Case Number 7: Bakunawa (Part 4)

3755 Words
"A-Aray," nag-iinit ang mga pisnging pagrereklamo ni Charito habang nakakuyom ang mga kamao. "Tama na, baka dumugo 'yan lalo!" "Kaunting tiis pa," may tono ng panunuyo na sinabi naman ni Pablo. "Pagkatapos nito, magiging maayos na ang pakiramdam mo." "Masakit na talaga, e," mangiyak-ngiyak na sinambit pa rin ng kausap. "Huwag mo naman idiin masyado! Baka mamaga na e!" "Heto na nga, pinaka-gentle na nga ang ginagawa ko. Malapit na akong matapos..." Maingat na pinahid niya ang basang bulak na may pinakuluang dahon ng bayabas sa sugat ni Charito at pinunasan ang natuyong dugo sa paligid niyon. Pagkatapos ay kinuha niya ang gasa at medical tape upang matakpan na ang pinsala. Subalit, kahit anong ingat niya ay napaiyak pa rin ang ginagamot dahil may kalaliman ang sugat nito sa hita na dulot ng pagkakatusok ng alambre. "Ay! Ramdam ko, ang sakit!" pagtili niya nang maramdaman ang magkahalong hapdi at lamog. "Sagad na yata sa buto ko, huhuhu!" Nakaawang ang mga bibig na pinanood lang sila ng mga kamag-anak ng dalaga habang nililinisan ng inaakala nilang mister nga niya. Sa pamamaraan ng pag-uusap pa naman ng dalawa, hindi nila maiwasan na maging green-minded at ma-imagine ang mga bagay na ginagawa lamang ng tunay na mag-asawa. Honeymoon na ang narating ng kanilang mga isipan kaya pigil na napahagikgik ang mga kababaihang lihim ng may paghanga sa mestisong dayo at medyo naiinggit pa kay Charito. "Kung makaiyak ka, wagas!" pagbibiro na ni Pablo upang tumahan na ang ginagamot na kanina pa humihikbi. Nang masigurong maayos na ang pagkakadikit ng gasa, binaba na niya ang palda nito na nakalislis lang nang kaunti. "Para kang baby, hahaha!" "Hindi na ako baby!" mariin na pagtanggi naman ng kinakantyawan. "Eighteen na kaya ako!" "Hmmm, mukha ka pa rin nene, kaya baby ka pa rin para sa akin!" "Hindi kaya!" "Ka-cute mo naman kapag naiinis! Mas tumatambok 'yun cheeks mo! Butchug!" Kinurot pa niya ito sa pisngi kaya mas nainis ang kinatutuwaan sa pagtrato niya na parang paslit lang. "Smile na 'yan, huwag nang magalit si Baby Charito!" "Hmph! Ganyan mo ba dapat ako kausapin na misis mo?" napipikon nang pagpapaalala nito kaya bumalik na sa isipan niya ang pagpapanggap nila. Parang nakababatang kapatid lang kasi ang tingin niya sa dalagang halos sampung taon ang tanda niya kaya muntikan na niyang makalimutan na fake wife niya ito. "Malayo 'yan sugat mo sa bituka kaya relax ka lang, neh?" paglilihis na niya ng usapan upang hindi na mapagdudahan pa ng mga naroon ang tunay nilang relasyon. "Bukas, papalitan ko ulit 'yan para maiwasan ang infection. Sa ngayon, ingatan mo muna na huwag mabasa 'yan." "Kailan nga ba kayo naikasal?" pagsingit na ng ina ni Charito na si Aling Sally, na hindi pa rin makapaniwalang may napangasawa na ang bunsong anak. "Parang kaka-birthday mo lang. Mabilis yata ang naging desisyon niyo na mag-isang dibdib na." "Hindi ko na kailangang pag-isipan pa!" mabilis na pagsagot naman ng anak. "Sa gwapo ba naman niya, baka po maunahan pa ako ng umaaligid na ibang mga babae! Ayaw ko na siyang pakawalan!" "Pero, halos dalawang linggo ka pa lang na naglayas," pagdududa pa rin ng kanyang nanay. "Baka naman, nagsisinungaling ka lang para maiwasan na maialay sa bakunawa!" "H-Hindi po!" nauutal nang napabulalas ng dalaga. Kabadong napatingin na lang siya sa katabi na para bang nanghihingi na ng saklolo laban sa inang mapanuri at halatang wala man pakialam sa kalagayan ng kadugo. "Whirlwind romance," pagsalo na ni Pablo nang mapansing nauubusan na ng palusot ang pinoprotektahan. "Naikasal na kami sa pari, dalawang araw na ang nakalilipas. Kakilala ko 'yun kura paroko kaya madali lang para sa amin ang mag-isang dibdib. Masaya kami sa piling ng bawat isa kaya hindi ko na pinatagal pa at inaya na siyang sumama sa akin." Dumoble ang kabog ng kanyang dibdib nang may gumuhit na kidlat sa madilim na langit na parang nagbabadya na masusunog na ang kalahati ng kanyang kaluluwa sa impiyerno. Napa-sign of the cross pa siya dahil sa nagawang kasalanan. "Susmaryosep! Anu-ano itong pinagsasabi mo?" tahimik na pinagalitan pa ng Alagad ng Simbahan ang sarili. "Nakakakilabot na ang mga pahayag mo!" "Kilala kita Charito, alam ko kung nagsisinungaling ka!" pagpupumilit pa rin ng ginang na paaminin ang bunso kahit na sinisikap na ng binata na huwag madiskubre ang kanilang sikreto. "Kasalanan sa bakunawa itong ginagawa mo!" "Asawa ko po talaga siya!" may tono ng pagkayamot na pinagdiinan pa rin ng pinapagalitan. "Bakit ba ayaw niyong maniwala?" Nagulat na lang si Pablo at nanlaki ang mga mata nang bigla-biglang kumandong pa ito sa kanya. Napapikit na lang siya ng mga mata habang nananalangin sa Kaitas-taasan at nagsusumamo ng kapatawaran. Kumulog pa nang malakas kaya nababahala na talaga siyang tatamaan na ng kidlat sa ginagawa nilang dalawa, lalo na ngayon na nagiging mapusok na ang mga akto ni Charito. "Mahal mo rin ako, hindi ba?" pakurap-kurap na pagtatanong naman nito habang hinahaplos ang makinis niyang mukha. "O-Oo naman," labag sa kalooban na sinagot niya. Ramdam niya ang init at pagkilos nito sa kandungan niya na halos tumama na sa gitna ng kanyang mga hita kaya napakagat na lang siya ng dila sa kapangahasan na ginagawa ng huwad na sa asawa. Sumumpa man sa Simbahan na tapat na maglilingkod bilang pari ay aminadong lalaki pa rin na may damdamin at lapitin ng tukso, lalo na at maganda at batang-bata pa ang babaeng kusang lumalapit sa kanya. Ganoon pa man ay pinili niyang manaig ang respeto sa inosenteng dalaga at panindigan ang pagiging pari. Hindi niya ugali ang magsamantala kahit na nalalagay man sila sa alanganing sitwasyon kaya siya na mismo ang nagpatigil kay Charito. Pasimple na niyang inangat ito mula sa kanyang kandungan at pinaupo sa tabi niya upang mailayo sa kasalanan. Inakbayan na lang niya ito at tinapik-tapik sa balikat upang ipakita na malapit nga sila. "Nakakahiya naman, naghaharutan tayo na may audience," pinagsabihan niya ang katabi. "Halatang bitin na bitin ka sa honeymoon! Mamaya na lang tayo maglambingan kapag walang nakakakita, neh? Ipaparamdam ko sa iyo ang langit!" "Ang romantic mo talaga!" pakikipaglaro din naman ng nagpapanggap na misis sa panunudyo niya. "Kaya Inay, kung may balak pa po kayong ialay ako sa bakunawa, huli na ang lahat kasi may nangyari na sa amin ng pinakamamahal kong si Pablo." "Sinabi pa niya nang lantaran na may nangyari sa amin! Diyos kong mahabagin! Ayaw ko na po rito, ibalik Mo na ako sa Simbahan, please lang po!" tahimik na pagmamakaawa na niya sapagkat hindi na niya maatim