Sa kabilang banda, si Alexis ay abala sa pag-aalaga ng kanyang anak. Simula noong nakulong na si Oryang ay hindi na niya ito pinuntahan kahit isang beses man lang. Dahil iyon sa pagod na pagod na siya sa kanyang asawa. Para sa kanya, ang pagkakakulong nito ay tulong sa kanya ng Diyos para maging maayos ang buhay nila.
Sa ngayon, nasa bahay sila ng kanyang nanay. Doon muna sila pansamantala dahil inaaway si Alexis ng mga kapitbahay. Sinasabi nila na magnanakaw din daw si Alexis, eh hindi naman totoo iyon dahil si Oryang lang naman ang may kasalanan ng lahat.
Ngayon ay nag-aalmusal sila ng kanyang ina. Tulog pa ang anak niya, nasa loob pa ito ng kwarto. Tahimik lang si Alexis sa isang tabi ngunit alam niyang kaka-usapin na siya ng nanay niya tungkol kay Oryang. Ilang araw na kasing nasa kulangan ang kanyang asawa pero wala siyang ginagawa talaga para makita ito.
‘’Huy, hindi mo ba talaga dadalawin si Oryang sa kulungan? Aba, hinahanap na kaya ng anak mo iyan. Ilang araw na, iyak nang iyak ang anak mo sa akin,’’ pasimula ng kanyang ina.
‘’At ano, nanay? Pupunta kami roon para ipakita ko sa anak ko na nakakulong ang nanay niya? Kung si Oryang din ang tatanungin, alam kong ayaw niyang makikita siya ng anak namin na nasa ganoong sitwasyon. Naku, hindi ko hahayaan na makita ng anak ko si Oryang sa kulungan,’’ sagot ni Alexis sa kanyang ina.
‘’Anak, alam ko naman iyon. Kaya lang, anak pa rin iyon ni Oryang, may karapatan siya para makita ang nanay niya. Kahit pa saan iyan, may karapatan siya. Huwag na huwag mong aalisin iyon sa anak mo, ha?’’ sagot naman ng ina ni Alexis.
‘’Oo naman. Alam ko po iyon, nanay. Hayaan niyo po, pupuntahan ko si Oryang sa susunod na linggo kapag wala na po akong masyadong gawain,’’ sabi na lang ni Alexis para matapos ang usapan nilang mag-ina.
‘’Oo, puntahan mo ang asawa mo. Ayos lang kung ayaw mong isama ang anak mo, naiintindihan ko iyon,’’ sagot naman ng nanay ni Alexis.
Pagkatapos ng usapan na iyon ay kumain na sila ulit. Ilang minuto pa, lumabas na lang ng bahay si Alexis para pumunta sa kapitbahay nila dahil may trabaho daw na ibibigay ito sa kanya. Iyon ang pinaka-kailangan niya ngayon dahil wala si Oryang sa kanila.
Pagdating niya roon ay pinagbuksan siya ng kanyang kaibigan na si Daniel, ang taong magbibigay sa kanya ng trabaho. Todo ngiti siya rito nang pagbuksan siya ng pinto.
‘’Pare, pasok ka. Buti na lang at nandito ka na, balak n asana kitang puntahan sa inyo para kausapin eh. Akala ko, di ka na dadating. Ako na sana ang pupunta sa inyo ngayon,’’ sabi ni Daniel.
Napatawa naman nang konti si Alexis dahil doon, at saka siya tuluyan na nagsalita.
‘’Ah, pasensya ka na at kinausap pa ako ng nanay ko eh, kaya ako natagalan. Alam mo naman ang mga nanay, bago matapos sa sinasabi nila eh aabutin muna ng ilang kwento bago tuluyang matapos,’’ sagot ni Alexis sabay tawa ulit.
‘’Ah ganoon ba? Oo nga pala, kumusta na ang asawa mong si Oryang? Makakalaya na ba siya? Pasensya ka na pare ha, hindi naman sa nangingialam ako pero kasi, narinig ko lang sa mga kapitbahay nitong nakaraang linggo,’’ sabi naman ni Daniel, mukha namang hindi masama ang tingin niya kay Alexis.
‘’Ah, tungkol sa asawa ko. Sa totoo lang niyan pare, hindi ko naman alam ýon noong una. Asawa niya ako pero hindi ko talaga alam ang mga kilos niya. Ang alam ko lang, mataray siya kaya marami siyang nakakaaway, pero ýong aabot sa punto na makukulong siya? Hindi ko na alam iyon,’’ sabi ni Alexis.
‘’Eh di, hindi nga totoo ang mga sinasabi noong mga tao sa paligid, ano? Ang balita ko kasi, alam mo raw iyon at kasabwat ka sa bawat galaw niya, e. Iyon pala, hindi. Mga tao nga naman,’’ sagot naman ni Daniel.
‘’Oo pare, hindi ko naman talaga alam iyon. Saka, sino namang asawa ang gugustuhin na gumawa ng krimen ang kanyang asawa? Wala naman siguro, hindi ba? Ilang beses ko na siyang sinasabihan dati eh, sa sobrang taray niya ay may makakaaway siya. Iyon na nga, nangyari na,’’ sagot naman ni Alexis.
‘’Siya pala talaga ang may kasalanan. Eh, napuntahan mo na ba sa kulungan? Kumusta na raw siya?’’ tanong naman ni Daniel kay Alexis.
‘’Naku, hindi pa nga. Alam mo ýong, parang ayaw ko siyang makita dahil sa mga ginawa niya sa akin noong hindi pa siya nakakulong? Parang ngayon ko pa lang nararamdaman na malaya ako. Hindi naman sa gusto kong nakakulong siya roon, pero gusto ko lang kasing malaman niya na may kasalanan talaga siya na kailangan niyang pagbayaran,’’ sagot ni Alexis.
‘’Pero, may balak ka naman na puntahan siya sa kulungan o wala? Naku, pasensya ka na. Mukhang napakwento na ako sa iyo,’’ sabi ni Daniel.
‘’Naku, wala iyon. Ayos lang naman sa akin eh. May balak naman akong pumunta sa kanya, hindi lang ngayon dahil alam ko ang takbo ng utak ng asawa ko. Kapag ngayon ako pumunta sa kanya, lalabas na hindi ko siya kayang tiisin, kaya huwag na lang muna. Isa pa, hindi ko isasama ang anak namin doon, ayaw kong makita ng anak ko na nasa ganoon siyang sitwasyon. Saka na lang sila magkita kapag ayos na ang sitwasyon,’’ sabi naman ni Alexis.
‘’Eh pare, hindi naman ba hinahanap ng anak mo ang asawa mo? Sigurado ako, hinahanap na ýan ng anak mo,’’ sabi naman ni Daniel.
‘’Oo, hinahanap na rin nga ng anak namin,’’ maikling sagot lang ni Alexis.
Doon na naisip ni Alexis na siguro ay oras na nga para puntahan na niya si Oryang. Iyon din kasi ang sinasabi ng nanay niya sa kanya eh. Isa pa, panay na nga rin ang hanap ng anak nila ni Oryang sa nanay nito.
Iyon nga lang, hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya sa kulungan na iyon. Pwede kasing sabik na sabik si Oryang na makita siya at pwede rin na galit na galit ito sa kanya dahil sa mga araw na hindi siya bumisita rito.