Dahil sa sobrang inis ay hindi na napigilan ni Delsin ang kanyang sarili. Lumabas siya mula sa kwarto kahit na alam niyang mapapahamak siya. Ayaw niya na rin kasing madamay sina Boyong at Alexis. Problema naman kasi niya iyon kaya nararapat lang na siya ang humarap kay Beverly.
“Ma’am Beverly, ano po bang problema ninyo? Hindi na nga po ako pumasok, ano pa po ba ang gusto ninyong gawin ko para tigilan na ninyo ako?” reklamo ni Delsin,
“Delsin, mag-usap naman tayo. Pwede ba? Kung ano man ang nangyari kahapon, gusto ko sanang humingi ng pasensya sa iyo,” pagmamakaawa pa ni Beverly, halata naman na nag-iinarte lang naman siya.
Pumasok na sina Beverly at ‘yong bodyguard niya kahit na hindi naman sila pinapayagan nina Alexis na pumasok sa bahay. Umupo si Beverly sa sala at ang bodyguard naman niya ay nakatayo. May dala itong bag at hula nina Delsin, Boyong at Alexis ay pera ang laman nito.
“Ma’am Beverly, kung nag-aalala po kayo kung isusumbong ko kayo sa pulis, sinasabi ko na po sa inyo na hindi ko gagawin iyon. Maaari na po kayong-“ natigilan si Delsin sa kanyang pagsasalita nang sumagot na si Beverly sa kanya.
“Ah, oo. Kaya nga kami pumunta rito eh dahil dyan. Gusto ko sanang humingi ng tawad sa nagawa ko sa iyo. Wala ako sa wisyo noong ginawa ko ‘yon. Aminado naman akong mali ako, Delsin.”
“Pinapatawad ko na po kayo Ma’am Beverly pero pasensya na po at hindi na ako magta-trabaho pa sa inyo. Bukas po ay kukunin ko na ang mga natitirang gamit ko sa spa salon,” pahayag ni Delsin.
“Naiintindihan ko naman kung bakit ganyan ang desisyon mo. At tinatanggap koi yon,” ngumiti si Beverly pero halata namang hindi totoo ang ngiti niyang iyon.
“Salamat po, maaari na po kayong-“ natigil na naman si Delsin sa pagsasalita dahil sumagot ulit si Beverly.
Kinuha niya ang bag sa kanyang bodyguard at binuksan ito. Gulat na gulat ang tatlo sa laman na limpak-limpak na salapi. Natawa naman si Beverly sa kanilang mga reaksyon pero madali niyang inalis iyon dahil nagkukunwari nga siyang mabait sa kanila.
“Ah, gusto ko sanang ibigay sa iyo ito. Pangsimula sa bago mong trabaho kung sakali man. Pwede ka ring magtayo ng negosyo mo kung gusto mo,” nakangiti pa ring sabi ni Beverly kay Delsin.
“Ma’am Beverly, kung ang intensyon niyo po ay bayaran ako para hindi ako magsalita sa nangyari kahapon. Hindi na po kailangan. Sabi ko nga po kanina sa inyo, hindi naman po ako magsasalita sa mga pulis para wala nang gulo. Alam ko naman po na wala rin akong laban pagdating sa mga ganyang bagay,” sabi ni Delsin.
“Naku, hindi naman kita binabayaran para hindi ka magsalita sa mga pulis. Ang akin lang, gusto kasi kitang tulungan talaga dahil alam ko rin naman na wala kang malilipatan agad na trabaho. Ito, pwede mong gamitin ito bilang panimula mo,” sabi ni Beverly, parang inosente pa siya sa tono nang pagsasalita niya.
Ang hindi nila alam, nakikinig pala sa loob ng kanilang kwarto si Oryang. Agad na lumabas ito noong narinig niyang hindi tinanggap ni Delsin ang pera na bigay ni Beverly. Dahil alam niya naman na makikinabang din siya roon ay pipilitin niya si Delsin na kunin ang pera.
“Naku Delsin, tanggapin mo na ang perang binibigay ng amo mo. Alam naman nating lahat na talaga namang makakatulong iyan sa iyo, hindi ba? Sige na, kunin mo na,” ang bait ng tono ni Oryang, parang hindi ni minsan ay hindi siya nagalit kay Delsin.
Nagulat ang tatlo sa paglabas niya mula sa kwarto. Agad na tumayo si Alexis para pigilan ang kanyang asawa sa kung ano man ang binabalak nito. Napa-iling na lang siya dahil sa ugali na meron si Oryang pagdating sa pera.
Pinapasok ni Alexis ang kanyang asawa doon sa kwarto at saka kinausap. Galit na naman si Alexis sa kay Oryang.
“Ano ka ba naman? Seryosong usapan iyon at alam mo naman na hindi gagawin ni Delsin ang sinasabi mo pero todo pilit ka pa rin sa kanya? Hindi mo naman problema iyon, nakikisali ka pa,” inis na sabi ni Alexis.
“Aba, ang laking pera na kaya noon. Ang tanga naman ni Delsin kung hindi pa niya patulan iyon. Ang dami niya pang babayaran na utang sa akin. Tyak na makakabayad na siya kapag tinanggap niya iyon,” sabi pa ni Oryang, parang sabik na sabik talaga sa pera.
“Ano naman kung malaking pera ang makukuha niya? Paano naman ang prinsipyo na pinagtatanggol niya? Alam mo naman na hindi niya ugali iyan,” pagtatanggol pa ni Alexis.
“Sa hirap ng buhay dito sa Maynila, hindi mo na dapat isipin pa ang prinsipyo na meron ka. Alam mo, dapat iyon ang matutunan ni Delsin mula sa inyo, hindi kung anu-ano lang,” sagot ni Oryang.
“Naku, hindi naman porket iyon ang paniniwala mo ay iyon na rin ang ituturo mo sa ibang tao. Alam natin pareho na mali naman ‘yang naiisip mo. Hinding-hindi gagawin iyan ni Delsin dahil hindi naman kayo parehas ng ugali,” sabi ni Alexis.
“Tingnan lang natin, kapag naisip ni Delsin ang kahirapan na meron siya ay hindi malabong tanggapin niya iyan. Pera na ang lumalapit, aayaw pa siya?” sabi ni Oryang.
Dahil sa inis sa kanyang asawa ay umalis na lang muli siya sa kanilang kwarto. Bumalik na siya sa sala para pakinggan kung ano na ang napag-usapan nina Delsin at Beverly.
“Naku, Ma’am Beverly, pasensya na po kayo pero hindi ko po talaga tatanggapin iyan. Aminado naman po ako kailangan ko ng pera pero may prinsipyo po akong pinanghahawakan. Alam ko pong naiintindihan ninyo ako. Pasensya na po talaga,” paghingi ng umanhin ni Delsin kay Beverly. Halatang takot na si Delsin sa kanyang dating amo.
“Ah, ganoon ba? Sige, ganito na lang ang gawin natin. Iiwan ko sa iyo ang pera na ito at ang cellphone number ko para kung sakali man na magbago ang isip mo,” nakangiting sagot ni Beverly.
Tinawag niya ang kanyang bodyguard at naglabas ito ng ballpen at papel. Sinulat ni Beverly doon ang kanyang cellphone number at binigay niya iyon kay Delsin.
“Delsin, hihintayin ko ang pag-contact mo sa akin ha? Maraming salamat, iwan ko na ang pera rito,” sabi ni Beverly at tumayo na siya para umalis. Gusto ko mang ibalik ni Delsin ang pera ay pinigilan na siya ng bodyguard ni Beverly.
Nagkatinginan na lang ang tatlo. Kabado si Delsin dahil mukhang desidido ang kanyang amo na bayaran siya para hindi na siya magsalita pa. Isa pang kinakatakot niya ay kung ano ang gagawin nito sa kanya oras na ibalik niya ang pera.