ang sobra-sobrang panlilinlang sa pamilya ni Charito. "Hindi tama ito! Paniguradong malalagot ako nito!" napagtanto niya sapagkat nakikinita na niya ang eskandalo kapag nalaman pa ng mga kapwang pari na may kasama siyang babae at matsitsismis pa na may relasyon. "Hindi ba, Pablo? Inangkin mo na ako?" mapanuksong pagpapakumpirma pa ni Charito upang tigilan na ng mga magulang at kapatid na pagbalakan siyang ialay sa bakunawa. Kapag kasi hindi na puro ang babae, inaayawan na ng halimaw at posible pang parusahan ang magtangkang manloko kaya pilit niyang pinapahiwatig sa mga naroon na hindi na siya birhen. "H-Ha?" namamawis nang malapot at wala sa wisyong nausal na lang ni Pablo sapagkat hindi niya kayang sabihin ang parte ng pag-angkin sa babae. "E-Ewan-" Hindi na niya naituloy pa ang pagkontra nang kinurot na siya nang pinong-pino sa may singit kaya napamura pa siya. "Taksyap*! Charito naman, e!" pagmamaktol na niya habang iniilag ang kamay ng sinasaway. Tinakpan na niya ang ibaba ng puson dahil nangangamba na siya na baka kung saan pa makakarating ang mga hawak ng dalaga. Nais man niyang magprotesta ay hindi naman maaari sapagkat kailangang maging kapani-paniwala na siya ang mister nito. "Kung makahipo ka, may something na e! Huwag naman ganoon at sensitive ako!" "Hindi ba may nangyari na sa atin?" pag-uulit naman ng nagbabalatkayong misis na mukhang i-a-under the saya pa siya. Mas naging agresibo na ito sa pagtatanong sapagkat kitang-kita nito na umismid na ang ina na parang hindi talaga naniniwala sa kanilang pag-arte. "Binigay ko ang sarili ko sa iyo pagkatapos natin na maikasal?" "Ikaw talaga, napaka-daring na ng usapan natin! Dahil diyan, humanda ka sa akin mamaya, Babae!" pagpapalusot na lang ni Pablo kaya nakaramdam na rin ng pangingilabot si Charito at nagdalawang-isip kung tama ba na i-claim na asawa ang kakatwang pari na may pagkapilyo rin. "Mangungumpisal ka habang nakaluhod!" Naiintindihan naman ng dalaga ang pag-aalinlangan na magsabi ni Pablo na siya ang unang nakasip*ng na lalaki, kahit wala iyong katotohanan. Nagi-guilty na rin siya sa pagsisinungaling at paninirang puri pa sa Alagad ng Simbahan. Ganoon pa man ay tiniis niya ang labis na kahihiyan sapagkat iyon lang ang paraan na pinakamainam upang hindi na sila masaktan pa. Napahalakhak na si Aling Sally at ang ibang mga kaanak sa usapan nila na mukhang bagong kasal nga na 'di mawari kung naglalambingan ba o nag-aasaran, na natural na gawi ng mag-asawa. "Kung ganoon, magandang balita naman pala!" pahayag ng ina ni Charito nang mapapaniwala na tunay nga na magkabiyak ang mga kausap. "Matanong ko lang, kailan niyo ba ako balak bigyan ng apo?" Halos masamid na si Pablo dahil hindi pa nga siya nakaka-get-over sa usapang kasalan at pulo't gata, pagkakaroon naman ng sanggol ang paksa. Naiipit na siya sa nagawang pagpapanggap na alam niyang mali pero nararapat naman gawin upang maprotektahan ang inililigtas. "Sana, lalaki ang maging apo ko," pagsabat na ni Narcing, ang ama ni Charito na tahimik na nag-oobserba sa mga pangyayari. "Ayaw ko na ng babae, sakit lang sa ulo. Walang mga silbi kaya siguro kinakain na lang ng bakunawa!" Kapansin-pansin na naging malungkot ang mga mata ng kanyang bunso sa pagtrato na natanggap. Napahawak na lang siya sa kamay ni Pablo upang hindi tuluyang mapaiyak. Ramdam din ng binata ang pighati niya kaya marahan na pinisil-pisil na lang nito ang kanyang palad upang damayan. "Mawalang-galang na po, pero bakit po ba kailangang ialay ang mga babae rito?" pakikiusyoso na ni Pablo sapagkat siya rin ay nainis sa ginawa ng ginoo kay Charito. "Mas matimbang po ba ang bakunawa sa puso niyo kaysa sa mga anak niyo na sariling dugo't laman?" Matalas na tingin ang naging tugon ni Narcing kay Pablo dahil para sa may edad ng lalaki, naging mapaghamon ang tanong ng inaakalang manugang. Huminga ito nang malalim at uminom muna ng tubig bago sinagot ang katanungan ng dayo. "Iyon talaga ang obligasyon ng mga babae rito," tugon nito na tila ba wala itong pakialam kung ano man ang mangyari sa anak dahil pagkain lang ng bakunawa ang tingin dito. "Kapag napili silang maialay, wala na silang magagawa. Masuwerte si Charito at inasawa mo na, kahit tutol pa ako. Sa katunayan, binigyan mo pa ako ng problema kung saan ako maghahanap ng kapalit! Marahil, kukuha na lang ako sa mga pinsan niya!" "Kukuha?" hindi na napigilang kumontra ni Pablo. "Parang manok lang po ba ang mga babae rito? Tao rin po sila na may mga pangarap sa buhay, katulad natin na mga lalaki. Sino po ba 'yan bakunawa na 'yan at nais kong makausap! Maling-mali na iniaalay niyo ang mga anak niyong babae para lang sa halimaw na iyon!" "At sino ka naman para pangaralan ako, ha?" pigil sa galit na pinagsabihan na siya ng ginoo na hindi sanay na hinahamon ng mas nakababata. "Wala ka pa sa mundo, ito na ang pinaniniwalaan namin. Ang halaga ng mga babae sa amin ay ang maging tagapagsilbi sa amin na mga lalaki o maging alay lang sa bakunawa. Iyon ang batas ng kalikasan na itinuro pa mismo ng aming mga ninuno upang mamuhay nang payapa kaya huwag na huwag mong ipagpipilitan ang makabagong mga paniniwala sa akin!" "With due respect po, hindi ibig sabihin na matagal nang pinaniniwalaan, tama. Kung minsan din po, kailangan niyong makinig sa amin na nakababata dahil posible rin na kayo ay may pagkukulang. Nagbabago po ang panahon at may mga kailangang isantabi na, katulad nga ng mababang pagtrato niyo sa mga kababaihan at pag-aalay niyo ng mga inosente sa bakunawa. Isa lamang po siyang diyos-diyosan na wala man lang pakialam sa atin na mga tao." Napahawak tuloy si Charito sa braso ng binata upang awatin na sa pagsasalita. Muli ay pinandilatan na niya ito ng mga mata upang ipahiwatig na mag-ingat sa mga sinasabi. Nauunawaan niya na may punto si Pablo subalit mahirap ipaintindi sa mga mas nakatatanda na mali nga ang kanilang ginagawa. Maging siya ay sumubok na lumaban subalit muntikan pa nga na mapahamak. "'Tay, pasensya na po," paghingi na niya ng paumanhin sa ama na masama na ang tingin sa bagong salta. "Hindi pa po kasi siya pamilyar sa mga nakagawian dito. Lumaki siya sa siyudad kaya naninibago pa. Ako na mismo ang magtuturo sa kanya." "Dapat lang!" pasinghal na pinaringgan naman nito ang inaakalang manugang. "Kung nais niyang maging payapa ang ating pamilya, nararapat na matuto siyang makisama! Alam din ba niya na ang mga asawa ang sumusunod sa mga taga-Sitio Almira? Hindi na siya makakaalis dito ng walang pahintulot mula sa amin na nakatatanda! Mahigpit ang batas natin diyan at maaaring maging buhay ang kapalit kapag sumuway!" Bahagyang naningkit ang mga mata ni Pablo sa mga deklarasyom ni Narcing. Doon din ay napatunayan niya na sa oras na madikit sa kulto na sumasamba sa bakunawa, mahirap na talagang kumalas. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit umabot pa sa pagpapatihulog sa ilog si Charito, matakasan lamang ang pamilya. Nais man niyang magsalita upang kumontra ay nakisakay muna siya sa agos ng usapan ng mag-ama. "O-Opo," pagsang-ayon na lang ni Charito upang hindi na kagalitan ng tatay na panatiko sa pagsamba sa bakunawa. "Medyo hindi lang kami nagkaintindihan sa usapan namin kaya pasensya na po kung naguguluhan pa siya sa mga batas natin." "Maaari na po ba akong matulog, kasama ang aking asawa?" pagpapaalam muna niya bago pa tuluyang uminit ang ulo ng tatay sa presensya nila. "Nakakapagod po ang araw na ito at napakaraming nangyaring hindi kaaya-aya kasa pakiusap po, hayaan niyo muna kaming magpahinga." "Oo," pagpayag na ng kanyang ama na halata pa rin sa ekspresyon ang pagdududa sa tunay na intensyon ng dayo. "Ipapahatid ko na lang ang mga kakailanganin ninyo ni Pablo." "Salamat, Itay," nakatungo ang ulo na sinambit niya sa amang simula pa noong bata ay binabalewala na siya. Maging ang ina ay malayo rin ang loob sa kanya. Tanging ang kuya niya na si Joaquin ang nagparamdam ng aruga kaya masakit pa rin sa kanya na malamang magagawa pala nitong ipagkanulo siya. "Sana po, mahalin niyo rin ako," nakatikom ang bibig na paghiling niya habang pinipigil ang sarili na maluha. "Charito," masuyong pagtawag na ni Pablo kasabay ng pag-akbay sa dalaga upang iparamdam na kakampi siya. "Tara na." Tumango-tango lang ang inaalalayan bilang pagsang-ayon. Tulalang naglakad lang siya at inakay ang binata sa ikalawang palapag ng bahay kung saan naroon ang silid na pansamantalang paglalagian nilang dalawa. Nang maisara na ang pinto ay nakahinga na siya nang maluwag at napayakap pa nang mahigpit kay Pablo. "Success ang ating acting!" pahayag niya habang nakakapit sa katawan ng lalaking labis na hinahangaan. May lungkot man na nararamdaman dahil sa mga masasakit na salita na nagmula sa tatay, natutuwa pa rin siya dahil kapiling niya ang taong handa siyang protektahan at aalagaan. Kahit tinraydor pa ng sariling kapatid, kahit paano ay pasalamat pa rin siya na may tao pa rin na dedepensahan siya kahit na pinagtutulungan pa ng buong nayon. "Sana magkasama na lang tayo palagi at huwag nang magkawalay..." "Sandali, magkaliwanagan muna tayo." Maingat na hinawakan na ni Pablo si Charito sa balikat at nilayo muna sa sarili. "Makinig ka." Nang mga oras na iyon ay napansin na niyang hindi normal ang kinikilos nito at hindi mapagkakailang na-a-attach na ito sa kanya. Naiintindihan niya na teenager nga lang ang kasama kaya hindi malayong humanga sa mas matandang lalaki. Posibleng naghahanap lang din ito ng fatherly image sapagkat kulang sa pansin sa tunay na ama. Kung ang ibang lalaki ay matutuwa at sasamantalahin pa ang pagkakataon, nais niyang paalalahanan ito na may boundaries pa rin sila. "Alam mo na hindi ako kumportable sa ginawa mong pagkandong at paghaplos sa akin kanina," paninimula na niyang pagsabihan ang kaharap upang klaruhin na hindi siya sang-ayon na sa pagiging mapangahas nito. Kung sakaling natutuwa man sa kanya si Charito, gusto rin niyang ipagdiinan na hindi hihigit sa pagiging magkaibigan ang samahan nila. "Nauunawaan mo sana na pari ako at nalalagay sa alanganin ang propesyon ko ngayon. Pumapayag ako sa pagkukunwari natin na mag-asawa upang makatakas na tayo rito at hindi ka na nila maialay pero next time, hinay-hinay lang, neh? Nabibigla ako sa iyo masyado." "Pasensya na po, Father Pablo," hiyang-hiya na paghingi na ng dalaga ng paumanhin sa mga nasabi at nagawa. Namula pa ang mga pisngi niya nang maalala ang pagkandong niya sa hita ng binata na tila ba tunay silang mag-asawa. Habang karga siya nito, aminadong kakaibang sensasyon ang naramdaman niya kaya na-guilty siya muli sa panandaliang pagnanasa na naramdaman. "Nag-panic na kasi ako, akala ko ay madidiskubre na nila ang pagpapanggap natin," pagpapaliwanag pa niya upang hindi na pag-isipan ng masama. "Sorry talaga kung nabastusan ka pa sa akin. Ang nasa isip ko po kasi kanina, kailangan natin silang papaniwalain na mag-asawa tayo. Huwag ka naman sanang magalit, please po..." "Hindi naman ako galit," paniniguro ni Pablo upang hindi na maging aligaga at mapahiya pa ang sinisita. "Pinapaalalahan lang naman kita." Napahagod siya ng batok nang mapagtanto ang hirap ng kanilang sitwasyon. Mula sa bintana ay nilibot niya ang paningin upang malaman kung maaari na ba silang tumakas ni Charito ngayong gabi. Sa kasamaang-palad, mas humigpit ang seguridad sa lugar nang kumalat ang balitang madali siyang naka-trespass doon. Tanaw mula sa kinaroroonan ang armadong mga lalaki na nagmamanman sa bawat sulok ng lupain. "Kailangan kong makahanap ng tamang tiempo," pag-iisip na niya kung paano sila makakaalis doon. "Kapag nagkamali ako ng kilos, baka ikapahamak niya. Kung magiging agresibo naman ako, baka marami akong masaktan, maging mga inosente. 'Yun ang pinakaiwas-iwasan kong mangyari. Hindi basta-basta ang kalagayan namin, marami akong dapat ikunsidera..." "Father?" pagtawag ni Charito nang mapansin ang seryoso niyang ekspresyon. "OK lang po ba kayo?" "Oo. Bukas na natin pag-usapan kung ano ang susunod na hakbang," suhestiyon na muna niya sa kasama na bakas na rin ang pagod sa mga mata. "Magpahinga muna tayo." Mag-a-alas dos na ng madaling-araw ay hindi pa rin makatulog si Charito. Kanina pa siya palingon-lingon sa katabi na mukhang mahimbing naman sa pagtulog. Unang pagkakataon niya na may makatabing ibang lalaki kaya hindi niya maiwasang mailang sa presensya nito. Unan lang kasi ang naghahati sa kanila sa banig na nakalatag sa sahig kaya abot-kamay lang ang hinahangaan. "Nagkakasala ka!" pinagalitan pa niya ang sarili habang tinatapik-tapik ang noo. "Bawal ang malisya! Pari ang katabi mo!" Bumaling-baling pa siya sa kinahihigan upang maialis sa isipan ang mga kapilyahang nabubuo. Pinikit na niya ang mga mata upang piliting matulog subalit sadyang nagbibiro yata ang tadhana sapagkat pagtingin sa direksyon ni Pablo, nakita niya ang nakalislis na pang-itaas nito. Napakagat na lang siya ng labi nang masilayan ang mala-anghel na porma nito. Kahit pa lampara lamang ang magsisilbing ilaw sa kanilang silid ay kitang-kita niya ang kulay gatas na kutis nito kaya natukso siyang mahawakan man lang sana. "Kakinis naman! Ano ba ang sabon ng lalaking ito at mas pino pa kaysa sa akin?" Umupo muna siya sa higaan at pinagmasdan ang nilalang na katabi ngayon. Kahit anong gawin niya ay hindi matanggal sa kanyang paningin ang katawan nito na sigurado siyang kaakit-akit. Maya't maya ay mabilis niyang dinutdot ang tiyan ng walang kamuwang-muwang na pari. "Ang tigas!" may pananabik na naisip niya habang pinipigil ang sarili na mapahagikgik. "Tiyan pa lang, ulam na! Isa pa nga!" Pagtatangkaan pa sana niyang hawakan ang ultimate crush subalit lingid sa kaalaman niya, 24/7 palang umaandar ang sixth sense nito lalo na kung may pasaway na mga babaeng nagnanais na makapa at gapangin ito sa dilim. Habang unti-unting lumalapit ang kanyang daliri sa balat ng pakay ay biglang nahatak na ang kanyang kamay at sapilitan siyang pinahawak ng rosaryo. "Mangilin ka," inutos nito kahit namumungay pa ang mga mata dahil sa pagod at antok. "Sinisilipan mo yata ako, ang bad mo!" "H-Hindi a!" mariin na pagtanggi niya at binaligtad pa ang binata. "Ikaw ha, ang malisyoso mong mag-isip!" "'In denial ka pa." Binaba na ni Pablo ang naangat na t-shirt at pagkatapos naman ay nagtalukbong ng kumot mula ulo hanggang paa. Bumaling pa siya sa kanan upang siguruhing hindi na siya mabobosohan pa ni Charito. "Hinuhubaran mo pa yata ako. Mangumpisal ka na sa kasalanang pagnanasa." "Excuse me? Aayusin ko nga sana 'yun suot mo, e!" pagpapalusot pa rin ng katabi kahit nahuli na nga sa akto. "Kung makapagbintang ka, para kang ewan! Concerned lang naman ako kasi baka ginawin ka!" "Che! Don't touch me!" pagsusungit pa rin kunwari ni Pablo upang tigilan na siya ng makulit na dalaga. "Magdasal ka na lang hanggang sa makatulog ka kaysa ako ang tinitignan at hinihipuan mo!" "Ang sungit mo naman!" pagmamaktol na ni Charito pero sa kaloob-looban ay kinikilig siya sa pagsusuplado nito na nahahalata niyang hindi naman totoo. "Feeling pogi ka naman po masyado na akala mo, pag-iisipan pa kita ng kung anu-ano!" "Hindi ako nagfi-feeling. Pogi talaga ako kaya pwede ba, lumayo-layo ka o ipapakain na talaga kita sa bakunawa," sinupladuhan pa lalo siya ng kausap pero imbis na matakot ay natawa pa siya. "Itigil mo na yan kakulitan mo, neh? Matulog ka na." Hindi pa man lumilipas ang isang minuto ay kinalabit niya nang paulit-ulit si Pablo. Nais pa sana niyang kakuwentuhan ito sapagkat maraming bagay pa rin ang gumugulo sa kanyang isipan. Nang hindi pansinin ay inosenteng yumakap na lang siya sa lalaking kampante ang loob niya na mapagkakatiwalaan at hinding-hindi siya pagsasamantalahan. "Pa-hug po, Father. Pagbigyan mo na po ako, kahit ngayon lang..." Nanatiling tahimik lamang ang kausap kaya pinikit na niya ang mga mata habang nakayapos pa rin sa binata. Muli ay dinalaw siya ng kalungkutan nang maalala na ang tingin pala ng pamilya ay isa lang siyang alay sa bakunawa at wala man lang silbi. Sa piling ni Pablo, kahit panandalian ay nakakalimutan niya kung gaano kamiserable ang kanyang buhay. "Kung ako man ay ituturing na makasalanan, buong-puso na tanggapin ko..." Unti-unti ay dinalaw na siya ng antok hanggang sa hinayaan na niyang magpahinga ang kanyang diwa. Sa unang pagkakataon, ramdam niya na siya ay tunay na ligtas, kapiling ang tao na sigurado siyang may pagpapahalaga sa kanya. "Hindi ko na maipagkakailang napapamahal na ako sa iyo, Pablo..." -ITUTULOY-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD