Tuwang-tuwang umuwi sina Oryang at Boyong sa bahay. Dahi hindi pwedeng malaman nina Delsin at Alexis kung ano ang ginawa nila ay nauna muna si Oryang bago si Boyong.
May dala-dala siyang mga damit at pagkain ng kanyang anak. Binilhan din naman niya ang kanyang sarili pero hindi niya naisip bilhan si Alexis dahil inis na inis siya rito. Saka, alam naman niya na pagdududahan siya nito kung mangyari iyon. Hindi niya naman kasi binibilhan ng kahit na ano si Alexis simula noong magka-anak na silang dalawa eh.
Habang nagkakape ay nakita ni Alexis na sobrang dami nang dala ng kanyang asawa. Sa una ay nagtaka siya pero minabuti na lang niya muna na tulungan ito.
“Oh, bakit ang dami mo naman yatang dala? At saka, bakit sobra-sobra yata ang ngiti mo ngayon? Anong nangyari, Oryang?” tanong ni Alexis pagkatapos ay tinulungan niya ang asawa sa mga ito.
“Ah, eh paano kasi ay nagbayad na ‘yong kumare ko na napakalaki ng utang sa akin. Kaya ito, marami akong binili para sa anak mo,” nakangiti pang sabi ni Oryang dahil sobrang saya niya.
“Ah, ayos iyan. Bumili ka na rin ba ng pagkain natin?” tanong ni Alexis, hindi naman kasi mahalaga para sa kanya ang mga material na gamit na binili ni Oryang eh.
Ang pinaka-concern niya ay kung makakakain ba sila ng maayos. Dahil sa hirap ng buhay ngayon, mahal na ang mga bilihin. Syempre, kung bibili si Oryang eh sana ‘yong pinaka-kailangan na lang nila ng kanyang pamilya.
“Ah, oo naman. Bumili na ako ng mga ulam, medyo marami ito kaya ayos na ayos tayo,” nakangiting sagot ni Oryang kay Alexis.
Nilabas ni Oryang ang mga pagkain at ulam na binili niya, gulat na gulat si Alexis dahil sa sobrang dami noon. Hindi niya tuloy naiwasan na hindi tanungin ang kanyang asawa.
“Oryang, ano iyan? Bakit parang ang dami mo naman yatang nabili? Ganoon na ba karami ang nautang sa iyo noong kumara mo para makabili ka ng ganyan karami? Saka, bakit ka bumili niyan eh alam mo naman na wala naman tayong malaking refrigerator, saan mo ilalagay iyan ngayon?” panay tanong ni Alexis, hindi kasi talaga siya makapaniwala sa nakikita niya ngayon.
“Ah, oo. Ang dami kasing utang ni Felicia kaya ‘yan. Ang dami niya ring binayaran sa akin. Makikilagay na lang ako kay Delia ng mga pagkain natin. Babayaran ko na lang kung magkano man ang aabutin kapag ginamit natin ‘yong refrigerator niya,” sabi pa ni Oryang na lalong pinagtaka ni Alexis.
“May pambayad ka kay Delia? Ang dami mo naman yatang pera?” nagdududa na si Alexis.
“Oo. Haynaku, huwag ka na ngang mag-alala kung saan ko nakuha ang pera ko. Basta, nakuha ko iyan kay Felicia dahil naipon ang utang niya sa akin. Hayaan mo na. Buti nga at may pagkukunan tayo ng pagkain. Matagal-tagal din akong hindi mamamalengke dahil dito,” nakangiting sagot ni Oryang.
Dahil ayaw na makipag-away ni Alexis ay hindi na niya pinansin ang asawa. Bumalik na lang ulit siya sa kanyang pag-inom ng kape.
Pumunta naman si Oryang sa bahay nina Delia. Masayang-masaya pa ito. Ibang-iba talaga sa nakasanayan na ugali ni Alexis sa kanya.
Habang palabas si Oryang dala-dala ‘yong mga ulam na ipapalagay niya sa refrigerator ni Delia ay lumabas na rin si Delsin mula sa kwarto nila ni Boyong.
Pati si Delsin ay nagtaka rin dahil sobrang saya ni Oryang. Hindi rin siya sanay sa nakita niya. Ni hindi man lang siya pinagsabihan nito ng kung anu-ano. Napatanong tuloy siya kay Alexis kung anong meron kay Oryang at ganoon siya ngayong araw. Kakaiba kasi talaga ang awra ni Oryang.
“Mukhang masaya si Oryang ah? Anong meron? Ngayon ko lang nakitang maging ganoon siya,” sabi ni Delsin pagkatapos ay umupo siya sa tabi ni Alexis habang nagkakape ito.
“Ewan ko nga roon. Ang dami niya yatang pera. Sabi niya, galing daw sa kumara niya na si Felicia. Pero hindi ako naniniwala dahil kilala ko naman si Felicia eh, hindi ganoon umutang iyon,” nagdududa pa rin si Alexis sa kinikilos ni Oryang.
“Ano sa tingin mo? Kung hindi sa kumara niya iyon nakuha. Saan naman?” tanong ni Delsin.
“Malabong sa lotto dahil hindi naman kami nataya roon. Diyos ko, sana naman hindi galing sa masama iyan. Kung mangyari iyon, hihiwalayan ko na talaga si Oryang,” naiinis na sabi ni Alexis.
“Malay mo naman eh marami lang talagang utang na binayaran ‘yong kumara ninyo kaya ganoon. Sa tingin ko naman ay hindi na aabot si Oryang sa ganoon. Oo, masama nga ang ugali niya sa akin kung minsan pero hindi ako naniniwala na magagawa niya iyon,” sabi naman ni Delsin.
“Sana nga. Hindi ko kasi alam kung ano ang sasabihin o gagawin ko sa kanya kapag nalaman kong may ginagawa siyang masama. Wala na siyang awa sa amin ng anak niya kung ganoon. Ibabaon niya kami sa kahihiyan kapag ginawa niya iyon eh,” sabi ni Alexis.
“Naku, huwag mo na lang isipin iyan. Ang isipin mo, mas maigi dahil may pera na kayong panggastos sa araw-araw. Hindi na kayo mahihirapan pa. Di ba?” masayang sabi ni Delsin.
“Pasensya ka na sa akin Delsin, hindi ko kasi naman kayang magpasalamat sa isang bagay na hindi ko naman alam kung saan nakuha ng asawa ko. Magpapasalamat lang ako oras na malaman ko na sa mabuti nanggaling iyang pera niya,” may paninindigan na sagot ni Alexis.
Tumango-tango na lang si Delsin bilang tugon pagkatapos ay tumayo na.
“May pupuntahan lang ako saglit, ah? Kailangan kong maghanap ng susunod ko na trabaho. Kahit naman na may pera si Oryang ngayon eh hindi naman maiiwasan na magtanong iyan tungkol sa utang ko sa kanya kaya kailangan kong kumita kahit paano,” paalam ni Delsin kay Alexis.
“Oh sige, Delsin. Sana ay makuha kang trabaho kahit side line lang. Marami naman dyan, e. Kapag hindi ka nakahanap ngayon eh tutulungan na kita makahanap, ha? Huwag mo na akong tatanggihan. Ayos lang iyon,” sabi naman ni Alexis.
“Sige, babalik na lang ulit ako mamaya. Eh sana nga ay may mahanap ako,” sabi ni Delsin pagkatapos ay umalis na ng bahay.
“Sige, ingat ka Delsin. Papasok muna ako sa loob para makapagpahinga ako,” sagot ni Alexis.
Makaraan ang isang oras, dumating naman si Boyong at may dala-dalang bagong cellphone. Iyon ang inuna niyang bilhin doon sa nakuha niyang pera galing kay Ma’am Beverly. Ang iba naman ay tinago niya sa malaking bag na bili rin niya.
Bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay ay tiningnan muna ni Boyong kung nandoon ba si Delsin o si Alexis dahil natatakot siya nab aka matanong ng mga ito kung saan galing ang perang pinambili niya roon sa bago niyang cellphone.