Dumating na si Alexis sa desisyon na pupuntahan na niya si Oryang sa kulungan. Pagkatapos ng ilang araw nang pag-iisip ay pumayag na siya dahil nag-aalala na rin siya para sa kanyang asawa kahit paano. Baka galit na galit na ito sa kanya ngayon dahil hindi talaga siya nagpapakita rito.
‘’Hindi mo ba isasama ang anak mo? Mas mabuti na rin ýong makita niya si Oryang. Hinahanap na niya eh,’’ sabi ng nanay ni Alexis sa kanya.
‘’Naku, huwag na. Saka na lang, ako na muna ang pupunta room sa kulungan para makapag-usap na rin kaming maayos ni Oryang,’’ sagot naman ni Alexis.
‘’Ah, oo nga. Isa pa, magulo rin nga pala roon. Baka mapaano lang ang apo ko. Mas maigi na rito na lang siya kaysa doon pa,’’ sagot naman ng nanay ni Alexis.
Pagkatapos nilang kumain ng umagahan ay nagbihis na agad si Alexis para makaalis na. Humalik siya sa kanyang anak at nagpaalam sa kanyang ina bago tuluyang lumabas ng kanilang bahay.
Bago tuluyang pumunta sa kulungan ay dumaan muna siya sa isang kariderya at bumili ng pwedenng kainin ni Oryang. Alam kasi niya na mahirap kumain sa loob ng kulungan kaya magdadala siya ng kahit konti para kay Oryang.
Pagpunta niya sa kulungan ay nag-iisip siya, ano baa ng mangyayari ngayong araw? Magagalit ba si Oryang o matutuwa dahil dumalaw siya? Tungkol saan naman ang pag-uusapan nila? Ni hindi nga niya mapagtanggol ang kanyang asawa dahil alam niyang mali talaga ito ng ginawa.
Ilang minuto pa ay tinawag na ng pulis si Oryang para sabihan na may bisita ito. Noong una ay ayaw niyang sumama roon sa pulis dahil ang nasa isip niya ay baka si Delsin na naman ang bumisita sa kanya pero wala naman siyang magawa. Kailangan niyang harapin kung sino man iyon.
Gulat na gulat si Oryang nang makita ang kanyang asawa. Ni hindi na niya alam kung ano ba ang kailangan niyang maramdaman ngayong nakita na niya ang kanyang asawa. Agad-agad siyang pumunta kung nasaan si Alexis.
‘’Mahal ko! Anong nangyari sa iyo? Akala ko, hindi mo na ako pupuntahan rito. Kumusta na ang anak ko? Kumusta na kayo? Gusto ko na makita ang anak ko,’’ sabi ni Oryang, tuwang-tuwa siya nang makita si Alexis.
‘’Pasensya ka na kung ngayon lang kita napuntahan, ha? Hindi ko kasi alam kung ano ang sasabihin ko sa iyo o baka kung ano ang sabihin mo sa akin. Ayos ka lang ba rito?’’ sabi naman ni Alexis.
Nang makita ni Alexis ang kanyang asawa ay naawa siya dahil payat na payat na ito at halata mong pagod na ito sa nangyayari sa kanya sa loob ng kulungan. Hindi niya lang mapakita na naaawa siya dahil kailangan niya maging malakas para sa kanyang asawa.
‘’Galit ako sa iyo noong una, pero ngayon naman ay naiintindihan na kita kung bakit ayaw mo akong puntahan. Tanggap ko ang mga desisyon mo. Alam ko naman na nakakapagod na ako minsan eh,’’ mabait na sagot ni Oryang sa kanyang asawa.
‘’Salamat naman at naiintindihan mo ako. Hayaan mo, simula ngayon ay pupuntahan na kita lagi para tingnan,’’ masayang sabi ni Alexis.
“Ah, oo nga pala. Gusto ko sana na huwag mo munang dadalhin dito ang anak natin, ha? Saka na lang kapag hindi na magulo ang lahat o di kaya ay kapag talagang uuwi na ako, saka na lang,’’ hiling ni Oryang, kita ang lungkot sa kanyang mga mata nang sinasabi niya iyon.
‘’Oh bakit? Gusto ka pa namang makita ng anak natin. Dadalhin ko sana siya sa susunod. Isa pa, iyon ang sinabi sa akin ni nanay eh. Dalhin ko raw dito kasi labis nang naiyak sa bahay,’’ sagot ni Alexis.
‘’Ha? Bakit sinabi iyon ni nanay? Doon ba muna kayo nakatira sa kanya? Bakit? Paano ýong bahay natin?’’ sunud-sunod na tanong ni Oryang kay Alexis.
‘’Ah, eh kasi, alam mo naman ang mga tao. Kalat na kalat tayo sa mga kapitbahay natin ngayon, kasabwat mo raw ako sa mga ginawa mo,’’ nahihiyang sabi ni Alexis, tumungo siya pagkatapos niyang sabihin iyon sa asawa niya.
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Oryang nang marinig iyon kay Alexis. Hiyang-hiya siya sa asawa at sa kanyang anak dahil sa nangyari. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi mararanasan iyon ng anak niya. Ang lumipat ng bahay para lang maka-iwas sa tsismis ng mga kapitbahay.
‘’Eh, kumusta na ang anak ko? Anong ginagawa niya lagi? Pinapakain mo naman ba ng tama?’’ excited na tanong ni Oryang.
‘’Oo naman, inaalagaan ko namang mabuti ang anak natin, kaya ikaw, alagaan mo ring mabuti ang sarili mo rito sa loob. Para makasama ka na ng anak mo agad, sagot naman ni Alexis, kahit alam naman niyang mahaba pa ang lalakbayin ni Oryang sa kanyang kaso.
‘’Pasensya ka na sa mga pagkakamali ko sa buhay. Hindi yata talaga ako nag-iisip. Ang tanga ko na pinairal ko ang pera at galit,’’ sabi naman ni Oryang.
‘’Hmm. Eh ikaw, napatawad mo na ba si Boyong o di kaya naman ay si Delsin? Patawarin mo na-‘’ natigil si Alexis sa kanyang sinasabi dahil sumagot agad si Oryang sa kanya.
‘’Naku, huwag na huwag mo ngang babanggitin ang mga taong iyan kapag nag-uusap tayo. Nawawalan ako ng gana. Dahil naman sa kanila kaya ako minalas sa buhay, noong wala naman sila sa buhay natin eh maayos tayo hindi ba? Naku, salot ang mga iyan!”ramdam na ramdam pa rin ni Alexis ang inis sa boses ni Oryang.
Hindi na lang nagsalita si Alexis dahil alam niya na kapag sumagot pa siya laban sa kanyang asawa ay mag-aaway na naman sila. Mabuti nga at medyo mabait si Oryang ngayon, hindi inakala ni Alexis na iyon ang magiging reaksyon ng kanyang asawa. Ang nasa isip niya, pagtatabuyan siya nito at isusumpa.
Kinuha na lang niya mula sa kanyang maliit na bag ang pagkain na binili niya mula sa karinderya at binigay iyon kay Oryang. Si Oryang naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay inalala siya ng kanyang asawa na si Alexis.
‘’Kumain ka na, alam kong hindi naman masarap ang mga kinakain niyo rito kaya nagdala ako. Pagkain lang sa karinderya iyan pero alam ko naman na mas masarap iyan kaysa sa mga kinakain mo rito sa loob,’’ sabi ni Alexis nang ibigay niya ang pagkain kay Oryang.
‘’Maraming salamat, mahal ko. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayon dahil kasama kita. Akala ko talaga, katapusan na natin at hindi ka na muling magpapakita sa akin eh,’’ todo ngiting sabi ni Oryang.
Napangiti naman si Alexis. Nag-usap pa sila ng ilang oras doon bago tuluyang nagpaalam si Alexis kay Oryang. Ayaw man ni Oryang na umalis ang kanyang asawa ay hindi naman iyon pwede dahil may oras ang dalaw sa kulungan.