Chapter 20 : Hated Father

1107 Words
"KAILAN pa ho ba magpa-file ng Certificate of Candidacy ang iyong anak, Gobernador Gael?" maluwang ang ngiting tanong sa kaniya ni Simon, ang DCD o Development and Communication Director sa isa mga community foundation na ipinatatag niya nang maupo siya bilang Gobernador. Kagaya ng dati ay narito ito upang personal siyang pasalamatan dahil sa bagong proyekto at benepisyo na ibinigay niya sa foundation na pinamamahalaan nito. "Kinukimbinsi ko pa si Graysen, malaki ang kumipyansa ko na mapapayag ko siya upang pumalit sa aking panunungkulan," manipis ang ngiting sabi niya. Ang totoo ay hindi siya sigurado pagdating sa bagay na iyan sapagkat kahit suportado siya ni Gray ay hindi niya nasasalamin sa pagkatao nito ang pagnanais na pasukin ang mundo ng politika. "Malakas din ho ang kumpiyansa ko na kung sakaling mapapayag mo si Sir Gray, majority ang makukuha niyang suporta. Malaki at malinaw ang posibilidad na siya ang susunod na maging Gobernador sa lalawigan natin sapagkat mahal siya ng mga tao lalo na sa ating mga kababaihan na mayroong higit na bilang sa ating mga kalalakihan," masiglang sabi pa ni Simon. Napatitig siya rito. Oo, tama ito, kahit na medyo insulto sa kaniya ay aminado siya na sa kabila ng lahat ng mga pagkapanalo niya ay si Gray ang dahilan. Malaki ang na-i-ambag nito sa kandidatura niya, dahil sa karisma nito, sa pagiging magiliw at sa puso nitong mapagkawang-gawa. Bigla ay nagkaroon siya ng ideya kung paano mapapayag ang kaniyang anak upang pumalit sa puwesto niya sa susunod na halalan. "Salamat, Simon, hayaan mo at isa sa mga araw na ito ay makukumbinsi ko siya upang mag-file ng COC sa Comelec at maglatag ng kaniyang SALIN sa HRD," malawak na ang ngiting sabi niya rito. Umabot sa mga mata nito ang ngiti. "Ipinapauna ko na ang aking matapat na pagsuporta sa iyong anak, Gobernador Gael," sinserong sabi nito. Nasa ganiyang ayos ang lahat nang marinig nila ang marahang katok sa pintuan ng kaniyang opisina roon sa Provincial Hall. Sabay silang napatingin doon at hinintay ang pagbukas niyon. Pumasok doon ang isa sa mga bodyguards niya na nakatalaga roon. "Paumanhin po sa abala," wika nito na sinundan ng paghakbang palapit sa kaniyang kinauupuan. Dumukwang ito at bumulong. "Si General Eric Del Campo ho ay nasa labas ng iyong opisina at hinihiling na makausap ka." Napatitig siya kay Simon bago tiningnan ang dalawa niyang close-in bodyguards na nakaposte roon sa loob ng kaniyang opisina. "Sige, papasukin mo siya," utos niya rito. Tumalikod ito kasabay naman ang pagtayo ni Simon. "Mauna na ho ako, Gobernador Gael, muli po ay nagpapasalamat ako sa walang sawa mong pagtulong sa ating mga kababayan dito sa ating lalawigan." Inilahad nito ang kamay sa kaniya. Tumayo siya at tinanggap ang palad nito. Eksaktong naghiwalay ang kanilang mga palad nang bumukas ang pintuan ng kaniyang opisina at bumungad doon ang unipormadong si General Eric Del Campo kasunod ang dalawa pang unipormadong sundalo na natatandaan niyang kasama nito nang madatnan niya sa mansiyon. Huminto ito sa kinatatayuan at hinintay na makalabas si Simon. Pagkaraan ay matuwid at matikas itong humakbang palapit sa kaniyang desk table. Inalis nito sa ulo ang field service cap habang tuwid na nakatitig sa kaniya. "Wala na tayo sa iyong tahanan," pagsisimula nito sa paksang nais buksan. "I'm here to talk to you... diplomatically. Give me back my daughter and I'll let you and your son live in peace in your county town. Kung hindi mo ibibigay ang nais ko, get ready for my vicious aim to take her away from you," matigas nitong sabi sa kaniya, nagbabanta sa tono ng pananalita. Bahagyang napaangat ang mga kilay niya habang nananatiling nakatitig dito ang kaniyang mga matang walang bahid ng pagkasindak. "Yamang nais mo lang naman ng usapang may diplomasiya, pagbibigyan kita. Nasa tahanan ko ang iyong anak, puntahan mo at kausapin siya. Kung hindi mo siya mapapayag sa nais mo, ito na sana ang huling pagkakataong makikita ko ang mukha mo rito sa lalawigan ko," pantay ang tonong sabi niya. Nakita niya ang pagtiim-bagang nito at ang bahagyang pamimilog ng mga mata dahil sa kimkim na galit sa kaniya. Kumilos ito at tumalikod upang magtungo sa pintuan. "Tandaan mo ito," wika niya na nagpahinto sa paghakbang nito ngunit hindi na nag-aksayang pumihit upang tingnan siya. "Ito ay usapang may diplomasiya, kung sa loob ng tahanan ko ay magiging marahas ka. . .ipapapatay kita," hindi siya natakot na pagbantaan ito. Gusto niyang ipaalala at ipaintindi rito, na wala siyang pakialam kung gaano karaming sundalo mayroon ito. Kung magiging marahas ito't hindi niya mapatay, titiyakin niyang tatamasahin nito ang tamang hatul sa court martial. At habambuhay nito iyong pagsisisihan. Hindi ito nagsalita bagkus ay nagpatuloy sa paglakad palabas sa kaniyang opisina. ••• MGA ingay sa labas ng silid ang naulinigan at pumukaw sa atensiyon ni Emerald. Napakunot ang noo niya. Bakit kaya pati mga yabag doon ay tila nagkakagulo? Inalis niya ang laptop na nakapatong sa kaniyang mga hita at kumilos paibis sa kama. Lumakad siya palapit sa pintuan at binuksan iyon ng bahagya. Sumilip siya at nagulat pa nang biglang bumulaga sa kaniyang paningin si Shane. Itinulak nito ang pintuan at pumasok bago mabilis na inilapat ang dahon niyon. "Kanina ka pa namin hinahanap Ma'am Emery, nakailang balik na kami sa silid ninyo ni Gob," bungad nito sa kaniya habang napapaligid ang tingin sa kabuuan ng silid. Bakas sa mga mata nito ang pagtataka kung bakit sa ikalawang pagkakataon ay doon siya nito nakita at hindi sa silid ni Gobernador Gael. Mula nang dumating siya rito ay kinausap na ito ni Gob na iliban na ang silid na iyon sa paglilinis nito. Hindi niya alam kung ano'ng idinahilan ni Gob dito pero nasunod ang nais nito at siya na ang gumagawa ng paglilinis sa silid na ito kagaya ng kaniyang gusto. "Bakit ba?" tanong niya dito. "Eh, kase, 'yong masungit na lalaki nasa baba at hinihintay ka." "Sino?" "Yon pong nakaraang mga bisita mo." Napakurap siya nang matukoy niya ang sinasabi nito. "Si Gray?" tanong pa niya rito. "Iyon na nga po Ma'am ang ipinag-aalala namin nila Camille, maliban kay Rex, puro babae tayo rito sa mansiyon ngayon. May pagkalampa pa naman 'yong si Rex," mangiyak-ngiyak ito. "Bakit? Saan pumunta si Gray?" "Maaga pong umalis kanina eh. Hindi sinabi kung saan siya pupunta." Napabuntong-hininga siya ng marahas. 'Ang lalaking iyon, hindi pa nadala. Kakahilom lang ng mga sugat niya pero malakas na ang loob na lumargang mag-isa!' inis na sa loob-loob niya. Hindi bale, hindi siya takot kay Eric—sa kinamumuhian niyang ama. "Huwag kayong mag-alala, pakisabi sa mga bisita na maghintay sila. Pababa na ako," mahinahong utos niya rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD