BLANGKO ang mukha ni Laureen habang nakatingin sa isang larawan sa peryodiko. Ang totoo ay nagngingitngit ang kalooban niya. Tao lang siya na may damdaming nasasaktan. Hindi siya bulag upang hindi niya makita ang mga nangyayari sa paligid niya. Hindi madali para sa kanya ang ginagawa niyang pagkukunwari. Hindi na yata niya makakasanayan ang lahat. Ayaw nang maging manhid ng buong pagkatao niya. Bumuntong-hininga siya at inilapag ang peryodiko sa mesa.
Hanggang kailan ba ako ganito? Hindi na ba ako magiging masaya kagaya ng iba? Hindi ko ba talaga siya kayang iwan? Hanggang kailan ko kakayanin ang lahat ng pasakit na dulot ng lahat ng ito? Hanggang kailan ko kayang magtiis? Nitong mga nakaraang araw ay natatagpuan niya ang kanyang sariling madalas na itinatanong ang mga bagay na iyon.
Nakapagtataka dahil dati ay nagtatagumpay siyang iwaksi ang lahat ng sakit sa dibdib niya. Ang akala pa nga niya ay naging manhid na ang buong pagkatao niya. Na nakasanayan na niya ang lahat.
Hindi siya maaaring sumuko. Hindi niya maaaring iwan ang marangyang buhay niya ngayon. She had worked hard to be where she was now. Marami na siyang isinakripisyo upang basta na lang isuko ang lahat. Matagal na siyang tumigil sa pag-iyak. Hindi rin magtatagal ay wala na siyang madarama na anumang sakit ng kalooban. Magiging manhid din siya.
“`Morning, Mommy.”
Nakangiting nilingon niya si Sean Raphael, ang apat na taong gulang na anak niyang lalaki. Patungo ito sa kanya. Nasa hardin siya. Handa na ang almusal at hinihintay na lamang niya ito at ang ama nito.
“Good morning, baby,” bati niya.
Kaagad na niyakap niya ang kanyang anak nang makalapit ito sa kanya. Kinandong niya ito at pinupog ng halik ang buong mukha at leeg nito.
Humagikgik ito dahil nakiliti ito. “Mommy, stop!” tili nito.
Niyakap niya ito nang mahigpit na mahigpit. “I love you so much, baby.” Ito ang dahilan ng lahat ng pagtitiis niya, kung bakit ginusto niya ang ganoong buhay. Handa siyang gawin ang lahat para dito. Titiisin niya ang lahat ng sakit para mabigyan ito ng magandang buhay.
“Good morning.”
Natigilan siya nang marinig ang pormal at malamig na tinig ni Raphael mula sa likuran niya. Ibinaba niya sa upuan nito si Sean at nilagyan ng pagkain ang plato nito.
“Good morning,” malamig na tugon niya sa pagbati ng kanyang asawa.
Kanyang asawa. Nais niyang mapangiti nang mapait.
Yes, Raphael was her husband, but he had never really been hers.
“Daddy!” masiglang sabi ni Sean.
“Did you sleep well, big boy?” masuyong tanong ni Raphael sa anak nila. Nawala ang lamig sa tinig nito.
“Yes!” masigla pa ring tugon ni Sean.
Hinagkan nito ang ibabaw ng ulo ng kanilang anak bago ito umupo sa puwesto nito. Tahimik silang nag-almusal.
Inasikaso niya si Sean. Hindi niya pinansin si Raphael na nagbabasa ng peryodiko habang kumakain.
Gusto niya itong sitahin dahil nakalathala na naman ang larawan nito sa society page na may kasamang ibang babae sa isang pagtitipon. Pero nagpigil siya. Ayaw niyang ipakita rito na naaapektuhan at nagseselos siya.
Sa simula pa lang ay hindi na siya mahal nito.
Ngunit sana ay respetuhin siya nito. Hindi ito nakakarinig sa kanya ng kahit ano tungkol sa pambababae nito, ngunit sana ay maging discreet ito. Sana ay isipin nito ang sasabihin at iisipin ng ibang tao sa kanya. Kahit hindi niya sabihin o hilingin, sana ay maisip nito na nasasaktan din siya. She wasn’t really asking for too much, was she?
Marami na ang tumutuya at naaawa sa kanya dahil sa pagiging babaero ng asawa niya. Madalas ay hindi na lang niya pinapansin ang mga iyon pero minsan ay nagsasawa at napupuno na siya. Napapagod na rin siya sa sitwasyon niya.
Tumingin siya sa asawa niya na pormal pa rin ang mukha. Raphael Dunford was a very wealthy and influential businessman in Asia. He was the man she married, but he had never been a husband to her in the true sense of the word.