Case Number 5: Pogi Problems (Part 2)

3811 Words
Singbilis ng hangin na lumipad si Pale Mary dahil nahihintakutan na talaga siya sa kapangyarihan ng pari na maari nga siyang saktan. Totoo naman kasi na may mga nais siyang ilagay sa peligro sa pag-aakalang isa siyang nakaririmarim na demonyo at hindi kaluluwa. Siya rin ay gusto na rin makatawid sa liwanag pero dahil sa masasamang karanasan, nawalan na siya ng tiwala kahit kanino pa man. "Sandali, huminto ka!" pagpigil ni Pablo sa kanya. "Hindi ba, ang usapan, hindi mo ako tatakasan?" "Ita-trap mo lang kasi ako e!" humahagulgol na pagtanggi ng hinahabol. "Iwanan mo na ako!" Wala sa wisyong tumagos sa mga dingding ang nilalang na kinikilalang Pale Mary. Mabilis naman na nasundan siya ni Pablo dahil nais talaga nitong tulungang ang kaluluwang kilala naman niya bilang si "Athena". Matyaga siyang lumusot sa mga silid na marami na ang mga sira, maabutan lamang ang butihing batchmate. "Athena! Athena Victoria!" pagtawag na niya sa dating kamag-aral. Napahinto sa paglipad ang nasabing babae nang marinig ang tunay na pangalan. Napalingon na ito at bumaba na sa sahig upang usisain kung sino ang lalaking pamilyar talaga sa kanya "Sino ka? Bakit mo ako kilala?" "Hindi mo na ba ako naaalala?" pagtatanong din ng kausap sa kanya. "Pablo Ezequiel Sandoval. Ka-batch mo noong Second Year High School." "P-Pablo..." Naging malikot ang mga mata niya habang pilit na inaalala ang pangalang matagal-tagal na rin niyang hindi naririnig. Nang maliwanagan, isang matamis na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi. "Ikaw nga! Ang poging si Pablo!" patili na sinambit nito na para bang isang certified fangirl. Napahawak pa ito sa mga pisngi at nagtatalon sa kinaroroonan. "Kaytagal kitang hinintay! All these years, ngayon ka lang nagpakita!" Patakbo at humagagikgik na lumapit si Athena sa kanya na para bang sabik na sabik pa siyang malapitan. Sa unang tingin ay maihahalintulad ito sa madramang eksena kung saan magkikita sa gitna ng kadiliman ang lalaki at babae. Doon ay bubuhatin siya ng binata at iikot-ikot sa ere. Magtatapos ang eksena na may kissing scene pa at magpa-flash sa screen ang "The End". Subalit, iba ang kutob ni Pablo dahil malakas ang kabog ng kanyang puso. Nais man niyang tumakbo palayo pero ayaw naman niyang mapahiya si Athena sa kung ano man ang binabalak nitong gawin sa kanya. Laking pagsisisi niya na hindi nga umilag dahil tama nga ang pakiramdam niya. Taliwas sa inaasahan, magkakasunod na sampal at pambabatok pala ang matatanggap. "Sandali, aray ko naman!" pagrereklamo niya habang umiiwas sa p*******t ng kaluluwa. "Ano bang atraso ko sa iyo?" "Kasalanan mo ito! Kung sana pinansin mo ako sa gate, hindi ako mamamatay!" paninisi nito sa kanya. "Teka, hindi kita maintindihan!" Hinawakan na niya ang dalawang kamay ng naghuhurimintadong kaluluwa upang huminto na sa paghampas sa kanya. "Mag-usap nga tayo nang maayos. Ano bang problema?" "Nagpapansin kasi ako sa iyo noong araw na namatay ako! Gusto lang sana kitang sorpresahin pero ini-snob mo ako! Nakakainis ka! Ikinapahamak ko pa ang pagkasuplado mo!" "Hindi ko man alam na nagpapansin ka," pagpapaliwanag ni Pablo na litong-lito pa rin sa mga paratang ni Athena sa kanya. "Sa totoo lang, hindi ko na talaga alam kasi ang dami-dami niyong babae na umaaligid sa akin." "Ha! Talagang nagmamalaki ka pa, ha! Komo ba gwapo ka, akala mo OK lang na manakit ng damdamin ng babae?" "Hindi naman sa pagyayabang pero paulit-ulit niyo na lang kasi akong ginugulo," pag-amin na rin ng pari sa kausap na kanina pa siya sinisisi sa pagkamatay nito. "Aaminin ko, hirap na hirap na ako! Napakahirap na maging magandang lalaki! Akala niyo ba madali? Akala niyo ba, hindi ako nakukunsensya sa bawat pagkakataon na umiiwas o may nasusupladuhan pa akong mga babae para makaiwas lamang sa gulo at sa tukso?" makapagbagbag-damdaming pagrereklamo na ni Pablo. Tumingin pa ito sa itaas at kumurap-kurap na para bang pinipigil ang sarili na maiyak nang dahil sa inis. Kinuha pa nito ang panyo mula sa bulsa at pinahid ang pisngi. "Kuntento na ako na sakto lang, 'yun cute lang! Pero nandito na e, ito ang bigay sa akin ni Lord na itsura kaya ano pang gagawin ko? Kung may nasaktan man ako na feelings, sorry na. Hindi ko talaga sinasadya! Sorry na rin at pogi ako!" Natulala at napanganga ang kausap sa biglaang paglalabas ng saloobin niya. Ganoon pa man, imbis na maawa ay isang malutong na pagtawa ang nagmula kay Athena dahil sa pamamaraan ng pananalita ni Pablo na mukhang desperado at hindi nga nagyayabang, aminadong gwapo naman. "Galing kong umarte, ano? Napatawa rin kita!" maligayang pagbawi rin naman niya sa pagdadrama kanina lamang. "Pero seryoso, kung nasaktan ko man ang damdamin niyo, pasensya na talaga." "Loko ka talaga, Pablo! Hahaha!" humahagalpak sa pagtawa na tinuran pa niya ang binata. "Muntikan na along madala roon, a!" Maya't maya ay bigla rin itong nanahimik nang maalala muli ang malungkot na sinapit. Nanlulumong napaupo pa ito sa sahig dahil sa nararamdamang pighati. "Bakit?" pag-alala na rin ng pari. "Anong problema?" "Hindi mo ba talaga naaalala 'yun umagang binati kita sa may gate?" malamlam ang mga matang sinambit ng kaluluwa. "Talaga bang nakalimutan mo na rin ako?" may tono ng pagtatampong tinanong din nito habang nakatitig sa mga mata ng lalaking mahigit labingtatlong taon na niyang hinihintay na makabalik sa eskwelahan. "Hindi kita nakalimutan," pagsasabi ng totoo ni Pablo. "Pero may mga bagay na hindi ko rin alam dahil hindi naman ako psychic. Kung minsan, misteryoso talaga kayong mga babae at hindi talaga namin maintindihang mga kalalakihan, lalo na ang ikinasasama ng loob niyo. Ano ba talaga ang alaala na nais mong iparating sa akin? Tulungan mo akong makaalala." Nang manatiling tahimik lang ang kausap, marahan na siyang hawakan ni Pablo sa kamay. Pagkalapat pa lamang ng mga palad nila, unti-unti nang naisalin ang alaala ni Athena sa dating kamag-aral. Isa sa mga kapangyarihan ng mga pumanaw na ay ang pagpapasa ng alaala, maging ng mga emosyon sa mga taong may sixth sense o third eye. Kung hindi malakas ang mortal, posible pa itong maapektuhan at manghina kaya bihira lamang ang pumapayag na masalinan ng mga kaluluwa. Unti-unting naging klaro sa pari kung ano nga ba ang naging dahilan ng pagkasawi ng dalagita at kung bakit hindi pa rin ito matahimik. Apektado man ng lungkot at panghihinayang mula kay Athena, hindi pa rin siya bumitiw upang maintindihan ang pinahihiwatig nito. Tila ba bumalik siya sa oras, kung kailan natatanaw niya ang sarili bilang isang teenager. Kitang-kita niya ang dating eskwelahan kung saan may isang eksena na pamilyar sa kanya. Dinig niya ang komosyon kung saan naroon ang buhay na buhay pang si Athena, at si Lucia, ang maganda pero ubod ng salbaheng kamag-aral. "Buti nga sa iyo!" pasinghal na sinigaw ni Lucia sa pinagmamalupitan. Tanghalian noon at habang papunta sa canteen pinatid niya ang kinaiinisang kaklase, dahilan upang madapa ito at matapon ang baunan sa sahig at kumalat ang pagkain. "Ay, tuyo at kanin lang ang ulam! Ang cheap!" panlalait pa nito na mas ikinasama ng loob ng second year high school na si Athena. Iyon lang kasi ang nakayanang ipabaon ng ina kaya mas minaliit ng mga kaeskwela ang estado niya sa buhay. Dati naman ay maykaya rin sila pero nang sumiklab ang ikalawang pandaigdig na giyera at nasawi ang ama, naghirap silang mag-anak. Tanging ang nanay lamang ang naiwang nagtataguyod sa kanilang apat na magkakapatid kaya hikahos talaga sila sa buhay. Nang dahil sa gutom, akmang pupulutin pa sana niya ang pagkain pero inapakan naman iyon ni Lucia, ang anak ng isa sa mga pinakamayamang businessman sa Bulacan. "Bakit mo ba ginagawa ito sa akin?" pigil sa pag-iyak na pagtatanong niya sa kaklase na palagi na lamang siyang binu-bully. Alam naman niya na mahirap lamang siya pero hindi pa rin sapat na dahilan upang itrato nang hindi maganda. "Kasi, nakakainis ka," malditang pangangatwiran lang nito. "Bakit kasi tumatanggap ng mga poor ang school na ito? Akala ko ba, private ito?" "'Yun lang ang dahilan? Dahil mahirap lang ako kaya naiinis ka sa akin?" napabulalas na ni Athena. "Ang babaw mo naman! Maswerte ka at sagana sa buhay! Imbis na maliitin kami, magpasalamat ka at hindi mo dinadanas ang sitwasyon namin!" "Hmph! E talaga naman nakakainis ka e! Anong gagawin ko kung gusto pa rin kitang kainisan?" baluktot na pagdadahilan pa rin ni Lucia. Akmang tatapunan pa sana niya ng orange juice ang inaaway pero mabilis naman na naagaw ng binatilyong kaedaran ang baso. "Tama na, Miss," mahinahon pero may diin na pinagsabihan niya ang dalagitang hindi makapaniwalang mas kakampihan ang isang katulad ni Athena. Inalalayan pa nito na makatayo ang binu-bully at pinulot pa ang nahulog na lagayan ng pagkain. "P-Pablo? Ikaw pala!" nagtatakang tinawag pa niya ang hinahangaang kamag-aral. Subalit, dismayado siya nang hindi man lang pinansin o nilingon. Napahiya pa siya dahil para bang hindi man lang narinig nito. Palagi pa naman siyang nagiging muse at naging Reyna Elena pa sa Santa Cruzan kaya hindi niya matanggap na babalewalain siya ng campus crush. "Nasaktan ka ba?" pagtatanong nito kay Athena habang inaakay siyang makalayo kay Lucia at mga kaibigan nito na masama rin ang pag-uugali. "Hindi naman," namumula ang mga pisnging tugon niya sa pangungumusta nito. Kung si Lucia ay hindi makapaniwalang babalewalain ni Pablo, siya naman ay hindi inaasahang pagtutuunan ng pansin nito. "Mabuti naman," nakangiting sinambit nito habang inaalalayang siyang makaupo. "Diyan ka lang. Ibibili lang kita ng makakain. Sabay na tayong mag-lunch." "Naku, huwag na! Nakakahiya-" Hindi na siya nakakontra pa dahil mabilis na nakapila na sa tindahan ng pagkain ang binatilyo kaya wala na siyang nagawa kungdi tanggapin ang alok. "Heto, kanin, isda at munggo." Hinain pa nito ang mga nabiling pagkain sa harapan niya kaya kinilig na siya sa pagiging thoughtful at gentleman nito."Pasensya na at 'yan lang ang nakayanan ko. Masustansya naman 'yan kaya ubusin mo, neh?" "Wow! Sobra-sobra na nga ito!" maligayang deklarasyon niya habang