Kasama ang kanyang hinete, siya ay nagpunta sa isang baryo sa bayan ng Sinait. Ang gusto niya ay mapuntahan ang pamamahay nina Ramonsito.
"Masyadong mapanganib ang maglakbay ngayon anak. Masyadong mahigpit ngayon ang gobyerno." turan ng kanyang Ina isang umaga habang siya ay naghahanda para sa kanyang pag-alis.
"Walang makakapigil sa akin Mamang," seryosong tugon niya sa Ina.
Labis labis ang pangungulilang kanyang nadarama para sa binata. Simula ng siya ay nakalabas sa bahay pagamutan hindi na niya nakita pang muli ang minamahal.
"Akoy nangungulila na sa'yo mahal ko. Nasaan kana ba Ramonsito irog ko?" sigaw ng kanyang isipan habang tahak nila ang daan papunta sa baryo nina Ramonsito.
May kalayuan ang kanilang lugar, lubak lubak ang daanan at maraming mga nagkalat na mga guwardiya sibil sa kanilang daraanan.
Makailang ulit pa silang sinita ng mga bantay ngunit dahil kilala siya at kilala ang kanilang pamilya walang kahirap- hirap na siya ay pinalampas ng mga guwardiya sibil.
Hinanapan siya ng ilang pagkakakilanlan, alam niyang mahigpit itong patakaran ng pamahalaan kaya kahit saan man siya magpunta ay dala-dala niya palagi ang kanyang sedula.
Inabot sila ng ilang oras sa daan bago nila narating ang lugar nina Ramonsito. Ang bahay nila ay nasa paanan ng bundok— may mga ilang kabahayan din malapit doon.
"Señorita Valentina, kung inyo pong mamarapatin hayaan ninyong ako na lamang ang lumapit sa bahay na iyon," bago marating ang bahay ng binata ay kailangan nilang tumawid muna sa mga pilapil.
"Hindi maaari, gusto kong ako mismo ang magpunta doon. Kung gusto mo, sumunod kana lamang sa akin." hindi na siya nagpapigil pa at kaagad na tinawid ang mahabang pilapil na iyon marating lamang ang bahay ng binata.
Pawisan man, putikan man ang kanyang pananamit ay hindi niya iyon alintana marating lamang ang bahay ng sinisinta.
Gusto na niya itong yakapin ng mahigpit, gusto na niyang masilayan ang gwapong mukha ng kanyang sinisinta.
"Nandito na ako mahal ko, Ramonsito." masayang bigkas niya habang siya ay papalapit sa kanilang tahanan.
"Ramonsito?" tawag niya sa binata ng tuluyan na siyang makalapit sa munting bahay na iyon.
Nakailang beses pa siyang tumawag ngunit bakit tila walang nakakarinig sa kanya?
Umikot siya ng lakad at nagpunta sa likuran ng bahay nila.
"Senorita, lubhang mapanganib ang lugar na ito. Umuwi na po tayo at mahirap ng abutan tayo ng gabi sa daan." muli ay tawag sa kanya ng kanyang hinete.
"Saglit lamang ito, kailangan kong makausap ang mahal ko. Ramonsito? May tao po ba dito?" ngunit walang sumasagot sa kanya.
Nangunot ang kanyang noo ng mapansin nitong sarado ang mga bintana sa bahay na iyon. Lumapit siya sa may pintuan ng mapansin nitong may isang kahoy na nakaharang din doon.
"Nakapako dito sa labas?" naguguluhang saad niya sa kanyang sarili.
"Señorita, hindi niyo ba napapansin?" sabi ng kanyang hinete ng pilit nitong tinatanggal ang nakaharang na kahoy na iyon.
"Walang palatandaan na may tao dito, senorita maaaring lumisan na ang mga nakatira dito." muli ay wika sa kanya ng hinete. Muli niyang iginala ang kanyang paningin.
Walang pakatandaan na may nakatira pa doon. Puro agiw at alikabok ang kanyang nakikita.
Hindi siya makaimik. Unti-unti ay lumandas ang kanyang mga luha sa kanyang pisngi.
"Nasaan kana ba mahal ko? Magaling na ako, ngunit bakit hindi ka parin nagpapakita sa akin Ramonsito?" tanong ng kanyang isipan habang panay ang pagpunas nito sa kanyang luhaang pisngi.
Kapwa sila napalingon ng kanyang hinete ng may may narinig silang nagsalita mula sa malapit nila.
"Ang mga Elustre ba ang hinahanap ninyo Binibini, Ginoo?" isang matandang lalake at babae ang lumapit sa kanila.
Nagpunas muna siya ng kanyang mga luha gamit ang panyong ibinigay sa kanya dati ni Ramonsito—bago muling nagsalita.
"O-opo, si Ramonsito ay aking kasintahan. Ako po naratay sa bahay pagamutan sa loob ng isang buwan ngunit hindi man lang niya ako pinuntahan. Ngayon at tuluyan na akong gumaling wala parin ang aking irog." tugon pa niya sa dalawang matanda na iyon.
"Matagal nang walang tao dito Binibini. Magdadalawang buwan na simula ng nilisan nila ang bahay na ito." gulat na gulat naman si Valentina sa kanyang narinig.
"A-a-no ang ibig nin-yong tukuyin Ginoo? Saan po sila nagtungo?" muli ay kanyang tanong sa mag-asawa.
"Walang nakakaalam kung saan sila nagtungo Binibini. Nagulat na lamang kami isang araw wala ng tao dito. Ang balita namin, sila ay nagpunta ng San Fermin pero napag-alaman namin na wala naman pala sila doon dahil hinahanap din sila ng ilan nilang mga kamag-anak mula San Fermin." pagpapaliwanag pa sa kanya ng matandang babae.
Ganoon na lamang ang kanyang panlulumo ng sandaling iyon. Labis ang kanyang pangungulila kay Ramonsito. Umasa siyang makikita niya ang binata at muling maramdaman ang init ng yakap nito.
"Sige po maraming salamat sa inyo, kami po ay magpapaalam na." sila ay nagpaalam na sa mag-asawa at ganoon na lamang ang kanyang panghihina. Malungkot niyang nilisan ang lugar na iyon.
Isa lamang ang ibig sabihin nito. Siya ay iniwan ni Ramonsito. Paano siya nagawang iwan ng taong mahal niya? Kailangan niyang muling makausap ang kanyang mga magulang.
Natitiyak niyang may ginawa ang mga ito kaya siya iniwan ng taong mahal niya. Kung ano man iyon—kailangan niyang malaman. Hindi maaari na Basta na lamang siyang iwan ni Ramonsito.
Kilala niya ang binata, tunay at wagas ang pagmamahal nito para sa kanya. At malabong mangyari na iwan nalang siya nito bigla ng walang mabigat na kadahilanan.
"Nasaan ang Mamang at Papang?" naiiyak niyang tanong sa isa sa kanilang utusan.
"Nasa silid aklatan ang Señora at Señor. Doon ka nalang magtungo Señorita," sagot pa ng utusan sa kanya.
Malalaki ang ginawa niyang hakbang para kaagad na mapuntahan ang silid aklatan kung saan niya matatagpuan ang kanyang mga magulang.
Isang malakas na pagtulak sa pintuan ang kanyang ginawa para magbukas kaagad iyon.
Isang galit na Valentina ang humarap sa kanila ng mga oras na iyon. Nanginginig ang kanyang mga kamay na sinita ang kanyang mga magulang.
"Magsabi kayo ng totoo sa akin. Mamang—Papang ano ang ginawa ninyo kay Ramonsito? Natitiyak kong may ginawa kayo sa pamilya niya kaya nila nilisan ang lugar na ito." galit na wika nito sa kanyang mga magulang.
"Ano ba ang nangyayari sa'yo iha? Wa-wala kaming ginagawa, maniwala ka man o hindi wala kaming alam." pagpapaliwanag pa ng kanyang Ama.
"Mga mapagpanggap! Sabihin ninyo sa akin ang totoo, alam kong may kinalaman kayo sa pag-alis nila Ra-mon-sito dito at ng kanyang pamilya dito sa bayan natin," nanginginig na ang kanyang boses habang kausap ang mga magulang.
"Anak, Valentina wala kaming ginagawa." muli ay turan ng kanyang Ina.
"Noon pa man hadlang na kayo sa pagmamahalan naming dalawa. Hindi ninyo matanggap na umibig ako sa isang katulad ni Ramonsito na kung tawagin ninyo any mangmang. Mahal ko ang taong iyon alam niyo 'yan. Mamang—Papang, magsabi kayo sa akin nasaan ang mahal ko?" umiiyak at nakikiusap niyang sabi sa kanyang mga magulang.
"Hin-di ninyo alam kung ano ang pakiramdam ng iniwan. Wala na si Ramonsito, tuluyan na niya akong inwan masaya naba kayo ha Mamang—Papang?" patuloy siya sa pag-iyak, patuloy siya paghagulgol.
"Maniwala ka sa amin anak—wala kaming kinalaman sa pag-alis ng pamilya ni Ramonsito dito. Marahil ay napagtanto niyang hindi siya nababagay sa'yo dahil ikaw isa kang langit at siya ay lupa lamang." mga salitang dumurog sa kanyang pagkatao. Hindi niya matanggap na ganoon na lamang kung hamakin nila ang kanyang sinisinta.
"Iyon ba ang basehan ninyo sa pagpili ng taong makakasama ninyo habang buhay? Oo isa lang siyang maralita sa paningin ninyo pero sa kanya ko naramdaman ang tunay na pagmamahal. Hindi kagaya ninyo na mga huwad at mapagpanggap!" taas noong turan nito sa kanyang mga magulang kasabay ng pagpunas niya sa kanyang mga luha.
Isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang kaliwang pisngi pagkakasabi ng mga katagang iyon.
"Lapastanganan kang anak!" bulyaw sa kanya ng kanyang Ama.
"Ano ang karapatan mong pagsalitaan kami ng ganyan? Anak ka lang namin, pinapakain sa aming mga palad kaya wala kang karapatan na sumbatan kami." malakas na sigaw ng kanyang Ama.
"Ang sama ninyo—paano ninyo nagawang ilayo sa akin ang mahal ko? Kung sa tingin ninyo magpapakasal pa ako sa Lorenzo na iyon pagkatapos akong iwan ni Ramonsito nagkakamali kayo. Mas gugustuhin ko pang mamatay na lang kaysa magpakasal sa taong iyon!" buong tapang niyang turan sa kanyang mga magulang habang patuloy ang kanyang pagtangis.
"Tama na iyan Valentina! Ricardo, maghunos- dili ka. Baka nakakalimutan mong bagong opera lamang ang puso ng anak mo. Lubhang mapanganib ito para sa kanya. Ricardo tama na!" nakikiusap naman na turan ng kanyang Ina.
"Kung kailangan ninyong saktan ako ng paulit-ulit gawin ninyo. Dahil wala ng mas sasakit pa sa nararamdaman ko ngayon. Sana nawala na lang ako sa mundong ito, sana natuluyan na ako ng mga sandaling iyon. Ano pa ang silbi ng buhay para sa akin kung mawawala naman ang taong tanging nagbibigay sa akin ng kalakasan ng loob. Wala na Mamang—Papang, wala ng silbi ang buhay para sa akin ngayon!" pagkatapos niyang banggitin ang mga katagang iyon siya ay nagmamadaling lumabas ng silid aklatan at kaagad na tinungo ang kanyang silid.
"Ang daya mo Ramonsito! Bakit mo nagawang iwanan ako? Hindi mo naba ako mahal?" patuloy ang kanyang pag-iyak habang siya ay nakasubsob sa kanyang unan.
Hawak ang kanyang dibdib habang patuloy siya sa kanyang panaghoy.
Ano ang silbi ng buhay kung Wala na ang taong nagbibigay sa kanya ng lakas para mabuhay?
"Ang pag-ibig ko sa'yo ay tunay, wagas at mananatiling dalisay. Sa kabila ng antas sa buhay ikaw ay aking nakilala at minahal ng lubusan. Tayo ay nangako na tanging kamatayan lamang ang maghihiwalay sa ating dalawa. Pero nasaan na ang pangakong iyon? Nasaan ka aking sinisinta? Magbalik kana, Ramonsito, magbalik kana aking buhay aking sinisinta." patuloy ang kanyang panaghoy.
Hindi siya nauubusan ng mga luha. Ang sakit, sobrang sakit ng kanyang nadarama.
Mabilis ang paglipas ng mga araw, ni hindi na siya halos lumalabas ng kanyang silid. Ni ayaw na niyang kumain ni ayaw narin niyang makita ang kanyang mga magulang.
Isang araw siya ay nakatanggap ng isang liham. Ganoon na lamang ang kanyang kasiyahan at kasabikan ng makita nitong galing iyon kay Ramonsito.
"Ramonsito mahal ko," lubos ang kanyang kasiyahan. Inilagay ang liham na iyon sa kanyang dibdib at pagkatapos niyon ay kanya itong hinagkan.
Labis labis ang tuwang kanyang nadarama, dahil sa pag-aakalang siya ay kinalimutan na ni Ramonsito.
"Sabi ko na nga ba hindi mo ako magagawang kalimutan mahal ko." masiglang wika niya habang panay ang yakap niya sa liham na iyon.
Hanggang sa napagpasyahan niyang buklatin ang sulat na iyon para malaman ang nilalaman niyon.
Sabik na sabik na siya. Ramdam niya ang malakas na pintig ng kanyang puso ng mga sandaling iyon.
Unti-unti ay binuksan niya iyon. Labis labis ang kanyang kasiyahan, halos mapatalon pa siya sa sobrang tuwa niya.
"Oh, Ramonsito mahal ko. Akala ko ay tuluyan mo na akong kinalimutan mahal ko," muli ay sambit niya sa kanyang sarili.
Pagkabukas niya sa liham na iyon ay kaagad niya itong binasa.
"Mahal kong Valentina. Sa mga oras na ito alam kong tuluyan ka ng magaling. Alam kong tuluyan ng naghilom ang iyong sugat." unang linya pa lamang nakaramdam na siya ng kakaiba sa kanyang dibdib.
Lumalakas ang pintig ng kanyang puso. Hindi niya mawari kung ano'ng klaseng pakiramdam iyon. Tila kumirot ang kanyang dibdib at napahawak siya doon. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagbabasa.
"Sa mga sandaling ito gusto kong malaman mo na maligaya ako para sayo mahal ko. Pakaiingatan mo sana ang iyong sarili. Wala man ako sa tabi mo, mananatili ang puso ko sa'yo. Mananatili ang pagmamahal ko para sa'yo Valentina. Hindi man tayo nakatakdang sumaya sa mundong ibabaw marahil tayo ay nakatakdang sumaya sa ibang mundo. Ito ang palagi mong tatandaan irog ko, hindi kita kinalimutan dahil wagas ang pagmamahal ko para sa'yo. Nasa iyo ang pinaka- importanteng bagay mula sa akin. At mananatili kang mahal sa akin magpakailanman at magpasawalang hanggan." hindi mapigilan ang paglandas ng kanyang mga luha habang binabasa ang liham na iyon.
Ang kasabikan niya at kasiyahan sa kanyang puso ay napalitan ng pagdadalamhati.
Yakap-yakap ang liham na iyon na itinapat niya mismo sa kanyang puso. Napapapikit pa siya habang patuloy ang kanyang pagtangis.
Bakit ganito ang nilalaman ng liham? Ano ang ibig sabihin ni Ramonsito sa kanyang mga tinuran sa liham na iyon? Kung tunay ang kanyang pagsinta bakit pinili niyang iwan ito? Mga katanungang gumugulo sa kanyang isipan.
Daig pa niya ang pinapatay ng paulit-ulit ng mga sandaling iyon. Pakiwari niya paulit-ulit na sinasaksak ang kanyang dibdib. Sobrang sakit—hindi maipaliwanag na sakit ang kanyang nadarama.
"Ang daya mo mahal ko. Ang sabi mo walang iwanan, ngunit bakit mo ako iniwan? Sa panahon na naghihirap ako wala ka sa tabi ko? Nalagay sa bingit ng kamatayan ang buhay ko—wala ka sa tabi ko? Nasaan ang pangako mo? Anong klase ng pagmamahal mayroon sa'yo? Isang huwad na pagmamahal lang ba ang ipinakita mo sa akin? Bakit Ramonsito—bakit?" puno ng katanungan ang kanyang isipan.
"Isa kang duwag! Isa kang mapaglinlang! Sana hindi na lang kita nakilala! Walang silbi ang sulat na ito, ang dapat sa'yo ay ganito!" galit ngunit umiiyak na wika niya kasabay ng paggusot nito sa liham na hawak niya at ibinato iyon sa kung saan na lamang.
Taas noo siyang nagpunas ng kanyang mga luha.
"Hindi ko dapat sayangin ang mga luha ko para sa'yo. Ang dapat sayo kalimutan na ng tuluyan. Wala ka ng puwang sa buhay ko at wala ka ng puwang sa puso ko! Adiós Ramonsito." galit niyang tinuran sabay punas nito sa kanyang pisngi.
Simula noon ang dating masayahing si Valentina ay naging malungkutin. Wala na siyang ibang nararamdaman ngayon kundi puro pagkapoot para sa taong minsan ay minahal niya ng wagas at minsan ay inalayan niya ng kanyang buhay.
Simula noon wala na siyang natanggap na kahit anumang liham mula kay Ramonsito.
Sadyang mapaglaro ang kapalaran. Lumipas pa ang isang taon—at muli ay sumapit na naman ang kanyang kaarawan. Ang araw ng mga puso. Pero para kay Valentina isang ordinaryong araw na lamang iyon para sa kanya.
Wala na siyang nararamdamang pagmamahal. Dahil napuno na ng galit at pagkapoot ang kanyang puso.