4 | Ang Nalokong si Russel

3214 Words
'RUSSEL GUEVARRA' Maingay ang paligid at nakakarinig ako ng mga malalakas na tunog ng sasakyan. Maya-maya ay may umuuga na rin sa akin at pilit akong ginigising. "Hmm. Mamaya pa, Butchoy. Antok pa si Kuya," sabi ko pero tuloy lang ang pag-uga sa akin hanggang sa isang malakas na busina ng sasakyan ang nagpabangon sa akin. "Pucha Pink!!" Gulat akong napatingin sa paligid ko lalo na sa malalaking ten wheeler truck na dumadaan sa harapan ko, doon galing ang malalakas na tunog at bahagyang pagyanig. "Ahhh! Hala! Ayoko pang mamatay!" sigaw ko habang gumapang palayo sa gilid ng kalsada pero may kamay na bigla na lang humila at pumigil sa akin. "Utoy, kumalma ka. Hindi ka mamamatay." Awat sa akin ng isang matandang babae. Marumi ang suot niyang damit at medyo magulo ang kaniyang buhok. Nang matauhan at bumalik sa aking katawang-lupa ang katinuan ko ay roon ko lang nagawang pagmasdan ang buong paligid. Maraming sasakyan at tao na naglalakad sa kung saan-saan, madilim na rin at bukas na ang ilaw ng mga street lights pati na rin ang mga malalaking buildings sa di kalayuan. Nang mahimasmasan ako ay saka lang ulit nagbalik sa isipan ko ang nangyari sa akin kanina. Natulala na lang ako at naiyak. Paulit-ulit na nagp-play sa isipan ko ang lahat ng sinapit ko kanila Ate Angel o kung Angel ba talaga ang pangalan n'ya. Ang akala ko ay mabuti siyang tao at totoong nagtatrabaho sa papasukan ko pero ang lahat ay akala lang pala dahil isa siyang manloloko. Isa siyang Reyna ng mga modus! Nadaan n'ya ako sa mahinhin niyang pananalita at sa pustura n'yang kagalang-galang. Napakakainis pero aaminin ko na ang galing niya! Sa sobrang galing nga niya gusto ko s'yang palakpakan at isampal sa kanya ang plaque ng Best Actress award. Ilang oras din akong walang ginawa kundi umiyak lang nang umiyak. Ano pa bang magagawa ko, nanakaw na ang lahat ng meron ako? Mabuti na nga lang at hindi na nila kinuha itong mga suot ko. "Utoy. Utoy, ito uminom ka muna." Napalingon ako sa matandang babae na gumising sa akin. May inabot itong tubig na nasa plastic, ice water yata. Dahil halos natuyo na rin ang lalamunan ko sa walang tigil na kakaiyak kanina ay tinanggap ko na. "Sa–salamat po." Hinayaan niya muna akong ubusin ang binigay n'yang ice water sa akin bago s'ya lumapit at tumabi sa akin. Ngayon ay nakatulala na naman ako sa mga sasakyang dumadaan sa harapan namin. Nasa gilid lang kami ng bangketa, nakaupo sa nakahilerang benches. "Utoy, maari ko bang malaman kung anong nangyari sa'yo? Nakita ka na lang kasi ng apo ko na walang malay kanina kaya dinala kita rito," tanong at kwento sa akin ng matandang babae sa nangyari matapos akong mawalan ng malay. Napaluha na naman ako pero mabilis ko itong pinunasan saka ako humarap sa kanya. "Na–nanakawan po ako." Simula ko pa lang pero naiyak na naman ako. Hinimas-himas naman ni Nanay ang likuran ko saka ako nagpatuloy sa paglalahad. "Bagong salta lang po ako rito sa Maynila, galing pa po ako sa Zambales. May... May trabaho po kasi ako, 'yon po ang pinunta ko rito kaya lang naloko po ako ng isang tao na nakilala ko." Tumigil ako at huminga sandali ng malalim habang nakatulala sa highway. "Ang akala ko po ay totoong nagtatrabaho siya roon sa company na pagtatrabahuhan ko sana. Nagtiwala po ako sa kanya dahil mukha s'yang kapani-paniwala at nakapustura pa. Sumama ako sa kanya dahil gusto kong makaiwas sa mga manloloko at kawatan pero hindi ko alam na kawatan na pala ang nasamahan ko. Naloko ako ng taong mukhang Anghel ngunit may itinatago palang sungay at buntot." Matapos akong magkwento ay natahimik sandali si Nanay. Maya-maya ay may dumating na dalawang bata, siguro ay nasa ten o eleven na ang edad nila. "Lola!" Tawag nito kay Nanay na katabi ko saka s'ya nagmano, pati ang isa na kasama ng bata ay nagmano rin. "Gising na s'ya." Turo sa akin ng batang unang nagmano. Tumango naman si Nanay bago tumingin sa akin. "S'ya ang apo kong si Itoy. Siya ang nakakita sa'yo." Pakilala niya sa batang tumuro sa akin. Tumango lang ako sa bata saka nagpasalamat. Wala sa ayos ang emosyon ko ngayon kaya tahimik lang ako. "Itoy, ibili mo nga muna siya ng biskwit upang may mailaman sa sikmura niya." Utos ng matanda sa Apo n'ya. May inabot itong barya galing sa maruming plastic bag na hawak niya. Napayuko na lang ako at muling naluha. Naiyak na naman ako dahil kahit piso ay wala ako at ngayon ay papakainin pa ako nila Nanay na walang-wala rin. Pag-alis ng dalawang bata ay sa akin na bumaling si Nanay. Tinapik-tapik niya ang aking likuran para makisimpatya sa akin. "Marami talagang ganyan dito. Hindi na bago 'yang nangyari sa'yo dahil pangkaraniwan na 'yang nangyayari lalo na sa mga katulad mo na bagong salta lang dito sa Maynila," sabi niya. Hindi na ako nakapagsalita, natutulala na lang talaga ako sa sinapit ko. "Ano na ngayon ang gagawin mo?" tanong niya nang wala pa rin akong imik. Huminga ako ng malalim. "Hindi ko po alam. 'Yong trabaho ko... Hindi ko po alam kung paano ko mapupuntahan 'yon saka wala na po 'yong mga requirements ko– Ayy! Tama! Mag-re-report muna ako sa Police!" sigaw ko na ikinagulat si Nanay. Bakit ba ngayon ko lang naalala na magsumbong sa Police!? "Saan po ang malapit na Police station dito?" tanong ko kay Nanay. Na-realize ko lang na hindi pa pala kami magkakilala. "Sorry po. Ano nga po palang pangalan niyo? Ako po si Russel," tanong at pakilala ko na rin. "Iska, tawagin mo na lang akong Nanay Iska." Pakilala naman n'ya. "At tungkol naman doon sa unang tanong mo, malayo pa rito ang Police Station, dalawang sakay pa ng jeep." Bagsak kaagad ang balikat ko sa sagot ni Nanay Iska. Kung kailangan pang sumakay ng jeep saan naman ako kukuha ng pambayad? Kahit nga piso wala ako. Ilang sandali pa ay dumating na rin si Itoy dala ang isang biskwit na pinabili ni Nanay Iska. Kasabay ng pagdating n'ya ay siyang pagbuhos naman ng ulan. "Lola, umuulan na!" sigaw ni Itoy. Hinila kaagad ako ni Nanay Iska, hindi ko alam kung saan n'ya ako dadalhin pero nagpatangay na lang ako hanggang sa sumilong kami sa isang waiting shed na walang ibang tao kundi kaming tatlo lang. "Pasensya ka na, Russel, wala kaming bahay kaya wala rin kaming masisilungan," sabi ni Nanay Iska, pinupunasan niya ng palad ang nabasang katawan. Hinubad ko naman ang jacket na suot ko at ipinatong sa balikat niya. Natigilan ito pero napangiti rin. "Wag po kayong magsorry, Nanay. Sa katunayan ay malaki po ang pasasalamat ko sa inyo dahil kayo ang kumuha sa akin no'ng nawalan ako ng malay," sabi ko habang inaayos ang jacket ko na nakapatong sa kanya. Sunod ko namang kinuha ang panyo na nasa bulsa ko tyaka ito inabot sa Apo nya. "Ito, punasan mo ang sarili mo para hindi ka magkasakit." Alok ko ng panyo sa kanya. Tinanggap naman kaagad ito ni Itoy at pinunasan ang buong katawan nya. Mabilis na dumumi ang panyo dahil sa alikabok na nakadikit na sa katawan niya na alam kong naipon na dahil sa pananatili nila rito sa kalsada. "Salamat po, Kuya. Ito po yung biskwit." Pasasalamat ni Itoy bago inabot ang binili niyang biskwit. Ngumiti naman ako at kahit na nahihiya ay tinanggap ko na rin dahil kanina pa rin kumakalam ang sikmura ko. "Hati-hati na tayo." Binuksan ko ito at