Case Number 6: Blood (Part 1)

4998 Words
Umalingangaw ang hiyaw ng kaawa-awang mga dalagita na nakatali nang patiwarik sa Kastilyo ng Csejte, Slovakia. Taong 1610, dalawang gabi bago ang bagong taon, habang ang karamihan ay kumakain ng tinapay at sopas bilang hapunan, ibang putahe naman ang pinagkakaabalahan ng may edad na kondesa. Dala-dala ang isang gintong mangkok, lumapit siya kay Eszter na dati ay isa sa mga alila. Nakangising hinawakan niya ang mahabang buhok nito at sinalat ang leeg kung saan mas malakas ang pagdaloy ng dugo. "M-Maawa po kayo," pagsusumamo ng dalagita na hinang-hina na rin nang dahil sa mga natamong sugat mula sa amo. "Hmmm, pero mailangan kitang isakripisyo," kaswal na sinabi lang nito habang tinatapik-tapik pa ang pisngi ng alipin na katorse anyos pa lamang. Ilang sandali lang ay sinampal niyo iyon sapagkat naiinggit at naiinis siya sa kabataan nito. Pinaglipasan na ng panahon ang kondesa kaya napopoot siya sa mga babae na higit na mas bata at maganda sa kanya. "G-Gusto kong makita si Inay...pakiusap...ako na lang ang maaasahan niya...maysakit pa siya," habol ang hiningang pagmamakaawa ng biktima. "H-Hindi ko siya pwedeng iwanan!" Tila ba walang narinig ang pinapakiusapan sapagkat parang manok lang niya itong ginilitan sa leeg. Sumirit ang dugo at tumalsik sa braso kaya natuwa pa ang mala-demonyong babae. Pakiramdam niya ay mas bumata pa ang kanyang katawan nang unti-unting nawalan ng buhay ang pinaslang. Sabik na pinahid pa niya sa mukha ang umaagos na dugo paibaba sa bangkay sa pag-aakalang maibabalik niyon ang kagandahan noong edad na hinahangaan pa siya ng maraming lalaki. Habang ginagawa ang napakabrutal na akto, sakto naman na bumukas ang bakal na pintuan. Lumantad doon and imbestigador na si Thurzo, kasama ang iilang mga pulis na matagal na pala siyang minamatyagan dahil sa napapabalitang nawawalang mga babae at huling nakita malapit sa kastilyo. "Countess Elizabeth Bathory, ikaw ay inaaresto namin sa salang pagpatay at pagpapahirap sa mahigat tatlong daang mga babae..." Taong 1962, isang malamig na umaga ang gumising sa kura paroko ng San Nicolas. Ramdam ni Pablo ang kakaibang ginaw kaya nang may umihip na hangin mula sa bintana, nanuot iyon sa kanyang katawan. Napabuntong-hininga na lang siya nang maramdaman ang pagkirot ng kasu-kasuan na para bang magkakatrangkaso pa siya. "Hindi ko gusto ang panahon," matamlay na naisip pa niya. "Kadalasan, may nagbabadyang hindi maganda o kaya naman ay may malakas at masamang espiritu ang nasa teritoryo kapag ganito ang pakiramdam ko." Napahiling na lang siya na sana ay mali ang hinala sapagkat kahit sanay man na may nakakalabang elemento, malaking abala iyon sa kanya. Kung maaari lang, nais na lang niyang gawin ang responsibilidad ng normal na pari na nagmimisa, nagpapakumpisal at tumutulong sa mga nangangailangan, hindi ang nakikipaghabulan o nakikipagbardagulan sa mga demonyo, multo, bampira at marami pang iba. "Sana, walang masamang mangyari," pamamag-asa pa rin niya habang binubuksan ang kabinet kung saan naroon ang abito. Subalit, tila ba hindi siya pinagbigyan ng langit sa kahilingan dahil hindi pa man nakalalayo mula sa rectory, bumungad na ang salbaheng alkalde na si Art. Nang makita ang kinaiinisang lalaki, binalak pa niyang takasan iyon sa pamamagitan nang paglihis ng daan patungo sa hardin, ngunit mabilis naman din siyang napansin nito. "Uy, Father!" pagbati pa nito kasabay ng pagtapik sa balikat niya. "My friend!" "Uy, Art!" sarkastikong pagsagot din niya sa pulitiko na malakas ang kutob niya na may hihingin na naman na malaking pabor. "Hulaan ko, my friend! Siguro, may favor ka na naman na hihingin?" "Tumpak! Kilala mo na talaga ako! Hahaha! Pero good news ito, huwag kang mag-alala!" "Kinakabahan ako kapag good news ang sinasabi mo," pagkontra pa rin ng pari. "Pwede ba na sa ibang araw mo na lang ikuwento because I'm busy, my friend." "Good news talaga! Kasi vi-nolunteer kita sa-" "Sandali! Volunteer?" pagbara na ni Pablo sa sinasabi nito na magandang balita na mukhang hindi. Napahinto pa siya sa paglalakad nang makita na may nag-aabang na mga taga-media sa labas ng Simbahan. "Anong meron? Bakit ang daming tao rito?" "'Yan ang good news! Dagdag sa publicity mo. Sikat ka na, Father Pablo! Kilala ka na sa buong Pilipinas bilang paranormal expert!" "Publicity ko o publicity mo? Alam mo naman na hangga't maaari, hindi nilalantad sa publiko ang ganitong mga kaso na may kinalaman sa paranormal!" "A, wala ka nang magagawa kasi nandiyan na sila," deklarasyon ni Art kaya napairap na lang ang kinukulit. "Time to shine na tayo! Halika, nagpagupit ako ng buhok at nagpomada pa para pumogi ako sa camera. Siguradong tataas na naman ang rating ko sa susunod na eleksyon niyan! Hahaha!" Kinuha pa nito ang pabango at nag-spray sa leeg at dibdib. Nakaawang ang mga labi at magkasalubong ang mga kilay na pinagmasdan lang siya ng pari habang inaayos ang sarili. Maya't maya ay naglabas ito ng bote ng baby powder at pinagpag niya ang isang dakot mula roon. Gamit ang mga palad, maingat na pinahid niya iyon sa mukha. "Gusto mo?" pag-alok pa nito kay Pablo nang mapansin na kanina pa siya tinitignan nito. "Hindi ko kailangan 'yan," tugon lang niya habang tinatakpan na ang ilong dahil sa lumilipad na polbo sa hangin. "Talaga bang dapat sa harap ko pa ikaw magme-makeup?" "Hindi ito pagme-makeup. Grooming ang tawag dito, don't you know? Kung ayaw mo, e 'di huwag ka na lang ngang magpolbo!" pagbawi rin naman ni Art sa alok ng powder sa kausap na sumasama na ang tingin sa kanya. Inabot niya iyon sa assistant at nag-request naman siya ng salamin. "Walang sisihan kapag pumangit ka sa picture. Sobrang photogenic pa naman ako at baka mailang ka na makatabi ako sa photoshoot." "Oh, I see," ang tanging nasambit ni Pablo upang tigilan na siya sa kakulitan ni Art na gwapong-gwapo sa sarili. Akmang tatalikod na siya upang pumasok sa Simbahan pero pinigil pa rin siya nito. "Pssst!" pagsitsit nito. "Huy!" "Ano na naman?" Nayayamot na nilingon niya ang alkalde na hindi pa rin nakakahalatang tinataboy na nga niya ito. Magmimisa pa siya at mag-a-attend ng meeting kasama ang iba pang mga pari sa probinsya kaya nagmamadali na rin siya. "Pwede ba na kapag na-interview tayo, mas marami ang screen time ko? Ako na muna ang sasagot, pagkatapos sa likod lang kita." "Patawad, Lord, pero pwede ko po bang kalimutan muna na pari ako kahit seven seconds lang?" nanggagalaiti sa inis na tinuran na niya ang alkalde na saksakan ng kapal ng mukha. Hindi niya gusto na pati siya ay ginagamit nito para sa pansariling publicity at may kinalaman pa sa maruming pulitika. Bukal sa loob niya ang pagtulong pero hindi niya gusto na pati siya, idadamay pa ng mga nasa gubyerno upang magpasikat. Huminga siya nang malalim dahil masama na nga ang pakiramdam niya, pinipilit pa siya ni Art na madawit sa political agenda nito. Nakatatlong kagat pa siya sa dila upang pigilin ang sarili na magmura subalit hindi niya pa rin makalma ang sarili. Dala na rin ng lagnat at sakit ng kasu-kasuan, hindi na niya naawat ang sarili na magsungit. "Kahit isa lang po, mabatukan ko lang itong isang anak niyo para matauhan!" "Huy! Walang ganyanan!" pagpigil na sa kanya ni Art. "Mukhang masama yata ang gising mo my friend, ha?" "Oo, masama nga ang gising ko! Pagkatapos, mukha mo pa ang bubungad sa akin! Pwede ba, tigil-tigilan mo ako sa mga political plans mo? Ayaw ko ngang magpa-interview! Kung gusto mo, ikaw na lang mag-isa. Sa iyo na lahat ng screen time!" "Sandali naman." Hinatak na siya ni Art sapagkat naipangako na nga niya ang pari sa mga taga-media. Alam niya kasi na marami nga ang nagka-crush sa mailap na Alagad ng Simbahan kaya ni-request pa ng mga reporter na ma-interview man lang ito o makuhanan ng litrato. Naisip niya na magandang image na pabor sa kanya kung malalaman ng nga tao na close nga sila ni Pablo kaya pinaunlakan naman niya ang hiling nila. "Pagbigyan mo na ako, kahit five minutes lang. Ngiti ka lang, kahit kaunti," pakikiusap na niya na tila ba maamong tupa. "Sige na, magkaibigan naman tayo, hindi ba? Hindi ba, turo niyo sa Simbahan na magmahalan tayo?" "Sige na, galing pa sila sa Maynila. Sayang naman ang biyahe kung hindi mo man lang pauunlakan," dinagdag pa niya upang makunsensya pa lalo ang pari. "Ang sabi ko pa naman, the best parish priest ka..." "Limang minuto lang, ha?" pagpayag na ni Pablo alang-alang sa mga reporters na bumiyahe pa nga mula sa Maynila patungo sa Tarlac. "No extension!" "Woohoo! Sabi na nga ba at hindi mo ako matitiis!" tuwang-tuwa na napabulalas ni Art. "I love you, Father!" "Tsk! Tigilan mo ako!" "Sagutin mo na lang din ako ng 'I love you too!' Close na tayo, 'di ba?" Hindi na umimik pa si Pablo at dire-diretsong nagtungo sa may gate kung saan naroon ang media. Tila ba asong nakabuntot sa amo na sumunod naman si Art na excited sa publicity stunt niya. "Good morning," pagbati ng pari sa mga reporter at iilang nakikiusyoso na naroon. "Kumusta?" Napanganga ang mga kababaihang naroon sapagkat sa tanang-buhay nila, ngayon lang sila nakakita ng ganoong kapogi na lalaki. Maging ang mga reporter na sanay nang makakita ng naggagandahan at naggugwapuhang mga artista ay na-star-struck pa sa pari na walang kaalam-alam na naging instant crush na siya ng mga naroon. Matangkad, makisig at mestisuhing Kastila, sa unang tingin at kapag hindi gumagalaw ay mapagkakamalan pa siya na isang estatwang marbol na nilililok pa ng mga henyo ng sining. Sa katunayan, kung minsan nga ay napagtitripan niyang magpanggap nga na hindi totoong tao, katabi ng mga rebulto ng mga anghel at santo. Kapag may naglagay ng bulaklak sa paanan o kaya naman ay may nagtangkang humawak, gugulatin naman niya ang kaawa-awang turista na hindi makapaniwalang tunay siya. "Siya 'yun naikuwento ko sa inyo, si Father Pablo Sandoval, ang parish priest dito sa San Nicolas," pagpapakilala na ni Art sa mga naroon na biglang napatahimik sa presensya ng pari. "Pogi 'di ba? Mga ka-level ko lang!" Napalingon tuloy sa kanya si Pablo na biglang bumaba ang self-confidence nang marinig na magka-level lang daw sila ng alkalde. Ganoon pa man, naalala niya na nararapat nga na magpaka-humble kaya nagpigil siya na magprotesta sa pahayag nito. Sa pagbanggit ni Art na ang kaharap nga nila ay ang kura paroko, doon pa lang sila nahimasmasan kaya inulan na nila siya ng mga katanungan. "Father, totoo po ba na may third eye ka?" pag-uusisa na ng isang lalaking reporter. "Parang ganoon na nga," nag-aatubiling sinagot na lang niya sapagkat higit pa roon ang kapangyarihan niya. Hindi naman niya maaaring ilantad dahil nababahala siyang katakutan kapag nalaman nilang hindi siya ordinaryong tao. "Maikukwento mo ba sa amin 'yun mga experience mo? Pwede ba na sumama kami minsan para mapatunayan na totoo nga na may mga ghosts at spirits?" "May mga pangyayari kasi na pinipili ko na lang na maging confidential at hindi pwedeng isapubliko, lalo na at maaaring magdulot ng mass hysteria o kaya naman ay maaaring mailagay kayo sa kapahamakan," pagpapaliwanag niya sa mga naroon. "Pasensya na at hindi ko kayo pwedeng paunlakan na maisama sa mga misyon ko." "May nakapagsabi na ba sa iyo na sobrang pogi mo po?" namumula ang mga pisnging tinanong naman ng baguhan at babaeng reporter na nakapagpangiti kay Pablo. "Wala po ba kayong balak lumabas at nag-artista na lang?" "Hija, tinatanong pa ba 'yan? Siyempre, marami na ang nagsabi. Ikaw talaga, pang-showbiz ang question mo. Nahiya tuloy ako!" pigil sa pagtawa na sinagot naman niya kaya maging ang mga naroon ay napahalakhak na rin. "Nakaka-stress ang mag-artista, ang daming intriga. Ngayon pa lang na pari ako, nabibiktima na ako ng fake news, paano pa kapag nasa showbiz na? OK na ako sa Simbahan, masaya na ako sa ganitong buhay." "By the way, excuse me muna," pagpapaalam na niya nang mapansin na nagiging center of attention na siya ng mga naroon. "Si Mayor Art na muna ang bahala sa inyo. Pero kung gusto niyong magsimba, i-invite ko na rin kayo sa loob. Feel free to celebrate the mass with me." "Father, nabalitaan niyo na po ba?" pahabol ng isa pang reporter bago siya tuluyang lumisan. "Ang alin?" pakikiusyoso naman niya. "May limang dalagita ang nawawala sa Tibag. At may napabalita rin na dinukot na dalawa sa may San Rafael naman. Natagpuan ang mga bangkay nila kaninang madaling-araw lang at pareho rin ang paraan ng pagkakamatay sa nakita kahapon sa may ilog. Sila rin ay wala ng dugo kahit kaunti sa katawan. Anong masasabi mo sa ganitong mga kaso? Posible ba na kagagawan iyon ng tao o aswang?" "Totoo ba 'yun?" pabulong na tinanong niya kay Art na kasalukuyan muna sanang pinapaimbestigahan sa mga pulis ang pangyayari. "Oo, my friend," pagkumpirma nito. "Pero ongoing ang investigation kaya hindi ko muna nasabi sa iyo. Kahit nga sa mga taong-bayan ay secret pa kasi baka matakot 'yun mga taga-Tibag." "Ganoon ba? Pag-usapan natin mamaya," pagbibilin ni Pablo sapagkat malakas ang kutob niya na hindi iyon simpleng krimen na tao ang may kagagawan. "Magmimisa lang muna ako at makikipag-meeting kay Bishop. Pagkatapos, dadaanan kita sa munisipyo." Tumango-tango naman ang alkalde bilang pagsang-ayon. Mag-aalas-kwatro na nang mapuntahan nina Pablo ang ilog sa Tibag. Siya at ang mga pulis na lang sana ang mag-iimbestiga sa lugar subalit nagpumilit naman si Art na sumama. "Nagpaiwan ka na lang sana," pinagsabihan niya ang alkalde sapagkat posibleng makaistorbo pa ito sa ginagawa nila. "Mas gusto ko na narito, my friend," pagpapaliwanag naman nito. "Nagagalit kasi si misis sa akin. Baka bungangaan na naman ako kaya dito na lang muna ako, mas tahimik ang buhay ko. Kanina nga, noong sinabi ko na magkasama tayo sa imbestigasyon, tinigilan na ako sa kakadada niya sa telepono." "Aha! Ginagamit mo pa ako at ang kaso para mapagtaguan ang misis mo!" pambibisto na ni Pablo sa tunay na pakay kung bakit pilit na dumidikit sa kanya si Art. "Umuwi ka na lang kaya? Ayaw kong madawit sa problema niyong mag-asawa!" "Father naman, e! Wala ka kasing asawa kaya hindi mo alam ang feeling na araw-araw na, nara-rat-rat ng machine gun every minute of every day! Tignan mo ang itsura ko, haggard na! Dalawang taon lang ang tanda ko sa iyo pero mukha na akong fifty, samantalang ikaw, mukha pang fresh! It's not fair! Nakakainis ka! Napaka-insensitive mo sa amin na mga may asawa na!" "E bakit kasi nagagalit? Ano na naman ba ang ginawa mo kaya nagkakaganoon siya?" "Ano kasi," nag-aalangan ng pag-amin ni Art sa kanya. "Sa atin na lang, ha. Usapang lalaki, kasi alam mo naman, kung minsan nati-thrill tayo sa mga panibagong adventure. Nahuli kasi niya 'yun girlfriend ko na ibinahay ko muna sa La Union. Kaya ayun, araw-araw akong kinagagalitan." "Usapang lalaki rin, ha," nakakunot ang noo na pahayag din ni Pablo na naiinis na rin sa paulit-ulit na issue na kinasasangkutan nito pero hindi naman din natututo. "Tigil-tigilan mo na ang kalokohan mo kung gusto mong mabuhay nang mapayapa. Hindi naman magbubunganga 'yan kung walang dahilan, 'di ba? Common sense din, gamitin mo minsan. Tsk! Alam mo na nga 'yun ang kinagagalit ng asawa mo, paulit-ulit ka pa rin sa pambababae mo. May pagkat*nga ka rin, ano? Kaya magdusa ka!" "Aray ko naman! Ang harsh!" Napatakip pa sa bibig ang pinagsasabihan nang marinig ang brutal na panenermon ng pari. "Akala ko, natakasan ko na ang pagbubunganga ng asawa ko, 'yun pala, pati ikaw, kagagalitan ako! Akala ko pa naman, friend kita! I hate you na talaga! Ayaw na kitang kasama!" "Lumayo-layo ka nga sa akin, kung ganoon nga na ayaw mo na akong makasama!" tugon naman ni Pablo sa makapagbagbag-damdaming declaration of hate ni Art. "Na-i-stress ako sa iyo! Bata pa ako at ayaw kong ma-haggard kaya ayaw na rin kitang kasama!" "Oo nga pala. Tutal e hate mo na ako, kapag may nangyari rito na kakaiba, bahala ka na rin sa buhay mo," naiinis na pinaalala pa niya ang peligro sa mga ganitong sitwasyon sa alkalde. "Hindi ito basta-basta na kalaban, ipinaliwanag ko na kanina ito sa iyo. Wala tayong ideya kung halimaw o multo ba ang gumawa ng krimen kaya inulit-ulit ko na kami lang dapat ng mga pulis ang narito pero magpumilit ka pa rin. Ano kaya ang gagawin mo kapag may lumabas na aswang?" Tila ba nabuhusan ng malamig na tubig si Art sa mga nabanggit ng kausap. Napagtanto na niyang liblib pa naman ang lugar kaya posibleng may mga lamang-lupa na naninirahan pa. Patawid pa naman sila sa madilim at masukal na parte ng gubat kaya nakaramdam na siya ng kaba. May mga kasamang pulis at bodyguards man, hindi niya maiwasang mangilabot sa lugar na naging crime scene pa. Lumakas ang pagkabog ng puso niya nang may kakatwang tunog na nagmula sa tuktok ng puno ng balete. Gumalaw-galaw pa ang mga dahon niyon kaya naging alerto na ang mga pulis sa posibleng pag-atake. "Ack! Ack!" hiyaw ng mga 'di kilalang nilalang. "Ayyy!" napatili na parang babae si Art nang may mahulog pa na sanga. Napatakbo at napayakap pa tuloy siya kay Pablo na kalmado lang na pinagmamasdan ang puno. Ilang sandali lang ay lumabas ang dalawang ibon mula sa mga dahon at nagsiliparan palayo. "Ibon na bato-bato lang, nasindak ka na!" tawang-tawa na pagbibiro niya sa alkalde na nanginginig sa sindak. "Hindi, a!" pagtanggi nito sa sinabi niya kasabay ng pag-alis ng mga brasong nakayapos sa pari. "Masama ba ang magulat?" "Sabi mo, e," pailing-iling na sinambit na lang niya kaysa mapahiya o mapikon pa ang kasama. Kahit naiinis man ay hindi naman niya matiis na iwanan ito lalo na at halatang namutla pa. Inakbayan na niya ito upang hindi na matakot pa sa kinalalagyan nila. "Halika na nga, kawawa ka naman!" "Metung ka pang pigaganakan ku,*"nabulong na lang din ni Pablo sa sarili habang inaalalayan na maglakad sa kagubatan ang duwag na alkalde. (Sa Kapampangan, ang ibig sabihin nito ay "isa ka pa sa inalala ko".) "Nagkapampangan ka ba?" "Oo," tugon naman niya. "Atindyan mu ku*?" (Naiintindihan mo ako?) "Oo, taga-Pampanga ang nanay ko! Sabi na nga ba at magkalahi tayo! Iba talaga ang karisma natin na mga Kapampangan! Hahaha! Siguro, magkamag-anak pa tayo!" "OK. Fine," pagsang-ayon na lang ni Pablo sa kakakulit ni Art sa kanya. Nang makarating sa tabing-ilog ay ipinakita na ng mga pulis kung saan natagpuan ang mga bangkay ng dalagita. "Dito mismo, Father," pagtuturo ni Rod, ang hepe ng mga pulis sa mabatong parte kung saan nakita ang mga napaslang kaninang madaling-araw. "Ang duda namin noong una ay mga lalaking adik ang gumawa," paglalahad nito habang pinagmamasdan ng pari ang lugar na pinagtapunan ng mga nasawi. Nikibot din ni Pablo ang tingin upang malaman kung may mga palatandaan na magtuturo sa salarin. "Pero parang iba ang pamamaraan ng pagkakapatay sa mga biktima. Literal na wala ni isang patak ng dugo nang ipa-autopsy kanina. No finger prints, walang bakas o ebidensya kaming makalap. Malinis na malinis ang lahat, parang hindi talaga tao ang gumawa ng krimen." Nilabas ni Rod mula sa envelope ang mga litrato nang matagpuan ang mga bangkay sa ilog. Makikita mula roon ang pare-parehong estado ng mga dalagita na nakahiga sa may batuhan na tila ba pinatulog lamang. "Ito 'yun kahapon na natagpuang tatlo," paglalahad niya kay Pablo habang tinuturo ang mga walang buhay na babae. "Kung napapansin mo, nagilitan sila ng leeg at may mga hiwa rin sa braso. Ang kataka-taka, walang dugo. Ayon sa mga nag-autopsy, bago pa lang silang patay kaya dapat, kahit paano meron pa rin." "At ito naman 'yun kaninang umaga," pagpapakita niya sa black and white na pictures. "Same scene." Inabot na ni Pablo ang mas bagong litrato ng mga kaawa-awang dalagita na kapareho rin ang sinapit ng mga nasa una. "Hindi kaya, aswang ang may kagagawan diyan? pagtatanong na ni Rod na aminadong nagiging palaisipan na rin sa kanya ang kakaibang kaso. Sa tagal niya sa pagiging pulis ay ngayon lang siya nakatagpo ng ganito kaya interesado rin na maresolba iyon. Ganoon pa man, may nagsasabi sa kanya na hindi niya na sakop ang ganitong mga insidente kaya naisipan na rin niya na ikunsulta ito kay Pablo. "Malabo. Sa paraan ng pagkakamatay ng mga dalagita, mukhang pinagkatuwaan muna sila," tugon ni Pablo sa analysis nito. "Kadalasan sa mga aswang, ang pakay lang nila ay ang kumain pero hindi i-torture ang biktima." Habang pinagmamasdan ang mga litrato, may napansin siya na kakatwa sa mga ito. Inilapit pa niya ang isa upang mas makita ang marka na nasa braso ng biktima. "Parang may sunog sa balat," binanggit niya na ipinagtaka ng pulis. "Nakikita mo ba?" "Ang alin?" "Sa braso nilang lahat, may marka ng kamay..." Tinignan din ni Rod nang mabuti ang mga larawan subalit hindi niya makita ang sinasabi ng pari. "Wala, Father. Wala akong makita na marka sa braso nila." Doon ay napatunayan ni Pablo na may kinalaman nga sa paranormal ang hinahawakang kaso ngayon. Sa karaniwang tao, hindi nga lilitaw ang nga ganoong palatandaan sapagkat ang may kagagawan ay isang demonyo. Kitang-kita niya ang marka ng kamay na tila ba nagmula sa nilalang na taga-impiyerno. "Bakit?" medyo kinakabahang pag-uusisa na ni Rod nang mapansin na nagseryoso ang ekspresyon ng kausap. "Basta huwag kayong lalayo sa akin. Maging alerto sa paligid," panuto niya sa mga naroon upang masiguro na walang mapapahamak sapagkat mukhang malakas ang kanilang kalaban. Lumuhod siya sa kinatatayuan at hinawakan ang lupa, kung saan natagpuan ang isa sa mga bangkay. Kasabay nang paghawak niya roon, itinuon niya ang atensyon upang makiramdam sa enerhiya na naiwan ng biktima o ng salarin. Sa isang iglap ay may natanaw siya na madilim na lugar na tila ba pinaglumaang imbakan ng bigas. Dinig niya ang hiyaw ng mga dalagita habang nakabitin nang patiwarik. Maya't maya ay may anino na lumitaw na may dalang patalim. "Sa akin na ang kabataan at kagandahan niyo!" makapanindig-balahibong pahayag nito. Gamit ang itak, ikinumpas nito ang kamay upang paslangin na ang mga biktima. Napatakip ng mga tainga si Pablo nang marinig ang pagmamakaawa at paghiyaw ng mga babae na tila ba naroon siya mismo sa eksena. Bago siya madiskonekta sa mga pangitain, may naaninag siya na isang batang babae na sa tantya niya ay nasa sampung taong gulang pa lamang. Nakatali ito sa isang dulo at may tanikala pa sa leeg. Pinilit niya itong kilalanin kung isa ba sa mga bangkay na nasa litrato subalit wala ito roon. "Bodega," habol ang hiningang sinabi niya kina Art at Rod. "Bodega ng bigas ang nakita ko na pinanggalingan ng krimen! May isa pa na naiwan na bata roon!" Nanghihina pa man sa paggamit ng espiritwal na kapangyarihan, sinikap na niyang tumayo at kumilos sapagkat walang oras dapat ang masayang, lalo na at may nanganganib na buhay. "Kailangan natin mahalughog ang lahat ng bodega rito sa Tibag," panuto siya sa mga pulis at alkalde. "Bilisan natin! Kailangan nating mahanap 'yun isang bata bago pa man siya maisunod sa mga biktima!" Malalim na ang gabi ay abala pa rin sina Pablo sa paghahalughog ng mga bodega sa nasabing lugar. Nagtataka man ang mga may-ari ng lupain, pumayag naman sila na pasukin ng kinauukulan ang imbakan nila ng mga bigas. "Ito lang ba ang bodega na alam niyo?" may tono ng desperayon na naitanong niya sa mga magsasakang nasa bayan. "Baka may iba pa, o 'yun mga hindi na ginagamit?" Nagkatinginan ang mga naroon sapagkat sila rin ay nalilito na sa mga pangyayari. Mabuti na lang at naroon ang isang matandang babae na biglang naalala ang imbakan ng bigas na alam niyang napaglumaan na. "Padre, napuntahan niyo na ba 'yun sa Golden Mills?" paninimula na nitong magbigay ng impormasyon. "Bata pa ako, nandoon na 'yun, e. Kaya lang, mga twenty years ago, nagsara na kasi nalugi sa negosyo 'yun may-ari. Abandonado na nga yun sakahan din niya." "Hindi po ako pamilyar sa lugar. Saan po ba 'yun?" "Ayun, o!" pagtuturo ng lola sa dulong kanto. "Nakikita mo 'yun bandang tumbok? Diretsuhin niyo 'yan daan sa kanan, makikita niyo na 'yun farm at warehouse. Matalahib na nga lang doon kaya mag-iingat kayo kasi may mga ahas nga raw diyan." "Sir," pagtawag na niya sa hepe ng mga pulis upang magbilin. "Huwag na huwag kayong susunod sa akin. Dito lang kayo hanggang sa makabalik ako." "Delikado, Father. Hayaan mo na kaming kumilos." "Mas delikado kung makahalata ang demonyo at kayo naman ang atakihin. Sanay ako sa ganito, alam ko ang ginagawa ko." Wala ng inaksayang panahon si Pablo kaya napatakbo na siya sa lugar na binanggit ng matanda. 'Di alintana ang mga talahib ay dire-diretsong hinanap niya ang nabanggit na pinaglumaang bodega. Subalit, natigilan siya nang may mapansing kakatwa sa damuhan. Madilim man ay kitang-kita niya ang pagkislap ng mamula-mulang likido. "Dugo?" tahimik na pag-aanalisa niya sa mga patak-patak na nasa lupa. Tinalasan pa niya ang pandinig upang makiramdam kung may iba pa na mga tao o nilalang na malapit sa kinaroroonan. Malabo man ang dating sa kanya ay may narinig siya na impit na pag-iyak, na sa tantya niya ay ilang metro na lang ang layo sa kanya. Maingat siyang sumilip sa siwang ng bodega upang magmasid. Inaasahan niya na magiging madilim sa loob subalit nagtaka siya kung bakit may kaunting liwanag na nagmumula roon. Nilibot niya ang tingin at kaagad niyang nahanap ang bata na kamukhang-kamukha ng nakita sa pangitain. Nakatali ito sa pangalawang palapag at nakabusal pa ang bibig. Mag-isa lang ito sa silid kaya napagpasyahan na niyang kumilos nang mabilisan bago pa makabalik ang demonyong bumihag. Nagulat pa ang bata nang makita siyang lumulusot sa sira-sirang bintana. Sumenyas siya rito na huwag mag-iingay upang masigurong hindi maririnig ng 'di kilalang nilalang. Gamit ang baon na balisong ay sinimulan na niyang putulin ang lubid na nakatali sa mga kamay nito. "Mmph!" Nanlalaki ang mga matang tinitigan siya ng isinasalba na tila ba may pinahihiwatig. Ginabayan siya nito ng paningin kaya napag-alaman niyang malapit lang sa lugar ang kalaban. Nang dahil sa takot ay naging aligaga na ang bata at tuluyan nang napaiyak. "Huwag kang malikot, kaunti na lang," pabulong na panuto ni Pablo habang tinatanggal ang mga tali. Biglang bumukas ang pintuan at lumantad ang lalaking may sanib. Nang may makitang ibang tao na nakapasok sa bodega at kasalukuyang pinapalaya ang bihag, lumutang ito sa ere at mabilis na lumipad patungo sa dalawa. "Pakialamero!" puno ng galit na sinigaw nito. Iwinasiwas pa nito sa ere ang hawak na duguang itak bilang pagbabanta. "Papatayin ko kayo!" "Tsk! Makisama ka naman!" napabulalas ni Pablo habang nagmamadaling hilain ang lubid. Dahil kulang na sa oras at papalapit na ang naghuhurimintadong demonyo, hinarang na niya ang sarili upang huwag masaktan ang tinutulungan. Singbilis ng hangin na binangga niya ito gamit ang katawan at inilag sa bata. Pagkabagsak sa sahig ay nagpagulong-gulong pa sila at nagbuno. Ganoon pa man ay naging maingat siya na huwag masyadong saktan ang kalaban sapagkat posibleng mapinsala ang totoong tao na kinokontrol ng demonyo. Naalala niya ang suot na kwintas na may krusipiyo kaya mabilis niya itong nahugot at idinikit sa kamay ng lalaki, dahilan upang mapahiyaw ito sa sakit at mabitiwan ang hawak na itak. Sa panandaliang pagkawala ng atensyon sa kanya nito, nagkaroon siya ng pagkakataon na maibalibag ito at madaganan. Doon ay hinatak niya patalikod ang mga kamay nito upang igapos. Subalit, gumapang naman ito na parang butiki at tumalon sa kisama, kaya walang nagawa si Pablo kungdi bumitiw bago pa man maibangga sa tuktok ng bodega. Akmang tatalon sana iyon sa bintana subalit mabilis naman niya itong nahatak kaya natumba silang dalawa. Dahil sa marupok na ang kahoy ay bumigay na ito at pareho pa silang nahulog paibaba. Desididong tumakas ang sumasanib subalit hinila naman niya ito sa paa kaya napahiga muli. Gamit ang mga daliri sa kamay ay sinikap nitong makalayo subalit walang balak na pakawalan pa ito ng pari. Gumuhit ang mga kuko nito sa kahoy na sahig nang kinaladkad pabalik. "Rawrrr! Bitiwan mo ako! Grrr!" pagsigaw nito na tila ba nagmula pa sa hukay ang boses. "Saan ka pupunta? Hindi pa tapos ang pakay ko sa 'yo, putrag*s ka! Pinahirapan mo ako!" nanlilisik ang mga matang deklarasyon pa ni Pablo kaya nakaramdam na rin ng pangamba ang demonyo. "Sino ka? Anong pangalan mo?" Nang maramdaman ng nilalang na malakas pala at palaban ang nakabanggang lalaki ay desperadong nag-isip na ito ng maaaring malusutan. Nang makita ang gasera, napangisi na ito. Sa isang kumpas ng kamay ay hinagip niya iyon mula sa mesa upang mahulog. Pagbagsak niyon sa ibaba ay kasabay din ang pagliyab ng pinaglumaang kahoy at mga muwebles kaya napilitan ang pari na pakawalan muna ito. Imbis na habulin pa ang demonyo, itinuon na niya ang pansin sa pagliligtas ng bata na nasa pangalawang palapag. Nagmamadali siyang umakyat muli upang tanggalin ito sa pagkakatali at mailabas sa nasusunog na bodega. Mabilis na kumalat ang apoy at sa kasamaang-palad, gumuho pa ang hagdan patungo sa ibaba. "Tatalon tayo!" pahayag niya sa tinutulungan. "Wala na tayong ibang madadaanan!" "H-Ha? Huwag po, takot ako matataas na lugar!" nahintakutang pagkontra naman nito. "Ganito, Hija," paniniguro niya sa bata habang marahan na hinahaplos ang buhok nito. "Ipikit mo na lang ang mga mata mo. Ako ang bahala sa iyo, OK?" Umiling-iling pa rin ito kaya mabilisan nang nagdesisyon si Pablo sapagkat kumakalat na ang apoy. Sa isang iglap ay binuhat niya na ang bata upang hindi na makapalag. Dinig man ang paghiyaw nito ay lumusot na siya sa bintana. Naging malikot ang mga mata niya habang naghahanap ng mababagsakan na mas mahina ang magiging impact sa kanilang dalawa. Nagsimula nang mabuwag ang sahig sa ikalawang palapag kaya walang pagdadalawang-isip na bumwelo na siya at tumalon sa lugar na may mga natuyong talahib. Kasabay ng pagbagsak nilang dalawa roon ay tuluyan nang gumuho ang lumang bodega. Napahagulgol na ng iyak ang bata nang makitang natutupok na ng apoy ang imbakan ng bigas, kung saan naging saksi siya sa malagim na pagpaslang sa mga kasamang dinakip ng demonyo. "Ligtas ka na," pagpapatahan na ni Pablo sa isinalba na habang buhay nang dadalawin ng bangungot dahil sa kagagawan ng isang nilalang na nais pahirapan ang mga tao, lalo na ang mga inosente.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD