*** Nang matapos ang rehearsals para sa araw na iyon, kasabay na ni Janice si Nathan na lumabas ng teatro. Mukhang matutuloy nga sila ngayon. Nauna namang umalis sina Mervin at Candy para sa shift ng mga ito sa restorbar. Wala tuloy siyang choice sa lalaking kasama niya. Nagpalit na ito ng turtle neck na ngayon ay nakatakip na sa kalahati ng mukha nito. Mukha na naman itong ninja sa paningin niya. Idagdag pa ang kulay puti nitong buhok. Nakakatawang mas nakikilala niya ang lalaki sa ganito nitong ayos. Ang siste, magko-commute daw sila dahil nasa manager daw nito ang kotse nito. Mayamaya pa raw ito masusundo dahil nasa biyahe pa mula sa Batangas. "Tara na," bulong ni Nathan. "Saan ba tayo?" Patingin-tingin pa ito sa paligid at baka may ibang makakita.

