CHAPTER FIVE

2488 Words
“ALAM niyo, ang mabuti pa ay magkape na lang tayo!” Pag-iiba ng usapan ni Adelentada. Naghulog siya ng limang piso sa vending machine at makakuha na siya ng kape ay ipinakita niya iyon sa dalawang bakla at Ruperto. “Gumagana siya!” sabi pa niya. “At ang unang kape na ginawa ng vending machine na iyan ay para kay Ruperto!” Malandi niyang turan. Pabebe niyang inabot kay Ruperto ang kape pero dahil sa katarayan at pag-iinate niya sa pagbibigay dito ay dumulas iyon sa kamay niya at tumapon sa dibdib ng lalaki. “Aray ko!” Napangiwi sa sakit si Ruperto. Talagang masasaktan ito dahil mainit ang kapeng iyon kaya naman hindi malaman ni Adelentada ang kanyang gagawin. Natatarantang hinawakan niya ang basang sando ni Ruperto. “Diyos ko! Sorry, Ruperto! Hindi ko sinasadya! Masakit ba?!” “Masakit talaga `yan, ate! Bagong kulo `yon, e! Ikaw kaya mabuhusan no’n!” singit ni Odessa. “Ang arte-arte mo kasi, ate! Mag-aabot lang ng kape, e!” segunda ni Maxima. Tinignan niya nang masam ang dalawang bakla. “E, kung kumukuha kaya kayo ng pamunas na dalawa!” bulyaw niya. Nagmamadali namang umalis ang dalawa para sumunod sa utos niya. “`Wag kang mag-alala. Okay lang ako…” ani Ruperto. Kuntodo ang iling naman niya. “Hindi! Hindi ka okay. Hubarin mo ang damit mo at baka matuyuan ka, magkakasakit ka! Malalamigan ang dibdib mo!” Kunwari ay concerned na sabi niya pero ang totoo ay naisip niya na chance na niya ito para maka-tsansing sa lalaking gusto. Hindi na hinintay ni Adelentada ang pagpayag ni Ruperto, siya na mismo ang naghubad ng suot nitong sando at ginawa iyong pamunas sa katawan nito. Nang dumating sina Maxima at Odessa na may dalang pamunas ay kinuha niya iyon at pinangpunas kay Ruperto. “Pasensiya na talaga! Hindi ko sinasadya!” Binitawan niya ang pamunas at ang kamay na lang niya ang ginamit niya sa pagpunas sa katawan ng lalaki. Kulang na lang ay manghimatay siya dahil nahahawakan na niya ang matipunong katawan ni Ruperto. Ang titigas ng masel nito lalo na `yong sa dibdib. Hindi pa siya nakuntento at pinunasan pa niya kunwari ang tiyan nito. “Naku! Pati pala dito ay nabasa ng kape! Kailangang matuyo ito agad!” Akmang didilaan niya ang abs ni Ruperto nang marahas siyang hilahin ng dalawang bakla sa kanyang leeg. “Ate, huwaaag!!!” “Aray! Aray ko!” Inalis niya ang kamay nina Maxima sa kanya at tinignan ang dalawa ng masama. “Bakit niyo ba ako hinila?!” Naiinis na pakli niya. Nakakainis dahil hindi niya naituloy ang pagdila sa abs ni Ruperto. Talagang hindi na niya napigilan ang sarili at nangigil na siya nang husto sa lalaki. “Ate naman, obvious na minamanyak mo na si Ruperto! Didilaan mo talaga? Aswang ka ba?” ani Maxima. “Alam niyo, napaka judgemental niyong dalawa! Anong minamanyak! Lalawayan ko lang si Ruperto dahil baka mausog sa pagmumukha niyo!” “Hiyang-hiya naman kami sa lapad ng mukha mo, `te!” sagot ni Odessa. “Kayo ba, mahal niyo ang trabaho niyo?” Pananakot niya. “Kung ayaw niyong mawalan ng trabaho, iwanan niyo kami ni Ruperto!” Nakaingos na umalis ang dalawa. Hindi niya kasi talaga makaka-da moves kay Ruperto kapag naroon ang dalawang bakla. Muli niyang tinignan si Ruperto. “Pasensiya ka na. Gusto mo bang umuwi muna para makapagpalit ka? Sasamahan pa ba kita?” Baka naman kasi pumayag ito at doon na niya maipagpatuloy ang balak niya. Mas okay sa bahay nito dahil paniguradong silang dalawa lang ang naroon. “Hindi na. Susuotin ko na lang `yong damit ko kanina.” “Sigurado ka ba? Baka madumi na rin `yon--” Bigla siyang kinilig nang hawakan siya nito sa magkabila niyang mukha. “Hindi na sabi, Adelentada. `Wag mo nga akong masyadong inaalala. Ikaw ang dapat na inaalala ko dahil bodyguard mo ako. Ikaw ang dapat na prinoprotektahan ko.” Nanlaki ang mga mata niya dahil medyo inilapit pa nito ang mukha nito sa mukha niya. “Ha? Ah, eh… T-tama ka nga naman.” Siya na rin ang sumuko at iniiwas na niya ang tingin niya dito. Baka hindi na siya makapagpigil at halikan na niya si Ruperto. Grabe kasi ang labi nito. Mamula-mula na parang ang sarap papakin! Umayos na siya ng tayo. “Gusto mo pa ba ng kape?” tanong niya sa binata. “`Wag na. Parang gusto ko ng juice,” anito. “Ah, may juice ako do’n sa ref. Orange juice. Parang gusto ko na rin, e. Gusto mo kasi. Gusto mo kumuha ako?” “Sige. Ako na lang ang kukuha ng baso.” “Sige. Ingat ka, ha!” paalala niya kay Ruperto kahit sa maliit na kusina lang naman dito sa laundry shop ito pupunta. Hay! Iba na itong tama ko kay Ruperto! Matindi na! Aniya sa kanyang sarili. HINDI agad bumalik si Ruperto kay Adelentada pagkakuha niya ng baso. May kinuha siyang maliit na bote sa suot niyang pantalon kanina. Isa iyong lason na matindi. Isang patak lang niyon ay kaya nang makapatay ng isang tao. Nang matagpuan na niya noon si Adelentada ay binili na niya iyon at mukhang ito na ang tamang oras para gamitin niya ang lason. Katangahan kung siya ang magtitimpla ng juice at ipapainom kay Adelentada. Halatang-halata na siya ang lumason dito. Mabuti na lang at may nakatimplang juice na pala sa ref. Pinatakan niya ang isang baso ng lason. Tatlong patak dahil baka matibay ang sikmura ni Adelentada. Hindi naman mapapansin na may lason iyon dahil kakulay ng tubig ang lason. Matapos iyon ay bumalik na siya sa counter kung saan naroon si Adelentada. Hawak na nito ang isang pitsel ng orange juice. “Bakit ang tagal mo?” Pa-cute na tanong nito. “Hinugasan ko pa kasi itong mga baso,” pagsisinungaling niya. “Na-miss kaya kita!” “Ikaw talaga! Mapagbiro ka!” Pinisil pa niya ang pisngi nito. Inilapag niya ang dalawang baso sa table at tinandaan niya nang maige ang basong may lason. Siya na ang nagsalin ng juice sa mga baso at inabot niya kay Adelentada ang baso na nilagyan niya ng lason kanina. “Uminom ka na…” aniya. Inubos niya ang isang baso at kumuha pa ng isa pero hindi pa rin iniinom ni Adelentada ang juice nito. Nakatingin lang ito sa labas ng shop. “O, ba’t `di ka pa umiinom?” tanong niya. “Wala… Naaawa lang kasi ako doon sa dalawang pusa sa labas. Ang init-init tapos parang nauuhaw sila. Ano kaya kung ipainom ko na lang sa kanila itong juice ko?” “`Wag!” Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ni Adelentada sa pagpigil na ginawa niya. Masyado kasing exxagerated. “A-ang ibig kong sabihin, inumin mo muna `yan bago mo sila bigyan. Pwede naman `yon, `di ba?” Tumango-tango ito. “Sabagay, may point ka naman. Ako muna bago ang mga pusa.” “Tama. Kaya kung ako sa’yo inumin mo na iyan. Ang sarap ng juice. Ikaw ba ang nagtimpla?” Kinikilig na tumango si Adelentada. “Oo, ako. Talaga ba? Nagustuhan mo? Ayiiieee!!!” At nagpapadyak pa ito. “Gustung-gusto!” aniya sabay kindat. “Kaya inumin mo na iyan.” “Sige na nga! I will drink na and this is for you, Ruperto!” Tila nag-slow motion ang lahat para kay Ruperto nang dahan-dahan na dalhin ni Adelentada ang labi ng baso sa labi nito… Gahibla na lang ang layo ng bibig ni Adelentada sa baso nang magulat siya dahil bigla iyong inagaw sa kanya ni Odessa. Nagtataka na napatingin siya dito dahil parang galit ito. “Odessa! Akin na iyan. Sa akin iyan. Kung gusto mo ng juice, kumuha ka dito. Marami dito, hindi ka mauubusan. Huwag kang nang-aagaw dahil bad ang mang-agaw!” aniya dito. Maluha-luhang sumagot si Odessa. “Ate naman! Talaga bang wala kang puso?!” Akala mo ay isang best actress na turan nito. Nanginginig pa talaga ang baba nito at anumang oras ay tila lalaglag na ang luha. “W-walang puso? Ako? B-bakit?” Naguguluhang tanong niya. “Hindi mo ba nakikita ang dalawang pusa sa labas?!” Pasigaw na tanong nito. “Nauuhaw sila, ate! Nakita mo na sila kanina, alam ko! Pero wala kang ginawa! Mas inuuna mo pa ang sarili mo kesa sa mga kawawang pusang--” “Pusang gala ka!” Isang sampal mula sa kanya ang nagpatigil kay Odessa. “Bakit mo ako sinampal, ate?” sapo nito ang nasaktang pisngi. “E, kanina mo pa ako sinisigawan! Amo mo ako, remember? Saka madali naman akong kausap. Hindi `yong sisigaw-sigawan mo pa ako. Hala, dalhin mo na iyang juice ko sa mga pusa sa labas. Kaloka ka, Odessa! OA!” Nangingiti na pinahid ni Odessa ang namumuong luha. “Salamat, ate. Dadalhin ko na itong juice sa mga pusa…” At naglakad na ito palabas. Nakita pa niya mula sa glass wall na pinapainom nito ang dalawang pusa. Bigla siyang hiawakan ni Ruperto sa braso kaya naman napalingon siya dito. “Ruperto, bakit mo ako hinahawakan? Anong gagawin mo sa akin?” aniya habang namumungay ang kanyang mga mata. “Adelentada, bakit mo ibinigay sa mga pusa `yong juice? Sa iyo `yon.” “Ano ka ba? Okay lang iyon. Dito na lang ako iinom sa baso mo!” Kinuha niya agad ang basong ginamit ni Ruperto at nagsalin ng juice sabay inom. Pinadaanan niya ang lahat ng gilid ng baso dahil sa paraang iyon, feeling niya ay naka-lips to lips na niya ito. Lahat sila ay nagulat nang biglang sumigaw si Odessa mula sa labas. Napatakbo tuloy silang lahat doon at nakita nila ang dalawang pusa na bumubula ang bibig at tila wala nang buhay. Emosyonal na hinawakan niya ang magkabilang balikan ni Odessa at inalog-alog ito. “Anong ginawa mo sa mga pusa, Odessa?! Pinatay mo sila! Pusang ina ka!” Marahas na pinalis nito ang kamay niya. “Hindi ko sila pinatay, ate! Pinapainom ko lang sila ng juice tapos…” Bigla itong natigilan na para bang nag-iisip. “Hindi kaya na-heat stroke sila, ate?” “Gaga! Anong heat stroke? Ang sabi mo, pinapainom mo lang ang mga pusa ng juice. Hindi kaya…” Kinuha niya ang hawak na baso ni Odessa. Kalahati pa ang laman niyon. Tumingin siya sa paligid at nang may makita siyang halaman na nasa paso ay idinilig niya ang juice doon. Ilang sandali lang ay mabilis na nalanta ang halaman. “Pinatay ni ate ang halaman!” sigaw ni Maxima. “Gaga! Ibig sabihin ay may lason ang juice na iyon! Oh my, God!” Kinilabutan siya sa realisasyon na nakainom siya at si Ruperto ng naturang juice. Mabilis siyang yumakap kay Ruperto at isiniksik niya ang sarili niya dito. “Ruperto, okay ka lang ba? Wala ka bang nararamdamang kakaiba? Ako kasi… parang sumisikip ang dibdib ko! Parang nahihirapan akong huminga!” maarteng sabi niya. Kung saan-saan na nakarating ang kamay niya. Sa dibdib ni Ruperto, sa abs, sa braso at muntik na rin sa… legs. Dumadami na rin ang taong nakikiusyuso sa kanila dahil sa paghihisterikal niya. “Okay lang naman ako. Ikaw ba?” “Hindi ako, okay. Parang umeepekto na ang lason sa katawan ko! Parang hindi ko na kaya!” “Anong gusto mong gawin ko?!” “Ruperto… Hindi ko na kaya!” “Adelentada!” “Rupertooo!!!” Lahat ng tao ay napasigaw nang maglambitin siya sa batok ni Ruperto at natumba silang dalawa habang nakapatong ito sa kanya. Nagkikisay siya sa kilig. Hinusayan pa niya nag pag-acting. “Kailangan ko ng mouth-to-mouth! Kundi mamamatay ako!” “Talaga ba?” Nag-aalalang turan ni Ruperto. Nakita niyang nilapitan ni Maxima si Ruperto at tinapik ito sa likod. “Naku, `wag kang maniwala diyan kay ate. Acting lang `yan. Umaalembong lang iyan. Pasok na tayo sa loob. Mainit na, e…” Nang mga sandaling iyon ay gusto niyang tumayo na at boksingin nang walang humpay si Maxima sa bunganga. Talagang hindi na siya nito sinusuportahan, ha. Tumayo na si Ruperto at pumasok na ito sa loob kasama ang dalawang bakla. Maya maya ay nilapitan siya ni Mang Dupeng at dumukwang ito sa mukha niya. “Ako na lang mouth-to-mouth sa iyo!” anito habang nakangiti kaya kitang-kita niya ang mga bulok na ngipin nito. “Eww!!! Chura mo!” At nandidiring itinulak niya ang pulubi. Nagmamadali siyang tumayo at sumunod na sa loob ng laundry shop. “Ruperto, wait for me!!!” Malanding sigaw pa ni Adelentada. HINDI makatulog si Adelentada nang gabing iyon. Nasa bintana siya at nakatanaw sa kawalan. Binabagabag pa rin kasi siya ng nangyari kanina. Iyong juice na may lason na napainom ni Odessa sa mga pusa. Malakas ang kutob niya na para sa kanya ang juice na iyon. Pero sino naman kaya ang maglalagay ng lason sa juice niya? Si Ruperto ba? Pero wala siyang makitang dahilan para lasunin siya nito. Isa pa, kung lalagyan nito ng lason ang juice niya, sa kusina pa lang ay sinalinan na nito ng juice ang baso niya para hindi niya makita na nilagyan nito iyon ng lason. Saka bodyguard niya ito. Hindi ito gagawa ng ikakapahamak niya. Kaligtasan lang niya ang iniisip nito. Kaya nga feeling niya ay mahal na niya ito, hindi na lang gusto o nalilibugan siya. Imposible rin naman na ang juice sa pitsel ang may lason dahil siya ang nagtimpla niyon kagabi. At ayon sa CCTV sa laundry shop ay wala namang pumasok na ibang tao doon at naglagay ng lason sa pitsel. Parehas din naman silang uminom ni Ruperto ng juice at wala namang nangyari sa kanila. “Hay! Hindi ko na ito keri! Ang sakit na sa ulo!” Stressed na sabi niya. “Mukhang hindi agad ako nito makakatulog sa dami ng iniisip ko,” aniya pa. Napahawak na lang siya sa kanyang ulo sabay higa sa kama. Pagkalapat na pagkalapat ng kanyang likod sa kama ay pumikit na siya at malakas na naghihilik. AGAD na nagsindi si Ruperto ng isa pang sigarilyo matapos niyang maubos ang pangalawa. Nasa labas siya ng tinutuluyang bahay at nagpapahangin. Nag-iisip na rin. Muntik na sana niyang mapatay si Adelentada kanina kung hindi lang umeksena si Odessa. “Mukhang mahihirapan akong gawin ang aking misyon kung palaging nakadikit sina Odessa at Maxima kay Adelentada…” bulong niya. Siguro, dapat niyang isagawa ang pagpatay kay Adelentada sa lugar na malayo ang dalawang kaibigan nito. Maya maya ay napangiti siya nang may isang ideya siyang maisip. Hindi na niya tinapos ang isang sigarilyo. Binitawan na niya iyon at tinapakan upang mamatay ang sindi. Pumasok na siya sa loob ng kanyang bahay upang matulog. Sa naisip niya ay mukhang hindi na siya papalpak pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD