Opening night na ng bagong branch ng hotel nila Brix. Engrande ang naging selebrasyon dahil ika-dalawampu't limang taon na ng El Paradiso chain of hotels. Maraming kilalang tao ang pumunta bilang bisita, mga pulitiko at mga artista.
"Ladies and gentleman, thank you for coming to our party. Sana ay manatili ang mabuti nating pagkakaibigan at samahan bilang magkakasosyo sa negosyo. Hindi kami magiging matagumpay kung wala ang tulong niyo. Nagpapasalamat ako dahil meron akong masipag na katuwang sa buhay, ang mahal kong si Vera, pati ang maaasahan kong anak na si Brix. I can never be this happy in my whole life. Let's eat and drink mga kaibigan. Enjoy the night," talumpati ni Alex at nagsimula na ang party.
Nagsimulang tumugtog ang orchestra at umawit ang isang opera singer. Pula at puti ang color scheme ng mga lamesa at upuan, pati na rin ang mga dekorasyon na mga bulaklak, lobo at mga tela na nakasabit mula sa kisame.
"Hi Brix! Kumusta ka na?" pagbati ng babaeng nakasuot ng dress na hanggang singit ang slit.
"Lagi ka bang busy Brix? Hang out naman tayo," paanyaya ng babaeng nakasuot ng itim na down shoulder dress.
"Na-miss kita Brix. Hindi mo ba ko na miss?" Kinindatan pa siya no'ng isa sa mga babae. Nakasuot ito ng silver knee length dress na bukas ang likod.
"Sorry girls, but I need to go to the restroom". Bakas ang pagkairita ni Brix nang umalis. Halos makita na ang kaluluwa ng mga babae sa revealing na mga damit ng mga ito. Pumunta siya sa gazebo at nakita ang isang babae na nagpapaikot-ikot habang humihiyaw nang mag-isa.
* * * *
"Yehey! Ang suwerte-suwerte ko naman. Sa dami ng nag-apply para maging scholars ng El Paradiso, isa pa ako sa napili. Ako na ang pinakamasuwerteng tao sa mundo." Nagpapaikot-ikot si Gaile sa sobrang tuwa pero may natapakan siyang bato kaya nawalan siya ng balanse. "Ay, kabayo!"
Napapikit siya dahil alam niyang tatama ang mukha niya sa lupa pero imbes na matumba, may naramdaman siyang humawak sa kaniyang bewang. Pagmulat niya, nakita niya si Brix na nakapulupot ang mga braso sa kaniya.
"Are you okay?" tanong nito sa kaniya na bakas ang pag-aalala.
Literal na mukhang engot si Gaile. Nakanganga siya habang nakatitig sa binata. Binuhat siya nito at iniupo sa malapit na bench nang hindi siya nakasagot.
"A... E... Thank you," halos pagsasampalin ni Gaile ang sarili nang mapagtanto kung ano ba ang ayos niya kanina.
"Okay lang iyon. By the way, congratulations nga pala." Muling ngumiti si Brix. Lumabas ang pantay-pantay at mapuputi nitong mga ngipin. Puwede na itong endorser ng toothpaste!
"T-thanks, Sir Brix." Wala sa loob na ipinatong ni Gaile ang kaniyang mga palad sa tapat ng kaniyang kanang dibdib. Ang puso niya, parang hinahampas ng tambol sa sobrang lakas ng pagtibok. Tinitigan lang siya ng binata ngunit para siyang kandila na gustong matunaw.
"Is this true? Kalmado at tahimik na ang amazona na nakilala ko sa restaurant nila Alice?"
Napatingin si Gaile sa binata. "Kasi naman Sir, bakit kayo ganoon makatingin? Parang sinusuri niyo ang buong pagkatao ko."
"Sorry, ha. Hindi ko naman ginusto na mabastos ka o kung ano pa man. You just reminded me of someone." Hinanap nito ang cellphone sa bulsa ng suit nito. "Look! Kamukha mo siya." Tinignan ni Gaile ang screen ng cellphone ni Brix. Litrato ito ng lalaki na kamukhang-kamukha niya. "Siya ang best friend ko, si Nhico. You look exactly like him."
"Yeah. Kamukhang-kamukha ko nga siya, mukha kaming pinagbiyak na arinola," bahagyang tumawa si Gaile at ibinalik na kay Brix ang phone nito. "Kaya pala ganoon ka na lang tumingin sa 'kin noon. Sorry."
"Okay lang iyon. Saka gabi na, bakit hindi ka pa umuuwi?" tanong ni Brix.
"O-oo nga pala. Sige, uuwi na ko." Tatayo na sana si Gaile pero hinawakan ni Brix ang kaniyang kamay.
"Ihahatid na kita. Hindi tamang mag-commute ka dahil maraming loko sa daan. Saan ka ba nakatira?" Ngumiti na naman ito at masuyong hinila ang kamay niya papunta sa kotse nito.
"S-sa Pasig po pero... Huwag na. Nakakahiya naman po."
"I insist. Isipin mo na lang na bumabawi ako sa ginawa ko sa iyo noon. I'm sorry. Hindi naman ako masungit. It's just... Nagulat lang ako sa ginawa mo kaya ko iyon ginawa." Pinagbuksan siya nito ng pinto. Kahit nahihiya si Gaile, sumama na rin siya. Alas-diyes na ng gabi nang tingnan niya ang oras sa relos niyang pambisig. Mahihirapan siyang sumakay. Tinulungan siya ni Brix na maglagay ng seatbelt. Pinaandar na ni Brix ang kotse. Tahimik lang ang dalawa habang nasa byahe. Nakikinig ng musika. Ang himig ng A thousand years ang tugtog.
"Favorite song iyan ni Sofia at Nhico," bigla itong nagsalita.
"Sino si Sofia?" tanong niya.
"Pinsan ko, fiancee ni Nhico."
Nagulat siya ngunit hindi na nagkumento pa. Matapos ang apatnapung minuto, nakarating na sila. "Diyan na lang ako sa kanto, Sir Brix." Hininto naman ni Brix ang sasakyan. Bababa na sana si Gaile pero pinigilan siya nito.
"Can I ask you a favor?"
"A-ano po iyon, Sir?"
"Puwede bang first name basis na lang tayo? Call me Brix and I'll call you Gaile. Okay lang ba?"
Hindi makapaniwala si Gaile sa kaniyang mga narinig. "O-okay Si... Amm... Brix," mukha siyang kandila na unti-unting nauupos.
"Cool! My name sounds great kapag ikaw ang nagsabi." Kinindatan siya ni Brix. Namula kaagad ang mga pisngi niya na parang makopa. Tinanggal ng binata ang seatbelt niya kaya bumaba na siya sa kotse.
"Salamat sa paghatid, B-brix. Pasensiya na sa abala. Kailangan mo pang umalis ng party dahil sa 'kin," tila natauhan ang binata at tinampal ang noo.
"Oo nga pala. Sige babalik na ko sa hotel." Ngumiti si Brix at pinaandar na ang kotse. Kaway siya nang kaway habang paalis ito.
Bubulong-bulong si Gaile habang isinasarado ang kanilang gate. "Hindi ako maka-get over! Bakit kaya sobrang kinikilig ako kay Brix? Wala naman kaming ginawang espesyal. Nagkuwentuhan lang kami pero overreacting na ko."
"Hoy, Gaile! Ano bang binubulong-bulong mo riyan? Namatanda ka ba? Bakit gabi ka na umuwi? Saka sino ang naghatid sa 'yo?" sunod-sunod na tanong ng kaniyang Mama.
"Mama, puwede isa-isa lang ang tanong? Mahina ang kalaban." Nakangiti siyang yumakap sa ina.
"Aba! Mukhang masaya ang anak ko ngayon. In love ka siguro?" Kinurot siya nito sa tagiliran.
"Aray! Sakit naman, Ma! In love agad? Hindi ba puwedeng may magandang balita muna?"
"At ano naman iyon? Mag-a-asawa ka na ba?"
"Hala! Asawa talaga? Manliligaw nga wala, mapapangasawa pa kaya?" Nakanguso na ang mga labi niya.
"Dami mo pang pasakalye. Ano ba kasi ang magandang balita?" bakas ang pananabik sa tinig ng ina.
"Scholar na ang anak niyo, Ma! Makakapagpatuloy na ako sa kolehiyo! Yayaman na tayo, makakaahon na tayo sa hirap!" Tumalon-talon si Gaile sa sobrang saya.
"Ang galing naman ng anak ko. Proud na proud ako sa 'yo! Pero teka anak, saan galing 'yang scholarship mo?" pagtataka ni Perla.
"Sa El Paradiso Hotels po, Mama. Nagbigay kasi sila ng pagsusulit sa mga empleyado na gustong magpatuloy ng pag-aaral. Sila na ang bahala sa tuition fee tapos may monthly allowance pa! Mama ito na talaga iyon!" Yumakap si Gaile nang mahigpit sa ina na maluha-luha na.
"Anak, sa wakas matutupad na ang mga pangarap natin." Umiiyak na ang kaniyang Mama kaya hinigpitan niya lalo ang yakap.
"Ma, 'wag kang mag-drama, okay? It's our time to shine tapos nagda-drama ka pa. Dapat smile at always good vibes." Tumango-tango lang si Perla habang hinahaplos ang mga braso ni Gaile.
"Sige na nga! Hindi na ako magdadrama. Kumain ka na ba anak?" paglalambing nito.
"Busog pa ako Mama. Pero dahil mahal kita, kakain ulit ako." Umakbay si Gaile sa ina at sabay silang pumunta sa kusina.