Pangarap At Paghihirap

1614 Words
MULA SA KASALUKUYAN "Aling Martha—yahoo.. May tao po ba?" mula sa loob ng kanilang bahay dinig na dinig nila ang boses ng kaibigan niyang si Ella na nasa tapat ng kanilang tarangkahan. "Nandiyan na ang kaibigan mo Valerie anak," tawag naman ni Aling Martha sa anak na noon ay abala sa kanyang niluluto. "Nandiyan na po Mama, saglit lang po ito matatapos na po ako dito." sagot naman ni Valerie sa Ina. Ganito palagi ang gawain niya araw-araw. Bago lisanin ang kanilang munting tahanan para pumasok sa skwelahan kung saan siya nagtuturo bilang isang guro ay ipinagluluto muna niya ng makakain ang kanyang Ina na may sakit at isa nitong kapatid na si Dave. Siya ay wala ng Ama. Bata pa lamang siya noong namatay mula sa sakit ang kanyang Ama. Kaya naman sa ikalawang pagkakataon nag-asawang muli ang kanyang Ina at nagkaroon sila ng isang anak na walang iba kundi si Dave. Sakit sa ulo ang kanyang pangalawang Ama. Wala na ngang trabaho—lulong pa sa sugal at palaging lasing ito kapag umuuwi sa gabi. Nagpunas na siya ng kanyang kamay at lumapit sa Ina na dala ang pagkaing kanyang niluto. "Mama—pagkatapos niyo pong kumain inumin niyo na po ang mga gamot ninyo." inilapag na nito ang nilutong pagkain sa lamesa at saka kinuha ang mga gamot ng Ina. "Ito po pala Mama, kaunting halaga para sa baon po ni Dave at para sa iba niyo pang pangangailangan." sabay abot nito ng ilang piraso ng tig- isang libong pera. "Naku! Sobra naman yata ito anak. Baka wala ng natira sa sahod mo ah," "Huwag po kayong mag-alala Mama. Nag-iipon po ako kahit paunti-unti, kunin niyo na po 'yan. Nakapaghulog narin po ako sa mga kailangan kong bayaran." sagot pa nito kay Aling Martha. "Salamat anak ah, pasensya kana at nagiging pabigat na ako sa'yo. Pangako anak kapag lumakas- lakas na ako babalik na ako sa pagbebenta ko ng mga gulay sa palenengke." "Ma—huwag niyo ng isipan 'yan. Mahal ko kayo at handa kong gawin ang lahat para sa inyo. " matamis itong ngumiti sa Ina at bahagyang niyakap ito. Naaalala tuloy niya ang lahat ng hirap at pagod na pinagdaanan niya bago niya nagawang maging isang ganap na guro. Lahat ng pwedeng pagkakitaan pinasok niya. Naglalabada siya tuwing araw ng Sabado at Linggo sa mga kapitbahay nilang may kaya sa buhay. Minsan naman ay nagpupunta siya sa mga bahay-bahay para mag- tutor. Siya ay may pangarap sa buhay, ito ay ang maging isang guro. Kahit kapos sa buhay ay nagawa niyang igapang ng mag-isa ang kanyang pag-aaral. Natupad nga niya ang kanyang pangarap, at ngayon ay isang certified teacher na siya at nagtuturo sa elementarya. "Anak baka pinapagod mo naman ang sarili mo ah, alalahanin mo may sakit ka din." "Ma, kayang kaya ko pa. Malakas pa ako sa kalabaw Mama, huwag kayong mag-alala." sa kabila ng kasiyahan sa kanyang mukha, hindi mo aakalaing mayroon siyang itinatagong karamdaman. "Basta anak, hangga't maaari ayaw kong mapagod ka. Anak mangako ka sa akin, aalagaan mo ang sarili mo. Kayo na lang ang kayamanan ko anak, tandaan mo yan." siya ay matamis na ngumiti pabalik sa Ina. Hangga't maaari, ayaw na ayaw na sana niyang pag-usapan pa ang tungkol sa kanyang karamdaman. Pilit niya itong itinatago maging sa kanyang kasintahan na si Enrico. May pangarap siya sa buhay, at iyon ay ang maiahon sa hirap ang kanyang magulang at nag-iisa nitong kapatid. "Mama, siguraduhin ninyong mapupunta ito kay Dave ah, at sa pangangailangan ninyo, hindi sa lasenggo ninyong asawa." napakamot sa ulo ang Ina at saka muling nagwika. "Anak naman, hanggang ngayon ba naman hindi mo parin natatanggap na maging Ama ang Tito Oliver mo? Anak para kay Dave, subukan mo naman oh." isang buntong hininga ang kanyang naisagot. "Tanggap ko naman Mama eh, pero ang hindi ko matanggap ay kung paano niya kayo tratuhin. Sinasaktan kana niya Mama, kailan po kayo magigising sa katotohanan?" muli ay wika niya sa kanyang Ina. "Anak, mabait ang Tito Oliver mo. Kaya lang naman niya ako nagagawang saktan minsan dahil narin sa tigas ng ulo ko. Pero promise anak—hindi na iyon mauulit pa. Nangako na ang Tito mo na magbabago na siya," ilang beses na niyang narinig iyon mula sa kanyang Ina, na magbabago na daw pero patuloy parin niya itong pinagbubuhatan ng kamay. "Ilang beses na siyang nangako Mama? Sampung beses? Hindi ko na mabilang. Tsk. Kung ako lang ang masusunod— dapat iwan niyo na ang walang kwentang tao na iyon. Kaya ko kayong buhayin ni Dave Mama. Gagawin ko ang lahat para mabuhay tayo, masaya naman tayo noong dalawa lang tayo hindi ba?" magkahalong lungkot at galit ang kanyang nadarama habang sinasambit ang mga katagang iyon. "At sino ang ipinagmamalaki mong babae ka?" gulat na gulat silang napalingon ng marinig nila ang boses ng kanyang amain. "Matapang kana ngayon huh?!" hinila niya ang mahaba nitong buhok at saka diniinan ang pagkakahawak nito sa kanyang panga. "Oliver, bitiwan mo si Valerie. Please, hi-hin-di naman sinasadya ng anak ko ang mga nasabi niya. Ako na lang ang saktan mo Oliver, huwag ang anak ko!" nakikiusap na turan ng kanyang Ina. "Malaki na ako Tito—hindi mo na ako matatakot ngayon. Kung noong bata ako nagagawa mo akong takutin ngayon, hindi na ako papayag!" buong tapang niyang saad sa kanyang amain. "Ahuh! Ganoon pala—tingnan natin ngayon ang tapang mong babae ka!" hinila niya paalis ng kusina si Valerie at binuksan niya ang pintuan sa kanilang sala sabay tulak nito palabas ng pintuan. Halos bumagsak sa magaspang na semento si Valerie ng mga sandaling iyon. Mabuti na lamang at nandoon ang kanyang kaibigan na si Ella na siyang tumulong sa kanya para makatayo. "Lumayas ka sa pamamahay na ito ngayon din!" galit na bulyaw sa kanya ng amain. "Beshy, ayos ka lang ba?" tumayo siya ng tuwid at matapang na hinarap ang kanyang amain. "Wala kang karapatan na palayasin ako sa sarili kong pamamahay. Baka nakakalimutan mong akin ang bahay na ito. Pamana pa kay Papa ang bahay na ito at ikaw! Ikaw ang lumayas ngayon din dahil hindi namin kailangan ang isang katulad mo!" punong- puno ng galit ang kanyang boses. "Ganoon ba? Sige, lalayas ako sa bahay na ito at isasama ko ang Mama at kapatid mo! Tingnan natin kung kayanin mong malayo sa Ina mo!" nakangisi ngunit galit na wika nito sa kanya. Natigilan si Valerie sa kanyang narinig. Ito palagi ang panakot sa kanya ng kanyang Tito Oliver. Ang ilayo sa kanya ang kanyang Ina at kapatid nitong si Dave. Bata pa lamang si Valerie nakaranas na ito ng kalupitan mula sa kanyang amain. Ang hindi niya matanggap ang makita nitong sinasaktan nito ang kanyang mahal na Ina. Naiiyak siya sa isiping iyon, dahil ni minsan ay hindi niya nakitang pinagbuhatan siya ng kamay ng kanyang Papa noong ito ay nabubuhay pa. Halos araw-araw kung makaranas sila ng kalupitan mula sa kanyang Tito Oliver. Kung hindi lang dahil sa kanyang Ina at mahal na kapatid matagal na sana niyang inireklamo sa Baranggay ang ginagawa nitong pagmamaltrato sa kanilang mag-ina. "Ano—bakit hindi ka makasagot ngayon? Nasaan ang tapang mong babae ka? Hindi porke't sayo itong pamamahay ay wala na akong karapatan dito—baka nakakalimutan mong asawa ako ng Ina mo at may karapatan din ako sa lahat ng kung anong mayroon sa inyo." nagngingitngit siya dahil sa matinding galit. Isa lamang siyang babae at kahit ano'ng gawin niya wala parin siyang laban dahil mahina siya. Dahil isa lamang siyang mahinang nilalang. Pero ngayon at malaki na siya, hindi na siya papayag pa apihin at saktan na lang ng kanyang amain. "Anak—tama na! Makinig ka naman sa akin anak oh, sige na Valerie anak patawarin mo na ang Tito mo. Hindi naman niya sinasadya eh, diba Oliver?" akmang hahawakan ni Aling Martha ang asawa ng iwaglit nito ang kanyang kamay. Napalakas ang kanyang pagkakatulak dahilan para matumba at mapasubsob sa malamig at magaspang na semento ang kanyang Ina. "Walang hiya kayo! Mama—okay lang po ba kayo?" dali-dali nilang nilapitan ni Ella ang kanyang Ina para matulungan itong makatayo. "May sakit si Mama, hindi kana naawa! Hindi na ako papayag ngayon na tratuhin mo kami ng ganito! Mama, sumama ka sa akin dahil ngayon din pupunta tayo ng Baranggay. Irereklamo natin ang pananakit na ginagawa sa atin ng taong iyan!" galit na wika niya sabay duro sa kanyang Tito Oliver. "Gawin mo! Ahahah.. At sino'ng tinakot mo, ako?" mapang-asar na sabi nito habang nakatawa. Nagtiim ang kanyang bagang. Napapayukom siya ng kanyang kamao at matapang na nilapitan ang kanyang Tito Oliver. Akmang susugurin na niya ito ng salubungin siya ng isang malakas na sampal sa kanyang kaliwang pisngi. "Tumigil kana sabi eh! Mahal ko ang Tito Oliver mo—at hindi ko kakayaning mawala siya sa buhay ko! Ganyan ba kita pinalaki ha, Valerie—ang maging bastos sa mga nakakatanda sa'yo?' nagngingitngit at galit na mukha ng kanyang Ina ang sumalubong sa kanya. Sa unang pagkakataon natikman niya ang palad ng Ina. Sa unang pagkakataon sinaktan siya ng kanyang Ina ng dahil sa walang hiya nitong asawa. Bigla siyang napaluha dahil sa isiping kaya siyang ipagpalit ng Ina sa walang kwenta nitong asawa. Hawak ang kanyang nasaktang pisngi ng biglang nagdilim ang kanyang paningin. Hindi niya mawari ang kanyang pakiramdam—biglang nanikip ang kanyang dibdib at kinakapos siya sa paghinga. "A-nak? A-a-nong nang-ya-yari sa'yo?" nag-aalalang tanong ni Aling Martha ng mapansin nitong tila namumutla na ang anak. Sapo ang kanyang dibdib ng unti-unti ay bigla siyang nanghina—iyon ang huling alaala niya bago siya nawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD