Toooot. Toooot. Toooot.
Nagising si Carlo sa tunog ng alarm ng kanyang cellphone. Ramdam niya ang mainit na hangin na tumatama sa kanyang batok. Nawala sa kanyang isip na ibang kwarto ang kanyang tinulugan. Ang hangin na dumadampi sa kanyang batok ay galing sa hininga ng kanyang katabi habang mahigpit naman na nakayakap ito sa kanya. Maingat niyang inalis ang kamay nito upang kuhanin ang kanyang cellphone para patayin ang alarm.
Alas kwatro na ng umaga, kailangan na niyang bumangon upang bumalik sa kanyang kwarto bago pa magising ang mga tao sa loob ng bahay. Binuksan ni Carlo ang ilaw sa kwarto. Napangiti siya habang pinagmamasdan si Morris na mahimbing na natutulog. Hindi siya nakatiis kaya muli siyang tumabi dito sabay yumakap nang mahigpit. Dahil wala itong suot na damit ay dama ni Carlo ang init ng katawan ni Morris. "I love you, hubby." Wika ni Carlo sabay halik sa mga labi nito.
Gustong gusto niya palagi na halikan si Morris. Tila isang droga na labis niyang kinaaadikan ang malambot na mga labi nito. Matagal na tinitigan ni Carlo ang mukha ni Morris. "Ang swerte ko dahil may boyfriend akong tulad niya na mahal at tanggap yung totoong ako." Wika ni Carlo sa kanyang sarili. Sumagi sa kanyang isipan kung ano kaya ang magiging reaksyon ng kanyang mga magulang kapag nalaman nila ang relasyon nila ni Morris? Matatanggap kaya nila o sa bandang huli ay ipagtatabuyan siya nito? Napabuntung hininga siya. "Sana huwag mo akong sukuan hubby hanggang sa huli." Pabulong na sabi ni Carlo.
Gustuhin man niya na magtagal kasama si Morris sa kwarto ay nag-aalala naman siya na baka magising na ang mga tao sa loob ng bahay at mahuli pa silang dalawa na magkasama kaya nagpasya na siyang bumangon at inayos ang susuotin ni Morris sa trabaho. Hinalikan niyang muli ito sa labi upang magpaalam pagkatapos ay pinatay ang ilaw saka tuluyang lumabas ng kwarto.
Matagumpay na nakabalik si Carlo sa kanyang kwarto. Inilapat niya ang kanyang katawan sa malambot na kama habang ang isip naman niya ay naglalakbay patungo kay Morris. "Ano ba 'to kababalik ko lang dito sa kwarto pero namimiss ko na agad siya." Wika ni Carlo. Kinuha niya ang kanyang cellphone upang i-text ito.
Wifey:
Nakasabit na yung damit na susuotin mo ngayon araw. Sorry at hindi na ko nakapagpaalam. Hindi na kita ginising para makapagpahinga ka pa. I love you hubby.
Send. Pagkatapos niyang mag-iwan ng mensahe ay muling siyang bumalik sa pagtulog. Mataas na ang sikat ng araw ng magising siya. Tiningnan niya ang kanyang cellphone at nakita niya na nagreply si Morris sa kanya.
Hubby:
Good morning wifey. Salamat pala sa paghanda ng damit na susuotin ko. Papunta na kami ng office ni engineer. Siya nga pala may nilagay ako sa ref, kunin mo na lang pagkatapos mong mag-agahan. Nakalimutan ko kasing ibigay sa'yo kagabi. Mamaya na lang ulit. I love you too, wifey.
Hindi maiwasan ni Carlo na hindi kiligin. Daig pa kasi nila ang mag-asawa kung magturingan. Aminado siya na sobrang malambing si Morris sa kanya kaya habang tumatagal ay lumalalim ang pagmamahal niya para dito. Nagmadali siyang mag-ayos ng kanyang sarili upang makababa agad.
Nabungaran niya ang kasambahay na si Tin sa may kusina. "Good morning ate." Bati niya. Sinalubong naman siya ni Tin ng isang makahulugang ngiti. "Good morning, Carlo. Kakain ka na? Saglit ikukuha kita ng plato." Sabi ni Tin. Nagtaka man si Carlo ay isinantabi niya muna ito at dali daling tinungo ang refrigerator.
"Nasaan po pala si nanay?" Tanong ni Carlo habang binubuksan niya ang ref. "Umalis si ma'am kasama yung dalawa. Pupuntahan daw nila yung pwesto kung saan ilalagay yung bakeshop. Gusto kasi ni mama mo bago magsimula ang pasukan ay open na siya for business. Teka ayaw mo ba yung ulam? Gusto mo bang paglutuan kita ng iba?" Sabi ni Tin na kababalik lang mula sa kusina dala ang plato at baso. Napansin kasi niya na tila may hinahanap ito sa loob ng refrigerator.
"Ay hindi ate okay lang po. May hinahanap lang ako dito." Wika ni Carlo. "Ahhh yung chocolate ba? Nilagay ni Morris sa may ilalim." Sagot naman ni Tin. Hindi naman agad nakaimik si Carlo sa sinabi ng kasambahay. Kalaunan ay nakita naman niya ito. "Got it ate. Thank you pero paano mo nalaman na ito ang hinahanap ko?" Nagtatakang tanong ni Carlo.
Umupo si Tin sa tapat niya. "Nakita kita kagabi na pumasok sa kwarto ni Morris na may hawak na maliit na palanggana. Ikaw nga bata ka ay magtapat sa akin. Kayo ba ni Morris?" Ang diretsahang tanong ni Tin sa kanya. Hindi agad nakasagot si Carlo. Hindi niya matiyak kung dapat niya bang aminin ito sa kanilang kasambahay o hindi. Matindi ang kaba na nadarama niya ng mga oras na yun. Napansin naman ito ni Tin kaya agad niyang hinawakan nang mahigpit ang kamay ni Carlo.
"Huwag kang mag-alala. Sikreto lang natin dalawa ito. Kung ano lang ang kaya mong sabihin ay maiintindihan ko. Basta anuman ang mangyari nandito lang ako para makinig sa'yo." Pangako ni Tin sa kanya.
Pinakalma muna ni Carlo ang kanyang sarili bago siya nagsimulang magkwento dito.
"Ate I'm gay. Hindi alam ng mga magulang ko na isa akong bakla. Ayaw kong masaktan sila dahil marami silang magagandang plano para sa kinabukasan ko. Nag-iisa lang akong anak at lalaki pa kaya tiyak akong sasama ang loob nila kapag nalaman nila ang tunay kong kasarian. At oo ate, boyfriend ko po si Morris. Mahal namin ang isa't isa at natatakot ako na baka hindi kami tanggapin ng mga magulang ko kapag nalaman nila ang tungkol sa amin." Paglalahad ni Carlo.
Napangiti naman si Tin matapos ang pag-amin nito. "Unang araw ko pa lang dito sa inyo ay alam ko na bakla ka. Malakas din ang kutob ko na may namamagitan sa inyo nung driver. Hinihintay ko lang na magkwento ka. Wala kang dapat ikatakot sa akin dahil hindi ko ugali na panghimasukan ang buhay ng tao lalo pa kung sikreto ito. Usisera ako oo pero hindi ako chismosa." Ang natatawang sabi ni Tin.
"Magkaiba ba yung usisera at chismosa? Di ba pareho lang yun ng kahulugan?" Tanong ni Carlo. "Gaga hindi no. Ang usisera aalamin niya lang yung totoong nangyari pero para masatisfy lang yung curiousity niya ganun samantalang yung chismosa naman hahalukayin niya yung mga lihim ng mga tao na matagal ng nakabaon sa hukay pagkatapos ay ikakalat niya sa ibang tao. May dagdag bawas pa yung kwento nun." Wika ni Tin.
"Ahhh ganun pala yun. Pero teka ate paano mo nalaman na may namamagitan sa amin ni Morris?" Nagtatakang tanong ni Carlo. "Malakas kasi ang kutob ko simula nung kumain tayo tapos kakaiba yung mga titig sa'yo ni Morris. Sa totoo lang hindi ko sinasadya na makita ka kagabi. Naalimpungatan kasi ako tapos nauuhaw pa ko kaya napalabas ako ng kwarto. Sakto naman na pabalik ka na doon sa kwarto niya dala nga yung palanggana. Nakumpirma ko lang yung hinala ko kanina nung nakita ko siya na may nilalagay sa ref. Akala ko nga pagkain niya na ipapalagay lang niya pero nung makita ko yung reaksyon mo nung sinabi ko yung chocolate doon ko na nasabi na ahhh magjowa nga kayo." Kwento ni Tin.
"Wala naman akong balak na itago ito sa lahat ng ganun katagal ate. Naghahanap lang ako ng tamang panahon para aminin kina nanay at tatay yung tungkol sa tunay na kasarian ko at syempre yung sa amin dalawa. Ayokong biglain sila lalo pa ngayon na pareho silang abala sa kanilang ginagawa." Wika ni Carlo.
"Naiintindihan kita. Hindi madali yung sitwasyon mo lalo pa at solong anak ka lang pero nakasisiguro din ako na hindi ka nila kayang itakwil dahil anak ka pa rin nila kahit magbaliktad man ang mundo. Mabait ka, hindi ka naman nagbibigay ng sakit ng ulo sa kanila. Yun nga lang tumatakas sa gabi para makipagkita sa jowa pero normal naman yun sa mga taong umiibig. Matatanggap ka din ng mga magulang mo sa tamang panahon. Magtiwala ka lang." Ang payo ni Tin sa kanya.
"Ikaw na talaga ate ang life coach ko. Pero seryoso salamat sa'yo kasi ito yung unang beses na gumaan yung pakiramdam ko. Yung para bang nabunutan ako ng tinik sa dibdib. Ikaw pa lang kasi yung una kong napagsabihan ng sikreto ko. Salamat ate." Wika naman ni Carlo. "Naku ano ka ba maliit na bagay lang yan. Basta pangako ko sa'yo na hindi ko ipagkakalat itong pinag-usapan natin ngayon bagkus ako pa ang unang tao na nasa likod mo na susuporta sa'yo kapag sinabi mo na ito sa mga magulang mo." Ang nakangiting sabi ni Tin.
Hindi na napigilan ni Carlo ang pagtakas ng mga luha sa kanyang mga mata. Agad naman lumapit si Tin upang yakapin ito. "Ano ba ito para naman tayong nasa maalaala mo kaya. Ang mabuti pa ay pakalmahin mo muna ang iyong sarili pagkatapos ay kumain ka nang agahan." Ang natatawang sabi ni Tin sa kanya.
Naging makabuluhan at hindi malilimutan na sandali ang nangyari ngayon umaga sa pagitan nina Carlo at Tin. Hindi lubos maisip ni Carlo ang saya na dulot ng kanyang pag-amin kay Tin. Tila isa siyang ibon na unang beses na lilipad papalayo sa kanyang hawla. Malaya. Masaya. May kapayapaan at kapanatagan sa puso. Ito ang ipinagkait ni Carlo sa kanyang sarili sa loob ng maraming taon at ngayon ay unti unti na siyang nabibigyan ng kalayaan mula sa tanikala ng kanyang lihim na pilit niyang ikinukulong.
Pagkatapos kumain ay tumulong si Carlo sa mga gawaing bahay kasama si Tin. Lumipas ang mga oras na hindi nila namamalayan dahil napuno ng kwentuhan at tawanan ang buong bahay. Pagsapit ng hapon ay dumating ang kanyang inang si Susan kasama sina Ferdie at Zoey. Agad naman sinalubong ito ni Carlo.
"Welcome home nay. Kumusta ang araw niyo?" Bungad ni Carlo. "Hello anak. Heto nakakapagod ang daming dapat gawin. Kumusta ang araw mo? Lumabas ka ba?" Tanong ni Susan sa anak. "Hindi po ako lumabas ng bahay nay. Tinapos kasi namin ni Ate Tin yung mga gawaing bahay para malinis kapag umuwi na kayo ni Tatay." Wika ni Carlo.
"Ang sipag naman talaga ng anak ko oo. Naku Tin kabahan ka na baka mamaya si Carlo na ang sahuran ko buwan buwan." Biro ni Susan sa kasambahay. "Mag-aapply na lang po akong anak niyo ma'am. Pwede po ba?" Biro naman ni Tin at nagtawanan na ang lahat. "Siya nga pala Tin agahan mo ang pagluluto ha at dito kakain sina Ferdie at Zoey ng hapunan. Baka dito ko na din sila patulugin at maaga kaming aalis bukas." Ang bilin ni Susan kay Tin. "Sige po ma'am." Sagot naman ni Tin. "Madam keri lang sa akin kung tabi kami ni Papa Morris sa kama. Hindi naman ako choosy." Wika ni Ferdie kay Susan.
Nagulat naman si Carlo ng mabanggit ang pangalan ng kanyang nobyo. "Ahhh gusto mo pala si Morris ah." Naiinis na wika ni Carlo sa sarili. Natawa naman si Susan. "Naku may guest room naman sa taas. Doon kayo matutulog ni Zoey. Ferdie ha? Magbehave ka." Wika niya. "Wit madam. Nagbibiro lang po ako. Actually si Zoey talaga ang gagapang mamaya kay Papa Morris. Di ba crush mo yun?" Pagbubuking ni Ferdie sa kasama niyang babae.
Biglang nagpanting ang tenga ni Carlo sa kanyang narinig. "Uy hindi naman masyado bakla. Nakakahiya kay madam." Ang sagot naman ni Zoey sabay nagtawanan sila maliban kay Carlo at Tin. Hindi ipinahalata ni Carlo ang pagkainis niya sa dalawang tauhan ng kanyang ina. "May balak pa kayong gapangin yung boyfriend ko. Mga malalandi kayo!" Wika ni Carlo sa kanyang isip.
Napansin naman ni Tin ang pagbabago sa reaksyon ng mukha ni Carlo kaya umisip ito ng paraan para mailayo ito sa dalawa. "Halika Carlo samahan mo muna ako sa kusina. Marami kang tatadtarin doon na karne at gulay." Wika ni Tin saka niya hinawakan ang kamay ni Carlo at hinatak ito papuntang kusina. Agad naman kumuha ng baso si Tin at nagsalin ng malamig na tubig pagkatapos ay iniabot ito kay Carlo na wala pa rin imik. "Oh pampakalma." Wika niya. Kinuha naman ito ni Carlo sabay ininom ito ng isang lagukan lang. "Okay ka na ba? Hindi na maipinta yung mukha mo dyan." Tanong ni Tin.
"Naiinis ako ate. Ganito pala yung feeling kapag may mga umaaligid na may gusto sa kasintahan mo. Hindi ka mapanatag." Wika ni Carlo. "Huwag mo ng alalahanin yung dalawa. Di ba sabi mo nga mahal ka ni Morris? Kahit milyon milyon pa ang umaligid sa kanya para tuksuhin siya, kung mahal ka talaga niya hindi niya magagawang bumigay sa temptasyon sa kanya ng ibang tao." Sabi naman ni Tin. "Pero ate hindi pa rin ako mapalagay eh. Lalo pa at dito matutulog yung dalawa ngayon gabi. Baka mamaya akitin talaga ng babaeng yun si Morris." Nag-aalalang sabi ni Carlo.
"Dyan mo mapapatunayan kung gaano ka kamahal ng isang tao. Kapag natukso siya ibig sabihin hindi ganun kalalim ang pagmamahal niya para sa'yo pero kapag hindi siya nagpadala sa tukso well congratulations dahil mahal na mahal ka ng taong yun kaya hindi siya gagawa ng dahilan para masaktan ka." Wika ni Tin. "Sana nga ate hindi ganun kababaw ang pagmamahal ni Morris para sa akin, dahil kung mangyari na matukso siya sa iba baka hindi ko kayanin." Sabi ni Carlo.
Habang nag-uusap silang dalawa ay biglang tumunog ang door bell. "Ako na titingin kung sino." Wika ni Carlo. Tumayo na ito at tinungo ang labas upang tingnan kung sino ang dumating. Paglabas niya ng bahay ay nakita niya si Miguel sa may gate. "Hi, bunso." Bungad ni Miguel sa kanya. "Hello, kuya." Bati naman ni Carlo. "Hmmm mukhang wala ka sa mood ah. Tara lakad tayo." Aya ni Miguel kay Carlo. "Oh go ka na Carlo. Kailangan mong sumagap ng sariwang hangin." Sabad naman ni Tin na nasa likod na pala ni Carlo at nakikinig sa kanilang pag-uusap. Aangal pa sana si Carlo pero hinawakan na ni Miguel ang kanyang kamay. "Ikaw na bahala Miguel kay Carlo ha? Make sure na kalmado na siya pagbalik ninyo dito. Huwag ka ng mag-alala Carlo. Kaya kong magluto mag-isa. Sige na maglakad lakad na kayo." Wika ni Tin sa dalawa. "Sige po. Ako na po bahala kay bunso." Sagot naman ni Miguel kay Tin. Wala ng nagawa si Carlo kundi sumama kay Miguel.
Walang imikan ang dalawa habang sila'y naglalakad. Pag-upo nila sa may swing ay binasag ni Miguel ang katahimikan sa pagitan nila. "Pwede mo din akong shoulder to cry on buddy if you want." Wika niya. "Nagmahal ka na ba kuya?" Tanong ni Carlo kay Miguel. "Hindi pa pero I'm pretty sure na may maibibigay naman si kuya na decent advice about love problems. Ano ba ang gumugulo sa isipan mo ngayon bunso?" Tanong ni Miguel.
Tumingala sa langit si Carlo habang nagsi-swing. "Paano kung malaman mo na may umaaligid na ibang tao sa kasintahan mo, anong gagawin mo?" Tanong niya kay Miguel. "Hmmm kung may umaaligid na iba pero hindi naman pinag-uukulan ng pansin ng partner ko hindi ako magagalit o matatakot na baka maagaw siya. Dapat kang mapanatag kung hindi siya nagpapakita ng interes doon sa mga umaaligid sa kanya dahil ibig sabihin nun ay wala siyang balak na saktan ka." Sagot naman ni Miguel. "Kuya paano mo malalaman kung gaano kalalim yung pagmamahal sa'yo ng karelasyon mo?" Tanong ni Carlo.
"Nasusukat ba ang pag-ibig? I don't think sukat is the right term para dyan. Malalaman mo lang kung gaano ka kamahal ng karelasyon mo kapag dumaan kayo sa pagsubok at nalampasan niyo yun ng magkasama pa rin kayo. Hindi pwede na isang tao lang ang magtatrabaho, dapat give and take kayo. Kailangan pag-usapan ng magkarelasyon ang problema ng bawat isa para maayos agad. Huwag patatagalin dahil maiipon lang ito ng maiipon hanggang sa mapuno na lang yan at isang araw ay sasabog na lang kayo bigla. Mas masarap harapin ang problema ng magkasama dahil mas magiging madali ang lahat kung kayo ay magtutulungan." Paliwanag ni Miguel.
Napaisip si Carlo sa sinabi ni Miguel. Tama siya, walang dapat na ikapangamba kung hindi naman binibigyan ng interes ni Morris ang mga may gusto sa kanya. Kailangan lang nila na mapag-usapan kung ano yung bumabagabag sa kalooban ni Carlo sa kanilang relasyon upang mabigyan ito ng agarang solusyon.
Kailangan niyang kausapin si Morris ng masinsinan ngayon gabi.
SUSUNDAN...