ISANG malalim at mahabang paghinga ang kumawala sa bibig ni Adelentada nang magkaroon siyang muli ng malay. Sumalubong sa kanya ang kisame ng kanyang silid kaya alam niyang nasa kwarto pa rin niya siya. Hindi siya gumalaw. Bagkus ay ubod lakas siyang sumigaw.
“T-ulooong!!! Sinaksak ako!!!” sabay hawak niya sa dibdib.
Wala pang sampung segundo ay humahangos na dumating sina Maxima at Odessa na agad siyang nilapitan at natatarantang hinawakan siya.
“Anong nangyari sa’yo, ate?! Sinong sumaksak sa iyo?!” Magkasabay na tanong ng dalawa sa kanya.
“T-tulungan niyo ako. M-may lalaking pumasok dito tapos s-sinaksak niya ako…” Nahihirapang sabi niya.
“Saan, ate? Saan ka sinasaksak?!”
“D-dito…” aniya sabay turo sa kanyang dibdib. “Ang sakit… Ang daming dugo…”
Umiiyak na hinugot ni Maxima ang kutsliyo. Tinanggal ni Odessa ang kumot na nakabalot sa kanyang katawan. Maghihisterikal sana ang dalawa ngunit nagtaka siya kung bakit hindi natuloy.
“Niloloko mo ba kami, ate? Wala namang dugo!” ani Maxima.
“Anong wala--” Natigilan siya nang pagkapkap niya sa kanyang dibdib ay nalaman niyang nagsasabi nga ng totoo si Maxima.
Walang dugo. Wala ring sugat. Naipatong niya pala sa kanyang dibdib ang makapal na librong binabasa niya bago siya nakatulog. Doon tumama ang kutsilyo at hindi sa kanyang dibdib.
“Diyos ko! Salamat! Salamat po!” Mangiyak-ngiyak na pinaghahalikan ni Adelentada ang libro. “Niligtas ako ng librong ito! Isa itong himala!” sabi pa niya sa dalawang bakla.
Nagyakapan sila at nag-iyakan. Nang kumalma na ay saka sila nag-usap.
“Ate, totoo ba ang sinabi mo na may lalaking pumasok dito at sinaksak ka?” tanong ni Odessa.
Tumango siya. “Oo, totoo. Akala ko nga gagahasain ako, e. Mabuti na lang hindi niya naisipang gawin `yon. Diyos ko!”
Magkasabay na sumimangot sina Odessa. “Ano ba naman iyan, ate?! Iyong may sumaksak sa iyo, kapani-paniwala pa, pero `yang gahasa na sinasabi mo ay hindi na. Mag-stick na lang tayo do’n sa tangkang pagpatay sa’yo, okay?”
Ngali-ngaling sapakin ni Adelentada si Odessa sa tinuran nito kung hindi lang talaga siya nakapagpigil.
“Bakit? Kagaha-gahasa naman ako, a!” aniya. “Dapat pala ay higpitan na natin ang security dito sa bahay. Nakakatakot… Paano kung bumalik siya dito kapag nalaman niyang hindi niya ako napatay?”
“Baka naman chance killer lang `yon, ate,” ani Maxima.
“Anong chance killer?”
“Iyong killer na naka-tsamba na mapasok ang isang bahay. Malas natin na nakapasok siya. Baka naman hindi na babalik.”
“Hindi. Dapat makasiguro tayo. I need a bodyguard!”
“Bodyguard?” magkasabay na bulalas ng dalawang bakla.
Matiim na tumingin si Adelentada sa malayo. “Oo. Isang bodyguard na poprotektahan ako 24/7. Iyong ipagtatanggol ako sa kahit na sino!”
“Pero sino naman, ate?”
Isang makahulugang ngiti na medyo may landi ang sumilay sa labi ni Adelentada.
“TALAGA, Ruperto?! Payag kang maging bodyguard ko?!” Hindi makapaniwalang tanong ni Adelentada kay Ruperto matapos siya nitong tanungin kung pwede ba siyang maging bodyguard nito. Talagang pinuntahan pa siya nito sa bahay niya bago ito magbukas ng laundry shop ng umagang iyon.
Kailangan daw nito ng bodyguard dahil may nagtangkang pumatay dito kagabi habang natutulog ito.
So, nabigo pala siyang patayin si Adelentada kagabi. Ayon sa kwento ng babae ay may aklat sa dibdib nito at iyon ang nasaksak ng killer. Kung alam lang niya na may aklat doon ay sa ibang parte na lang sana ng katawan niya ito sinaksak. Ang akala pa naman niya ay mission accomplished na siya. Nag-empake na nga siya ng gamit dahil babalik na sana siya sa Manila ngayong araw
“Oo naman. Naghahanap din naman ako ngayon ng trabaho,” pagsisinungaling niya.
“Naku, thank you. Pwede ka nang magsimula bukas. Saka na lang natin pag-usapan ang sahod mo pero pasensiya ka na kung hindi kalakihan ang ipapasahod ko sa’yo, ha?” Akala mo ay isang pusang hindi mapatae kung magsalita si Adelentada.
Halatang-halata na type talaga siya nito. Kitang-kita niya sa paraan ng tingin nito sa kanya na meron itong pagnanasa sa kanya.
“Walang problema. Sige na, mag-aalmusal pa ako.” Pagtataboy niya.
“Sige. Kumain ka na.” Nanatili itong nakatitig sa kanya.
Pinanlakihan niya ito ng mata. “Kakain na ako. Mag-isa.”
“Ay, oo nga!” Ipinilig nito ang ulo at ngumiti pagkatingin sa kanya. “Sige, aalis na ako. Bukas, ha? Bantayan mo ako nang maayos.” At kumindat pa ito bago tuluyang umalis.
Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Ruperto. Kinuha niya ang kanyang cellphone at tinawagan si Natasha.
“Ano na, bebeboy? Ipapasundo na ba kita diyan o `wag na?” Halata ang excitement sa boses ni Natasha. Sinabi na niya kasi dito kanina na babalik na siya ng Manila dahil tapos na ang kanyang misyon.
“Bebegirl, `wag ka sanang magagalit pero hindi pa ako makakabalik diyan, e.”
“What?! Bakit? Wala nang reason para mag-stay ka diyan. Napatay mo na si Adelentada! Umuwi ka na dito, bebeboy, please… Miss na miss ka na ng flower ko! Masikip na ito!”
“Iyon din ang akala ko, e. Pero…” sandali siyang tumigil dahil alam niyang madi-disappoint ito sa sasabihin niya. “H-hindi ko pala napatay si Adelentada.” At sinabi niya dito kung paano ito nakaligtas.
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Natasha. “Whaaat?! Ang bagal mo namang kumilos, bebeboy! Ang gusto ko ay mapatay mo na ang kapatid ko this week! Ang ganda na ng mood ko tapos sinira mo lang. I am so disappointed, bebeboy! Sa iyo ko ibinigay ang misyon na iyan dahil tiwala ako na magagawa mo agad-agad. Pero ano ito? Kumikilos ka ba talaga?!”
“Kumikilos naman ako. Kaya lang, sinwerte yata talaga si Adelentada kagabi. Hayaan mo at kikilos ulit ako mamayang gabi.”
“`Wag mong sabihin, gawin mo!”
“Bebegirl, sorry na kasi--”
“Ruperto, hindi na ako natutuwa! Mag-iisang buwan ka na diyan pero hanggang ngayon ay humihinga pa rin ang Adelentadang iyon. Huwag mo nang hintayin pa na si Lolo Vicente na mismo ang makakita sa kanya dahil katapusan na ng magandang buhay nating dalawa! Alam mo bang nakita ko ang last and will testament ng matandang iyon? At kay Adelentada niya lahat iniwan ang kayamanan ng mga Del Mundo! Habang ak ay kakarampot lang na pera ang ibibigay niya! You have to kill Adelentada ASAP! Ayaw mo naman siguro na parehas tayong pulutin sa kangkungan, `di ba? Gawin mo na ang pinapagawa ko! Naiintindihan mo ba?”
“Oo, bebegirl. Pero--”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil pinutol na ni Natasha ang linya. Napamura siya. Baka mawalan pa ng gana ang babaeng iyon kapag hindi niya agad nagawa ang gusto nito. Ayaw na niyang bumalik pa sa dati niyang buhay kaya gagawin na niya agad ang pagpatay kay Adelentada!
Kailangan niyang mag-isip ng mas siguradong plano. Aalisin na niya ang takot na baka mahuli siya ng mga pulis. Sasamantalahin na niya ang pagiging bodyguard niya dito para mas madali niyang maisagawa ang pagpatay dito.
NAGLALAKAD si Adelentada kasama sina Maxima at Odessa papunta ng laundry shop. Nasa likuran lang nila si Ruperto at nakasunod sa kanila. Unang araw kasi nito bilang bodyguard niya. May kilig na nararamdaman si Adelentada dahil alam niyang simula ngayon ay mas madalas na silang magkakasama nito. Medyo nasa gitna sila ng kalye dahil maraming nakatambay sa gilid ng kalye. Kung hindi man tao ay basurahan ang naroon.
“Ate, ang swerte mo naman at si Ruperto pa talaga ang nakuha mong bodyguard. Bukod sa macho at gwapo na, aba, mabait pa!” Bulong sa kanya ni Maxima.
Ang kilig na dapat maramdaman niya sa sinabi ni Maxima ay napalitan ng pagka-aburido. “Maxima, nag-toothbrush ka ba?” Nakasimangot niyang tanong.
“O-opo, ate.”
“`Yong totoo? Nananapak ang hininga mo!”
“A-ang totoo po niyan, ate… h-hindi. Naubusan po kasi ako ng toothpaste. Pasensiya na.”
“Anong naubos? Kakabili ko lang last week, ah!”
“Dini-dessert po kasi ni Odessa `yong toothpaste, ate. Nahuli ko siya!” sumbong ng bakla sa kanya.
Tinignan niya ng masama si Odessa at nahihiyang ngumiti ito sa kanya. Muli niyang tinignan si Maxima. “Mag-toothbrush ka pagdating natin sa laundry--”
“Adelentada! Tabi!”
Biglang nataranta si Adelentada nang biglang sumigaw si Ruperto. Hindi niya tuloy malaman kung saan titingin. Hanggang sa makita niya na isang tricycle na mabilis ang takbo ang papasalubong sa kanila. Nasa gilid pa naman siya kaya siya talaga ang mababangga. Mabuti na lang at mabilis kumilos si Ruperto. Hinila siya nito sa kanyang kamay at kinabig palapit dito dahilan para bumangga ang mukha niya sa matipuno nitong dibdib. Lumampas ang tricycle nang hindi siya niyon nabangga.
Ipinaksiksikan pang lalo ni Adelentada ang kanyang sarili kay Ruperto at yumakap na nga siya. “Thank you, Ruperto! You saved my life! I am so scared…” ungot pa niya.
“Sshhh… Tama na. `Andito ako. Safe ka na…”
“Thank you talaga! I’m scared!”
Niyakap na rin siya ni Ruperto at hinaplos sa likod para i-comfort.
“Naku, ang OA ni ate!” pakli ni Odessa.
“Tara na nga! Nakakaumay!” segunda ni Maxima.
Binelatan lang niya ang dalawa na alam niyang naiinggit lang sa kanya. Hindi na lang niya pinansin ang sinabi ng dalawang bakla. Ang importante ay mas marami na silang time ni Ruperto together.
Ewan ba niya, tila nahulog na agad ang loob niya dito noong una pa lamang silang nagkita. Hindi lang dahil sa pisikal nitong anyo kundi dahil na rin sa kabutihan nito ng loob. Biruin mo, sinalo nito ang bato na dapat ay para sa kanya. Amazing talaga si Ruperto para sa kanya. Wala sa balak niya ang magkaroon ng love life ngunit sa pagdating nito sa buhay niya ay nasa balak na niya iyon!
“Ngunit sino kaya ang balasubas na tricycle driver na iyon at parang gusto niya talaga akong banggain?” Kinakabahang taong niya kay Ruperto. Hindi na kasi nakita ang plate number niyon sa bilis ng pangyayari.
“Baka iyon ang gustong pumatay sa’yo…”
“Bakit ba kasi niya o nila ako gustong patayin? Wala naman akong alam na ginawa kong masama…” aniya.
NAPAPALAKPAK si Adelentada sa tuwa nang dumating ng araw na iyon ang coffee vending machine na pandagdag sa kanyang negosyo. Na-install na rin iyon at pwede nang gamitin. Napansin niya kasi na may ibang nagpapalaba na hinihintay na lang ang pinapalaba sa kanila kaya niya naisip na maglagay ng ganoon sa loob ng laundry shop. Pwedeng magkape ang mga ito sa halagang limang piso lang habang naghihintay.
Masaya siya na may pinupuntahan kahit papaano ang perang inipon niya noon. Nakikita na niya ngayon ang bunga ng hindi niya pagsama sa gimik ng mga katrabaho niya to the point na nasasabihan siyang kill joy at labis na pagtitipid.
Ang buong akala niya ay hindi niya kayang tumayo sa sariling mga paa noong lumayas siya sa mansion at iwanan ni Amando. Sinubukan pa nga niyang bumalik noon sa mansion pero ang sabi ng Ate Natasha niya ay galit na galit ang Lolo Vicente nila sa kanya at itinakwil na daw siya nito. Doon niya sinabi sa sarili na kailangan niyang kumilos para mabuhay nang hindi na umaasa sa kanyang lolo o sa kahit na sino.
Naramdaman niya na lumapit sa kanya sina Maxima at Odessa habang nakatingin siya sa coffee vending machine.
“Ang tahimik mo naman, ate. Wala kang imik…” untag ni Odessa.
“Odessa, alangan naman kung magsalita akong mag-isa dito o kaya kausapi ko `yang vending machine, `di ba? Mapagkakamalan pa akong sira ulo!” sabi niya.
“May point ka, ate,” anito.
“Alam niyo, mabuti pa ay binyagan na natin ang coffee vending machine na iyan. Tayo dapat ang maunang makatikim ng kape diyan.”
“Ay, tama ka diyan, `te!”
“Nasa’n nga pala si Ruperto? Kanina ko pa siya hindi nakiki--”
Kulang na lang ay malaglag ang panga ni Adelentada nang mapalingon siya sa may CR ay mula doon ay lumabas si Ruperto na ang suot ay puting sando at itim na boxer shorts lamang. Kitang-kita ang mamasel at magandang hubog ng braso at binti nito. Parang ang sarap makulong sa mga bisig nito at umunan sa mga binting iyon.
“Eng sherep nemen…” Wala sa sarili na turan niya. Tulala lang talaga siya at parang nanghihina na nakatingin lang kay Ruperto habang papalapit ito.
Hanggang sa may maramdaman siyang yumuyugyog sa balikat niya.
“Ate! Huy! Ate!”
“Ay, ano ba?!” Naiinis na piksi niya sabat tingin kay Maxima na siyang yumuyugyog sa kanya. “Bakit ba?”
May inginuso ito. “Kanina ka pa kinakausap ni Ruperto. Mukha kang timang na nakatulala diyan kanina pa, ate!” anito.
Tama nga ito, nasa harapan na niya ang oh-so-hot na si Ruperto.
“Anong kanina pa nakatulala? Imbento ka!” Pero sa loob niya ay napahiya siya dahil mukhang kanina pa nga siya nakatulala kay Ruperto.
E, sino ba naman kasing babae o binabae ang hindi mapapatulala kung ganito ang makikita mo?
“Ano nga palang sinasabi mo?” Baling niya kay Ruperto.
“Tinatanong kasi kita kanina kung okay lang ba na nag-sando at boxer shorts lang muna ako. Naiinitan kasi ako, e. Saka na lang ako magpa-pants kapag nasa labas tayo.”
“Naku, okay lang!” Patawa-tawa niyang sagot. “Kung gusto mo maghubo’t hubad ka pa diyan…” bulong niya.
“Anong sabi mo?”
“Ah, wala!”
“Ang sabi ni ate kung gusto mo pa daw ay maghubo’t hubad ka pa daw--”
“Bastos na bakla!” Mabilis at natatarantang tinakpan ni Adelentada ang bibig ni Maxima gamit ang kanyang kamay. Ngayon lang niya nalaman na malakas pala ang pandinig nito. Para pala itong aso. “`Wag mo siyang intindihin, Ruperto!” aniya naman sa lalaki.
Tumango-tango ito. “Akala ko kasi may sinabi…” anito.
“Wala. Hindi pa kasi nagto-toothbrush si Maxima kaya kung anu-ano ang sinasabi niya. Alam mo na…” Palusot niya.
Nakakahiya talaga kung narinig nito ang sinabi niya. Baka ma-turn off ito sa kanya at isiping manyak siya.
Binulungan niya si Maxima na tumahimik ito kung hindi ay hindi niya ibibigay ang sahod nito. Pagtanggal niya ng kamay niya sa bibig nito ay inamoy niya iyon at umasim ang mukha niya kasi ang baho.