“Kamahalan!”
Napalingon sina King Luccus, Queen Lien at Marcus nang may isang mensaherong kawal ang tumatakbo patungo sa bulwagan. Hinihingal na ito, pawisan at putlang-putla. Maaaring sa hitsura pa lang nito ay may hindi na magandang balitang nangyari.
“Kamahalan…” Sabay yumukod muna ito upang magbigay ng galang sa hari at reyna saka ito nang-angat ng tingin. “Masamang balita. Ang hukbo ng mga tulisan at ibang mga mandirigma ay papalapit na sa ating teritoryo. Ilang minuto na lang ang nalalabi at naririto na sila.”
“Ano?! Papaano sila nakapasok sa ating teritoryo gayong pinapatibay ko ang mga pader at may mga tauhan akong itinalaga roon.” Bumaling si King Luccus kay Marcus. “Marcus, anong ibig sabihin nito? Sinabihan na kitang protektahan at pagtibayin mo ang ating borders?”
“Iyon naman po ang ginagawa ko, King Luccus. Hindi ko lang maintindihan kung bakit nawala ang mga tauhan o kung bakit hindi nila naprotektahan ang ating borders.”
“Kamahalan, naubos na rin ang ating mga tauhan sa borders at walang ni isang natira sa kanila,” muling wika ng kawal na mensahero.
“Diyos ko!” sambit ni Queen Lien na nasapo ang bibig sa sinabi ng mensahero.
“Marcus, ihanda ang ating mga tauhan. Mensahero, iniutos ko na pabalikin si Prince Duncan dito ngayon din!”
“O-Opo, kamahalan. Masusunod po,” tugon ng kawal saka ito mabilis na tumalikod at umalis sa harapan nila.
Bumaling si King Luccus kay Queen Lien. “Mahal na reyna, huwag muna kayong lumabas ng palasyo hanggang hindi ko iniutos. Magtago muna kayo sa safe na lugar.”
“Oo, mahal ko!”
“Hindi na kailangan,” sambit ni Marcus.
“Anong ibig mong sabihin, Marcus.”
Naglakad si Marcus patungo sa unahang bahagi saka ito muling humarap sa hari. Noon lamang nakita ni King Luccus ang emosyon na ipinakita ni Marcus na tila may hindi magandang binabalak ito. Bakas din sa mukha ni Marcus na kampante ito sa lahat ng bagay at hindi man lang naramdaman ang pagkabahala. Si King Luccus naman ay biglang naging seryoso rito at naging alerto sa kung anong sasabihin ni Marcus.
“King Luccus, tapos na ang maliligayang araw mo. Tapos na ang paghahari mo sa buong Chantra Kingdom. Panahon para malaman mong kailangan mo ng palitan at walang sinuman ang papalit sa iyo kung hindi ako lang.” Matalim ang mga tingin nito kay King Luccus.
“Ano?!” Napakuyom ng kamao si King Luccus habang nagtatagis ang bagang nito. “Sinasabi mo bang ikaw ang ahas sa palasyo?!”
“Marcus! Papaano mo nagawa sa amin ito?” tanong naman ni Queen Lien na nababakasan ng pagkabigla at takot na rin.
“Tama! Pagod na ako sa mga utos mong walang kwenta, King Luccus. Kaya nga binilog kita upang mawala sa landas ko ang anak mong lumpo at wala rin silbi. Sa mga oras na ito, malamig na bangkay na si Prince Duncan. Tamang-tama lang ang mga plano ko para sa araw na ito at ito na rin ang simula ng pagbagsak ng iyong pamumuno.”
Napahiyaw si Queen Lien. “Diyos ko! Ang anak ko!” Labis ang pagkabahala at pagkagulat nito sa narinig mula kay Marcus na patay na si Prince Duncan.
“Sumpain ka!” Akma na sana itong dudukot ng espada na nasa tagiliran lang ngunit halos lahat ng mga kawal ay bumunot ng espada at itinuon kay King Luccus. Nagulat ito at nagpalinga-linga sa paligid. “Anong ibig sabihin nito? Lahat din ba kayo ay sumapi na sa taksil na ito?!” Bakas na rin sa mukha ni King Luccus ang labis na galit kay Marcus.
“Luccus, Luccus, Luccus. Hindi mo ba nakikita na hawak ko na sa aking mga kamay ang mga tauhan mo. Nasa ilalim na sila ng aking mahika.”
“Mahika?” Nagulat din si Queen Lien. “Gumagamit ka ng mahika, Marcus?”
“Oo naman. Kailangan kong gamitin ang mahika na mayroon ang aking mga ninuno. Siguro naman ay narinig niyo na ang tungkol kay Metto Mettalic. Siya lang naman ang ninuno ko at kailangang mabawing muli ang dapat ay para sa kaniya. Hulihin niyo na ang mga iyan at alisin sa harapan ko!” utos ni Marcus.
Nag-atubili namang kumilos ang mga kawal upang hulihin sina King Luccus at Queen Lien. Hindi na nanlaban si King Luccus upang hindi na rin masaktan pa ang reyna. Wala rin silang magiging laban kung lahat ng mga kawal ay nasa ilalim na rin ng kapangyarihan ni Marcus. Dinala ng mga kawal ang hari at reyna sa piitan kung saan naroon din ang ilang mga tauhan nilang ikinulong din ng walang awang si Marcus na nagtraydor sa kanila. Ang ibang tauhan din ng hari at reyna na tapat na nagsisilbi ay pinapili ni Marcus. Kung hindi sila susunod sa kaniyang mg autos, ipapapatay niya o kaya naman ay ipakain ang katawan sa mga tigre at lion na nakakulong din.
Naging katakot-takot ang buong paligid ng Chantra Kingdom lalo na at pinalitan ng mga kawal ang flag na dapat na ang namumuno nito ay si Marcus na. Pumasok na rin sa buong kaharian ang mga tulisan at ang mga walang awang grupong na tumugis sa grupo ni Prince Duncan. Ngayon, si Marcus na ang tumayong hari ng buong palasyo.
“Simula ngayon, lahat kayong ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ko. Ang hindi susunod sa mga utos ko ay kamatayan ang kaparusahan!” sigaw niya sa harap ng kaniyang mga kawal. “Nagkakaintindihan ba tayo?!”
“Opo, King Marcus!”
Ngayon naman ay iginawad ng tauhan ni King Luccus ang korona kay Marcus saka nito isinuot sa kaniyang ulo.
“Mabuhay ang bagong hari ng Chantra!” sigaw ng lalaking tulisan na kasapi na ngayon ni Marcus.
“Mabuhay!” sabay-sabay na sigaw ng lahat.
Ngayon, isang malagim na trahedya na ang nangyari sa buong Chantra na dati naman ay tahimik lang itong namumuhay kasama ng mga mamamayan nito. Ang mga simpleng tao roon ay nabalutan ng takot sa kanilang mga sarili dahil wala na ang magtatanggol sa kanila. Nasa ilalim na silang muli ng kapangyarihan ng karahasan ni Marcus kasama ang bago nitong mga kasapi.
Habang sa piitan ng kulungan kung saan naroon ang hari at reyna…
“Luccus, anong gagawin natin? H-Hindi ako naniniwala na namatay na ang anak natin dahil kay Marcus.” Patuloy pa rin ang pag-iyak nito habang nasa tabi nito si Lucila.
“Hindi rin ako naniniwala na wala na ang anak natin, Lien. Alam kong darating si Prince Duncan upang iligtas tayo at alisin sa lugar na ito.” Napakuyom ito ng kamao. “Ang Marcus na iyon. Pinagkatiwalaan ko siya sa buong buhay ko ngunit siya pala ang ahas sa ating palasyo. Ni hindi man lang namin naramdaman ni Duncan na may ganoon na siyang kalakas na mga hukbo. Marahil ay ginamit niya ang sinasabi niyang mahika. Hindi kapani-paniwala ang lahat ng ito at sana lang ay isang bangungot ang lahat ng ito.”
“Sana nga, Luccus. Sana nga.”
Batid sa dalawang ito ang labis na kalungkutan, pag-aalala at pagkabigo ngayong pinagtaksilan sila ng kanilang pinagkakatiwalaan. Subalit hindi sila nawawalan ng pag-asang makamit ang katotohanan at kalayaan sa pamamagitan ng kanilang anak na si Prince Duncan. Umaasa talaga silang buhay pa ito at nakaligtas sa trahedyang kinasasangkutan nito.
Samantala, ginamot ng may edad na lalaki ang sugat ni Prince Duncan. Tahimik lang ang binata sa kaniyang kinauupuan habang nakatanaw sa tahimik na kapaligiran.
“Ang pangalan ko ay Master Luyang. Isa akong sorcerer na namuhay sa labas ng Chantra Kingdom at ako lang ang tanging nakatira dito. Ang susunod na bayan ay malayo pa sa lugar dito kaya safe ka habang pinaghahanap ka ng hukbo ng mga tulisan,” wika ni Master Luyang habang naglalagay ito ng gamot sa sugat niya.
Bahagya lang siyang napapangiwi saka siya sumulyap sa sugat niya sa tuhod na ginagamot nito. “Kailan ako makakabalik ng palasyo?” tanong niya.
“Hindi ko masasagot ang bagay na iyan lalo na at naghari na si Marcus sa kaharian ng Chantra at ikinulong ang iyong mga magulang sa piitan.”
Muli na naman niyang naramdaman ang galit sa puso niya nang malaman niyang trinaydor sila ni Marcus. Ang kanang kamay at pinagkakatiwalaan ng kaniyang ama na ngayon ay hari na ng kanilang kaharian. Nalulungkot din siya sa isiping nasa piitan ang kaniyang mga magulang at alam niyang kailangan nito ang tulong niya.
“Kailangan kong makabalik sa lalong madaling panahon upang kunin ang aking kaharian. Hindi ako maaaring manatili rito, nakaupo lang at pagmasdan ang pagbagsak nila.”
“Hindi mo sila kaya sa iyong kalagayan. Kung ipipilit mo ang iyong kagustuhan at katigasan ng iyong ulo, mamamatay ka. Kung mawala ka sa mundong ito, paano mo pa ipagtanggol ang mga nasasakupan ng inyong kaharian. Tandaan mo, Prince Duncan, makapangyarihan na ngayon si Marcus dahil napapasunod niya ang kaniyang mga tauhan.”
Nanlumo na naman siya sa iisipin na iyon. Wala nga naman siyang magagawa sa tuwing naalala na naman niya ang kaniyang kapansanan. Damn! Bakit ba ako binigyan ng kapansanan ng lumikha kung ganito lang din naman ang sasapitin ko? Sana ay kinuha na lang niya ang buhay ko upang matapos na ang paghihirap ko na ito! Muling napakuyom ang kamay ni Prince Duncan sa iniisip nito at sa emosyon niyang gusto niyang magwala.
“Pigilan mo iyang emosyon mo, Prince Duncan. Nagre-reflect ito sa mga sugat mo na hindi agad gagaling kung ganyan ang nararamdaman mo. Hindi naman ito gaanong malalim ngunit kailangan nitong gumaling. Kailangan mo munang magpalakas.”
“Magpalakas? Ikaw na nga ang nagsasabing wala akong silbing prinsipe at hindi ko sila maaaring labanan ng mano-mano. Paano ako magpapalakas kung wala rin lang namang pag-asa?”
“May pag-asa ang bawat problemang kinakaharap ng isang nilalang.” Napabuntong-hininga ito. “Napakalayo mo talaga sa dating ikaw, mahal na prinsipe. Hindi ko alam kung bakit ikaw ang napili o iyang katawan mong sinasabi mong walang silbi.”
“Anong ibig mong sabihin, tanda?”
“Magbigay galang ka sa nakakatanda.” Saka nito idiniin ang bulak sa sugat niya.
“Aaaahhh!” Napasigaw si Duncan. “s**t!”
Napapangiti si Master Luyang saka nito tinanggal ang bulak at tapos na ang paggagamot . “Mahinang nilalang ka pa rin. Sana man lang ay nabuhay ka sa isang nilalang na hindi ganito ang kalagayan. Napakasaklap talaga ng iyong kapalaran at isang lumpo pa ang ibinigay sa iyo.”
“Hindi kita maintindihan, tanda.” Napapailing na lang siya habang unti-unting naghihilom ang kaniyang mga sugat. Magic? Noon niya na-realize na isang pantas pala ang lalaking kaharap niya at kaya nito ang anumang mahika. “Paano napasailalim ni Marcus ang mga tauhan namin? Gumamit din ba siya ng mahika?” muli niyang tanong dito.
“Oo. Gumagamit si Marcus ng isang kakayahang nagmula pa sa kaniyang ninuno. Gusto mo bang malaman kung saan nanggaling ang kaniyang kapangyarihan?”
“Gusto kong malaman kung paano ko matatalo ang kaniyang kapangyarihan at wala akong pakialam kung saan nagmula ito.”
“Hindi mo matatalo ang kapangyarihan ni Marcus kung hindi mo malalaman ang pinagmulan nito!” sigaw ni Master Luyang. Pati ito ay nainis na rin sa kaniyang pagiging mainitin ang ulo. “Ang dark magic na ginagamit niya ay hindi lamang ibinigay o nakuha sa kung saan. Namana niya ito sa dating katauhan niya kaya makinig kang mabuti. Kung hindi ka magsasanay na labanan siya, hinding-hindi mo mababawi ang iyong kaharian at mailigtas ang iyong mga magulang.”
Muli siyang natahimik. Mahalaga sa kaniya ang kaligtasan ng kaniyang mga magulang kaya kailangan niya ang tulong ni Master luyang. Subalit kailangan muna niyang matingnan ang kalagayan ng lahat sa kanilang kaharian bago pa man siya sumailalim sa training. Wala siyang choice kung hindi ang piliin ang kaniyang tadhana sa ngayon. Gulong-gulo na rin ang isipan niya kung paano niya magagawa ang lahat ngunit kailangan niya ng isang matibay na desisyon upang malagpasan ito.