Pagkatapos nilang kumain lahat ay pumasok na sila sa kani-kanilang kwarto. Agad na kinuha ni Alexis ang isang box na naglalaman ng cellphone na bili niya kanina. Gusto kasi niyang bigyan si Delsin dahil alam niyang nahihirapan ito sa trabaho.
Nakita naman ni Oryang iyon kaya hindi na naman niya napigilan na hindi magalit sa kanyang asawa. Pinahiga niya muna ang kanilang anak bago tuluyang kausapin si Alexis.
“S-Saan ka na naman pupunta? Ano pati ‘yang hawak mo ha?” pagtataray pa nito.
“Oryang, huwag ka na naman magsimula ah. Kaka-away lang natin kanina sa labas. Baka marinig ng anak mo ‘yang boses mo. Ano bang sinabi noong dalawa kanina? Hindi ka ba natuto sa kanila?” tanong ni Alexis.
“Eh ikaw naman kasi ang nagsisimula ng lahat nitong ikakagalit ko sa iyo eh. Ikaw ang hindi natuto! Saka, ano na naman ‘yang balak mo?” inis na sabi ni Oryang, hindi malakas ang boses niya para hindi marinig ng kanyang anak kung ano man ang pinag-uusapan nilang mag-asawa.
“Ano bang paki-alam mo? Pera ko naman ito saka gusto ko na makatulong sa kapwa ko. Wala ka dapat ikabahala doon. Nabubuhay ko naman kayo ng anak ko!” sigaw naman ni Alexis dahil inis na siya kay Oryang.
“Bahala ka na nga sa buhay mo, darating ang oras na pagsisisihan mo ang pagtulong sa dalawang iyan. Sinasabi ko na ngayon pa lang,” inis na sabi ni Oryang at tumabi na sa kanyang anak sa kama.
Si Alexis ay lumabas na sa kanilang kwarto para puntahan ang dalawang magpinsan at para mabigay na nga rin niya ang cellphone kay Delsin. Naalala kasi niya na nanghiram nga lang pala it okay Boyong para sab ago niyang trabaho.
Kumatok si Alexis sa pinto at agad naman iyong pinagbuksan ni Boyong. Nagulat naman ang magpinsan dahil doon.
“Oh pare, anong ginagawa mo rito?” tanong ni Boyong kay Alexis.
“A-ah, gusto ko lang kasi magpasalamat doon sa sinabi niyo kanina sa amin ni Oryang,” umupo siya sa kama katabi si Delsin.
“A-Ah, iyon ba? Wala naman sa amin iyon, iniisip lang kasi talaga namin ang kapakanan ng bata. Saka, nahingi rin naman kami ng pasensya dahil kung hindi naman dahil sa aming dalawa ay hindi kayo mag-aaway na dalawa,” sabi ni Delsin.
Naki-upo na rin sa may kama si Boyong para makipag-usap doon sa dalawa.
“Oo nga, ang anak niyo ang labis na maapektuhan kung lagi niya kayong nakikita na magkaaway. Syempre, bilang kaibigan ay ayaw naman namin noon. Kahit sino naman, ayaw mangyari ang ganoon,” sagot naman ni Boyong.
“Kaya nga, sa sobrang inis namin sa isa’t isa ay hindi na namin naisip ang anak namin. Buti na lang at nandyan kayo para pa-alalahanan kaming mag-asawa,” sabi naman ni Alexis doon sa dalawa.
Napansin ni Boyong ang dala ni Alexis, hindi niya napigilan na hindi magtanong kung ano iyon.
“Pare, ano nga pala ‘yang dala mo?” tanong ni Boyong.
“Ah, ito. Nakita ko lang sa mga malapit na bilihan ng cellphone dyan. Naalala ko kasi si Delsin noong sinabi mo Boyong na wala siyang cellphone at nakikihiram lang siya sa iyo,” sabi ni Alexis.
Ngumiti si Alexis doon sa dalawa at binuksan na ang box na dala niya. Hindi naman makapaniwala ang magpinsan sa nakita.
“H-Hindi mo naman ako kailangang bilhan niyan, kaya ko na bumili sa susunod. May trabaho na ako, hindi ba?” sabi ni Delsin na hiyang-hiya ang itsura.
“Alam ko namang ayaw mong tinutulungan kita. Kaya lang, hindi ko naman maiwasan na hindi ka tulungan kasi alam ko namang mabuti kang tao. Tanggapin mo na ito,” sabi ni Alexis.
“H-hindi, ibalik mo na lang iyan sa pinagbilhan mo. Nakakahiya na sa iyo, lalo na kay Oryang. Magagalit na naman siya sa akin dahil dyan eh,” sagot ni Delsin.
“Naku, huwag mo na kasing isipin kung ano ang sasabihin ni Oryang. Ganoon lang naman iyon sa una pero kapag nakita naman niya na mabait ka ay hindi ka na noon sasabihan ng kung anu-ano. Sige na, Delsin. Tanggapin mo na ito,” pagpilit pa ni Alexis kay Delsin.
“Naku, alam kong makakatulong iyan sa akin pero hindi ko iyan matatanggap. Ang mahal siguro niyan ano? Pag-iipunan ko na lang at ako na lang ang bibili sa mga susunod na buwan,” sagot ni Delsin.
Nawawalan man ng pag-asa ay hindi pa rin sumuko si Alexis sa pagbibigay ng cellphone kay Delsin. Agad siyang nag-isip ng paraan para tanggapin ni Delsin ang kanyang binibigay na cellphone.
“Oh, alam ko na. Ganito na lang pala,” sabi ni Alexis.
“Ano iyon?” tanong naman ng dalawa sa kanya.
“Papabayaran ko na lang sa iyo ang cellphone na ito sa susunod na mga buwan. Ayos ba iyon? Kahit hulug-hulugan mo lang,” sabi ni Alexis.
Agad na nag-isip si Delsin, pero sumagot agad si Boyong para tumulong sa pagdedesisyon ng kanyang pinsan.
“Pinsan, kunin mo na iyan. Bayaran mo na lang sa mga susunod mo na sweldo, kahit paunti-unti. Para hindi ka na hirap kung kailangan mo ng contact sa trabaho. Aba, maigi naman na iyan kaysa wala kang magamit. Babayaran mo naman eh, magkano ba iyan Alexis?” sabi ni Boyong.
“Ah, dalawang libo lang iyan. Huwag ka mag-alala, hindi naman kita aapurahin sa pagbayad niyan dahil alam ko rin na marami kang babayaran kay Oryang. Kung kalian mo lang gustong magbayad. Nandito lang naman ako eh,” sagot naman ni Alexis.
Ilang minuto pang nag-isip si Delsin at napagpasyahan na niya na kunin na ang cellphone dahil aminado naman siya sa sarili niya na kailangan talaga niya iyon sa trabaho ngayong nasa Maynila na siya. Iba naman kasi sa probinsya at iba rin naman dito kaya talagang malaking pagbabago ang kailangan niyang gawin.
“Oo, sige na. Kukunin ko na ito, pero pangako ko ay babayaran ko rin agad kapag may pera na ako ah. Saka huwag ka ring mag-alala sa akin, babayaran ko talaga ang mga nagastos ko rito sa bahay mo dahil alam kong galit na galit na sa akin si Oryang,” sagot ni Delsin.
“Iyan, kunin mo na para mapag-aralan mo na rin ‘yang cellphone na bigay ko sa iyo. Madali lang naman iyan, magpaturo ka na lang kay Boyong dahil maalam na rin naman siya sa ganyan,” sabi ni Alexis at paalis na doon sa kwarto.
Bago umalis ay nagpasalamat ulit sina Delsin at Boyong sa kanya. Tuwang-tuwa naman siya dahil sa wakas ay tinanggap na ni Delsin ang binigay niyang cellphone.
“Salamat Alexis ha? Ang dami ko ng utang sa iyo. Hindi ko alam kung paano ako makakabayad sa lahat ng tulong mo pero pangako ko sa iyo na gagawin ko ang lahat para makabayad ako sa inyo ni Oryang,” sabi ni Delsin..
“Naku, huwag mo na isipin iyon. Ang mahalaga ay maging mabuting tao ka. Dahil ang mga mabubuti ay pinagpapala ng Diyos,” nakangiting sagot ni A;exis.
Sa totoo lang, wala na rin naman siyang balak pabayaran ito kay Delsin dahil bukal talaga sa loob niya ang pagbibigay noon. Sadyang kailangan niya lang talagang sabihin iyon para kunin ni Delsin ang cellphone. Sayang naman kasi kung ibabalik pa niya doon sa pinagbilhan niya.