John Paulo’s Point of View
Masasabi ko na habang tumatagal ay mas lalo akong nagiging komportable sa presensya ni Marcus. Hindi pa rin naalis sa akin ang mabigat na pakiramdam pero mapagtitiisan ko naman. Nakatitig lang ako sa kanyang mga labi. Hindi ko pa rin maiwasan ang ikumpara ito sa mga labing nakikita ko sa aking panaginip. Hindi ko maintindihan dahil magkaiba naman ang hugis ng kanilang mga labi kaya naman bakit na lamang pumapasok sa aking isipan ang ganoon?
“Paulo,” ang pagtawag naman sa akin ni Marcus. “May dumi ba sa mukha ko?” ang tanong naman niya nang mapansin ang aking matagal na pagtitig sa kanya. Hindi naman ako kaagad na nakasagot kaya naman kumuha na lamang siya agad ng table napkin at pinunasan ang kanyang mga labi. Humarap siya kay Dustin at inulit ang kanyang tanong. Umiling naman si Dustin. Napabuntong-hininga ako na nakaagaw sa atensyon ni Adrian.
“Okay ka lang?” ang tanong naman niya sa akin. “Ang lalim niyon, ah”
“Okay lang ako,” ang tugon ko naman. “Marami lang akong naiisip ngayon.”
“Tulad ng?”
“Yung mga panaginip at pangitain,” ang saad ko naman.
“Sa tingin ko, ang magagawa mo lang sa ngayon ay maging matiyaga,” ang payo niya. “Wala ka namang ibang magagawa kundi ang maghintay ng mga panibagong clue na ipapakita sa’yo ng nagmumultong kaluluwa.”
“What are you talking about?” ang singit naman ni Marcus nang mapansin kaming dalawa. “You look serious.”
Napatingin naman ako kay Adrian. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag. Hindi naman kasi kapani-paniwala sa pandinig ang mga nagaganap sa akin.
“Ah, tungkol sa ghosting,” ang tugon naman ni Adrian.
“Ghosting?” ang pag-uulit naman ni Marcus. Napakunot din naman ako ng noo dahil hindi ko sigurado kung anong ‘ghosting’ ang kanyang tinutukoy.
“Oo,” ang pagkumpirma naman ni Adrian. “Hindi mo ba napanood ‘yung interview ni Derald Indarson kay Tita Ghoorl?”
“Oh, that one,” ang reaksyon naman ni Marcus sabay iling. “That was painful to watch.”
“Sinabi mo pa,” ang pagsang-ayon naman ni Adrian. “Mas nakakatakot pa sa multo ang depinisyon ni Derald sa salitang ‘ghosting’.
“Kawawa nga si Lea Galonzo,” ang pagsakay ko naman sa usapan nila. “Sabi ko na nga ba, eh. Basta guwapo, hindi talaga mapagkakatiwalaan at mga paasa lang talaga.”
“Hindi ako ganyan,” ang sabay-sabay na komento ng tatlo sa akin. Kaagad naman akong natigilan sa aking kinalalagyan at napatingin sa kanilang tatlo. Napakunot naman ako ng noo sa kanilang sinabi.
“Hindi ko alam kung anong paniniwalaan,” ang komento ko naman. “Yung hindi kayo mapagkakatiwalaan at paasa o ang pagbansag niyong mga guwapo kayo.”
“Bakit? Hindi ba?” ang tanong naman sa akin ni Dustin. Nakita ko namang hinintay nilang tatlo ang aking sasabihin. Hindi ko naman sila pinansin; bagkus ay kinuha ko ang baso ng yoghurt.
Tumingin naman ako sa kanila. “No comment.”
Kulang na lang ay matawa ako sa aking kinalalagyan dahil sa nakita kong pagkabigo sa kanilang mga mukha. Hindi ko naman siguro kailangan pang ihayag nang malakas ang alam na nilang tatlo. Pero sa aking palagay, si Marcus nga ang pinakaguwapo sa kanilang tatlo at ayokong aminin ito sa harap niya… lalo na sa harap ni Adrian. Tutuksuhin niya lang ako nang tutuksuhin kapag narinig niya ‘yun mula sa akin.
“Anyway, I have to go now,” ang paalam naman ni Marcus. “I still have class in…” Tinignan naman niya ang kanyang wrist watch. “Ten minutes.”
“Ah, ako rin,” ang saad naman ni Dustin na sumunod sa pagtayo ni Marcus. “Alam niyo naman na nasa pinakamalayong parte ng Saint Anthony University ang building ng School of Engineering and Architecture.”
Tama nga siya. Katapat na ng University Gymnasium ang gusali nila. Malapit na rin ito sa Men’s Dormitory.
“See you around,” ang paalam naman ni Marcus sa amin. Kapwa naman kami napatango ni Adrian. Pinanood naming silang lumabas ng canteen. Naiwan nga kami ni Adrian doon at pinagpatuloy ang aming pananghalian. Naiintindihan ko kng bakit nauna na sila Marcus. Mabagal kasi akong kumain samantaling si Adrian ay maraming kinakain kaya naman natatagalan kaming dalawa. Ipinagpatuloy naman naming ang pag-uusap tungkol sa misteryosong nangyayari sa akin.
“Hindi ko maintindihan kung bakita ako,” ang wika ko naman sa ere habang tinutusok-tusok ng kutsara ang yoghurt sa baso.
“Nakakakita ka ba ng multo?” ang tanong naman niya sa akin. “O kaya may third eye ka?”
“Hindi pa ako nakakaranas ng mga ganoon,” ang tugon ko naman. “Ito ang unang beses na may kakaibang nangyari sa akin.”
“Baka naman may koneksyon sa pagitan niyong dalawa,” ang tugon naman niya pagkatapos lumunok. “Baka naman kamag-anak mo?”
“Kamag-anak?” ang pag-uulit ko. Napaisip ako at napa-iling. “Magkaiba kami ng apelyido kaya naman medyo malabo.”
“Pero may chance,” ang saad naman niya. Tumango naman ako.
“Kung mayroon mang koneksyon, iisa lang ang nasa isipan ko ngayon,” ang wika ko naman.
“Ano naman ‘yun?” ang tanong niya.
“Baka dati siyang nakatira sa kuwarto natin,” ang saad ko. “Dahil doon naman din nagsimula ang mga panaginip ko.”
“Oo nga, no?” ang reaksyon naman niya. “Ang talino mo talaga.”
*****
Pagkatapos ng huli naming klase ni Adrian ay nagtungo kami sa University Library. Lumapit naman kami sa Student Assistant.
“Hello po,” ang pagbati naming sa kanya.
“Hello,” ang bati naman niya pabalik. “Kailangan niyo ng tulong?”
“Uhm, may mga nakatago po ba kayong yearbooks ng university natin?” ang tanong ko naman.
“Depende kung anong taon ang kailangan niyo,” ang tugon naman ng Student Assistant. “Usually, ang mga yearbook kasi ngayon na-pupublish na per School kaya naman nakatago na sa mini-libraries per school.”
“Year 1969, 1970, at 1971 po ang gusto naming makita,” ang paliwanag naman ni Adrian. Nanlaki naman ang mga mata ng student assistant na kausap namin.
“Ang luma na ng mga hinahanap niyo,” ang gulat namang reaksyon ng Student Assistant.
“Uhm, imposible na po ba naming makita ang mga ‘yun?” ang tanong ko naman.
“Hindi ko sigurado,” ang tugon naman niya. “Pero titignan ko.”
“Salamat po,” ang pasasalamat naming. Umalis naman ang student assistant. Napatingin naman ako kay Adrian.
“Sana naman meron pa,” ang hiling ko.
“Sana nga,” ang tugon naman niya. Lumipas ang lagpas limang minuto ngunit wala pa ang Student Assistant na nakausap namin kaya naman nakaramdam ako ng kaunting kaba.
“Parang ang tagal yata,” ang bulong ko. Sakto namang dumating ang Student Assistant na may mga bitbit. Inalapag naman niya ‘yun sa tapat naming.
“Pasensya na kung natagalan, kailangan ko pa kasi hanapin,” ang paghingi ng Student Assistant ng paumanhin. “Ano bang kailangan niyo sa maga lumang yearbook na ito?” ang pag-uusisa pa niya.
“Uhm, ‘yung nanay ko kasi, hinahanap niya ‘yung dati niyang yearbook,” ang paliwanag naman ni Adrian. “Gustoo niyang kuhanan ko ng litrato.”
“Hindi siya sigurado sa taon?”
“Medyo makakalimutin na kasi ang nanay ko,” ang sundo namang paliwanag ni Adrian.
“Ah, kaya pala,” ang tugon ng student assistant. Mukhang nakumbinsi siya ng mga sinabi ni Adrian. “Sana mahanap niyo ang yearbook ng nanay mo. Bago niyo pala kunin, kailangan niyong ipakita ang ID niyo. Ii-scan ko lang para mai-log sa system ng library. Ibalik niyo na lang ulit dito para ma-scan ko ulit ang mga ID niyo.”
Sinunod nga namin ang bilin ng student assistant at pinakita namin ang aming ID cards. Ini-scan niya ang barcode sa likod ng mga card. Sa bawat pag scan niya ay lumalabas sa monitor ang litrato naming at mga detalye. Sunod naman niyang ini-scan ang barcodes sa loob ng mga yearbook. Nang matapos ang prosesong ‘yun ay nagtungo kami sa isang mesa upang simulan ang aming mga pakay.
“Ako na ang magtitingin sa taong 1969 at 1970,” ang wika ko sabay tingin sa harap ng mga yearbook at hinanap ang mga taong binanggit ko. Ibinigay ko naman sa kanya ang iba pang yearbook. “Basta sa Institute of Mass Communications ang parte na kailangan nating tignan.”
“Copy, sir,” ang tugon naman niya. Sinimulan ko namang tignan ang laman ng yearbook. Dahil gusto kong makita ang iba pang laman ng yearbook ay sinimulan ko ang pagtingin sa pinaka-unang pahina. Nakakatuwa na nakaka-tense sa pakiramdam. Isa-isa kong tinignan ang mga mukha sa yearbook. Wala sa taong 1969 kaya naman sa susunod na taon ang aking sunod na tinignan. Nang matapos ko ang panghuling pahina ay nakaramdam ako ng pagbigo. Wala akong nakitang Crisanto Yap ang pangalan. May nakita akong Joaquin ngunit iba ang apelyido. Hindi nagsisimula sa letrang F. Napatingin naman ako kay Adrian.
“Kamusta ka na diyan?” ang tanong ko naman. “May nakita ka ba?”
Napatingin naman siya sa akin.
“May nakita ako sa taong 1972,” ang balita naman niya. “Pero… wala akong nakitang Crisanto Yap o Joaquin na may apelyidong nagsisimula sa F.”
“Ha?!” ang naguguluhan kong tugon. “Kung ganun, anong nakita mo?”
“Aurora Lee,” ang tugon niya saby tulak sa akin papalapit ng yearbook. Tinignan ko naman ang pahina na tinutukoy niya at hinanap ang pangalan na tinutukoy niya. Hindi naman nagtagal ay nakita ko ang pangalan kaakibat ang litrato sa taas nito. Natigilan ako nang makita ang mukhang ‘yun.
Kaagad akong napuno ng emosyon nang makita ang mukhang ‘yun. Hindi ko napigilan ang sarili ko sa pag-iyak.
“Hala,” ang reaksyon naman ni Adrian nang masaksihan ang pag-iyak ko. “Paulo, bakit ka umiiyak?”
“Hindi ko rin alam,” ang tugon ko. Bakit ng aba ako umiiyak nang makita ang isang mukha mula sa nakaraan, limampung taong nakakalipas. Hindi pa nga ako pinapanganak sa panahong ‘yun. Pero pakiramdam ko ay kilala ko siya na parang nakasama ko na siya. Hindi ko maintindihan kung bakit ako nakakaramdam ng lungkot at pangungulila sa taong nasa larawan.