"Ang cute mo naman," pagpuri ni Pablo sa sanggol na kung kanina ay walang tigil sa pag-iyak, ngayon ay tumatawa na. "Namana mo ang smile mo kay Mildred, may dimples!"
Napangiti ang ina ng bata dahil sa narinig na compliment. Masaya rin siya sapagkat sumigla na ang supling at hindi na masyadong nagdudumi ng tubig. Dahil sa mga gamot na pinainom anim na oras na ang nakalilipas, unti-unti nang bumubuti ang kalagayan nito. Puyat man sila sa pagbabantay at pag-aalaga, sulit naman sapagkat maganda ang kinalabasan.
"'Yun kulit, hulaan mo kung kanino mo namana?" pagbibiro naman niya sa kargang musmos na mataimtim ang pagtitig sa kanya. Isang malutong at matinis na halakhak lamang ang naging tugon nito sa kanya.
"Kay Tita Charito!" sinagot niya kaya mas lumakas ang pagtawa nito.
"Ako na naman ang nakita mo?" nakataas ang isang kilay na ginanti naman ng tinuran sa kanya. "Akala ko pa naman, sasabihin mo na sa akin namana 'yun pretty eyes!"
Nagpakurap-kurap pa si Charito upang ipakita kung gaano kaganda ang kanyang mga mata. Kasabay na rin ng akto niya ay ang pagpapa-cute sa lalaking hinahangaan. Subalit, imbis na pagpuri ang matatanggap ay pang-aasar pa pala.
"Hindi man," pailing-iling na pagkontra nito kaya nainis pa siya. "Lapitan mo naman ang comparison kay baby. Kasinglayo naman ng Amerika ang sinabi mo."
"Ang pangit mong kausap!" pagmamaktol na ng binibiro. Napahalukipkip pa siya sapagkat akala niya ay sinasadya siyang inisin nito. Naisip pa niya na baka nagdamdam ito noong tinanong patungkol sa posibilidad na lalabas sa pagkapari kaya nagiging malamig na ang pakikitungo nito sa kanya.
"Maganda ang eyes mo pero mas kuha ni baby 'yun cheeks mo," nakangiting pag-appreciate naman ni Pablo kaya biglang naglaho ang pagtatampo niya. "Kapag lumaki siya, siguradong baby face rin katulad mo. Parang angel!"
Napahawak sa mga pisngi si Charito sapagkat hindi na niya napigil ang sarili na kiligin. Ang sabi rin ng mga kamag-anak, ang rosy cheeks niya na sakto ang katambukan daw ang asset niya. Dahil doon, magmumukha nga siyang kerubin na katulad ng mga nakalililok sa Simbahan na may imaheng mga bata.
"Para akong nasa alapaap," tuwang-tuwa na pahayag niya. "At ikaw naman ang warrior angel of my life!"
"Match na match tayo, pang-heaven!" pambobola pa ng binata kaya naalibadbaran na si Joaquin sa suyuan ng dalawa na alam niyang peke.
"'Yun eyes, mas mana naman kay Joaquin," deklarasyon na ni Pablo upang kunin ang pansin nito, ang ama ng batang karga. "Maamo, parang santo..."
Laking pagtataka niya nang bigla siyang tinignan nang masama nito. Ang sa kanya lang naman ay nais niya itong isama sa usapan lalo na at maligaya sila sa pag-ayos ng kalagayan ng sanggol. Kanina pa niya napapansin na tahimik ito at tila ba may hinanakit sa kanya. Naisip lang niya na marahil, napagod ito sa biyahe kaya dapat din niyang timplahin ang sumpong.
"Alam mo ba, si tatay mo ang bumili ng gamot?" panunuyo pa niya sa bata upang i-acknowledge ang effort ng ama nito. Marahan niyang kinaway-kaway ang kanang kamay ng sanggol at nagsalita gamit ang maliit na boses. "Thank you, Itay! You're the best!"
Imbis na matuwa ay padabog na tumayo na ang kuya ni Charito. Pakiramdam kasi nito ay maging ang sariling supling ay minamanipula rin ni Pablo upang mapasunod sa nais.
"Matutulog na ang anak ko!" pigil sa galit na pinagsabihan siya nito kasabay ng pang-aagaw sa hawak na sanggol. "Baka mabinat pa kasi pinaglalaro mo pa!"
"OK, sorry na," sinabi na lang niya upang iwasan na sanang mas mainis sa kanya si Joaquin. Napagtanto niya na mag-a-alas-kwatro na nga naman ng madaling-araw kaya marahil, pagod na rin ang mag-asawa at baka nakukulitan na sa kanya.
Nagtungo na lang siya sa mesa upang ayusin ang mga nagkalat na gamot. Gamit ang lapis at papel, sinulat niya ang schedule ng pag-inom ng mga iyon. Nang matapos ay hiniwalay niya ang pakete ng mga dilaw na tableta. Sinadya niya talagang ipabili iyon sapagkat may plano siyang gamitin ang mga iyon sa oras na itatakas na si Charito.
"Bayaw, kinuha ko na ito, ha." Walang pag-aalinlangan na pinakita pa niya ang medisina kay Joaquin upang hindi mapagdudahan. "Pasensya na at nakalimutan kong banggitin na magpapabili rin ako nitong sleeping pills. Nagmamadali na kasi tayo kaya hindi na ako nakapagpaliwanag."
"Pampatulog?" pag-uulit pa ng kausap.
"Oo, may insomnia kasi ako," pagdadahilan ni Pablo kahit na ang totoo ay masarap nga siyang matulog lalo na kapag malamig ang panahon at walang mga multo na umaaligid "'Di bale, babayaran kita kapag kumita na ako rito."
Muli ay napuno ng pagdududa ang kalooban ni Joaquin. Kaya pala noong bumili siya sa Sto. Cristo, paulit-ulit siyang tinanong ng pharmacist kung may reseta ba ng doktor. Nabanggit din nito na malakas ang gamot at hindi basta-basta binebenta. Pinagbigyan naman siya pero binilin na sa susunod, hindi na ito papayag na walang reseta.
"Anong masamang binabalak mo?" tahimik na pagtatanong niya sa tunay na intensyon ni Pablo. "Patutulugin mo ba kami at pagkatapos ay papaslangin? May galit ka ba sa mga miyembro ng kulto ng bakunawa?"
"Maaari ba tayong mag-usap?" pag-uusisa na niya sapagkat aminadong nababahala na siya sa kinikilos ng dayo.
"Oo naman," pagpayag naman ng pinagdududahan. "Bakit?"
"Halika, doon tayo sa may garahe," pag-aya muna niya upang hindi marinig ng mga babae kung ano ang isusumbat niya sa pari. Sumunod naman ito sa kanya na walang pagkontra at nag-alala pa nga sa kanya.
"Bakit bigla ka yatang naging aligaga, Bayaw-"
"Huwag na huwag mo akong tatawagin na bayaw!" pambabara na ni Joaquin sa huwad na asawa ng kapatid. "Kilala na kita, hindi mo tunay na asawa si Charito!"
Pansamantala munang natahimik si Pablo at tinimbang kung bistado na nga ba ang sikreto nila ng dalaga o hinuhuli lang. Napaisip pa siya kung isa bang bitag ang ginagawa nito upang paaminin lang.
"Bakit mo naman nasabi 'yan?" pagmamaang-maangan muna niya. "Hindi ba kapani-paniwala na magkabiyak kami?"
"Pablo Ezequiel T. Sandoval!" pagbubunyag na nito sa tunay na pangalan niya. "Parish priest ng San Nicolas!"
Imbis na mabahala, naaliw pa siya sa pagkakabisto. Kung kanina ay todo ngiti siya at nakikisama, kapansin-pansin na biglang nag-iba ang kanyang aura. Tila ba nabalot ng nakapanghihilakbot na enerhiya ang kabuuan ni Joaquin sa harap ng misteryosong nilalang.
"Alam mo na pala ang full at real name ko," pagpuri pa ni Pablo sa pagkakadiskubre ng tunay na pagkatao. Ang pakilala kasi niya ay "Pablo Torres", gamit ang apelyido ng namayapang ina sa pagkadalaga. "Ngayon na alam mo na, anong problema?"
Nabagabag si Joaquin dahil sa pagiging kalmado ng kausap kahit na nalantad na ang ginawang panlilinlang. Nang akmang lalapit sana ang kakaibang pari, kusang umatras ang mga paa niya.
"Bakit ka lumayo?" nakangiti pa rin na pag-uusisa ni Pablo. "Hindi naman kita aanuhin."
"Minamanipula mo ba ang isip ko?" direstsahang pagtatanong na nito. "Pinapaikot mo lang ba kami ni Charito? Marahil, mas masahol ka pa sa bakunawa na nagkukunwaring may malasakit pero ang totoo, pinaglalaruan mo lang kami!"
"I see, 'yun pala ang kinagagalit mo sa akin," patango-tangong sinambit naman ng kinukumpronta. Nasaktan man sa mga binibintang ng kausap, sinikap pa rin niyang paliwanagan ito nang maayos.
"Komplikado ang katanungan mo kung iisa-isahin ko ang dahilan kung bakit kami ay nagpanggap na mag-asawa ni Charito. Pero sasagutin ko na lang sa pinakasimpleng makakaya ko," paninimula na ni Pablo upang klaruhin ang mga ginawang mabuti na minamasama pa ngayon ni Joaquin. Huminga muna siya nang malalim upang pigilin ang inis sa lalaking hindi niya mawari kung sadyang may pagkahangal ba o nagbubulag-bulagan lamang.
"Unang-una, ayaw ko siyang maialay sa bakunawa. Alam ko naman na gigil na gigil kayong ialay siya,'di ba? Bravo! Isa kang huwaran na kapatid!"
Pumalakpak pa siya nang mahina sa tapat ng mukha ni Joaquin kaya nainsulto ito nang husto. Tila ba may punyal na tumusok pa sa puso nito sa pagpaparinig niya na isa ngang pabayang kapatid.
"Sino ka para husgahan ako?" nanlilisik ang mga matang panunubok sana nitong depensahan ang nagawa. "Hindi mo ako maiintindihan-"
"Sandali! Huwag kang sabat nang sabat, neh? Hayaan mo muna akong matapos kasi naiinis talaga ako sa iyo!" iritableng pagpapatigil ni Pablo muna rito sa pagsasalita. "Kung galit ka, mas may karapatan akong magalit kaya itikom mo ang bibig mo!"
"Huwag mo akong sermonan!" ginanti naman nito sa pagpapahinto niya. "Kung makaasta ka, akala mo kung sino ka!"
"Pari ako, kaya hobby ko ang manermon!"
Natulala na si Joaquin sa lakas ng personalidad ng Alagad ng Simbahan na hihigit pa sa mabagsik na amang si Narcing. Ramdam tuloy niya ay nasa harap siya ngayon ng isang hukom at wala siyang magawa kungdi tanggapin ang hatol. Nais man niyang umalis at takasan na ang panunumbat nito ay hindi niya magawa sapagkat sinadya pa nitong humarang sa posible niyang dadaanan.
"Pangalawa, nais ko siyang maitakas dito sa sitio at mailayo sa inyo," pagtatapat na ni Pablo sa pinakadahilan ng pagpapanggap na asawa nga ni Charito. "Pinoprotektahan at inaalalayan ko siya. Mga responsibilidad na dapat, 'ikaw' na tunay na kuya ang gumagawa! Mas pinili mo pa ang kulto at ang lint*k na mga batas ng bakunawa kaysa sa kapatid mo! Hindi mo deserve ang pagmamahal at kabutihan niya!"
Tuluyan nang bumagsak ang balikat ni Joaquin nang mapagtanto na tama nga ang lahat ng sinasabi ni Pablo. Tunay na masakit nga ang katotohan subalit iyon lang ang naisip ng pari na paraan upang gisingin na ito sa pagkakamali na ipagkanulo ang sariling kapatid.
"Anong gagawin ko?" pangangatwiran pa rin niya kahit na sa kaloob-looban ay batid niyang talo na siya sa diskusyon. "Kung magiging padalos-dalos ako, malalagay sa alanganin ang aking mag-ina! Hindi madaling kumalas sa kulto ng bakunawa! Halos lahat ay kontrolado nila sa buhay namin! Aaminin ko, masama akong kapatid at nagkamali ako! Pero kung bibigyan ng pagkakataon, gusto ko rin sana siyang iligtas..."
Nanlulumong napaluhod na lang siya sa lupa sapagkat ilang araw na rin siyang pagod at hindi nakakatulog simula nang magpatihulog sa ilog ang kapatid.
Magkakasunod na luha ang pumatak sa kanyang pisngi dahil sa pagal na nararamdaman. Nahihiya man na sa harap pa ng kapwa lalaki siya nagpakita ng kahinaan, hindi na niya napigilan ang sarili na maglabas ng sama ng loob.
"Hindi ko na alam kung saan ako lulugar..hindi ko alam kung sino ang pipiliin...nalagay lang talaga ako sa alanganin..."
Nahabag si Pablo sa kalagayan ng kausap at nagsisisi pa dahil napasobra ang panunumbat niya at napaiyak pa ito. Ganoon pa man, nais pa rin niyang ipagdiinan ang punto na dapat ay magkaroon si Joaquin ng paninindigan na ipagtanggol ang mga mahal sa buhay.
"Hindi ka ba nababahala para sa anak mo?" mahinahong pagpapaliwanag na niya sa kaharap na patuloy pa rin sa pagtangis. "Hahayaan mo ba na kapag naging dalagita na siya, ililinya rin siya sa mga iaalay sa bakunawa?"
"Siyempre, nababahala ako!" tugon naman nito. "Kung maaari nga lang, itatakas ko na ang mag-ina ko ngayon din!'
"Tama ka, mas mainam na maitakas mo sila habang maaga pa," pagpapayo na niya sa kinukumbinsi. "Mas madali sana iyon kung kasangga kita pero hindi naman ako namimilit. Kung ayaw mo, bahala ka na. Basta kami ni Charito, aalis na dito..."
Tumalikod na siya upang iwanan si Joaquin na magnilay-nilay sa mga sinabi niya. Sinadya niyang bagalan ang paglalakad sapagkat siya rin ay naghihintay na maki-ayon ito sa mga plano niya. Gaya nga ng inaasahan, hinabol siya nito at hinawakan sa braso upang huminto.
"Sandali..."
Ngumisi si Pablo na katulad ng isang anghel ng kadiliman na mahusay magpaikot sa isipan ng mga tao. Kung tutuusin, mapanganib siyang magmanipula ng kahit sinong nilalang kung nanaisin niya. Ganoon pa man ay ginagawa lang niya iyon para sa makabubuti at mailayo ang mga inililigtas sa kapahamakan.
"Anong plano mo?" tinanong nito habang palingon-lingon sa paligid upang masigurong walang nakakarinig.
"Hindi ako magsasabi hangga't hindi buo ang loob mo," pag-aalinlangan kunwari ni Pablo na magtiwala. "Baka mamaya, ipagkanulo mo rin ako!"
"Hindi!" paniniguro naman ni Joaquin. "Pangako, usapang lalaki sa lalaki! Isama mo ako sa plano niyo ng pagtakas!"
"Ganyan nga ang gusto kong mangyari sa iyo, maging matapang!" Inakbayan na siya ng pari at inakay pa upang umakyat na sila sa bahay. "Isasama rin natin ang mga asawa 'natin', este, si Charito pala at ang asawa mo sa plano. Kailangan natin ang kooperasyon nila!"
"Naalala mo 'yun pinabili ko na gamot na pampatulog?" paninimula na ni Pablo na ilantad sa kakampi ang plano.
"Oo," nagtatakang sinagot naman ng kasama. "May mga patutulugin ba tayo?"
"Tumpak! Mamaya, kailangan mong imbitahin ang mga kasama mong bantay na uminom. Sakto, piyesta ng bakunawa, hindi ba? Kaya may dahilan upang maghanda ng pulutan sina Mildred at Charito. Sa paglubog ng araw, ihahatid ko sa estasyon mo para doon tayo mag-iinuman. Kunwari, makiki-bonding ako sa inyo para hindi halatang patutulugin ko sila."
"Magandang ideya," sabik na pagsang-ayon naman ng kausap. "Pagkatapos nilang makatulog, anong gagawin natin?"
"Operation Takas na tayo!"
Pagsapit ng alas sais ng gabi, gaya nga nang napag-usapan ay nagtungo si Pablo sa estasyon. Tanaw niya mula roon ang tatlong lalaki na palakad-lakad sa tapat ng barrier.
"Bayaw!" maligayang pagbati ni Joaquin na kasalukuyang nakaupo sa kubo na sinisilungan nilang mga bantay. "Napadalaw ka?"
"Oo, gusto ko sanang maki-celebrate sa piyesta," pagkukunwari naman na nakikisama si Pablo. "Nagluto ang mga asawa natin ng pagkain kaya heto na!"
"Masarap 'yan, sigurado!" pakikipaglaro din naman ni Joaquin ng pag-arte. Lumabas na siya at sinalubong ang inaakala nilang bayaw upang tulungan na bitbitin ang pulutan at mga bote ng beer. Naglabas siya ng mesa at bangko upang doon sila magsalu-salo.
"Mga kasama, halikayo!" malakas na pagtawag niya sa mga lalaking naroon. "May painom ang bayaw ko!"
"Maya-maya na," pagdadahilan nila sapagkat istrikto ang pagbabantay sa harang. "Shift pa kasi namin..."
"Ako na nga muna ang magko-cover sa shift niyo!" pagboboluntaryo na niya upang mapilitan na silang lumapit sa konroroonan nila ni Pablo. "Huwag niyo naman akong ipahiya! Nag-effort pa siyang pumunta rito!"
Nag-aalinlangan man ay pumayag na ang mga ito na makiinuman. Bitbit ang baril ay lumingon muna si Joaquin upang tahimik na ibilin kay Pablo na bigyan ng senyales kung kikilos na. Ngumiti naman ang binata bilang pagsang-ayon.
Lumipas ang mahigit dalawang oras ay naging maingay na ang mga lalaki dahil sa espiritu ng alak at side effects ng gamot na pampatulog. Si Pablo naman ay nagpanggap din na lasing kaya anu-ano na ang kinakanta niya. Kumendeng-kendeng at nagsiikot ang mga ito sa ritmo ng musika na kagagawa lamang niya.
"Kapag sukdulan na, huwag nang isusubo pa, lalalala!" pag-awit pa niya. Hindi na niya alam ang mga iko-compose nang biglaan kaya nangingilabot na rin siya sa mga pinagkakanta. "Kapag may ingay sa bubong, may pusang naglalampungan! Meooowww!"
"Giling pa!" pangangantyaw niya habang tawang-tawang pinapanood ang mga kainuman na tila ba nawawala na sa sarili sa pag-indak. Mas nilakasan pa niya ang pang-aasar nang makitang isa-isa nang natutumba sa kinalalagyan ang mga ito. Pinagtatapik pa niya ang mukha ng katabi subalit hindi na ito kumibo pa sa sobrang pagkakahimbing.
Nang masigurong tulog na nga ay nagtatakbo na siya sa kinaroroonan ni Joaquin.
"Success ba?" kabadong pag-uusisa nito.
"Oo! Sunduin na natin sila para makalusot dito sa barrier! Mga tatlong oras lang malakas 'yun gamot kaya kailangan natin gumalaw nang mabilisan!"
"Ha? O sige, tara na nga!"
Habang pauwi na sina Pablo ay abalang nag-eempake na sina Charito. Nang marinig ang pagbukas ng pintuan, binitbit na nila ang mga bag upang salubungin na ang magliligtas sa kanila.
"Naisama niyo na ba ang lahat ng kailangan?" pagtatanong ni Joaquin. Kinuha na niya mula sa misis ang sisidlan upang maituon nito ang lahat ng pansin sa kanilang anak.
"Oo! Kanina ko pa na-check!"
"Mabuti naman, bilisan na natin!"
Walang lingon-lingon pa na nilisan na nila ang bahay. Bago lumabas ng tarangkahan, nagmasid muna si Pablo upang masigurong walang makakakita sa kanila. Nang mapag-alamang sila na lang ang naroon, kumaway na siya bilang senyales na ligtas nang umalis.
Masakit man ang nasugatang hita ay pilit na tumakbo pa rin si Charito upang makarating na sa barrier. Halos maubusan man ng hininga ay tiniis na niya sa pag-aakalang abot-kamay na ang kalayaan.
Subalit, habang paliko sa kanto ay sinalubong na sila ng mga jeep. Humarang ang mga ito sa dadaanan kaya wala silang nagawa kungdi huminto. Tanaw mula sa loob na armado pa ang mga lalaki kaya alanganin na magpatuloy pa sa pagtakbo. Nanlaki ang mga mata nilang magkapatid nang bumaba mula sa sasakyan ang ama.
"Saan kayo pupunta?" nanlilisik ang mga matang pagtatanong nito.
"I-Itay?" nauutal na nasambit ni Joaquin sapagkat kilala niya ito na masamang magalit. "Magpapaliwanag po ako-"
"Sabi na nga ba at tatraydurin mo rin ako! Mabuti na lang at may nakakita sa mga pinatulog niyo sa estasyon! Kung hindi pala, tatakasan niyo kami!"
"Hayaan mo na po kami," pagsusumamo na niya sa tatay upang pakawalan na. "Ito lang ang hihingin ko sa iyo..."
"Nakakahiya ka!" puno ng galit na sinigaw nito sa panganay kasabay ng pagsuntok sa mukha nito. Nang mapahiga ito ay pinagsisipa pa niya sa may tagiliran sapagkat abot-langit ang poot niya sa ginawang pagtataksil nito. Umawat na si Pablo at humarang sa ginoo upang hindi na nito maituloy ang p*******t.
"Tama na po!" pagpapatigil na niya.
"Ikaw!" pagbabaling naman nito ng suklam sa pari. "Isa kang salot! Dumating ka lang rito, naimpluwensyahan mo na ang mga anak ko! Isa kang masamang tao!"
"Hindi po siya masama," pagtatanggol na ni Joaquin sa kakampi habang pinupunasan ang dugo na nagmula sa pumutok na labi.
"Ikaw!"
Tila ba nabuhusan ng malamig na tubig ang lalaki sa paglaban nito sa kanya. Noon ay halos hindi man ito kumikibo at sumusunod lang sa nais kaya hindi niya inaasahan na pagsasabihan siya nito.
"Hindi ka lang masamang tao, masama ka rin na ama!" nanginginig sa galit na panunumbat na ng anak sa tatay na ginamit lang siya hindi lang sa kabuhayan ng pamilya, maging sa pagpapatupad ng nga baluktot na batas ng bakunawa. "Makasarili ka! Lahat ng ginawa mo sa amin ni Charito, para lang sa pansarili mong hangarin! Kaya nga binalak ko na itakas ang mag-ina ko sa bwis*t na kultong panatiko ka! Nais ko silang protektahan at bigyan ng magandang buhay! Ayaw kong matulad sa iyo na walang kwentang ama!"
"Walang utang na loob! Kalimutan mo na magkapamilya pa tayo!" namumula ang mukhang binulyawan pa siya ng ama imbis na tanggapin ang mga pagkukulang. "Hintayin mo ang hatol ng Panginoong Bakunawa! Kung ipapatay ka man niya, ako mismo ang papaslang sa iyo!"
"Ikulong niyo ang mga 'yan! 'Yun mga babae, huwag palalabasin sa silid!" inutos niya na sa mga tauhan. "Kung ano ang pagtrato niyo sa mga kriminal dito, ganoon din ang gawin niyo! Kalimutan niyo na anak ko si Joaquin!"
Marahas na hinatak ng mga bantay ang dalawa at pilit na pinasakay ng jeep upang ipiit. Sina Charito naman ay pinabalik upang ikulong sa kwarto. Habang papalayo ang sasakyan, may pagkabahalang tinitigan ni Pablo ang mga babae na pinapaakyat sa bahay. Tinulak-tulak pa nila ang dalaga kaya muntikan pang mapasubsob sa hagdanan.
"Diyos ko," pananalangin niya. "Huwag Mo po silang pababayaan..."
Mag-a-alas dose na ng madaling-araw nang maiwan pansamantala sina Pablo at Joaquin sa loob ng piitan. Kanina pa nila hinihintay na umalis ang mga nagbabantay upang mapag-usapan ang susunod na mga hakbang upang makaalis doon.
"Ano na ang plano mo?" mahinang pagtatanong ni Joaquin.
"Nag-iisip pa ako," nakapikit na sinagot naman ng binata. "Perfect plan na sana pero may naging asungot pa!"
"Hayaan mo na, talagang may risk naman ang ginawa natin," pagdamay naman ng kasama sa kanya. "Ang importante, maghanap tayo ng ibang solusyon."
"Tama ka," pagsang-ayon ng pari. "Pero ina-anaalyze ko nga rin. Paano nga kaya kung hindi na natin mailabas sina Charito at Mildred sa kwarto? Saan sila tat*e? Kawawa naman sila kung mamamatay tayo kaagad kasi babaho sila sa loob."
"Sa bigat ng problema natin, dinagdagan mo pa!" pailing-iling na pinagsabihan naman siya ni Joaquin. "'Yun pa ang naiisip mo sa oras na ito? Kung saan sila dudumi?"
"May punto naman ako, hindi ba?" seryosong pagdepensa naman ni Pablo sa nasabi. "Kaya kailangan natin talaga na makatakas!"
"Hay, sinabi mo e! Ang tanong, paano nga?"
Maya't maya ay nakarinig sila ng mahinang pagkaluskos. Pagbaling ng paningin sa bandang kanan, nakita nila na may lumulusot na mga paa. 'Di nagtagal ay lumantad si Charito na nakatakas pala sa silid na pinagkulungan. Kahit na ipinakandado ng ama ang pintuan, naglambitin naman siya sa bintana gamit ang kumot upang makapuslit.
Sabik na lumapit pa siya sa kinaroroonan ng mga lalaking mahalaga sa buhay niya.
"Kumusta kayo?" pabulong na tinanong niya.
"Delikado rito, bakit nandito ka?" may pag-aalalang pinaalalahanan siya ni Pablo. "Sana naghintay ka na lang sa bahay, pupuntahan naman namin kayo."
"May ibibigay kasi ako," pagdadahilan niya. Mula sa dalang sisidlan ay nilabas niya ang isang kutsilyo at baril na nakuha ni Pablo sa palaro ng kuwintas. "Mabuti na lang at naitago ko sa palda ko bago sila nanghalungkat sa bahay. Heto, dinala ko na para pwede niyong gamitin kapag nakatiempo kayo na makatakas!"
"Smart move!" paghanga ng binata sa diskarte niya habang inaabot ang mga sandata. "Ang talino ng kapatid mo, Joaquin!"
Isang malawak na ngiti ang sumilay sa mukha ni Charito dahil sa pagpuri. Nais man sana niyang damayan pa sila ay nagmamadali na rin siya upang hindi mahuli na nawawala nga sa bahay.
"Hindi ko pwedeng iwanan nang matagal si Ate Mildred kaya aalis na ako," pagpapaalam muna niya. "Hihintayin namin kayo!"
Akmang lulusot na sana siya muli sa bintana subalit nakarinig na si Pablo ng magkakasunod na yabag na pihadong sa armadong mga lalaki nagmumula.
"Bilis, magtago ka muna!" intruksyon niya sa dalaga bago pa man mahuli.
Dali-daling nagpunta ito sa likod ng tangke ng tubig. Sakto na nakasingit ito roon nang bumukas ang pintuan at may pumasok na limang bantay.
"Sila pala 'yun nasabi ni Boss Narcing?" pagtukoy ng lider na may bigote. "Pati pala anak niya, kasama sa paparusahan?
"Oo," tugon naman ng katabi. "Ganyan ang napapala ng mga traydor! Walang pami-pamilya o kaibi-kaibigan! Lahat sinesentensyahan ayon sa batas ng mahal nating bakunawa!"
Tinakpan ni Charito ang bibig sa pangambang baka pati paghinga niya ay maririnig. Tahimik siyang naghintay subalit sa kasamaang-palad, aksidente niyang nasagi ang pala na nasa likod ng tangke. Pagkahulog niyon sa sahig ay napalingon ang mga kalaban doon.
"Lagot na!" aligagang naisip niya. Nang makitang papalapit na ang mga lalaki ay nagdesisyon na siyang tumakbo.
Mabilis siyang lumabas sa pinagtataguan at sumampa sa nakausling kahoy upang makalusot sa bintana. Ganoon pa man, kahit anong tulin niya ay inabot pa rin siya ng mga ito. Napasigaw na lang siya nang sapilitan siyang hinatak pababa at natumba pa. Marahas siyang pinatayo ng lalaking may bigote.
"Huwag niyo siyang sasaktan!" pakikiusap ni Joaquin sa bantay na tinuring din na kaibigan. Dahil sa pag-aalala, kusang napalapit siya sa kulungan. Inakala ng mga naroon na maglalaban sila kaya tinutukan na sila ng mga baril.
"Huwag kayong kikilos!" pagbabanta ng inaakalang kaibigan habang nakatutok din ang pistol sa ulo ni Charito. "Isang kilos lang diyan, sabog ang ulo niya!"
Tinaas nina Joaquin at Pablo ang mga kamay bilang akto ng pagsuko. Lumayo rin sila sa piitan upang ipakitang hindi nga kikilos nang kakaiba.
"'P're, hindi kami maglalaban," paninimula nang makiusap ni Joaquin sa dating kasamahan sa pagbabantay ng Sitio Almira. "Pakawalan mo na ang kapatid ko."
"Oo naman, pakakawalan ko siya," humahalakhak na sinabi naman nito. "Pero pagkakatuwaan muna namin siya! Mukhang sariwa pa kahit may asawa na!"
"Huwag na huwag niyong gagalawin ang 'asawa' ko!" tiim-bagang na pinagsabihan sila ni Pablo na nagpipigil lang na maging marahas alang-alang sa kaligtasan ng dalaga. "Hindi ganyan dapat itrato ang babae!"
"Bakit naman hindi? Wala nang mawawala sa kanya! Matagal na namin na pinagnanasaan itong asawa mo, e! Hahaha!"
Kaagad na naging matalas ang tingin ni Pablo sa lantarang kawalanghiya*n na pinapakita ng mga ito kahit na sinabi pa niya na asawa ang pilit nilang inaangkin. Isang malaking pambabastos na ang pinahihiwatig nila na kahit na kabiyak pa si Charito, hindi nila siya nirerespeto bilang esposo nito. Mas napuno ng galit ang kanyang puso nang dinilaan pa nito ang pisngi ng inililigtas kaya napaluha na ito sa takot.
"Kuya!" nahintakutang pagtawag nito nang hilain na ng mga salbaheng lalaki papunta sa bodega upang pagsamantalahan. "Pablo, natatakot ako!"
Halos magdilim ang diwa ni Pablo sa panaghoy na naririnig mula sa pinoprotektahang babae. Si Joaquin naman ay napatakip na lang ng mga tainga sapagkat hindi nito maatim ang pag-iyak ng bunsong kapatid.
"Bilisan mo, kami naman ang susunod!" humahalakhak na pahabol ng mga nasa harapan nila. "Susulitin namin ang paggamit diyan!"
"Binabalaan ko kayo, huwag na huwag niyo siyang sasaktan," pagbabanta muli ni Pablo. "Walang sisihan kung ano ang kapalit ng kalapastanganan niyo."
"E ano naman kung saktan namin siya?" pang-iinis pa nito sa pari na wala silang kaide-ideya na mala-diablong magalit. "'Di bale, huwag kayong mainip! Kayo ang susunod namin na pahihirapan! Ngayon pa lang ay sabik na kami na bugbugin kayo at ilublob sa drum ng tubig!"
"Talaga?" kalmadong pagtatanong na ni Pablo habang unti-unting lumalapit sa mga bumihag sa kanila. Isang nakapanghihilakbot na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi bilang babala na layuan na siya ng mga humahamon. "Bago niyo ako pagbantaan, siguruhin niyo muna na kapag nilagay niyo ako sa kulungan, walang siwang."
"At bakit naman?"
"Kasi, delikado akong tao."
Walang anu-ano ay hinatak niya sa mga kwelyo ang dalawang lalaki at pinaghahampas ang katawan sa bakal na piitan, dahilan upang bumaluktot ang mga rehas. Nagmistulang mga laruan lamang sila sa harap ng mapanganib na Alagad ng Diyos. Kahindik-hindik man ang naging akto ay pigil pa ang kanyang lakas upang hindi tuluyang mapaslang ang mga ito dahil kung hindi, siguradong magkakabali-bali ang mga buto nila.
Nang mawalan ng malay ang mga biktima ay hiniga niya lang sila sa tabi na para bang wala lang sa kanya ang ginawa. Hinila niya mula sa bulsa ng isa ang susi at binuksan ang kulungan.
"Ako na ang bahala kay Charito," mabilisang panuto niya kay Joaquin kasabay ng pag-aabot ng baril dito na nakuha mula sa walang malay na bantay. "Sunduin mo na ang mag-ina mo at magkita-kita tayo sa sementeryo!"
"Sige," pagpayag naman ng kausap na napahanga sa angking lakas niya na hindi karaniwan sa mortal. "Pakainin mo ng lupa ang mga hinayup*k na nambastos sa kapatid ko!"
Wala nang inaksayang oras ang dalawa upang iligtas ang mga pinoprotektahan. Kaagad na nagtungo si Pablo kung saan dinig niya ang pagsusumamo ng pakay. Dahil sa poot, halos dumugo na ang kanyang kamao sa lakas ng pagkakakuyom niyon. Naglalaro na sa kanyang isipan kung paano pahihirapan ang napakasamang mga lalaki na nagbabalak lumapastangan kay Charito.
"Mga kuya, huwag po!" pagmamakaawa ng dalaga na pilit nang hinuhubaran ng damit. Imbis na mahabag, pinaibabawan pa siya ng lalaking may bigote at hinaplos-haplos. Halos masuka siya sa hininga na lumalabas sa bibig nito at hindi niya matatanggap na hahalikan siya na labag sa kalooban.
"Relax, masasarapan ka nama-"
Natigilan ito nang may marinig na hiyawan sa labas at yumanig ang bakal na pintuan. Nagtaka rin ito kung bakit kahit na nasa panganib ay biglang nanahimik ang nais hal*yin. Paglingon ay napahiyaw ito nang sinabunutan ni Pablo sa buhok at kinaladkad palayo kay Charito. Nagmistula itong sirena na nagsisigaw nang maiuntog ang nguso nang paulit-ulit sa poste.
Nagtangka itong gumapang pa upang maabot ang baril subalit hindi ito nakaligtas sa galit ni Pablo. Gamit ang kalaykay, hinampas niya ang kalaban sa balikat. Bumaon ang matatalas na ngipin ng kagamitan sa laman nito kaya tumalsik sa dingding ang dugo. Walang awa na binunot niya ulit ang sandata mula sa kinasusuklaman kaya napaiyak at nagmakaawa na ito.
"Waaahhh! Tama na!" humahagulgol na winika nito habang nakangiwi at hinahabol na ang hininga.
"Halika rito!" Sinadyang hinatak pa siya ni Pablo sa may braso kung saan naroon ang panig na may pinsala upang mas manuot ang sakit niyon sa buto. "Tuturuan kita ng leksyon!"
"Maawa ka!"
"Maawa? Bakit naman ako maaawa sa mga katulad mo na r*pist?" tugon naman niya sa pakikiusap nito habang sapilitan na dinadala ito sa may poste. Doon ay tinali niya ito at hinubuan. Pagkatapos ay kinuha niya ang gasera at tinanggal ang takip niyon upang diretsong tumama ang apoy sa bakal na pinagtatalian ng pinaparusahan. Sa katagalan, paniguradong iinit iyon at papasuin ang balat ng kaawa-awang biktima.
"A-Anong ginagawa mo?" nahintakutang pag-uusisa nito.
"Iba-barbecue ko 'yun t*** mo!" walang kabuhay-buhay na sinagot naman ni Pablo. "Goodbye future ka na! Para hindi na dumami ang lahi mo na many*k!"
"Huwag! Huhuhu!" nakapanghihilakbot na sigaw nito subalit hindi na siya pinansin ni Pablo. Binusalan pa niya ang bibig nito sapagkat naiirita na siya sa pag-iingay nito.
Nagtungo na siya kay Charito na tulalang nakaupo pa rin sa may sahig. Tumalungko siya sa harap nito at inobserba kung may naging mga pinsala ba. May kaunting mga galos lang ito kaya sa pagkakasuri niya, maayos pa rin naman ang kalagayan nito.
"Charito," pagtawag niya nang manatili itong walang imik. Maingat niyang inayos ang napunit na kasuotan nito na nahati pa hanggang sa gitna ng dibdib. Marahan na tinapik-tapik pa niya ito sa braso upang kunin ang atensyon nito.
"Ligtas ka na..."
Nang marinig ang tinig niya ay napahagulgol na si Charito dahil sa karahasan na dinanas. Akala niya ay tuluyan na siyang mapapahamak kaya halos bumigay na ang kanyang diwa sa sobrang trauma.
"Muntik na nila along ma-r*pe!" nangangatog ang buong katawan na pagsusumbong niya. "Mga walang puso! Mga hay*p!"
"Huwag ka nang matakot," pagpapatahan na ni Pablo sa kanya na nadadaig na ng magkahalong poot at sindak. Dahil sa panlulumo, yumakap na siya sa lalaking alam niya na maipagkakatiwala ang lahat, maging ang buhay niya.
"Ilayo mo na po ako lugar na ito!" pakikiusap niya. "Napakaraming masamang alaala na ang dinanas ko rito!"
"Oo, aalis na tayo," may tono ng pagsuyo na paniniguro naman ng binata kaya unti-unti nang nawala ang takot sa puso ni Charito.
"Huwag kang mabahala, hindi kita pababayaan..."