Paulo’s Point of View
“Tindahan ng mooncakes?” ang nagtataka namang tanong ni Adrian sabay tingin sa paligid. “Wala naman aking nakikitang nagtitinda ng moon cakes.”
“Sa panaginip ko, sigurado ako na dito naganap ‘yun,” ang saad ko.
“Pero sigurado ka na ba na totoo ang napanaginipan mo?” ang tanong naman niya sa akin.
“Oo, Adrian,” ang pagkumpirma ko naman. “Paano mo ipapaliwanag ang nangyari ngayon? Unang beses kong pumunta rito sa Chinatown pero alam ko ang mga tindahan at kung saan at ano ang mga benebenta nila. Sigurado ako na mayroong Joaquin at Cris na nagkita rito sa Chinatown.”
“Ano nang balak mong gawin?” ang tanong naman niya sa akin.
“Sa totoo lang ay hindi ko pa alam,” ang pagtatapat ko naman sabay buntong-hininga. “Alam ko nga na naging totoo sila pero… hindi ko naman alam kung anong kailangan nila sa akin. Kaya hindi ko rin alam kung paano sila matutulungan.”
“Sa bagay,” ang tugon naman niya.
“Sa totoo lang, natatakot ako na magpatuloy pa ang mga pangitaing nakikita,” ang saad ko habang pinapanood ang ibang taong nagdaraan sa paligid.
“Alam mo, huwag mo masyadong dibidib,” ang payo naman niya. “Sa ngayon, ilibre mo na muna ako dahil ‘yun ang usapan nating dalawa.”
“Hay, naku,” ang natatawa ko namang komento. “Tara na nga,” ang yaya ko naman. Nagsimula naman kaming maglakad.
“Adrian, gusto mob a ‘yun?” ang tanong ko naman ang tindahan ng fried siopao.
“Gusto!” ang kaagad naman niyang tugon.
“Bumili na lang tayo at sa dorm na lang natin kainin,” ang suhestyon ko.
“Sige,” ang pagpayag naman niya. Nagtungo naman ako sa loob at bumili ng apat na piraso ng fried siopao. Nang makabili ay muli kong sinamahan si Adrian. Ipinagpatuloy naman naming ang paglalakad palabas ng Chinatown.
“Adrian, maraming salamat sa pagsama mo sa akin dito,” ang pasasalamat ko naman sa kanya.
“May iba ba akong magagawa?” ang tanong naman niya. “Eh, ako lang naman ang kaibigan mo sa Saint Anthony.” Tumawa naman siya nang masabi niya ‘yun.
“Ang totoo niyan, natatakot akong makipagkaibigan sa maraming tao,” ang paliwanag ko naman.
“Bakit naman?”
“Uhm, mahabang kwento.”
“Marami naman tayong oras.”
“Nung nasa Senior High School ako, nagkaroon ako ng mga kaibigan,” ang pagsisimula ko. “Pero hindi nila alam ‘yung tunay kong pagkatao. Isang araw, nalaman nila na nagkakagusto ako sa isa naming kaibigan. Kaagad nila akong linayuan at hindi na lang kinausap. Kaya naman… hiniling ko kay Nanay na mag-aral ako sa malayo. Kaya naman napadpad ako sa Saint Anthony. Dahil sa nangyari, pakiramdam ko ay kailangan kong muling magsimula ng panibagong kabanata sa aking buhay. Malayo sa mga mapanghusgang mata ng mga dati kong kaklase.”
“Naiintindihan ko ang pinagdaanan mo, Paulo,” ang saad niya. “Pero isa lang ang masasabi ko, huwag kang titigil maniwala sa ibang tao. Siguro nung mga panahaong ‘yun, nakatagpo ka lang ng mga maling tao. Huwag kang mag-alala; isa ako sa mga kaibigan mo ngayon na susuporthan kita palagi.”
Natigilan naman ako at naluha sa mga sinabi niya.
“Salamat,” ang pasasalamat ko naman sabay punas ng mga luhang nagbabadyang lumabas. “Ikaw ang unang taong ngsabi ng ganyan sa akin.”
Hinawakan naman niya ang aking balikat.
“At paniguradong hindi ako ang huli,” ang saad niya. “Makakahanap ka ng mga taong manghuhusga sa’yo. Mayroon at mayroon talagang mga taong may masamang masasabi. Pero sa kabila nun… may mga taong iintindihin ka, tatanggapin ka. Isa na ako, at mukhang pati ‘yung isang gusto kang landiin.”
“Ha?!” ang gulat ko namang reaksyon. “Sino namang tinutukoy mo?”
“Eh, sino pa ba?” ang tanong niya naman pabalik. “Si Marcus.”
“Si Marcus?” ang pag-uulit ko naman. “Mukhang hindi naman ‘yun ang pakay niya sa akin. Sabi nga ni Ate Somi, sadyang palakaibigan lang si Marcus. Isa pa, bakit naman ako magugustuhan ng isang prinsipeng katulad niya?”
“Minsan, hindi mo naman kailangan ng rason para magustuhan ang isang tao,” ang paliwanag niya bago ipinagpatuloy ang paglalakad. Kaagad naman akong sumunod sa kanya at sinabayan siya sa paglalakad. “Minsan, magigising ka na lang sa katotohanang may gusto ka na sa ibang tao.”
Napatango naman ako sa sinabi niya.
“Siguro, ang dami mon ang naging girlfriend, no?” ang tukso ko naman sa kanya na ikinatawa niya.
“Grabe ka sa akin,” ang reaksyon naman niya. “Dalawa pa lang naging girlfriend ko. Isa pa, hopeless romantic kaya ako.”
“Na malakas kumain,” ang tukso ko.
“Kaya madali akong ma-fall,” ang saad naman niya.
“Hindi ko gets,” ang tugonb ko naman.
“Narinig mo na ‘yung kasabihan na… The best way to get to a man’s heart is through his stomach?” ang paliwanag naman niya. “Ganun ‘yun. Kaya naman kapag nagkagusto ka sa isang lalaki, daanin mo sa pagkain.”
“Parang sa’yo lang naman eepekto,” ang tugon ko naman. “Oh, may jeep. Dalian na natin,” ang saad ko sabay takbo sa jeep. Magkasunod naman kaming sumakay ni Adrian patungo sa Saint Anthony.
******
Pagkababa namin ng jeep ay nagsimula kaming maglakad patungo sa men’s dormitory.
“Gusto mo pa bang bumili ng makakain pang-dinner?” ang tanong ko naman sa kanya. “Okay na ako sa fried siopao na binili natin.”
“Kulang sa akin ‘yan,” ang tugon naman niya. “Mauna ka na sa dorm. Dadaan muna ako sa kainan para bumili pa ng pagkain. Isa pa, may utang ka pa sa akin na samalamig.”
“Oo nga pala,” ang reaksyon ko nang ipaalala niya sa akin ‘yun. Kumuha naman ako ng pera mula sa aking bulsa at inabot sa kanya. “Mauna na ako sa dorm.”
Nagkahiwalay nga kami ni Adrian Nagsimula akong maglakad patungo sa dorm. Kapapasok ko ng gusali nang kaagad ding matigilan nang makita si Marcus sa front desk ng dorm. Natigilan din naman siya nang mapatingin sa akin.
“Paulo!” ang pagtawag naman niya sa aking pangalan. Wala naman akong ibang magagawa kundi ang lumapit sa kanya. “Katatapos lang ng klase mo?” ang tanong naman niya sabay tingin sa orasan. Mag-aalas siyete na pala ng gabi.
“Ah, hindi,” ang tugon ko naman. “Kanina pa natapos ang klase ko. Ikaw ang magbabantay ngayon?”
“Yeah. Since I’m a year older. Ako ang mag-che-check mamaya sa inyo. So, saan ka galing?” ang sunod naman niyang tanong. “Sorry, I might be invading your privacy.”
Napa-iling naman ako. Sa tingin ko, sa tuwing nakikita ko si Marcus ay nasasanay na ako sa presensya niya. Ramdam kong nababawasan na ang pagka-ilang ko sa kanya.
“Nagpunta ako sa Chinatown kasama si Adrian,” ang tugon ko naman.
“Chinatown? What did you there?” ang tanong naman niya. “May lahi ka bang Chinese? Kaya mo naitanong sa akin?”
“Ah, wala,” ang tugon ko naman. “Unang beses ko kasing makapunta rito sa lugar na ito kay naman. Naisipan ko namang mamasyal sa paligid.”
“Oh, I don’t think an hour or two is enough to go around Chinatown,” ang komento naman niya. “Kung gusto mo talagang mamasyal; you can call me during the weekends.”
“Pag-iisipan ko.”
“Anyway, how was your trip to Chinatown? Did you find something interesting?”
“Ah, wala naman masyado,” ang tugon ko. “Bumili ako ng fried siopao.”
“Fried siopao?” ang nagtataka niyang tanong “Well, that sounds… interesting.”
“Oo,” ang pagkumpirma ko. “Kaya naman bumili ako. Totoo kaya n agawa sa pusa ang siopao?”
“Wait. What?!” ang natatawa naman niyang reaksyon. “I’m sure they’re not.”
“Heto,” ang saad ko naman sabay kuha ng isang siopao mula sa plastic bag na bitbit ko. Akto namang iaabot ko sa kanya ang siopao nang napatingin sa purselas na suot ko. Nakita ko sa kanyang mukha ang gulat.
“Okay ka lang. Marcus?”
“Did you buy that there?”
“Ang alin? Ang siopao o ang purselas? Alin ang tinutukoy mo?”
“Yung siopao, siguradong binili mo sa Chinatown,” ang tugon naman niya. “Yung bracelet ang tinutukoy ko.”
“Ah, oo. Binili ko rin to sa Chinatown.”
“Are you looking for love?” ang tanong niya pa. “This is a rose quartz bracelet, right? This serves as a lucky charm for love.”
Napasinghap naman ako na alam niya kung ano ang purselas at para saan ito.
“Paano mo alam? Mahilig ka rin ba sa ganito?” ang mga tanong ko sa kanya.
“Just a lucky guess,” ang saad naman niya. “May kakilala lang ako na may ganyan.”
“Ah, kaya pala.”
“Anyway, thank you for this,” ang pasasalamat niya sabay pakita sa hawak niyang siopao. “you do know how to get to a man’s heart.”
Yun din ang sinabi sa akin ni Adrian kanina. Nanlaki naman ang mga mata ko nang mapagtanto ang ibig niyang sabihin.
“Huy, ano ba ‘yang sinasabi mo?” ang tanong ko. “Baka magalit pa ang girlfriend mo.”
“Wala akong girlfriend,” ang saad naman niya. “And I’m not interested with women.”
“Di nga?” ang gulat ko namang reaksyon. Napangiti lang naman siya at tumango.
“Do you have a problem with that?” ang nagtataka naman niyang tanong.
“W-wala,” ang kaagad ko namang tugon. “Nagulat lang ako at namangha na rin kasi napakabukas mo sa bagay na ‘yan.”
“This is what I am,” ang tugon niya. “And there’s nothing wrong with it. Wala rin naman akong pakialam sa sasabihin ng iba.”
Napatango naman ako. Sana mayroon din akong lakas ng loob ng katulad sa kanya.