"UMUWI na tayo, Sir Gray," giit ni Steve habang nakasunod sa kaniya sa gitna ng dance floor.
Naroon sila sa isa sa mga kilalang disco bar sa kanilang lalawigan.
Imbes na tumalima sa sinabi ni Steve ay humataw siya ng sayaw sa harapan nito. Wala siyang pakialam kahit kanda-tapon na ang laman ng bote ng alak na bitbit niya.
Napailing ito bago sinapo ang sariling noo. Problemadong-problemado ito sa kaniya.
Humagalpak siya ng tawa kahit wala namang nakakatawa. Dinig na dinig ang pagtawa niya sa kabila ng ingay sa paligid na dulot ng mga nagpapanabay na sigawan ng mga tao sa paligid at ng magaslaw na musika.
Hinawakan niya si Steve sa kaliwang kamay saka iyon ipinagwagwagan na parang gaya ng sa puppet.
"Sumayaw ka na lang, Steve. H'wag kang kill joy. Kanina ka pa eh, gusto mo pauwiin na kita ng diretso sa inyo?" pabirong tanong niya rito sa pasigaw na paraan upang matiyak na makakarating sa pandinig nito ang kaniyang sinasabi.
Napailing na lamang ito habang problemadong nakatitig sa kaniya at hinahayaan siya sa ginagawa niya rito.
Ilang beses na siya nitong kinukulit na umuwi na simula pa kanina hindi pa man sila sumasapit doon.
Paano ba naman ay wala pa rin si Ricky, wala siyang bodyguard kaya hindi ito mapakali. Sa manibela lang bihasa ang mga kamay nito.
"Baka nag-aalala na si Gob," wika pa ni Steve sa pag-aakalang mapapauwi siya nito dahil diyan.
Ngumiti siya ng manipis. Iyon naman talaga ang gusto niya, ang mag-alala sa kaniya ang ama.
"Halika, uminom pa tayo Steve. Magpakalasing tayo at magsaya." Iniabot ang bote ng alak dito.
"Hindi ako p'wedeng malasing, Sir Gray, magda-drive pa ako pag-uwi natin," tanggi nito na sinabayan pa ng pagpilig.
"Okay lang 'yan, bukas na tayo ng umaga uuwi. Dito tayo magpapalipas ng gabi. Maliwanag na ang daan at—" naputol niya ang sasabihin nang masagi siya ng bultong sumasayaw sa kaniyang likuran.
Nilingon niya ito at nakita niya ang lalaking hataw sa pagsayaw habang nakaharap sa kapareha nitong babae.
Inignora niya ito at ibinalik ang tingin kay Steve.
"Sige na uminom ka na." Muli niyang iniabot ang bote ng alak dito.
Napakamot ito sa ulo bago kinuha ang bote ng alak at tumungga.
"Woooh!" sigaw niya sabay twerk sa harapan nito habang tumatawa.
Ginawa niyang poste ang katawan nito at doon pahilahod na sumayaw habang hinahaplos ito sa dibdib.
Napatawa ito kaya naman naibuga nito ang alak na nasa bibig nito.
Sumaboy iyon sa kaniya at lumigwak sa lalaking sumasayaw sa likuran niya.
Nabahaw ang labi niya sa pagtawa nang makitang dinaklot ng lalaki buhat sa likuran niya ang kuwelyo ni Steve.
"Nanarantado ka ba?!" asik nito sa driver niya.
"Pare, sandali hindi naman sinasadya," Hinawakan niya ito sa braso para alisin ang kamay sa kuwelyo nang tahimik na si Steve habang nakatitig sa lalaking ito.
Binalingan siya ng lalaki. "Sinisigawan mo ba ako?!"
Alam niyang mataas ang boses niya pero hindi niya intensyon na sigawan ito.
"Pare, hindi kita puwedeng bulungan dito," aniya.
Sa tulong ng kumikislap na iba't ibang kulay ng ilaw sa dance floor ay nabanaagan niya ang pagtiim-bagang nito at panlilisik ng tingin sa kaniya.
"Romel!" tawag dito ng babaeng kasayaw nito. “Hayaan—” naputol ito sa pagsasalita ng itaas ng lalaking ito ang kamay sa harap nito upang patahimikin ito.
Tiningnan siya ng babae at kita sa mga mata nito ang pag-aalala.
“Romel, hindi mo ba siya nakikilala?” tanong ng babae na nginisian lang ng tinanong.
“Wala akong pakialam kahit sino pa siya!” asik nito habang matalim ang titig sa kaniya. “Maraming koneksyon ang Daddy ko. Anak ako ng University Chancellor sa VillaLobos University."
Muntik na siyang matawa.
Tagarito ba talaga ang lalaking ito? Bakit parang hindi siya nito kilala?
Kabilang sa mga premyadong unibersidad ang Villalobos University. Para sa sinumang nasasakupan ng lalawigang ito, karangalan ang makapagtapos sa unibersidad na ito. Halos lahat ng nakapagtapos dito ay naging tituladong tao dala ang pangalan ng unibersidad na ipinatayo ng kaniyang ama, ng unibersidad na pag-aari ng kanilang pamilya.
Sinikap niyang maging kalmado, wala siyang planong patulan ito.
Tiningnan niya ang kamay nitong nakahawak pa rin sa kuwelyo ni Steve bago muling dinala ang tingin kay Romel.
"Bitawan mo na siya at pag-usapan natin ito ng maayos. Kasama ko siya kaya—" naputol ang sasabihin niya nang bigla na lang siya nitong suntukin. Siyapol siya sa panga.
“Sir Gray!” nabahalang sigaw ni Steve.
Pakiwari niya ay nayanig siya dahil sa lakas ng pagkakasuntok nito. Nawalan siya ng balanse at napasandal sa mga nagsasayawan sa paligid nila, dahilan para makuha nila ang atensiyon ng mga ito.
Nagsigawan ang mga ito at iniulot pa sila sa isa't isa. Itinulak siya ng mga ito pabalik kay Romel.
Binitawan nito si Steve at hinarap siya upang magpasikat sa mga taong nasa paligid nila subalit kaagad itong sinunggaban ni Steve at hinataw ng bote ng alak na hawak nito, siyapol sa ulo ang mayabang na ito.
Nabasag ang bote ng alak at tumapon ang laman sa sahig.
Sumuray si Romel at tila sandaling nadismayo.
Namimilog ang mga mata't bibig niya nang tingnan ito bago idinako ang tingin kay Steve.
Nagsigawan na naman ang mga taong nasa paligid nila na halos dumaig sa ingay ng magaslaw na musika.
Lalapitan sana siya ni Steve pero dalawa sa mga lalaking nakatayo sa likuran nito ay sinunggaban ito at pinigilan sa tigkabila nitong braso, isang lalaki pa ang lumapit dito at walang pakundangang binayo ito ng suntok sa mukha.
"Steve!" nag-aalalang tawag niya sabay lapit dito subalit pinigilan siya ni Romel na heto at mukhang nakabawi na.
Sinulungan siya nito ng suntok pero kaagad siyang nakaiwas at mabilis na binigwasan ito ng kamao, siyapol ito sa mukha at muling napasuray.
Binalingan niyang muli si Steve na kasalukuyang binabayo pa rin ng suntok. "Steve!"
Tiim-bagang na sinunggaban niya ang abalang lalaki sa pagsuntok dito, ngunit naiangat pa lang niya ang kaniyang kanang kamao para sana hatawin ito nang mala-bakal na mga kamay ang pumigil sa magkabila niyang mga braso.
Muling nagsigawan ang mga taong nasa paligid nila na para bang nanonood ng palarong sakitan sa Madison Square Garden sa New York City.
Si Romel ang humataw ng suntok sa kaniya habang pigil siya ng dalawang lalaki sa magkabila niyang mga braso.
"Tama na!" halos mag-hysterical ang babae kanina sa pag-awat kay Romel. "Anak siya ng Gobernador! Hindi n'yo ba siya nakikilala? Anak siya ng Gobernador!" hiyaw pa nito.
Bigla ay huminto ang magaslaw na tugtugin at tumahimik ang paligid kasabay niyan ay ang pagkalat ng liwanag sa dance floor.
Parang may anghel na dumaan, walang kahit na sinong gumagalaw maliban lamang sa kaniya na hindi napigil ang mapalinga sa paligid.
Lahat ng mga mata roon ay nakatutok ang tingin sa mukha niyang nabahidan ng dugo, wari’y kinkilala siya.
"Siya nga ang anak ni Gob.," halos pabulong na sabi ng isa na malapit sa kaniya kaya narinig niya iyon.
"Madilim kanina, hindi ko siya nakilala,” sabi naman ng isa.
"Oh, my gosh! Karangalan kong makita at malapitan siya!" kinikilig namang sabi ng isa pang babae sa likuran nila at akmang lalapitan siya pero maagap itong inawat ng kasama nito.
Nasundan pa ang mga bulungan sa paligid hanggang sa umugong iyon habang ang ilan sa mga ito ay kumuha ng video sa kaganapang iyan.
"Tumahimik nga kayo!" Galit na saway naman ni Romel sa mga taong nagbubulungan sa paligid bago siya tiningnan.
Dinaan niya sa tingin ang pang-iinsulto at pang-uuyam dito.
"Wala akong pakialam kung anak ka ng Gobernador!” asik nito sa kaniya. "Sa lugar na ito pantay-pantay tayo at wala kang karapatang magpasiga-siga rito!” Dinuro pa siya nito matapos ang sinabi.
Ngumisi siya. “Sana lang naririnig mo ang sarili mo,” may bahid ng panunuya na sabi niya rito.
Nagsaltik ang mga bagang nito kasabay ang pag-angat ng kamao para hatawin siya sa mukha.
"Hold your fu.cking fist and sit your ass down on the floor!" Maawtoridad na utos ng boses babae buhat sa likuran niya sa gitna ng umpukan ng mga tao.
Halos lahat sila ay napatingin sa nagmamay-ari ng boses.
Pasinghap siyang napangisi nang makita si Emerald na humahakbang palapit sa kinaroroonan nila.
"At sino ka naman para utus-utusan ako?!" nakaarko ang kilay na tanong dito ni Romel.
"Ako si Emerald Del Campo… VillaLobos," pagpapakilala nito sa sarili habang hinuhubad ang suot na jacket. "At ang lalaking nasa harap mo… ay tatay ko," dugtong nito na siyang nagpakunot ng sobra sa kaniyang noo.
Kaiba rin ang trip ng isang ito.
‘Ako, tatay niya? Lokong ‘to ah. Mukha na ba akong tatay!?’ angal niya sa isip.
Umugong na naman ang bulungan sa paligid kasabay ang mahinang tawanan.
Ngumisi si Romel. "So, what? Wala ka namang kayang gawin para rito sa Tatay mong lampa," sarkastikong sabi nito sabay duro na naman sa kaniya.
Napatiim-bagang siya at ninais na sunggaban ito ngunit hindi siya pinahintulutan ng dalawang lalaki sa tabi niya.
Tiningnan siya ni Emerald kaya naman inis na iniiwas niya ang kaniyang tingin dito. Pakiramdam niya ay pinagtatawanan siya nito, bagay na mas nagpainit ng dugo niya rito.
"So what din kung lampa ang tatay ko?” nakatikwas ang kilay na banat naman nito bago muling tumingin kay Romel. “Hindi naman ako nagmana sa kaniya.”
Malaki ang awang ang bibig niya na muli siyang napatingin kay Emerald matapos marinig ang sinabi nito.
Inihagis nito sa harap niya ang hinubad nitong jacket bago siya sinulyapan habang lumalakad palapit sa kanila.
Pinukol niya ito ng matalim na tingin.
Ang babae talagang ito, pinaiinit pa rin talaga ang ulo niya kahit sa pagkakataong ito.
Huminto ito sa harapan mismo ni Romel at tumingin dito ng diretso. "And if you ask what I can do, I can make your ass sit on the floor the way I want,” nanghahamon ang tonong sabi nito kay Romel bago isinuksok ang dalawang kamay sa tigkabilang bulsa ng suot nitong pantalong maong.
Pagak na tumawa si Romel maging siya ay hindi napigil ang mapangisi.
Sino nga ba naman ang maniniwala na magagawa ni Emerald ang sinabi nito.
Balingkinitan lang ang katawan nito at babaeng-babae kumilos, habang si Romel gaya niya ay matangkad at matipuno ang pangangatawan.
"Hey, sexy lady, gusto kong ipaalam sa'yo, pumapatol ako kahit na sa magandang babaeng gaya mo," tumatawang sabi ni Romel kay Emerald.
Tumikwas ang kaliwang kilay ng madrasta niya habang nakatitig dito. Pumihit ito patalikod kay Romel, humarap sa mga taong naroon at kalmadong iginala ang tingin.
Natahimik ang mga naroon at tila ipinararating kay Emerald ang maagang pakikiramay.
Patuloy sa pagtawa si Romel na ikinaiinis niya hindi dahil iniinsulto nito ang pagka.babae ng kaniyang madrasta kun’di dahil masyado itong mayabang.
Tiningnan niya si Steve na nang sandaling iyan ay duguan at bahagya ng namamaga ang mukha habang nakatitig sa kaniya. Nakadama siya ng habag at konsensiya, sa katigasan ng kaniyang ulo ay sinapit nito ang kalagayan ngayon.
Nasa ganiyang ayos siya nang bigla na lamang natahimik ang pagtawa ni Romel kasabay ang pagkalabog nito sa sahig.
Nagsigawan ang mga taong nasa paligid habang siya ay awang ang bibig na napatitig sa pagkakatihaya ni Romel, sapo nito ang sariling dibdib.
Tiningnan niya si Emerald na noon ay nakataas pa sa ere ang kanang paa habang nakaposisyon ang mga braso at nakakuyom ang mga kamao. Ang kabuuang ayos nito ay nakikita lamang niya sa mga blackbelter na tao sa martial arts gaya ni Ricky.
"Astig sumipa ang apo ni Gob," halos korus ng ilan sa paligid sa pagitan ng mga pagtawa.
Napaligid ang tingin niya sa mga taong nakapaligid sa kanila hindi dahil sa reaksyon ng mga ito sa ginawa ni Emerald kun’di napapaisip siya. Bakit parang wala ‘ata talagang ideya ang mga ito na asawa ng kaniyang ama ang babaeng ito?
"Nasa kalagitnaan ako ng aking gana," narinig niyang wika ni Emerald kaya muli siyang napatingin dito. Umayos ito ng tindig habang nakatitig sa namimilipit na si Romel. "Kung may nais pang masalanta sa akin gaya niya, lumapit sa kinatatayuan ko, ngayon na."
Bumitaw ang mga kalalakihang nakahawak sa kanila ni Steve, dahilan para maalarma siya sa pag-aakalang susugurin ng mga ito si Emerald ngunit para lang pala itayo si Romel.
Tiningnan siya ng kaniyang madrasta. "Tumayo ka ng maayos at sikaping makakalakad, uuwi na tayo."
Hindi niya ito pinansin. Tiningnan niya si Steve na noon ay nahihirapang kumilos. Nilapitan niya ito at inalalayang tumayo ng maayos.
***
"MASAYA ka na dahil nainsulto mo ang pagka.lalaki ko?!" galit na paninita niya kay Emerald nang nasa labas na sila ng disco bar.
Pahinamad siya nitong tiningnan habang napapabuntong-hininga.
"Bakit ba nagri-reklamo ka pa imbes na magpasalamat na lang? Tinulungan ka na nga, nagmamatapang ka pa," malumanay ang tonong dakdak nito sa kaniya.
Bumitaw siya sa pagkakaalalay kay Steve at padaskol na hinawakan si Emerald sa balikat nito at ipinihit paharap sa kaniya.
"Huwag mo nga akong pinagmamayabangan!" Halos singhutin niya ito sa galit. "Hindi porque nakatiyamba ka sa lalaking iyon puwede—"
"Gray, puwede bang tama na ang pag-iisip bata?” mahinahong putol nito sa kaniya sabay alis ng kamay niya sa balikat nito. "Tumawag si Steve sa Dad mo kanina at sinabing wala kang bodyguard pero mapilit kang pumunta rito. Sana nakita mo kung paano o gaano nag-alala sa'yo ang iyong ama para sa kaligtasan mo. Sa susunod kung hindi mo kayang ipagtanggol ang sarili mo mas mabuting magkulong ka na lang sa kuwarto.”
“Iniinsulto mo ba ako?!” pigil niya ang kaniyang galit.
"Dala ko ang sasakyan ni Gael,” agkos ay sabi nito imbes na patulan pa ang sinabi niya. “Ipapalam ko lang sa driver na sa kotse mo na ako sasakay." Sinulyapan nito si Steve na noon ay nanlalatang nakahilig sa sasakyan na nakaparada sa tabi nito.
“Hindi kita kailangan sa sasakyan ko!” asik niya rito.
"Ako na ang magda-drive.” Hindi nito pinansin ang sinabi niya. “Tulungan mo si Steve makasakay sa kotse mo at hintayin n'yo ako." Tumalikod ito at nagtungo sa kabilang direksiyon ng parking lot.
Sandali siyang napapikit dahil sa matinding inis kay Emerald. Nang buksan niya ang mga mata ay napasunod na lang siya ng tingin dito hanggang sa marating nito ang sasakyan ng kaniyang ama.
Nakita niyang dinukot ni Emerald ang cellphone sa bulsa nito at itinapat iyon sa tainga nito.
Napakunot ang kaniyang noo nang makita niyang pumihit ito paharap sa kaniya at nagmadaling lumapit pabalik sa kinaroroonan nila.
"Gray, ang Dad mo nasa ospital!" Medyo malayo pa ay sabi na ni Emerald, bakas ang pag-aalala sa tono nito.