"Ayan, malapit na! Dig harder! Faster! Faster!" pagchi-cheer ng kaluluwang si Armada kay Pablo habang naghuhukay ito. Gamit ang pala, pinagtitiyagaan niyang tanggalin ang lupa na nagkukubli sa sinasabing poso n***o.
Napailing-iling na lang siya dahil sa kakulitan ni Mrs. San Jose. Medyo naaasiwa na rin siya dahil sa kakasigaw nito na pasalamat siya at hindi na naririnig ng mga nabubuhay pa. Noong mas bata pa at hindi pa nag-aasawa ay soprano at artista pala sa sarsuela ang babae kaya sanay itong magsalita nang napakalakas na ikinauugong ng tainga ng pari.
"Si Armada talaga," naisip na lang niya. "Walang preno ang bibig, parang tren!"
"Bilisan mo pa, Paul!"
"Pablo," pagtatama niya. "Ang pangalan ko ay "Pablo"."
"E basta, mas cute kasi kapag "Paul". Kapag Pablo kasi, parang ang seryoso mo masyado."
"Kung ako ang tatanungin, mas bagay yata sa imahe ko ang seryoso. Kaya sana, tawagin mo na lang ako na "Pablo"."
"Whatever! Basta! Dalian mo na, Paulsky!"
"Sandali lang," medyo nayayamot nang tugon niya sa ginang na minamadali siya kanina pa at pilit iniiba ang kanyang pangalan. Hindi naman ito salbahe pero napakakulit pala at walang tigil ang bibig sa kakadaldal. Halatang kulang sa pansin ang babae kaya sinasamantala nito na makipagkuwentuhan sa lalaki na pinagtitiyagaan at pinakikisamahan din naman siya.
"Bilisan mo pa, excited na ako! Naku, baka sa kupad mo, aabutin pa tayo bukas! Mas malakas pa yata ang lolo ko sa iyo!" pagbibiro pa niya. Umupo na muna siya sa may damuhan habang hinihintay na mahanap ang katawan niya.
"Makakatulog pa yata ako..." pabulong-bulong na pahabol pa niya.
Huminto ang pari at napasimangot dahil sa kakatalak nito at minaliit pa ang kakayahan niya. Pakunwaring iniaabot na lang niya ang pala sa babae upang manahimik na ito sa kakasalita.
"Ikaw na kaya ang maghukay, neh?" suhestiyon niya rito. "Atat ka e, gagad pa!"
"Ikaw naman, o! Nagbibiro lang, haha!" pagbawi rin ni Armada sa mga nasabi kanina lang. Nabahala na rin siya at baka nga naman umurong pa ito sa pagtulong sa kanya kaya kaagad siyang humingi ng dispensa.
"Sorry na, nagalit ba kita?Pagpasensyahan mo na ako, ilang buwan din kasi ako walang kausap kaya yata nagkakaganito ako. Huwag mo na lang akong pansinin."
"Hindi ako galit," aniya sa kausap. "Sanay na ako sa pangungulit niyong mga kaluluwa pero hinay-hinay lang kasi mahina ang kalaban. Tao lang din ako, hindi si Superman. Sana mainitindihan niyo rin ako."
"Sorry na talaga," paghingi muli ng pasensya nito sa kanya. "Ina-appreciate ko itong tulong mo, sobra! Siguro, kung iba, aayaw na kasi matrabaho na nga, marumi pa. Kaya salamat talaga!"
"OK lang. Walang problema," sinambit niya habang inaangat mula sa lupa ang mga batong pinantambak sa poso n***o.
"Sa ngayon, medyo malalim pa ang huhukayin ko. Mahusay ang pagkakatakip dito para 'di talaga mahanap ang bangkay mo," pagpapaliwanag niya habang pinupunusan ang pawis sa noo gamit ang manggas ng damit. "Sa tantya ko, aabutin na tayo ng umaga rito."
Pinagpatuloy lang niya ang paghuhukay hanggang sa may matamaang matigas ang pala.
"Ano kaya ito?" napatanong na siya habang kinakapa iyon.
"Pintuan?"
"Oo, bago kasi ginawang poso n***o ito, ginawa munang basement noong panahon ng giyera," paglalahad ni Armada. "Kaya secured na secured ang area at pasadya pa ang mga pintuan. Marahil, iyan ang dahilan kung bakit naisip ng mister ko na diyan ako ilibing kasi walang makakahanap."
Hinatak ni Pablo ang bakal na pintuan pero hindi ito nabuksan. Napansin niya na may kadena at kandado pa pala ito. Umakyat muna siya sa kinaroroonan ni Mrs. San Jose at kumuha ng safety pin mula sa bag upang mabuksan iyon. Tagumpay man na mabaklas ang kalawanging kadena, dismayado naman siya na may isa pa palang bakal na pintuan.
At, isa pa!
"Ilang pintuan kaya ang meron dito?" pag-uusisa na niya sa ginang.
"Sa pagkakaalam ko, huli na 'yan pangatlo."
"Mabuti naman," sinambit niya habang sinusubukang hatakin iyon pero paabante dapat pala ang pagbukas.
"Patulak dapat para mabuksan," instruksyon sa kanya ni Armada.
Bumwelo siya at itinulak paibaba ang mamasa-masang pintuan pero yumanig lang ng kaunti. Gawa kasi sa makapal na bakal ang harang kaya kakailanganin ng higit pa sa isang tao ang pagbubukas noon.
"May kabigatan pala..."
"Oo, kaya pinagtulungan akong ilibing ng asawa ko at ng kabit niya!" may tono pa rin ng galit na pagsusumbong niya. Muli ay napuno ng poot ang kanyang puso at muntikan pang magdilim ulit ang isipan nang maalala ang pagkaladkad sa kanya sa ilalim ng lupa at paglilibing kahit na buhay pa siya. "Ang kakapal talaga ng mukha! Makita ko lang silang dalawa, tutusukin ko ang mga mata nila para makapaghiganti!"
"Kalma lang," pag-awat na ni Pablo nang mapansin na dumadaloy muli sa kaluluwa ang negatibong enerhiya. "Ako nang bahala sa dalawang 'yun. Mananagot sila sa batas kahit nagpakalayo-layo pa man sila. At huwag kang mag-alala, ang Diyos ang magiging hukom sa kanila."
"Sana nga," malungkot na binulong na lang ni Armada. Sinikap na lang niyang magpakahinahon upang umiwas na mawala na naman siya sa sarili. Itinuon na lang niya ang pansin sa binatang pinagtitiyagaan siyang tulungan at kausapin kahit na alam niya na medyo nakukulitan na ito.
"Sana rin, lahat ng lalaki, ganito kabuti at kapasensyoso," tahimik niyang hiniling.
"Ideal man..."
Sa isa pang pagkakataon, inipon ni Pablo ang lakas at sinubukang buksan ang pintuan. Nagtagumpay naman siya subalit hindi kaaya-aya ang sumalubong na alingasaw at palutang-lutang na ta* ng mga tao. Aksidente pa niyang nahawakan ang isa nang itulak pa ang lagusan kaya napadasal na lang siya sa langit upang bigyan siya ng sapat na lakas ng loob.
"Sana po, walang bulate 'yun nahawakan ko," pananalangin pa niya habang ipinapahid sa pala ang malagkit na dumi. "Iisipin ko na lang, malaking yema 'yun nahawakan ko!"
"Yema...yema...yema..." paulit-ulit niyang kinumbinsi ang sarili habang pinagmamasdang inaanod ang magkakasunod na dumi.
Bumulwak din ang magkahalong putik, lumot at tubig kaya tumalsik sa balat at damit ang samu't saring elemento. Nais man niyang mandiri ay isinawalang-bahala na lang niya alang-alang sa ikatatahimik ng kaluluwa ni Mrs. San Jose.
"Waaahhh! Ayan na makakapasok ka na! Push pa, konti na lang! Push! Push! Push!" pagtitili naman ni Armada na ikinagulat pa niya. Muntikan pa siyang mapasubsob dahil umugong sa tainga ang napakalakas na boses nito at napakadulas pa nang kinaroroonan niya.
"Ay! Hahahaha!" sabik na sabik na napabulalas, kasabay ng paghalakhak din ng ginang. "Kapag nakapasok ka na, makakarating na ako sa langit!"
Nang dahil sa excitement niya, pati mga duwende na nananatili sa lugar ay nabulabog na. Maging si Pablo ay napailing-iling na lang dahil sa pag-iingay ng babae at mga pinagsasabing parang may misteryong ginagawa kasama ang asawa o mangingibig. Pari man ay alam niya ang mga ganoong bagay dahil lumaki siyang ulila na nakikisama sa iba't ibang klase ng tao at aminadong hindi rin santo. Ganoon pa man, simula nang pasukin ang seminaryo, sinisikap na niyang magpakadisente at iwaglit sa isipan ang malisya ng mga salitang maaaring magmula sa lahat ng nakakausap.
"Uy, ano raw papasok?" narinig niyang nagtatanong sa 'di kalayuan. Dalawang duwende ang sumilip mula sa punso upang mag-usyoso. "May nagde-date ba?"
"Wala!" sinagot ni Pablo sa mga tsismosong nilalang. "Bumalik na kayo sa lungga niyo!"
"Hay, ang sungit mo naman! Akala pa namin, may aksyon!" dismayadong sinabi nito sa kanya. Imbis na iwanan ay inasar at pinagkatuwaan pa nila ang nagtataboy sa kanila. "Baka kulang ka lang sa love life kaya nagmamaldito, hahaha!"
"Aksyon? Sipain kaya kita para makatikim ka ng aksyon!" panunuplado niya sa mapanghimasok na lamanglupa.
"Supladito ang bruho!" pabulong-bulong na sinabi ng mga duwende habang nagtatago ulit sa ilalim ng umbok ng lupa. Nawala man sa paningin ng pari, dinig na dinig pa rin niya na pinagtatawanan siya ng mga ito at ibinalita pa sa mga kasama ang nangyari.
"Baka nga tama sila, kulang ka sa love life," pagsang-ayon ni Armada na mas ikinainis ni Pablo. "Wala ka bang nobya?"
"Kung 'yun love, 'yun tipong pagmamahal sa kapwa, hindi ako kukulangin doon," pagkaklaro na niya sa ginang na nagkakainteres na rin sa personal niyang buhay. Naka-ilang beses na rin siyang nagpaliwanag sa mga umaasang iibig pa siya sa babae kaya hindi na ito bago para sa kanya. Nakukulitan man ay pinagpapasensyahan pa rin niyang sagutin ang mga ito.
"Mahal ko kayo bilang kaibigan o kapamilya, gagawin ko nga ang lahat ng makakaya ko para maging maayos ang kalagayan niyo hindi lang sa lupa, maging sa kabilang-buhay. Pero yun romantic love, hindi na maaari."
"Bakit naman?" pag-uusisa ni Armada.
"Kasi, pari ako..."
"P-Pari?" hindi makapaniwalang napabulalas ng kaluluwa nang marinig ang rebelasyon. "'Di nga? Nagbibiro ka ba? Wala pa naman sa tipo mo ang maging pari kasi mukhang habulin ka!"
"Habulin ba?" natatawang inulit ni Pablo. "Noon sigurong teenager pa ako, aaminin ko na blessed ako sa looks at habulin nga raw! Pero ngayon na nasa late twenties na ako, ako na yata ang maghahabol upang makumbinsi ang mga taong magsimba!"
Naging malamlam ang mga mata niya nang maalala ang hirap na hinaharap halos araw-araw bilang Alagad ng Diyos. Sa mahigit dalawang taon niyang paninilbihan bilang pari, naranasan na niya ang napakaraming rejection, maging ang persecution. Naroon na rin na hinuhusgahan siya ng kapwa mga pari dahil hindi maganda ang background ng kabataan niya at kakatwa pa ang pag-uugali, malayo sa nagbabanal-banalan na mga kasamahan. Nasasaktan man ang damdamin at napapagod man, pinaninindigan niya ang pangakong hindi susuko sa pagiging pari kahit ilang pagsubok pa ang dumating.
"Nakakalungkot na palayo nang palayo ang loob ng marami sa Diyos kaya kailangan kong magtrabaho ng doble. Kahit yata ako ang pinakapogi sa bayan ng Tarlac, mahihirapan akong humatak ng mga parokyano palapit sa Panginoon."
"Huwag ka nang ma-sad," pagpapalubag ng loob ni Mrs. San Jose nang marinig ang hinaing ni Pablo. "Sigurado ako na sa tiyaga mo, marami kang maiimpluwensyahan pa. Atsaka, for sure, ibe-bless ka pa ni Lord kasi napakabuti mong tao. Basta huwag kang susuko, ha? Fighting lang!"
"Atsaka, 'di naman nabawasan kapogian mo!" pagpapatuloy niya na may pilyang ngiti at kindat. "Para sa akin, mas madating ka nga ngayong naging adult kasi mukha kang disente at kagalang-galang! Mas gwapo ka pa nga kina Eddie Gutierrez at Elvis Presley! Level up ka, Father!"
"Talaga? Kapag ba naman ganito ka-honest ang tinutulungan ko, gaganahan ako! Hahaha!" pahayag ni Pablo kahit na nahahati ang atensyon sa pag-iwas sa mga ipis na nagsisilanguyan mula sa poso n***o.
"Dahil diyan, susuungin ko ang pinakailalim ng poso n***o para sa iyo... kahit na pasukin pa ng ipis ang pantalon ko!" deklarasyon niya habang pinapagpag ang pang-ibaba na pinasok nga ng mga insekto.
Ramdam niya ang matulin na paggapang ng mga iyon paitaas kaya medyo nakiliti pa siya dahil sa magagaspang na paa ng mga peste. Hahayaan na sana niya ang mga iyon na umikot-ikot sa balat pero nabahala naman siyang pasukin ng mga iyon ang brief niya at kagatin pa siya. Hindi na niya kakayanin na napakabaho na nga, may mangangamatis pa!
"Excuse me," pagpapaalam muna niya.
Tumalikod siya at dinakma mula sa ilalim ng pantalon ang nagkakagulong mga ipis. Nahuli niya ang dalawa at itinapon sa malayo. Subalit, napakagaling naman umilag ng tatlong natira at nagsumiksik pa sa may singit at garter ng panloob. Nanlaki ang mga mata ni Armada habang pinapanood si Pablo na tila ba may dinudukot sa ilalim ng puson.
"Tsk!" nasambit na lang niya nang dumulas sa palad ang nahuli. "Ang tigas ng ulo mo! Halika rito, pipisatin kita e!"
"Uy, Father, ang bad mo! Anong dinadakma mo riyan?" napabulalas na ng ginang na nag-aakalang nagmimilagro ang kasama. "Mamaya mo na gawin 'yan!"
"Itong mga ipis! Hinihipuan ako!" yamot na yamot na sinagot niya. Nanggigigil sa inis na kinapa niya kung nasaan ang mga insekto na nagme-merry-go-round naman sa may puw*t niya.
"Ay! Ang swerte naman ng mga 'yan!" nagawa pa niyang biruin ito habang humahalakhak. "Nakatikim ng heaven!"
"Heaven sila, ako hell! Ramdam ko ang aaligasgas ng mga paa!" pagrereklamo niya kahit natatawa na rin sa kamalasang natamo. "Na-harrass ako ng mga ipis! Nasaan ang hustisya?"
"Ay! Akin na, tutusukin ko para maipaghiganti kita!" panuto ni Armada kasabay ng pagwagayway sa ere ng sandatang kubyertos. "I like the sound of "crunch" kapag napipisa sila e!"
Sa wakas ay nahuli na rin niya ang mapanghimasok na mga peste. Ihinagis niya ang tatlo sa may damuhan upang magsikaripas tumakbo. Tuwang-tuwa na hinabol naman ni Mrs. San Jose ang mga ipis at pinagtutusok gamit ang hawak na tinidor.
Kahit na hindi kaaya-aya ang kinalalagyan ni Pablo, masaya naman siyang pinagmasdan ang kaluluwa na naglalaro sa hardin na parang bata. Kung kanina ay napakaputla nito at nanlilimahid sa dumi, nakikita niya na unti-unting umaayos na ang itsura nito. Maging ang aura nito ay hindi na madilim kaya batid niya na kaunting paghihintay na lang ay makikita na ng babae ang liwanag.
"Heto pa! Gawin mong barbecue!" pang-eengganyo pa niya upang mas matuwa ang ginang.
Hinagis niya sa direksyon ni Mrs. San Jose ang ilang piraso ng ipis upang habulin. Rinig niya ang malutong na pagtawa nito habang naglalaro sila.
"Ay, ang dami! Mapapalaban ako nito! Hahaha!"
Maya't maya, gaya nga nang inaasahan, sumilip na mula sa langit ang liwanag. Natigilan si Armada sa paglalaro nang mapansin ang enerhiyang humahatak sa kanya. Napatingin siya kay Pablo na tila ba naguguluhan at nagtatanong. Nakaramdam siya ng kaunting takot kaya nagtago pa siya sa may likuran ng pari.
"Huwag kang mabagabag," pagpapakalma niya sa babae. Hinawakan niya ang kamay nito upang akayin patungo sa direksyon ng lagusan kung saan nararapat tumawid ang kaluluwa.
"Sa tingin mo, iyan na ang sundo ko?" namimilog ang mga matang pagtatanong nito.
"Oo..."
"Ano kaya ang maghihintay sa akin sa kabilang dulo?"
Panandaliang natahimik si Pablo dahil kahit na may third eye at alam ang presensya ng langit at impiyerno, hindi rin niya alam kung sino o ano ang sasalubong sa taong pumanaw na sa kabilang-buhay. Kung ibabase niya sa mga natulungan na, lahat sila ay mukhang payapa at masayang nakatawid naman kaya palagay pa rin ang loob niya na ihatid na si Armada.
"Sa mga nasaksihan ko, ang tao o bagay na makapagpapaligaya sa iyo ang makikita mo roon," paniniguro niya sa ginang na nakahawak pa rin sa kanyang braso.
Kumurap-kurap ito habang iniisip kung ano nga ba ang makapagpapasaya sa kanya. Ilang sandali lang ay napangiti na siya nang maalala ang lola na nag-alaga sa kanya.
Musmos pa lang ay pinatira na siya ng mga magulang sa bahay ng lola dahil palaging abala ang mga iyon sa negosyo. Simula noon ay hindi na sila naghiwalay pa at sinamahan pa siya nitong mag-aral ng kolehiyo sa Maynila. Akala niya ay matagal pa niyang makakasama ang itinuturing na ina subalit dinapuan naman ng pulmunya ang matanda at namatay. Labis niyang ikinalungkot ang pangyayari at hanggang sa huli ay hinahanap-hanap pa rin niya ang aruga ng lola na hindi na niya naranasan pa, maging sa sariling nanay.
"Armada," masuyong pagtawag ng isang pamilyar na tinig.
"Halika na at umuwi..."
Pag-angat ng paningin sa liwanag ay nakakita siya ng dagat. Payapang umaagos ang malinaw na tubig na nanalamin din sa asul na alapaap. Rinig ang huni ng mga ibong tuwang-tuwa na lumilipad sa himpapawid at para bang ineengganyo rin siyang makisaya sa kanila.
Pagkakurap ay napansin niya ang bahagyang pagbilis ng agos sa pampang nang may paparating na puting bapor.
Naluha siya sa tuwa nang makita ang lola na nakaupo sa sasakyang pangtubig. Bumalik sa isipan niya ang pangako nito noong nasa kolehiyo pa na kapag naka-graduate na, magti-trip around the world sila. Sa kasamaang-palad, pumanaw na ito bago pa man makapagtapos. Hindi niya inaasahan na maging sa langit, tutuparin pa rin nito ang pangakong mamamasyal silang magkasama.
"S-Si lola!" patalon-talon na napabulalas niya. Sa sobrang tuwa ay niyakap niya nang mahigpit si Pablo at hinagkan pa sa pisngi. Nagulat man sa biglaang akto ng ginang, hinayaan na lang niya ito dahil 'yun ang moment of happiness ni Armada.
"Naku, sorry!" humahagikgik na sinabi niya. "Andyan na kasi si lola! Sinusundo na niya ako!"
"Wow! Magre-reunion na kayo!" masayang pakikisalo rin niya sa tuwa ni Mrs. San Jose. "Send my regards to her na lang, ha?"
"Oo! Naku! Ganito pala ang heaven! Napakaganda! Sana, malaman din ng mga tao ito para magpakabait sila!"
Tumango-tango si Pablo bilang pagsang-ayon. Tunay naman na napakaligaya sa langit kaya sinisikap niya na gabayan ang lahat ng nabubuhay pa sa kabutihan. Alam niya ang hirap at pighati sa impiyerno kaya hangga't maari, ayaw sana niyang makasaksi ng mga napaparusahan doon. May iilan na siyang nakitang mga taong sukdulan ang kasamaan na nahatulan mapunta roon at masasabi niya na higit pa sa pisikal na sakit ang nararanasan nila sa paulit-ulit na pagkasunog ng espiritu.
"So...goodbye na..." pamamaalam na ni Armada.
"Siguro, mas magandang...see you?" suhestiyon ni Pablo na may ngiti sa labi. "See you in heaven, when my time has come. Kapag nagkita-kita tayo sa langit, kuwentuhan tayo ulit, neh?"
"Maraming salamat, Pablo," taos-pusong pasasalamat niya. Sa huling pagkakataon na nasa lupa, yumakap siya sa butihing pari na tumulong at gumabay sa kanya. Patawa-tawa siyang nagtatakbo patungo sa liwanag habang binibiro pa ang binata.
"Nakayakap at nakahalik ako ng pogi! Hahaha!"
Nanatiling nakatanaw lang si Pablo habang papasok sa liwanag si Armada. Hinatid niya ito nang tingin hanggang sa unti-unti nang magsara ang lagusan na naghahati sa mundo ng mga mortal at sumakabilang-buhay na. Kahit magdamagan lang niyang nakasama ang babae, nakaramdam din siya ng kaunting lungkot dahil mami-miss niya ang pangungulit at kaingayan nito.
Ganoon pa man ay sinikap niyang ikundisyon ang sarili upang maipagpatuloy ang paghahanap sa bangkay ni Armada. Kahit na nasa langit na ang ginang, nais pa rin niyang mabigyan ng disenteng libing ang katawan nito at mapagbayad sa krimen si Mr. San Jose.
Habang abalang naghuhukay ay nakarinig siya ng paglagitik ng mga tuyong dahon. Pagsilip ni Pablo mula sa hukay, may anino siyang naaninag na papalapit. Dinig ang paghikbi niyon habang naglalakad patungo sa kanya.
"P-Pablo..." sinambit nito, kasabay ng magkakasunod na sinok. Tumulo sa pisngi ang mga luha ni Carlota nang dahil sa nalaman kanina lamang. Habang nananatili sa bodega, napag-alaman na niya mula sa kusinera na ang kura paroko pala nila ay nagngangalang "Pablo Sandoval". Halos gumuho ang mundo niya nang mapag-alaman ang tunay na pagkatao ng dream boy niya.
"Anong ginagawa mo rito? Hindi ba, dapat nasa bodega ka?" pagtataka na ng binata habang pinagmamasdan ang kakatwang ekspresyon nito. "Kanina ka pa ba riyan?"
Tila ba hindi na siya narinig ng kausap dahil nabulag na ito ng pagkadismaya.
"Pinaasa mo ako! How dare you!" naghuhurimintadong sinigaw nito sa kanya.
"Sandali, bakit ka umiiyak?" gulong-gulo na naitanong na niya. Nanatiling wala itong imik pero patuloy pa rin sa pag-iyak. Umakyat na siya mula sa ilalim ng pinaghuhukayan upang siyasatin kung bakit tumatangis at nagagalit ang heredera.
"Halika rito, pag-usapan natin," pang-aamo niya rito kahit hindi niya maintindihan kung bakit ito nagdaramdam.
Imbis na lumapit ay nagtatakbo palayo ang dalaga. Ramdam na ramdam niya ang heartbreak dahil ang pinapangarap na "ideal man" ay kasal na pala sa Simbahan at naipangako na ang buhay sa Diyos.
"Carlota!" paghabol ni Pablo. Nang maabutan ay marahan niya itong hinawakan sa may braso upang huminto. Bilang ganti ay pinaghahampas siya sa dibdib ng dalaga. Hindi naman siya nagalit o nagreklamo dahil ramdam din niya ang hinanakit nito. Tinuturing na niya itong kaibigan kaya nais din niyang malaman kung bakit ito nagkakaganoon.
"Sabihin mo sa akin kung bakit ka nagkakaganyan?" pinagsabihan na niya ang babae. Maingat niyang hinawakan ang mga kamay nito upang huminto na sa paghampas sa kanya. "Hindi ako marunong manghula. Diretsuhin mo na ako. Sige na, sabihin mo na kung may galit ka sa akin."
"Bakit kasi hindi mo sinabi na pari ka?" humahagulgol na paninita ni Carlota sa kaharap na wala pa rin ideya na may babae na naman pala siyang naakit at nasaktan nang hindi sinasadya.
"Akala ko...akala ko..." nag-aalangang pagpapatuloy niya.
"May pag-asa tayong dalawa..."
Nahihiya man sa deklarasyon ng pagtingin ay pinagpatuloy lang niya ang paglalabas ng saloobin niya. Sa katunayan, hindi naman talaga siya galit kay Pablo. Ang ikinasasama ng loob niya ay kaagad kasi siyang umasa.
"Pero malabo na pala kasi pari ka!"
Nanlulumong napaupo na lang siya sa damuhan nang rumehistro sa isipan na hindi sila pwedeng maging magkasintahan ni Pablo, maging sa panaginip man lang. Napatakip na lang siya ng mukha habang tumatangis na katulad ng isang musmos.
"Ang sakit-sakit..."
Maging si Pablo ay nagulat sa narinig na may pagtingin pala sa kanya si Carlota. Pari man at sanay na magbigay ng mga payo, nangapa rin siya sa dapat sabihin upang hindi na mas masaktan pa ang babaeng nagpahayag ng pag-ibig sa kanya.
Siya rin ay umupo na upang damayan ang dalaga na humihikbi pa rin. Hinaplos niya ang ulo nito, katulad ng sa mga batang pinapatahan niya kapag umiiyak.
"Pasensya na, isa lang itong misunderstanding. Hindi ko sinasadyang magmukhang naglilihim pala," paninimula na niyang magpaliwanag. "Ako ang kura paroko rito kaya inakala ko kaagad na alam mo na. Nawala sa isip ko na bagong-lipat pala kayo kaya marahil, hindi pa nga nakakapagsimba rito."
"Bakit kasi ang bait-bait mo sa akin? Napaka-caring mo pa! Akala ko talaga, may pagtingin ka rin!" pagtatampo pa rin ng kausap. "Kung ngitian mo ako, parang may something! Ang lambing-lambing mo pang magsalita! Siguro, marami ka ng pinaasa, maliban sa akin! Paiibigin at aakitin mo para mapasunod sa gusto mo, pagkatapos sasabihin mo na "pari" ka! Ang sama mo rin! Pinaglalaruan mo ba kami?"
"Carlota, makinig ka," mahinahong sinagot niya sa mga akusasyon nito. Medyo nasaktan man sa mga binibintang ay pinili pa rin niyang mas maging maunawain.
"Hindi ko sinasadyang iparamdam na higit pa sa kaibigan ang turing ko sa iyo. At, mas lalong hindi ako nagpapa-ibig upang paglaruan lamang."
"Lahat kayo na lumalapit sa akin, inaalala ko," pagtatapat na niya. "Wala naman akong pinipili na alagaan o tulungan, dahil may malasakit ako sa inyong lahat. Pero sana maintindihan niyo rin na kahit nanunuyo o palakaibigan pa ako, hindi iyon romantikong pag-ibig. Pagmamahal iyon na maihahalintulad sa isang kapamilya."
"At alam ko na hindi rin ako ang lalaki na para sa iyo. Ipagdarasal ko na sana ay makahanap ka ng mapapangasawa na mamahalin ka nang tunay."
"Kaya pala ideal man ka, tauhan ka ng Diyos! Ano pang laban ko roon?" puno ng hinanakit na reyalisasyon ni Carlota. Kahit na saglit pa lang niyang nakilala si Pablo, alam niya sa sarili na napamahal na talaga siya. Labag man sa kalooban, kailangan na niyang tanggapin na hindi nga para sa kanya ang inaasam na binata.
"Ang sama ng pakiramdam ko..." lumuluhang pahayag niya habang nakahawak sa dibdib. "Marahil, hindi na talaga ako makakapag-asawa! Lahat ng mga pinsan ko, lumagay na sa tahimik! Ako na lang ang naiiwan!"
"Huwag kang magmadali, darating din siya basta ipinagkaloob ng Panginoon," pagpapayo niya na sa heredera na nababahala nang tumandang dalaga at mabuhay na nag-iisa. "Kung hindi man, may dahilan. Baka inilalayo ka lang din Niya sa mga lalaking manloloko o mapagsamantala. Magtiwala ka lang sa Diyos at huwag mo Siyang pangunahan."
Patuloy pa rin sa pagluha si Carlota pero unti-unti na niyang naintindihan ang pinahihiwatig ni Pablo. Napagtanto niya na nagkamali siya sa pagmamadali masyado at nadamay pa ang walang kaalam-alam na pari. Na-pressure lang din kasi siya sa pamimilit ng mga magulang at tiyahin pero sa ngayon, susundan na lang niya ang payo na huwag ngang magmadali at ipasa-Diyos na lang ang lahat
"I'm so sorry," paghingi na niya ng tawad kasabay ng pagyakap sa kausap. "Pasensya na sa naging masamang asal ko. Umasa lang kasi talaga ako na may magmamahal sa akin!"
"Ayos lang," tugon niya rito. Yumakap na rin siya at sinigurong wala na sa kanya ang nangyari. "Sa ganda mong 'yan, siguradong may makakapansin sa 'yo. Kapag may nanligaw sa 'yo, ipakilatis mo muna sa akin, neh?"
"Kilatis kaagad?" napabulalas ni Carlota. "Naku, lagot siya! Parang mataas ang standard ng isang katulad ni Pablo Sandoval!"
"Siyempre, bakit ko naman ibababa? You deserve the best. Nararapat na makatagpo ka ng matinong lalaki. Hindi man gwapo o mayaman, basta may takot sa Diyos at mamahalin ka nang tunay, 'yun dapat ang maging qualifications mo."
"Tama ka. Pero sana, ka-level mo, hehe..." paghirit pa rin ng heredera.
"Mahirap yata 'yun," pagbibiro na ni Pablo upang gumaan na ang pakiramdam ng heredera at hindi na malungkot pa. "Kailangan natin manalangin nang mas malakas!"
"Magnonobena na po ako, Padre!" humahagikgik na pahayag niya kasabay ng pagdaop ng mga kamay na katulad ng sa nagdarasal. "Lord, pakibigyan po ako ng duplicate copy ni Pablo na hindi pari!"
"Amen!" pagsang-ayon naman ng kausap.
Kung kanina ay masamang-masama ang loob niya nang dahil sa nalamang pari pala ang dream boy, ngayon ay maaliwalas na ang pakiramdam niya dahil isang tunay na kaibigan naman ang natagpuan.
Subalit, habang nakikipagbiruan sa pari, may naamoy na siyang masangsang. Nanuot pa sa kaibuturan ng lalamunan niya ang baho kaya napatakip na siya ng ilong.
"Pfft! Bakit parang...amoy ta*?" pagtatanong na niya.
"A!" Siya rin ay sininghot ang kuwelyo ng damit at napaismid nang maamoy ang sarili. "Kagagaling ko lang kasi sa poso negro...kaya ganoon...alam mo na, amoy fresh air!"
"Pablo naman e!" paghihimutok na niya.
Inamoy niya ang buhok na hinaplos kanina ng kausap. Napaubo siya nang malanghap ang bagsik ng amoy na dumikit sa bawat hibla.
"Amoy eb*k na rin! Kasalanan mo ito, e!'
Pilit man na magseryoso ay hindi na napigilan na matawa ni Pablo. Sa kakadrama nilang dalawa, nakalimutan na niyang nakahawak pala siya nang dumi kanina lamang at pinanghaplos pa sa ulo ni Carlota ang parehong kamay.
Maging ang dalaga ay napahagikgik na rin nang mapagtantong amoy dumi na rin siya.
"Damay-damay na! Ganyan kasi talaga ang friendship, ano?" pahayag niya habang nakapaywang at nakataas ang isang kilay. "Sa bango o baho, magkakaramay!"
"Sorry na, huwag ka nang magalit, neh?" tawang-tawa na pang-aamo ng pari sa kanya. Hinawakan pa nito ang palad ng dalaga upang makipag-shake hands.
"Peace na tayo..."
"Peace ka riyan! Biwitan mo nga ako!" panunuplada pa rin niya dahil alam niya na kahit ilang ligo pa ang gawin ay mangangamoy poso n***o pa rin siya. Nang singhutin ang palad na nahawakan, halos masuka na siya dahil sa sangsang nito.
"Ang bad-bad mo, Father!" diring-diri na pagrereklamo niya na mas lalong nakapagpatawa sa pilyong pari.
"Nagsisisi na yata akong magdasal na makatagpo ng isang katulad nito!" pailing-iling na napagtanto niya habang ipinupunas sa palda ang narumihang kamay.
Pagkatapos ng libing at pananalangin ng parokya para kay Armada, bumalik na sa normal ang pagkukubeta ng mga tao sa Tarlac. Tuwang-tuwa sila dahil natapos na rin ang mga panahong gumagamit sila ng arinola at dyaryo. Pakiramdam nila ay may bagong buhay sila at na-appreciate ang importansya ng inidoro.
Si Art, ang alkalde ng bayan ay nagpahanda ng makakain sa parke upang magdiwang. Nang dahil sa malabangungot na karanasan, nangako siya sa sarili na hindi na magloloko pa sa asawa. Habang nasa peligro, na-realize niya ang mga pagkakamali kaya sinisikap na niyang maging mabuting asawa at ama sa mga anak.
Si Carlota ay mas ginalingan ang pagluluto. Nagtagumpay siya na ma-perfect ang specialty niya na pancake. Nagpapraktis na siyang gumawa ng iba't ibang klase ng tinapay dahil pangarap niyang magkaroon ng sariling bakery. Hindi na rin siya aligagang maghanap ng mapapangasawa at ipinasa-Diyos na lang Niya ang lahat. Para sa kanya, kung may darating man o wala, OK lang basta ba huwag lang siyang mapunta sa maling lalaki.
Si Pablo naman ay nakailang kuskos at hilod na upang mawala ang sangsang at lagkit na ibinigay ng poso n***o sa kanya. Nagpabalik-balik siya sa paliguan dahil naaalibadbaran pa rin siya amoy na kumapit sa mala-porselanang kutis niya.
Hagod dito, hilod doon, ginawa niya para lang bumango muli!
Diring-diri man sa pangyayari, wala naman siyang pagsisisi na tumulong kay Armada. Masaya siya dahil naihatid na sa liwanag ang ginang.
Bumili na rin siya ng pampurga at anti-biotics sa pharmacy ni Aling Bebang upang masigurong walang masamang elemento ang mabubuhay sa loob ng katawan niya. Sa dami ng nainom na tubig mula sa poso n***o, na-i-imagine na niya kung gaano karami ang maaaring mamahay sa tiyan na parasite kaya inunahan na niya bago pa magparami.
"Pweh! Kaya pala inaayawan ng mga bulate ito! Napakasama ng lasa!" nakangiwing sinambit niya habang tinitiis lagukin ang isang botelya ng pampurga. Nangangalahati palang ay gusto na niyang isuka ang lahat ng nainom dahil sa sobrang pait ng sinangkap na gamot.
"Tiis-tiis..."
Minsan pa ay huminga siya nang malalim at nilunok na ang pampurga. Subalit, hindi niya kinaya ang sama ng lasa kaya umikot ang kanyang sikmura. Ilang sandali lang ay lumabas ang magkakasunod na utot.
"Aba, matindi!" tuwang-tuwa na napabulalas pa niya.