Chapter 2: Surprise!
Hawak-hawak ko ang kamay ni Mama, na ngayon ay pinagdidikitan na ng mga maninipis na tubo papunta sa mga aparatong nagsasalba ng buhay niya, habang pasimple ko siyang kinakantahan ng sarili kong bersyon ng hele.
Minsan lang ako kung mapagbibigyan ng pagkakataong magawa ang simpleng bagay tulad nito sa kaniya.
Ngayon ko lang lubusang natititigan nang husto ang pagmumukha niya nang hindi nakataas ang isang kilay niya sa akin at nang hindi ako umiiwas sa nagsusungit niyang mga tingin.
Ngayon ay malaya kong nagagawang lapitan at hawakan siya.
Bata pa lang ako, ramdam ko nang malayo na ang loob namin sa isa't-isa. Mali. Hindi pala. Ni minsan ay hindi naman naging malayo ang loob ko sa kaniya. Siya. Siya ang malayo ang loob sa akin.
Minamasdan ko na lamang ang pagmumukha niya habang mapayapa siyang natutulog. Napapangiti ako dahil nakikita ko ang mga magagandang mata at kulay rosas na labi ng bibig ni Ate Leslie sa kaniya.
Pinili kong ngumiti sa kabila ng mga katanungang bumabagabag sa isipan ko. Nagtatanong kung bakit kahit kailan ay hindi naging anak ang turing sa akin ni Mama. At kahit ilang beses ko mang titigan ang sarili ko sa salamin, wala akong nakikitang pisikal na katangian na namana ko sa kaniya.
Sa katunayan, hindi kami magkamukha ni Mama o ni Ate Leslie man lang. Kay Papa naman, sa kaniya ko nga nakuha ang makapal kong sabog na kilay ngunit 'di ko rin makita ang mukha niya sa akin maliban na lamang sa magandang mata ni Papa.
Mahigit tatlong-araw na ang nakalilipas matapos ang aksidenteng nangyari sa mga magulang ko ngunit hindi pa rin nagigising si Mama.
Kwento ni Ate, nawalan raw ng preno ang minamanehong jeep ni Papa kaya noong didiretso na sana sila sa ibang mga sasakyan, mas pinili na lamang niyang ibangga ito sa pader kaysa pa may madamay na ibang tao. Nasa driver's seat kasi si Papa habang nasa tabi niya si Mama. Nasa likod si Ate kaya hindi siya gaanong napuruhan.
"Pa, magpahinga ka na kasi. Magagalit na si Mama niyan 'pag nakita ka niyang hindi mo pa pinapahinga ang sarili mo!"
"Ayos nga lang kasi ako. Gusto kong tumayo."
"Bawal nga raw kasing bumangon sabi ng doktor! Ano ba yan? Ang tigas naman ng ulo oh!"
"Gusto kong bumangon."
Napatingin ako sa direksiyon nina Ate Leslie na pinapagalitan si Papa.
Simula pagkagising niya noong isang araw, naging isip bata na si Papa.
Natamaan kasi ang ulo niya. Naging matagumpay naman raw ang operasyon kaya panandalian lang rin naman daw ito sabi ng doktor at babalik rin sa normal niyang pag-iisip paglipas ng ilang araw. Ganoon raw talaga ang kadalasang nangyayari sa mga pasyenteng natatamaan ang ulo.
"Ewan ko nga sayo! Bahala ka nga diyan! Marie! Pakibantayan mo muna nga si Papa!" naiirita niyang utos na hindi na hinintay pa ang sagot ko at dumiretso na sa banyo.
Nilapitan ko naman agad si Papa na ngayon ay sinusundan ako ng nakakatakot na tingin. Napailing na lang ako at inisip na nagkakaganiyan lang siya dahil sa tama niya sa ulo.
Umupo ako sa paanan ng hinahigaan niyang hospital bed.
"B-Bakit, Pa?" tanong ko dahil bigla niya kasi akong siningkitan ng mga mata sabay ang paghalukipkip at umiling-iling.
Kabadong-kabado ako dahil gaya na lamang ni Mama ay hindi kami naging malapit ni Papa. Tahimik lang kasi siyang tao ngunit napaka-strikto.
"May kamukha ka."
"H-Ho? S-Sino naman po?" nakakailang para sa akin dahil ngayon ko lang siya nakausap na matatawag talagang pag-uusap. Nag-uusap lang namin kasi kami kapag inuutusan niya ako. Parati kasing “Marie! Tubig!” “Marie, ang susi!” “Marie, ang jacket!”
"Si Isabelle. Kamukha mo si Isabelle."
Napakunot ako ng noo. Isabelle? Isabelle Oli? Isabelle Daza? Isabelle Adjani?
Natatawa ako sa sarili ko dahil iniisa-isa ko na ang mga artistang baka kamukha ko. Pero biro lang. Alam ko namang hindi ko magiging kamukha ang mga artista dahil hindi naman ako kagandahan.
"Sino naman po iyon?"
"Si Isabelle. Hindi mo siya kilala? Hindi mo kilala ang nagsilang sa iyo? Anong klaseng anak ka?"
Napatingin ako kay Mama na natutulog pa rin. Papaanong naging Isabelle ang pangalan ni Mama? Hindi ba't Amanda ang pangalan niya? Palayaw niya ba ang Isabelle?
Muling nagsalita si Papa, "Hindi si Amanda ang tinutukoy ko. Si Isabelle. 'Bat di mo kilala ang Mama mo? Iniwan mo rin ba siya? Kasi ako, iniwan ko rin iyon! Pokpok iyon! Malandi yo—" napanlalakihan ako ng mata. A-Ano. . .raw?
"—Pa! Ano ba! Ang ingay naman oh! Wag kang sumigaw!" nagulat ako sa biglang paghiyaw ni Ate Leslie mula sa likuran ko. Napatingin ako sa kaniya nang may bahid nang pagtataka at gulat. Tinaasan niya lang ako ng isang kilay.
"Ano? Naniwala ka naman sa sinasabi niyan? Bobo ka ba? Wala lang siya sa tamang pag-iisip ngayon!" pinaalis niya ako sa paanan ni Papa at siya na ang umupo dito.
Isabelle? S-Sino si Isabelle? H-Hindi ko ina si Mama Amanda?
Napayuko ako. Tila ba nakatikim ako ng mapait na pagkain kung kaya't bigla akong nawalan ng gana.
"At saan ka pupunta!? Huwag mo akong iiwan dito! May pupuntahan pa ako mamaya!" sigaw niya sa akin nang buksan ko ang pintuan.
"Ano bang pake mo, Ate?" sabay bagsak ko ng pinto.
Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakapagsalita ng ganun sa kaniya. Pinagtitinginan na ako ng mga nars. Doon ko lang napansing may luha na pala sa pisngi ko. Agad ko namang pinunasan ito.
Sa sandaling ito. . .nakapagdesisyon na ako.
Kahit pa siguro hindi totoo ang sinabi ni Papa gaya ng sabi ni Ate Leslie, isa pa rin naman ang kalalabasan, kahit kailan, hindi nila ako ituturing na pamilya. Hindi nila ako itatratong anak. Hindi niya ako aalagaan bilang isang kapatid. Ngunit big deal pa rin palang marinig ang mga katagang iyon mula sa ama mo.
Kinuha ko ang cellphone mula sa bulsa ko at dumayal sa numero na iniwan ni Mr. Guzman sa akin. Gusto ko lang muna makaalis sa lugar na ito. Bukod pa dun, papayag na ako.
"Mr. Guzman. Pepwede ba tayong magkita?"
— ♤ —
"Bigla yatang nagbago ang isip mo at pumayag ka na sa trabaho, iha?" nasa isang coffee shop kami ngayon. Gusto ng boss niya na dito raw namin pag-uusapan ang tungkol sa trabaho at ang pagpirma ng kontrata. Napaangat ako ng tingin.
"Nagsasalita naman po pala kayo ng Filipino, Sir Guzman," pabiro kong sabi.
Natawa siya, "Ialis na natin ang pormalidad, iha. Sa pagpirma ng kontrata, magiging pantay lang rin naman tayong empleyado. Kaya wag mo na akong tatawaging Sir. Higit sa lahat, mas gusto na kitang makilala nang lubusan ngayon lalo na't nagbago na ang desisyon mo."
Napangiti ako. Simula noong tinulungan nila akong maisalba ang buhay ng mga magulang ko, gumaan na ang loob ko kay Mr. Guzman.
"May napagtanto lang po kasi ako," tugon ko sa sinabi niya habang nakatingin lang sa baso ng tubig na nasa harapan ko.
Alam kong istriktong pinagbilin ni Mama na nararapat ay sa pag-aasikaso lang ng bahay ang buong atensiyon ko habang hindi pa ako makakapag-aral ng kolehiyo, pero susuwayin ko ang utos niya ngayon.
Hindi dahil gusto kong tumakas sa trabaho sa bahay kung hindi dahil kailangan ko ring pagbayaran ang utang ko sa kumpanyang tumulong sa mga magulang ko.
Malaki ang utang ko sa kanila.
"Mabuti kung ganun. Oo nga pala iha, mahuhuli si Mr. Sullivan sa pagdating. If he knew that you would accept the offer earlier this day, baka napa-cancel niya pa ang mga meetings niya."
Nakapagtataka ngunit pinili ko na lamang tumango sa sinabi niya.
Kailangan niya pa bang ipaliwanag sa akin kung bakit malalate ang boss niya ng dating? At ipapakansela niya pa ang mga meetings para sa akin? Malinaw naman siguro na ayos lang dahil siya naman ang boss. Hindi ba?
"Oo nga pala, Mr. Guzman. Salamat ulit sa tulong ninyo sa pagbabayad ng bayarin sa ospital. Malaki po ang utang na loob ko sa inyo."
Napangiti siya, "I told you, it's not me, Miss Sarcuevas. It's the company."
Napangiti ako. Nagpapatunay lang talaga na may mabuting puso ang boss niya.
Mapagkumbaba. Hindi siya tulad ng iba na sakim sa kapangyarihan. May mabubuti pa rin pala talagang tao hanggang ngayon.
Buti na lang at pumunta ako rito, hindi lang para sa trabaho, kung hindi para na rin magpasalamat ng personal sa pagtulong nila sa mga magulang ko.
"Tungkol nga pala sa kontratang nabasa mo. . ."
Natigilan ako.
Napataas ng dalawang kilay si Mr. Guzman. Dahan-dahan siyang napangisi, ". . .about that contract. . .it was a draft."
Napaayos ako nang pag-upo sa sinabi niya, "A-Ano po?"
Nilabas niya ang isang papeles.
"Ito ang panibago at final na kontrata."
Nainom ko ang tubig na nasa harapan ko dahil bigla akong kinabahan sa mga nangyayari. May malisya ba ang pagngisi niyang iyon?
"Miss Sarcuevas, I did not mean the corrections."
"C-Corrections?"
"Yes. I must've not been in my usual self while typing the previous contract. Don't worry, it's not a big change. Yun pa rin naman ang kontrata."
"A-Anong ibig ninyong sabihin?" napahawak ako sa dulo ng suot kong polo.
Kinuha niya ang kontrata at binasa, "This is an agreement of service between Sullivan Multinational Corporation's Chief Executive Officer, Black Andrew Sullivan and Marie Louise Asuncion Sarcuevas, Executive Assistant, in witness of Reydino Crus Guzman, Private Attorney of Sullivan Multinational Corporation. Iyan lang naman ang binago ko, iha."
Natigilan ako.
Chief Executive Officer?
T-Tama ba ang pagkakarinig ko? CEO ng kumpanya ang pagsisilbihan ko?! CEO ng kumpanya si Mr. Sullivan?! Akala ko ba manager lang siya ng isang branch nila dito?!
At ano?! Private attorney? Isa pala siyang abogado? Akala ko ba siya ang head ng HRM nila? Ano ba talaga sila sila sa kumpanya?!
Bakit hindi niya sinabi!?
"He's here," nanigas naman ako nang tuluyan habang nakatingin kay Mr. Guzman na biglang tumayo mula sa pagkakaupo.
Maliit na correction lang ng kontrata ang nagbago ngunit ang lakas na ng salpok sa akin.
Kasi kung ganun nga. . .mapapatanong ako kung bakit. . .bakit gustong-gusto akong kuning assistant ng CEO ng isang napakaimpluwensiyang kumpanya. Hindi maganda ang pakiramdam ko tungkol dito.
Pinipilit kong huwag kabahan habang hinahanap ng mga mata ko ang gawa sa salaming pintuan ng Cafe.
"There he is," pumasok sa loob ang isang lalaking medyo mataba ang pangangatawan, maputi, intsik ang mga mata at may gintong hikaw sa magkabilang tenga. Nakasuot siya ng tuxedo.
Napatingin ako kay Mr. Guzman at nakatingin pa rin ito sa may pintuan. Kung ganun, iyon nga marahil si Mr. Sullivan.
Kailangan kong magkaroon ng good impression sa employer ko. Iyan muna dapat ang laman ng utak ko ngayon kaysa ang maabala nang tuluyan dahil lang sa kakaunting pagbabagong iyon! Eh ano ngayon kung makapangyarihan siya? Isipin mo Marie, hindi siya tulad ng iba, mabait siya. Mapagkumbaba pa nga hindi ba?
Tumayo na ako at pinaskil ang isang ngiti. Sabi nila kahit ano pa raw ang itsura mo, mas maganda pa rin kapag nakangiti. Kaya naman pinakita ko na ang brightest smile ko na kaya na yatang lampasan ang sinag ng noo ko.
"Goo—" bago pa naman makabati si Mr. Guzman, inabot ko na ang kamay ni Mr. Sullivan at kinamayan siya.
"G-Good afternoon, Mr. Sullivan. Ako nga po pala si Marie Louise Sarcuevas. Thank you po sa pagtulong sa pamilya ko at pag-aalok sa akin ng trabaho. Huwag po kayong mag-alala, pagbubutihin ko ho ang trabaho ko sa kumpaniya ninyo!" natawa naman siya sa sinabi ko at tumatango habang palipat-lipat ang tingin sa akin at kay Mr. Guzman.
Umubo si Mr. Guzman kaya napatingin ako sa kaniya, "Miss Sarcuevas, hindi siya si Mr. Sullivan."
Napatingin naman ako sa lalaking inaakala kong si Mr. Sullivan na ngayon ay napapakamot ng batok. Nanigas ako sa kinalalagyan ko,"H-ho?"
"Eh. Nagkakamali po kayo Ma'am. Ako po si Anton. Driver po ni Sir Sullivan," napanganga ako nang wala sa oras.
Napabitaw ako sa kakahandshake sa kamay niyang hawak-hawak ko pa rin pala hanggang ngayon.
"Mr. Sullivan. Good afternoon Sir," bati ni Mr. Guzman sa akin kaya napakunot ako ng noo. Bakit siya sa akin nakatingin?
"How long have you been waiting?" nanuyo ang lalamunan ko sa boses mula sa likuran ko.
Nanlalamig ang mga kamay ko.
Ayaw kong lumingon.
Para akong naistatwa.
Ang boses niya.
Sobrang authoritative.
Napakalamig.
At hindi ko iyon inaasahan.