Agad na umuwi si Delsin sa bahay. Nagmamadali siya at hindi na nga niya alam ang gagawin. Hindi niya talaga akalain na ‘yon ang mangyayari. Para sa kanya, isang mabait si Ma’am Beverly. Wala sa itsura niya ang gagawa ng ganoon.
Nagtaka si Oryang kung bakit maaga nakauwi si Delsin. Inis na inis pa ang kanyang bungad kay Delsin eh hindi na nga magkandaugaga ‘yong tao sa nangyayari sa kanya.
“Oh, bakit ang aga mong umuwi? Parang may naghahabol sa iyo. May ninakawan ka ba?” pang-aasar na sabi ni Oryang kay Delsin.
“W-Wala, Oryang. Huwag mo muna akong simulant ngayon dahil may problema ako. Kung pwede lang ay huwag ka na munang magsasalita ng kung ano sa akin at baka kung ano lang ang masabi ko sa iyo,” matapang na sagot ni Delsin, nagtaka naman si Oryang pero hindi na niya tinangkang sumagot pa.
Pumasok na lang si Oryang sa kanilang kwarto para alagaan ang anak niya. Si Delsin naman ay umupo lang sa sala, iniisip pa rin ang nangtari doon sa spa salon.
May halong takot at galit ang nararamdaman ni Delsin ngayon dahil parang hindi pinahalagahan ni Ma’am Beverly ang kanyang pagkatao. Doon na siya nagtanong sa kanyang sarili. Kaya ba walang natagal sa spa salon na iyon ay dahil ganoon ang ginagawa ni Beverly sa kanila?
Hanggang gabi ay iyon pa rin ang nasa isip niya. Ni hindi nga siya maka-usap nina Alexis at Boyong nang maayos, kaya hinintay na lang nila na mag-kwento si Delsin mismo sa kanila.
Habang nagpapa-antok ‘yong tatlo sa labas ay nagsalita si Delsin. Handa na niyang sabihin doon sa dalawa kung ano ang nangyari sa kanya sa trabaho.
“M-May nangyari kanina sa trabaho, hindi ko akalain na aabot si Ma’am Beverly sa ganoon. Para naman kasi sa akin, ang bait ng awra niya eh. Hindi ganoon ang tingin ko sa kanya dahil pa siyang anghel sa paningin ko. Siya ang nagbigay sa akin ng trabaho, e.”
“Bakit? Ano bang nangyari? Oo nga eh, kanina pa naming gusto malaman ni Boyong kung anong problema ang meron ka. Sabi kasi ni Oryang sa akin, maaga ka raw umuwi at parang irita ka sa mga nangyayari,” sabi ni Alexis.
“Ayaw ka naman naming tanungin at baka seryoso ‘yang problema mo at ayaw mo kaming madamay kaya hindi ka na naming kinulit. Ano ba nangyari sa trabaho mo kanina?” sabi naman ni Boyong.
“Eh kasi, paano ba naman eh pinatawag ako ni Ma’am Beverly kaninang umaga tapos gusto niya kasing magpamasahe sa akin eh,” sagot ni Delsin sa kanila.
“Tapos? Anong nangyari?” tanong naman ni Boyong.
“Noong una, maayos pa naman eh. Kaso lang, kung anu-ano na ang pinapahawakan niya sa akin dahil gusto ko naman daw siya,” nahihiyang pagke-kwento ni Delsin sa kanila.
Gulat na gulat ‘yong dalawa, hindi sila makapaniwala sa nalaman nila. Naaawa rin sila kay Delsin dahil labing-walong taon pa lang naman ito. Isa pa, bago pa siya sa Maynila at wala pang masyadong alam dito.
“Aba, hindi naman yata makatao ‘yon. Ginamit niya ang kahinaan mo para mangyari ‘yon. Buti na lang at wala nang nangyaring masama pa sa iyo. Maigi nga ‘yan na umuwi ka na agad dito sa bahay,” sabi ni Alexis.
“Kakaiba ang babaeng ‘yon ah. Kaya siguro marami na ang naalis sa kanya dahil iyon ang ginagawa niya sa mga iyon. Naku, hindi naman porket lalaki ka ay gagawin na niya ‘yon sa iyo,” sabi naman ni Boyong.
“Iyon nga rin ang naiisip ko. Kaya siguro maraming umaalis ay ganoon ang ginagawa niya. Pero ang pinagtataka ko, bakit hindi pa rin siya nakukulong ngayon kung ganoon na pala ang nangyayari?” sabi naman ni Delsin.
“Sigurado ako na may ginagawa ‘yan sa mga biktima niya. Sana naman ay wala na siyang mabiktima pa. Lalo na ‘yong mg aka-edad mo, Delsin. Bata pa kayo para sa ganoong sitwasyon,” sagot naman ni Alexis sa kanila.
“Eh paano iyan? Magkakaso ka ba sa kanya kung sakali?” tanong ni Boyong sa kanya.
“A-Ah, iyon ang hindi ko pa alam. Bahala na, natatakot mha akong humarap ulit sa kanya eh. May mga hindi pa kasi ako nakukuha na gamit doon sa spa salon. Hindi ko na nga yata makukuha iyon,” malungkot na sabi ni Delsin.
“Makukuha mo pa rin naman iyon. Ako na lang ang pupunta roon bukas kung takot ka na makaharap mo siya. May kaibigan ka ba na pwede kong pagtanungan tungkol doon sa mga gamit mo?” sabi ni Boyong sa kanyang pinsan.
“A-Ah, oo. Si Tonyo. Hanapin mo na lang siya bukas doon at sabihin na kukunin mo na ‘yong mga gamit ko,” nakangiting sagot ni Delsin. Masaya siya na tutulungan siya ni Boyong kahit na ganoon ang nangyari sa kanya.
“Oh sige. Ako na ang bahalang humarap sa kanya bukas. Sa ngayon, magpahinga ka muna kasi alam kong napakahirap ng mga nasa isip mo ngayon,” nakangiting sabi ni Boyong.
“Oo nga, hayaan mo at handa kaming tumulong sa iyo ngayon na nangyari iyan,” nakangiti rin si Alexis noong sinabi niya iyon.
“Salamat dahil kahit ganito na ang nangyari sa akin ay handa niyo pa rin akong tulungan. Pasensya na rin kayo kung dagdag isipin pa ako sa inyo,” sabi ni Delsin.
“Oh, iyan ka na naman. Nag-iisip ka na naman ah. Pumasok ka na sa loob. Magpahinga ka na lang doon. Dito muna kami sa labas, magpapahangin,” sabi ni Alexis.
Sa totoo lang, sabi lang naman iyon ni Alexis. Ang totoo, mag-iisip sila ni Boyong ng paraan para matulungan si Delsin kahit na sa pinakang simpleng paraan. Hindi man iyon malaki, pero makakatulong pa rin para kay Delsin.
“Sige, una na ako ah. Salamat ulit sa pagtulong niyo sa akin. Salamat sa pakikinig sa mga iniisip ko pa kanina. Hindi ko nga alam kung dapat bang sinabi ko ‘yon sa inyo kasi nakakahiyang pakinggan pero salamat at hindi niyo naman ako hinusgahan,” sabi ni Delsin at pumasok na nga sa loob ng bahay.
Pagpasok niya sa kwarto ay labis pa rin ang pag-aalala niya. Ano na ang gagawin niya ngayong wala siyang trabaho? Tiyak na magagalit na naman sa kanya si Oryang nito dahil magiging pabigat na naman siya sa pamilya nila.
Dagdag din sa isipin niya kung anong gagawin niya kay Ma’am Beverly Rosales. Ipapakulong niya ba ito o hindi? Wala rin naman siyang pera para pambayad sa abogado kung sakali. Isa pa, alam din naman niya sa kanyang sarili na kung gagawin niya iyon ay tatapatan siya ng pera ni Ma’am Beverly.
Sa yaman noon, talo agad siya. Nalungkot na lang si Delsin nang mapagtanto na ang hustisya pala ay talagang mailap kung mahirap na nilalang ka lang.