Mag-a-ala-una na ng madaling-araw pero gising pa rin ang kura paroko ng San Nicolas. Inumaga na siya sa kakadasal para sa mga kaluluwa ng namayapang mahal sa buhay ng mga kababayan. Kahapon ang bisperas ng Araw ng mga Patay kaya nagsidagsaan ang mga tao upang magsimba at magpadasal na rin.
Kinuha ni Pablo mula sa kahon ang huling sulat para sa pagpapadasal. Subalit, imbis na panalangin para sa namatay ang hiling nito, love life pala ang nais.
"Dear Father Pablo,
Sana po, mapasagot ko ang love of my life na si Amelita. Dalawang taon ko na siyang nililigawan kaya sana naman, maisama ako sa panalangin mo. Malapit na ang Disyembre at sana hindi naman manlamig ang Pasko ko.
Gumagalang,
Norman
P.S.
"Ayos din ito," natatawang binulong ng pari habang inutupi ulit ang papel. "Sa undas pa makiki-Valentine!"
Wala man sa tamang panahon ang hiling ni Norman, pinagbigyan na rin niya ito at ipinagdasal. Nag-sign of the cross na siya upang tapusin ang pananalangin. Tumayo siya at pumunta sa may likuran ng Simbahan kung saan naroon ang mga kandilang inilagay ng mga parokyano. Nang mapansin na may mga natumba o namatay ang apoy, inisa-isa niyang itayo at pailawin ulit ang mga iyon.
Habang abalang inaayos ang mga kandila, nasagi ng mga mata niya ang isang anino. Palapit ito nang palapit sa may pintuan kaya bahagyang nabagabag siya. Inakala pa niya na isang demonyo o halimaw ang magpaparamdam sa kanya dahil kita sa dilim na may patulis na mga tainga, apat na paa at mahabang buntot pa ito.
Pinakiramdaman niya ang nasabing nilalang pero nagtaka niya dahil kakaiba ang antas nito na hindi pang-espiritu o kaluluwa ng tao. Dahan-dahan siyang sumilip sa may pintuan subalit wala naman siyang nakitang kakatwa. Iginala pa niya ang tingin sa labas upang makasiguro pero mukhang siya lang ang naroon. Isasara na sana muna niya ang pintuan ng Simbahan pero biglang may nagsalita mula sa baba.
"Meow!" sinambit ng matinis na boses.
Napakurap-kurap si Pablo nang makita ang itim na pusang nakatingala sa kanya. Dahil sa dilim, mas tumingkad ang orange na mga mata nito na kinatakutan pa noon ng nakararami. Nakaawang ang mga bibig nito na tila ba nakangiti pa, kaya lumantad ang mapuputi at matatalas na pangil.
"Ka-cute mo naman!" Imbis na magulat o masindak ay tuwang-tuwa pa
niyang binati ang naliligaw na hayop. Yumuko pa siya upang haplusin ang makintab na balahibo nito. "Anong nangyari sa iyo? Bakit narito ka?"
"Meow!" tugon nito sa kanya. "Meow! Meow!"
Mas lumapit ito sa kanya at dumikit na parang nakikiusap na kupkupin muna. Nagsumiksik pa ito sa ilalim ng suot na abito upang hindi maitaboy.
"Meow!" desperadong panawagan nito.
"Sandali, hindi ako marunong magsalita katulad ng pusa," masuyong pinagsabihan na niya ang kaluluwa ni Misty, isang pusang kalye na gumagala-gala noon sa kanto ng F. Tañedo.
Dinampot na niya ang pusa at ipinasok sa Simbahan. Nanlalaki ang mga matang pinagmasdan ng hayop ang mga kandila at rebulto ng mga anghel at santo. May kaunting takot man na nararamdaman ay kumalma na siya nang mapagtantong mabuting tao naman ang nakakita sa kanya.
Pinakawalan niya si Misty at pinaupo sa tabi. Marahan niyang hinawakan ito upang magkaroon ng koneksyon ang kanilang kaluluwa at magkaintindihan na. Sa kamatayan ng mortal na katawan, wala nang balakid ang mga lenggwahe kaya posibleng maintindihan niya ang mga sinasabi nila, mapahayop o banyagang tao man.
"Kuya, anong ginagawa mo?" pag-uusisa ng pusa habang namimilog ang mga matang pinagmamasdan ang lalaki na nakapikit at nakahawak pa sa ulo niya.
"Ayan! Dinig na kita!" napabulalas na ni Pablo nang maintindihan na sa wakas ang bisita. "Naiintindihan mo rin ba ako?"
"Opo, naiintindihan ko naman kayong mga tao kahit noon pa," sabik na pagtatapat ni Misty dahil unang pagkakataon na may makakausap siyang tao na nauunawaan ang mga salita niya. Ganoon pa man ay napayuko siya at bahagyang nalungkot nang mapagtantong kahit na ang amo niya noon ay nanghuhula lang sa mga sinasabi niya.
"Pero po, mukhang hindi niyo ako naiintindihan..."
Bahagyang lumakas ang hangin at nanganib na mamatay ulit ang apoy sa mga kandila kaya napatayo na ang pari at isinara muna ang pinto. Tahimik lang siyang pinagmasdan ng pusa habang inaayos ang ilang natumbang kandila. Pagbalik ay masuyong pinagpatuloy nito ang pakikipagkuwentuhan sa kanya na para bang isa rin siyang tao na nararapat ng aruga at atensyon.
"Ano nga bang pangalan mo, Hija?" pagtatanong na ni Pablo nang mapansing naging malungkot ang ekspresyon ng kausap. Naiintindihan niya na mahirap nga ang lagay nito na gusto man makausap ang amo ay hindi maaari dahil sa hadlang ng lenggwahe ng mga tao at hayop. Hindi rin niya maintindihan kung bakit sinadyang ganoon ng Panginoon pero ang tanging alam niya ay nararapat na maging mabuti sa mga alagang hayop dahil sadyang napagmahal ang mga ito. Marahil, nilikha sila upang maging karamay at kaibigan.
"Misty po," matamlay na tugon nito.
"Ako si Pablo," pagpapakilala rin niya. "Pwede ba tayong maging magkaibigan, Misty?"
Naging maligaya na ang reaksyon ng pusa sa alok niya dahil matagal-tagal na rin itong walang kaibigang tao at salat pa sa atensyon. Mahirap ang buhay sa kalye kaya kahit mga kapwa pusa ay kanya-kanya ang pamumuhay. Naroon na ang pag-iwas sa masasamang tao at pakikipaglaban sa ibang mga hayop upang makakuha ng makakain. Masayang-masaya siya ngayon na kahit kaluluwa na lamang, nakahanap pa siya ng bagong kaibigan.
"Opo!"
Inilahad ng pari ang palad niya upang makipag-shake hands sa pusa. Inilapat naman ni Misty ang kanang paa nito sa harapan bilang tugon.
"Matanong ko lang, bakit ka nga ba naririto? May amo ka ba?" pag-uusisa na ni Pablo dahil napansin niyang sa lagay ng pusa, kamamatay pa lang nito. Nais sana niyang hanapin ang katawan at maibalik sa may-ari para mabigyan naman ng disenteng libing.
"Meron po akong naging amo, pero nauna na siyang pumunta sa heaven," pagtatapat niya na may bahid pa rin ng pangungulila.
"Nasa heaven?" pag-uulit ng pari. "Wala na siya rito sa lupa?'
"Opo, tatlong taon na po siyang umakyat kay Papa God..."
Napabuntong-hininga si Misty habang inaalala ang masasayang sandali na magkasama pa sila ng pinakamamahal na tagapag-alagang si Joan. Hindi naman talaga siya lumaking pagala-gala pero simula noong maulila, pinalayas na siya ng pamilya nito.
"Hindi ko po siya makakalimutan kahit kailan kasi parang nanay ko na siya. Miss na miss ko na nga siya," malungkot na paninimula na niyang magkuwento. Tinignan niya si Pablo at tinantya kung ayos lang ba na maglahad ng kanyang istorya na matagal na niyang kinikimkim sa puso. Ngumiti naman ito sa kanya kaya naging senyales ito sa kanya na makikinig ito at handa pa siyang damayan.
"Siguro, napakabait ng amo mo," pang-eengganyo niyang maglabas ng saloobin at magsalita pa ang hayop. Sa ganoong paraan, mas napapabilis at lumalaki ang pagkakataong makita niya ang liwanag.
"Gusto mo bang pag-usapan natin siya?"
"Opo, sobrang bait ni Joan!" pagsang-ayon naman nito kaagad. "Pero, hindi po ba ako nakakaabala?"
"Hindi ka abala sa akin, Misty." paniniguro niya sa pusa kaya hindi na ito nag-alangang makipagkuwentuhan.
Dumapa na ito sa kahoy na upuan at pansamantalang ipinikit ang mga mata.
"Tandang-tanda ko pa rin, labing-isang taon na ang nakalilipas, unang beses kaming nagkita sa parke," paninimula na niya.
"Kuting pa lang ako noon, pero itinapon na ako sa basurahan ng amo ng aking ina dahil kulay itim daw ako. Hindi ko maintindihan kung anong kinalaman ng aking balahibo pero paulit-ulit kong narinig na malas daw ako. Umasa ako na babalikan pa nila pero lumipas ang magdamag at mag-isa pa rin ako.
Umiyak ako at humingi ng tulong hanggang sa namaos na ako. Rinig ko ang pagdaan ng mga tao pero ni isa, wala man lang pumansin sa akin. Lumipas ang isang raw at hinang-hina na ako nang dahil sa gutom at uhaw. Akala ko ay katapusan ko na hanggang sa may narinig akong mga batang naglalaro. Sa isa pang pagkakataon, pinilit ko ang sarili na sumigaw at magbakasakaling may sasaklolo na.
Laking-pasasalamat ko dahil may nakapansin sa tinig ko. Rinig ko ang nagmamadaling yabag ng mga paa niya na papalapit sa kinaroroonan ko kaya mas nilakasan ko ang pag-iyak.
"Shhh...may naririnig akong pusa," pinagsabihan niya ang mga kalaro upang manahimik.
"Marami naman talagang pusang gala rito, huwag mo nang pansinin!" pag-awat sa kanya ng mga kasamahang abala pa rin sa paglalaro ng tumbang-preso.
"Hindi, kawawa naman! Parang kuting lang!"
"Meow! Nandito po ako!" pagtawag ko upang mapuntahan niya. Sinubukan ko nang tumalon pero nabigo akong makaalis sa basurahan dahil malalim ang lalagyan at mahina pa ang mga paa ko. Swerte ko rin naman na sa kakakilos ko, natumba ang lata kaya napansin na niya akong gumulong palabas.
"Ayun! May kuting nga!"
Patakbo siyang nagtungo sa akin at dinampot ako mula sa damuhan. Hinaplos-haplos pa niya ang balahibo ko at inobserba kung may pinsala ba. Napakunot ang noo niya nang makitang may gasgas ako sa ulo.
"OK ka lang ba, Muning?" pangungumusta niya sa akin.
"Hala, itim!" sinigaw ng isang bata na may kalakihan ang pangangatawan at mukhang sutil.
"Malas daw 'yan!"
"Baka aswang at kagatin ka pa!"
"Bitiwan mo 'yan, Joan!" sunud-sunod na pagbawal nila sa kanya na hawakan ako.
"Ngi, malas dahil itim?" pagkontra niya sa mga kalaro na iniengganyo siyang iwan ako at pabayaan. "E 'di sana malas din tayo kasi itim ang mga buhok natin? 'Di totoo 'yun! Sabi-sabi lang ng matatanda!"
"Ewan namin! Basta kung hindi mo 'yan bibitiwan, 'di ka na pwedeng makipaglaro sa amin!" pagbabanta ng sutil na bata habang nakapaywang.
Napikon at nalungkot si Joan dahil sa pagtatakwil ng mga kaibigan. Nakaramdam ako ng pagkabahala na baka nga iwan niya ako alang-alang sa mga kalaro. Subalit, malayo sa inaasahan, pinili niya ako at siya na mismo ang kusang lumayo sa kanila.
Karga-karga ako, walang pagdadalawang-isip na inuwi niya ako sa tahanan kung saan nananahan ang pamilyang Pineda. Doon ay nilinis niya ang aking sugat at pinakain ng kanin na hinaluan ng isda. Pagkatapos ay nilagay muna niya ako sa kahon na may diyaryo kung saan hinayaan niya akong magpahinga muna.
Madilim-dilim na nang marinig ko ang boses ng isang babae na tila ba nagagalit. Nagising ako sa lakas ng kanyang boses kaya natakot ako at nagsumiksik sa loob ng kahon. Nangatog ang katawan ko nang sumilip pa ito sa kinaroroonan ko at bakas nga sa ekspresyon niya ang pagkadismaya.
"Bakit naman sa lahat ng kukunin mong pusa, itim pa? Malas 'yan!" pinagalitan pa ng ina si Joan. Kinuha niya ang kahon at akmang ilalabas na sana pero pinigil siya ng anak.
"Hindi ba, magbe-birthday na ako sa isang linggo?" pakikiusap na niya kasabay ng pagbawi sa kahon mula sa ina. "Ayaw ko na ng bisikleta. 'Yan na lang ang regalo ko."
"Hay naku, Joan naman!" Napabuntong-hininga na lang si Mrs. Pineda dahil sa hiling ng kaisa-isang anak. "Hindi naman kita pinagbabawalang magkapusa. Ang sa akin lang e huwag itim! Maraming ibang kulay, palitan na lang natin!"
"Hindi, Ma, siya ang gusto ko!" pagmamatigas pa rin niya kahit nagkasunud-sunod na sermon pa ang natanggap. Sa bandang huli ay pumayag na ang ginang dahil kinampihan din ng tatay si Joan at sinabing walang problema kung magkakaroon man ng pusang itim.
"Huwag kang maniwala kay Mama," tuwang-tuwa na iniangat niya ako sa ere at pagkatapos ay yinakap. Umikot-ikot pa siya dahil nagtagumpay siya sa nais na maampon ako at nangako pa ang tatay na nagkapusa na nga siya, may bisikleta pang matatanggap sa kaarawan. "Para sa akin, pampaswerte kita!"
"Ano kayang ipapangalan ko sa iyo?" kasunod na pagtatanong naman niya habang nakadungaw kaming dalawa sa may bintana. Nagkataong umaambon at mahamog ang salaming bintana kaya naisipan niyang bigyan ako ng kakaiba pero espesyal na pangalan.
"Ah, Misty!" napabulalas niya.
"Meow!" pagsang-ayon ko kaagad dahil maging ako ay natuwa sa tunog niyon. Kusang gumalaw-galaw ang buntot ko nang dahil sa saya. "Ako si Misty!"
"Parang happy ka, a!"
"Meow! Oo, masayang-masaya ako!" deklarasyon ko, kahit hindi niya naiintindihan ang pagkasabik ko.
Simila noon ay naging best friends na kami. Maging sa pagkain at pagtulog ay sabay kami palagi. Kung hindi lang ako pusa, marahil ay mapagkakamalan pa kaming magkapatid dahil kung ituring niya ako ay parang nakababata. Kung ano ang kinakain niya, siya rin ang ibinibigay sa akin. Sa pangangalaga niya, hindi ko natikman ang pagkain ng tira-tira lamang.
Subalit nagkaroon ng malaking pagsubok ang maligaya naming mga araw. Isang hapon, pagkatapos ng klase, umuwing matamlay si Joan. Ang inaakalang panaka-nakang lagnat at pagkakaroon ng mga pasa sa katawan ay nauwi sa pagkaratay hanggang sa nadala na siya sa ospital. Pagbalik mula sa pagamutan, masamang balita na ang nalaman ko.
Mayroon siyang leukemia at sinabi ng manggagamot na agresibo ang cancer. Tinaningan na siya ng mga doktor na baka tatlong buwan na lamang ang itatagal.
Nang dahil sa sakit niya, hindi muna ako pinahintulutan ng mga magulang na lumapit sa kanya. Pinagbabawalan man, hindi ko matiiis na hayaan siyang mag-isa at gusto ko rin siyang kumustahin. Nang maiwan ni Mrs. Pineda na bukas ang pintuan, sinamantala ko ang pagkakataon na pumasok pero nahuli naman ako.
"Peste ka!" sinigaw ng ginang na ikinagulat ko. Akmang aalis na sana ako pero nahablot naman niya ang aking buntot kaya nabigla ako at nakalmot siya. Ako rin ay nagulat sa akto na hindi sinasadya. Bilang ganti hinubad niya ang suot sa paa at pinagpapalo ako.
"Meow! Sorry po!" pagsusumamo ko habang tinitiis ang paghampas ng tsinelas sa katawan ko. "Gusto ko lang naman makita si Joan! Pasensya na po!"
"Ma!" pag-awat na ng amo ko sa pagmamalupit ng ina. Hinang-hina man ay sinikap niyang tumayo pero napahiga rin kaagad nang dahil sa pagkahilo. "Huwag mong sasaktan si Misty!"
"Kasalanan kasi niya kung bakit ka nagkasakit!" pagdadahilan ng kanyang ina. Nagmamadali itong inalalayan ang anak upang makahiga nang maayos. Bakas sa mukha ni Mrs. Pineda ang pag-aalala at pagdadalamhati dahil sa kalagayan ni Joan. "Ayaw mo kasing makinig sa akin noon pa! Malas ang pusang 'yan!"
"Wala po siyang...kasalanan..." habol ang hiningang pinagsabihan niya ang nanay. "Lahat naman ng tao...pwedeng magkasakit. Nagkataon lang ito. Walang kinalaman ang pusa ko."
Napalugmok na lang sa may upuan ang ginang dahil ayaw na rin niyang makipagdiskusyon sa maysakit na anak. Matalim man ang pagtitig sa akin, hinayaan na niya akong makapasok ng silid.
"Misty," masuyong pagtawag niya sa akin. Inilahad niya ang mga kamay upang ayain akong lumapit. Kaagad naman akong tumugon sa imbitasyon at tumalon sa kinahihigan niya. Idinikit ko ang ulo sa mukha niya bilang pagbati. Pagkatapos ay tumabi ako sa gilid niya upang iparamdam ang pagdamay ko at mabantayan na rin.
"Na-miss kita, baby ko," malambing na sinambit niya kasabay ng paghaplos sa ulo ko. "Pwede mo ba akong samahan matulog ngayon?"
"Meow! Oo, sasamahan kita kahit saan ka pa pumunta!" pangako ko sa kanya.
Kinagabihan, nagising ako nang may narinig na paglagitik ng mga dahon sa labas. Kaagad akong napatayo upang tignan kung maayos pa ba ang kalagayan ni Joan. Nakahinga ako nang maluwag nang masigurong natutulog lamang siya.
"Sana, gumaling na siya," tahimik kong pananalangin sa Diyos.
"Sana po, sabay kaming tumanda at matagal pa kaming magkasama..."
Marahil, hindi ganoon kalakas ang tinig ko upang marinig ng Tagalikha dahil imbis na umayos siya, ipapakuha pa pala siya kay Kamatayan.
Bumilis ang t***k ng aking puso nang mabilos na lumapit sa may bintana ang itim na anino. Batid ko na iyon ang sundo ng mga mamamatay na kaya hinarangan ko siya bago pa man makapasok sa silid.
"Diyan ka lang!" nagtatapang-tapangan na pagsita ko sa nilalang na 'di hamak na mas mataas ang antas sa akin na hayop lamang. "Huwag kang papasok!'
Ramdam ko ang pagtaas ng mga balahibo ko nang maibaling niya ang mga matang mala-apoy sa akin at lumapit. Ibinaba niya ang suot na kapa kaya lumantad sa paningin ko ang isang anghel.
Hindi ko inaasahan na ang Tagasundo pala ay napakagandang lalaki, malayo sa mga sinasabi ng mga tao. Kulay platino ang buhok nito at napakaamo pa ng mukha. Tila ba gatas ang kanyang kutis na nagniningning pa sa kaunting liwanag na nagmumula sa buwan. Kung siya nga si Kamatayan, marahil ay hindi nga matatakot sa kanya ang sinusundong mga kaluluwa.
"Hmmm, matapang ka, Pusa," seryosong pahayag niya habang pinagmamasdan ako. Yumuko pa siya upang matitigan ako sa mga mata. Maya't maya ay tumagos pa rin siya sa dingding at lumapit sa hinihigan ni Joan. Sa takot na kunin na niya ang amo ko, kinagat ko ang damit niya at hinila.
"Huwag niyo po muna siyang kukunin!" pakikiusap ko sa kanya habang pilit siyang inilalayo. Dumulas lang ako sa sahig habang naglalakad siya kaya walang epekto ang katiting na lakas ko kumpara sa kanya.
"Muning, ginagawa ko lang ang trabaho ko," kalmadong pagpapaliwanag niya. Dinampot niya ako sa may batok at ipinatong sa katabing mesa. Nilabas niya mula sa bulsa ang itim na notebook at binasa para sa akin ang nakasulat doon.
"Joan Q. Pineda. Oras ng Kamatayan: Ika-anim ng Hunyo, taong 1959, 2 o'clock ng madaling-araw," Tinuro pa niya ang mga letra sa akin na hindi ko naman maintindihan. "Ayan ang pruweba, oras na talaga ng amo mo."
Tinalikuran na niya ako at umupo sa may tabi ni Joan na mahimbing pa rin na natutulog. Tumalon ako sa higaan upang harapin siya kahit na alam kong walang laban sa isa sa mga pinakamalakas na angel.
"Huwag matigas ang ulo. Ito ang kapalaran ng amo mo kaya kailangan mo nang tanggapin."
Napagtanto ko na kahit anong pakiusap, hindi pa rin niya iiwanan si Joan. Dahil desperado na akong mailigtas siya, naisip ko na magsakripisyo ng isa sa siyam ng aking buhay upang mabuhay siya. Sa pagkakaalam ko, kami raw ang bukod-tanging may ganoong regalo. Kung totoo man, kahit isang libong buhay ay handa kong ibuwis para sa amo ko!
"Hindi po ba, may nine lives ako?" pagtatanong ko na.
"Ha?" may pagkagulat na inusal niya.
Kumunot ang noo ng anghel sa katanungan ko. Bahagyang napaawang ang labi niya na para bang nag-aalangan siyang sumagot.
"Bakit gusto mong malaman?" pagbabalik din niya sa akin ng tanong.
"Baka pwedeng kunin niyo na 'yun isa!" pakikipagkasundo ko.
Napahawak sa batok si Kamatayan nang marinig ang sinabi ko. Napatingin pa siya sa may kisame na para bang nag-iisip kung pagbibigyan ba ako o hindi. Maya't maya ay hindi na niya napigilang matawa.
"Bakit po kayo tumatawa?" may pagkainis na inusisa ko. "Dahil lang ba sa pusa ako, katawa-tawa na ako?"
Nang mapansing desidido akong nakikipagkasundo, umubo siya at sinikap na magseryoso.
"Misty, pansamantala lang ang ihahaba ng buhay ni Joan kumpara sa isasakripisyo mo," pagpapaalala niya sa akin. "Maaaring isang taon o ilang buwan lang ang itatagal niya kaya sayang lang ang ibibigay mo."
"Pero po, may matitira pa naman akong eight lives. Baka sasapat na iyon para magawa na niya ang mga gusto niya sa buhay!"
Ilang sandali rin natahimik ang Tagasundo habang kinukunsidera ang panukala ko. Kung kanina ay malamig ang pakikitungo niya sa akin, napansin ko na tinablan na rin siya ng awa at simpatya.
"Pag-isipan mo munang maigi. Bakit mo ba talaga ginagawa ito para sa kanya?" pag-uusyoso niya. Kinuha niya muli sa bulsa ang notebook at hinintay ang kasagutan ko.
"Kasi, iniligtas niya ako noong kuting pa kaya isa ito sa paraan upang mabayaran ang kabutihan niya sa akin," pagpapaliwanag ko sa kanya na bakas sa reaksyon pa rin ang pagtataka at kuryosidad.
"Atsaka, mahal ko siya," buong katapatan na pinahayag ko. "Siya kasi ang nanay-nanayan ko..."
"Mahal? Ganito pala magmahal ang isang pusa," aniya habang binubura na ang pangalan sa lathaan ang pangalan ni Joan. "Dahil kakaiba ang kaso mo, pagbibigyan kita."
Nakahinga na ako nang maluwag dahil nakumbinsi ko na siya. Nanginginig na napaupo na ako dahil kahit kanina pa ako nagtatapang-tapangan, sa kaloob-looban ay takot na takot naman ako sa paghahamon sa isang anghel.
"Pero hindi ko pa rin masisigurado kung kailan ko siya mababalikan. Maaaring sa isang linggo, buwan o maswerte ka, taon. Basta tandaan mo, pansamantala lamang ito at walang sisihan," pagsasabi niya sa akin ng tunay na sitwasyon.
"Naiintindihan ko po," pagsang-ayon ko sa kasunduan. "Handa na akong ibigay ang isang buhay ko para kay Joan!"
"Kung ganoon, masusunod," pagpayag na niya. Bahagya niyang tinapik ang aking ulo kaya kaagad akong nakaramdam ng antok. Umikot at magdilim ang aking paningin at hindi ko na namalayang nahimatay na pala ko. Nagising na lang ako nang maramdamang gumagalaw si Joan sa higaan.
Dalawang araw din akong naging antukin nang dahil sa nawalang isang parte ng siyam na buhay ko. Ganoon pa man ay sulit ang sakripisyo dahil naging masigla ulit ang amo ko. Hindi nila maintindihan buong pamilya kung paano nangyari iyon pero inisip nila na isa iyong milagro mula sa Diyos.
Sa loob ng apat na taon, sa bawat magkikita kami ng Tagasundo ay alam ko na kailangang magbigay ulit ng buhay. Hindi ko na pinansin ang nawawala sa akin dahil maligaya akong makasama si Joan at nakikita ko rin na natutupad niya ang mga pangarap sa buhay. Makita lang siya na malusog at ligtas ay masayang-masaya na ako.
Dumaan pa ang isang taon at hindi siya nagkakasakit kaya umasa ako na hindi na babalik pa si Kamatayan.
Pero, nagkamali ako...
Gaya ng ng babala niya noon, pansamantala lang ang lahat.
Bisperas, bago ang ika-eighteenth birthday ni Joan, hindi na pala sapat ang huling buhay ko upang mailigtas siya.
Bago mag-umaga, kung kailan sana siya magdiriwang ng kaarawan, susunduin na pala siya. Nakahanda man ang gown na isusuot, naimbitahan na ang mga bisita, at planado nag selebrasyon, wala talagang pinipiling oras ang kamatayan.
Mahimbing pa akong natutulog nang maramdaman ko na may dumaang malamig na hangin. Muli ay bumungad sa akin ang anghel na mahigit limang taon na rin akong pinagbibigyan. Napabalikwas ako ng pagbangon upang makiusap muli
"Birthday po niya maya-maya..."
"Misty," paggambala na niya dahil alam na niya ang hihilingin ko. "Hindi na kita mapagbibigyan pa dahil huling buhay mo na 'yan."
Nanlumo ako sa ipinagtapat niya. Ganoon pa man ay sinubukan ko pa rin na makiusap na sana hayaan lang munang matapos ang selebrasyon. Nais ko sanang maranasan ni Joan ang debut. Tatlong buwan na kasi niyang pinaplano iyon at makailang beses na niyang sinabi sa akin na excited siya. Kahit doon man lang sana, umasa ako na mapagbibigyan.
"Baka pwedeng...huwag mo muna siyang kukunin...sa makalawa n-"
Natigilan na ako nang may humaplos sa aking ulo. Pagtingala ko ay nakita ko na nakatingin sa akin si Joan. Gaya ng dati ay puno pa rin iyon ng pagmamahal pero may isang bagay nang nawawala. Kung noon ay puno pa ng buhay ang kanyang mga mata, ngayon ay tila ba bakante na.
"Hindi!" hiyaw ng aking isipan.
Pagtingin ko sa higaan ay naroon pa ang mortal na katawan ng amo ko. Kusang humiwalay na pala ang kaluluwa niya nang hindi ko nalalaman kaya napaiyak na lang ako. Mabilis siyang lumutang sa ere at sumunod sa Tagasundo nang walang tanung-tanong pa.
"Joan, huwag mo akong iiwanan!" pagmamakaawa ko habang hinahabol pa siya. Kinagat ko pa sa may laylayan ng damit ang anghel upang bitiwan ang kaluluwa ng amo ko. Humarang ako sa lagusan na naghahati sa mundo ng mga buhay at pumanaw na upang hindi siya matangay.
"Pakiusap, ibalik mo siya!"
Napalingon sa akin ang kaluluwa ni Joan nang dahil sa panawagan ko. Bakas sa kanyang mukha ang pagkagulat nang mapagtanto ang ipinahihiwatig ko. Sa unang pagkakataon, nang dahil sa pagkamatay niya, naiintindihan na niya ang mga salita ko. Sinamantala ko ang pagkakataon upang masabi ang lahat ng nais ko noong nabubuhay pa siya.
"Hindi ba, magde-debut ka pa? Marami ka pang plano sa buhay!" tumatangis na pinaalala ko.
"Tahan na, tanggap ko nang oras ko na," winika niya habang hinahaplos ang aking ulo. "Lahat ay mamamatay, kailangan nating tanggapin iyon. Ang mahalaga ay magpakabuti tayo para sa langit, magkakasama tayo ulit. Kaya magpapakabait ka, ha? Kapag oras mo na, sasalubungin kita!"
Napagtanto ko na tama nga siya, kahit ano pang laban ang gawin ko para sa kanya, siya rin ay kukunin ng aming Tagalikha. Mortal lang din ako, kaya kahit isakripisyo ko pa ang kahuli-hulian kong buhay, hindi na talaga magtatagal si Joan. Masakit man ay tinanggap ko na ang pagkatalo at hinayaan nang makatawid siya, alang-alang sa kapayapaan at kaligayahan na naghihintay sa kanya.
"Alam mo na ikaw ang naging nanay ko kahit inayawan na ako ng lahat," nagmamadaling pagtatapat ko na dahil kaunting panahon na lang ang nalalabi na magkakasama pa kami. "Salamat sa aruga. Salamat din sa pagmamahal. Hindi mo man naintindihan ito noon pero paulit-ulit kong sasabihin na mahal kita..."
"Mahal din kita, Misty," lumuluhang pahayag din niya. Niyakap niya ako at hinagkan sa ulo. Kaagad din naman niya akong ibinaba at tinalikuran na dahil inaaya na siyang lumisan ng Tagasundo.
"Patawad, Misty, kailangan na muna kitang iwan. Hanggang sa muli..."
Wala akong nagawa kungdi ihatid lamang siya ng tingin habang tumatawid sa liwanag. Malungkot man na magkakalayo kami, inisip ko na lang na hindi na siya maghihirap pa dahil sa pabalik-balik na sakit.
Tumatangis pa rin na bumalik ako sa higaan kung saan naroroon ang labi ni Joan. Kahit wala na talaga siya roon, hinagkan ko ang malamig niyang pisngi at tumabi pa rin. Bilang respeto sa butihing amo, binantayan ko pa rin ang katawan niya sa huling pagkakataon.
Gumimbal sa mag-asawang Pineda ang masamang balita. Hindi nila matanggap na kagabi lamang, maliksi pa ang anak nila at excited pa sa birthday party pero ngayon, pumanaw na pala. Halos mawala sa sarili ang ina ni Joan nang matagpuang wala ng buhay ito.
Muli ay ako na naman ang sinisi ni Mrs. Pineda. Mula sa burol hanggang sa libing, pinagmalupitan niya ako dahil isa raw akong "malas". Kahit ilang palo o sipa pa man ang natanggap, pilit kong inunawa siya dahil masakit nga naman maulila ng anak. Ilang araw na nagtiyaga na lamang ako sa mga tira-tirang pagkain dahil umaasa akong mapapatawad pa rin sa kasalanang ibinibintang niya na hindi ko naman ginusto.
Sa kasamaang-palad, sa ika-dalawang linggo ng pagpanaw ni Joan, sapilitan na akong pinalabas sa bahay. Wala rin naman nagawa si Mr. Pineda dahil malaki nga ang galit sa akin ng asawa at baka mapatay pa nga raw ako. Rinig ko ang sarili na umiiyak at nagmamakaawa sa may pintuan upang papasukin muli pero tuluyan na nila akong pinagtabuyan.
"Layas!" nanlilisik ang mga matang pagpapaalis niya sa akin. Kumuha pa siya ng patpat at hinampas sa akin nang magpumilit na pumasok.
"Meow! Aray!" napahiyaw ako sa sakit nang maramdaman ang pagkalamog ng aking mata. "Wala na po akong matutuluyan! Para na niyong awa, huwag niyo akong palayasin!"
Kahit na anong gawin kong pagsusumamo, isinara na nila ang pintuan ng tahanan sa akin. Maging sa silid ni Joan, kung saan pinanghahawakan ko pa rin sana ang magagandang alaala naming magkasama, ay nawalan na rin ako ng karapatan na dalawin pa.
Nanlalabo man ang paningin dahil sa pagkakahampas sa aking mata, lumakad na ako palayo at sinimulan na ang buhay bilang isang pusang gala. Naisip ko na marahil, mas mainam na ang ganoon kaysa naman palaging mapagmalupitan ni Mrs. Pineda.
Napakahirap ng kalagayan ko lalung-lalo na sa una dahil wala akong kaalam-alam kung paano makahanap ng makakain at masisilungan kapag umuulan. Naroon pa ang mga taong inaakalang malas ako kaya madalas din akong nakatanggap ng pambabato at masasakit na salita. Tinanggap ko ang lahat ng iyon dahil sa isip ko noon, isa lang naman akong pusang itim na malas.
Hindi ko na nabilang ang mga araw na lumipas pero gumising na lang ako na hinahanap-hanap ang tahanan ng aking amo. Tutal naman ay matagal-tagal na rin na sumakabilang-buhay si Joan, umasa ako na napatawad na ng mag-asawa at baka hayaan nang makabalik.
Gumuho ang katiting na pag-asa ko nang makita mula sa bintana na may bago na silang pusa. Napakaganda niya, malayung-malayo sa itsura ko na ordinaryo lamang. Mahaba at malago ang puti niyang balahibo at asul pa ang mga mata. Sa pagkakaalam ko, may lahi siyang banyaga at hindi katulad ng ibang mga pusa na pagala-gala lang sa Pilipinas.
-To be continued-