mapait man ang likidong gumuguhit sa kanyang lalamunan pero mas mapait pa rin ang kanyang nararamdaman. Nilulunod niya ang sarili sa inumin para kahit paano mabawasan ang sakit na kanyang nararanasan. Alam niyang umeepekto na ang likido sa kanya pero wala siyang pakialam! Nang makaramdam ng antok ay nahiga siya sa sofa. "Sir, gising na po, kayo na lang ang natira dito eh, magsasara na ho kami madaling araw na," niyugyog siya ng mga ito. "Uunnnggg" Kinuha ng mga 'yon ang kanyang cellphone. Wala na siyang pakialam sa sobrang antok. "Tol, pakihanap nga ng number na pwedeng matawagan at tumulong dito." "O heto pare, boss ang nakalagay, tiyak lalaki kaya madadala siya nito." "Tama sige tawagan mo na." Maya-maya ay nagbalik ang mga ito. "Sir, gising may susundo na sa'yo." "Sino ba 'yan? Ikaw ba 'yan Vince?" tanong niya habang nakapikit. Mabigat ang kanyang pakiramdam at nahihilo siya sa tindi ng sakit ng ulo. Pero hindi umimik ang tinatanong niya. Naramdaman niyang nasa loob na sila ng kotse. "Vince pare, hindi ko na yata kaya, aalis na ako. Masakit na eh, masakit ng makita na may iba siyang kinakatagpo. Masakit ng ihatid siya sa kung sino-sinong lalaki. Para akong sasabog, pero wala akong magawa dahil utos 'yon ni don Jaime." Huminga siya ng malalim. "Pero kahit ganon, kaya ko palang itaya ang buhay ko para sa babaeng 'yon pare. Akala ko hindi na kami makakaligtas. Pare buti na lang dahil kung hindi, baka pinaglalamayan mo na ako ngayon. Pare masakit palang isipin na kahit sa huling hininga mo ang ililigtas mong tao ay walang pagtingin sa'yo. Pare, hindi ko na alam ang gagawin ko." Katahimikan. "Ang sakit pare, ang sakit lang na walang pag-asa siguro kasi tingin niya isa lang akong hamak na gwardya. Pare hindi niya ako kilala, hindi niya alam na sinunod ko lang ang gusto ni don Jaime! Kahit na masama ang pakiramdam ko ay hindi ko pa rin kayang tumanggi pagdating sa kanya. Kasi trabaho ko na protektahan siya paano kung biglang may mananakit na naman? Paano kung masaktan na naman siya at wala ako? Pero tama pa ba itong ginagawa ko pare? Tama pa ba na ako naman ang nasasaktan?" Kuyom ang isang kamay niya at ipinukpok sa sariling dibdib. "Bakit? Hindi pa ba sapat ang mga ginawa ko? Bakit hindi niya nakikita? Dahil ba sa isa lang akong hamak na gwardya? Iniisip niya siguro na trabaho ko naman talaga ang bantayan siya. Aminado naman akong hanggang doon lang ako. Ako lang itong gago na lumagpas sa limitasyon. Wala siyang alam pare, wala siyang alam na habang masaya siya nasasaktan ako. Tulungan mo ako pare, ayoko ng ganito, ayokong nasasaktan ako. Tulungan mo ako na makalimutan siya." Humugot ng malalim na paghinga ang binata kasabay ng pagkarinig ng mahinang hikbi ng isang babae kaya awtomatikong kumabog ang dibdib niya. "Sino 'yan?" Kabadong tanong niya at pilit ibinubuka ang mga mata. Sigurado siyang babae ang tinig na 'yon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD