Case Number 7: Bakunawa (Part 8)

4982 Words
"Nakikita mo 'yun gusali na may pulang bubong?" mahinang binulong ni Joaquin kay Pablo habang nakasilip sila sa masukal na damuhan. "Nariyan ang pagawaan ng armas. Kung susunugin natin 'yan, paniguradong magkakagulo dahil sa dami ng explosives. Magre-red alert ang mga kasamahan ko at mababawasan ang mga bantay sa mga harang, sa bawat sulok ng Sitio Almira. Kadalasan, mga dalawampung porsyento ang pinupull-out sa amin noon kapag may emergency kaya malamang, kapag nasunog 'yan, hihigit pa. Mabilis na gumalaw ang mga mata ng pari upang obserbahan ang nasa paligid. Tahimik na nagbilang siya gamit ang isipan at napansin niya na sa loob ng isang minuto ay nakakatatlong ikot ang mga rumuronda sa lagusan ng lugar. Tahimik at walang ilaw sa loob kaya sa pagkakaalam niya, walang tao ang masasaktan sa oras na kumilos na siya. "Nasaan ang parteng may pinakamaraming pampasabog?" pag-uusisa na niya. "Sa kanan," tugon naman ni Joaquin. "Madilim lang kasi kaya hindi ko matukoy. Kung makikita mo lang sana 'yun silid na may bilang na 606, naroon ang mga pulbura. Sa Room 608 naman, ang mga granada." Napakunot ang noo ni Pablo nang mapag-alamang napakarami palang armas ng mga miyembro ng kulto ng bakunawa. Kung hahayaan na mas lumakas ang pwersa nila, maaari pang maging mapanganib na grupo hindi lang sa probinsya ng Gerona maging sa buong bansa. "Pahiram muna." Nilahad niya ang kamay upang makuha ang dalang rifle ni Joaquin. Walang pagdududang iniabot naman iyon ng kasama sapagkat nagtitiwala na ito bilang kaibigan at kakampi. "Sana, umayon ang lahat sa napag-usapan natin." Iyon ang naisip nila na pinakamainam na paraan upang humina ang depensa sa lugar dahil mahigpit ang pagbabantay sa mga border. Kung magiging agresibo naman ay mag-aalanganin din sapagkat may kasama silang mga babae at isang sanggol na posibleng mapahamak. Pinahintay muna nila sina Charito sa sementeryo, sa ilalim ng pinaglumaang mauseleum upang manatiling ligtas habang isinasakatuparan nilang mga lalaki ang plano na makatakas. "Teka, marunong kang umasinta?" hindi makapaniwalang napabulalas ni Joaquin nang makitang inangat nga ni Pablo ang baril paitaas, sa bandang kanan. Sa porma nito at paggalaw ng nga mata, kitang-kita niya na sanay ngang humawak ng armas ang kabanal-banalan na pari. "Paano ka natuto?" "Oo, graduate kasi ako sa PMA*," sinagot naman ni Pablo habang tinutututok ang sandata sa bintana kung saan natatanaw ang numerong 606. Madilim man ay nasisilayan iyon ng paningin niya na katulad ng sa pusa na mas matalas sa gabi. "Pagkatapos, pumasok ako sa seminaryo." (Philippine Military Academy) "PMA?" Napaawang tuloy ang bibig ni Joaquin sa nadiskubre. Siya man ay sinanay sa pakikipaglaban, ang tingin niya sa mga nakapagtapos sa prestiyosong eskwelahan ng Armed Forces of the Philippines ay malaking karangalan at achievement. Sa pagkakabalita pa naman niya, hindi basta-basta ang mga natatanggap sa eskwelahan kaya noong mas bata pa at wala pang asawa, nangarap din siyang mag-aral doon. "Malupit ka, Padre! Siguro, top student ka pa!" "Hindi naman," pagtanggi rin naman ni Pablo na tanggapin ang papuri sapagkat para sa kanya, mahuhusay talaga ang mga naging ka-batch at aminadong lumilipad pa ang isip noong teenager pa. "Madalas akong pasang-awa kaya hindi ko sigurado kung tama ba ang ginagawa ko. Bahala na si Lord, kung saan magtutungo ang bala." Nagmatyag muna siya sa mga lalaki na parang mga robot na umiikot sa gusali. Kahit na mga kalaban pa ay inaalala rin niya ang mga ito at ayaw mapahamak kaya inoorasan niya ang paggalaw ng mga ito. Nang sumakto ang pagkakataon na malayu-layo na ang mga bantay sa silid na may pulbura at bomba, doon na niya kinalabit ang gatilyo. Umalingangaw ang putok ng baril at 'di nagtagal ay tumama ang bala sa bintanang yari sa salamin. Tumagos iyon sa gitna ng numerong 0 ng Room 606 at katulad nga ng inaasahan niya, dinig sa loob ang pagsabog ng pulbura. Mabilis na lumabas ang maitim na usok sa bintana at katulad ng balak nila ni Joaquin, nagkagulo nga ang mga tauhan doon. Nagtatakbo sila palayo upang mailigtas ang mga sarili sa mas malalang eksplosyon. Makalipas ang ilang segundo ay nadamay na rin sa pagkakasunog ang mga bomba kaya nagningas na sa alapaap ang nangangalit na apoy. Ramdam din sa lugar ng dalawa ang pagyanig ng lupa dahil sa lakas ng pagsabog. "Red alert!" dinig ni Pablo na pag-aanunsyo ng isang bantay gamit ang hawak na walkie-talkie radio. "May nagpasabog dito sa gusali ng mga armas! Kailangang maapula ang apoy! Evacuate rin ang mga katabing bahay!" Magkakasunod na pagsabog pa ang narinig kaya maging ang buong nayon ay naging saksi sa mamula-mulang liyab na nagmumula sa imbakan. Nahintakutan ang mga naroon sapagkat kapag kumalat ang apoy, maaaring madamay ang bodega ng mga palay hanggang sa maging ang mga bahay ay matutupok na rin. Pinaandar ang sirena sa buong sitio bilang pahiwatig na maging alerto sa paglikas. Katulad ng sinabi ni Joaquin, nagtungo nga ang karamihan ng mga bantay sa pinangyarihan ng sunog upang maapula iyon. Kita mula sa kinaroroonan nila ang mga trak ng tubig at jeep na sinasakyan ng mga armadong lalaki. Ang mga pamilyang posibleng matamaan naman ng sunog ay unti-unti nang lumalabas ng mga bahay na may dala-dalang mga kagamitan. "Tara, balikan na natin sina Charito!" pag-aya na ni Pablo sa kasama. "Kailangan natin samantalahin na nagkakagulo sila! Mas mapapadali ang pagtakas natin sa harang niyan!" Lumusot sila sa mga damuhan at kakayuhan kung saan madalang mapuntahan ng mga tao. Nagpasikot-sikot pa sila upang maiwasan lamang ang mga kalaban. Subalit, sa kakalihis nila ng daan patungo sa sementeryo, kaagad na napansin ni Pablo sa bukirin ng mga mais ang kulungan. Dahil sa kuryosidad, napahinto siya bigla at pilit na inaninag sa dilim kung ano o sino ang gumagalaw sa loob. Malayo man ay dinig niya ang mahinang paghikbi ng mga dalagita, kasama ang pamilyar na tinig na nagmumula sa pinsan ni Charito na si Romina. Biglang bumalik sa alaala niya ang maluha-luhang mga mata nito na parang may malaking hinanakit sa kanya. "Kasalanan mo...wala ka na rin naman magagawa..." Iyon ang mga katagang umulit-ulit sa isipan niya kaya nakunekta na niya ang dahilan kung bakit nagagalit ang bata. Dahil sa pag-ako na asawa si Charito, hindi na posibleng maiaalay pa ito sa bakunawa. Malamang, humanap nga ng kapalit ang mga tagaroon at sa kasamaang-palad, si Romina nga ang inilinya sa mga papaslangin. "May mga batang babae akong nakikita roon," paninimula nang mag-usisa ni Pablo kasabay ng pagtuturo sa kulungan na yari sa bakal. "Iaalay pa rin ba sila kahit nagkakagulo na?" "Oo, mamayang mga alas-singko ng umaga, magsisimula na ang seremonya ng pag-aalay," tugon ng kausap kaya mas nabahala ang binata. "Magkasunog man o magkadelubyo, kukunin pa rin sila ng bakunawa! Walang makakapigil sa halimaw na iyon kahit mamatay man kaming lahat!" "Anong oras na ba?" "Sa pagkakatantya ko, mag-a-alas-tres y media na." "Malapit na palang dumating ang halimaw!" napabulalas na ni Pablo. Napahagod pa siya ng batok sa reyalisasyon na mapapahamak pa ang dalagitang si Romina. Gamit ang isipan ay pilit niyang pinagkasya ang nalalabing mga oras upang mailigtas ang kasamang mga babae, maging ang mga bihag na iaalay sa bakunawa. "Kung ganoon, kailangan natin maitawid na sina Charito!" Hinatak na niya sa likuran ng kwelyo si Joaquin upang tumakbo na. "Pagkatapos, 'yun mga bata, babalikan ko pa!" "Imposible na 'yan iniisip mo! Hindi ka superhero!" pinagalitan na siya ng kasama dahil sa padalus-dalos na pagdedesisyon. "Bitiwan mo ako, masusubsob na ako sa ginagawa mo!" "Bilisan mo kasing kumilos!" pagdadahilan naman niya sapagkat tila ba nasa time bomb sila na bawat segundo ay mahalaga. "Kunwari, nasa giyera tayo kaya bawal ang babagal-bagal!" "Ano ba kasi ang balak mo?" habol ang hiningang pagtatanong na nito habang pilit na nakikipagsabayan sa bilis ng pari. "Babalik ka pa sa sitio pagkatapos na mailabas sina Charito?" "Oo, hindi ko kayang iwanan sina Romina!" "Hindi mo kakayanin ang peligro lalo na kapag naabutan ka ng bakunawa! Nakakaawa sila pero iba ang matapang sa tang*! Wala kang laban sa halimaw na 'yun kahit magpaka-martyr ka pa!" "Ako ang bahala! Basta kayo, pumunta na sa San Nicolas!" pagmamatigas pa rin ni Pablo. "Gusto ko ngang maka-one-on-one si Bakunawa para maturuan ko ng leksyon!" "Maghunos-dili ka nga!" kabadong pagpigil pa rin ni Joaquin na hindi na alam ang gagawin upang makumbinsi itong huwag nang tumuloy. Batid niya na palaban at malakas nga si Pablo pero sa nakikita niya ngayon, buwis-buhay ang susuungin nito. Nanatiling tahimik lang ang kinukumbinsi kaya pahiwatig iyon na desidido nga ito na iligtas ang mga dalagita at harapin ang halimaw. "May pagkamatigas ang ulo mo!" pabulong-bulong na pahayag na lang niya habang pabalik sila sa sementeryo. "Kapag napahamak ka, walang sisihan!" Pagdating sa libingan ng mga namayapa na ay wala na silang inaksayang oras upang magtungo sa Station 4, ang estasyon kung saan karamihan ay mga bumbero at emergency responders ang nagsisilbing mga bantay. Dahil sa naganap na pagsabog at sunog, sa pagkakatantya nila ay limitado ang depensa roon kaya mas mapapadali ang pagtakas. Doble-doble ang mga barbed wires doon pero mas kakayanin na makalusot kung kakaunti lang ang posibleng makalaban. Sumisilip na ang araw sa madilim na langit kaya alam ni Pablo na kaunting panahon na lang ay darating na ang bakunawa. Tahimik na siyang nananalangin na sana ay maabutan niya na ligtas sina Romina at maitakas din. Kasalukuyan silang nakakubli sa likuran ng bodega ng estasyon upang matiyempuhan ang pag-alis ng mangilan-ngilan na mga tauhang naroon. "Humanda na kayo," mahinang binulong niya sa mga kasama. Pinaalalahanan na niya ang asawa ni Joaquin na si Mildred upang mauna nang tumawid kasama ang sanggol. Sinundan ng mga mata niya ang dumadaan na bantay upang orasan na nakatalikod ito at nasa blind spot ng estasyon. "Kapag lumiko na siya, tumakbo ka na sa harang!" "Sige," pagsang-ayon naman nito na yakap-yakap ang supling. Aayon na sana ang lahat sa plano pero sa kasamaang-palad, biglang umiyak ang hawak na sanggol. Nagulat din si Joaquin sa hindi inaasahang pagtangis nito kaya natakpan niya pa ang bibig ng anak. Kahit anong pigil ay narinig pa rin ng lalaki ang boses ng bata kaya mabilis itong nagtungo sa pinagtataguan nila. Sumunod din ang isa pang kasamahan na may dalang baril kaya nalagay na sila sa peligro. Dahil doon ay nagdesisyon na silang mga lalaki na mas maging agresibo upang mailigtas ang mag-ina at si Charito. Lumabas na sila sa kinaroroonan at pinigil ang mga kalaban. Nakipagbuno sila sa mga ito para maagaw ang mga baril at upang hindi masaktan ang mga pinoprotektahan. "Takas!" panuto ni Pablo sa mga babae nang matagumpay na makuha nila ang armas ng mga kaaway. Aligaga man at litong-lito sa tamang gagawin ay sumunod na sina Charito. Walang lingon-lingon pa na nagsitakbuhan sila patungo sa barbed wires. Nang makarating doon ay inangat ng dalaga ang kalawanging alambre upang makagapang sina Mildred. "Mag-iingat ka, Ate!" halos mahimatay sa kaba na sinabi niya sa asawa ng kapatid na nagsusumiksik sa ilalim niyon. "Ako na ang magdadala sa mga bags! Basta kayo ni baby, lumusot na!" Nang makatawid ang hipag ay hinagis na niya ang mga sisidlan palabas ng harang. Bago gumapang sa ilalim ng makakapal na alambre, hindi niya natiis na tignan muna ang kalagayan ng kuya at ng lalaking minamahal. Napasinghap siya nang makita na habang nakikipaglaban ang mga ito, nakasilip pala sa gilid ang may edad ng lalaki na nagsilbing announcer noong palaro ng kwintas. Akala niya ay nagmamasid lang ito sa mga nangyayari subalit nabagabag na siya nang maglabas na ito ng baril. Nakangising tinutok ni Mang Tiburcio ang pistol upang patamaan si Joaquin. Naglalaro na sa isipan niya kung paano isusunod na paslangin si Pablo pero sisiguruhin muna niya na maghihirap muna ito sa mga kamay niya. Para sa kanya, hindi lang pang-aagaw ng baril ang naging kasalanan nito. Simula nang dumating ito, iba na ang naging pakiramdam niya na parang may hindi nga gagawing maganda ang dayo sa sitio. "Lint*k kayong mga kumakalaban sa akin, magbabayad kayo!" patawa-tawang sinabi niya. Akmang kakalabatin na sana niya ang gatilyo upang patamaan sana si Joaquin pero napigil ang masamang hangarin nang matamaan ng matigas na bakya. Sapul sa noo ang pagkakahagis ni Charito kaya kaagad din siyang mawalan ng malay. Nailigtas man ang kuya ay aksidenteng pumutok pa rin ang baril at tumama sa dalaga. Ramdam niya ang pagtagos ng bala sa kanyang balikat hanggang sa tumagos sa likuran. Imbis na sakit ay namanhid ang pinsala at umakyat pa sa ulo kaya mabilis na umikot at nagdilim ang kanyang paningin. "Charito!" halos sabay na pagtawag nina Pablo at Joaquin nang marinig ang pagputok ng pistol at makita siyang napahandusay. Gamit ang buong lakas ay naagaw ni Joaquin ang baril ng nakapaibabaw sa kanya. Dahil sa nagdilim na ang paningin sa galit na nasaktan ang nakababatang kapatid, walang pagdadalawang-isip na binaril niya ang kaaway sa ulo. Si Pablo naman ay pigil sa lakas na inuntog ang ulo ng lalaki sa poste upang mawalan lang ng malay. Pagkatapos ay hinubad niya ang sinturon ng nakalaban at itinali sa mga kamay nito upang masigurong wala nang masasaktan pa. Ganoon din ang ginawa niya kay Tiburcio na hilong-hilo pa sa pagkakabato ng bakya. "Bunso!" aligagang pagtawag ni Joaquin sa kapatid na nakahiga sa damuhan. Pag-angat sa kapamilya ay nanlaki ang mga mata niya nang makapa ang masaganang dugo na dumadaloy mula sa sugat. "O-OK lang ako," habol ang hiningang pagsisinungaling ni Charito upang hindi na mag-alala ang nakatatanda. Nagpumilit pa siyang umupo subalit binigo na siya ng katawan na kumilos pa. "Humiga ka muna." Nangingilid ang luhang inalalayan na siya ng kuya upang maiayos sa pagkakahiga. "Kaunting tiis, makakatawid na tayo." "Oo," nakangiting sinambit naman ng dalaga kahit unti-unting nanghihina na. "Pagkatapos, magsisimula tayo ulit as one big happy family kasama sina Ate Mildred! Sa San Nicolas, makakapag-aral din ako!" "Tama ka," pigil sa pag-iyak na pagsang-ayon naman ni Joaquin sapagkat batid niya na nanganganib na ang buhay ng kadugo lalo na at malayo-layo pa sila sa main road at mahabang daan pa ang kanilang tatahakin. "Lakasan mo ang loob mo, ha? Kapag nakaalis na tayo rito, babawi ako sa iyo. Kahit anong gusto mo, ibibigay ko!" "Si Pablo lang ang iregalo mo sa akin, sapat na," pilit na pinasisigla ang boses na pagbibiro naman ni Charito. "Pakiusapan mo naman, Kuya. Pagkatapos nitong adventure natin, lumabas na siya sa pagkapari at ligawan na ako!" Napatawa nang bahagya si Joaquin sapagkat alam niyang may pagtingin nga ang kapatid sa Alagad ng Simbahan. Maging ang kausap ay matamlay na napahagikgik na lang sa special request nito na kasinghirap ng pagsuntok sa buwan. "May tuwalya ba kayo o malinis na tela?" pagtatanong na ni Pablo habang nagmamadaling mapuntahan si Charito upang matulungan. Marahan niyang hinaplos ang buhok nito upang iparamdam na hindi ito nag-iisa at magiging maayos din ang lahat. May kaba man sa puso ay pilit niyang ipinakita ang tapang upang hindi manghina ang loob nito. "Balikat lang pala ang tinamaan," pagbabalita niya upang mabawasan na ang kaba ng pasyente. "Madugo talaga sa parte na iyan pero makukontrol naman." Inabot ni Mildred kay Joaquin mula sa kabilang harang ang baon na tuwalya. Hinati nito sa dalawa ang tela at ibinigay kay Pablo. "Medyo makirot lang ito, neh?" pagbibigay muna niya ng babala bago bigyan ng pangunang lunas ang inililigtas. "Pero kaya mo ito, ikaw pa!" "Opo, kaya ko!" Imbis na umiyak ay pumikit na lang si Charito upang tiisin ang sakit. Masama man ang pakiramdam ay sinikap niyang magpakatatag alang-alang sa mga nag-aaruga sa kanya. Pinatong ni Pablo ang kalahati ng tela sa sugat mismo ng ginagamot. Gamit ang palad ay diniin niya iyon upang mapigil ang pagdurugo. Pagkatapos ay ibinalot niya ang kaputol na tuwalya paikot sa balikat nito upang huwag masyadong maigalaw at maiwasan ang paglala ng pinsala. Nabawasan man ang pagdurugo ay kailangan pa rin na madala sa ospital ang dalaga kaagad. "Marunong ka bang mag-drive?" pagtatanong niya kay Joaquin upang maibilin na ang paghatid kay Charito sa ospital sapagkat hahabulin sana niya ang oras upang maisalba naman ang mga bihag na iaalay sa bakunawa. "Oo," may pagtatakang tinugon nito. "Bakit?" "Babalik kasi ako sa loob para mailigtas sina Romina," pakikiusap na niya. "Ikaw muna sana ang mag-asikaso sa pagdadala kay Charito sa ospital." "Sige, ako na ang bahala," pagpayag naman nito. "May malapit ba na pagamutan dito?" "Ganito, neh?" pagbibigay na niya ng panuto. "Pagkalagpas sa sapa, sa may gilid ng highway, nakaparke ang kotse na navy blue. Kunin mo 'yun spare key ko na nakasabit sa bumper." Kinuha niya mula sa bulsa ang ID upang ipahiram muna kay Joaquin. Kilala siya ng mga doctors at nurses doon na nagre-refer palagi ng mga pasyente na nagmumula sa mga liblib na lugar kaya kapag nagpakilala ito na kaibigan niya, mas mapapabilis ang pag-asikaso sa maysakit. "Natatandaan mo 'yun Sto. Cristo, kung saan ka bumili ng gamot? Sa kasunod na kanto lang, naroon ang Region Three General Hospital," pagtuturo niya kung saan dadalhin si Charito. "Pagdating niyo roon, ipakita mo 'yan ID at sabihin mo na ako mismo ang nagpadala sa inyo roon. Kung may karagdagang gastusin man, sasagutin ng religious organization namin." "Salamat," puno ng sinseridad na sinambit ni Joaquin sa kanya habang nakahawak sa kamay ng kapatid. "Tatanawin ko itong malaking utang na loob." "Hindi ko kailangan ng utang na loob," nakangiting pahayag naman ni Pablo. "Basta gumaling si Charito, happy na ako-" Natigilan silang lahat nang may marinig na pagkaluskos. Akala nila ay natagpuan na sila ng ibang mga bantay kaya naghanda na sila sa posibleng pakikibaka. Subalit, hindi nila inaasahan na isang makapangyarihang nilalang pala ang kanina pa nagmamasid sa kanila. Mula sa kinauupuan ay walang kahirap-hirap na winasak ni Tiburcio ang sinturon na nagtatali sa kanya. Inangat niya ang ulo upang mapagmasdan ang buwan na magsisilbing hudyat ng espesyal na araw para sa mga taga-Sitio Almira. Napangisi siya sapagkat muli ay pararangalan at sasambahin ng mga nasa nayon ang kabanal-banalan na bakunawa. Hindi nakalagpas sa matalas na pang-amoy ng lalaki ang sariwang dugo na nagmumula kay Charito. Kakaiba ang samyo na mayroon ito na kahit pa sa malayo ay nakakahalina. Naglaway pa siya dahil sa pagkasabik na makain ang puro at malambot na laman ng dalaga at pambihirang lakas na makukuha mula rito. "Dugo ng birhen...ikaw ay mapapasaakin!" Tila ba nauulol na asong sumugod si Tiburcio sa kinaroronan ng pakay. Maging si Pablo ay nabigla at hindi nakapaghanda sa bilis nito na hindi posible para sa isang tao. Sa abot ng kanyang makakaya ay sinubukan pa rin niyang pigilin ang ginoo subalit sadyang pambihira ang tulin at lakas nito na maihahalintulad sa mga demonyo. Pagkabangga sa kanya ay umusok pa at nagkabitak-bitak ang lupa nang sapilitan siyang hinagis sa puno ng acacia. Yumanig pa ito sa lakas ng pwersa ng nilalang na paniguradong hindi na mortal. Hindi pa nakuntento ang lalaki sa p*******t dahil malaki ang galit nito kay Pablo na sa unang pagkikita pa lang ay alam nang kakatwa at hindi madaling mapasunod sa nais. Paulit-ulit nitong hinampas ang katawan ng binata sa puno hanggang sa dumugo ang ulo nito at nawalan ng ulirat. "Maswerte ka at napabilis ang iyong pagkasawi, kahit gusto pa kitang pahirapan!" Nanlilisik ang mga matang sinipa-sipa pa nito ang nakahandusay na katawan ni Pablo upang siguruhing napaslang na. "Pero naisip ko rin, bakit naman aaksayin ko ang oras ko sa iyo? Mas mababa ka pa kaysa sa insekto!" Bigla-bigla ay lumabas ang itim na usok sa bibig ni Tiburcio hanggang sa bumalot na sa kabuuan. Nakihalo ang kulay na kahel at pula sa usok hanggang sa tuluyang nagliyab ang mga iyon. Mula sa katawan ng may edad na lalaki ay unti-unting lumitaw ang ulo ng dragon at buntot na katulad ng sa serpyente. Mahigit apatnapung talampakan ang haba nito at tila ba nagniningas pa ang balat na napalilibutan ng mga kaliskis. Matagal na pala itong nagpapanggap na ordinaryong tao upang palihim na makisalamuha sa mga taga-nayon at malaman ang mga tapat at taksil. Sa halos limampung taon na pagpapanggap nito, wala ni isa ang nagdududa sa pagkakakilanlan nito sapagkat wala sa karakter na nilikha ang maikukumpara sa bakunawa. Lumipad ito paitaas sa alapaap at umikot-ikot upang magmasid sa buong sitio. Pagbaba ng tingin ay tumambad si Charito na sapilitang hinahatak ng kapatid patungo sa harang upang maitawid na. Dinig ang pag-iyak nito sa pag-aakalang napaslang nga si Pablo. "Kuya, paano na siya?" humahagulgol na pagsusumamo niya. "Hindi ko siya kayang iwanan, huhuhu! Hindi dapat siya mamatay! Pablo, pakiusap, gumising ka na!" "Wala na tayong magagawa!" pagpapaliwanag naman ng kapatid kahit naiintindihan niya ang pagtangis ng nakababata. "Siya rin mismo ay hindi matutuwa kung ikaw din ay mapapahamak! Binilin ka niya sa akin kaya huwag naman natin siyang bibiguin!" Labag man sa kalooban ay walang nagawa si Charito sapagkat may punto nga naman ang nakatatanda. Kahit na balikan man niya si Pablo, wala rin siyang maitutulong dahil siya rin ay malala na ang pinsala. Inaalala na rin niya ang kuya na sugatan at hapo na rin ang katawan sa pagtatanggol sa kanya at sa mag-ina nito kaya sumama na siya. Ganoon pa man ay tahimik siyang nanalangin na sana, nagkamali siya ng kutob na nasawi nga ang lalaking iniibig. Umaasa siya na pagbalik sa San Nicolas, malalaman niya na masamang panaginip lang ang lahat. "Hindi kayo makakatakas!" umuusok ang ilong sa galit na pahayag ng bakunawa nang mahuling nakatawid na nga sila sa harang. Singbilis ng hangin na nagtungo ito sa kinaroroonan ng magkapatid. Lagpas man sa teritoryo nito, puwersahan pa rin nitong tinangay si Charito at hinagis pabalik. Ramdam ng dalaga ang pagkalamog ng katawan nang bumagsak sa damuhan. Maging ang mga sugat na nakabenda ay muling dumugo dahil sa pagkabigla. Sinikap man niyang tumayo at lumayo ay pinitik siya ng halimaw sa binti kaya impit na pag-iyak ang nagmula sa kanya. "Saan ka pupunta, babae?" may tono ng pang-aasar na tinanong ng bakunawa. Gamit ang matatalim na kuko ay hinila nito sa paa ang bibiktamin at inilapit sa kinaroroonan. "Tatakasan mo pa ako samantalang isang karangalan ang maialay sa akin!" Mas natakam ang halimaw dahil sa nalanghap na sumisirit na dugo mula sa hawak na babae. Naisipan pa nito na paglaruan muna nang kaunti ang tinuturing na pagkain, katulad ng ginagawa ng pusa sa daga. "Karangalan?" palaban na inulit ng nais lamunin nang buong-buo. "Anong tingin mo sa sarili mo? Isa ka lang halimaw na nag-iilusyon na isang diyos!" Hindi matanggap ng bakunawa ang masakit na katotohanan. Dahil sa poot, binalak nitong kalmutin si Charito nang paulit-ulit upang maparusahan. Inangat na nito ang kamay sa ere upang saktan ang bihag. Subalit, bago dumampi ang mga kuko nito sa balat ng dalaga, napahinto rin ito kaagad nang may maramdamang mga balang tumagos sa dibdib. Paglingon ay natanaw nito si Joaquin na nakatutok pa rin ang baril sa gawi nito. "Akala mo ba, palalagpasin ko ang ginawa mo?" pagbabanta nito kahit na nasugatan pa. "Pagbabayaran mo ang p*******t sa akin!" "Huwag mong sasaktan ang kapatid ko!" matapang na pahayag ni Joaquin kahit na ang kaharap pa ay ang makapangyarihang bakunawa. Muli ay pinatamaan niya ito subalit sa kasamaang-palad, tumagos lang ang bala at nagdulot lang ng pansamantalang sakit. Mabilis din na naghilom ang mga sugat nito kaya nawalan din ng saysay ang paglaban niya. "Mga lapastangan!" dumadagundong ang tinig na pagsigaw nito. "Papat*yin ko kayo!" Inangat na ng kalaban ang bibig upang bumwelo sa pagbuga ng apoy. Lumabas mula sa ilong nito ang maitim na usok na kahit malayu-layo pa ay nakapaso na sa balat ni Charito. Nang mga oras na iyon, napagtanto ng dalaga na iyon na talaga ang kanyang katapusan. "Umalis ka na!" panawagan na niya sa kapatid sapagkat nanganganib na silang dalawa ay matupok ng apoy. Tinanggap na niya ang kapalaran na mabilis nang magwawakas ang kanyang buhay at ayaw na rin niyang mandamay ng iba. "Lumayo ka na!" "Hindi na kita iiwanan!" pagmamatigas ni Joaquin sapagkat hindi na kakayanin ng kanyang kunsensya na muli ay mapapahamak ang bunso na wala man lang siyang ginagawa. Walang pagdadalawang-isip na pinantaklob niya ang sarili at niyakap ang kadugo. Pinikit na lang niya ang mga mata upang hintayin ang parusa ng bakunawa. Naisip niya na kahit sa kamatayan man lang ay hindi na niya pababayaan na mag-isa si Charito. Magkakasunod na patak ng luha ang umagos mula sa mata ng nakababata. Siya rin ay yumakap sa kuya na kahit noon pa man ay inaalagaan na siya at inaalalayan. Nagkalamat lang naman ang kanilang samahan simula noong mapagdesisyunan ng mga magulang na maialay na siya sa bakunawa. Ganoon pa man ay pinapatawad na niya ito sapagkat sa huli't huli pala ay magdadamayan pa rin sila na magkapatid. Handa na silang tanggapin ang hatol ng halimaw hanggang sa bigla na lang naglaho ang ningas na nagmumula sa bibig nito. Ramdam nila ang malakas na pwersang humatak sa halimaw at kinaladkad pa ng ilang metro palayo sa kanila. Hindi makapaniwala sina Joaquin nang masaksihan na ang may hawak pala sa buntot ng bakunawa ay ang pari. Nasilaw pa sila nang sa isang iglap, naging puti ang mga mata nito na maihahalintulad sa isang anghel na biglang nagising sa katawan ng mortal. Maging ang mga pinsalang natamo ay naghilom sa pagbulwak ng enerhiya mula sa espiritu nito. Kaya man na tapatan ang lakas ng halimaw ay isinasaalang-alang din ni Pablo ang limitasyon ng kapangyarihan na maaari niyang ilabas. Kapag kasi hindi niya kinuntrol iyon, posible rin siyang makapinsala ng iba. Dahil doon ay mabilisan na niyang inutusan ang magkapatid na lumayo sa kanilang dalawa na magkalaban. "Umalis na kayo!" panuto niya sa mga ito habang nakikipagbuno sa bakunawa. Dali-daling binuhat na ni Joaquin ang kapatid patungo sa harang. Nang masigurong nakatawid na at malayu-layo na ang mga inililigtas ay unti-unti na niyang itinaas ang antas ng kapangyarihan. Nagkabitak-bitak at lumipad sa ere ang magkahalong lupa at bato sa kinatatayuan niya hanggang sa naging pulbos ang mga iyon. Gamit ang dalawang kamay ay inangat niya ang halimaw at ibinalibag sa puno kung saan siya pinaghahampas din nito. Sa pagbagsak ng dambuhalang katawan nito ay nabuwag at nagkapira-piraso ang acacia. "Ngayon, tayong dalawa na lang ang mag-uusap!" mapaghamong sinabi ni Pablo sa bakunawa na nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kanya kahit na nakasadlak pa sa lupa. Nilabas niya mula sa bulsa ang pistol at tinutok sa ulo nito. "Hindi ko nais na paslangin ka," paninimula na niyang makipagkasundo sa nilalang na ilang siglo nang naghahasik ng lagim sa sangkatauhan lalo na sa mga taga-Sitio Almira. "Kaya sana, tigilan mo na ang pagpatay sa mga tao, lalo na ang pagkain sa mga inosenteng babae! Hindi mo naman kailangang gawin iyon kung pipiliin mo lang na huwag maging sakim sa dugo at kapangyarihan!" "Sinong hamak na tao ka na pagbabalakan akong kalabanin?" pagtanggi ng bakunawa sa alok ni Pablo na pakikipagkasundo. Tumayo na ito at binaba ang mukha na maikukumpara sa mga dragon upang magkita sila nang mata sa mata. Ramdam ng pari ang init ng hininga nito na anumang oras ay maaari siyang tustahin kung hindi siya magiging maingat. "Akala mo ba ay mapipigil mo ako gamit lang ang sandata na 'yan?" nakangising pang-iinsulto pa nito sa kanya. "Isa ka lamang hangal na binigyan ng kaunting lakas at nagyayabang na! Kilala mo ba ako, o kailangan ko pa na ipamukha sa iyo na ako ay isang diyos?" Bilang tugon ay walang babala na pinaputukan naman ito ni Pablo sa gitna ng ulo, dahilan upang mapahiyaw ito sa sakit at umikot-ikot na parang trumpo. Hindi nagtagal ay naglaho rin ang sugat kaya napagtanto niya na tama nga ang sinasabi nito. "Ah, tama ka nga." Kalmadong isinukbit pa niya ang pistol sa may likod na bulsa kaya nagtaka ang halimaw sa aktong hindi man lang makikitaan ng kahit katiting na takot. "Wala ngang silbi itong baril!" "May pagkabob* ka nga!" pang-iinsulto pa nito sa kanya kaya napatiim-bagang na lang siya sa inis. "Isa kang tang*!" Hindi na nakapalag pa ang bakunawa nang bigla itong suntukin sa ilong ni Pablo. 'Di hamak na mas malaki man ang anyo sa pari ay natumba pa rin ito sa lakas ng pagkakatama niya. "Anong sinabi mo?" May pang-aasar pa na tinuro ni Pablo ang tainga. "Hindi ko masyadong narinig kaya lakasan mo pa!" "Isa kang tang*! Bob*! May saltik sa utak!" pag-uulit naman ng bakunawa kaya tinadyakan niya ang paa nito. Matinis na napaiyak ito na parang lalaking sinipa sa ilalim ng puson. Dahil sa matinding sakit, paika-ikang lumakad ito palayo sa kakatwang pari. "Bastos ka!" naghuhurimintadong sinigaw naman nito habang tinitiis ang magkasunod na suntok at tadyak na natanggap. "Pinagbibigyan lang kita pero huwag mong sasagarin ang pasensya ko!" "Sorry na, pero kasalanan mo! Saksi ako na atat kang kainin si Charito kanina at tinawag po pa akong 'bob*' at 'tang*'!" sarkastikong paghingi ng paumanhin ng binata. "Pwede ba na tabla na lang tayo, basta ba iwanan mo na ang sitio at huwag nang gagambalain pa? Quits na kasi ayaw ko rin naman ng gulo!" "Hindi ako makikipagkasundo sa iyo!" pagmamataas pa rin ng halimaw kahit na batid nitong hindi karaniwang tao ang nakabangga. "Pagbabayaran mo ang pagiging mayabang mo! Maging ang mga tao rito ay parurusahan ko, tutal naman ay wala na silang mga silbi!" Bumuga ito ng apoy paikot sa kinroroonan nila kaya nagningas ang mga pananim na ilang araw na lang ay aanihin na. Maging ang puno ng mga mangga at niyog ay dinamay nito na sunugin upang hindi na mapakinabangan pa. "Dadanak ang dugo sa Sitio Almira!" pagbabanta nito bago lumipad patungo sa mga estasyon na maaaring malusutan ng mga tagaroon. Dinig ang paghalakhak nito mula sa alapaap na tila ba tuwang-tuwa na makaperwisyo at makapatay pa ng mga tao. "Hahaha! Maging abo man kayo, wala akong pakialam!" "Hina-highblood mo ako, halimaw ka!" nakakuyom ang mga kamao na nasambit na lang ni Pablo kasabay nang mabilisang pagtakbo patungo sa kinaroroonan ng kalaban upang mapigil ang masasamang mga plano nito. "Kapag may napaslang ka na kahit isa sa mga nariyan, hindi kita mapapatawad!" -ITUTULOY-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD