HINDI NAMAN BINIGO NI Alejandra sina Amari at Samael. Dumating itong may dalang tsitsirya. Pagod ito galing trabaho kaya pinakain muna nila ito ng niluto ni Samael. Nanonood pa rin sila habang kumakain ang bagong dating. “May sinabi kanina si Samael,” hunta ni Amari kay Alejandra. “Ano iyon?” tanong nito sa pagitan ng pagnguya. “Sila Jelly at Lawrence na raw,” sabi niya naman. Nabilaukan si Alejandra sa narinig. Mabilis na tumayo si Samael para salinan ng tubig ang baso ng huli. “Legit?” hindi makapaniwalang tanong nito. Nginuso niya si Samael. “Sabi niya lang. Hindi ko pa tine-text si Jelly. Sasabihin niya naman iyon kung gusto niyang ipaalam. Ayokong ako ang mauna.” “Ay,” si Ale. “Weh, hindi nga? Sila talaga? Bakit?” Parehong tumawa sina Samael at Amari. “Maguguluhan ka lang k