kumuha ng isang cracker bago binigay kanila Nanay Iska at Itoy. Tinanggap naman nila ito at yun ang sama-sama naming pinagsaluhan ngayong gabi. Kasabay ng pagbagsak ng ulan ay ang nagbabadyang pagbagsak na naman ng mga luha ko pero itinago ko na lang ito sa dalawang mabuting tao na kasama ko. Kung titignan sila, makikita mo ang hirap at wala rin sila pero sila pa itong walang pagdadalawang-isip na tumutulong sa isang tulad ko. Ngayon ako mas naniniwala na wala talaga sa suot at itsura ng isang tao ang kabutihan. May iba na bihis na bihis at halos hindi mabahiran ng dumi pero nabubuhay naman sa paggawa ng mali at pananamantala sa kapwa. At may mga tulad din nila Nanay na hindi nga maganda ang damit na suot at sapat lang para sa kanila ang meron sila o kung minsan ay kulang pa pero hindi naman maramot na tumulong. Sadyang mapagbiro talaga ang pagkakataon, wala talagang sigurado sa mundo at wala talagang perpekto. Alam ko na sa mga darating na bukas, iba't-ibang klase pa ng mga tao ang makakasalamuha ko rito. Lumipas ang magdamag na walang tigil ang pagbuhos ng ulan, hindi ko nga rin alam kung paano at anong oras na akong nakatulog pero dahil siguro sa pagod at dami ng iniisip ay pinagpahinga na rin muna ako ni Lord. Pag-gising ko ay pasikat pa lang ang araw, gising na rin si Nanay Iska. Hinanap ng mata ko si Itoy pero wala ito sa paligid kaya bumangon na ako sa karton na hinihigaan ko. "Magandang umaga, Russel. Hintayin lang natin si Itoy, pinabili ko s'ya ng almusal natin." Bati sa akin ni Nanay. Tumango na lamang ako matapos bumati pabalik. Pagdating ni Itoy ay pinagsaluhan namin ang ilang pirasong tinapay at kape na binili nila para sa almusal. Matapos naming kumain ay tinanong ulit ako ni Nanay Iska kung anong balak kong gawin. "Itoy, alam mo ba kung saan dito yung EncodeMona? Doon kasi ako dapat magtatrabaho," tanong ko kay Itoy. Sandali naman itong napa-isip. "Hindi kasi ako marunong bumasa at sumulat pero narinig ko na 'yong sinabi mo. Medyo malapit lang dito 'yon, malapit-lapit doon sa lugar kung saan kita nakitang walang malay," sagot at paliwanag nito. "Pwede mo ba akong samahan?" Nakangiti kong tanong sa kanya. Tumingin kay Nanay Iska, siguro ay para humingi ng pahintulot at nang makita na ngumiti ang lola niya ay humarap kaagad ito sa akin. "Sige po." Matapos no'n ay nagpaalam muna kami kay Nanay Iska, nagsabi naman ito kay Itoy na roon lang daw s'ya sa madalas nilang puntahan tuwing umaga. Hindi ko alam kung saan 'yon kaya hindi na ako sumabat. Nilakad lang namin ni Itoy ang daan papunta sa EncodeMona. Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ako makakapasok dahil wala nga akong requirements at pati 'yong pass ko na galing sa kanila ay kasama rin sa mga gamit kong kinuha. Siguro ay makikiusap na lang ako at sana ay paniwalaan naman nila ako. Nakakainis kasing Angel 'yon o kung Angel ba ang pangalan niya! Sa dami-dami ng pwedeng puntiryahin ako pa ang dinale! Sa sobrang inis ko ay hindi ko na napigilang isa-tinig ang inis ko. "Arggh! Makita ko lang talaga 'yong Angel na 'yon o kung Angel ba talaga ang pangalan n'ya, kakalbuhin ko talaga s'ya! Mas bagay sa kaniya ang Demon dahil demonya siya!" Gigil kong sigaw. Natawa naman si Itoy na kasabay ko sa paglalakad. "Kalma lang, Kuya, baka mamaya matumba ka na naman at himatayin." "Naiinis lang kasi talag ako, Itoy! Ang akala ko dream come true ko na itong maaabutan ko rito sa Maynila pero bangungot pala!" sabi ko naman na hindi talaga maitago ang inis. Natawa na naman s'ya sa sinabi ko. "Ikaw din kasi Kuya, ang bilis mong magtiwala," sabi nito, "dito sa Maynila madaming manloloko, kapag nahulog ka sa budol nila wala na! Bagong salta ka, napuntirya ka tuloy." Napabuntong hininga na lang ako. Totoo naman kasi na nagtiwala rin ako. Anong malay ko naman na queen of budol pala 'yong demonya na 'yon? Ingat na ingat na nga ako after akong balaan ni Manong taxi driver kaso wala, naloko pa rin ako ng akala kong anghel na babaeng 'yon. 'Demonyeta s'ya! Wag talaga siyang papakita sa akin baka bigla niyang makita si Cardo Dalisay sa akin, hmp!' Matapos ang ilang lakaran ay natanaw ko na rin ang medyo mataas na building na may nakalagay na malaking signboard na EncodeMona. Nilakihan ko kaagad ang mga hakbang ko at inayos sandali ang suot kong jacket. Simpleng inamoy ko rin ang sarili ko. Medyo okay pa naman, kumakapit pa naman sa katotohanan. Nakapaghilamos din naman ako kanina kaya alam kong okay lang din ang mukha ko. Paglapit ko sa harap ng building ay lumapit kaagad ako sa guard na nakabantay sa labas. Hindi na sumama sa akin si Itoy, hinintay na lang n'ya ako sa gilid ng kalsada. "Good morning po, Kuya guard. Ako po si Russel Guevarra, isa po ako sa mga tinawagan para sa orientation kahapon." Bati at pakilala ko sa kanya pero deadma lang s'ya dahil ang tingin niya ay na kay Itoy lang. Matapos niyang tignan si Itoy ay ako naman ang sunod niyang tinignan. Okay lang naman sa akin na titigan n'ya ako, kung ma-fall man s'ya kakatitig sa akin ay kasalanan niya na iyon pero kasi iba 'yong titig niya– mula ulo hanggang paa. Nakakainsulto! Pero kahit na ganu'n ay kalma lang ako at nakuha ko pang ngumiti, baka sakaling makuha sa charm ko pero waley... Etsapwera ang cuteness ko. Iniisip ko na nagtataka lang siguro itong si Kuyang guard sa itsura ko at kung bakit may kasama akong batang gusgusin. Maipapaliwanag ko naman ang lahat. "Bata, ako, wala akong panahon sa mga modus n'yo. Kung ayaw mo ng gulo umalis ka na dito. Alis!" sabi niya sabay taboy sa akin na parang galising aso pero nanindigan ako. "Hala ka, Kuya! Ang judgemental mo naman!" Giit ko. "Totoo po ang sinasabi ko. Isa po ako sa tinawagan para magtrabaho sa fabulous na Company ninyo!" "Naku, wag ako ang lokohin mo bata. Sige, maniniwala ako sa'yo kung maipapakita mo sa akin 'yong pass mo. Lahat ng natatanggap dito binibigyan ng pass," sabi niya sabay lahad ng palad niya, hinihintay ang pass na hinihingi niya. Napangiwi na lamang ako at napakamot ng noo dahil wala nga akong maipapakita kaya nagpaliwanag na lang ako. "Yes po, totoo nga po iyon pero ito na nga ang chika, Kuya. Kahapon pa talaga ako dumating dito para ako ang winner sa early bird of the year. On the way na nga ako rito nang may nakilala akong babae na inakala kong nagtatrabaho rin dito. Syempre ay hindi ko naman alam kung saan matatagpuan itong office kaya sumabay na lang ako sa kanya pero nakakaloka, Kuya... naku! Baka kapag narinig mo ay hindi mo kayanin! Naku, Kuya! Kumapit ka! Kumapit ka sa maririnig mo kasi ang akala ko ay mapagkakatiwalaan s'ya ang kaso–" "Manloloko pala s'ya? Na kawatan ang nasamahan mo at tinangay lahat ng gamit mo at syempre kasama na roon ang pass mo?" Putol ni Kuya guard sa sasabihin. Nanlaki ang mga mata ko at napapalakpak sa sinabi n'ya sa sobrang happiness. "Hala ka, Kuya, ang husay! Manghuhula ka ba? Mind reader, ganu'n? 'Yon kasi ang sasabihin ko at 'yon nga talaga ang nangyari, Kuya! Ganu'n na ganu'n, my gosh, di ba!? Kaya nga ito, ngayon lang ako nakapunta dahil nga nawala ang mga gamit ko, pati ang pass at requirements ko natangay din ng hitad na 'yon!" With feelings and emotion kong lahad ng mga tunay na nangyari pero nagulat na lang ako nang biglang binunot ni Kuyang guard ang batuta niya sa gilid ng belt n'ya. "Ay wait! Bakit may pagpapakita ng batuta, Kuya?" Pinigil ko sa kamay n'ya na nakahawak sa batuta niya. "Lumayas ka rito!" sigaw niya sa akin. "Sinasabi ko sa'yo, umalis na kayo bago pa ako mawalan ng pasensya at maihampas sa'yo ang batuta ko." "Sandali lang, Kuya, wag mo naman akong hampasin ng batuta mo. Ang laki-laki at ang tigas-tigas niyan oh!" Pagmamakaawa ko sa kaniya. "Talagang malaki ito at matigas. Ano? Ihahampas ko na sa'yo ito! Hindi ka pa aalis?" sigaw na naman niya sabay amba. "Wait nga lang po! Iyon nga talaga ang nangyari sa akin, Kuyang guard. Kahit tanungin mo pa 'yong batang 'yon," sabi ko sabay turo kay Itoy. "S'ya ang nakakita sa akin na walang malay at parang isang basahan na niyurak-yurakan sa isang eskinita." Dali-dali namang tumayo si Itoy sa pagkakaupo sa gilid ng kalsada at lumapit sa amin. "Totoo 'yon, Manong guard!" sigaw naman ni Itoy, "para nga siyang r*ape victim noong nakita ko at wala siyang tigil sa pag-iyak kagabi habang nakatingala sa madilim na kalangitan. Kasabay niyang umiiyak ang langit." Suminghot-singhot ako habang tinatapik ang balikat ni Itoy matapos siyang magpaliwanag saka naluluhang tumingin kay Kuyang guard. "Iyon ang totoo, Kuya. Paniwalaan mo naman sana ako dahil 'yon ang totoo! Nagsasabi ako ng totoo! Ako ang biktima rito! Hindi ako manloloko!" Madrama kong depensa sa aking sarili, hindi na kinakaya ng aking dibdib kaya yumakap na ako kay Itoy. Pero sa halip na paniwalaan kami at ma-touch din sa drama ko ay mas lalo lang nainis sa amin si Kuyang guard, namumula na ang mukha niya at halatang ubos na ang pasensya. "Natural na sasangayon sa'yo 'yan, kasama mo 'yan!" sigaw niya. "Kayo ang mga kawatan at budol! Humanap kayo ng ibang lolokohin n'yo. Alis!" Matapos niya kaming sigawan ay tumalikod ito at naglakad na pabalik sa post niya pero hindi ako papayag na umuwi akong walang napapala kaya muli akong humabol sa kanya. "Kuya naman! Paniwalaan mo ako dahil ako bik–" "Inuubos mo ang pasensya ko!" sigaw niya na parang kriminal na papatay saka ito tumakbo pasugod sa akin. "Ayy! Sinapian na si Kuya! Itoy, tumakbo na tayo!" sigaw ko. Sa takot ko ay tumakbo na rin ako palayo sa kanya at hinila si Itoy. "Takbo, Kuya! Bilis!" Kumaripas kami ng takbo palayo ni Itoy sa takot na mahabol kami ni Kuyang guard, nang makalayo na kami saka lang kami tumigil para makabawi sa pagod at hingal. "Grabe naman 'yong guard na 'yon. Sasaktan ka talaga n'ya, Kuya. Mabuti na lang at nakatakbo tayo kundi baka na hampas ka na niya ng batuta niya at magka-part two ang paglupasay mo sa kalsada." Komento ni Itoy sa nangyari habang kami ay hinihingal na nagpapahinga. Napasandal na lang ako sa isang pader habang dumadaos-dos pababa. "Ay, walling?" sabi ni Itoy. Lumapit na rin ito sa akin upang damayan ako. Doon ko lang muling naibuhos ang mga luha ko. Wala na. Wala ng kasiguraduhan ang trabaho ko rito ngayon. Wala akong kahit na anong maipapakita para mapatunayan ko ang mga sinasabi ko. Kahit na ilang beses pa akong bumalik-balik doon ay hindi pa rin nila ako paniniwalaan. Ang hirap lang na ikaw naman ngayon yung hindi pinagkakatiwalaan matapos ikaw ang nagbigay ng tiwala pero niloko lang naman. "Hindi ko na alam ang gagawin ko, Itoy. Ano ng gagawin ko?" tanong ko na lang sa hangin. Isinubsob ko ang mukha ko sa aking mga palad at naupo na lang sa semento. Gulong-gulo na ako at nawawalan na ng pag-asa. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Ano na ang magiging buhay ko ngayon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD