Binuhos ni Pablo ang pinakulong tubig sa latang timba. Pagkatapos ay bumalik siya sa balon upang mag-igib nang ihahalo roon. Nang mapuno na ang lagayan, sinalat niya iyon kung tama ba ang ligamgam upang hindi mapaso ang inaalagaan.
"Charito," pagtawag niya nang maihanda na ang gagamiting pampaligo ng dalaga. "Ready na!"
Lumapit na ang siya na may dala-dalang tuwalya, damit at sabon. Puno ng pagsuyong tinitigan niya ang lalaking kahit magdamagan pa lang niya nakakasama, pakiramdam niya ay busog na siya sa aruga.
Na-imagine pa niya na marahil, mas malambing at maalaga ang kasama kung tunay nga silang magkabiyak. Ngayon kasi ay kapansin-pansin na umiiwas itong magkalapit sila lalo na kung silang dalawa lang na nasa lugar. Maging ang paghawak nito ay limitado lang sa kamay at balikat, bilang pahiwatig na wala itong intensyon na bastusin siya. Dahil likas na maalalahanin, sa bawat sandali na magkasama sila ay mas nahuhulog ang loob niya rito.
"Maligo ka na bago pa lumamig ang tubig," panuto ng binata habang lumalabas na ng banyo. "Pagkatapos natin dito, papalitan na natin ang benda sa sugat mo, neh?"
"Salamat," may ningning sa mga mata na sinambit ng nagpapanggap na asawa. "Nakakahiya naman, kailangan mo pa akong ipangkuha bg tubig."
"Wala 'yun," paniniguro naman ng kausap. "Kapag OK ka na, pakitawag ako para ako naman ang maliligo."
Mula sa sala ay pinagmamasdan na pala sila ng ina ni Narcing na si Apong Ines. Hindi lang pala si Aling Sally ang nagdududa sa relasyon ng dalawa, maging ang lola ni Charito. Hindi nakawala sa paningin nito ang kilos ng binata na ingat na ingat sa paghawak sa apo na parang kapatid lang ang pagtrato.
Tumayo na siya upang makiusyoso sa pinag-uusapan ng huwad na mag-asawa. Tinitigan pa niya mula ulo hanggang paa ang dayo na sa tingin niya ay nakakaduda na ang sobrang pagkamaginoo sa kabiyak.
"Bakit hindi na lang kayo sabay na maligo?" suhestiyon na niya.
"Ha?" halos sabay na napabulalas ng dalawa.
"Para makatipid ng uling at tubig," nakangising panukala ng matandang babae. "Huwag niyong sabihin na nagkakahiyaan pa kayo!'
Nagkatinginan sina Charito at Pablo na parehong nagtatanong. Tahimik man ay nagkakapaan na pala sila kung paano makakalusot sa pagdududa ng lola.
"Baka kapag nakita niya ako na nakahubad, maakit na naman," paninimula nang makipaglaro ng harutan ng binata kasabay ng mapanudyong pagkindat nito. "Naka-quota na ako kaya tama na muna!"
Muli ay nag-init ang pisngi ni Charito sa kapilyuhang hindi niya inaasahang sasabihin ng pari. Tumawa na lang din siya upang magmukhang totoo ang pahayag nito.
"Ssshhh, huwag kang maingay!" pagsaway niya sa nagkukunwaring mister. "Ikaw nga ang akit na akit sa akin kaya diyan ka muna sa ilog maligo! Ayaw ko munang makatabi ka!"
"Ang sweet mo naman, ipapasama mo pa ako sa mga kalabaw na mag-swimming," may tono ng paglalambing na sinabi ni Pablo subalit may diin naman ang bawat salita upang iparinig sa mga naroon na nagpapakipot pa sa kabiyak. "Mamaya, huwag na huwag mo akong kakalibitin!"
"Ngi, diyan ka na nga!" ginanti naman ni Charito habang umiikot ang mga mata. "At huwag na huwag kang makiki-share ng banig sa akin!"
Mabilis na sinara na niya ang pintuan upang hindi na mausisa ng tsismosang lola. Napasandal na lang siya sa dingding habang pilit na pinipigil ang sarili na mapahalakhak. Kung minsan, kakaiba talaga ang banat ng Alagad ng Simbahan na maging ang mga nasa parokya ay napapatawa na lang.
"Siguro, noong hindi pa siya pari, ang daming naging girlfriends niyan!" pag-aanalisa pa niya. "Ang husay magpa-charming sa mga babae, e! Maginoo pero medyo bastos!"
Naiwan si Pablo na kasama ang mapanuring babae. Medyo kinabahan na siya sapagkat kung makatingin pa naman ito, tila ba binabasa na ang kanyang isipan.
"Kailan mo ba balak buntisin ang apo ko?" walang kiyemeng inusisa pa nito kaya parang humiwalay na ang kaluluwa ni Pablo sa mapangahas na katanungan. "Sa ganda ng lahi mo, dapat makarami kayo ni Charito!"
"P-Po?" Tila ba binibining napahawak pa siya sa dibdib sapagkat pakiramdam niya ay masyado nang daring ang paksa. Hindi naman siya nagkukunwaring inosente subalit sa ngayon, naka-quota na talaga siya sa mga usaping may kinalaman sa gawain ng mga tunay na mag-asawa.
"Hoy, Lalaki! Sumagot ka!" pinagalitan pa siya ni Ines nang nanatili siyang walang kibo. "Gusto ko naman na maabutan ang apo ko sa tuhod! Matanda na ako kaya bilis-bilisan mo naman!"
"Best effort po," halos pabulong na sinagot na lang niya upang tigilan na ng mapanghimasok na babae.
"Alam mo ba ang pinakamainam na posisyon para makabuo?" binulong pa ni Ines malapit sa kanyang tainga. Hinawakan pa siya nito sa may batok upang siguruhing hindi siya makakapalag. "Makinig kang mabuti para isang linggo pa lang, may laman na ang tiyan ng apo ko."
"Kailangan ko po bang malaman?" pagpoprotesta na niya sapagkat naaalangan na talaga siya sa presensya ng may edad na babae. "My innocent ears, hindi pa ready!"
Hinatak siya lalo paibaba ni Ines palapit sa bibig nito na may laman pa na nganga. Dinig ng pari ang mahinang pagnguya nito bago sinimulan ang for "adults only" content na nakapagdulot ng pangingilabot sa kanya.
Nanlaki na ang mga mata niya at napa-sign of the cross pa sapagkat hindi na niya kinaya ang mga payo nito na malamang ay madadamay pa siya sa pagkakasala.
"Lola, ang harot niyo po!" biniro na lang niya ito habang marahan na inilalayo na ang kamay nito na nakahawak pa rin sa kanyang batok. Umiikot na rin ang kanyang sikmura sapagkat nakakasuka na para sa kanya ang mga mapangahas na mga salitang nagmumula sa sitenta anyos na ginang. "Nakakahilo naman po ang mga rebelasyon niyo! Pakiramdam ko po, ako ang mabubuntis at hindi si Charito!"
Napahalakhak na si Ines sapagkat sinasadya talaga niyang paglaruan ang binata na sa tingin niya ay habulin ng mga babae pero nagpapanggap lang na inosente.
"Hay naku!" patawa-tawang kinantyawan pa siya ng pilyang lola ni Charito. "Para kang santo kung maka-react! Maiwan na nga kayo!"
Nakahinga na siya nang maluwag nang tinigilan na siya ng matanda. Nabahala na rin kasi siya sa mga malagkit na titig nito na tila ba pati siya ay pinagnanasaan. Dahil sa pagkabigla na pinag-initan ng may edad na ginang, nagulat pa siya nang dali-daling binuksan ni Charito ang pintuan at sumilip mula sa siwang.
"Anong sinabi niya?" pakikiusyoso nito.
"Quota na ako sa kasalanan," tulirong sinambit lang niya kaya nagdulot iyon lalo ng kuryosidad sa kausap. "Ang lola mo, ang daming alam."
"Ha? Bakit? Pinagalitan ka ba?"
"Huwag mo nang alamin, nakakawindang!" umiiwas na paglilihim na lang niya sa mga narinig na maaaring maging bastos pa ang dating sa walang kamuwang-muwang na dalaga.
"Bakit narinig ko po, may usapan kayo patungkol sa pagbubuntis?" pakurap-kurap na pagtatanong pa rin nito. "Ano ba kasi 'yun nabanggit ni lola?"
"Sige na, maligo ka na," pagsingit na niya sa kakadaldal ng kasama na batid niyang hindi basta-basta hihinto. Marahan na niyang hinatak ang pinto upang matigil na sa ito sa pakikitsismis. "Bilisan mo na at nanlalagkit na ako."
"Nakikibalita lang, e," nakaismid na pagmamaktol pa nito bago isinara muli ang pintuan. "Ang sungit!"
"Mga erehe," patawa-tawa na lang na nasabi ni Pablo sa sarili habang palakad-lakad sa labas ng paliguan. "Mga makasalanan! Damay-damay na, pati ako dinawit ng mga loko!"
Mag-a-alas diyes na ng umaga nang may marinig na pagtugtog ng banda sa Sitio Almira. Hudyat iyon ng tatlong araw na pagpaparangal sa bakunawa kaya ang buong nayon ay nagdiriwang. Iyon ang mga klase ng selebrasyon na inaasam ng mga naroon dahil kahit sa ilang araw man lang, nakakalimutan nila ang mga suliranin.
Sa mga nakapila naman na iaalay sa halimaw, iyon naman ang huling araw nila upang magliwaliw. Kadalasan, tanggap naman na ng mga dalagita ang kapalaran nila kaya hindi na sila kumukontra pa. Sinasamantala na lang nila ang natitirang mga araw na makasama ang mga mahal sa buhay.
Sa katunayan, dapat ay kasama si Charito sa mga iaalay pero dahil pinapaniwala niya ang pamilya na siya ay kinasal na at hindi na birhen, napilitan ang mga kamag-anak na maghanap ng ipapalit.
"Anong nagyayari sa labas?" pagtatanong ni Pablo sa nakasalubong na dalagita na trese anyos pa lamang. Siya ay si Romina, ang pinsan sa panig ng ama ni Charito. "May piyesta ba?"
"Opo, piyesta ng bakunawa," malungkot na tinugon nito habang nakatungo ang ulo.
Kaagad na napansin niya ang maluha-luhang batang babae na mugto pa ang mga mata na tila ba magdamag na nagluksa.
"Nakita kita kagabi na nakaupo sa may pintuan," paninimula na niyang makipagkaibigan sa mailap na dalagita. "Malalim yata ang iniisip mo, may bumabagabag ba sa iyo?"
Napaawang ang mga labi ni Romina sapagkat kagabi pa niya nais ilabas ang sama ng loob. Nang malaman niya na hindi na maiaalay si Charito, nabahala na siya na malaki ang posibilidad na siya nga ang ipapalit. Sa kanilang magkakapatid na mga babae, siya ang hindi paborito at minamaltrato pa ng ina kaya hindi niya mapigilan ang sarili na magdalamhati na maaaring matatapos pa kaagad ang kanyang buhay. Wala man sinasabi ang kanyang pamilya na siya nga ang iaalay, malakas ang kutob niya na isasakripisyo nga siya ng sariling ama.
"Wala ka naman nang magagawa!" pigil sa pag-iyak na paninisi pa nito sa binata na concerned lang naman sa kanya. "Kasalanan mo!"
"Sandali, hindi kita maintindihan," sinambit ni Pablo habang pilit na inuunawa ang hinanakit nito na wala naman siyang maalala na ginawa. "Halika, pag-usapan natin para malaman ko kung may ayaw ka sa akin at magawan ko ng paraan."
Nanlilisik man ang mga mata at nais pa siyang sumbatan, napahugulgol na lang ng iyak ang dalagita. Hindi na ito sumagot pa at nagtatakbo palabas ng bahay. Nabangga pa nito si Charito na nagtataka rin kung bakit hindi siya pinansin ng pinsan.
"Anong nangyari?" pag-uusisa na nito kay Pablo.
"Inaalam ko nga rin kung bakit parang may galit siya sa akin," sinagot naman ng kausap. "Ramdam ko na may mabigat siyang problema."
"Hmmm, moody kasi ang pinsan ko na 'yun kaya tinitimpla ko rin," pagtatapat niya upang hindi na magdamdam ang binata sa naging masamang asal ng kamag-anak. "Huwag mo na lang pansinin, ganyan lang talaga si Romina."
"Ganoon ba?" pahayag na lang ni Pablo kahit na may duda siyang may mabigat na pinagdadaanan nga ang dalagita at hindi naman talaga salbahe. "Nais ko pa rin siyang kaibiganin kasi mukhang misunderstood lang."
Mula sa bintana ay pinagmasdan niya si Romina na tulalang nakaupo sa ilalim ng puno. Dumaan sa likod nito ang banda at mga mang-aawit pero hindi man lang nito pinansin ang mga iyon. Kung ang karamihan ay nagkakatuwaan, pagdadalamhati naman ang nasa puso nito.
Maya't maya ay tinawag sila ni Aling Sally. Nagsabi ito na dumalo muna sila sa mga palaro na ang kapitan ng Sitio Almira pa mismo ang nag-imbita.
"Gusto nga rin niyang makilala ang dayo," pagbabalita nito kay Charito. "'Courtesy call' ba ang tawag doon? Basta, gusto raw niyang makilala si Pablo e!"
"Kilala niya na po ako?" pag-uusisa naman ng pari.
"Naku, sikat na sikat ka!" nakapamaywang na pahayag pa ng ginang. "Ikaw ang bukod-tanging naglakas-loob na mag-trespass dito sa sitio kaya kilala ka ng mga tagarito!"
Napahagod ng batok si Pablo sapagkat nabagabag na siya. Sa isip niya, paniguradong mainit ang mga mata ng mga naroon sa kanya kaya kailangan ng doble ingat.
"Sige po, pupunta na kami ni Charito," pagpayag na niya upang kahit paano ay makisama naman at makuha ang kanilang tiwala.
Pagdating ay kaagad din naman siyang napansin ng kapitan. Hindi naging mahirap sa kanya na papaniwalain na asawa nga siya ni Charito at hindi kalaban. Nagkuwentuhan lang sila nang kaunti pero nagpaalam din naman ang ginoo.
"Maiwan ko muna kayo," sinabi nito habang nakangiting nakaakbay kay Pablo. "Kapag nanganak na si Charito, gawin niyo akong ninong, ha!"
"Oo naman," pagsang-ayon naman niya kahit na malayo sa posibilad ang mga pinagsasabi ng may edad ng lalaki.
Paglisan ng kapitan ay nagtungo na sina Charito sa ilalim ng puno at nagmasid-masid. Maya't maya ay tumalon-talon ang dalaga upang abutin ang sanga na punong-puno ng malilit na mangga. Dahil may kataasan ang inaabot, tinulungan na lang niya na kunin ang mga iyon.
"Heto." Inabot niya ang isang tangkay na punong-puno ng mga prutas. Malugod naman nitong tinanggap ang pagkain at inisa-isa nang pitasin. Pinunas nito sa kasuotan ang prutas at kinain na parang kendi lang.
"Hindi ba maasim?" may pagkamanghang naitanong ni Pablo sapagkat mukhang enjoy na enjoy si Charito sa pangnguya sa malutong na mangga.
"Medyo, pero nasasarapan po ako e!"
"Wow! Para kang buntis na naglilihi! Kaya pala medyo tumataba ka na!" nagawa pa niyang biruin ito kaya napakunot na ang noo ng pekeng asawa. Siya rin ay napagtanto na kakaiba ang naging banat niya kaya napatahimik na siya. Naalala niya na hindi pala dapat pinagsasabihan na nagdadalang-tao ang babae hangga't hindi ito ang nagbubukas ng paksa at mas lalong hindi dapat pinupuna ang katawan na mayroon ito.
"Father, a!" pagsaway naman nito sa kanya habang winawagayway sa harap ng mukha niya ang hintuturo nito. "Walang ganyanan!"
"Sorry na," pag-ako rin naman niya kaagad sa pagkakamali. "Natuwa lang ako sa iyo masyado."
Maya't maya ay narinig mula sa malawak na koral kung saan nakakulong ang mga baboy ang anunsyo na magsisimula na ang isa sa mga pinakaimportanteng kaganapan sa piyesta. Dahil sa kuryosidad, pareho silang nagtungo kung saan gaganapin ang palaro na pinakahihintay ng mga taga-Sitio Almira.
"Sa mga malalakas na lalaki riyan!" malakas na deklarasyon ni Tiburcio, ang singkwenta anyos na ginoong simula pagkabata ay naging announcer na ng mga kaganapan sa nayon. "Heto na ang pinakahihintay niyo!"
Iwinasiwas nito sa ere ang ginintuang kuwintas na may palawit na diyamante. Napasinghap ang mga kababaihan sapagkat tunay naman na napakaganda ng hiyas na binigay na papremyo ng kapitan sa sinumang makakakuha niyon.
"Ilalagay namin ito sa leeg ng isa sa mga tatlumpung baboy," pagbibigay na niya ng instruksyon sa mga nais makilahok. "Ang gagawin niyo lang ay hahanapin mula sa mga baboy ito. Kung sino ang unang makakuha, sa kanya na ito! Pero sinasabihan ko na kayo na hindi ito magiging madali sapagkat sinadya namin na gawing maputik ang koral kaya mag-iingat kayo dahil madulas!"
"Sino ang malalakas ang loob na sasali?" pang-uudyok pa ni Tiburcio.
"Kuwintas." Nagniningning ang mga mata na pinagmasdan ni Charito ang hawak-hawak ng announcer. "Sa mga narinig ko, malaki raw ang halaga niyan, katumbas ng dalawang kalabaw."
Pasimpleng tinignan niya si Pablo upang pakiramdaman kung papayag ba sa nais. Nahihiya man ay pinili na niyang kapalan ang mukha na pakiusapan ito.
"Kailangan ko 'yun," pangungumbinsi niya sa sarili upang lunukin muna ang hiya. "Kapag nakatakas na kami rito, maaari kong ibenta iyon at magagamit ko ang pera para makapag-aral kahit vocational course lang!"
Lumakas ang kabog sa puso ni Pablo nang mapansin ang mataimtim na pagtitig ng kasama. Nabahala na siya sa posibilidad na isasabak nga sa pakikipaghabulan ng baboy. Mataimtim siya na nanalangin na sana ay mali ang kanyang kutob sapagkat ayaw niyang maputikan at ayaw niyang mangamoy baboy.
Subalit, tila ba may mga anghel sa langit na nais siyang biruin. Imbis na bawalan ay inudyok pa nila ang dalaga na kumbinsihin siyang sumali. Napuno siya ng hilakbot nang kumapit na sa kanya si Charito at nagsimula nang maglambing.
"Maganda po 'yun kuwintas. Ginto at diamante raw yan," nakangusong paghingi na nito ng malaking pabor sa kanya.
"OK," ang tanging nasambit lang niya upang hindi na sana humaba ang usapan.
"Gusto ko po sana..."
Magkasalubong ang mga kilay na napatingin siya kay Charito na namumula na ang pisngi sa hiya pero halata naman na sabik mapagbigyan.
"Baka pwede po kayong sumali," panunuyo pa nito habang namimilog ang mga mata. Dinikit pa nito ang pisngi sa balikat niya kaya nagbulung-bulungan ang mga babaeng nakakakita sa kanila. Halata sa ekspresyon ng mga ito ang inggit dahil paniwalang-paniwala sila na mag-asawa nga ang dalawa.
"Gusto mo ba talaga?" pabulong na paniniguro muna niya upang malaman kung karapat-dapat ba na tanggapin ang hamon.
"Opo!" mabilisang tugon naman ng tinatanong na asang-asa nga na mapagbibigyan.
"Kung ganoon ay kunin mo, Hija. Hindi ba, nasa mga kamay mo ang katuparan ng iyong mga pangarap? Dali, support kita riyan! Go, Charito, go!"
Napaawang tuloy ang mga labi ng dalaga sa mga nabitiwan niyang salita. Nang dahil sa inis ay napaupo siya sa damuhan at humikbi na parang bata.
"Ang bad mo po!" may tono ng pagtatampo na pinagsabihan pa nito ang pari. "Ipapahabol mo pa sa akin 'yun baboy at ang lalaki ng katawan ng mga makakalaban ko! Gusto ko lang kasi 'yun alahas dahil gusto kong mag-aral..."
Dali-dali itong tumayo at tumakbo nga patungo malapit sa koral. Nakaramdam tuloy siya ng guilt kahit na hindi naman sinasadyang masaktan ang damdamin ni Charito. Ang sa kanya lang ay pinagkakatuwaan muna niya ito na parang nakababatang kapatid.
"Saan ka pupunta?" paghahabol niya rito.
"Ako na ang makikipagbuno tutal ayaw mo po!" pagmamaktol pa rin ng inaamo. Inayos nito ang mga manggas ng damit upang maghanda nga sa pakikipagbunuan sa mga baboy. Hinubad na nito ang bakya at akmang aakyat na sana sa kahoy na bakod pero pinigil na siya ni Pablo.
"Tototohanin mo ang sinabi ko?" hindi makapaniwalang napabulalas niya.
"Opo! Kasi hindi ba, sinabi mo na kapag pangarap ko, kunin ko!"
Napabuntong-hininga na lang siya sapagkat literal na dinibdib nga niyo ang kanyang sinabi. Tunay nga ang payo niya subalit may mga pagkakataon din na kailangang isaalang-alang ang mga bagay at hindi nagpapadalus-dalos sa mga desisyon.
"Kaagad ka naman napipikon," paglalambing na niya kay Charito upang hindi na magdamdam pa. Kahit na kung minsan ay hindi niya na alam ang gagawin sa pabago-bagong sumpong nito, pilit pa rin niyang inuunawa sapagkat nasa edad ito na alanganing bata at ganap ng dalaga. "Siyempre, ako talaga ang kukuha niyon para sa iyo. Hindi ko naman hahayaan na maputikan ka lalo na ang masaktan ng mga lalaki."
"T-Talaga po?" Mabilis na napalitan na ng ligaya ang kani-kanina lamang na pagtatampo. "Promise?"
"Oo," pagkumpirman naman ni Pablo upang matuwa na si Charito. "Ikaw talaga kung makautos, gusto mo instant! Wait lang!"
Umakyat na siya sa kahoy na harang upang makisali na rin sa mga kalahok na dumadagsa na sa loob ng koral.
Habang naghihintay sa paglabas ng mga baboy mula sa kulungan, napansin ni Pablo na may nakasukbit na baril pala sa may likuran si Tiburcio. Kagabi pa niya iniisip kung paano makakahanap ng sandata na pangdepensa sa oras na makasilip siya ng tamang tiempo na itakas na si Charito. Napangisi na siya sapagkat tamang-tama ang pagkakataon upang maisakatuparan ang plano.
"Masaya pala ang palarong ito," binulong niya sa dalaga na nasa kabilang bakod lamang.
"Hmmm, kung makukuha mo po ang kuwintas, mas masaya!" pahayag naman nito habang minamasahe ang kanyang balikat upang ma-warm up na sa malupit na labanan. "Gamitan mo ng power, Father!"
"Higit pa riyan ang makukuha natin," may pahiwatig na sinabi niya sa kausap na pilit iniintindi ang kanyang sinasabi. Magtatanong pa sana ito kung ano ang ibig niyang sabihin pero bumukas na ang kulungan kung saan naroon ang mga baboy-ramo
Nang mabulabog na ang mga iyon ay nagsitakbuhan na sa iba't ibang direksyon kaya naging pahirapan na ang paghanap kung saan sa mga baboy ang may dala ng kuwintas. May mababangis pa at maghahabol ng mga tao kaya mas nagkagulo sa loob ng koral.
Aligaga at nag-agawan ang mga manlalaro sa baboy samantalang nagkuwari naman si Pablo na hindi alam ang gagawin. Sinadya pa niyang magpapapatid sa dalawang biik kaya inakala ng mga naroon na mahina siya. Paunti-unti ay gumapang siya patungo sa announcer na may pag-aaring baril.
Sumakto na dumaan sa harapan niya ang baboy na may alahas at hindi iyon nakalagpas sa matalas niyang paningin. Singbilis ng hangin na hinila niya ang hayop sa buntot upang makuha na ang kuwintas. Nagpumiglas ito sa mga braso niya habang umiiyak nang pagkalakas-lakas.
"Ganyan nga, sigaw!" patawa-tawang inutos pa niya rito habang umaatras siya patungo sa announcer. Nang ilang dipa na lang ang layo ay hinayaan na niyang makawala ang hayop. Nagpanggap naman siyang nadulas at napadapa kaya napayakap siya kay Tiburcio.
"Sorry po!" paghingi niya ng paumanhin sa ginoo. Akmang tutulungan sana niyang makatayo ito subalit sinadya niyang madulas sa basang-basa na lupa, dahilan upang mapasadlak muli ito at madaganan naman niya. "Hala, napaka-clumsy ko naman!"
"Napakalampa mo nga naman!" nanggagalaiti sa inis na pinagalitan na siya nito habang pilit na bumabangon sa malapot na putik subalit natutumba rin naman sapagkat pumapatong sa kanya si Pablo. 'Di nagtagal ay tuluyan na itong napahiga at tinalunan ng nagwawalang mga hayop. "'Yun mga baboy ang sunggaban mo, pigilan mo sila!"
"Oo nga po! Napakasalbahe naman ng mga baboy na 'yan!" paninisi pa niya sa mga iyon. "Napaka-wild!"
"Tsk! Bakit kasi sumali ka pa samantalang hindi mo pala kaya! Sa susunod, maglaba at mamalantsa ka na lang sa bahay!"
Patuloy man na iniinsulto ng lalaki ay hindi naman siya apektado sapagkat wala itong kaalam-alam na nakuha na pala niya ang baril nito. Sinamantala niya na napapalibutan sila ng mga baboy at abala naman ang ibang mga manlalaro sa paghahabol upang pasikretong maibaon ang armas sa ilalim ng putikan.
Nang matagumpay na naikubli na iyon ay tumayo na siya at may pagmamayabang na pinakita sa lahat ang nakuhang alahas.
"Success!" pahayag niya kasabay ng pag-angat ng kamay na may hawak sa kuwintas.
"Yehey!" tuwang-tuwa na napatili si Charito nang makita ang pinakaaasam na premyo. "Sabi na nga ba at hindi mo ako bibiguin!"
Nagsihiyawan at nagpalakpakan ang mga tao dahil sa pagkabilib na nakuha niya ng wala man lang limang minuto ang mamahaling kuwintas. Tinapik siya ng mga lalaking mabilis na natanggap ang pagkatalo. Karamihan ay masama naman ang loob sa kanya at hindi na siya pinansin.
Akmang lalapit na sana siya kay Charito upang iabot ang regalo subalit nagsisigaw na si Tiburcio nang makapa mula sa likuran ng bulsa na nawawala ang kanyang baril.
"May traydor na ninakaw ang pistol ko!" pahayag niya na nakapagdulot nang pagkabahala sa mga naroon. "Walang aalis sa mga kalahok!"
Nang marinig ang komosyon ay pumasok na sa bakod ang mga armadong lalaki upang harangin ang mga manlalaro at imbestigahin silang lahat. Pinapila sila sa isang sulok at kinapkapan. Nang walang makitang baril ay mas naging aligaga ang ginoo sapagkat posibleng malaking gulo ang mangyayari kapag may nakakuha sa kanya niyon.
Matalas na tinitigan niya si Pablo na nagpapanggap pa rin na walang kamuwang-muwang at napakabait. Hindi man ito kumibo nang paulit-ulit itong kinapkapan sa iba't ibang parte ng katawan. Napatawa lang ito nang hinimas sa may singit kaya natawag lalo ang kanyang pansin.
"Uy, huwag diyan! May kiliti ako riyan!" pagpapatigil ng pari sa paghawak sa kanya. "Ibang armas ang nandiyan kaya tama na! Hahaha!"
"Ikaw!" pagtawag na nito habang nakaturo pa ang daliri sa mukha niya. "Kaduda-duda ka!"
"Po?" pagmamaang-maangan naman ng binata na humahagikgik pa rin at sinasadyang gayahin ang tunog ng mga biik dahil sa pagkakiliti.
"Umamin ka na!" pagbibintang na nito. "Ikaw lang ang naalala kong nakadikit sa akin!"
"Ha? Ang dami naman po ng mga lumapit sa inyo," pagdadahilan naman niya habang nagkakamot ng ulo. "Pati nga po si Mr. Piggy, nakadikit sa iyo. Baka naman po nahulog niyo lang at hindi napansin."
"Sinungaling!" pagdidiin pa rin sa kanya nito. Dahil sa galit ay sinimulan na nitong hatakin siya sa kuwelyo ng damit upang kapkapan at sapilitan na hubaran.
"Bitiwan mo po ako!" pagrereklamo na niya habang nakikipaghilaan ng tela kay Tiburcio. "Aray!"
"Ilabas mo kung nasaan ang baril ko! Baka nasa kilikili mo, nakaipit lang!"
"Wala nga po!" pagmamatigas naman niya kaya mas nagduda ang mga nag-iimbestiga. "Pati nga sa puw*t ko, kinapkapan niyo na ako! Saan ko pa itatago, sa lagusan ng ta*? Ang laki naman yata masyado at paniguradong mako-constipate na ako nun!"
"Halatang may tinatago ka! Malamang, nakasingit 'yun sa katawan mo na nakatago! Sa tanda kong ito, hindi mo ako maloloko! Hubad!"
"Ayaw ko!" pagtanggi pa rin niya kahit na pinagtutulungan na ng ibang mga bantay. "Tigilan niyo ako! Wala nga sa akin ang hinahanap niyo!"
"Kalalaki mong tao, ayaw mong maghubad!" nagawa pa siyang punain ng isa na may katabaan. Kapansin-pansin kasi na sa lahat ng kalahok na naroon, siya lang ang balot na balot ng damit samantalang ang ibang lalaki ay wala na ngang pang-itaas at nakayapak pa. "Para kang madre, kulang na lang ng belo!"
"Kahit na mag-abito pa ako forever, walang pakialamanan!" sinagot naman niya sa mga nang-iinis sa kanya.
"Kung aarte-arte ka lang, ipapakulong ka na namin!" pagbabanta na sa kanya ni Tuburcio kasabay nang pag-agaw sa kanya ng kuwintas. "Delikado na hayaan ka namin na makalaya! Dayo ka pa naman at baka isa kang spy!"
Marahas na siyang hinatak ng mga armadong lalaki at pinagtangkaan pa na talian. Nabagabag na rin si Charito kaya sumampa na siya sa bakod ng koral upang damayan ang inaakala nila na tunay na mister.
"Mga kuya," pakikiusap na niya upang huwag ipiit at saktan si Pablo. "Asawa ko po siya! Ako na mismo ang magpapatunay na hindi niya kayang mang-agaw ng baril!"
"Manahimik ka, babae!" pinagalitan pa siya ng isa sa mga bantay. Pinagtulakan pa siya nito palayo kaya natumba siya sa lupa. Napaaray na lang siya nang aksidenteng matamaan ang sugat niya sa hita. "Pakialamera!"
Dahil sa nasaksihang pagmamalupit nila kay Charito, sinagi na ni Pablo ang mga kamay ng mga umaaresto sa kanya. Nagtungo siya kaagad sa kinasasadlakan nito at inalalayan na tumayo.
"Mga wala kayong kunsiderasyon!" pinagsabihan na niya ang mga naroon. "Sumusobra na kayo!"
"Ano nga po ba ang issue natin ulit?" kasunod na pagtatanong na niya sa salbaheng lalaki na kanina pa siya pinag-iinitan sapagkat alam nito na siya ay dayo lamang. "A, yun baril! Hiyang-hiya naman ako kasi kasalanan ko pala na naglayas ang baril mo!"
Mabilisan niyang hinubad na ang suot na pang-itaas at hinagis sa lupa. Dahil sa mapangahas na akto, napatakip tuloy ng mga mata si Charito. Subalit, malakas ang tawag ng tukso kaya sumilip naman siya sa siwang ng mga daliri.
"P-Patawarin, talagang magkakasala nga ako!" pagdiriwang niya sapagkat silaw na silaw na siya sa nilalang na parang ibinagsak ng langit upang pagpiyestahan ng mga babae. "Wala kaya siyang balak na lumabas sa pagkapari at totohanin na pakasalan na nga ako? Ang katawan, naku po! Ulam na, panghimagas pa!"
"Baka pati pantalon ko, gusto niyo na rin na tanggalin ko para mapatunayan na wala nga akong tinatago!" pang-iinis pa ni Pablo sa mga kausap na nagulantang din sa pagiging palaban niya. "Atat kayo masyado, e!"
Sinimulan na niyang hilain ang suot na belt at ibaba ang zipper ng suot na pang-ibaba. Muli ay umiral na naman ang pagiging pilyo niya sa mga pagkakataon na nililihis na lang niya ang inis sa mga sarkastikong biro.
"Walang sisihan kung magkasala ang mga babae niyo rito! From 1962 onwards, I'll be stealing your girls!" pagbabanta pa niya.
Nanahimik ang hiyawan at pangangantyaw ng mga naroon nang makita siya na nagtanggal na ng t-shirt. Sa tanang-buhay nila, ngayon lang sila nakakita ng nilalang na halos perpekto na ang pagkakahulma ng kabuuang anyo. Nadapa pa ang isang ginang at napasadlak sa putikan nang makita ang katawan na maihahalintulad sa mga iskultura ng mga Griyego na mga diyos ng Olympus o kaya naman ng mga estatwa ng mandirigmang anghel ng mga Kristiyano.
"Pero nagbago na ang isip ko," pagbawi rin naman niya sa nasabing huhubarin nga ang pantalon, dahilan upang manghinayang ang mga kababaihan. Muli ay isinuot niya ang sinturon at inayos sa lugar upang hindi mahubuan. "Ako nga pala ang dapat magpastol ng mga tao rito sa kabutihan! Nakalimot ako!"
Pinulot na ni Charito ang pang-itaas niya at umiiwas ang tingin na iniabot sa binata. Medyo nagseselos na rin kasi siya sapagkat pakiramdam niya ay ninanakaw ng ibang mga babae roon ang minamahal niya sa pamamagitan ng mga mata.
"Utang na loob, magdamit ka na!" inutos na niya sa pari.
Napatakip tuloy sa dibdib si Pablo at napatawa pa sapagkat siya rin ay nabigla sa pagiging pilyo. Maginoo man ay natural na lumalabas pa rin kung minsan ang pagiging mapanukso niya lalo na kapag nagkakagipitan na. Imbis kasi na magalit o mang-away ay nakikipagbiruan na lang siya o kaya naman ay pinaglalaruan ang kaalitan.
"Nagulat ka, ano?" biniro pa niya ang dalaga na hindi pa rin makatingin nang diretso. "Kalimutan mo na ang nakita mo, neh?"
"Paano ko makakalimutan?" nakahawak sa mga pisnging sinagot naman ng kausap na hindi pa rin maka-get-over sa nasaksihan. "Nasilayan ko na yata ang heaven...
"Klaro na po ba tayo sa isyu?" pagtatanong na ni Pablo kay Tiburcio habang isinusuot muli ang t-shirt. Nanatili lang na tahimik ang ginoo pero masama pa rin ang tingin sa kanya sapagkat napahiya ito sa pagbibintang sa kanya.
"Kung wala na kayong masasabi, aalis na po kami." Hinablot niya mula sa kausap ang kuwintas at hinawakan na si Charito sa kamay upang lisanin na ang lugar. "Nagpunta lang kami rito para magsaya. 'Yun pala, pagbibintangan niyo ako na nangunguha ng baril. Nakakalungkot!"
Inalalayan na niyang makatuntong at makababa sa kahoy na harang si Charito. Nakangiting iniabot na niya ang inaasam nito na gintong kuwintas na may diyamante.
"As requested," sinambit niya na nakapagdulot ng malawak na ngiti sa dalaga. Sabik na tinanggap naman nito ang alahas na alam niyang pinaghirapan ngang kunin ng lihim na iniibig para sa kanya.
"Napakaganda! Thank you!" naluluha sa tuwa na pagpapasalamat niya. "Pero hindi ko na po ibebenta ito."
"Bakit?" pagtataka naman ni Pablo. "Sayang naman at baka magamit mo pa sa pag-aaral o negosyo."
Umiling-iling si Charito sapagkat buo na ang loob niya na hindi nga ipagbibili ang premyong nakamit. Para kasi sa kanya, iyon ang tipo ng hiyas na pinapahalagahan habang-buhay.
"Makakahanap naman po ako ng ibang pagkakakitaan," pahayag niya kasabay ng pagsusuot ng kuwintas sa leeg. Panandalian niyang pinagmasdan ang palawit na nagningning sa liwanag, katulad ng mala-abong mga mata ni Pablo.
"Pero hindi na ako makakahanap ng ganito kaespesyal na regalo. Maraming, maraming salamat..."
-ITUTULOY-