Case Number 7: Bakunawa (Part 6)

4999 Words
"Kahit paano, nakakatuwa rin pala ang magpunta sa selebrasyon ng piyesta ng bakunawa," pahayag ni Charito. Bitbit niya ang isang basket na puno ng pagkain na nakuha niya mula sa handaan. Naroon ang samu't saring ulam at mga kakanin na ibibigay niya sa kapatid. "May nauwi pa ako para kay Kuya." "Sobrang thoughtful mo," pagpuri ni Pablo sapagkat kahit ipinagkanulo man ng kadugo, inaalala pa rin ito ng dalaga. Hindi nakadalo si Joaquin sa piyesta kaya naisip na nitong dalawin at dalhan pa ng makakain. "Naalala ko ang ate ko sa iyo. Natatandaan ko noon, kahit kung minsan ay sinusungitan niya ako at nagkakatampuhan pa, hindi rin naman niya ako matiis." "Kasi po, kahit may hindi man pagkakaunawaan, ang kapatid ay kapatid pa rin," malamlam ang mga matang deklarasyon ni Charito. Aminadong nasaktan man sa nagawang pagtatraydor ng kapamilya, hindi pa rin niya kayang isawalang-bahala ang naging mabuting samahan nila noon. "Pinagdadasal ko na sana, magising na siya sa katotohanan na wala talagang malasakit ang bakunawa sa amin at mali ang pag-aalay ng mga babae. Umaasa pa rin po ako na magbabago siya." "Pareho tayo ng panalangin" pagsang-ayon naman ng pari. "Kaisa-isa mo lang siya na kapatid kaya sana, magkasundo kayo. Hindi naman sa kontra ako sa ginagawa mo pero huwag ka pa rin masyadong tiwala, neh? Mag-iingat ka kasi muntik ka na niyang napahamak." Tumango-tango si Charito sapagkat naiintindihan naman niya ang pag-aalala ni Pablo dahil muntikang nasaktan pa siya sa nagawang pagtatraydor ni Joaquin. "Mabuti ka pa po, may genuine concern sa akin," nakangiting pahayag niya sa hinahangaang lalaki na may lihim na siyang pagtingin. "Sana, pagkatapos natin na makatakas dito sa sitio, hindi mo pa rin ako pababayaan." "Siyempre naman, matitiis ba kita?Parang 'kuya' mo na ako kaya huwag kang mag-alala," paniniguro nito na hindi iiwanan sa ere ang dalaga na tinuturing na niyang nakababatang kapatid. "Pagkabalik sa San Nicolas, pagpaplanuhin na natin kung paano ka makakapag-aral. Step by step, tutulungan ka namin ni Sister Mary Joy na maging strong and independent." "Kuya..." umalingawngaw ang salitang binitiwan sa kanya ni Pablo. "Hanggang doon na lang ba?" walang imik na pagtatanong niya habang pinagmamasdan ang pari na tinatanggal ang nakaharang na mga sanga upang malinis ang kanyang dadaanan. Naging malungkot ang ekspresyon niya sapagkat napagtanto niya na parang kapatid nga lang talaga ang tingin nito sa kanya. Dahil sa lalim ng kanyang iniisip ay hindi na niya napansin na may dumi pala ng kalabaw sa harapan. Naramdaman na lang niya na may malambot at mamasa-masang bagay na dumampi sa kanyang talampakan. "Ilagan mo pala 'yun ta* ng kalabaw," pagbibigay ni Pablo ng babala subalit nahuli na pala siya. Paglingon ay sumakto na nabaon na ang bakya ni Charito sa gabundok na dumi. "Ay!" napatili na lang ang ang pinagsabihan nang makita ang kamalasang natamo. Akmang aatras sana siya mula roon subalit tila ba pinaparusahan siya ng mga hayop sa bukirin sa pag-aasam ng isang pari. Paghakbang ay may ta* naman ng baka kaya nadulas na siya. Napapikit na lang siya upang tanggapin ang hatol ng kalikasan pero imbis na mabahong elemento ang kasasadlakan, mabangong nilalang pala ang kababagsakan. Ramdam niya ang pagtama ng kanyang katawan sa dibdib ni Pablo. Pagkapa ay nadama pa niya na firm ang muscle nito kaya napabitiw din naman siya kaagad sapagkat para sa kanya ay sobrang pagkakasala na ang paghipo sa Alagad ng Simbahan. Marahan man ang pagkakahawak sa kanya upang hindi tuluyang matumba, alam niya na malakas ang mga brasong umaalalay sa kanya. Kinabahan man sa muntikang pagkaaksidente, kakatwa man ay nasiyahan pa siya sa 'di inaasahang pangyayari. "Nakakatukso ka talaga!" hiyaw ng kanyang isipan habang pilit na nilalabanan ang pagkaakit muli kay Pablo. Sinamantala pa niya ang pagkakataon upang masinghot ang nakakahumaling na samyo nito. "Amoy pa nga lang, kalahati ng katawan ko ay nahahatak na sa impiyerno! Ay, ang bad ko!" "Ang sabi ko, iwasan mo 'yun ta*, hindi apakan," pinagsabihan pa siya ng hinahangaan kaya natauhan na siya. "At huwag mo ako masyadong amuyin kasi nakipag-bonding ako sa mga baboy kanina." Napaawang ang bibig ni Charito nang magtama ang kanilang paningin. Sa malapitan ay tunay nga na nakakamangha ang mga mata ni Pablo na mala-abo at nagniningning pa kapag natatapat sa liwanag. Dahil sa napakagandang pangitain, hindi na niya namalayang tumutulo na ang laway sa gilid ng bibig. "OK ka lang ba?" pagtatanong na ng pari nang mapansin na bigla siyang naging aligaga at tila ba nawawala sa sarili. Kinapa pa siya nito sa may pisngi upang malaman kung may sakit ba siya. "Wala ka naman lagnat. Marahil, napagod ka na." "A-Ano po, t-tama ka nga po," nabubulol ang dilang sinagot niya. Pinunasan niya ang laway na tumulo paibaba at nanalangin na sana ay hindi nakita ni Pablo iyon sapagkat kahiya-hiya. "Tulo-laway ka pa," pagbibiro naman ng kaharap kaya napatakip na lang siya ng mukha dahil sa sobrang kahihiyan. Pihadong kahit anong pagkukubli pala ang gawin niya, hindi pa rin makakalagpas sa matalas na paningin ng pari. "Baby ka pa rin talaga! Ang cute!" "Tinatago ko na, pinagsigawan mo pa!" naiinis na sinagot niya sa pangangantyaw nito. "Ang bilis ng mga mata mo, hmph!" "A, tinatago mo pala. Sorry naman," patawa-tawang paghingi nito ng paumanhin pero alam naman niyang hindi sincere at pinagkakatuwaan talaga siya. "'Di bale, mga earthworms at ako lang ang nakakaalam ng secret mo! Hahaha!" "Lakasan mo pa po, Father!" pikon na pagsaway na niya sa kapilyuhan nito. "Ang sarap ng paghalakhak mo, e!" Sinikap niyang ayusin na ang sarili upang hindi mahalatang apektado masyado. Pinahid din niya ang suot na bakya sa katabing bato upang matanggal na ang dumi ng kalabaw at baka. Dahil sa mamasa-masa na iyon, hinubad na lang niya at nagpasyang maglakad na nakayapak. "Si Father Pablo naman kasi, sinalo na yata lahat ng charm kaya na-i-starstruck ako masyado!" lihim na paninisi pa niya sa walang kaalam-alam na lalaki. "Pagkatapos, sasabihin sa akin na 'kuya' lang ang itatrato ko sa kanya! Sobrang hirap kaya 'yun!" "Akin na," pag-alok na ni Pablo ng tulong upang buhatin na ang basket na dala-dala niya. "Mamaya, matulog ka nang maaga, neh? Baka nanghihina ka na sa puyat kaya dapat, alas-nuebe pa lang mahimbing ka na." Hindi pa man nakakalayo ay patuloy pa rin siya sa pagsulyap kay Pablo. Kagabi pa niya nais itong tanungin subalit nahihiya rin naman at baka isipin na mapanghimasok sa buhay nito. Pinipigil sana niya ang sarili na makialam pa subalit hindi siya matahimik hangga't hindi naririnig ang kasagutan. "Father, may itatanong po sana ako," paglalakas ng loob na niyang makiusyoso sa personal na buhay nito. "Ano 'yun?" sinagot naman nito. "May mga pagkakataon ba na kinukunsidera mo na lumabas sa pagkapari?" "Hmmm, bakit mo naman naitanong?" "Huwag ka sanang magagalit. Wala po kasi sa tipo mo. Sa unang tingin, lalo na kung hindi ka nakaabito, hindi ka mukhang pari..." Dahil sa kakaibang pahayag ni Charito, napahinto sa paglalakad si Pablo nang mapagtanto na sa tagal pala nila na magkasama, hindi talaga siya kinukunsidera nito na seryosong tagapaglingkod ng Simbahan. "Ako rin ay may itatanong muna," pag-uusisa rin niya sapagkat nitong mga nakaraang araw, napaparami na ang nagtatanong kung kailan niya lilisanin ang propesyon. "Bakit ba gusto niyo yata akong paalisin sa pagkapari? Ganoon ba ako kasama na nais niyo akong sipain palabas ng Simbahan? Pati ibang mga kasama ko na pari, atat akong palayasin." "Naku, hindi po 'yun ang ibig kong sabihin," pagkaklaro niya sa nasabi dahil napaghalatang medyo napikon ang inuusisa. "Ang totoo po kasi...kasi po ang lovable niyo masyado!" Napatakip siya sa bibig nang malantad na ang tunay na laman ng isipan. Napaismid pa si Pablo sa pinagtapat niya kaya ramdam niya ang pag-akyat ng dugo sa kanyang mukha. "Lovable, talaga?" nakapamaywang na pag-uulit pa nito. "Loves niyo ako?" "A, e, hindi ka mahirap magustuhan ng 'ibang' babae," pagpapalusot niya na nagdulot naman ng pagkalito sa binata. "Kunwari lang, may magtapat sa iyo na mahal ka, posible ba na maging ordinaryong tao ka na lang at bumuo ng sariling pamilya? Maaari ka rin ba na umibig sa babae?" Panandalian munang inisip ni Pablo ang nararapat na isagot. Hindi niya masyadong maintindihan ang pinahihiwatig ng kausap pero may ideya na siya na marahil, naghahangad nga si Charito na lalabas nga siya sa pagkapari. Hindi naman siya bulag upang hindi mapansin ang pagpaparamdan ng pagtingin nito sa kanya. Sadyang hindi lang siya nagpapahalata sapagkat ayaw niyang paasain ito na hihigit pa sa pagkakaibigan ang maibibigay niyang aruga at atensyon. "Ako ay ikinasal na sa Simbahan," diretsahang tugon na niya kay Charito upang mapigil na kung ano man ang nararamdaman nito para sa kanya. "Hindi ko alam ang plano ng Panginoon sa susunod na mga araw pero ang nasa puso ko ngayon ay ang paglingkuran at mahalin ang institusyon na nilikha Niya, habambuhay." Kahit anong ayos ng pagkakasagot ni Pablo ay nagdamdam pa rin ang dalaga. Nais man niyang maiyak at magtampo ay batid niyang wala siya sa lugar. "Marahil, may ibang buhay na nararapat sa iyo," pigil sa pag-iyak na panunubok pa rin niyang baguhin ang isipan ni Pablo. "Gwapo ka, matalino at may karismang hindi karaniwan sa tao. Hindi ka nababagay na makulong sa Simbahan. Higit pa roon ang deserve mo." Kahit na mapaghamon ang naging dating ng nga salita ni Charito patungkol sa propesyon niya, pilit pa rin niyang inunawa ang murang isipan nito na may kapusukan pa rin. Naiintindihan niya ang punto nito pero wala siyang pagsisisi na pumasok sa responsibilidad na hindi lahat ng lalaki ay kakayanin. Marami ang nanghihinayang talaga sa kanya pero nais niya rin na maunawaan ng mga ito na ganito ang pinili niyang buhay at sana ay respetuhin din ang kanyang desisyon. "Mahal ko ang Diyos at ang Kanyang Simbahan," pagsusumikap niyang magpaliwanag nang maayos. Panandalian muna niyang tinitigan sa mga mata si Charito upang timplahin kung paano niya ipapahiwatig na malayo ang posibilidad na mag-aasawa pa. "Sila ang makapagdulot sa akin ng kapayapaan at ligayang hindi ko natagpuan sa dating buhay ko..." "Kaya pakiusap, huwag niyo sanang hihilingin na lumabas ako sa pagkapari. Alam ko sa sarili ko na kung hihiwalay ako sa Simbahan at kung ako rin ay itatakwil nito, mamamatay ang parte ng aking puso..." Nang mga oras na iyon ay natakluban ng kalungkutan ang puso ni Charito sa lantarang deklarasyon ng wagas na pag-ibig ni Pablo sa Diyos at sa Simbahan. Klaro man sa kanya iyon ay hindi niya mapigil ang sarili na humiling pa rin na isang araw, ibabaling na nito ang pagtingin sa kanya. "Bakit kasi sa lahat ng lalaking mapapamahal ako, sa pari pa?" nangingilid ang luhang naisip niya. Kakatwa man ay nagseselos siya sa Simbahan na tinuturing na tunay na asawa ni Pablo. "Alam kong mali pero umaasa ako na paglabas namin dito, mag-iiba ang ihip ng hangin. Sana, kahit kaunti ay magkaroon siya ng pag-ibig para sa akin..." "Ihatid na nga natin itong mga pagkain sa kuya mo para makapagpahinga na tayo," paggambala na ni Pablo sa malalim niyang iniisip. "Siguro, pagod lang tayo kaya anu-ano na ang napag-uusapan natin." Habang naglalakad sila sa gitna ng bukirin patungo sa bahay nina Joaquin, kasalukuyan naman na aligaga ang nasabing lalaki sa pagpahid ng basang tuwalya sa mukha ng musmos niyang anak na babae. Magdamagan na itong inaapoy ng lagnat kaya nababahala na siya. Noong nakaraang tatlong araw ay nagkasakit na ito at pinadala sa albularyo pero imbis na gumaling, mas lumala pa ang kalagayan nito. "Baka kailangan na natin siyang dalhin sa doktor," suhestiyon na ng asawang si Mildred. "Natatakot na ako at baka ano pa ang mangyari sa anak natin." "Paano?" magulo ang isipang tinanong naman niya sa kabiyak sapagkat siya rin ay hindi na alam ang gagawin upang umayos ang sitwasyon ng supling na magdadalawang taon pa lamang. "Mahigpit si Itay. Ako nga rin ay kailangan pang magdahilan ng kung anu-ano upang makalabas lang sa sitio. Hindi basta-basta nakakalabas dito hangga't walang pahintulot ng mas nakatatanda sa atin!" "Baka pwede natin subukan?" pakikiusap na ng asawa sapagkat iba na talaga ang kutob nito kapag isinawalang-bahala pa ang karamdaman ng anak. "Marahil, mapagbibigyan naman tayo kasi emergency na." "Sige, pupuntahan ko muna si Itay," pagpayag na niya kahit na alam niyang walang kasiguruhan na mapagbibigyan. Istrikto ang ama nila ni Charito at hindi binabali ang mga batas kahit na ang sariling pamilya pa ang posibleng mapahamak. Ganoon man ang sitwasyon, nagpasya siyang subukan pa rin na makiusap tutal naman ay panganay siyang anak at napapakinabangan din naman sa negosyo nila na pagsasaka at pag-aalaga ng mga baboy at baka. Mag-a-alas kwatro na ng hapon nang maabutan niya si Narcing, kasama ang mga kaibigan, na nakaupo sa may bakuran. Maliwanag pa ang araw pero nag-iinuman na sila. Mahilig sa ganoong bisyo ang ama lalo na kung may mga piyesta kaya nabahala siya na magagalit ito kapag naistorbo. "Itay," pagbati niya sa tatay na patuloy lang sa paglagok ng alak kahit na nakita na siyang pumasok sa tarangkahan. "Pasensya na po at nakakaabala. Maari ko po ba kayong makausap sandali?" "Nakikita mo na may katuwaan kami, hindi ba?" iritableng sinagot naman nito. "Kung may sasabihin ka, bilisan mo." "Importante lang po kasi," nag-aalangang pagdadahilan niya. Tinitimpla kasi niya ang sumpong nito kaya dahan-dahan siya sa pagbibitiw ng mga salita. Hindi niya pwedeng iparinig sa iba ang pakiusap dahil malaki ang posibilidad na ipagkakalat pa ng mga naroon ang plano at baka malagay pa sa alanganin ang buong mag-anak. "Baka pwedeng tayo munang dalawa ang mag-usap." Nakasimangot na lumingon na sa kanya si Narcing. Nagbuhos muna ito ng alak sa mga baso at umiling-iling kaya tumawa pa ang mga kabarkada sa reaksyon niya. "Makulit ang anak ko," sinabi pa nito bago tumayo at nagtungo sa likod ng bahay. "Bilisan mo," inutos niya kay Joaquin dahil nauubos na ang kanyang pasensya sa pang-iistorbo nito sa kanilang kasiyahan. "Kapag hindi 'yan importante, lumayas ka na sa harapan ko!" "Pasensya na po ulit," paghingi niya ng kaunting pag-unawa sa tatay. "Kailangan ko lang kasing madala sa ospital ang anak ko. Ilang araw na kasing nilalagnat kaya naisip ko na ipatingin na-" Hindi pa man siya natatapos na magpaliwanag ay binara na siya ng tatay sapagkat hindi nito nagustuhan ang pinahihiwatig niya. "Alam mo na bawal lumabas ang mga babae rito, hindi ba?" "Pero musmos pa po siya at anak ko naman," panunubok pa rin niya na mapakinggan. "Pangako, babalik naman kami-" "Isa kang malaking abala!" binulyawan na siya ng tatay na ikinagulat pa niya. Sa tagal niyang naninilbihan dito, hindi niya inaasahang matitiis siya nito kahit na maysakit na nga ang anak. "Walang pupunta sa ospital!" "P-Pero..." "Umalis ka na!" sinigawan pa siya nito habang ipinagtutulakan palayo. "Peste ka, katulad ng kapatid mo! Walang kuwenta!" Mabigat ang loob na nilisan niya ang bahay nina Narcing. Dahil sa sama ng loob at lungkot na nararamdaman, nagpasya muna siyang magpahangin saglit sa may fihspond na pag-aari din ni Narcing. Doon ay tulirong pinagmasdan lang niya ang payapang pag-agos niyon, kasama ang mabagal na paglangoy ng mga tilapya. Maya't maya ay may umaligid na puting mga paru-paro na parang nakikisimpatya sa mabigat niyang suliranin. "Paano na ang anak ko?" pagtatanong pa niya sa mga ito. "Dahil lang sa babae siya, wala man lang pakialam si Itay..." "Nawawala na ako sa katinuan," patawa-tawang napagtanto na niya sapagkat pati mga insekto ay kinakausap na. "Ang gusto ko lang naman, mapatingin sa doktor ang baby namin!" Lingid sa kaalaman niya, mga ligaw na kaluluwa pala ang panandaliang nagparamdam sa kanya at isa roon ay si Malaya. Siya ay isa sa mga napaslang na mga dalagita noon na kahit lumipas man ang maraming taon ay hindi pa rin matahimik. Nais niyang ipahiwatig kay Joaquin na nararapat na nitong ipaglaban ang kalagayan ng anak at huwag hahayaan na mamatay. Dumapo sa may balikat niya ang kaluluwa na may anyong paru-paro. Pagkatapos ay lumipad ito ng pasirko-sirko sa ere kung saan matatanaw ang maaliwalas na langit. Pagbaba ng kanyang paningin ay sakto na nakita niya sina Pablo at Charito na naglalakad sa bukirin at patungo pa sa direksyon ng kanyang bahay. Malayo man ay tanaw niya na maligayang nagkukuwentuhan ang dalawa na para bang wala silang dinadalang problema. Sa tanang-buhay niya, ngayon lang niya nakita na tunay na maligaya at malaya ang kapatid. Humawak pa ito sa braso ng inaakalang bayaw at saksi siya sa malutong na paghalakhak nito. Napangiti pa siya dahil masaya rin siya para sa kalagayan ng kapatid. Malaki ang pasasalamat niya na hindi ito papaslangin at iaalay sa bakunawa. "Charito," pabulong na sinambit niya na tila na kaharap lang kausap. "Patawad, naging salbahe sa iyo si Kuya..." 'Di nagtagal ay pumatak na ang magkakasunod na luha nang maging klaro sa kanya kung bakit ipinaglalaban ng nakababatang kapatid ang kalayaan kahit na ang kapalit pa ay buhay. Sa bawat pagpatak ng likido mula sa kanyang mga mata, unti-unti na siyang naliwanagan sa maling sistema ng kanilang nayon, lalong-lalo na ang pagsasakripisyo sa mga inosenteng babae. Sising-sisi siya na pati siya ay naging instrumento sa kasamaan at maging ang kapatid ay naipagkanulo at muntikan pa na mapahamak. "Hindi pwedeng ganito! Ayaw ko nang maranasan ng aking anak ang ganitong klase ng buhay na kontrolado ng kulto!" pahayag na niya habang pinupunasan ang mga luha sa pisngi. "Marahil, tama nga sina Charito at wala naman talagang pakialam ang bakunawa sa amin! Kahit ilang beses pa kaming mag-alay, mananatili pa rin kami na mga alipin ng isang diyos-diyosan lamang!" "Kailangan kong maitakas ang mag-ina ko rito sa lalong-madaling panahon!" pagpapasya na niya kahit may takot man na nasa puso. Batid niya na hindi madali ang pagkalas sa kulto pero lalakasan na niya ang loob alang-alang sa kanyang pamilya. "Ipaglalaban ko sila kahit na kamuhian pa ako ni Itay at parusahan!" Nang pauwi ay nagkasalubong pa sila ni Charito sa palikong kanto patungo sa kanyang bahay. Kaagad din naman siyang napansin nito kaya sabik itong tumakbo patungo sa kanya at yumakap pa. "Kuya!" maligayang pagbati nito na parang wala siyang nagawang kasalanan. Inabot nito sa kanya ang dalang basket na puno ng pagkain. Katulad ng dati, malambing pa rin ito at inaalala siya sa kabila ng mga pagkakamali. "Para sa akin?" hindi makapaniwalang patatanong niya sapagkat para sa kanya, hindi na siya karapat-dapat sa pagmamahal ng kapatid. Tanggap na nga rin niya na posibleng kapootan siya nito habang-buhay. "Ang dami naman." "Oo, Kuya," masiglang tugon naman nito kasabay ng pag-akbay sa kanya. "Hinahanap nga kita doon sa kasiyahan at palaro pero wala ka. Kaya heto, nag-uwi na lang ako ng handa. Sayang nga at hindi ka nakapunta, ang daming pagkain at giveaways!" "Salamat," hiyang-hiya na sinambit na lang niya sapagkat hindi pa niya alam kung paano makakabawi sa kapatid sa lahat ng pagkukulang. "Tara, magpalamig muna kayo sa loob!" Hindi pa man nakakapasok ay dinig na ang pag-iyak ng kanyang sanggol. Karga-karga ito ng kanyang asawa at dahan-dahan na dinuduyan sa mga braso upang patahanin. Sa kasamaang-palad, hindi pa rin ito tumigil kaya hindi na rin alam ni Mildred ang gagawin. "Bakit?" pag-aalala na ni Joaquin. "Bigla na lang siyang nag-iiyak," maluha-luhang pagbabalita nito. "Marahil, masama na talaga ang pakiramdam! Ang taas na kasi ng lagnat at dumudumi pa ng parang tubig!" Lumapit na si Pablo upang malaman ang nangyayari. Hindi man siya manggagamot, kaagad niyang napansin na namumutla na ang bata at wala na itong mailabas masyado na luha kahit pa tumatangis. Sa ganoong mga sitwasyon, batid niya na kinukulang na sa tubig ang sanggol dahil sa pagtata* at maaaring malagay pa sa alanganin ang buhay. "Bayaw, may clinic ba rito?" pagtatanong na niya. "Hindi na maganda ang lagay ng anak niyo. Kailangan siyang madala na sa pagamutan." "Wala," tugon ni Joaquin habang hinahaplos ang ulo ng bata. "Nais ko sana siyang dalhin sa ospital pero ayaw naman akong palabasin sa sitio ni Itay." "Kung ganoon, bigyan natin siya ng gamot," panukala na ni Pablo sapagkat tunay nga ang sinabi ng kausap, hindi basta-basta makakaalis sa lugar ng walang pahintulot. "Nakausap ko na si Itay, pero ayaw talagang pumayag," tiim-bagang na ikinwento niya ang pagtataboy ng tatay. "Halos magmakaawa na ako pero pinalayas pa ako!" "Baka magawan ng paraan," pagpupumilit pa rin ng pari. "Hindi ba, may shift ka ng pagbabantay dito sa sitio? Baka maari kang sumaglit sa bayan upang bumili muna ng gamot?" Mataimtim na nag-isip muna si Joaquin kung nararapat ba na makinig sa dayo na iisang araw pa lang na kakilala. May pagdududa man, napagtanto niya na mas mainam na sumugal kaysa tuluyang mapahamak ang supling. "Sige," pagpayag na niya na makipagsapalaran kahit na posibleng kagalitan ng ama. "Mamayang mga alas-sais, hihintayin kong matapos ang shift ng papalitan ko. Kadalasan, ako lang mag-isa ang naroon kaya mas mapapadali ang pag-alis ko." "Pero delikado masyado," may pagkabahalang pinaalala pa rin ni Mildred ang panganib na susuungin ng asawa. "Baka mahuli ka ng tatay mo! Ibang klase siyang magalit!" "Mas hindi ako matatahimik kung hahayaan ko lang na lumala ang karamdaman ng anak natin. Huwag kang mag-alala, ako ang bahala." Napahanga na si Pablo sa pinapamalas na tapang ni Joaquin. Kung noon ay naiinis siya rito dahil sa pagkakanulo kay Charito, ngayon ay unti-unti na siyang napapabilib sa paninindigan nito at paglaban sa maling sistema ng ama na si Narcing. "Kung ganoon, isusulat ko ang pangalan ng mga gamot. May lapis at papel ba kayo?" Kaagad naman siyang inabutan ng hinihingi ni Mildred. Doon ay nilista niya ang mga gamot na natutunan niya noong nag-volunteer sa mga medical missions na programa ng kanilang religious order. "May nakita ako na malapit na botika papunta rito," paninimula na niyang bigyan ng instruksyon si Joaquin. "Pamilyar ka ba sa Bayan ng Sto. Cristo, sa may Talyer?" "Oo." "May magkakahilerang tindahan doon ng gamot. Ipakita mo lang sa mga pharmacist 'yan at alam na nila ang ibibigay sa iyo. Bilisan mo nga lang magpunta roon kasi sa pagkakaalam ko, alas-otso pa lang, nagsasara na sila." Kinuha na ni Joaquin ang pistol at isinukbit sa bulsa upang magtungo na sa babantayang estasyon. Hinanda na niya ang sarili upang maisakatuparan na ang plano. "Ikaw muna ang bahala rito, Mildred," pagbibilin muna niya sa kabiyak bago pumanaog ng bahay. "Babalik din ako kaagad." Patungo pa lang sa lugar na nakatalaga niyang bantayan ay iniisip na niya kung paano mauutakan ang mga kasama at hindi pagdududahan na lalabas nga sa harang. Pagdating ay natagpuan na niya ang kapalitan na palakad-lakad na para bang may hinahabol. Pagkakita sa kanya ay nakahinga na ito nang maluwag sapagkat napaaga siya ng dating. "P're! Whew! Mabuti at dumating ka na!" tuwang-tuwa na pagsalubong pa nito. "Bakit?" pagtataka naman niya at inakala pa na may nangyaring hindi kaaya-aya kaya kabado ang kaharap at namamawis pa nang malapot. "Pwede ba na umuwi na ako at ikaw muna ang magbantay sa isang oras na kulang ko pa sa shift?" pakikiusap na nito na nakapagpangiti kay Joaquin sapagkat hindi na siya mahihirapang tumakas. "Ang sakit ng tiyan ko! Ta*ng-ta* na ako!" "Sige ba," kaagad na pagpayag naman niya. Napautot pa ng makailang beses ang kapalitan niya kaya hindi na niya naawat ang sarili na mapahalakhak. "Lumayas ka na nga dito at ang baho ng hangin!" pagtataboy na niya sa kasama. "Thank you, 'Pre!" Mabilis din naman itong tumakbo paalis sapagkat kaunti na lang ay sasabog na talaga ang sama ng loob na naipon sa tiyan nito. Sa kakamadali ay nadapa pa ito kaya umumbok na ang puw*tan nito at nagkulay tsokolate pa. Napangiwi si Joaquin sapagkat batid niya na ang utot na iyon ay may kasama ng dumi. "Kadiri," tawang-tawa na nasambit niya habang hinihintay na makalayo ang kapus-palad na bantay. "Panigurado, mapapalaban ang misis niya sa labada!" Nang masigurong siya na lang ang naroroon, dali-dali na siyang nagtungo sa mga barbed wires. Doon ay lumusot na siya at walang lingon-lingon na nilisan muna ang sitio. Madilim-dilim na at wala pa rin dumadaan na sasakyan sa highway. Pagtingin niya sa orasan ay mag-a-alas siete na kaya nabahala na siyang hindi aabot sa tindahan ng mga gamot. Dahil desididong mabilhan ang anak, tinakbo na niya ang lugar patungo sa Sto. Cristo. Habol ang hiningang nakarating naman siya sa pamilihan bago mag-alas-otso. Subalit, dismayado siya nang makitang sarado na pala ang mga tindahan. "Hindi maaari!" nanghihinayang na sinabi niya habang palakad-lakad sa bawat kanto. Napatapik na lang siya sa noo sa pag-aakalang nasayang lang ang kanyang lakad. "Kung sino Ka man po na nasa Itaas at sinasamba ng mga Kristiyano," pananalangin na niya kahit hindi man nakagawian. "Kung tunay po Kayo, tulungan Mo ako!" Sa 'di kalayuan ay natanaw niya ang isang ginang na palabas ng pwesto. Dahil nasa dulo at may kadiliman ang paligid, hindi pala niya ito napansin. Napasinghap siya sa tuwa sapagkat sa tingin niya, dininig nga ng langit ang dasal niya. "Ale, sandali lang po!" sinigaw niya upang makuha ang pansin ng babae. Aligaga siyang tumakbo roon at halos maubusan na ng hininga dahil sa magkahalong pagod at kaba. "Pabili po..." "Pasara na kami," walang kabuhay-buhay na pahayag naman nito. "Pasensya na at bumalik ka na lang bukas." "Pakiusap po, kailangang-kailangan ko lang talaga!" pagsusumamo pa rin niya kahit na nangangalahati na ang pagkasara ng bakal na pintuan. "Sorry po sa abala, may sakit lang kasi ang anak ko. Kahit po magbayad na ako ng karagdagan, pagbentahan niyo na po ako!" "Hay! Bakit kasi ngayong gabi mo lang naisipan na bumili ng gamot?" pinagalitan pa siya ng may edad na pharmacist. "Sige na, hindi mo na kailangang magdagdag. Next time, kapag alam mo na urgent, huwag kang late bumili ng gamot. Paano kapag nagsara na kami? Edi nganga ang anak mo!" "Sorry po talaga," paghingi na lang niya ng paumanhin sapagkat hindi rin nito mauunawaan ang sitwasyon kung bakit ngayon lang siya nakapunta sa tindahan. "Thank you rin po sa kunsiderasyon." Malaki ang pasasalamat niya na nabilhan na niya ng gamot ang sanggol. Sakay ng pampasaherong jeep, napabuntong-hininga na lang siya hahang tinititigan ang mga pakete ng gamot na sa paningin niya ay katumbas na ng ginto. Maya't maya ay may sumakay na limang maiingay na babae. Pagkaupo pa lang ng mga ito ay dinig na dinig ang pag-uusap nila patungkol sa pag-aaral, maging sa mga crushes. Dahil sa kadaldalan ng mga ito, pati mga tsismis patungkol sa mga artista ay nasagap na rin niya. "Ganito pala ang mga teenager dito, mga tsismosa," pigil sa pagtawa na napagtanto pa niya. "Parang si Charito rin!" "Nabalitaan mo ba?" paninimula nang magtanong ng isang estudyanteng nakakulay pa ang kuko at naka-lipstick ng pula. "Anong mayroon?" pag-uusisa naman ng mga kasama. "'Yun parish priest natin sa San Nicolas, si Father Pablo, nawawala! Kaya pala ibang pari ang nagmisa kaninang umaga!" "Ha? 'Yun pogi na may light gray eyes? Hala, saan kaya nagpunta?" "Baka naman umayaw na sa pagpapari! Sa mga narinig ko, ang daming issue ng taong 'yun. Mahilig pa sa mga kababalaghan at may pagka-weird nga!" "Sinabi mo pa!" pagsang-ayon naman ng kolehiyalang kulot ang buhok. "Ang sabi-sabi naman mismo ng malalapit sa Church, mabait daw talaga si Father Pablo. Mukha lang suplado at kakaiba pero super nice in person!" "Awww, sabi na nga ba at lovable talaga siya!" halos sabay-sabay na nasabi ng mga teenager na hangang-hanga sa binata. "Gwapo na, ideal man pa!" "Pablo? Gray eyes?" pagdududa na ni Joaquin nang marinig ang nabanggit na pangalan. Sa pagkakalarawan pa naman ng mga ito sa pari, hawig ang mga katangian nito sa inaakalang asawa ni Charito. "Nagkataon lang siguro, pero..." Pilit man niyang itanggi ay iba na talaga ang kutob niya. Hindi siya mapakali sa kinauupuan hangga't hindi nakikilala ang tao na kasalukuyang paksa ng mga kolehiyala. "Excuse me," paninimula na niyang manghimasok sa usapan upang makumpirma ang pagdududa niya. "Narinig ko na nabanggit niyo si Pablo, ang parish priest ng San Nicolas. Crush din siya ng kapatid ko," pagkukunwari pa niya na nakaka-relate sa kuwentuhan ng mga estudyante. "Araw-araw, gabi-gabi, puro 'Pablo' ang sinasabi. Naalala ko tuloy siya sa inyo kaya napasingit ako bigla sa usapan niyo." Tagumpay na nakuha niya kaagad ang atensyon ng mga dalaga sapagkat may itsura din naman siya at mukha pang mabait. Katulad ni Charito, maamo ang kanilang mga mukha kung saan unang napapansin ang mga matang tila ba nagsusumamo. Dahil din sa lumanay ng kanyang pananalita, madali rin niyang nakumbinsi ang mga babaeng makipag-usap sa kanya. "Maaari ko bang malaman kung ano ang itsura ng lalaking 'yun para malaman ko kung bakit baliw na baliw sa kanya ang kapatid ko? Nakaka-curious kasi pati mga pinsan ko, in love na yata sa kanya!" "Maputi, matangkad at may kulay abong mga mata!" walang pagdadalawang-isip na sinagot naman ng kolehiyala habang kinikilig. "Crush nga rin siya ng tita ko. May picture pa nga kami niya na nakadikit sa dingding. Nakasulat pa, 'I love you 'Father Pablo Ezequiel T. Sandoval'! Iba ang tama namin ni Tita, hahaha!" "Malupit pala ang lalaking ito!" may pagkamanghang pahayag naman niya kaya napahagikgik lalo ang mga kausap. "'Yun mga mata, parang silver ang kulay? Parang puti na kapag natatamaan ng liwanag?" "Siya nga! Naku, Kuya, ha! Baka nababakla ka na sa kanya at maging crush mo na rin! Hahaha!" Nakitawa na rin siya kahit na sa kaloob-looban ay nagtitimpi siya sa nabistong panloloko ni Pablo. Halos malukot na sa mga kamay niya ang hawak na paper bag ng mga gamot sapagkat sa ngayon, hindi na siya sigurado kung tunay ba na gusto siyang tulungan ng pari, o isa na naman na pagmamanipula ang ginagawa sa kanya. "Salamat sa impormasyon," naniningkit ang mga matang sinabi niya sa mga dalaga na walang ideya na naisiwalat na nila ang tunay na pagkatao ng huwad na asawa ni Charito. Parte ng kanyang reyalisasyon na sa sobrang tuso nito, maging siya na hindi madaling magtiwala ay naisahan pa rin. Kapansin-pansin din na iba ang karisma nito sa kapatid na nagmimistulang sunud-sunuran pa sa Alagad ng Simbahan na tila ba isa rin itong diyos. "Pablo Sandoval, isa kang mahusay na aktor at manlilinlang!" nakakuyom ang kamao na napagtanto niya. "Marahil, mas mapanganib ka pa kaysa sa bakunawa..." -ITUTULOY-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD