Hanggang kinagabihan ay kinukulit pa rin siya ni Oryang na tanggapin na lang ang pera na bigay ni Beverly sa kanya pero hindi niya na ito pinansin dahil napakadami nang pumapasok sa kanyang isip. Alam niyang kahit ano man ang desisyon niya ay malaki ang magiging epekto nito sa magiging takbo ng buhay niya.
Pagkatapos nilang kumain ay nag-usap ang tatlo tungkol sa nangyari kanina. Lumabas sila sa bahay at doon nag-usap, ayaw kasi ni Alexis na marnig pa ni Oryang kung ano man ang pag-usapan nila.
“Anong gagawin mo roon sa pera, Delsin? Hindi mo naman tatanggapin, hindi ba?” sabi ni Alexis.
“Sa ngayon, hindi ko alam. Wala pa ako sa tamang pag-iisip para magdesisyon. Alam ko na kapag ngayon ako nagdesisyon ay pwedeng makasama iyon sa akin,” sagot ni Delsin kay Alexis.
“Alam ko naman ang prinsipyo na meron ka, Delsin pero tama rin naman si Beverly sa kanyang sinasabi. Ang pera na iyan ay malaki ang maitutulong para makabangon ka. Tutal naman ay hindi ka makahanap ng trabaho, eh di magtayo tayo ng negosyo,” suhestyon naman ni Boyong na ikinagulat ni Delsin at Alexis.
“Boyong, seryoso ka ba dyan sa sinasabi mo sa akin ngayon? Ano na lang ang sasabihin ng mga magulang natin kapag nalaman niyang tinanggap ko iyan? Alam mo naman kung anong tinuro nila sa atin hindi ba?” inis na sagot ni Delsin, hindi makapaniwala sa sinasabi ni Boyong.
“Alam ko naman kung ano ang pinaglalaban mo. Kaya lang, iniisip ko lang kung anong maitutulong ng pera niyan sa iyo. Saka tingin mo ba, papaya talaga si Ma’am Beverly na hindi mo tanggapin iyan? Tiyak ako na may plano ang amo mo kapag hindi mo tinanggap iyan,” sagot naman ni Boyong.
Dahil sa inis ay hindi muna sumagot si Delsin. Kailangan niya munang mag-isip nang mabuti bago tuluyang pagdesisyunan kung ano ba talaga ang mangyayari. Pumasok na lang siya sa loob ng kwarto nila at doon ay nag-isip. Sa sobrang pag-iisip niya eh hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya.
Sa kabilang banda, hindi alam ng tatlo na nakikinig pala sa kanilang usapan si Oryang. Tuwang-tuwa si Oryang dahil parehas sila ng iniisip ni Boyong. Ang plano niya, gagamitin niya si Boyong para makuha niya ang pera. Tiyak na makakatulong iyon sa anak nila ni Alexis kapag nakuha na nila.
Dito na niya malalaman kung ano ang mas pipiliin ni Boyong. Tuwang-tuwa si Oryang dahil sa wakas ay masisira na niya si Delsin kahit paano. Iyon na ang matagal niyang hinihintay eh. Hindi siya makapaniwala na si Boyong lang pala ang magiging kasagutan para matupad na niya ang matagal na plano.
Kinabukasan, maagang nagising sina Delsin at Boyong dahil ngayon na nila kukunin ang gamit ni Delsin sa spa salon. Noong una ay hindi ta;aga dapat sasama si Delsin kaya lang ay naisip niya na magpaalam ng maayos sa mga ka-trabaho niya. Bahala na kung nandoon ang amo niyang si Beverly, ang importante ay makapagpaalam siya sa mga naging kaibigan niya roon. Lalo na kay Tonyo na naging malapit talaga sa kanya ng todo.
Habang nasa byahe sila papunta sa spa salon ay hindi naiwasan ni boyong na hindi tanungin ang kanyang pinsan tungkol sap era. Gusto na niyang malaman kung tatanggapin na ba iyon ni Delsin o hindi pa rin.
“Pinsan, ano? Napag-isipan mo na ba kung tatanggapin mo mula kay Ma’am Beverly ‘yong pera?” tanong niya, parang uhaw na uhaw sa sagot ni Delsin.
Umiling si Delsin saka nagsalita.
“Hindi, hindi ko pa rin tatanggapin ang perang iyon. Sayang nga eh, hindi natin nadala papunta doon. Ibabalik ko na sana. Nakalimutan ko pa,” sagot naman ni Delsin.
“Malay mo naman, kaya mo pala nakalimutan na dalhin ‘yong pera na iyon eh dahil para sa iyo talaga ‘yon?” hirit pa ni Boyong na kina-irita naman ni Delsin pero hindi naman na niya pinahalata sa pinsan niya.
Ayaw naman kasi niya ng gulo, umagang-umaga pa lang. Kung papatulan pa niya iyon eh lalo lang sasakit ang ulo niya. Ang dami na nga niyang problema eh idadagdag pa niya si Boyong.
Pagdating nila sa spa salon ay sinalubong agad sila ni Tonyo. Akala nga ni Tonyo noong una ay customer ‘yong dalawa pero noong napatingin siya kay Delsin eh nag-iba ang approach niya.
“Oh Delsin, napadaan ka yata! Hindi ka na ba talaga papasok sa trabaho? At saka, i-kwento mo naman sa akin kung ano talaga nangyari noong isang araw. Hindi kita maintindihan, e. Bigla ka na lang kayang tumakbo dala-dala ang gamit mo,” pagke-kwento pa ni Tonyo.
“Naku, hindi na ako papasok sa trabaho ko rito. Hayaan mo, nakausap ko naman na si Ma’am Beverly at alam niyang resigned na ako. Gusto ko lang pumunta rito para pormal na makapag-paalam sa inyo saka para na rin kunin na ang natitirang mga gamit ko rito,” malumanay na sagot ni Delsin sa kanyang kaibigan pagkatapos ay pumasok na sa loob kung saan nandoon ang mga gamit ng empleyado.
Naiwan naman si Boyong sa labas kasama si Tonyo. Dahil naman sa labis na ka-gwapuhan ay hindi naiwasan ni Tonyo na hindi pansinin si Boyong na naka-upo at naghihintay sa kanyang pinsan na makuha ang mga gamit nito.
Agad na lumapit si Tonyo kay Boyong na labis niyang ikinagulat.
“Po? Bakit kayo nalapit sa akin?” tanong ni Boyong, naguguluhan sa kinikilos ni Tonyo.
“A-Ah, gusto mo ba ng masahe? Mamasahihin kita kung masakit ang katawan mo,” masaya pang sagot ni Tony okay Boyong.
Ngumiti nang pilit si Boyong dahil hindi niya alam kung anong dapat niyang maging reaksyon sa kinikilos ni Tonyo.
“Huwag na po. Aminado naman ako na gusto ko ng masahe pero wala rin naman kasi akong pera para magbayad sa spa salon na ito. Pasensya ka na ha? Nandito lang naman ako para samahan ‘yong pinsan ko. Si Delsin, sinama niya lang ako para kunin ang mga gamit niya at hindi para magpa-masahe,” sabi ni Boyong, halata mo sa itsura niya na nahingi siya ng pasensya kay Tonyo.
“Ah, ganoon ba? Sayang naman, libre naman iyon eh. Pero kung ayaw mo, ayos lang naman sa akin. Wala naman akong magagawa eh,” may landi sa boses ni Tonyo nang sabihin niya iyon.
Paglabas ni Delsin ay nakita niyang nag-uusap ang dalawa. Para makaiwas na sa gulo ay tinawag niya ang atensyon ni Tonyo.
“Huy, ano ka ba? Bata lang tingnan ‘yang pinsan ko pero may anak at asawa na iyan. Hindi ka na pwede dyan,” pang-aasar ni Delsin.
“Huy, hindi naman sa type ko siya ah! Sabi ko lang, kung gusto niya magpamasahe. Wala namang masama roon ah! Ikaw talaga Delsin, kung anu-ano ang iniisip mo sa akin simula noon pa man,” naaasar na sagot ni Tonyo.
“Hindi mo type pero iba naman ‘yang mga titig mo sa kanya? Naku, alam ko na iyan. Kilala kita, ‘no. Sige na, aalis na kami ng pinsan ko at baka kung ano pang mangyari rito. Oh Tonyo, mag-iingat ka ah?” nakangiting sabi ni Delsin.
“Naku, sila ang mag-ingat sa akin. Ang ganda ko kaya! Iba ang kamandag ko, ‘no,” proud na sagot ni Tonyo.
Natawa na lamang si Delsin at nagpaalam na sa iba pa niyang ka-trabaho. Buti na lang at wala si Ma’am Beverly doon, kung hindi ay mas mahihirapan siyang kumilos. Baka nga, hindi pa siya paalisin noon kapag nagkataon.