SIMULA
NARINIG ko kaagad ang boses ng aking ina sa labas ng aming mumunting tahanan. Nagtatalo na naman sila ng kinakasama niyang lalaki.
Huminga ako nang malalim dahil sa araw-araw na nabubuhay ako, ganitong ganap ang nasasaksihan ko.
Pumasok ako sa loob ng bahay. Hindi nga ako nagkamali na nagtatalo na naman sila habang ang half-sister ko ay umiiyak dahil siguro natatakot sa lakas ng boses nila.
Lumapit ako rito at binuhat ang nakababatang kapatid. Isinama ko siya sa loob ng kuwarto ko at pinatahan.
Nagbihis ako. Kakagaling ko lamang sa part-time job ko at gusto ko sanang magpahinga pero mukhang hindi mangyayari iyon ngayong araw.
Nang makita ko ang kapatid ko. Nilalaro niya iyong phone ko. Ipinikit ko ang aking mga mata at kinuha iyon sa kanya.
“Huwag mong laruin at baka masira. Wala akong pambili ng bagong cellphone.”
Inosente niya lamang akong tiningnan. Inabot ko na lamang sa kanya ang isa sa mga laruan niya para iyon ang hawakan niya.
“Iiwan muna kita rito, ah? Maghahanda lang ako ng hapunan.”
Nagugutom na ako. Kanina pa kumakalam ang aking tiyan at humiling ako na sana man lang may maabutan akong pagkain sa bahay, pero dahil away nila ang sumalubong sa akin ay alam kong hindi naghanda ng hapunan si Mama.
Pagod na nga sa maghapon, kailangan ko pang maghanda ng makakain.
Hindi na sila nagtatalo nang lumabas ako ng kuwarto. Pumasok ako sa kusina at tiningnan kung may natirang kanin. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata nang makita na walang natirang kanin. Hindi man lang ako nagawang tirhan? Nagsabi naman ako kay Mama kanina.
Muli akong nagpakawala nang malalim na paghinga at nagsaing na rin.
“Lay, naandiyan ka na pala,” sabi ni Mama. Hindi niya ata ako napansin na pumasok kanina dahil abala siyang makipagtalo sa lalaki niya.
“Kanina pa, Ma. Nasa kuwarto nga pala si Lena.”
Alam ko na tumango lang siya. Nakatalikod ako sa kanya at inaabala ang sarili sa pagluluto.
“Magluto ka na ng hapunan, ah? Pagod ako ngayon, eh. Tapos iyong Tito Daniel mo ay abala rin.”
Gusto kong matawa sa sinabi ni Mama. Abala saan ang lalaki niya? Wala namang ibang ginawa iyan kung hindi ang magsugal, tumambay, at mag-inom.
Labandera si Mama at para makatulong sa mga gastusin ay nagpasiya na rin akong magtrabaho habang nag-aaral. Hindi kasi kayang suportahan ni Mama ang pag-aaral ko. Kaya kung hindi ako kikilos para sa sarili, hindi ako makakapag-aral.
Gusto kong makapagtapos at makapagtrabaho nang maayos. Makakaahon ako sa kahirapan at aabutin ko lahat ng pangarap ko. Ilalayo ko si Mama at Lena sa batugang lalaking iyon.
“Hoy, Neila! Wala pa bang hapunan? Gutom na ako, ah!”
Mahigpit kong hinawakan iyong kutsilyo. Pinipigilan ko ang sarili na sa lalaking iyon isaksak ang hawak ko.
“Nagluluto na. Sandali na lang.”
Hindi ko na napigilan ang sarili. Nagsalita na ako. “Kailan mo ba iiwan ang lalaking iyan, Ma?”
Alam ko na ikinabigla niya ang aking sinabi. Bokal naman ako sa pagiging ayaw ko sa lalaki niya. Minsan ay hinahayaan ko na lang na magpatalo sa argumento dahil nakakapagod makipagtalo kay Mama.
“Huwag mo ngang sabihin iyan, Layla! Asawa ko si Daniel at ama siya ng kapatid mo.”
Tumawa ako at sinigurado ko na maririnig ni Mama ang pagtawa ko. “Hindi mo asawa. Hindi naman kayo kasal.”
Hinawakan ni Mama ang aking braso at iniharap ako sa kanya. Galit na siya dahil sa mga naririnig na salita mula sa akin.
“Huwag kang bastos, Layla, ah! Hindi kita pinalaking ganyan!”
Ngumisi ako kay Mama. Hindi ko alam bakit kami naman ang nagtatalo ngayon. Ah, oo nga pala. Sa mga ganitong usapin, iyong lalaki niya ang kinakampihan niya.
“Hindi mo naman ako pinalaki, Ma. Pinalaki ko ang sarili ko. Simula nang iwan tayo ni Papa, pinabayaan mo na rin ako. Hindi ba at nanlalaki ka para patunayan sa walanghiya ko ring ama na kaya mong mabuhay na wala siya. Pero anong kapalit? Pinabayaan mo ako, Ma—”
Isang malakas na sampal ang aking natanggap mula sa kanya. Hindi kaagad ako nakakilos at sumabog ang aking buhok sa aking mukha.
Mahapdi. Nararamdaman ko ang sakit ng pisngi ko dahil sa ginawa niya, pero hindi iyon ang dahilan bakit mabigat ang loob ko. Iyon ay dahil hindi niya na ako makitang anak. Mas nararamdaman ko pang alila ako rito kaysa ang maging anak niya.
Mahal na mahal ko si Mama, pero minsan ay nakakapagod maging anak niya.
“Ang kapal ng mukha mong magsalita sa akin ng ganyan! Anong napatunayan mo para bastusin ako, ha?!”
Tiningnan ko si Mama. Galit din ako. Galit ako dahil kahit kailan ay hindi niya ako kinampihan. Kahit kailan ay hindi niya man lang natanong sa akin kung kumusta na ba ako. Kahit noong umiiyak ako dahil wala akong pambili ng mga gamit sa projects ko o iyong wala akong makain sa tanghalian, hindi ko man lang naramdaman na naandiyan siya para sa akin. Nang iwanan kami ni Papa, nawalan na rin ako ng ina.
“Anong nangyayari? Hindi pa ba luto ‘yan? Gutom na ako, ah?!”
Masama kong tiningnan si Daniel na walang ibang ginawa kung hindi ang maging pabigat sa buhay namin.
“Malapit na—”
Pinutol ko ang sasabihin ni Mama. “Kung gutom ka na, sana nagluto ka kanina. Hindi iyong wala kang ambag dito sa bahay!”
“Layla!” Hinigit ako ni Mama pero hindi ako nagpadala sa kanya.
“Aba! Itong babaeng ito, ah? Ang yabang mo!”
“Talagang magyayabang ako, dahil ang mga pagkain dito sa bahay at iyang mga gamit mo, pera ko at ni Mama ang ginagastos mo riyan, ah? Pabigat ka na lang dito, ang kapal pa ng mukha mong magreklamo!”
Susugudin sana ako ni Daniel nang pigilan siya ni Mama. Hindi ako umatras o natakot sa kanya.
“Ano, sige?! Sasaktan mo ako? Tingnan ko kung saan ka pulitin kapag sinaktan mo ako. Hindi kagaya ng nanay ko, ipapakulong kita kapag sinaktan mo o hinawakan ang dulo ng buhok ko. Tarantadong ‘to! Akala mo natatakot ako sa ‘yo?!” Ibinato ko sa kanya iyong sandok. “Ayan, kung gutom ka na, ‘e di ikaw ang magluto. Tangina ka!”
Umalis ako ng kusina at pumasok na lang sa kuwarto. Tumingin sa akin ang nakababatang kapatid at agad na inalis ang busangot kong mukha.
“Ate, gagalit ka?”
Naupo ako sa kama at umiling. Sinubukan kong ngumiti kahit na nagwawala na ang mga emosyon ko sa galit.
Hindi ako kumain. Kahit na kumakalam ang aking tiyan, hindi ako sumabay sa kanila sa pagkain. Itinulog ko na lamang ang pagod at ang gutom ko.
Maaga akong umalis sa bahay kinabukasan. Bumili na lang ako ng tinapay dahil ayokong maabutan sina Mama.
May sakit si Lena, iyon ang narinig ko kanina bago ako umalis.
Mag-i-inquire ako ngayon para sa pagpapa-enroll ko. Third year college na ako. Kahit papaano, naigagapang ko naman ang pag-aaral ko.
Huwag ninyo na akong simulan sa pagtatanong kung nasaan ang tatay ko. Para sa akin, patay na siya. Umalis siya noon at iniwan kami ni Mama. Ang mga ganoong tao, hindi na iniisip. Kung ayaw niya sa amin, mas ayoko siyang maging tatay.
“Maraming salamat po.”
Nakangiti ako matapos kong makita ang computation ng babayaran ko para sa susunod na school year. Masaya ako dahil sapat ang naipon kong pera para rito.
Halos wala na akong pahinga kakakuha ng part-time jobs para lang masigurado na makakapag-enroll ako ngayong third year ko.
“Lay!”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya at nakita ko Denisse, ang kaibigan ko.
“Magpapa-enroll ka na ba?”
Umiling ako sa kanya. “Hindi pa, baka bukas pa. Hindi ko pa dala ang pera ko, eh. Nagpa-compute lang ako.”
“Sige, sabay na tayo.”
Umalis din kaagad ako at nagpaalam sa kaibigan dahil may trabaho pa ako. Sinabihan niya ako na sana magpahinga naman daw ako pero wala akong oras magpahinga. Lalo na at hindi naman suportado ni Mama ang pag-aaral ko. Mas gusto niya pang magtrabaho na lang daw ako kaysa mag-aral.
Nang matapos sa trabaho ay agaran akong umuwi. Dumiretso ako sa loob ng kuwarto ko upang kunin ang ipon kong pera. Masaya pa ako at excited, hanggang sa makita ko na wala roon ang pinaglalagyan ko ng ipon ko.
Kinabahan ako kaagad. Hinanap ko sa kahit saang sulok ng aking kuwarto ang lalagyan ng pera ko, pero kahit saan ako maghanap ay wala ito roon.
Lumabas ako ng kuwarto at agad na hinanap sina Mama. Saktong kakauwi lang niya kasama si Daniel.
“Ma!”
Hindi ko mapigilan ang aking emosyon. Mabilis din ang kabog ng dibdib ko.
“Oh, naandiyan ka na pala—”
“Nasaan ang ipon ko?” Hindi ko na hinintay na matapos niya ang kanyang sasabihin.
“Ha?” Halata sa kanya ang kaba kaya alam ko na alam niya kung anong nangyari roon.
“Iyong ipon ko, Ma?! Iyong ipambabayad ko sa tuition fee ko ngayong school year.”
Napalagok si Mama at napatingin kay Daniel.
“Layla, nagkasakit ang kapatid mo,” sabi ni Daniel. “Kailangan namin ng pera kaya—”
“Kaya ano?”
Alam ko na. Mayroon na akong ideya kung anong nangyari pero…
“Kaya kinailangan namin ng pera mo.”
Napapikit ako at napaluha. Inaasahan ko na, pero lalong bumigat ang nararamdaman ko.
“Anak, pwede pa naman ulit pag-ipunan—”
“Pag-ipunan? Alam ba ninyo kung ilang buwan kong trinabaho iyon? Malapit na ulit magpasukan. Kailangan ko nang mag-enroll, Ma! Saan ako kukuha ng pera?”
Naiintindihan ko naman na nagkasakit si Lena, pero kailangan ba talagang pera ko ang gastusin nila?
“Aba! Nasa ospital ang kapatid mo ngayon, tapos iyang sarili mo pa rin ang iniintindi mo?!”
Masama kong tiningnan si Daniel. “Ipon ko ‘yon, ah?! Pera ko ‘yon! Inipon ko ‘yon para sa pag-aaral ko! Sino ka para gastusin iyon? Kung sana iyong mga pera na binibigay sa ‘yo ay iniipon mo rin, sana hindi mo kailangang manguha ng pera ng iba para sa ganitong sitwasyon! Kung magtrabaho ka kaya?!”
“Layla! Iyang bibig mo, ah?!”
Tiningnan ko si Mama. “Ma, kailangan ko ng pera! Kailangan ko iyon.”
Bumuhos ang luha ko at hindi ko magawang makontrol.
“Punyetang pag-aaral ‘yan! Nagiging makasarili ka dahil diyan?! Kapatid mo, may sakit ah?!”
“At obligasyon ko ba ang kapatid ko? Hindi ba kayo ang may responsibilidad sa amin? Kayo ang dapat nagbibigay ng pangangailangan namin? Bata pa lang ako, nagtatrabaho na ako! Binibigay ko naman lahat sa inyo, ah? Makasarili pa rin ako? Ngayon lang ako nakiusap kasi pang-aral ko iyon, ako pa rin ang masama? Kung sinabi ninyo sa akin, tutulong naman ako sa ibang paraan, pero sana hindi ninyo kinuha sa akin ang pera na nakalaan sa pag-aaral ko.”
“Kailan ka pa naging makasarili nang ganyan? Mas pipiliin mo na mahirapan ang kapatid mo?!” sigaw ni Mama sa akin.
“Hindi, Ma. Sabi ko, tutulong ako sa ibang paraan. Kung kailangan ko ulit kumayod para kay Lena, gagawin ko. Pero sana hindi kayo basta nakialam sa pera ko.” Suminghap ako. “Tanggap ko na nga na hindi ninyo ako sinusuportahan sa pag-aaral ko. Iyon na lang sanang irespeto ninyo ang ginagawa ko at hindi pakialamanan ang gamit ko, hindi ninyo pa rin nagawa para sa akin.”
Napahilamos ako sa aking mukha. Sobrang galit ko. Nakalaan na iyong pera sa pag-aaral ko. Kung sinabi nila na kailangan nila ng pera dahil biglang naisugod sa ospital ang kapatid ko, tutulong naman ako, eh. Hindi ko naman ipagdadamot. Pero sana nagtira man lang sila sa akin kahit pang downpayment ko lang.
“Tingnan mo iyang anak mo, Neila. Wala talagang utang na loob. Binuhay mo na nga, pinagdadamutan ka pa!”
Tiningnan ko nang masama si Daniel at tinulak-tulak.
“Tangina mong palamunin ka! Ang kapal ng mukha mo. Sana ikaw na lang ang naospital at nang mapanood kitang mamatay. Hayop ka!”
“Layla, tumigil ka na! Dahil lang sa pag-aaral mo na ‘yan ay nagkakaganyan ka, ah?!”
Umiling ako kay Mama. “Hindi lang ‘yon dahil doon, Ma. Dahan-dahan mong ipinagkakait sa aking maabot ang pangarap ko. Sana rin, Ma, matutunan mo akong respetuhin bilang anak mo at hindi ka nasisilaw sa lalaking wala namang ginawa kung hindi pahirapan ang buhay mo!”
Matapos kong sabihin iyon ay umalis ako ng bahay. Nanlalabo ang aking mga mata dahil sa pag-iyak. Hindi ko na nga napansin na muntikan na akong masagasaan.
Malakas na busina ang aking narinig. Hindi ko namalayan na nasa kalsada na pala ako. Pinahid ko kaagad ang luha ko.
“Hoy! Magpapakamatay ka ba?!” sigaw ng driver ng kotse.
Hindi ako nakasagot. Nanatili lamang akong nakayuko.
“Kung magpapakamatay ka, huwag mo kaming idamay, ha?!”
Sana nga nabunggo na lang ako. Putangina! Nakakapagod mabuhay.
“Serio, that’s enough.” May lumapit sa akin. “Are you okay, Miss?”
Nagtaas ako ng tingin sa kanya at nakita ko ang isang lalaki. Ngumiti siya sa akin pero nanatili akong nakasimangot.
“Pasensya ka na sa driver ko, naka-green light na kasi. Sana next time hindi ka tumawid habang tumatakbo ang mga sasakyan.”
Hindi ako nagsalita. Tumango na lang ako sa kanya.
“Mr. Sebastien, kailangan na po nating umalis. Male-late na kayo sa appointment ninyo.”
Isang pagngiti pa ang kanyang iginawad sa akin bago siya magpaalam at umalis. Hinayaan niya muna akong makatawid bago tumakbo ang kanyang sasakyan.
Nakatingin ako sa kotse. Buti pa siya. Mukhang walang iniisip na problema. Kung sana ay ipinanganak lang din akong mayaman.
Huminga ako nang malalim. Paano na ako ngayon? Paano ako makakapag-aral nito? Akala ko pa naman, magiging maayos ang lahat.
Ipinikit ko ang aking mga mata. Life is so unfair, at ang tanging paraan para makipaglaban dito? Don’t play fair.
Pinasok ko ang trabahong alam kong mali pero ginawa ko pa rin. Doon nagsimula ang pagbubukas sa akin ng pinto upang manloko ng tao para sa pera.
Balang-araw, makakawala rin ako sa tali ng kahirapan at patutunayan ko na kaya kong maabot ang lahat ng pangarap ko…o hindi dahil hindi ko inaasahan na may gugulo ng lahat ng plano ko.