CHAPTER 4: Ang Muling Pagkikita.

3640 Words
CHAPTER 4: Ang Muling Pagkikita. MEDYO INAANTOK pa si Zoey dahil nag-OT pa siya kagabi sa Jollibee pero dahil malapit na ang exam nila para sa second sem sa kurso niyang HRM ay kailangan niyang magpunta ng library para mag-aral. Kasalukuyan siyang nasa mga bookshelves ngayon para maghanap ng librong mababasa nang bigla siyang may mapansing isang pamilyar na lalaki na nasa kabilang bahagi lang din ng bookshelf na kinaroroonan niya. Nanlaki ang mga mata niya nang tuluyang makilala ang lalaking iyon. Walang iba kundi iyong lalaki na nakabangga niya sa entrance ng Jollibee. Iyong lalaki na ni sa hinagap ay hindi niya naisip na makikita niya ulit! Sa nakita ay bigla na namang naglaro ang mga daga sa dibdib niya. Nandoon na naman iyong hindi pamilyar na pakiramdam na bumabagabag sa puso niya. Ano'ng ginagawa ng lalaking ito rito?! Bigla siyang napaigtad nang bigla ring mapatingin sa kanya ang lalaki na parang katulad niya ay nagulat din. Ilang segundo na silang nagtititigan lang pero wala man nagsasalita sa kanilang dalawa. Tila ba may koneksyon sa kanilang dalawa na hindi niya maipaliwanag kung ano. "M-Mi—" Mukhang may sasabihin pa sana ang lalaki pero tinalikuran na niya ito kaya naman hindi natuloy ang salitang lalabas sana sa bibig nito. Hindi niya gusto ang nararamdaman niya para sa lalaking iyon. Lalo pa at isa lang dapat ang focus niya ngayon at iyon ay ang pag-aaral niya para makaangat sa buhay. Lumayo siya ng kaunti sa lalaki at naupo na sa table na mayroon doon sa library. Huminga siya ng malalim at pilit na pinakalma ang dibdib niya na kanina pa dumadagundong dahil do‘n sa lalaking iyon. "Miss!" "Ay, palaka!" Napaigtad siya nang biglang may kumalabit sa balikat niya mula sa likod at narinig niya ang pamilyar na boses ng isang lalaki. Iyon pa rin iyong lalaking tinakasan niya! Iyong lalaki na tila kayang kontrolin ang galaw ng sistema niya sa katawan! "Sssss!!!" Nakita niya na nakasimangot na sinaway sila ng librarian nang mapansin nito ang ingay nila kaya naman napilitan ang lalaki na tabihan siya sa table. Parehas pa silang mahinang humingi ng sorry sa librarian. "Sino ka ba? Bakit mo ako sinundan?" Mahina at halos pabulong na tanong niya. "Hindi ko alam kung natatandaan mo pa ako pero sa totoo lang, nagkabanggaan na tayo noon. Sa Jollibee Makati. Naaalala mo ba?" Halos pabulong din itong sumagot. "Wala akong natatandaan. Marami kaming nagiging customer do'n kaya hindi ko na nakikilala ang mukha ng lahat ng pumapasok do'n sa fastfood." Napakamot naman ng ulo si Angelo. Hindi makapaniwala na may babaeng hindi nakatanda sa mukha niyang iyon. Mabilis pala siyang makalimutan. "Ayos lang kung hindi mo natatandaan pero alam mo ba na simula ng araw na iyon ay hindi na kita nakalimutan? Pasensya ka na, baka isipin mo na weird ako, playboy o bolero pero sinasabi ko lang ang totoo. Kahit nga sa sarili ko ay nagulat din ako dahil ngayon lang nangyari sa akin ito. Iyong magkainteres ako sa isang babae sa unang beses pa lang na nakita ko siya..." Biglang nag-iwas ng tingin si Angelo kay Zoey na para bang hiyang-hiya ito. Si Zoey naman ay hindi makapaniwala sa narinig. Ngayon lang ba ay nagtapat na agad sa kanya ang lalaking nasa harapan niya ngayon? Posible kaya na katulad niya ay kinakabahan din ito na kaharap siya? Parehas lang ba sila ng naramdaman sa unang beses na nagkita sila? Hindi siya makapaniwala. Base sa nakikita niyang expression sa mukha nito ay mukhang tama nga siya ng hinala! "Ako nga pala si Angelo. Ikaw, ano ang pangalan mo?" Bigla nang nag-angat ng tingin sa kanya si Angelo at inabot ang kamay sa kanya. Napatingin naman siya roon at nag-aalangan kung aabutin ba niya. Never pa siyang nagkaboyfriend at ni hindi siya nagpapaligaw kaya sa totoo lang ay hindi siya sanay sa mga lalaki. Naiilang siya sa mga ito. "Ayaw mo ba akong maging kaibigan?" Parang nalungkot ang mabait na mukha ni Angelo. Sa amo ng mukha nitong iyon ay bagay talaga rito ang pangalan nito dahil mukha itong anghel. "A-Ah, hindi! Hindi naman sa gano'n. Sorry, may naisip lang ako. Ako si Zoey. Kinagagalak kitang makilala, Angelo!" Nakangiting inabot na niya ang kamay nito kahit pa nahihiya siya. "Ngayon lang kita nakita rito. First year ka ba?" Tumango siya. Hiyang-hiya pa rin. "Ako rin, ngayon lang kita nakita." "Siguro dahil fourth year college na ako at gagraduate na ako this year. Wait, ano ngang course mo?" tanong nito. "HRM," maikling sagot niya. "Ahh... Kaya naman pala. Business administration ang course ko. Malayo ang department natin sa isa't-isa," natatawang sabi nito. "Pwede ba tayong maging magkaibigan, Zoey?" Maya- maya ay natanong nito. "Hindi ako masayang maging kaibigan dahil boring ako. Hindi ako mahilig gumala o magparty. Kadalasan, trabaho, school at bahay lang ako," maikling sabi niya. Natawa lang ito. "You don't have to worry. I don't like parties as well. Infact, parehas tayo ng hobby. Mas masarap kayang magbasa ng libro kaysa ang makipagharutan do'n sa labas," pagbibiro nito. Natawa naman siya. Ngayong nag-uusap na sila ay parang unti-unti ng nawawala ang ilang niya rito. Hindi rin ito boring kausap. "Kung gano'n naman pala, sige, pwede tayong maging magkaibigan. Basta huwag ka lang magdedemand ng maraming oras dahil hindi ko iyon sa 'yo maibibigay," pagbibiro rin niya pero may halong katotohanan. Masyado nang kulang para sa kanya ang 24 hours para hatiin ang katawan sa trabaho at pag- aaral. "Naiitindihan ko, Zoey. Alam ko na nagtatrabaho ka pa habang nag-aaral kaya hindi ako magdedemand ng oras mo. Basta kung kailangan mo lang ako, I'm just here..." sabi nito na tumitig na naman sa mga mata niya. Nang dahil sa titig nitong iyon ay parang biglang bumalik ang pagkailang niya at namula na naman ang mukha niya. Sa totoo lang, nahihirapan siyang makipaglaban ng titigan dito. Nababaliw na nga yata talaga siya. ---- LUMIPAS pa ang mga linggo na palagi nang magkasama sina Angelo at Zoey. Mayroon kasi silang iisang hobby na sa tingin nila ay siyang dahilan kung bakit sila nagkakasundo, at iyon ay ang pagbabasa. Lalo pa at mahilig magsulat si Angelo. "Sa totoo lang, nililihim ko sa pamilya ko ang hobby kong 'to dahil ang gusto ng mama ko ay maging tagapagmana ako ng mga negosyo ni papa. Pero sa totoo lang, wala naman talaga akong interes na maging businessman. Mas masarap kayang magsulat ng mga kwento." Minsan ay naikwento ni Angelo. "Bakit kaya hindi mo sabihin sa kanila? Ano'ng malay mo, maintindihan ka rin nila?" sabi naman ni Zoey. Ngumiti lang si Angelo. "Hindi naman mahalaga sa kanila kung ano ang gusto ko. Sa pamilya namin, napakalaki ng expectation nila sa akin. At ang pagsusulat ng mga nobela ay isang maliit na bagay lang para sa kanila," sabi pa nito. Naisip tuloy ni Zoey, na mas maswerte pa pala siya sa mga magulang niya dahil ang mga ito, kahit ano pa ang gawin niya sa buhay niya ay nakasuporta lang ang mga ito. Hindi katulad ni Angelo na palaging tinatago kung ano ito. "LUMABAS na ang result ng exam para sa second semester, at gusto kong malaman ninyo na hanga talaga ako sa mga galing ninyo dahil halos lahat kayo ay matataas ang scores. Mukhang isinasapuso ninyo ang mga itinuturo ko sa inyo," sabi ng teacher nila sa basic statistics. Nasa classroom kasi sila ngayon at nakikinig sa teacher na bagong pasok lang sa klase. "Pero may isang estudyante talaga ako ngayon na hinahangaan, e. Actually, pinag-uusapan nga siya sa faculty kanina dahil sa halos lahat na lang ng subject ay nakakuha siya ng magandang score. Mukhang talagang pinagbubutihan niya ang pag-aaral niya," dugtong pa ng guro. "Sir naman, huwag naman ninyo ako masyadong purihin! Alam ko na magaling ako pero ang sabihin sa lahat kung gaano akong kagaling, sobra na 'yun!" Assuming na sabi ng kaklase niya na si Suzy na kunware pang hiyang-hiya pero ang totoo, tuwang- tuwa sa balita na hindi pa nito sigurado kung ito ba talaga. Tinawanan lang ito ng guro. "I'm sorry, Suzy but you are not the one I'm reffering to. I'm talking about, Ms. Zoey Meano. Would you believe that she got a perfect score in all subject? Lahat tuloy halos ng teachers dito ay napapabilib niya. Very good, Ms. Zoey Meano! Kapag ipinagpatuloy mo pa 'yan, hindi malabo na maging kandidato ka para maging c*m laude ng school." Napunta na sa kanya ang atensyon ng guro kaya naman ang laki ng ngiti niya na agad ding napunit nang mapatingin siya kay Suzy na masama ang tingin sa kanya. Nagyuko na lang siya ng ulo. Sigurado siya na mas lalong mag-iinit ang mga mata nito sa kanya. Hindi niya alam kung bakit pero pakiramdam niya ay nakikipagkumptensya ito sa kanya. Nang matapos ang klase ay tatayo na sana siya sa kinauupuan niya nang bigla siyang pinaringgan ng grupo nina Suzy. "Hay, naku, masyado kasing sipsip sa mga teachers kaya palaging nakakakuha ng matataas na scores sa exam!" sabi ng kaibigan ni Suzy na si Badet. "True! If I know, baka gumagawa ng kababalaghan 'yan kasama ng mga teachers kaya palaging nakakakuha ng matataas sa exam!" gatong naman ni Pinky. "Guys, hayaan n'yo na. Hindi naman ako gano'n kababa para lang ibenta ang sarili ko para lang makakuha ng ‗matataas‘ na scores sa exam. Hinding-hindi ko dadayain ang resulta katulad ng ginagawa ng iba riyan. Hayaan na ninyo, babawi na lang ako sa susunod," nakangising sabi ni Suzy na halatang mas nilalakasan pa ang boses para lang marinig ng ibang mga estudyante ang pinagsasasabi nito. Bumuntong-hininga na lang siya. Hindi naman siya tanga para hindi maramdaman na siya ang pinariringgan ng mga ito. Pero alam din naman niya na hindi totoo ang sinasabi ng mga ito, iniimbento lang ng mga ito na nanlalandi siya ng mga teachers para lang doktorin ang resulta ng mga exams. Tatayo na sana siya sa kinauupuang silya nang bigla siyang magulat dahil bigla na lang nagsitilian ang mga kaklase niya. Marami ring mga babae sa labas ng classroom nila. "Kyyaaaa!!! Si Angelo Recaforte ng business administration department, nandito!" "Grabe, ang gwapo-gwapo pala talaga niya sa personal!" "Ano'ng ginagawa niya rito? Sinusundo ba niya ang girlfriend niya? Ang swerte naman ng girl!" "Dinaig pa niya ang isang artista sa sobrang kagwapuhan!" "Para siyang anghel na nahulog sa langit! Nakakakilig siya, girl!" Nagulat siya dahil sa sunod-sunod na narinig niya mula sa paligid. Sikat na sikat pala sa mga first year si Angelo? "Oh my god, dumating na ang boyfriend ko. Mauuna na ako sa inyo, girls!" Bigla nang tumayo si Suzy sa kinauupuan at inunahan pa siya na makapaglakad papunta sa pinto. Hindi siya makapaniwala na kilala rin pala nito si Angelo. "Ikaw naman, Angelo, bakit mo pa ako sinundo rito? Nakakahiya tuloy sa mga kaklase ko. Crush na crush ka nila!" Nang makalabas mula sa loob ng classroom ay narinig pa niyang sinabi ni Suzy. Sinalubong nito si Angelo sa labas ng classroom. Nang mapansin siya ng dalawa ay sabay pang napatingin ang mga ito sa kanya. Ewan ba niya pero parang nasaktan siya nang mapansin na sobrang kapit na kapit si Suzy sa braso ngayon ni Angelo at hindi man lang ito itinutulak palayo ng lalaki. "Magkakilala pala kayong dalawa, Angelo? Hindi ko alam." Pinilit niyang ngumiti para hindi halata na nagseselos siya. "Oo at hindi lang kami basta magkakilala dahil childhood lovers kami, Zoey. Inggit ka ba? Hindi ka ba makapaniwala na kasing hot ni Angelo ang boyfriend ko?" nakangising tanong ni Suzy. "Boyfriend? Ano ba‘ng sinasabi mo riyan, Suzy? I don't even know na magkaklase kayo ni Zoey. Pumunta ako rito dahil sa kanya at hindi para sa 'yo!" Bigla itong kumawala sa pagkakakapit ni Suzy. "What?! At bakit mo naman pupuntahan ang babaeng 'yan, Angelo?" gulat na gulat si Suzy. Mukhang inaasahan talaga nito na ito ang sadya ni Angelo. Lumapit sa kanya si Angelo at hinawakan siya sa kamay. "Because she is the one that I like, Suzy. I'm sorry..." Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ni Angelo. Gusto siya nito?! "What?! Ang baba naman yata ng taste mo para sa isang babae, Angelo! Don't you know, that girl is poor! Nakapag-aral lang 'yan sa school na ito dahil isa siyang scholar pero sa totoo lang, mas mahirap pa siya kaysa sa daga and you want that girl to be your girlfriend? Are you out of your mind?!" Hindi na nakapagpigil si Suzy na sumigaw. "That's the exact reason why I like her, Suzy. She's a very hardworking girl who is doing everything that she can just to achieve her dreams. Unlike us, all of the things that we have right now were given by our parents. Hindi ba, dapat nga ay mas humahanga pa tayo sa mga katulad niya?" pagtatanggol ni Angelo. Parang hindi man lang ito nadadala sa nakakatakot na aura na mayroon si Suzy. "That's bullshit! Hindi natin siya kalevel, Angelo. Mababa siya kung ikukumpara sa atin at darating ang araw na pagsisisihan mo na siya ang pinili mo kaysa sa akin!" "It will never happen, Suzy," parang siguradong-sigurado na sabi ni Angelo. Lalo lamang iyong nakapagpaigting sa ngitngit ni Suzy. "Bahala ka na sa buhay mo!" galit na nagwalk out na lang si Suzy habang siya ay malakas ang t***k ng puso. Napalingon siya sa paligid at nakita niya na lahat pala ng naroon ay napanood ang eksena ng love triangle nila kaya naman pulang-pula ngayon ang mukha niya. Para silang mga paninda sa palengke na pinag-aagawan ng mga bumibili. "I think we need to find another place to talk?" nakangiting baling sa kanya ni Angelo. Iyon lamang at umalis na sila sa tapat ng classroom nila na magkahawak-kamay pa. --- "BAKIT mo naman iyon sinabi kay Suzy?" tanong niya kay Angelo matapos nilang umalis mula sa classroom. Ngayon nga ay nasa school canteen sila. Magkatabi na nakaupo sa isa sa mga table na naroon. Pakakainin muna raw siya nito bago siya umuwi. "Iyong sinabi ko sa kanila na gusto kita? Bakit naman hindi ko sasabihin kung totoo naman?" tanong nito. Bumuntong-hininga siya. "Akala ko ay magkaibigan lang tayo. Iyon pala ay mas higit pa roon ang gusto mo—" "Don't worry about me," pinutol nito ang sasabihin niya. Napalingon tuloy siya rito. "Mahal kita pero wala akong plano na makasira sa mga pangarap mo sa buhay. Alam ko na gusto mong makapagtapos para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya mo, hindi ba? Hinding-hindi ko hahadlangan ang pangarap mo na 'yon..." nakangiting sabi nito. "Angelo..." "Huwag kang mag-alala, hindi ko na ulit sasabihin sa 'yo na mahal kita. Hindi ko na ulit ipapaalala ang bagay na iyon at ni hindi na uungkatin ulit. Gusto ko lang muna na maging kaibigan mo ngayon kaya sana ay huwag mo akong palayuin sa 'yo. Isa pa, handa naman akong maghintay, e. Kahit nga yata wala akong aasahan ay willing akong manatili sa tabi mo dahil lang sa iyon ang gusto ko." Alam niya na medyo nasasaktan niya ngayon si Angelo pero itinatago nito ang lungkot na iyon para lang maipakitang okay ito. "I'm sorry..." nakayuko na lang na sabi niya. Hinawakan nito ang kamay niya. "You don't have to say sorry, Zoey. I'm okay... Siguro, kung naging mahirap din ako katulad mo, magiging priority ko rin na mag-aral muna kaya naiintindihan kita. Huwag mo akong alalahanin. Isipin mo na lang ang pag-aaral mo at ako? Nandito lang ako para sa 'yo at mamahalin kita kahit na walang kapalit," malumanay na sabi nito. Dahil sa narinig niyang iyon ay hindi na niya maiwasang hindi mapangiti. Naisip niya na talagang kakaiba nga si Angelo kung ikukumpara sa mga lalaking nakilala niya. Hindi nito ipinipilit ang sarili nito sa kanya at handa pa itong maghintay kahit pa na wala itong mapala. Ang ibang lalaki kasing nanliligaw, tila ayaw mag-aksaya ng panahon kung wala kang maibibigay na assurance sa kanila na may pag-asa sila na sagutin mo, pero iba si Angelo, kaya nitong magmahal ng walang hinihinging kapalit. Sa tingin niya, kung mayroon man siyang lalaking iibigin, si Angelo ang pinakarapat-dapat para sa puso niya... "MAMA? Paano po ninyong nakilala si Papa? Paano po kayong nainlove sa kanya?" Dahil restday ni Zoey ng araw na iyon ay nasa bahay lamang siya at tinutulungan ang mama niya sa mga labada nito. Sa umaga ay nagtitinda ito ng mga gulay sa palengke pero kapag ganoong hapon ay tumatanggap na ito ng labada. "Matagal na kaming magkaibigan sa probinsya ng papa mo bago kami naging magnobyo, anak. Dahil parehas kami ng kundisyon ay halos walang gustong makipaglaro sa amin noong mga bata pa lang kami. Minsan din kaming nangarap na magkaroon ng kanya-kanyang normal na nobyo o nobya pero para sa mga katulad namin ay napakahirap maghanap ng totoong pag-ibig. Kung hindi kami pinasasakay lang, pineperahan naman kami o niloloko. At kapag nangyayari iyon? Kaming dalawa lang din ng papa mo ang nagiging takbuhan ng isa't-isa..." paumpisang kwento ng Mama Amor niya. "Hanggang sa magising na lang kami parehas sa isang katotohanan na siguro nga, wala nang ibang magmamahal at makakaintindi sa amin kundi kaming dalawa lang din. Nagdesisyon kami na kaming dalawa na lang. Wala na kaming choice, e. Pero hindi ko akalain na magiging masaya ako sa naging desisyon ko dahil natutunan naming mahalin ang isa't-isa. Sabay kaming nangarap na bumuo ng sarili naming pamilya. Naging sandigan namin ang isa't-isa. Kung alam mo lang, anak kung gaano kasarap na makahanap ka ng lalaking talagang magmamahal at magpapahalaga sa 'yo. Iyong lalaki na handang itaya ang lahat para lang sa 'yo at handa kang unahin kaysa sa sarili niya. Ganoon ang ama mo sa akin kaya naman mahal na mahal ko siya," nakangiting sabi ng ina. Tila ba sinasariwa ang mga matatamis na ala-ala ng kahapon. Dahil sa narinig mula sa ina ay napangiti siya. Alam niya na talagang masaya ang mama niya at alam din niya sa sarili niya na gusto rin niyang maranasan kung anuman ang nararanasan nitong saya ngayon. At iyong mga binanggit nito tungkol sa papa niya? Ganoong-ganoon si Angelo sa kanya. Mas inuuna siya ni Angelo kaysa sa sarili nito. Minamahal siya nito at sinusuportahan ng walang kapalit. At bukod do'n, pakiramdam niya ay ang saya-saya niya palagi kapag kasama niya ito. Pakiramdam niya, lahat na lang ng bagay ay kaya niyang sabihin dito. "Bakit mo nga pala tinatanong? May nagugustuhan ka na ba, anak?" biglang tanong ng mama niya. Agad naman na namula ang mukha niya. "Hindi po, 'ma! W-Wala akong nagugustuhan! Curious lang po talaga ako sa inyo ni papa kaya ko naitanong!" Hindi niya alam kung napaniwala niya ito dahil kahit siya sa sarili niya ay parang hindi rin siya naniniwala. "Kunwari ka pa, anak. Huwag mo nang ikaila, hindi mo naman itatanong iyan kung wala lang, e. Sabihin mo na lang ang totoo, huwag ka nang maglihim sa akin," pang-aasar pa nito. "Wala nga po, 'ma, maniwala kayo!" pagtanggi pa rin niya na iwinawasiwas pa ang kamay. "Alam kong mabuting anak ka, Zoey kaya naman mahal na mahal ka namin ng papa mo. Pero alam din namin na simula pa lang sa umpisa ay nahihirapan ka na rin ng dahil sa amin kaya gusto ka rin naman naming maging masaya. Kung may nagugustuhan ka na, huwag mong pipigilan ang sarili mo. As long as wala pa namang magaganap na kasal ay hindi ka namin pipigilan na magboyfriend. Kilala kita, alam ko naman na hindi ka magpapabuntis kaagad kahit pa magkaboyfriend ka na kaya ayos lang sa akin, anak kahit na makipagrelasyon ka na. Alam ko na ganoon din ang gusto ng papa mo," mabait na sabi ng mama niya. "'Ma, kahit kailan ay hindi kayo naging pabigat sa akin, maniwala po kayo. Masaya ako sa ginagawa kong pagtulong sa inyo at hinding-hindi ko pagsisisihan na kayo ang naging mga magulang ko. Isa pa, kahit naman na may nagugustuhan na ako ay hindi pa rin muna ako magboboyfriend. Pangako ko 'yan sa inyo noon, hindi ba? Bibigyan ko muna kayo ng magandang buhay bago ako magmahal ng iba," pangangako niya. "Anak, hindi mo kailangang gawin 'yan. Ayos lang kami ng papa mo, matatanda na kami. Mas gusto namin na unahin mo muna ang sarili mong kaligayahan bago kami. Baka naman mamaya ay hindi ka na mag-asawa nang dahil lang sa amin," nag- aalalang sabi pa nito. "'Ma, kayo po ang priority ko, period. Huwag na po kayong makipagtalo sa akin dahil hindi po kayo mananalo," nakangiting sabi niya sa ina. "O siya, sige, kung ganyan ang gusto mo ay wala na akong magagawa. Napakaswerte ko talaga sa 'yo, anak. Iyong ibang bata riyan, naglalayas pa kapag pinipigilan ng magulang na makipagboyfriend pero kami ng papa mo, kami na ang nagtutulak sa 'yo na unahin mo ang sarili mong kaligayahan pero kami pa rin ang iniintindi mo," natatawa na lang na sabi ng mama niya. "Dahil kayo po ang pinakamamahal ko sa buong mundo, mama. Kung wala po kayo ay wala rin ako kaya hinding-hindi ko po kayo ipagpapalit sa kahit na sino'ng lalaki riyan!" pangangako niya. "Masaya ako na marinig 'yan mula sa 'yo pero maiintindihan ko kung darating ang panahon na iiwan mo na kami ng papa mo para bumuo ng sarili mong pamilya. Lahat ng tao ay nag-aasawa, anak." "Kapag dumating ang araw na iyon ay isasama ko pa rin kayo, mama. Kapag hindi pumayag ang lalaking sinasabi ninyo na mapapangasawa ko ay walang kasalang magaganap. Magpapakatandang dalaga na lang ako kaysa ang iwan kayo," sincere na pangako niya sa ina. "Ikaw na talaga, anak. Kung may parangal lang para sa mga huwarang na anak ay siguradong ikaw ang mananalo! Palagi mo akong talo sa pakikipag-argumento, e!" pagbibiro pa nito. Tinawanan na lang niya ang sinabi ng ina saka na lang ipinagpatuloy ang mga nilalabhang panty ng kapitbahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD