Beep! Beep! Beep!
Madilim pa nang ako'y gumising mula sa tunog ng aking alarm. Kinukusot ko pa ang aking mga mata habang nahihilo pa rin mula sa antok. Halos limang oras lang ang aking tulog dahil sa pagtawag ni Sir William kaninang madaling araw.
Pupungat pungat akong bumangon mula sa aking kama at dumiretso na sa banyo. Pagkatapos magsipilyo at maghilamos ay agad na akong bumaba upang maghanda ng aming almusal ni Ate Kate.
Ngunit pababa pa lang ako ng hagdan ay sinalubong na ako ng mabangong amoy na nanggagaling sa kusina. Pagkarating ko ay natagpuan ko si Ate Kate na nagsasangag ng kanin. Agad akong lumapit dito,
"Hala Ate Kate, ako na po ang magluto nyan. Nakakahiya naman," napakamot ako ng ulo
Ngumiti ito,
"Ano ka ba, Tessa? Okay lang yan at saka gusto ko rin munang magluto,"
Napadpad ang aking tingin sa tinapay at mga sangkap sa mesa. Ngumiti ako nang pilya,
"Ginagalingan ni Ate ah, pwede nang mag asawa!" biro ko
"May almusal na, may pa-sandwich pa! Iba talaga kapag in love!" dagdag ko
Natawa ito,
"Alam mo Tessa, sa halip na sutilin mo ako, i-assemble mo na ang mga baon nating sandwich,"
"Yes, ma'am!" natatawa kong tugon. Sinimulan kong gawin ang mga grilled cheese sandwich habang nagluto si Ate Kate ng pritong itlog at sardinas.
Nang matapos kami sa kusina ay kumain na kami ng almusal. Pagkatapos nito ay dumiretso na kami sa kanya kanyang mga silid upang maligo at mag ayos ng sarili.
Pagkaraan ng ilang minuto ay bumaba na kami. Nauna nang lumabas ng bahay si Ate Kate habang sumunod rin ako agad matapos masigurong nakapatay ang tubig at main switch ng bahay. Pagkalock ko ng aming pinto ay sabay na kaming lumabas ng gate.
Naroon si Kuya Caleb at nakasandal sa kanyang sasakyan. Ngumiti sya pagkakita sa amin at agad na tumayo nang tuwid. Agad namang lumapit sa kanya si Ate Kate habang nilolock ko ang gate.
Nagkukulitan pa ang mga lovebirds nang matapos ako. Lumapit ako sa kanila,
"Hi Kuya Caleb!" bati ko
"Hello Tessa! I'm sure mag eenjoy ka sa mga activities sa isla," tugon nito
Natawa ako, "Excited na nga ako Kuya, salamat ulit dahil nakasama ako,"
Natawa rin ito, "You're most welcome, Tessa,"
Bitbit nya ang aming mga gamit at inilagay sa likod ng sasakyan. Pinagbuksan nya ako ng pinto saka ako naupo sa passenger seat. Pinagbuksan din nya ng pinto si Ate Kate na naupo sa tabi ng driver's seat. Saka ito umikot sa kabilang banda at saka sumakay ng kotse. Ilang sandali pa ay pinaandar na nito ang sasakyan.
Dinaanan din namin si Ate Megan sa kanyang bahay. Sumakay ito at naupo sa aking tabi,
"Hello everyone! Hello world!"
Nagkatawanan na lang kami sa loob dahil sa kakulitan ng una. Umagang umaga pa lang pero ang taas na ng energy ni Ate Megan!
"Oh, excited na ba ang lahat?" tanong nito
"Yes!" tugon namin ni Ate Kate
"Very good!" ani Ate Megan, "Ako nga sa sobrang excited ko di na ako natulog,"
Muling natawa si Kuya Caleb habang tahimik na nagmamaneho
"Hay nako, Papa Caleb...salamat talaga at pati kami ni Tessa ay naambunan ng biyaya,"
"Walang anuman, Megan," natatawang tugon ni Kuya Caleb
"Oh, heto ang mga grilled sandwich na pinabaon ni Ate Kate,"
Inilabas ko ang mga sandwich mula sa food bag at isa isang inabot sa kanila
"Wow, thank you," nakangiting sambit ni Kuya Caleb kay Ate Kate
"Ay, wow may pa-sandwich si Mayora! Ikaw pala Bes ang pinaka excited!" banat ni Ate Megan
Nagkatinginan kami ni Ate Megan sa isa't isa at sa pilya nitong ngiti ay hindi na kailangang sabihin sa akin na aalaskahin namin si Ate Kate
"Ang aga ngang gumising ni Ate Kate para magluto ng almusal at ihanda ang mga sangkap ng sandwich!" banat ko
"Hmmm, ngayon ko lang nakitang ganyan ka excited si Bes!" ani Ate Megan
"Ilang beses ngang nanalamin si Ate Kate para masigurong maayos sya eh," dagdag ko
Agad lumingon sa akin si Ate Kate, "Tessa, tama na yan!"
Nagtawanan lang kami ni Ate Megan habang si Kuya Caleb naman ay pasulyap sulyap na tila kinikilig kay Ate Kate.
"Si Tessa ang gumawa ng mga sandwich kaya dapat mag thank you din kayo sa kanya," sambit ni Ate Kate
"Thank you Tessa," sambit ni Kuya Caleb
"No problem Kuya!"
"Thanks Tessa!" sambit ni Ate Megan
"Pero Bes, sa totoo lang ngayon lang kita nakitang ganyan ka blooming at ka sweet. So...baby shower na ba after nitong vacay natin?"
Tumili naman ako sa kilig, "Ayyyy!"
Parehong namula ang magkasintahan
"Hoy, kayo ngang dalawa tigilan nyo ko ha," pulang pula si Ate Kate habang natatawa lang si Kuya Caleb
Dahil mahaba ang byahe ay dumaan muna kami upang mag takeout sa isang fast food chain. Pagkatapos ay muli kaming bumalik sa daan. Nagpahinga muna ako pero hindi maawat si Ate Megan sa kakulitan! Kaya hindi tuloy naging boring ang aming byahe.
Kahit papaano ay nakalimutan ko ang mga iniisip tungkol kay Sir William. Mabuti na rin at makakapagbakayon ako para malinawan din ang aking isip.
Ilang sandali din akong nakatulog sa byahe hanggang sa naabutan ko ang magandang tanawin na aming dinaraanan. Pataas na ang daan at napaliligiran ng mga puno ang gilid ng daan. Ngunit matatanaw sa baba ang mala kristal na asul na dagat.
"Wow," hindi ko napigilang sambit
"Ladies, malapit na tayo sa resort," ani Kuya Caleb.
Pagkaraan nga ng ilang sandali ay narating na namin ang resort. Tulad ng mga nakikita ko sa pelikula ay sinalubong kami ng mga palm trees na nakapalibot sa gilid ng mahabang driveway. Hindi naglaon ay makikita ang isang malaki at eleganteng puting hotel building. Sa harap nito ay ang isang magandang water fountain.
Pagkaraan ng ilang sandali ay huminto ang aming sasakyan sa entrance ng hotel lobby. Naroon ang mga tauhan na tila naghihintay sa aming pagdating. Pinagbuksan nila kami ng pinto ng sasakyan at inalalayan hanggang sa kami'y makababa. Sila na rin ang nagbitbit ng aming mga gamit.
"Salamat po," tugon ko. Ngumiti naman sa akin ang isang hotel staff.
Nanatili ako sa aking kinatatayuan habang pinagmamasdan ang magandang tanawin nang mapukaw ang aking pansin ng isang pamilyar na boses,
"Hey, Caleb!"
Paglingon ko ay tila binuhusan ako ng malamig na tubig sa aking nakita
Tinapik nito si Kuya Caleb sa balikat
"William," nakangiting turan ni Kuya Caleb at kinamayan ito
S-Sir William?! Kung ganon, magkaibigan sila ni Kuya Caleb? Sya ang may-ari ng resort?
"By the way, hindi mo ba ako ipapakilala sa mga magagandang dilag?" sabay kindat sa aming mga babae.
"William, this is Kate, my girlfriend," tugon ni Kuya Caleb
"Kasama din namin ang aming mga kaibigan, sina Megan at Tessa," dagdag nito
"Wow, nice to meet you all beautiful ladies,"
Tila naestatwa ako sa aking kinatatayuan. Halos mabingi ako dahil sa lakas ng kabog ng aking dibdib.
Una nyang kinamayan si Ate Kate pagkatapos ay si Ate Megan.
Halos magwala ang t***k ng aking puso habang palapit sya sa akin. Inilahad nya ang kanyang kamay tulad noong una kaming nagkita.
Napalunok ako. Paulit ulit kong hinihiling sa aking isip na sana'y mali ako. Ngunit nang unti unti kong inangat ang aking tingin ay muli kong nakita nang malapitan ang pamilyar nyang mukha. Pati na rin ang magaganda nyang biloy.
Agad kong ipinunas sa aking gilid ang namamasa ko nang kamay at saka nahihiyang inabot ang kanya. Tulad nang dati ay mahigpit na hinawakan ng kanyang mainit at malambot na kamay ang akin. Malayo ito sa aking kamay na puro kalyo at nilalamig pa.
Napadpad ang kanyang mga mata sa akin at tila ilang sandali nya itong pinagmasdan. Agad akong nakaramdam ng kaba...nakilala ba nya ako? Siguro ay hindi na maipinta ang aking mukha ngayon dahil sa tindi ng aking kaba.
Pagkatapos ng ilang sandali ay bumitaw na ito sa pagkakahawak sa aking kamay at muling bumalik kay Kuya Caleb. Halos manlambot ang aking tuhod dahil sa nangyari. Hindi ko akalain na ang taong gusto ko munang kalimutan ay heto't may-ari ng hotel na aming tutuluyan ng ilang araw.
Bakit ba naman sa lahat ng makikita ko ngayon ay si Sir William pa!