MAAGANG nakauwi si Ice buhat sa ospital, alas otso pa lang ng gabi. Dumiretso siya sa bahay ni Tawny dahil nag-message si Alisa sa numero mismo ni Tawny at sinabing dito nito dinala ang bata.
Hindi pa man lumalapat ang daliri niya sa doorbell ay bumukas na ang pintuan ng bahay ng dalaga.
Nagkatinginan pa sila nang kapwa makita ang mga mukha nila. Siya ay may pasa sa gilid ng labi dahil sa suntok ng ama nito kanina, habang ito naman ay medyo namumula pa ang makinis na pisngi.
"Nasa taas si Alilee, nakahanda na s'ya para sa pagtulog. Pinagamit ko na lang muna sa kaniya ang damit ko para makapagbihis s'ya at makatulog ng komportable," sabi nito sabay luwang sa bukas ng pintuan.
Hahakbang na sana siya papasok nang marinig ang busina ng sasakyan. Awtomatiko siyang lumingon at nakita niya ang sasakyan ni Dominic.
Pumihit siya at sinalubong ang kaibigan na noon ay nakababa na sa sasakyan.
"Why would you get in the wrong door?" biro nito sa kaniya nang makalapit sila sa isa't isa.
"Susunduin ko lang si Alilee," maagap niyang sabi.
Tiningnan siya nito at lumampas ang tingin sa kaniya patungo kay Tawny na noon ay nakatayo pa rin sa nakabukas na pintuan.
"Gusto kong malasing ngayong gabi," sabi ni Dominic saka ibinalik ang tingin sa kaniya.
"Pero si—"
"Matagal na mula nang lumabas tayo, baka naman wala na munang pero ngayon," putol nito sa kaniya.
Saglit siyang nag-isip.
"Sige, maliligo lang ako at makikisuyo na lang ulit kay Tawny," kapagkuwa'y turan niya.
Bumalik siya kay Tawny at nakisuyo na ito na muna ang bahala kay Alilee. Pumayag ang dalaga subalit nakiusap siya na kung maaari ay sa bahay na lang muna niya ito matulog katabi si Alilee para hindi na niya maistorbo pa ang tulog ng bata sa kaniyang pag-uwi. Wala namang naging problema sa dalaga.
•••
"PARANG namimiss ko 'yong dati kagaya noong binata ka pa," narinig niyang sabi ni Dominic habang tinutugpa na nila ang kalsada patungo sa paborito nilang bar dati.
"Habang ikaw, marami pang girlfriend," simpleng biro naman niya na tinawanan kaagad nito. "Namiss ko rin 'yon...'yong umaawat ako sa mga babaeng nagsasabunutan nang dahil sa'yo," dagdag biro pa niya bagama't totoo naman talagang nangyari iyon noon.
"Baliw," tumatawang sabi nito. "Pero seryoso, namimiss ko lang talaga. Ikaw, 'di mo ba namimiss ang mga gimmick natin noon?"
"Siyempre, namimiss din, kaya lang tiyak na mahabang oras na naman ang uubusin natin kapag napasarap tayo sa gimmick na 'yan. Baka hintayin ako ni Alilee."
"At ni Tawny?" pilyong dugtong nito kaagad sa sinabi niya.
Napangisi siya at napailing. Dumukwang ito sa kaniya at sinipat ang mukha niya.
"Ano ba'ng ginagawa mo, Dom? Nagda-drive ako, oh!" nainis na turan niya. Sasakyan niya ang kanilang ginamit kaya siya ang nag-drive. Sinulyapan niya ito. "Mag-seatbelt ka nga," aniya pa nang mapansing hindi ito naka-seatbelt.
"It looks like I saw something there in your eyes that I haven’t seen in a long time," seryosong sabi nito habang umaayos ng upo at ikinabit ang seatbelt.
"Ano naman 'yon?"
"Para kaseng nag-twinkle twinkle 'yang mga mata mo nang marinig mo ang pangalan ni Tawny," maluwang ang ngiting sabi nito at talagang kinanta pa ang nursery rhyme na Twinkle Twinkle Little Star.
"Hay naku, p'wede ba, Dom, tumigil ka nga. Huwag mong kalimutang anak siya ng taong sumira sa pamilya ko."
"Have you proven it?" mabilis nitong tanong matapos na ihinto kaagad ang pag-awit. Tinitigan siya nito habang hinihintay ang kaniyang sagot.
Sinulyapan niya ito sa rearview mirror. "I have a feeling, Dominic. And you know how often I'm right when I suspect anything."
Bumuntong-hininga ito ng malalim at napailing. "Huwag mong sabihin may pinaplano ka kaya kinukuha mo ang loob niya at ginagamit mo pa si Alilee, ha. Kung tama man ang hinala mo, huwag mong kalimutan na anak nga siya ng taong sumira sa pamilya mo, pero anak lang siya at siguro naman kagaya mo, hindi niya rin ginusto na gawin 'yon ng kaniyang ama. Sino ba namang anak ang gugustuhin na magloko ang magulang niya para masira ang pamilya nila?" seryosong pangaral nito sa kaniya.
Siya naman ang napabuntong-hininga. "Bakit mukhang nagbago yata ang ihip ng hangin?" tanong niya kay Dominic bagama't wala naman sa tono niya ang pagtutol sa sinabi nito.
"Ice—"
"Why are we talking about her, huh?" putol niya rito. "We have decided na lumabas para magsaya, hindi ba? Hindi para pag-usapan siya," dagdag pa niya upang malihis lang ang usapan.
Hindi ito nagsalita pero nag-play ng music sa modern car stereo ng kotse niya. Life is a Highway by Rascal Flatts.
"Hooh!" sigaw nito at sinabayan ng pagkanta ang awitin.
Nailing na lang siya at hindi pa rin magawang ngumiti man lang. Naiisip niya ang mga sinabi nito.
•••
NAGISING si Tawny nang makaramdam ng ihiin. Inayos muna niya ang kumot ni Alilee bago bumangon at nagtungo sa comfort room na kanugnog lang ng silid nito.
Nang makalabas ay tiningnan niya ang desk clock sa bedside table at nakitang pasado alas kuwatro na pala ng madaling araw.
Lumabas siya ng silid ni Alilee. "Anong oras ba gumigising ang mga ito kapag ganitong weekdays?" tanong pa niya sa sarili.
Naisip niya na baka kailangan na niyang gisingin si Ice para makapaghanda ito pagpasok sa ospital.
Isang hakbang pa lang siya patungo sa silid nito nang marinig ang ugong ng humimpil na sasakyan at makita ang liwanag sa labas ng bintana na nakaharap sa garahe sa dulo ng hallway.
Malalaki ang mga hakbang na lumapit siya roon at sumilip sa labas.
"Kauuwi lang niya?" tanong niya sa sarili nang makita ang sasakyan ni Ice.
Nang makitang bumaba ito ay kumilos siya upang salubungin ito. Kumalat ang liwanag sa sala nang ito mismo ang pumindot sa switch ng ilaw na nasa gilid lang ng pintuan.
Tila nagulat pa ito nang makita siyang nakatayo roon.
"Kakauwi mo lang?" tanong niya.
"Hindi, paalis pa lang," pamimilosopo nito sa kaniya.
Napaangat ang mga kilay niya sa paraan ng pagsagot nito.
Hinubad nito ang sapatos kasama ang medyas at inilagay sa shoe rack. Nakamasid lang siya.
Naamoy niya ang alak mula rito nang matapat ito sa kaniya.
Dumiretso ito sa kitchen kaya sumunod siya.
"Saan ka ba galing?" malumanay na tanong pa niya habang pinapanood ito sa pagsa-sanitise ng mga kamay.
"Asawa ba kita? Tanong ka nang tanong." Bakas sa tono nito ang inis.
"Hindi," tugon niya matapos mapabuntong-hininga. "Alam ko naman na wala ako sa lugar para sitahin ka, pero hindi mo naman sinabi na magba-bar at uumagahin ka pala."
Tumingin ito sa kaniya. "Pasensya ka na kung masyado kitang naabala," malamig ang tonong sabi nito.
"Hindi naman iyon ang point ko, Ice," maanghang na sabi niya, naiinis na siya. "Nakita ka na ni Alilee na umuwi kagabi kaya akala niya paglabas mo babalik ka rin, nakatulog siya kahihintay sa'yo. Nakalimutan mo ba na meron kang anak na naghihintay rito?"
"Mula nang maging tatay ako ngayon ko na lang ulit ginawa ito. Kapag naging tatay na ba…wala ng karapatang magsaya?" mababa lang ang boses nito pero naroon ang inis sa kaniya.
Hindi siya nakapagsalita. Kumilos naman ito at kumuha ng iluluto sa fridge.
"Nakatulog ka ba?" kapagkuwa'y tanong niya kahit obvious naman ang sagot.
Tumingin ito sa kaniya pero hindi nagsalita.
"Tinatanong ko kase, naisip ko lang kung wala kang tulog at magtatrabaho sa ospital hanggang mamayang gabi, hindi ka kaya mag-collapse?" Lumakad siya palapit dito.
Napatitig ito sa kaniya, siya naman ay kinuha sa kamay nito ang mga kinuha sa fridge.
"Ako na ang magluluto," malumanay na sabi niya.
"Sabihin mo nga sa'kin, bakit ginagawa mo ang mga bagay na hindi mo naman kailangan gawin para sa amin ng anak ko?"
Natigilan siya nang marinig ang tanong nito.
"Dahil ba, naaawa ka lang sa amin?" tanong pa nito. "O nakokonsensya ka dahil alam mo kung anong ginawa ng ama mo sa pamilya namin, o dahil umaasa ka na 'yong nangyari seven years ago eh p'wedeng madugtungan?"
Napailing siya matapos marinig ang mga sinabi nito. Lalo na nang mabanggit nito ang tungkol sa kaniyang ama. Kung gayon ay alam na nito ang tungkol sa ama niya at kay Alisa, hindi na niya kailangang iwasan pa ang tungkol sa bagay na iyon.
Sandali siyang natamimi, hindi niya alam ang sasabihin o kung paano magri-react lalo pa at hindi niya maipaliwanag ang emosyong namumuo sa kaniyang dibdib.
"Ice, nagmamalasakit lang ako, masama ba iyon?" kapagkuwa'y wika niya bago ito tiningnan.
"Ang alam ko, ang malasakit ibinibigay sa taong mahalaga sa'yo," sabi naman nito na hindi maalis ang titig sa kaniya.
"Ice," napaluhang bigkas niya sa pangalan nito. Naisip niya na baka ito na ang tamang oras para sabihin kung ano ang nasa sa loob niya.
Hindi kumibo si Ice, 'ni hindi nag-iwas ng tingin, marahil ay gusto ring marinig ang nais niyang sabihin.
"Wala akong kinalaman sa atraso ni Tony sa'yo pero oo aaminin ko, umasa nga ako na 'yong gabing nangyari sa atin seven years ago ay p'wedeng dugtungan," pag-amin niya rito. "Araw-araw akong umaasam noon…hanggang sa mawalan ako ng pag-asa. Sinubukan kong pumasok sa isang relasyon para makalimutan ka pero naging unfair lang ako. Maliban sa pag-atras ko sa kasal dahil sa takot na baka magaya ako kay Mommy, nasaktan ko s'ya dahil hindi ko maibigay sa kaniya ng buo ang puso ko dahil naririto ka." Itinuro pa niya ang kaliwang dibdib. "Ewan ko ba, isang gabi lang naman iyon pero 'yong mukha mo…umukit kaagad sa puso't isipan ko. Kaya nang muli tayong magkita at nalaman kong...nalaman kong may pamilya ka na..." binitin niya ang sasabihin at tumalikod dito para itago ang mga luhang pumatak sa pisngi niya.
Ilang sandali siyang hindi nakakibo at tinanong ang sarili.
'Bakit nga ba ginagawa ko pa ang lahat ng ito?' tanong niya sa isip. 'Bakit sinasabi ko pa sa kaniya ang lahat ng ito? Wala rin namang silbi.'
May bahagi nga ng puso niya na nakakadama ng awa para sa sitwasyon ng mga ito. Pero bawat bahagi ng puso niya ay umaasa na kapag nanatili siya sa tabi nito, maaaring magkapuwang siya sa puso nito at ni Alilee.
Naramdaman niya ang pagkilos nito at walang imik na iniwan siya. Nilingon niya ito at wala siyang nagawa kun'di sundan ito ng tingin.
•••
PABAGSAK na naupo sa gilid ng kama si Ice. Parang nakikita pa niya kung paano siya tingnan ni Tawny kanina.
Napaisip siya sa sarili, bakit ba parang gustong magdiwang ng puso niya sa nakikitang pagmamalasakit nito? Lalo na nang marinig ang mga sinabi nito tungkol sa damdamin nito para sa kaniya.
Hindi tuloy niya napigil ang sariling alalahanin ang gabing may namagitan sa kanila.
Akala niya ay wala ng ibang babae ang bumubuhay sa libido niya maliban kay Alisa. Pero nang makita ito, hindi niya nakontrol ang sarili sa panunukso nito sa kaniya at agaran siyang bumigay kahit pa nga natakot siya nang malamang birhen ito kabaliktaran sa inaakala niya.
Ang totoo ay na-attract siya kay Tawny, maraming gabi ring napuyat siya kakaisip dito. May mga pagkakataon pa nga na bigla na lamang siyang nagigising sa kalaliman ng gabi at ang mukha nito ang nakikita. Ngunit dahil nga kay Alisa at sa napipintong pagpapakasal dito ay pinagsikapan niyang iwaksi sa isipan niya si Tawny.
Ngayon, matapos ang pag-amin ng dalaga sa kaniya, muli ay nagugulo nito ang isip niya.