“WHAT?! Magbabakasyon tayo? Saan naman?”
Lihim na natuwa si Ruperto sa naging reaksiyon ni Adelentada nang kinabukasan sa laundry shop ay ayain niya itong magbakasyon. Sa reaksiyon nito ay parang walang puwang na hindi ito sasama sa kanya.
Simula na ito ng ultimate plan niya para patayin ito. Kagabi lang niya ito naisip. Ilalayo niya ito kina Odessa at Maxima at doon niya isasagawa ang pagpatay dito. Papalabasin niya na aksidente ang lahat. Madali lang naman iyon. Naplano na rin niya iyon kagabi pa.
“Sa Quezon Province lang naman. Five hours na biyahe.”
“Wow! Kailan naman? Pwede ba nating isama sina Odessa at Maxima?”
“Bukas sana. Pero ang gusto ko kasi… tayong dalawa lang.”
Bahagyang natigilan si Adelentada sa sinabi niya. Maya maya ay kinikilig na pumadyak ito. “Ikaw, ha! Gusto mo akong masolo!” Hinampas pa siya nito sa braso.
Mahinang tumawa si Ruperto. “Parang ganoon na nga. Since, bodyguard mo ako dapat siguro makapag-bonding tayo nang tayo lang. Para mas maging close tayo.”
“Ilang araw ba tayong magbabakasyon, ha?”
“One week siguro… Okay lang?”
“Sige, sige. Diyan ka muna, ha. Kakausapin ko lang sina Odessa at Maxima para ibilin sa kanila itong laundry shop.”
Pagkaalis ni Adelentada ay nakaramdam nang lungkot si Ruperto.
Kailangan ba niya talagang pumatay ng tao para sa tuloy-tuloy na maginhawang buhay? Kailangan siguro. Isa pa, kailangan niya itong gawin bilang pagtanaw ng utang na loob kay Natasha.
EXCITED na pinuntahan ni Adelentada sina Odessa at Maxima na kasalukuyang nasa kusina sa shop. Nagluluto ang dalawa ng crispy pata na siyang ulam nila mamayang tanghalian. Muntik na siyang matawa sa hitsura ng dalawa dahil mukha silang dalmatian dahil sa tilamsik ng mantika sa mukha at braso ng mga ito.
“Ate! Ikaw naman dito! Nasisira na skin ko dahil sa tilamsik ng mantika, e!” Naiinis na napakamot sa ulo si Maxima.
“Oo nga, ate! Panay paglandi lang naman kay Ruperto ang inaatupag mo!” ani Odessa.
“Hoy, kayong dalawa, puro kayo reklamo diyan. Kakainin naman natin iyan kaya tama na ang reklamo. Saka may sasabihin ako sa inyo.”
“Ano naman `yan, ate?”
“Sa inyo ko muna iiwan ang pamamahala nitong shop. One week lang naman siguro.”
Bigla siyang nilapitan ni Odessa at kinuha nito ang kamay niya. “Bakit, ate? Mamamatay ka na ba? Kaya iiwan mo na sa amin itong shop? Anong sakit mo, ate? Bakit hindi ka nagsabi sa amin agad na mamamatay ka na?!”
Marahas na binawi ni Adelentada ang kanyang kamay. “Ano ba?! Ikaw ang mamamatay kapag kinarate kita sa leeg! Hindi pa ako mamamatay! Magbabakasyon kasi kami ni Ruperto bukas sa Quezon Province. At huwag na kayong mag-attempt na sumama dahil ang gusto ni Ruperto ay kaming dalawa lang. Gusto niya akong masolo!” At kinikilig na nagtatalon siya.
“Ang daya naman! Bakit hindi kami kasama? Ang tagal na naming walang bakasyon, ate. Pang-aalila na ginagawa mo sa amin!” Himutok ni Maxima.
“Pang-aalila ka diyan? Hayaan niyo, after ng bakasyon naming ito, kayong dalawa naman ang magbabakasyon. Libre ko!”
“Talaga, ate?!”
“Oo. Kaya payagan niyo na ako. Okay?”
“Sige, ate! Enjoy kayo!” At pinagtulakan na siya nina Odessa at Maxima palabas ng kusina.
HINDI na naman makatulog si Adelentada ng gabing iyon. Paano ay iniisip niya ang mga posibleng mangyari sa bakasyon nila ni Ruperto. Katatapos lang niyang mag-empake ng mga kakailanganin niya para sa one-week vacation nila.
Feeling nga niya ay pinaghandaan talaga ito ni Ruperto dahil nag-rent pa ito ng isang kotse para may gamitin sila sa pagbiyahe. Mas okay daw iyon kesa sa mag-commute sila. May vacation house daw ang kaptid nito doon. Ayon dito ay doon dapat ito titira dahil wala namang tao pero ayaw daw nito dahil malayo sa kabihasnan.
“One week kaming magkakasama ni Ruperto tapos kaming dalawa lang…” Impit na napasigaw si Adelentada at isinubsob ng mukha sa dalawang palad sa sobrang kilig. “Ilan kaya ang kwarto doon sa vacation house na pupuntahan namin? Hindi kaya… isa lang?”
Kinikilig na humiga siya sa kanyang kama. Feeling niya ay hindi na naman agad siya makakatulog nito sa sobrang kilig. Pero wala pang limang segundo na nakahiga siya sa kama ay pikit na siya at malakas na humihilik!
MAAGANG umalis sina Adelentada at Ruperto kinabukasan. Ayon kasi sa huli ay mas okay na maaga upang makarating agad sila sa vacation house nito. Kilig na kilig naman si Adelentada sa biyahe nila dahil feeling niya ay isa siyang prinsesa dahil ipinagda-drive siya ni Ruperto lalo na at magkatabi lang sila nito. Well, marunong naman siyang mag-drive kahit papaano dahil sa pinaturuan sila agad noon ng Lolo Vicente.
Nakaramdam ng kalungkutan si Adelentada nang bigla niyang maalala ang kanyang Lolo Vicente. Napakaraming taon na ang nakakalipas simula nang huli silang magkita nito. Gustuhin man niyang bumalik sa mansion ay hindi na niya magawa. Natatakot siyang harapin ang galit nito lalo na’t sinabi sa kanya ng Ate Natasha niya na galit na galit ito sa kanya. Kaya naman kahit masakit, tinanggap na lang niya na kahit kailan ay hinding-hindi na siya makakatuntong ulit sa mansion ng mga Del Mundo.
“O, bakit parang ang lungkot mo?” untag ni Ruperto. Napansin yata nito ang pananahimik at bahagyang pananamlay niya.
“Naalala ko lang ang pamilya ko…” sagot niya.
“May pamilya ka pa?”
“Oo. Si Lolo Vicente at Ate Natasha ko.” Biglang nasamid si Ruperto. “Okay ka lang ba? Anong nangyari sa’yo? Gusto mo ba ng tubig?”
Iwinasiwas nito ang isang kamay. “`Wag na. Parang kumati lang ang lalamunan ko,” anito. “H-hindi ko alam na may pamilya ka pa.”
“Ayoko lang magkwento talaga tungkol sa kanila dahil nalulungkot lang ako.”
“Okay. Change topic na lang…”
Habang umaandar ang sasakyan ay may nadaanan silang nagtitinda ng lansones at rambutan. Bumili sila ng tig-isang kilo ng bawat prutas. Kaya naman nang nasa biyahe na ulit sila ay sinusubuan niya si Ruperto. Hindi kasi ito makakapagbalat ng rambutan at lansones dahil nagda-drive ito.
“Ah, Ruperto, may itatanong ako. May girlfriend ka na ba?” Hindi na siya nahiyang itanong iyon sa lalaki. Naisip niya kasi, baka panay ang pagpaparamdam niya dito tapos may mahal na pala ito. Edi, balewala lang lahat ng effort niya.
Umiling ito. “Wala. At wala pa sa isip ko.” Mabilis itong tumingin sa kanya at ngumiti.
“Talaga ba? E, ano naman ang gusto mo sa isang babae?” Pabebeng tanong niya. Hinawi pa niya ang kanyang buhok at inipit iyon sa likod ng tenga.
“Iyong simple lang saka mabait. Parang… ikaw.”
Pakiramdam ni Adelentada ay sasabog na ang kanyang dibdib sa sobrang kilig sa sinagot na iyon ni Ruperto. Hindi na niya tuloy namalayan na pati balat ng rambutan ay nakakain na niya. Agad niya iyong iniluwa nang marealize niya.
Hindi kaya gusto rin siya ni Ruperto at naghihinatyan lang sila.
“Ikaw, Adelentada, anong tipo mo sa isang lalaki?” balik na tanong nito.
“Ako… Ah… Iyong ano… Ano…”
“Ano nga?”
“Iyong parang-- Mababangga tayooo!!!” Malakas na sigaw ni Adelentada nang biglang iniliko ni Ruperto sa hindi malamang dahilan ang kotse sa kabilang lane ng kalsada. Dahilan para isang ten-wheeler truck ang makakasalubong nila!
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan niya at mabilis niyang inagaw kay Ruperto ang manibela.