Kinagabihan ay sikretong kinausap ni Oryang si Boyong tungkol sa pera na binigay ni Ma’am Beverly kay Delsin. Hindi na niya kayang pigilan ang kanyang sarili dahil gusto na niya makuha ang pera.
Nasa labas sila ng bahay ngayon, parehas silang nagpapahangin. Tinawag ni Oryang si Boyong at gulat na gulat naman ito.
“Boyong, pwede ba tayong mag-usap? May gusto lang sana akong sabihin at itanong sa iyo, e.”
“Oh, ano iyon, Oryang? May problema ka na naman ba sa pinsan ko?” tanong ni Boyong, hindi siya makapaniwala na kinakausap siya ni Oryang ngayon.
“Ah, hindi naman sa ganoon. Gusto ko lang kasi na itanong kung pumayag na ba si Delsin na kunin ‘yong pera na binigay ng amo niya sa kanya?” tanong ni Oryang, iniiwasan niyang mag-tono na parang sabik na sabik siya roon sa pera.
“Ah, ‘yong tungkol ba roon? Hindi pa rin, e. Ayaw niya raw talaga kunin iyon. Kaso, alam naman naming parehas na talaga namang makakatulong iyon sa buhay niya,” sabi ni Boyong.
“Oo nga, pangsimula rin talaga sa negosyo iyon kung sakali. Kung ikaw ba ang tatanungin, kukunin mo na iyon?” pasimpleng tanong ni Oryang kay Boyong.
“Aba, kung ako lang naman ang tatanungin eh kukunin ko na iyon. Hindi ko na iisipin pa kung ano ‘yong mga tinurong prinsipyo ng Nanay ko sa akin. Nandoon na eh, iyong pera na iyon. Hindi ko na kailangan pang mag-trabaho para makuha iyon,” sabi ni Boyong.
Tahimik lang si Oryang, sobrang tuwang-tuwa niya dahil sa narinig. Alam niyang madali nang maloko si Boyong, konti na lang at makakasabwat na niya ito sa kanyang plano. Kailangan niya lang tyumempo.
“Gusto mo bang kunin natin ‘yong pera? Para na rin kay Delsin, tayo na lang ang gumawa,” simpleng sabi ni Oryang, sinusubukan niya kung papaya na agad si Boyong sa gusto niya.
Nabigla si Boyong sa sinabi ni Oryang. Agad siyang sumagot.
“Ah, hindi. Ayaw ko namang pangunahan ang pinsan ko tungkol dyan. Hayaan muna natin siyang mag-isip kasi totoo rin naman na mahirap ‘yong nangyayari sa kanya ngayon eh. Ayaw kong mangialam sa pera niya, ibang usapan na kasi iyon,” sabi naman ni Boyong.
Biglang nalungkot si Oryang, akala niya ay magtatagumpay na siya sa plano niyang makuha ang pera ni Delsin. Kung ganito rin lang, napag-isipan niya na siya na lang ang gagawa ng praan para makuha iyon.
Dumaan ang isang linggo matapos ang pag-uusap nina Oryang at Boyong eh hndi pa rin nakakapag-desisyon si Delsin sa kanyang gagawin doon sap era. Ni hindi na nga niya ito naibalik doon sa amo niya dahil busy din siya sa paghahanap ng trabaho.
Noong may pagkakataon na makapag-usap ulit sina Boyong at Oryang ay nag-usap sila. Ngayon ay desidido na si Boyong na kunin ang pera ni Delsin mula sa kanya.
“Paano pala tayo makakapunta sa spa salon nang magkasama?” tanong ni Boyong kay Oryang.
“Ah, ako ang bahala na roon. Madali naman kasing magdahilan kay Alexis eh,” sagot naman ni Oryang.
Pagkatapos ng ilang oras ay naka-alis na ang dalawa. Nauna si Boyong at ilang minuto lang ay sumunod naman si Oryang sa kanya. Nagdahilan na lang si Oryang na kikitain niya ang kapitbahay na nagka-utang sa kanya. Agad namang pumayag si Alexis dahil may pinapagawa ang kapitbahay nila sa kanya.
Masaya silang pareho noong nakapunta na sila sa spa salon.
“Oh, ano? Ready ka na ba? Wala nang atrasan ‘to ah. Isa pa, walang makakaalam kay Delsin at Alexis kung anong nangyari rito,” sabi ni Oryang kay Boyong.
“Oo naman, walang makakaalam sa kanila. Basta, hati tayo sa pera ha? Naku, malaki-laki rin ito!” masayang sabi ni Boyong, halata mo na excited talaga siya sa pagkuha noong pera ng pinsan niya.
“Oo, hating kaibigan tayo. Tara na, pumasok na tayo sa loob. Sana lang ay nandyan si Ma’am Beverly ngayon, malas kung wala,” sabi naman ni Oryang at pumasok na silang dalawa.
Agad na sinalubong sila ng mga dating naka-trabaho ni Delsin. Si Tonyo ay agad na nakilala si Boyong dahil nga sa ka-gwapuhan na taglay nito. Hindi naman niya agad iyon makakalimutan kahit na unang beses pa lang naman silang nagkikita.
“Oh, bakit ka naparito? Napag-isipan mo na ba ‘yong sinabi ko na libreng masahe? Magpapamasahe ka an sa akin?” may landing tono pa ni Tonyo.
“Ah, hindi. Wala talaga akong balak na magpamasahe sa iyo. Kaya lang naman kami nandito ay may kailangan kami kay Ma’am Beverly, nandyan ba siya?” rektang sagot ni Boyong kay Tonyo. Inis na inis naman si Tonyo sa kanya.
Inismiran pa niya si Oryang dahil sa inis. Akala kasi niya ay babae ito ni Boyong. Parang gusto nan gang sabunutan ni Tonyo si Oryang pero hindi niya lang iyon magawa dahil nasa trabaho siya. Isa pa, ayaw niyang mapahiya kay Boyong na sobrang crush niya.
“Hmm, nasa loob si Ma’am Beverly. Mukha namang wala siyang kausap sa loob. Pwede niyo naman siyang kausapin,” mataray na sagot ni Tonyo sa kanila.
Ngumiti si Boyong at Oryang sa isa’t isa bago kumatok sa opisina ni Beverly.
“Ma’am, pwede ko po ba kayong makausap?” mahinang tanong ni Boyong kay Beverly.
“Ah, sino iyan? Pasok kayo,” nakangiting sagot ni Beverly sa kanila.
Pumasok sila sa loob at umupo roon. Parang mababait na tupa ang dalawa sa harapan ni Beverly. Si Tonyo naman ay nakamasid lang doon sa tatlo habang nag-uusap ang mga ito.
“Oh, parang kilala ko kayo. Hindi ko nga lang alam kung saan ko kayo nakita pero pamilyar kayo sa akin. Ano ang kailangan ninyo?” sabi ni Beverly.
“Ah, opo Ma’am Beverly. Nagkita na po tayo. Pinsan po ako ni Delsin eh,” sabi naman ni Boyong.
“Ah, kaya pala pamilyar kayo. Oh eh ano, bakit kayo nandito sa opisina ko? Kukunin na ba ni Delsin ang pera na binigay ko sa kanya? Ilang linggo na rin ang nakalipas ah,” sabi ni Beverly.
“Ah, opo. Sabi niya sa amin ay kukunin na raw po niya ang pera na binigay ninyo sa kanya. Tama nga raw po kayo, pwede niya pong gamitin iyon bilang pangsimula niya sa negosyo,” pagsisinungaling ni Oryang kay Beverly.
“Oh, kung sa ganoon ay salamat. Salamat at tinanggap na niya ang binigay ko. Mabuti naman at malinaw na sa kanya na binigay koi yon para makatulong naman ako sa kanya habang wala pa siyang trabaho,” masayang sabi ni Beverly, hindi niya alam na niloloko lang naman siya ng mga taong kaharap niya ngayon.
“Maraming salamat po sa tulong ninyo, Ma’am Beverly. Hulog po kayo ng langit sa pamilya namin. Sasabihin ko na lang po kay Delsin na ayos na po ang lahat. Maraming salamat po ulit. Una na po kami,” nakangiting sagot ni Boyong at tumango naman si bverly bilang tugon.
Masaya silang umalis sa spa salon. Napag-usapan kasi nila na hati sila sa pera ni Delsin at hindi nila ito bibigyan. Nakakalungkot lang isipin na ang kakampi sana ni Delsin ay ang taong sumaksak sa kanya patalikod.