Naghahanap Ng Kasagutan❗

1353 Words
Hmm.." tila nanlalabo pa ang kanyang paningin pagkagising niya isang umaga. "Na-sa-an ako?" mahinang usal niya sa kanyang sarili. "Ahh.." napapadaing siya ng makaramdam siya ng kaunting kirot mula sa kanyang dibdib. Pakiramdam niya tila nanghihina din siya ng mga sandaling iyon. Hindi niya magawang ikilos ang kanyang mga paa, tila namamanhid ang mga iyon at pati ang kanyang mga kamay ay hindi rin niya maigalaw. "Anong nang-ya-yari sa akin?" naguguluhang tanong niya sa kanyang sarili. Siya ay napapikit upang alalahin kung ano ang mga nangyari. Sa huling alaala niya, nasa kalagitnaan sila ng daan, bumubuhos ang malakas na pag-ulan at kasama nitong tumatakbo si Ramonsito. Hanggang sa isang imahe ang biglang lumitaw sa kanyang balintataw. Kitang-kita niya kung paano nagpakawala ng putok si Lorenzo ng gabing iyon para sa kanyang sinisinta na si Ramonsito. Pero bago tamaan ang kanyang pinakamamahal nagawa niyang iharang ang kanyang sarili para sa binata. "Buhay ako? Totoo ba ito, ako ay buhay pa?" muli ay usal niya sa kanyang sarili. Lubos ang kanyang pasasalamat—akala niya katapusan na niya ng mga sandaling iyon. Akala niya hindi na niya masisilayan pa ang pagsikat ng umaga. Pinilit niyang iginalaw ang kanyang ulo, pinaikot niya ang kanyang paningin sa paligid at hindi nga siya nagkakamali dahil nasa isang bahay pagamutan siya. "Ra-mon-sito mahal ko?" mahinang tawag niya sa binata. Nakailang beses pa niya itong tinawag ngunit walang Ramonsito ang lumapit sa kanya —bagkus ay isang lalakeng naka- damit ng puti ang lumapit sa kanya. "Gising kana pala Binibini? Ako nga pala si doktor Gonzalo ang dalubhasang tumingin sayo, kumusta ang iyong pakiramdam?" kung ganoon ito pala ang doktor na sumuri sa kanya. "Ma-ra-ming salamat doktor. Pwede ba akong maka-hingi ng tubig dahil nauuhaw po ako?" tumango naman ang doktor at nagmamadali itong tumalikod para ito ay ipagkuha ng kanyang maiinom na tubig. Siya ay inalalayan ng doktor para ito ay makainom. Pakiramdam niya tuyong-tuyo ang kanyang lalamunan, at nakaramdam siya ng kaginhawaan ng sa wakas ay nakainom na ito ng tubig. Tumikhim muna siya para maging klaro ang kanyang pananalita bago muling nagwika sa dalubhasa. "Maaari po bang pakitawag ninyo si Ramonsito ngayon din? Doktor gusto kong makita ang mahal ko, maaari po ba?" muli ay kanyang tinuran sa dalubhasa. Hindi makaimik ang dalubhasa—hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin at isasagot sa dalaga. "Doktor may bumabagabag ba sa inyo? Nasaan po ba ang mahal ko?" muli ay tanong ni Valentina. Ng walang anu-ano ay nagbukas ang pintuan sa kwarto kung saan siya naroroon. "Valentina anak ko, gising kana pala?" ang kanyang Ina ang pumasok kasunod nito ang kanyang Ama na nag-aalala. "Mamang—Papang," sabi nito ng makalapit na sa kanya ang kanyang mga magulang. "Kumusta na ang pakiramdam mo iha? Wala bang masakit sa'yo?" tanong pa ng kanyang Ina habang panay ang haplos nito sa kanyang mukha. Napahawak siya ng kanyang dibdib. Alam niyang doon siya tinamaan ng bala ng baril ni Lorenzo. Hanggang ngayon naging palaisipan parin sa kanya kung paanong humantong na siya ay buhay ngayon. "Medyo masakit lang itong dibdib ko Mamang—pero huwag na po kayong mag-alala dahil magiging maayos din po ako." tugon naman niya Ina. "Aba dapat lamang iha, tinakot mo kami. Alam mo bang tatlong linggo ka ng walang malay? Salamat at maayos kana ngayon anak ko," napatulala siya sa kanyang narinig. Kaya pala ganoon na lamang ang nararamdaman niyang panghihina dahil dahil tatlong linggo na pala siyang nakaratay sa kama na iyon. "Nasaan ka Ramonsito? Nasaan ka mahal ko?" muli ay bulong ng kanyang isipan. Muli niyang iginala ang kanyang paningin, nagbabakasakali na makita niya ang binata. "May suliranin kaba iha?" tanong ng kanyang Ama ng mapansin nitong tila hindi siya mapakali. "Ahm, ehemm.. Ako ay lalabas na muna para kayo ay mapag-isa." pagpapaalam ng dalubhasa sa kanila para ito ay lumabas. "Doktor," akmang tatalikod na ang dalubhasa ng tawagin siyang muli ni Valentina. "Hanapin niyo po siya doktor, gusto ko siyang makausap." mapait na ngumiti at tumango sa kanya ang dalubhasa bago tuluyang lumabas. "Mamang—alam niyo po ba kung sino ang may sala sa nangyari sa akin?" matigas na turan nito sa kanyang mga magulang. "Si Lorenzo Mamang, Papang. Siya ang dahilan kung bakit nanganib ang buhay ko. Mabuti na lamang at kaagad akong naisugod dito ni Ramonsito." pagpapaliwanag pa niya sa kanyang mga magulang. "Ng dahil sa anak ng mangmang na iyon kaya ka nakaratay ngayon. Siya ang dahilan Valentina kaya nanganib ang buhay mo at hindi si Lorenzo." mariing tugon naman sa kanya ng kanyang Ama. "Huwag ninyong sisihin si Ramonsito. Si Lorenzo ang dapat managot, hahayaan niyo lang ba na hindi managot ang taong gumawa nito sa akin?" tila may galit tugon nito sa kanyang Ama. "Hindi natin pwedeng kasuhan si Lorenzo anak. Alalahanin mo makapangyarihan ang kanyang pamilya." napangiwi siya ng marinig ang sagot ng kanyang Ina. "Babalewalain ninyo ang nangyari sa akin kung ganoon? Nasaan ang hustisya Mamang—Papang?" ng bigla ay nakaramdam siya ng paninikip ng kanyang dibdib. Napahawak siya sa kanyang dibdib dahil talagang kumikirot iyon. Huminga siya ng malalim, pilit niyang pinapakalma ang kanyang sarili. Taas baba ang kanyang dibdib dahil panay ang kanyang paghinga. "Ang sugat mo iha, baka bumukas. Huwag mo munang isipin ang lalakeng iyon. Simula nakaratay ka dito, ni minsan ay hindi namin nasilayan ang mukha ng mangmang na iyon dito." tila isang lantang gulay ang pakiramdam niya ng mga sandaling iyon Nagulat siya sa kanyang narinig. Paanong nangyari na hindi nila nakita si Ramonsito? Imposible ang kanilang mga sinasabi dahil mahal na mahal siya ni Ramonsito at hindi nito hahayaang siya ay manatiling mag-isa lamang dito sa loob ng bahay pagamutan na ito. "May ginawa ba kayo? Mamang sagutin mo ako, ano ang ginawa ninyo sa mahal kong si Ramonsito?" nagkibit balikat ang kanyang Ama at ganoon din ang kanyang Ina. Nagkatinginan silang dalawa. "Maniwala ka man sa amin o hindi, wala kaming ginagawang masama. Sadyang hindi ka mahal ng mangmang na iyon dahil hinayaan ka niyang mapag-isa dito." matigas na turan ng kanyang Ina. "Imposible ang sinasabi ninyo Mamang, mahal ako ni Ramonsito. Hindi maaaring ako ay kanyang pabayaan." kilala niya ang binata, at kilala din niya ang kanyang mga magulang. Kung mayroon man siyang paniniwalaan iyon ay walang iba kundi si Ramonsito lamang. Nanatili pa siya ng ilang araw sa bahay pagamutan ngunit wala parin ang binata. Umaasa siya na makikita niya ang binata ngunit dumaan pa ang ilang araw ay wala paring Ramonsito ang bumibisita sa kanya. Nang tuluyan na siyang nakakabawi ng kanyang lakas at masigurong siya na ay nasa maayos nang kalagayan —siya ay pinayagan na ng doktor para makalabas. Pinilit niya ang kanyang sarili para siya ay kaagad na lumakas. Pinilit niya ang kanyang sarili para siya ay tuluyang gumaling. Lumipas pa ang isang buwan, ngunit walang makakapagsabi kung nasaan ang kanyang mahal na si Ramonsito. Isang araw napagpasyahan niyang lumabas para kausapin ang dalubhasa. May pakiramdam siyang alam nito kung nasaan ang binata. "Doktor Gonzalo, ako po ay inyong pagbuksan." nakatayo siya sa harapan ng tarangkahan ng klinika nito at makailang beses pa siyang tumawag para siya ay pagbuksan. Pagkalipas pa ng ilang sandali, isang Ginang ang lumapit sa kanya, at base sa hitsura ng Ginang na iyon isa itong utusan kung hindi siya nagkakamali. "Ano ang maipaglilingkod ko sa'yo Binibini?" tanong nito sa kanya pagkabukas nito sa tarangkahan ng pamamahay ni doktor Gonzalo. "Gusto kong makausap ang dalubhasang doktor na nakatira dito. Ako po'y inyong pagbigyan Ginang. Sadyang napaka- importante ang aking sadya." nakikiusap niyang turan sa utusan. "Kung si Doktor Gonzalo ang iyong tinutukoy—ipagpaumanhin mo Binibini ngunit siya ay wala ngayon." sagot naman ng Ginang sa kanya. "Nasaan po siya? Maaari ko bang malaman kung nasaan siya? Mayroon ba siyang ibang kilinika na pwede kong mapuntahan?" muli ay tanong niya sa utusan. "Si doktor Gonzalo ay nasa ibang bansa ngayon Binibini. Siya ay nagpunta ng Francia para sa kanyang pag-aaral." tugon pa ng Ginang sa kanya. Bagsak ang kanyang mga balikat na nilisan ang bahay pagamutan na iyon. Hanggang sa isang pasya ang kanyang naisipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD