Tanaw mula sa malayo ang pag-usok na nagmumula sa Sitio Almira. Maging ang katabing mga nayon ay nabahala na rin sa malaking sunog na nagaganap.
Ganoon pa man ay walang naglalakas-loob na tumulong o ipaalam ito sa kinauukulan sapagkat may takot din sila sa kulto. May mga ilang sumubok na punain ang komunidad nito subalit naglalaho ang mga ito na parang bula, kasama na rin ang buong pamilya. Dahil sa mga misteryong nangyayari, wala nang nakialam pa sa sitio kahit ano pa man ang nasasaksihan na kakatwa.
Isang lalaki na lamang ang kasalukuyang nakikibaka para sa buong sitio at mismong ang diyos-diyosan pa na tinatawag na bakunawa ang hinahamon. Maaaring masabi pa na nawawala na ito sa katinuan sapagkat makapangyarihan at posibleng imortal pa ang kinakalaban.
"Kapag nahabol kita, malilintikan ka talaga sa akin!" nanggagalaiti sa inis na sinambit ni Pablo habang umaakyat sa mga bubong. Mas uminit pa ang kanyang ulo nang masaksihan na binugahan ng halimaw ng apoy ang isa pang estasyon upang hindi malusutan ng mga tagaroon. Lumipad naman ito patungo sa paaralan kung saan nananalagi muna ang mga evacuees na apektado ng pagsabog ng bodega ng mga armas.
Nang makita mula sa kalangitan ang paparating na bakunawa ay inakala ng mga naroon na maililigtas sila. Halos sabay-sabay silang lumuhod sa lupa at humingi ng tulong at awa.
"Panginoong Bakunawa, isalba mo kami!" pagsusumamo nila.
"Mga hangal!" tinuran pa ng nilalang ang mga taong lubos na nagtitiwala sa kanya. "Walang awa ang nararapat sa mga basurang katulad niyo!"
Nabahala si Pablo sa maaaring gawin ng kalaban. Gaya nga ng inaasahan, plano nga nitong sunugin ang paaralan. Tanaw niya ang pag-usok ng ilong at bibig nito bilang pahiwatig na nag-iipon na nga ito ng lakas upang pasabugin ang nasabing lugar.
Sa taas at layo ng kinaroroonan nito ay imposible na niyang maabot pa. Mabilis na gumalaw ang mga mata niya upang maghanap ng sandatang magpapatigil sa naghuhurimintadong bakunawa.
Pagtungtong sa yerong bubong ay sumakto na may mga pabigat na gulong at hollow blocks doon. Pinulot niya ang gulong at tinantya kung kakayanin nga ba ba na umabot sa kinaroroonan ng kalaban. Umatras pa siya nang kaunti upang maisakto ang buwelo kapag hinagis na iyon.
"Sana matauhan ka na rito!" nanggigigil sa inis na tinuran pa niya ang nilalang na ang tanging nasa isip ay ang manunog at manira.
Pagkahagis ay mabilis na lumipad sa ere ang gomang gulong. Subalit, napansin ng target ang padating na sandata kaya nailagan din. Nanlilisik ang mga matang binaba nito ang tingin sa pari na nakangisi pa. Iyon pala ay may paparating pa na mga hollow blocks sa gawi nito. Huli na ang lahat upang umiwas pa kaya tumama ang mga iyon sa ulo dahilan upang mahilo at dumausdos ito paibaba mula sa alapaap.
Nang bumagsak sa lupa ay mabilis na itong natunton ni Pablo. Akmang bubugahan sana siya ng apoy nito pero naudlot ang plano nang hatakin niya ito sa buntot at isinubsob ang mukha sa malapit na fishpond. Dahil doon, ay kumulo ang tubig at mabilis na naging nilaga ang kaawa-awang mga tilapia.
"Mmph! Pfft!" habol ang hiningang pagsusumikap na magsalita ng bakunawa kahit na paulit-ulit na nilulublob sa tubigan. "Bitiwan...mo...ako!"
"Papasakan ko nang atomic bomb 'yan bibig mo, e!" Hinila na niya palayo sa palaisdaan ang halimaw upang bigyan naman ng pagkakataon na huminga. "Buga ka nang buga!"
"Kahit ilang beses akong bumuga, wala kang pakialam! Mas may awa pa ako sa mga tilapia na namatay rito kaysa sa mga bob*ng tao-"
Muli ay nilublob na naman ito ni Pablo sa tubigan bago pa man makapagsalita ng kung anu-ano. Kanina pa kasi siya naaalibadbaran sa pangmamaliit at pang-iinsulto nito sa mga tao.
"Tigilan mo na ang pagsunog sa sitio! Buong buhay nila, pinagsilbihan ka nila at ito pa ang igaganti mo?" pangungunsensya na niya sa halimaw. "Anong klaseng nilalang ka at wala ka man lang kahit kaunting awa at malasakit? Nasaan ang puso mo?"
"Hindi mo alam ang pinagsasabi mo!" puno ng poot na pahayag naman nito. "Wala ka rin karapatan na husgahan ako!"
Bumalik sa alaala ng bakunawa ang masalimuot na pangyayari kung bakit abot-langit ang galit nito sa mga tao. Lumipas man ang daan-daang taon ay hindi pa rin mabura sa puso at isipan nito ang pighati na mawalan ng mga minamahal. Sa bawat araw na ipipikit nito ang mga mata, dumadalaw pa rin sa panaginip ang eksenang kahit sinong haligi ng tahanan ay ayaw masaksihan pagkauwi sa bahay.
"Kahit buhay ng kaapu-apuhan nila, hindi mababayaran ang lahat ng kinuha nila sa akin! Ninakaw nila ang liwanag ko! Ang mga bituin ko, inagaw nila sa akin! Dahil doon ay pinatay na nila ang aking puso!" nagniningas ang mga matang deklarasyon nito. "Kayong mga tao ay likas na masasama at dapat lang na maparusahan! Kayo ang mga walang awa!"
Natigilan si Pablo sa mga pinagtapat nito. Napagtanto niya na marahil nga ay may mabigat na dahilan ito kung bakit umaakto nang marahas. Hindi nakawala sa obserbasyon niya ang magkahalong lungkot at galit sa pamamaraan ng pananalita ng kaaway. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nakaramdam pa siya ng simpatya rito kaya nais pa sana niyang kilalanin. Sa katunayan, hangga't maaari ay ayaw naman niya itong saktan at paslangin.
"Anong ibig mong sabihin?" pag-uusisa na niya. "Bakit hindi natin pag-usapan nang maayos para matigil na itong ginagawa mo?"
"Hindi mo ako maiintindihan!" may bahid ng lungkot na sinagot ng kausap. "Kasi katulad mo rin silang mga tao! Mapanlamang at mapagsamantala kayo! Mga salot!"
Muli ay nagdilim ang diwa ng bakunawa at naging desidido na maghasik ng lagim hindi lang sa sitio, maging sa buong mundo. Buong-lakas nitong hinawi ang buntot upang mailayo lang sa sarili si Pablo. Ganoon pa man ay hindi pa rin bumitiw ang pari kahit na nakakaladkad pa sa damuhan.
"Tahan na!" pinagsabihan na niya ang nagwawalang halimaw. "Paano kita maiintindihan kung hindi ka nga magsasabi?"
Nagbingi-bingihan at kumilos na ang nilalang na hindi na makapag-isip nang maayos. Pinagtangkaan pa nitong ibangga siya sa mga puno upang kumalas siya. Nang hindi pa rin bumitiw ay tinangay na siya nito hanggang sa makarating sila sa gitna ng bukirin. Doon ay gumulong-gulong ito upang sapilitan na siyang matanggal sa katawan nito. Dahil sa may kadulasan ang mga kaliskis nito sa buntot ay nagtagumpay itong naitaboy siya palayo.
Sa lakas ng pagkakahawi sa kanya ay hindi na niya alam kung gaano kalayo ang kanyang mararating. Naghanda na nga siya sa mahaba-habang therapy sapagkat may kapangyarihang taglay man na maihahanay sa antas ng mandirigmang mga anghel, wala siyang kapasidad na kalabanin ang physics at gravity.
"Lord, sa malambot niyo po ako pabagsakin," mataimtim na pananalangin niya habang nasa ere. "Masakit na po ang kasu-kasuan ko, huwag Mo na pong dagdagan pa!"
Dininig naman ng Diyos ang pagsusumamo niya sapagkat tumama ang katawan niya sa kubong na gawa sa nipa. Medyo nalamog lang ang kanyang puw*tan nang tumama sa mamasa-masang lupa na medyo mapanghi. 'Di nagtagal ay napatakip na lang siya ng ilong nang mapagtanto kung saan siya dinala ng hangin.
"Ay, bastos!" hiyaw ng ginang na abala pala sa paglalabas ng sama ng loob. Nasusunog man ang mga kalapit na lugar ay prayoridad pa rin nito ang pagbabanyo sapagkat iba talaga ang naging epekto ng pagkain ng ginataang munggo at malapot na gatas ng kalabaw kinagabihan. Nakatalungko pa ito sa inodoro kaya gulat na gulat ito nang may mahulog mula sa kisame na lalaki.
"Sorry po," paghingi naman ni Pablo ng paumanhin kasabay nang pag-iwas ng tingin. "Hindi ko po talaga sinasadya!"
"Lumabas ka!" aligagang inutos ng babae. Hinagisan pa siya nito ng tabo at sabon upang paalisin. "Many*k ka! Pati ako na may apo na, bobosohan mo pa!'
"Aray! Sandali! Wait lang naman po!"
Dali-dali naman din siyang sumunod upang hindi na awayin pa ng ginang na patuloy pa rin sa kakasigaw sa loob ng banyo. Iiwanan na sana niya ang mapanghing palikuran subalit natigilan din nang makita na umaaligid pa rin ang bakunawa at mukhang ita-target pa na wasakin ang kinalalagyan nila. Gamit ang nagtatalasang kuko ay binunot nito ang puno ng mangga at lumipad patungo sa kinaroroonan niya.
"Pasensya na po!" Binuksan niya muli ang pinto ng banyo upang bigyan ng babala ang naroon. "Umalis ka muna at may paparating na delubyo!"
"Ang kulit mong lalaki ka!" Kinuha na nito ang tabo upang maghugas ng puw*t. "Nasaan ba kasi 'yun sabon?"
"Huwag na po kayong maghugas!" aligagang inutos na niya. Kung hindi lang walang salawal ang inililigtas ay binuhat na sana niya ito nang sapilitan. Dahil sa pag-aalalang mapag-isipang bastos ay pinagbigyan na lang niya ito na makatapos. "Magbihis ka na!"
"Sandali lang sabi e!" tinarayan pa siya ng kausap habang sinusuot ang pang-ibaba. "Ano ba kasi 'yan kaaway na sinasabi mo?"
"'Sus Ginu! Mete ni ing tugak bagu mu arakap*!" pagrereklamo na lang ng pari habang pabaling-baling ang tingin sa ginang at sa bakunawa na ilang metro na lang ay madadatnan na sila.
(Ang literal na kahulugan nito sa Kapampangan ay "namatay na ang palaka bago mo nahuli" pero isa itong ekspresyon kapag masyadong mabagal ang tao)
Habang palapit nang palapit ang halimaw ay hindi na alam ni Pablo ang gagawin. Sa bagal kumilos ng babae ay nabahala na siya kaya wala siyang nagawa kungdi hatakin na ito palabas kahit hindi pa tuluyang naisusuot ang salawal. Pagkalayo sa banyo ay kasabay din ang paghagis ng bakunawa sa puno ng mangga. Nagkawatak-watak ang palikuran, maging ang katabing bahay nito kaya niyakap na niya ang ginang at tumalon palayo bago pa man sila masaktan.
Nagpagulong-gulong sila paibaba kaya maswerte naman silang hindi nadaganan ng mga kahoy. Ganoon pa man ay aksidenteng dumulas sa pagkakahawak niya ang babae dahil basang-basa ang kamay nito na may magkahalong sabon at dumi.
Napahiyaw na lang ang babae nang dire-diretso itong nahulog patungo sa hukay kung saan itinatapon ang ta* ng mga tao.
"Aaayyy!" sinigaw nito bago bumagsak ang katawan sa malapot na putikan. Diring-diri na umaahon ito mula sa kulay tsokolateng poso n***o at pinagmumura ang pari. "Lech* ka! Napakabastos mo!"
"Sorry po!" paghingi ulit ng paumanhin ng pari na nakukunsensya nga sa pagkalublob ng babae sa palutang-lutang ba nga ta*. "Praise God! At least, safe ka!"
"Che!" pagsusungit pa rin ng ale na nakalunok na ng masasamang elemento. "Umalis ka na rito! Baka ano pa ang makain ko kapag nagtagal ka pa rito!"
Dali-dali nang tumakbo si Pablo upang mailihis ang atensyon ng bakunawa palayo sa babae. Nang makita siya ay mabilis itong sumunod upang dambahin siya. Umilag siya at nagkubli sa nagtataasang mga puno subalit sinuntok nito ang lupa, dahilan upang tumalsik ang nagkabitak-bitak na mga bato at maging siya ay tumilapon. Hinatak siya sa paa ng kalaban at hinagis sa kalapit na building.
"Sablay!" dismayadong nasabi na lang niya bago pa man naibalibag sa malawak na bodega na dating nagsilbing imbakan ng mga troso.
Mabilis na nabuwag ang kahoy na pinto nang tumama ang katawan niya roon. Bumangga pa siya sa sementadong dingding kaya napangiwi siya nang may maramdaman na matinding hapdi at kirot. Napuruhan pala siya ng pako sa may bandang balikat at nagkaroon din ng mga gasgas at sugat sa likod, dahilan upang maging limitado na ang kanyang pagkilos.
"Tsk!" dismayadong reaksyon niya dahil sa inaakalang kapabayaan. Sinalat pa niya ang balikat upang tantyahin kung malala ba ang sugat. "Mabuti naman at mababaw lang!"
Labag man sa kalooban ay kinailangan na niyang tapatan ang lakas at pagiging marahas ng halimaw. Hindi niya ito nais saktan pero sa nakikita niya ay wala ng saysay pa ang maayos na usapan at pag-awat lamang. Nilabas na niya ang baril upang labanan na ang bakunawa kahit posibleng mapaslang pa ito.
"Pasensya na, pero ito lang ang paraan na alam ko upang hindi ka na makapanakit ng iba. Sinubok ko na pakiusapan ka pero ayaw mo naman..."
Muli ay naging puti ang kanyang mga mata upang itaas ang antas ng kapangyarihan. Isinalin niya ang enerhiya sa mga bala ng hawak na sandata upang mas mapalakas ang pagsabog na maidudulot niyon sa matatamaan.
Bigla-bigla ay pumasok sa bodega ang mamula-mulang apoy na nagmula sa kaaway. Nailagan naman niya iyon pero nais nitong siguruhin na tostado siya kaya magkakasunod na pagbuga pa ang ginawa nito. Nagkubli siya sa likuran ng sementadong poste pero sumirit pa rin ang magkahalong usok at liyab kaya bahagyang napaso pa siya.
"Punyema*s! Atat siya masyadong sunugin ako!" pagrereklamo na niya habang hinahaplos ang braso na muntikan nang malaplos. Maingat siyang sumilip upang malaman kung saan naroon ang kaaway. Lumusot siya sa kabilang dingding kung saan mas mapagmamatyagan niya ang bawat kilos nito.
"Magpakita ka!" naghuhurumintadong inutos ng bakunawa sa kanya. Naituon na nito ang lahat ng poot sa kanya sapagkat naisip nitong magiging hadlang pa siya sa mga plano upang puksain ang sangkatauhan. "Hindi ba, gusto mong mag-usap tayo nang maayos? Pagbibigyan na kita!"
Hinawi nito ang mga poste kaya unti-unting nabuwag na ang kahoy na kisame. Gamit ang mahabang buntot ay pinaghahampas nito ang bawat madaananan upang masira ang lugar at mapilitang lumabas si Pablo.
"Heto ako!" pahayag ng binata na ilang metro lang pala ang layo sa kalaban. Wala siyang sinayang na oras upang asintahin ito. Paglabas ng bala mula sa pistol ay kasama ang lakas na maaaring makapagpatumba ng demonyo. Pagtagos niyon sa balat ng bakunawa ay nagdulot iyon ng malaking pagsabog kaya napaatras ito mula sa kinatatayuan. Hindi nito inaasahan ang ganoong klase ng enerhiya kaya panandalian itong napaupo at natulala sa magkakasunod na mga pag-atake.
Sa kasamaang-palad, ginamitan man ng kapangyarihan ay tumagos lamang ang bala sa katawan ng halimaw at mabilis din na gumaling. Dahil sa naramdamang sakit ay mas nagalit ito at akmang susugurin pa siya.
"Nasaan ba ang kahinaan nito?" pag-aanalisa niya habang mabilis na pinagmamasdan ang kabuuan ng kalaban at umiiwas sa mga pag-atake nito. Sumampa siya sa mga troso at tumalon ng pasirko sa itaas upang mapunta sa likuran ng kaaway. Paglapat ng paa sa sahig ay muli niyang binaril ito sa may likod kung saan posibleng naroon ang baga, ang isa sa mga pinakadelikadong parte na hindi pa niya natatamaan.
Parang walang nangyari sa binaril at hinabol pa siya hanggang makarating sila sa bundok-bundok ng mga dayami. Medyo nabahala na rin siya kung paano pa ito matatalo ngayong nag-iisa na lang ang bala ng pistol.
"Negative sa likod...maging sa puso...sa ulo rin ay walang pinsala kahit kaunti..."
"Hindi kaya..."
Upang hindi masayang ang huling bala, pumulot siya ng mga bato at hinagis sa paa ng bakunawa. Pagdapo niyon ay napahiyaw ito sa sakit nang matamaan. Kapansin-pansin din na kaagad na nagkapasa ito kaya malakas ang kutob niya na iyon na nga ang kahinaan nito.
Sa pangalawang pagbato ay mabilis itong umilag at mas nagwala sa galit. Naalala rin niya na kanina lamang, nang tinadyakan niya ito sa paa ay halos mahimatay na ito kaya malaki ang posibilidad na iyon ang makapagpapatumba rito.
"Confirmed! Triggered siya!"
Nag-aalanganin man ay napagdesisyunan niyang sunggaban ang pagkakataon upang maipain ang sarili. Sinadya niyang magpaikot-ikot sa likod ng mga dayami upang masundan ng halimaw.
Masakit man ang katawan at kinakapos na rin sa lakas ay itinuon niya ang konsentrasyon sa plano upang mapuksa ang bakunawa na labis-labis na ang perwisyong ginawa sa sangkatauhan. Pinulot niya mula sa lupa ang kapirasong kahoy na magsisilbing sandata sa oras na maabot ng bakunawa.
"Halika ka rito," pabulong na sinabi niya nang marating ang pinakadulo ng bukirin na may mga barbed wires. Imbis na matakot ay nasabik pa siya nang unti-unting lumapit nga ang pakay.
"Come to Father..."
"Wala ka ng mapupuntahan pa!" pang-aasar pa ng halimaw nang mapansin na na-corner na siya at may mga pinsala rin. "Dahil sa ikaw ang bukod-tanging humamon sa akin, may kunsiderasyon naman ako para sa iyo! May huling kahilingan ka ba bago kita paslangin?"
"Hiling?" nakangising sinagot naman ni Pablo kaya nagtaka ang kaharap sa kaktwang reaksyon niya kahit nasa harap na ng peligro. "Neknek mo!'
Walang anu-ano ay itinusok niya ang matalas na kahoy sa paa ng bakunawa. Sa kahuli-huliang bala, ipinaubaya na niya sa sa kalangitan kung magiging matagumpay ba siya sa laban at maililigtas ang buong sitio.
"Ikaw na po ang bahala," pananalangin niya bago kinalabit ang gatilyo ng baril.
Nabulabog ang mga ibon na namamahinga sa mga puno nang umalingawngaw ang pagputok ng pistol. Sa unti-unting pagsikat ng araw ay dinig ang nakapanghihilakbot na ungol mula sa halimaw. Umagos mula sa paa nito ang masaganang dugo at umabot pa sa kinaroroonan ni Pablo.
Taliwas sa inaasahan, imbis na matuwa sa tagumpay na masugatan nang malala ang kalaban ay nahabag at nakunsensya pa siya. Kailan man ay hindi niya malilimutan ang lungkot sa mga mata nito na napakaraming taon na palang nagdurusa dahil sa kagagawan ng mga tao.
"Pablo," malumanay na pagtawag ng bakunawa na tila ba ibang nilalang na ang nagsasalita. Maging ang aura nito na mabangis at marahas ay kapansin-pansin na naglaho na. Mula sa bayolente at mala-demonyong kilos ay mas naging mahinahon na ito at parang hindi man kakayaning manakit ng mga tao, lalung-lalo na ng inonsenteng mga dalagita.
"H-Hindi lang ako ang masama rito...nagkakamali ka...isa rin akong biktima..."
"Hindi talaga kita maunawaan!" litong-lito na deklarasyon na ng pari kasabay nang paglapit sa nilalang upang malaman kung ano ang tunay na dahilan kung bakit napuno ito ng poot sa puso. Akmang hahawakan sana niya ito upang damayan subalit umilag na ito. Paika-ikang naglakad ito at 'di nagtagal ay lumipad palayo.
"Nais kong manatiling mapag-isa," ang tanging sinabi nito bago iwanan si Pablo na nag-alala lang naman sa kalagayan nito.
Gumuhit sa itaas ang pulang dugo nito na dumilig sa Sitio Almira. Hinang-hina na nagpakalayu-layo ito hanggang sa hindi na kinaya ng katawan ang mga pinsala. Pansamantalang nagdilim ang diwa nito at hindi na namalayang nahulog at bumagsak sa lupa. Habang nakahandusay ay napuno ng liyab ang kabuuan nito hanggang sa lumantad ang anyo ng makisig na lalaki.
Mula sa nakaririmarim na porma ng dragon ay lumitaw ang nilalang na maihahalintulad sa ganda ng sinaunang diyos sa mitolohiya, lalo na at kapansin-pansin ang mahabang buhok nito na maihahalintulad sa mga hibla ng ginto, at kulay rubi na mga mata. Namumutla man sa pagkawala ng dugo ay parang nagniningning pa rin sa liwanag ang balat nito na kakulay ng puting marbol.
Mula sa kinabagsakan ay pilit siyang gumapang upang maikubli ang sarili mula kay Pablo na kasalukuyan nga siyang hinahanap. Sa bawat pagkilos ay nagmarka ang dugo na nagmula sa sugatang paa.
Napasadlak na lang siya sa abandonadong gusali at habol ang hiningang pinagmasdan ang paligid. Tanaw mula sa maaamong mga mata niya ang pagal ng daan-daang taon na pagdurusang dinulot din ng masamang alaala.
Hinila niya ang pantaklob ng mga muwebles upang maipantakip sa katawang walang saplot. Panandalian niyang niyakap ang maruming tela na tila ba iyon lang ang karamay niya nang mga oras na iyon.
Maya't maya ay napahagulgol na lang siya ng iyak nang unti-unting nagliwanag na ang isipan. Napayuko na siya sa sahig at napasuntok doon nang bumalik sa isipan ang lahat ng kahindik-hindik na mga nagawa. Luhaang tinignan niya ang mga kamay na batid niyang hindi na mabilang ang mga inosenteng napaslang.
"Hindi ko sinasadya," mahinang sinambit niya. "Nabulag lang ako ng poot..."
Taliwas sa imahe ng mabangis at walang awa na halimaw, nakalimutan na ng sangkatauhan na noong unang panahon ay naging mabuti rin ang bakunawang si Amari.
Habang nakapamaluktot sa malamig na sahig ay naalaala niya ang mga panahong payapa pa ang kanyang buhay. Dahil lang sa isang trahedya, napagkaitan na siya ng katinuan at tuluyan nang nilamon ng kadiliman.
Bago pa dumating ang mga Kastila sa Pilipinas ay isa siyang nilalang na namuhay nang tahimik sa mga kabundukan. Hindi niya na maalala kung saan siya nagmula o paano siya nalikha pero sa pagkakatanda lang niya ay kakaiba siya sa mga mortal. Dahil doon ay bihira lang siyang makisalamuha sa mga tao at umiiwas pa upang hindi malantad sa mga ito ang kanyang sikreto. Sinabihan din siya ng mga ibang nilalang katulad ng mga duwende at kapre na masasama ang mga ito kaya hangga't maaari, huwag siyang makikipagkaibigan.
Nagbago ang pananaw niya sa mga tao nang may maligaw na babae sa kinaroroonan niya. Abalang naghahanap ito ng panggatong kaya hindi sinasadyang umabot pa ito sa teritoryo niya. Nang marinig ang mahinang pagkaluskos, dala na rin ng kuryosidad ay napalabas siya sa kubo upang magmasid.
"Ay!" napabulalas ng hindi inaasahang bisita nang makita siyang nakatingin sa gawi nito.
"Pasensya na kung nakakaabala!" deklarasyon pa nito sa pag-akaalang nakakita ng engkanto. "Tabi-tabi po!"
Lumingon sa kanan at kaliwa ang binata upang malaman kung nakaharang ba siya kaya nagpapasintabi ang babae. Pagbalik ng tingin sa harapan ay hindi sinasadyang nagtama ang kanilang mga mata kaya pareho silang namula ang mga pisngi.
"Nakatabi naman ako," sinambit niya sa mahiwagang dalaga na biglang sumulpot sa teritoryo niya. "Bakit mo naman ako pinapatabi, Binibini?"
"Oo nga, ano?" Napakamot pa sa ulo ang kausap nang mapagtantong hindi naman pala kakaibang nilalang ang kaharap. "Hindi ba, ang sabi ng matatanda, 'magpatabi-tabi po' kapag nasa liblib na lugar at baka raw may matamaan na hindi natin nakikita? Sobrang puti mo kasi kaya akala ko tuloy, engkanto ka!"
"Engkanto?" nakakunot ang noo na pag-uulit niya. "Hindi naman, baka halimaw, kapani-paniwala pa."
"Halimaw? Malayo!" pambobola pa ng dalaga na tunay naman na namamangha sa kabuuan ng lalaking para sa kanya ay pinakamakisig sa lahat ng nakita. "Ang pogi mo nga, hahaha!"
"Teka, bakit ka na napadpad dito?" pagsingit na ni Amari kahit na sa kaloob-looban ay naaaliw na sa mga natatanggap na pagpuri mula sa magandang dilag. "Wala ka bang kasama? Mapanganib kung mag-isa kang maglalakbay dito sa kagubatan."
"Mas nais ko nga rito," may bahid ng lungkot na sinagot naman ni Tala, ang alipin na kadalasan ay pinagmamalupitan ng mga amo. Sa katunayan ay ginawa pa nitong palusot ang pagkuha ng mga kahoy upang kahit panandalian ay makaramdam ito ng kalayaan. "Ayaw ko nga munang umuwi..."
"Bakit naman?" pakikiusyoso ng binata. "Nais mo ba, ihatid na kita?"
"Huwag na. Kaya ko ang sarili ko," paglilihis na lang ni Tala sa usapan kaysa maiyak pa sa mga suliraning kinikimkim. "Maari ba akong makahingi ng lang ng kaunting kahoy?"
"Oo," pagpayag naman ni Amari. Tinulungan pa niyang kumuha ito sa paligid at itinali upang mas madaling mabitbit. "Gaano ba karami ang kailangan mo?"
"Ayos na ako rito," nakangiting sinabi naman ng bagong kaibigan. "Mabigat na at baka makuba na ako sa sobrang dami, hahaha!"
Simula noon ay hindi na nawala sa isipan ni Amari ang kayumangging dalaga na biniyayaan din ng kagandahan. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hinihintay niya ang pagbabalik nito. Mukhang palakaibigan at masayahin pa ito kaya sa unang pagkikita pa lang nila ay batid niyang magkakasundo sila. Nanalangin pa siya kay Bathala na sana ay mapasyal ulit ang babae upang mas makilala niya.
Isang araw, bumalik nga si Tala na may bitbit na mga saging. Malayu-layo pa ay sabik na niyang sinalubong ito. Natuwa pa siya sa munting regalo nito na kapalit daw ng mga binigay niyang kahoy. Sadyang maalalahanin din ito kaya kaagad din niyang kinagiliwan.
Ang simpleng pagkakaibigan ay mas lumalim pa nang dumalas ang pagpunta ni Tala. Lumipas ang mga buwan at nahulog ang loob nila sa isa't isa. Habang malapit na ang pagdilim at bago umuwi ang dalaga, napagdesisyunan na niyang sabihin ang nilalaman ng kanyang puso.
"Ilang araw ko na itong naiisip," kabadong pagtatapat na ni Amari sa minamahal. Marahan niyang hinawakan ito sa mga balikat upang aminin na ang tunay na nararamdaman.
"Iniibig kita," puno ng sinseridad na deklarasyon niya. "Kung hahayaan mo akong mapagsilbihan ka habang-buhay, gusto sana kitang pakasalan sa lalong-madaling panahon. Sumama ka na sa akin upang hindi ka na pagmalupitan ng amo mo..."
Malawak na ngiti ang sumilay sa mukha ni Tala. Subalit, nabahiran din ng lungkot ang kanyang ekspresyon nang maalala na isa nga lang siyang alipin. Paniguradong hahanapin siya ng mga nagmamay-ari sa kanya sa oras na maglayas. Kahit saan pa sila magtago ni Amari ay malaki ang posibilidad na guguluhin sila ng mga ito at baka ikapahamak pa ng binata.
"Hindi kasi ako hahayaan ng mga amo ko na sumama sa iyo," malamlam ang mga matang pagtatapat naman niya. "Kung alam mo lang, mahirap ang aking kalagayan at ayaw kitang madamay."
"Bakit?" pag-aalala ni Amari na walang kaide-ideya sa tunay na kundisyon ni Tala. "Mahal kita. Mamasamain ba nila iyon kung sakali?"
"Huwag mo akong mahalin. Hindi karapat-dapat sa pag-ibig ang isang alipin," ang tanging naging tugon nito na labis niyang ikinabahala.
Lumuluha at walang lingon-lingon na nilisan siya ni Tala. Tila ba estatwa siyang nagulat sa sinabi nito kaya nais man niya itong habulin ay nanghina na ang kanyang mga tuhod. Wala siyang nagawa kungdi pagmasdan ito na lumalayo sa kakayuhan.
Dumaan ang mga araw at hindi na nga nagpakita pa ang iniibig. Labis ang pag-aalala niya kaya kahit umiiwas pa sa mga tao, nagdesisyon na siyang bumaba sa patag upang kausapin mismo ang mga amo ni Tala.
Upang surpresahin ang dalaga at hindi na makakontra pa ay nagbalatkayo muna siyang may edad na lalaki. Dala-dala ang isang sako na puno ng mga ginto at kristal, binalak niyang ipambayad ang mga iyon kapalit ng kalayaan ng minamahal. Pagka-apak pa lang sa bahay ng maharlikang mag-asawa, inilatag niya sa sahig ang mga hiyas.
"Binibili ko ang alipin niyo na si Tala," walang paliguy-ligoy pa na pakikipagkasundo na niya. "Ilabas niyo siya, ngayon din!"
Hindi na nagdalawang-isip pa ang magkabiyak at ibinenta nga sa kanya ang babaeng hinahanap. Naisip ng mga ito na sa halaga ng nakuha nila mula sa estranghero, mas marami pa ang mabibili nilang mga hayop. Para sa mga maharlika, isang pag-aari lang si Tala na napakadaling idispatsa.
Luhaang sumunod sa kanya ang dalaga sa pag-aakalang ang nakabili ay matandang lalaki na nais lang itong asawahin. Mula bayan hanggang sa kagubatan ay walang tigil ang pagtangis nito sa pangambang mawawalay pa sa binatang lihim na nitong sinisinta.
"Bakit ka umiiyak?" pagtatanong na niya sapagkat hindi tumitigil sa paghagulgol si Tala. Mugto na ang mga mata nito at sinisinok na kaya nag-aalala na siya na baka atakihin pa ito sa puso kapag nagpatuloy sa pagtangis.
"Ginoo, maawa ka sa akin," pagsusumamo na nito sa kanya kasabay nang pagluhod sa lupa. "Hayaan mo po ako na makaakyat muli sa kabundukan. Nais kong makita ulit ang matalik kong kaibigan bago kami magkalayo!"
"Sabi na nga ba at hindi mo ako matitiis," patawa-tawang pagbibiro pa niya kahit na umiiyak pa ang kasama. Maya't maya ay pinunasan na niya ang mga pisngi nito upang pakalmahin na.
"Tahan na, mahal ko," pagdamay na niya kay Tala na nagtataka na sa pinapakita niyang paglalambing at pagsuyo. Upang huminto na ito sa pagluha ay napagpasyahan na niyang ipakita ang tunay na anyo. Sa isang kisap ay nawala ang imahe ng matandang lalaki at lumantad ang binatang nakilala ng dalaga.
"Ako ito, si Amari..."
Napaawang ang bibig ng kaharap nang masilayan ang tunay niyang pagkakakilanlan. Ganoon pa man ay hindi na iyon binigyan pa ng atensyon ni Tala at tuwang-tuwa na niyakap siya at hinagkan pa sa labi.
"Tama nga ang hinala ko! Isa kang engkanto!" maligayang deklarasyon niya habang nakayapos sa lalaking sinisinta. Buong-pusong tinanggap niya si Amari kahit hindi man ito mortal sapagkat nang mga oras na iyon, napatunayan niya na wagas nga ang pag-ibig nito para sa kanya.
"Hindi ako engkanto," may agam-agam na pagtatapat naman ng binata sapagkat ayaw na niyang maglihim pa sa babaeng nais pakasalan. "Huwag ka sanang mabibigla. Ang totoo ay ako ang nasa alamat na tinatawag na 'bakunawa'. Ayon sa mga kasulatan ay mapanganib ako kasi katulad ng mga kauri ko na dragon, maaari akong bumuga ng apoy. Marahil, ang tingin ng lahat sa akin ay halimaw pero sinisigurado ko sa iyo na hindi ako masama."
"Kahit ano o sino ka pa man, hindi magbabago ang pagtingin ko sa iyo!" puno ng pagsuyong pahayag naman ng dalaga kaya umapaw ang tuwa sa puso ng bakunawa na natagpuan na ang taong tatanggapin siya nang buong-buo. "Basta ba huwag mo akong iihawin, ha? Pangako?"
"Bakit ko naman gagawin iyon?" nagniningning ang mga matang pagbabalik naman ni Amari ng katanungan. "Kailanman ay hindi ko ipapadampi ang kahit katiting na apoy sa iyong balat. Ganoon pa man ay sisiguruhin ko sa iyo na mapupuno ka ng init ng aking pagmamahal!"
Lumipas ang labinlimang taon at naging maligaya ang kanilang pagsasama. Nabiyayaan din sila ng dalawang anak na sina Kislap at Ningning, ang kinukunsidera niyang mga bituin na kahit anong kayamanan ay hindi mahihigitan.
Sa pagnanais na maging normal ang kanyang pamilya ay napilitang makihalubilo si Amari sa mga mortal. Doon ay inaral niya ang pakikipagkalakal upang mabigyan ng magandang buhay ang mag-iina. Hindi nagtagal ay lumago ang kanilang kabuhayan at nagkaroon sila ng pag-aaring mga lupain. Napabalita pa na mas naging mayaman pa ang kanilang pamilya sa mga dugong-bughaw kaya hindi malayong kaiinggitan sila ng mga ito.
Isa nga sa mga hindi natutuwa sa karangyaan na mayroon sina Amari ay ang Datu. Labis ang inggit na nararamdaman ni Bolkiah sa dayo lalo na nang mapag-alamang mas malawak pa ang lupa na nasasakupan nito. Sa isip niya ay sino nga ba naman ito na unti-unting mananakop sa kanyang kaharian.
Mas nabahala pa siya sa posibilidad na maaagawan pa ng kapangyarihan ni Amari dahil napag-alaman niyang maging sa mga banyaga ay nakikipagkalakal na rin ito. Kilala rin ito na matulungin sa kapwa kaya hindi malayong kampihan pa ng mga nasasakupan kapag hinayaan niyang manatili pa ito sa kanyang kaharian.
Malalim na ang gabi nang ipatawag ni Bolkiah ang pinagkakatiwalaang mga mandirigma. Bumubuo na sa diwa niya ang masamang mga plano na paniguradong ikakawasak ng buong buhay ni Amari. Hindi niya matanggap na ang inaakalang dayo ay mahihigitan pa siya.
"Kailangan ko siyang mabura sa kaharian ko," nakangising naisip niya habang pinagbabalakan na ang nakaririmarim na mga bagay na magpapabago sa nilalang na kinilalang mabuti at mapagbigay.
"Dadanak ang dugo sa lupa at ikasisiya ko kung tuluyang mawawala sa katinuan si Amari..."
-ITUTULOY-