tinititigan ang simple pero masasarap na pagkain. "Salamat talaga!" "Walang anuman," tugon ni Pablo. "Kain na!" Habang kumakain, pasimple siyang sumulyap-sulyap sa hinahangaang kamag-aral. Napagtanto niya na sa mas malapitan, mas kapansin-pansin ang kagandahang lalaki na taglay nito. Makapal ang mga pilik nito na pumapalibot sa mga matang kulay abo na kapag tinatamaan ng liwanag ay parang nagiging puti na. Nagkataon pa na matingkad ang pagkaitim ng buhok nito kaya mas angat ang kutis na parang gatas at mga labing singpula ng rosas. Sa murang edad ay matangkad na rin ito at makisig ang pangangatawan kaya inaakala ng karamihan na ganap na itong binata kahit fifteen years old pa lamang. Hindi talaga niya inaasahan na kahit biniyayaan ito ng magandang itsura, humble naman pala at masaya pang kausap. Sa katunayan ay may sense of humor pa ito at magaan kasama. Balita kasi na may pagkasuplado at namimili lang ng kausap si Pablo kaya para sa kanya, ni sa panaginip ay 'di niya inaasahang papansinin ang isang katulad niya. Hindi rin naman niya masisisi ang pagiging snob nito sa karamihan dahil tunay na kinababaliwan ng mga babae sa campus. Marahil, naisip niya, nais lang nito ng tahimik na buhay. "Maiwan muna kita," pagpapaalam na ni Pablo nang matapos kumain. Dahil sa isang iskolar, bilang kabayaran sa pag-aaral, naaatasan siyang mag-ayos ng mga libro tuwing lunchtime at uwian kaya kailangan muna niyang magtungo sa silid-aklatan. "Tutulungan ko muna si Ma'am sa library." "Sige lang, thank you ulit," may malawak na ngiting sinagot niya. "Kapag may nam-bully pa sa iyo, isumbong mo sa akin," pahabol na panuto nito bago tuluyang umalis. Kinikilig na pinagmamasdan niyang naglalakad palayo ang ultimate crush. Maging ang mga babaeng dinadaanan nito ay napapalingon sa napakagwapong binatilyo. Napahinga na lang siya nang malalim nang titigan nang masama ng mga kamag-aral na kahit kailan ay walang pagkakataong makasabay sa pagkain si Pablo. Lumipas ang isang linggo at hindi pa rin mawala sa isipan ni Athena ang kabutihang natanggap mula sa crush. Nais sana niya itong suklian sa pamamagitan ng pagbuburda ng imahe nito. Dahil sa mananahi ang ina, nakahingi siya ng isang piraso ng tela upang tahiin at iburda. Noong una ay ayaw pa siyang bigyan nito pero sahil sa kakakulit niya, hinayaan na siyang makakuha niyon. Ilang gabi rin niyang pinagtiyagaan na gawin ang imahe ng hinahangaan. Talento niya ang pagbuburda kaya hindi naging mahirap sa kanya na maitahi ang itsura ng mestisuhing binata na maihahalintulad sa mga anghel ang karisma sa kanya. Kinaumagahan, kung kailan natapos na niya ang regalo para kay Pablo, sabik siyang pumasok sa eskwelahan. Patalon-talon pa siyang pumasok sa gate ng school dahil excited siya na makausap muli ang kamag-aral. Umupo muna siya sa kahoy na silya habang hinihintay ang klase. 'Di katagalan, nakita niyang lumabas mula sa Guidance Office ang pinakahihintay na lalaki. Dali-dali siyang lumapit at tinawag ang pangalan nito. Subalit, kaagad na naglaho ang ngiti niya nang hindi man lang siya nito tinignan at dire-diretso lang na pumasok sa silid-aralan. Nagdamdam man sa inaakalang pagbabalewala sa kanya, naisip pa rin niyang lapitan ito pagkatapos ng klase. Pagka-ring palang ng bell ay patakbo na siyang lumabas upang maabangan ang kamag-aral. Inisa-isa pa niya ang mga estudyanteng lumalabas pero dismayado siya dahil walang bakas ni Pablo. "Alam ko kung sino ang hinahanap mo," pagtatanong ni Lucia sa kanya habang nakangisi. "W-Wala naman, nagkataon lang na narito ako," pagdadahilan ni Athena upang tigilan na nito ang pang-iinis sa kanya. Akmang lalayo na sana siya pero mabilis naman na naharangan ng magkakaibigan. "Relax ka lang. Makikipagbati na nga ako e," pagpapakalma nito sa aligagang kaklase. "Makikipagbati?" pag-uulit niya. "Oo naman! Pasensya na at naging masama ang pakikitungo ko sa iyo noong mga nakaraang araw. 'Di bale, babawi ako sa iyo," paniniguro pa nito sa kanya kasabay ng pekeng pagngiti. "Sa katunayan, tutulungan pa nga kitang mapalapit kay Pablo. Kung gusto mo siyang makita, naroon siya sa tapat ng abandonadong gusali. Pinaglilinis ni Ma'am Punzalan ng garden." "T-Talaga?" paniwalang-paniwala na napabulalas ng inosenteng dalagita na madaling magtiwala. "Yes! Lolokohin ba kita? Alam ko naman na crush mo si Pablo!" patawa-tawang pagbibiro pa nito. "Puntahan mo na. Baka nga ma-impress pa siya kung tutulungan mong magwalis. Balitaan mo kami sa magiging reaction niya, ha!" "Naku, thank you," tuwang-tuwa na pagpapasalamat pa niya sa inaakalang pagsuporta na natanggap mula kay Lucia. Walang pagdadalawang-isip na nagtungo nga siya sa tapat ng abandonadong gusali. Pagkarating ay nagtaka siya kung bakit ni anino ni Pablo, wala man lang matanaw. Inakala pa niya na baka nasa may likuran lang ng istraktura kaya nagpunta pa siya roon. Sa kasamaang-palad, isang trahedya pala ang naghihintay sa kanya sa lugar. Hindi niya inaasahan na naroon pala sina Lucia at ang mga kaibigan upang i-prank lang siya. Habang nakatalikod, tinakluban siya ng sako sa ulo at sapilitang tinangay ng mga dalagita sa basement. "Pakawalan niyo ako!" pagsusumamo niya habang kinakaladkad ng mga kaklase. Doon ay pwersahan siyang ipinasok sa makipot na locker kung saan walang madadaanang hangin. "Nahihirapan na akong huminga!" pagmamakaawa pa rin niya sa mga salbaheng babae na nais siyang pahirapan. "Hindi ka na makakalabas diyan!" humahalakhak na sinabi ni Lucia. "'Yan ang napapala ng mga katulad mong hindi nararapat sa eskwelahan na ito! Hindi akma ito para sa mga losers like you!" "Ano bang kasalanan ko sa iyo kaya kailangang umabot sa ganito?" habol ang hiningang pagtatanong na niya upang magkalinawan na. "Bakit ba galit ka sa akin?" "Masyado ka kasing feelingerang maganda! Pati si Pablo, inaakit mo!" "Inaakit?" hindi makapaniwalang inulit niya. "Sabay lang kaming kumain, iyon na ba ang akala mo?" "Oo! Kaya magdusa ka riyan!" Tuluyan na siyang iniwan ng mga kamag-aral na nakakulong sa cabinet. Sinikap niyang banggain ng makailang beses ang pintuan nito pero dahil yari sa bakal, nabigo siyang mabuksan ito. Sumigaw siya ng saklolo pero imposibleng may makarinig sapagkat nasa basement siya at bihira na lamang ang napaparoon. Ilang minuto lang ay tuluyan na siyang kinulang sa hangin. Unti-unting bumigat na ang talukap ng kanyang mga mata. Habang dumidilim ang kanyang isipan, umasa pa rin siya na balang-araw, magkikita pa rin sila ni Pablo at maibibigay ang regalong pinagpaguran niyang gawin. "Naiintindihan ko na ang lahat," pagtatapat ni Pablo sa kaluluwang tumatangis na nang dahil sa malungkot na pangyayari. "Kaya ba magpasahanggang ngayon, nag-aabang ka pa rin sa may gate o kaya naman sa tapat ng abandonadong building, hinihintay mo pa rin na dumating ako?" "Oo," masuyong inamin niya. "Hindi ako makatawid sa liwanag dahil kahit sa huling pagkakataon, gusto kong maiparating sa iyo ang taos-puso kong pasasalamat. Matagal nang naglaho ang regalo ko para sa iyo pero araw-araw, humihiling ako na sana, magkita man lang tayo upang masabi ko na pinahahalagahan ko ang kabutihang ipinaranas mo sa akin. Marahil, maliit lang na bagay iyon pero para sa akin, malaking pabor ang pagpansin mo sa isang katulad mo." "Pasensya na at hindi man lang kita naipagtanggol," puno ng panghihinayang na paghingi ng dispensa ng pari. "Ang totoo, napansin naman kita nong araw na iyon pero magulong-magulo ang isip ko noon dahil nasangkot ako sa isang away. Kagaya mo, kadalasan din akong target ng mga salbahe dahil ulila na mga ako, salat pa sa materyal na kayamanan. Dinepensahan ko lang naman ang aking sarili pero dahil anak ng guro ang nakalaban ko, napatalsik ako sa eskwelahan." "Nang mahimasmasan na ako, hinanap pa kita pagkatapos ng klase pero hindi na kita nakita. Akala ko, hindi naman mahalaga ang sadya mo sa akin kaya hinayaan ko na lang ang pangyayari. Kinabukasan, hindi ko na alam ang kinahinatnan mo dahil pinagbawalan na akong pumasok pa sa klase." Hinaplos niya ang magulong buhok ni Athena upang pakalmahin na ito. Batid niya na naging masalimuot nga ang pinagdaanan nito samantalang isa lang naman itong inosenteng teenager na gustong mapansin ng crush. Minalas lang din ito dahil nabiktima ng mga kabataang hindi napalaki nang maayos ng mga magulang at inakala na OK lang na mam-bully ng iba. "Maraming salamat sa binurda mo para sa akin. Napakagaling mo," nakangiting paghanga niya sa talento ng dalagita. "Kuhang-kuha mo ang mala-anghel na larawan na tila ba hindi na yata ako sa sobrang kapogian. Hindi ko man aktwal na nahawakan, kitang-kita ko naman ang effort at husay ng pagkakagawa mo. I really appreciate your gift. Higit pa iyon sa mga ginto at diyamante dahil nilikha mo iyon with tender loving care." Nang dahil sa mga salitang nagmula sa binata ay unti-unti nang nagkakulay ang maputlang mukha ni Athena at umaliwalas ang pakiramdam. Sa wakas ay narinig na niya ang nais mula kay Pablo. Lumipas man ang panahon ay hindi niya maipagkakailang crush pa rin at first love nga niya ang paring kaharap ngayon. Nang dahil sa tuwa, hindi na niya napigil ang sarili na yakapin ang lalaking para sa kanya ay pinakapogi pa rin sa buong mundo, pisikal man at sa kalooban. Mula sa likuran niya ay lumitaw ang liwanag. Napakapit pa siya nang mahigpit nang dahil sa pagkasindak pero kaagad din naman siyang inalalayan ni Pablo. "Huwag kang matakot, iyan na ang iyong sundo. Ihahatid ka na sa langit kung saan tunay ka nang magiging maliligaya." Pag-angat ng tingin ay natanaw ni Athena ang amang naunang pumanaw sa kanya. Nasa gitna ito ng hardin at maligayang kumakaway sa kanya. Sa tabi nito ay naroon din ang nga dating alagang aso na kulay abo at tsokolate. Tuwang-tuwa ang mga ito na tumatalon-talon dahil sa pagkasabik na makapiling muli ang amo. "Si Papa! Ang mga aso kong si Pepper at Choco!" maligayang napabulalas niya. "Sila nga!" paniniguro ng kausap. "Kadalasan, ang mga mahal sa buhay ng mga namatay na ang unang-una na sumasalubong. Alam ng tatay mo na uuwi ka na sa langit kaya excited na rin siya!" "Makakasama ko na sila!" mangiyak-ngiyak na deklarasyon ng kaluluwa. Tumulo ang luha sa mga mata niya nang dahil sa galak. Muli ay sumulyap siya kay Pablo upang magpaalam na. "Regards sa Papa mo, maging sa mga aso mo na si Pepper at Choco!" habilin na niya bago tuluyang patawirin si Athena sa liwanag. "Thank you!" puno ng pasasalamat na sinambit niya. Tumayo na siya at patakbong nagtungo sa lagusan na naghahati sa mundo ng mga mortal at sumakabilang-buhay na. Mabilis na naglaho ang liwanag at naiwan nang mag-isa si Pablo sa gitna ng madilim na basement. Aminadong nakaramdam siya ng lungkot dahil matagal-tagal pa bago niya makikita ang kamag-aral na itinuring na niyang kaibigan. Ganoon pa man, pasalamat pa rin siya dahil matatahimik na ito at magiging maligaya na sa langit. Hindi pa man nakakalayo sa abandonadong gusali ay may naaninag na siyang babae na nagmamasid sa ilalim ng mga halaman. Nagulantang pa siya nang bigla itong gumapang at nagtago sa likod ng punong balite. "Pssst, Pogi!" pagtawag nito. Mataimtim na tinitigan ni Pablo ang nagpapansin na babae. Bahagya pa siyang napasimangot dahil hindi niya nagustuhan ang pagiging atat masyado ng tumatawag. Napaurong pa siya ng dali-daling nagtatakbo ito sa gawi niya at nagpa-cute. "Hi, Pogi!" pakurap-kurap na pagbati nito. "Busy ka ba?" "Ganyan naman kayo, magsisimula sa tatawagin niyo akong 'pogi'," paninimula na niyang manermon na ikinagulat ng babae. Napahawak pa tuloy ito sa bibig na tila ba gulat na gulat sa mga paratang niya. "Pagkatapos, pipikutin mo ako," pagpapatuloy niya. "Pupuntahan ako ng tatay mo at tututukan ng baril para sapilitan na ipakasal. Iba-blackmail ako ng nanay mo para hindi ako makaurong. Ipapaskil niyo ang mukha at pangalan ko sa lahat ng mga parokya sa Pilipinas para wala nang magtangkang kumontra o maghabol. Ipapa-ban niyo ako sa lahat ng mga bansa para siguradong wala akong kawala. Palalabasin ako sa pagkapari at itatakwil ng Simbahan hanggang sa mamatay ako. Maipapakasal tayo nang 'di oras at pagkatapos, magiging selosa ka sa bawat babae na lumalapit sa akin! Kaya no! Never! Huwag mo nang simulan na tawagin ako! Stop calling me 'pogi'" "H-Ha?" litong-lito at nauutal na sinabi ng kausap. "Sayang, pogi ka nga pero may pagkapraning ka pala. Paano pa kita mapipikot e mumu na nga ako?" "Advanced kasi akong mag-isip, hahaha!" pagbibiro lang pala niya sa nakalutang na babae. Nakagawian na kasi niyang pagkatuwaan paminsan-minsan ang mga multo lalo na kung alam niyang makukulit ang mga ito. "Bakit ka kasi naka-gown? Sa totoo lang, kinikilabutan ako sa itsura mo. May kasal ka bang aatendan?" "Oo," nahihiyang sinagot nito habang nakatungo ang ulo na may tama ng bala sa noo. "Kasal ko..." Umihip ang malamig na hangin at nanuot pa iyon sa balat ng pari. Pagod man at hindi pa rin nakakabawi sa pagtulong kay Athena, nagdesisyon na siyang tanggapin ang panawagan ng kaluluwa upang masaklolohan. "Halika, pag-usapan natin ang kaso mo," pag-aya na niya sa multo na dati ay isang blushing bride noong nabubuhay pa. Sampung taon na ang nakalilipas, excited pa si Fortuna habang naghahanda para sa pakikipag-isang dibdib sa lalaking minamahal. Subalit, ang inaakalang masayang kaganapan ay mauuwi sa trahedya nang patayin siya mismo ng groom sa araw ng kasal... -WAKAS- Author's Note Salamat sa pagbabasa. Sa mga readers, pa-HEART o COMMENT naman diyan! God bless you!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD