MATAPOS na magkausap ng kaunti ay umalis na rin si Adelentada. At nang makaalis na ang babae ay saka lang ulit tinawagan ni Ruperto si Natasha. Tatawagan niya kasi sana ang nobya nang bigla namang dumating si Adelentada. Kahit obvious ay talagang tinanong nito kung siya daw ba ang nakatira sa kalapit na bahay ng mga ito.
Ang totoo niyan ay sinadya niyang tumira doon pansamantala para maisagawa niya ang misyon na patayin ito. Mas malapit siya sa target, mas magiging madali para sa kanya.
“Bebeboy! Bakit naman ngayon ka lang tumawag? I miss you na kaya!” Parang pusang nagtatampo na salubong sa kanya ni Natasha.
“Sorry, bebegirl… Ang gusto ko kasi kapag tumawag ako sa’yo ay may good news akong sasabihin.”
“Good news?! Ang ibig mo bang sabihin ay napatay mo na si Adelentada?!”
“Hinid pa--”
“What?! Anong good news `yan kung hindi mo pa siya napapatay?!”
“Bebegirl, kalma, okay? Hindi ko pa siya napapatay pero nahanap ko na siya.”
“Good! Then, patayin mo na siya agad-agad! I want that girl dead. Now!”
“Edi, ikaw na kaya ang pumatay?” Medyo naiinis na sagot ni Ruperto. Isa iyon sa mga ayaw niyang ugali ni Natasha. Masyado itong demanding.
“What did you just said?”
“Bebegirl, sorry. Ikaw naman kasi, nagmamadali ka naman. Alam mo naman na mahirap pumatay ngayon ng basta na lang. Gusto mo bang patayin ko agad si Adelentada tapos makukulong naman ako?”
“Ayoko, bebeboy! No. I don’t like!”
“Iyon naman pala, e. Ang balak ko sana ay pagmukhaing aksidente lang ang pagkamatay ni Adelentada. Iyong aakalain ng mga tao na walang pumatay sa kanya. Kuha mo na?”
“Ahh… Kuha ko na, bebeboy. Ang talino mo talaga kaya love na love kita, e!” At kinikilig na humagikhik ito. “Basta, bilisan mo na. Gawin mo na ang mission mo para naman makabalik ka na dito.”
“Yes, bebegirl.”
“Oo nga pala, may budget ka pa ba diyan?”
Napakamot sa ulo si Ruperto. “Wala na nga, bebegirl, e. Kaya nga napatawag rin ako sa iyo dahil hihingi sana ako sa iyo ng budget ko para--”
“One hundred thousand have been transferred to your count, bebeboy!”
“Wow naman! I love you, bebegirl!”
“I love you too, bebeboy!”
Nag-usap pa sila nang ilang oras hanggang sa nagpaalam na sila sa isa’t isa.
GULAT na gulat sina Maxima at Odessa nang kinabukasan sa almusal ay makita siya ng mga ito na naka-make up at kuntodo-pustura. Nakasuot lang naman siya ng isang fitted dress na hanggang tuhod niya. Kulay silver iyon at kumikinang-kinang kapag natatamaan ng liwanag. Habang kumakain ay nakanganga sa kanya ang dalawang bakla kaya naman kinausap na ni Adelentada ang mga ito.
“O, baka pasukan ng bubuyog `yang mga bibig niyo. Ano bang meron at ganiyan kayo makatingin sa akin?” Kunwari’y patay-malisya niyang tanong.
Napailing si Maxima. “Ate, tinatanong mo kami kung anong meron? Hindi kaya, ikaw ang dapat naming tanungin kung anong meron?”
“Oo nga, ate. Akala mo ba ikinaganda mo ang suot mo ngayon? Mukha kang bangus diyan, `te. Sa totoo lang,” segunda pa ni Odessa.
“Naku, ate, `wag ka talagang lalapit sa mga photographer at cameraman dahil mapagkakamalan ka talagang reflector. Sinasabi ko sa’yo, ate!” ani Maxima.
Dinampot niya ang tinidor at iniumang sa dalawa. “Gusto niyo na pagtutusukin ko mga bunganga niyo? Imbes na i-cheer niyo ako ay panlalait pa nakukuha ko sa inyo. Hindi ba’t ang ganda ko sa suot ko? Gusto ko lang naman na mapansin ako ni Ruperto at baka magawi na naman siya sa shop! Malay niyo bigla siyang magpalaba. Dapat lang na maganda at presentable ako, `di ba?” aniya.
“Sige na, oo na, ate. Push mo na iyan! Pero akala ba namin negosyo muna bago ang love life? Bakit pumapag-ibig ka na yata ngayon?”
“Ano bang pakialam niyo? Kumain na nga lang kayo diyan! Mga baklang `to!” bulyaw niya.
HINDI nga nagkamali si Adelentada sa sinabi niya dahil kakabukas pa lang nila ng laundry shop ay dumating agad si Ruperto at magpapalaba daw ito. Hindi naman siya humaharap sa mga nagpapalaba dahil trabaho iyon nina Maxima at Odessa pero tinabig niya ang dalawa para gawin iyon. Pero bago siya humarap sa lalaki ay sinipat muna niya ang kanyang sariling mukha sa compact mirror niya. Hindi pa naman hulas ang make up niya. Keri na `yon.
“Hello, Ruperto. Magpapalaba ka ba?” Nag-beautiful eyes pa talaga siya.
Luminga-linga si Ruperto sabay tingin sa kanya. “May mga washing machine at dryer… Baka kakain ako. Laundry shop ito, e.”
Isang malakas na tawa ang pinakawalan ni Adelentada. Wala siyang pakialam kung nakikita na ng lalaki ang umuuga-uga niyang ngala-ngala. “Ano ka ba?! Nakakatawa ka naman, e! Ang funny-funny mo, Ruperto! Kainesh ka!” May pahampas-hampas pa sa braso nito na sabi niya.
Ngingiti-ngiti lang si Ruperto.
Napatulala tuloy dito si Adelentada. Ang gwapo talaga nito. Habang tinititigan niya ito ay mas lalo itong gumagwapo. Ganito ang mga tipo niyang lalaki. Gwapo, Pinoy na Pinoy ang dating tapos iniligtas pa siya nito. Haay… umiibig na nga yata siya dito. Grabe kasi ang t***k ng puso niya ngayong nasa harapan niya ito. Ang bilis!
“Ito na iyong mga ipapalaba ko…” Isang medium-sized na plastic bag ang ipinatong nito sa counter.
“Ano ba mga iyan?” curious na tanong niya.
“T-shirts, pants saka brief.”
“Brief?!” Eksaheradang react niya na may kasama pang paghawak sa kanyang dibdib na akala mo ay mawawalan siya ng malay. “M-may b-brief d-diyan?”
“Oo. Bakit? Hindi ba kayo naglalaba dito ng brief? Kung ganoon ay kukuni ko na lang--”
“Ay, hindi! Hindi! `Wag!” Mabilis na hinawakan ni Adelentada ang kamay ni Ruperto upang pigilan ito. “N-naglalaba din naman kami ng mga… brief. Pero ano kasi…”
“Ano?”
“Ano… nasira kasi lahat ng washing machine namin ngayon. Oo. Nasira. Umaandar kasi tapos nag-brownout. Hindi na umandar lahat, e. Hindi pa nadating iyong technician na tinawagan ko. Kung okay lang sa’yo, hand wash na lang tapos ako ang maglalaba.”
“Ganoon ba? Okay lang ba sa’yo na ganoon? Maglalaba ka kahit nakasuot ka ng dress na bagay na bagay sa’yo?” Kinuha ni Ruperto ang kamay niya at hinimas-himas iyon. “Ang lambot-lambot kasi ng kamay mo parang hindi ka sanay maglaba…”
Halos maduling na si Adelentada sa sobrang kilig dahil sa paghawak ni Ruperto sa kamay niya. Malambot din kasi ang kamay nito at ang init. Feeling niya ay may maliliit na boltahe ng kuryente na tumutusok-tusok sa kanyang kamay sa ginagawa nitong paghimas doon. Kaya naman bago pa siya maihi sa sobrnag kilig ay binawi na niya ang kanyang kamay.
“Ah, eh… O-okay lang. Hindi man halata ay naglalaba din naman ako ng hand wash.”
“Ganoon ba? Sige, mamaya na lang ang bayad pagbalik ko, ha?”
“S-sige…”
“Bye, Adelentada!” At tuluyan na siyang tumumba nang kindatan siya nito bago umalis.
Mabuti na lang ay nasalo siya ni Maxima at Odessa. Pinaamoy siya ng dalawa ng hindi pa nalalabhang medyas kaya naman nagising siya.
“Ate, anong drama ginawa mo kanina? Hindi naman sira mga washing machine natin! Napaka sinungaling mo naman!” ani Odessa.
“Ano ba kayo? Sinabi ko lang naman iyon para ako ang maglaba personally nito!” At kinikilig na hinugot ni Adelentada ang limang piraso ng brief sa palstic bag na dala ni Ruperto. “Ako ang maglalaba nito. Ako lang!”
“Edi, ikaw lang, ate! Manyak!” bulalas ni Odessa.
AGAD na dinala ni Adelentada ang mga pinalalaba ni Ruperto sa may CR nila sa laundry shop. Kumuha na rin siya ng sabong panlaba. Inilagay niya sa isang palanggana ang laman ng plastic bag. Tatlong pantalon at limang t-shirt ang naroon plus `yong limang brief.
Parang timang na kinuha niya ang isang t-shirt at inamoy iyon. “Grabe! Lalaking-lalaki ang amoy ni Ruperto! Ang bango-bango!” Nagkakanda-duling na turan niya.
Hanggang sa dumako ang mata niya sa mga brief na naroon.
Nanginginig ang mga kamay na kinuha niya iyon at mabagal na dinala sa tapat ng kanyang ilong at sinamyo. “Ano ba `yan?! Ang baho!” aniya sabay bitaw ng brief.
Bakit ganoon ang amoy ng brief ni Ruperto? Ang panghe na amoy pawis na ewan? Basta, ang baho! Hindi kaaya-aya sa kanyang ilong.
Pero naisip ni Adelentada na brief iyon ni Ruperto kaya naman kinuha pa niya ang iba at inamoy-amoy kahit talagang ang babaho.
“Ate!”
“Ay, pukinang ka!” gulat na bulalas niya.
“Anong ginagawa mo, ate?! Sinasabi ko na nga ba, ganiyan ang gagawin mo, e!” Nakakalokong sabi ni Odessa sa kanya.
“A-ano bang sinasabi mo?! Saka bakit ka ba nanggugulat? Paano kung inatake ako sa puso? Walanghiya ka talaga!”
“Sus! Iniiba ni ate ang usapan, o! Huling-huli kaya kita! Inaamoy mo ang brief ni--”
Mabilis na tumayo si Adelentada at itinakip sa mukha nito ang brief na hawak para hindi ito makapagsalita. “Tumahimik ka nga! Baka may makarinig sa’yo!”
Parang kakapusin sa hininga si Odessa nang tanggalin nito ang brief at kamay niya sa mukha nito. “Brief ba iyan ni Ruperto? Bakit ang angot?! Parang naamoy ko ang kuyukot ni Satanas!”
“Umalis ka na nga!” pagtataboy na lang niya dito sabay bitaw sa brief.
“Iihi lang naman ako,” anito sabay tabig sa kanya.
Lumabas muna siya ng CR para makaihi ang baklang kaibigan.
Pero nagtataka talaga siya. Mabango naman si Ruperto at napatunayan niya ito nang magkaroon sila ng physical contact nang mag-ala-knight in shining armor ito sa kanya noon pero bakit ang baho ng brief nito? Mukhang kakailangan niya ng napakaraming fabric conditioner para dito.
PAGDATING ng hapon ay bumalik na si Ruperto sa laundry shop nila. Tapos na rin naman siyang labhan ang mga pinalaba nito. Naitupi na rin niya ng ayos ang mga iyon. Inamoy-amoy pa nga ni Ruperto ang mga damit nito at natuwa naman ito.
“Wow! Daig pa ang labang washing machine. Ang linis at ang babango!” puri nito.
Pabebe at kunwari’y nahihiyang sumagot si Adelentada. “Sabi ko naman sa iyo, e. Mahusay akong maglaba…” at umakto pa siyang nagkukusot.
“Salamat talaga, Adelentada. Matutuwa nito si Mang Dupeng!”
“Ha? Bakit naman matutuwa si Mang Dupeng?” Nagtataka niyang tanong.
Kilala ni Adelentada si Mang Dupeng at kilala ito sa Brgy. Masinag. Ito kasi iyong baliw na taong grasa na gumagala-gala sa lugar nila. Wala na itong pamilya dahil iniwan yata ito kaya ito ganoon.
“Nakita ko kasi siya kahapon no’ng papunta ako dito na bitbit mga brief niya. Maglalaba daw siya sa kanal ang sabi niya no’ng tanunin ko kung anong gagawin niya. Naawa naman ako kaya sabi ko isasama ko na sa mga ipapalaba ko sa’yo. Pumayag naman siya.”
Halos panawan ng ulirat si Adelentada sa sinabing iyon ni Ruperto. Bumalik sa kanyang isip ang eksena kung saan inamoy-amoy niya ang brief na inakala niyang kay Ruperto.
“I-ibig m-mong sabihin… kay Mang Dupeng `yong mga brief?” Nahihilo-hilong tanong niya.
Tumango ito. “Oo. Bakit?”
“Kaya pala ang baho…” Mahinang sabi niya.
“Ano?”
“Ah, w-wala…” Masuka-suka niyang sagot.
“Okay ka lang ba? Parang namumutla ka.”
“W-ala ito. Okay lang ako.”
“Sige, ha? Salamat ulit.” Pagkabigay nito ng bayad ay umalis na rin ito.
Doon na siya nagtatakbo papunta ng CR at tuluyan na ngang napasuka doon si Adelentada!
INILAGAY na ni Ruperto ang mga damit na pinalaba niya kay Adelentada sa aparador at humiga sa kama habang nakaunan sa isa niyang braso at nakatingin sa kisame. Mukhang makakapag-step forward na siya sa next step niya para magawa na niya ang kanyang misyon na patayin ang kapatid ni Natasha.
Ang una niyang step ay ang mapalapit ito sa kanya at mukhang unti-unti na niyang nagagawa iyon. Hindi nga lang yata ito napapalapit sa kanya kundi parang nahuhulog na rin. Obvious naman kasi sa mga kilos nito na may gusto na ito sa kanya. At kapag nakuha na niya ang loob ni Adelentada ay doon na siya kikilos para mabura ito sa mundo. Pwedeng unti-unti niya itong lasunin o kaya ay paibigin nang husto at kapag inlove na inlove na ito ay iiwanan niya bigla. Baka kapag sobrang broken nito ay magpakamatay ito, `di ba? Pero kakaunti lang ang chance na magpakamatay ito kaya hindi na niya gagawing paibigin ito.
Nahihirapan pa rin talaga siyang mag-isip kung paano ito papatayin nang hindi siya mapagbibintangang pumatay dito.
TAPOS na si Adelentada sa paglalagay ng mud pack sa kanyang malapad na mukha at naglalakad na siya papunta sa kanyang kama para matulog. Hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin siya kapag naaalala niya na brief pala ni Mang Dupeng ang inamoy-amoy niya at hindi kay Ruperto! Mabuti na lang talaga at wala sa shop kanina sina Maxima at Odessa dahil paniguradong tatawanan siya ng dalawang bakla sa nangyari. Iniisip na lang niya iyong hinawakan ni Ruperto ang kanyang kamay para makontra ang kilabot na nararamdaman niya.
Pinatay na niya ang ilaw at tuluyan nang humiga sa kama. Pero dahil hindi pa inaantok ay kinuha muna niya isang aklat na nabili niya kahapon sa bookstore. Patayin Sa Kilig Si Barbara ang title. Medyo makapal ang libro. Iyon daw ang longer version ng naturang nobela. Naka-on naman ang lamp shade niya kaya nakikita pa rin niya ang binabasa.
Wala pang isang minuto sa pagbabasa si Adelentada nang mapatigil siya dahil narinig niya na may nalaglag na kaldero sa may kusina.
“Odessa!!! Lintek ka! Ang ingay mo diyan sa kusina!” sigaw niya.
Si Odessa lang naman ang mahilig magpunta sa kusina ng kahit anong oras. Wala talaga itong pinipili dahil palagi itong gutom.
Bumalik na siya sa pagbabasa. Hanggang sa hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya…
HINDI malaman ni Adelentada pero bigla siyang nagising sa gitna ng gabi. Pagbukas niya ng kanyang mata ay nakita niyang nakalimuta niya palang pataying ang lamp shade. Akmang aabutin na niya ang switch nang magulantang siya dahil may taong nakatayo sa may paanan ng kanyang kama!
Nakasuot ito ng itim na shirt at pantalon. May maskara din ito na puro kulay puti. Parang iyong sa mga dancer na maskara. Ang lalong nagpagulantang sa kanya ay ang hawak na kutsilyo nito. Sigurado siyang hindi ito si Maxima o Odessa. Lalaki ang taong iyon, medyo malaki ang katawan at matangkad.
Akmang sisigaw sana siya pero mabilis na nakalapit sa kanya ang lalaki at tinakpan ang kanyang bibig. Ganoon na lang ang takot niya ng sandaling iyon lalo na nang makita niyang itinaas nito ang hawak na kutsilyo.
Diyos ko! Katapusan ko na yata! Piping sigaw ng utak niya.
At ganoon na lang ang iyak niya nang walang sabi na itinarak ng lalaki ang kutsilyo sa kanyang dibdib at nagmamadali itong umalis. Unti-unti ay nanlabo ang kanyang paningin hanggang sa wala na siyang makita kundi kadiliman.