Isang pares ng mala-abong mga mata ang mataimtim na nagmamasid mula sa maliit na bintana ng sasakyang karga ang isang daang mga bihag. Kasalukuyan silang dinadala ng mga mananakop na Hapon sa San Ildefonso, Bulacan, kung saan sila pinagbabalakan na gawing aliwan. Bata man o may edad na, babae man o lalaki, walang pinalampas ang mga banyaga sa mga gustong pahirapan at pagsamantalahan. [wiz ligera]
Kung ang mga kasamahan ay puno ng takot ang nararamdaman, halos walang kaemo-emosyon na pinagmasdan lamang ng batang si Pablo ang mga dinaraanan. Sa panlabas na anyo ay mukha lang siyang inosenteng bata pero simula noong pinatay ng kaaway ang pamilya, maihahalintulad na siya sa isang demonyo na sabik pagbayarin ang lahat ng sumalbahe sa kanya, lalong-lalo na sa Ate Paulina niya na walang awang pinagsamantalahan at pinaslang pa.
Nang dahil sa poot, nangako siya sa sarili na pipiliting makatakas at mabuhay. Walang kaalam-alam ang mga Hapon na isang halimaw na ang unti-unting nalilikha sa katauhan ni Pablo. Sa kaloob-looban niya ay nagniningas ang galit at kung maaari lamang niyang paslangin ang lahat ng pumatay sa mga magulang at ate, gagawin niya na walang bahid ng awa.
Tanaw niya mula sa bintana ang pulang bahay na ginawang garison ng mga kalaban. Gaya nga ng inaasahan, doon nga sila dadalhin upang patuloy na pahirapan at paglaruan. Isa-isa silang pinalabas ng sasakyan at pinapasok sa silid na dating imbakan ng mga bigas.
Mabilis na gumalaw ang mga mata niya upang malaman kung saan siya maaaring makatakas. Sa dalawang oras na naroroon sila, naaral na niya kung saan at kailan madalas rumuronda ang mga bantay. Nang mapansing iisa na lamang ang bantay sa may pintuan at kaunti na lamang ang nasa tarangkahan, napagpasyahan na niyang isakatuparan ang balak.
Sinadya niyang lumapit sa isang kaedaran upang kuntsabahin sa plano. Napili niya itong isama rin dahil sa lahat ng mga batang naroon, iyon ang pinakanakasundo niya. Malaki rin ang utang na loob niya rito dahil noong nakapiit pa sa Pampanga, pinangpupuslit siya nito ng tinapay. Dahil sa mabuting gawing natanggap, nais din niya itong isama sa pagtakas.
"Gusto mo bang makaalis dito?" pabulong na tinanong niya kay Manuel.
"O-Oo, oo naman!" tugon nito habang palingon-lingon nang dahil sa takot na baka mahuli o marinig ng mga kalaban.
"Ganito magkukunwari akong inaaway kita," pagbibigay niya ng panuto rito. "Mag-ingay ka, labanan mo ako upang mataranta ang ibang mga bata. Kapag may lumapit na Hapon, sumunod ka sa susunod na sasabihin ko.
"P-Pero delikado masyado-"
Wala anu-ano ay itinulak na niya ang kausap. Nagulat na lang si Manuel nang matumba siya sa lupa at nakatanggap ng magkakasunod na suntok. Bilang ganti ay lumaban na rin siya at hindi nagtagal ay napailaliman niya si Pablo.
"Ganyan nga, sige, suntukin mo ako!" nakangising pang-eengganyo pa niya. Maging ang mga kasamang bata ay nag-ingay na rin at nataranta, dahilan upang buksan ng Hapon ang silid at pumasok sa loob. Gamit ang putol-putol na Tagalog, tinanong niya sa mga naroon kung sino ang nagsimula ng kaguluhan.
"Sino? Sino away? Sino away?" naghuhurimintadong tinanong nito.
Sabay-sabay na itinuro nila si Pablo na nakahandusay pa rin sa sahig. Nahintakutan na si Manuel nang mapansing patungo sa kinaroroonan nila ang sundalo at naglabas pa ng patalim.
"Lagot na! Anong gagawin natin?" nangangatog ang mga tuhod na tinanong nito.
"Akong bahala," malumanay na sinagot ni Pablo habang hinihintay na lumapit pa ang banyaga.
Nang akmang sasaksakin na sana, dumakot siya ng palay at ihinagis sa mata ng kaaway. Sa ilang sandaling nagulat ito, sinamantala niya ang pagkakataon upang tumakbo, hatak-hatak ang litong-lito na si Manuel. Dinig nila ang sigaw at magkakasunod na putok ng baril pero hindi na niya pinansin ang mga iyon. Ramdam niya na nadaplisan siya sa kaliwang binti pero tiniis niya ang sakit dahil nais lang talaga niyang makalaya.
"Dito, sumunod ka!" pag-alalay ni Pablo kay Manuel upang lumusot sa matatalas na alambreng nagsisilbing harang sa bahay. Iniangat niya ang tusok-tusok na bakal upang makasiksik ang kaibigan. Siya rin ay tinulungan na nito upang makagapang palabas. Ganoon pa man ay aksidente pa rin siyang natusok sa likod.
"Baka mas magandang bumalik na lang tayo," mangiyak-ngiyak na suhestiyon ni Manuel habang nakititang dumudugo ang mga sugat ng kasamahan at papalapit pa ang mga Hapon sa gawi nila.
"Walang babalik!" desididong sinagot niya. Ramdam man ang pagbaon ng alambre, buong-tapang pa rin siyang gumapang palabas. "Kapag nanatili tayo riyan, paniguradong hindi na nila tayo bubuhayin!"
Sugatan man ay maliksi pa rin siyang tumayo at nagpatuloy sa pagtakbo, kasabay ang kaibigan. Walang lingon-lingon na pumasok sila sa masukal na gubat dahil alam nila na mas mahihirapan silang mahanap ng mga kalaban doon.
Nang mapagod na sa kakatakbo ay napaupo na lamang sila sa likod ng puno ng acacia. Ilang sandali rin silang nanatiling tahimik at tanging paghingal lamang nila ang narinig sa paligid. Lumipas ang ilang minuto ay napangiti na si Pablo.
"Malaya...na...tayo..." habol ang hiningang deklarasyon niya.
"Oo nga," hindi makapaniwalang tugon ni Manuel.
Subalit, panandalian lamang ang tuwa nila nang may marinig na boses ng mga lalaki. Hindi nila inaasahan na sa layo ng pinuntahan sa gubat, masusundan pa pala sila.
"Kapag naman minamalas! Bakit ayaw nila tayong tigilan?" Akmang tatayo na sana si Pablo pero napaupo na siya muli. Ramdam niya na nasagad na ang lakas dahil sa mga pinsala at pagkawala ng dugo. May pagkabahalang tinignan siya ni Manuel na alam na rin na hindi na niya kakayaning maglakad pa.
"Tumakbo ka na," panuto niya sa kaibigan.
Ganoon pa man, kahit na nasa peligro ay nagdesisyon ito na tulungan siya. Parang nakakatandang kapatid na ang turing nito sa kanya kaya kahit natatakot man, hindi nito kayang iwanan siya.
"Halika, makakaalis tayo rito," sinambit nito sa kanya. Umupo pa ito at inakbayan siya upang maalalayang tumayo.
"Umalis ka na!" pagtanggi na niya. Itinulak pa niya ito upang lumayo sa kanya. "Ako na ang bahala sa sarili ko!"
"Tumayo ka na!" pagmamatigas nito. "Kanina, sinabi mo na sabay tayong tatakas kaya walang iwanan!"
Dahil sa pagpupumilit ni Manuel ay sinubukan niyang ikilos ang mga paa muli. Hinang-hina man ay kumapit na siya sa kasamahan upang maibalanse ang sarili.
"Ganyan nga," pag-eengganyo pa nito. Buong-lakas na hinatak pa siya upang makapaglakad na. Nagawa pa nilang makatawid sa ilog kaya namag-asa si Pablo na tuluyan nang matatakasan ang kalaban. Sa kasamaang-palad, hindi pa man sila nakakalayo ay umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril. Sa kabilang pampang pala, natagpuan pa rin sila ng kaaway na desididong mabawi sila at pahirapan.
Nanlaki ang mga mata niya nang masaksihang dumaloy ang pulang likido sa likuran ng kaibigan. Akmang sasaluhin pa sana niya ito bago mapahiga sa lupa subalit hinatak na siya palayo ng Hapon. Kinagat at pinagsisipa niya ito upang makalaya subalit 'di hamak na mas malakas ito sa kanya. Nanlalabo man ang paningin, kitang-kita pa rin niya kung paano kinaladkad na parang hayop lamang ang kanyang kaibigan.
"Huwag!" pagsusumamo niya pero huli na rin ang lahat. Patawa-tawang binaril ng kalaban ang naghihingalong si Manuel. Kahit kailan ay hindi niya malilimutan kung paano tumagos ang bala sa ulo ng kaibigan.
"B-Bakit?" nanlalabo na ang isipang pagtatanong niya. Para sa kanya, mas masahol pa sa demonyo ang naking akto ng mga banyaga. Sa isang iglap, tila ba siya rin ay nabalot na rin ng kadiliman ang buong pagkatao.
"Tao rin kaming katulad niyo! Bakit niyo ginagawa sa amin ito?" nangingilid ang mga luhang isinigaw niya kahit alam niyang hindi naman siya maiintindihan ng mga mananakop.
Ayaw niya ang ganitong pakiramdam.
Maging ang ama at ina ay pinagsasabihan siya na piliting magkapakinahon dahil masama siyang galitin. Patunay nito ay ang paghampas niya ng silya sa lalaking nagtangkang bastusin ang Ate Paulina niya. Dalagita pa lamang ang kanyang kapatid ay marami na ang nagkakagusto rito dahil mestisahin na, mas matangkad pa sa mga kaedaran kaya napagkakamalang isang ganap ng dalaga. Pinalalampas na sana niya ang mga pagsipol at mga bastos na birong naririnig pero nawalan na siya ng pasensya nang naging pisikal na ang pangmomolestiya nila.
Katatapos lamang ng klase nila at naisip niya na sunduin na rin ang ate sa kabilang gusali. Sakto na palabas na rin si Paulina nang biglang may nagtaas ng palda nito habang nasa corridor ng eskwela. Ang lalaking nagmolestya ay isang high school student na anak pa ng gobernador ng lalawigan kaya kilala iyon bilang "spoiled".
"Dalaga na, pwede nang asawahin," nakangising pambabastos pa nito.
Nagsitawanan pa ang mga kaklase ni Paulina kaya kitang-kita niya ang pagkapapahiya nito. Nang dahil sa nasaksihan, tila ba nagdilim ang kanyang paningin. Sa isang iglap ay nahatak na pala niya ang isang upuan at walang pagdadalawang-isip na ihinampas sa anak ng gobernador. Hindi niya ito tinigilan hangga't hindi nagkapira-piraso ang kahoy na silya. Huminto lamang siya nang awatin na ng mga guwardiya at inilayo sa kaawa-awang estudyante. Dahil sa pangyayaring iyon, imbis na ang nambastos ang naparusahan, silang magkapatid pa ang napatalsik sa paaralan.
Alam niya na kakaiba siya noon pa man pero alang-alang sa butihing mga magulang, sinikap na niyang maging mas pasensyoso at magkunwaring ordinaryong bata. Gusto niyang maituring na normal kahit batid niya na pasikretong kinatatakutan din siya ng ina dahil sinabi ng kumadrona na patay at nangingitim na siya noong nailuwal pero sa hindi maipaliwang na dahilan, nabuhay siya makaraan ng anim na minuto. Maging ang kapanganakan niya ay ika-anim ng Hunyo at alas-sais pa ng gabi. Kapag pinagsama-sama ang mga numero ng kanyang kaarawan, lilitaw pa ito na numero ng diablo kaya magpasahanggang ngayon, kapag nakikita siya ng kumadrona ay lumilihis ito ng daan.
Subalit ngayong wala na ang mga magulang niya upang gumabay, wala nang makakapigil pa sa kanya.
Magagawa na niya ang lahat ng gusto niya, kahit pa ang pumatay...
"Ihahatid ko kayo sa impiyerno!" puno ng poot at nanlilisik ang mga matang pahayag niya.
Walang anu-ano ay naagaw niya ang kutsilyo mula sa banyagang humahatak sa kanya. Mabilis niyang naisaksak iyon sa paa nito, dahilan upang mapahiyaw ito at mapaluhod sa sakit. Ginamit niya ang pagkakataon na iyon upang magilitan sa leeg ang kalaban.
"Masarap palang manghiwa ng leeg!" nakangiting deklarasyon niya habang pinanonood na nangingisay sa lupa ang biktima at bumubulwak mula sa sugat nito ang maraming dugo.
Maging ang malupit na Hapon na pumaslang kay Manuel ay nahintakutan sa presensya ng batang tila ba may sanib. Sa sobrang takot ay hindi na niya naigalaw ang mga paa. Maging ang mga daliri niya ay nanigas kaya hindi na rin nagawang kalabitin ang gatilyo ng baril.
Naramdaman na lang niya ang pag-atake ng paslit sa kanya kaya natumba sila sa lupa. Hindi maipaliwanag ang lakas na nagmumula sa sampung taong bata na tuwang-tuwa pa na hinahampas sa kanya ang sariling baril.
"Natatandaan ko ang mukha mo! Ikaw ang pumatay sa Ate Paulina ko!" abot-langit ang poot na pahayag ni Pablo. "Tuwang-tuwa mo pang pinugutan siya ng ulo, hay*p ka!"
Nang mayupi na ang armas ay inabot naman niya ang malaking bato at ipinukpok sa ulo ng kinapopootan. Doon ay tuluyan na nagdilim ang mundo ng lalaki. Kahit sa kahuli-huliang hininga, hindi pa rin nito nagawang magsisi sa mga kasalanang nagawa.
Wala man buhay na ang kalaban ay patuloy pa rin itong inatake ni Pablo. Nadurog na ang bungo ng kinasusuklamang tao ay hindi pa rin siya nakuntento. Sumirit ang magkahalong dugo at utak ng lalaki at aksidenteng tumalsik pa sa bibig niya. Imbis na mandiri ay dinilaan pa niya iyon at ninamnam. Napangisi siya dahil sa tagumpay na makaganti sa isa sa mga nagsamantala sa kanyang ate at sa mga babaeng biktima rin ng karahasan.
"Para sa pagkamatay ng nanay at tatay ko!" pahayag niya sa bawat pagtama ng bato sa mukha ng kalaban.
"Para sa pagsasamantala niyo kay Ate Paulina!"
"Para sa sakripisyo ni Manuel!"
"At sa lahat ng mga inosenteng nabiktima niyo!"
Doon ay natauhan na at napahagulgol na ng iyak ang paslit na si Pablo. Ibinababa na niya ang hawak na bato at nanlulumong lumayo na sa bangkay. Nagsumiksik siya sa likod ng puno at doon ay humikbi dahil sa magkahalu-halong emosyong ng lungkot at poot.
Matapang man at sinisikap na magpakatatag, isa pa rin siyang sampung taong gulang na nais lamang ng simple at masayang buhay, kasama ang pamilya at mga kaibigan.
"Sana bukas, magising ako at malaman na bangungot lamang ang lahat!" pananalangin niya bago siya nawalan ng malay.
"Sana..."
"Sana..." paulit-ulit na sinambit ng kanyang isipan maging sa panaginip.
Nagising si Pablo nang marinig ang hiyawan sa labas ng mga bata. Naalimpungatan pa siya kaya nang gumulong mula sa higaan, nahulog pa siya.
"Taksyap*!" napabulalas na lang niya nang tumama ang puwitan sa kahoy na sahig.
(Ekspresyon ng mga Kapampangan kapag nagugulat o nagagalit)
Panandalian din siyang natulala habang nakaupo at pilit inaalala ang napanaginipan kanina lamang.
"Flashback," binulong niya sa sarili habang hinahagod patalikod ang buhok na humarang sa mala-abong mga mata.
"Hindi ko naman tinatakasan ang nakaraan ko pero..."
Natigilan siya nang mapagtantong parte na iyon ng kanyang buhay at kailangan niyang tanggapin na matagal ng sumakabilang-buhay ang pamilya at kaibigan. Kahit ilang beses pa siyang bangungutin at kahit ulit-ulitin man niyang balikan, hindi na mababago pa ang trahedyang naranasan noon.
"Ayaw ko na sanang dalawin pa ako ng masamang alaala sa panaginip," malungkot na naisip niya.
Napasandal na lang siya sa kama at pansamantalang pumikit muli upang kalmahin na ang sarili.
Upang maaliw at hindi na masakop ng pagdadalamhati, tumayo na siya at binuksan ang bintana. Bumungad sa kanya ang isang mag-anak na nakasakay sa likod ng mga kalabaw. Kaya pala maingay sila ay nagkakarera ang magkakapatid kung sino ang mauuna sa kabilang kanto.
"Carabao racing lang pala," may pagkayamot na naisip pa niya. "Kaaga-aga, nambubulabog!"
Ganoon pa man ay napalitan din ng tuwa ang ekspresyon niya nang maalala ang masasayang panahon na maging siya at ang ate ay naglalaro rin. Nakangiti niyang hinatid ng tingin ang mga batang nagtatawanan pa nang makarating sa paroroonan.
"Parang kami lang ni Ate Paulina dati," maligayang pagbabalik-tanaw niya.
Dinalaw man ng masamang panaginip ng nakaraan, sinikap pa rin niyang ikundisyon ang sarili upang maging masaya. Nakagawian na niya iyon kapag dinadalaw ng kalungkutan dahil para sa kanya, nararapat na makapagbigay ng positive vibes.
Subalit, nasusubok pa rin ang pasensya niya kapag may mga pasaway na nakakasalamuha.
Lalong-lalo na sa mga pilyong kaluluwa na gustong-gusto siyang biruin!
Lingid sa kaalaman niya, nag-trespass na naman ang mga white ladies na tinatawag niyang sina Do, Re, at Mi. Tuwang-tuwa na nakalutang sila sa ere habang hinahagis-hagis ang isang puting tela na nahagilap nila sa aparador.
Nang makaramdam ay napatingala sa may kisame si Pablo. Biglang nanlaki ang mga mata niya nang mapagtantong underwear pala niya ang pinaglalaruan ng mga multo.
"Hoy! Ibalik niyo ang brief ko!" napabulalas na niya.
"Dali, saluhin mo!" sinigaw ni Do kay Mi. Nang masalo ng kausap, sininghot pa nito ang puting pang-ibaba.
"Ang bango! Amoy Perla!"
Muli ay lumipad sa ere ang panloob at naipasa naman kay Re.
"Hala, walang ganyanan!" pagpigil na niya sa mga ito sa paglalaro. Hinabol pa niya sila sa silid hanggang sa kubeta upang maibalik lang sa kanya iyon. "Baka marumihan! Kaisa-isa na lang 'yan kasi pinatutuyo ko pa ang iba!"
Ilang araw nang naging maulan kaya hirap na hirap siyang magpatuyo ng damit. Kapag maayos na ay amoy-kulob naman kaya inuulit pa rin niya dahil may pagkametikoloso siya sa mga isusuot. Para sa kanya, kahit baduy o hindi na uso ang kasuotan basta mabango, masaya na siya.
"Bilisan mo, baka maagaw ni Father!" humahagikgik na pagbibiro pa rin nila.
Sa kakalaro ng mga white lady, aksidenteng nabitiwan ni Re ang panloob. Pakiramdam ni Pablo ay titigil ang pagtibok ng puso niya nang unti-unting bumaba ito sa ere. Hindi niya alam kung matutuwa o mai-stress ba siya nang imbis na sa sahig dumampi, sumabit pa iyon sa flush ng inodoro.
"Huwag kang dudulas." Dahan-dahan pa siyang lumapit upang maabot sana ang underwear. Makukuha na sana niya iyon kung hindi lang sana nagsilapit ang mga kaluluwa sa kanya upang mag-usyoso. Nang dahil sa enerhiyang taglay nila, nagdulot ng malakas na hangin at sumayaw-sayaw pa sa pinagsasabitan ang tela.
Halos gumuho ang mundo niya nang dumulas ang panloob at nahulog sa toilet bowl.
"Tsk!" ang tanging nasambit na lang niya.
"Hala, bakit nahulog?" wala sa wisyong pagtatanong ni Re, ang multong kadalasan ay tulala.
"Kadiri naman," nakasimangot pa na pahayag ng mestisahing Intsik na si Do habang nakaluhod at nakasilip sa bowl.
"Ang gulo-gulo niyo kasi!" paninisi na ni Pablo sa mga pilya.ng white ladies. "Hindi ba, paulit-ulit ko nang sinabi na kung papasok kayo sa silid ko, magpaalam muna kayo?"
"S-Sorry na," paghingi na ng paumanhin ni Mi, ang pinaka-behaved sa kanilang tatlo. "Pasensya na, alam mo naman na may memory lapse na rin kaming mga multo. Sa tagal siguro namin dito sa lupa, nagiging makakalimutin na kami."
"Sige na nga. Ano pa nga bang magagawa ko?" Napabuntong-hininga na lamang siya habang pinagmamasdang palutang-lutang ang isusuot sana sa inodoro. Nais man niyang magtampo ay hind naman niya matiis ang mga kaluluwa na sising-sisi na nga sa nagawa. Pinagpapasensyahan niya na lang din ang mga ito dahil ilang daang taon na nga silang hindi makatawid sa liwanag, wala pa silang maalala sa nakaraan nila. May kapilyahan man ang mga babae, pinagbibigyan na lang niya sapagkat mababait naman at naaasahan kapag kailangan niya ng impormasyon sa mga lugar na imposible niyang mapuntahan.
Nasa kalagitnaan na ng misa ay naiinis pa rin siya sa mga pasaway na white ladies na pinaglaruan ang kahuli-huliang tuyong panloob. Ngayon ay nagtitiis tuloy siya na mamasa-masa ang suot. Kapag nahahanginan ay ramdam niya ang lamig na dinaig pa ang naka-aircon. Nangingilabot pa siya kapag natatapat ang electric fan sa kanya.
"Sana hindi ako magkahadhad," mataimtim na pananalangin niya habang kumakanta ang koro ng "Papuri sa Diyos".
Ingat na ingat niyang inaangat ang abito sa tuwing umuupo upang hindi naman tumagos ang basang pang-ibaba.
"Dapat pala, hindi na lang ako nag-underwear," pag-aanalisa pa niya habang tinatanggap ang mga alay ng mga prutas at gulay mula sa mga parokyano.
"Pero baka may bumakat, maitakwil pa ako ng Simbahan!" pagkontra rin naman niya sa sarili.
"Thank you," tulalang sinambit niya sa matandang dalaga na may lihim na crush sa kanya kaya palaging nagboboluntaryong mag-offer. Kinuha niya mula rito ang isang basket ng mga papaya na kakaani lamang.
"Wow! Ang lalaki naman ng mga papaya mo!" pagpuri niya rito.
"At, ang fresh naman ng mga talong at patola mo, ang taba at ang hahaba!" pagbati naman siya sa kasunod na lalaking nag-aalay ng mga gulay.
Napaawang ang mga labi ng mga parokyano nang dahil sa narinig. Siya rin ay nagulat nang dahil sa mga pahayag na tila ba may ibang pinahihiwatig. Sa kakaisip niya sa basang underwear, anu-ano na tuloy ang mga nasasabi niya. Patay-malisya na lang niyang tinanggap ang ibang alay upang hindi na siya pag-isipan pa ng kakaiba. Maingat niyang dinala ang mga basket ng pananim sa may harapan ng altar, kasama ng iba pang mga offering.
"Thank you, maraming matutulungan ang mga bigay niyo," pagpapasalamat niya dahil may sapat ng supplies na ang mga charitable institutions na hawak ng kanyang parokya. Ang mga iyon ay tumutulong sa mga ulila at biktima ng karahasan, at umaalalay din sa mga kapos sa buhay upang magkaroon ng matinong trabaho. Iyon talaga ang tinututukan niyang mga proyekto dahil para sa kanya, lahat ng tao ay may pagkakataon dapat na maging maayos ang buhay.
"Nawa'y pagpalain kayo lahat ng Diyos!" maligayang pananalangin niya sa lahat ng mga taong nasa Simbahan.
Pagkatapos ng misa ay dali-dali na siyang nagtungo sa silid upang makapagpalit na ng pantalong basang-basa pa rin. Subalit, habang naglalakad sa may pasilyo, napasimangot na siya nang makita si Art, ang salbaheng alkalde na kanina pa pala siya inaabangan.
"Good morning, Father," nakangising pagbati nito. Gaya na ng nakagawian, naroroon na naman siya upang himingi ng pabor. OK lang sana kay Pablo na pagbigyan ito pero naiinis din siya dahil ginagamit pa siya sa mga pampulitikong hangarin nito. May pagkasutil din kasi ito at pinagtsitismisan pa siya kaya kadalasan ay iniiwasan na lang niya itong kausapin kaysa naman masira ang araw niya.
"Anong kailangan mo?" diretsahang pagtatanong na niya.
"Kailangan kaagad?" patawa-tawang anito sa pagsusuplado ng pari. "Hindi ba pwedeng nangungumusta lang?"
"Huwag na nga tayong magpanggap," paninita pa rin ni Pablo. "Dalian mo na. Sabihin mo na kung ano ang kailangan mo."
"A! Tutal pinipilit mo ako, may papapuntahan sana ako sa Bulacan," walang kahiya-hiyang paglalahad na ni Art. "Kaibigan ko kasi ang mayor doon at napag-usapan namin ang daan sa San Ildefonso, kung saan may nagpaparamdam daw na multo ng bata. Marami kasi ang nawawala doon sa crossroad at karaniwan daw ay mga bata rin ang naglalahong parang bula kaya naisip sana niyang ipatingin na sa paring eksperto sa mga bagay na may kinalaman sa mga paranormal."
"OK, maganda nga na maipa-check na nga ang site," pagsang-ayon naman ni Pablo. "Gusto mo bang kontakin ko ang parish priest doon?"
"Hindi na kailangan, kasi binoluntaryo kita!" tuwang-tuwa pa na pinahayag ni Art. "Ang sabi ko, mahusay ka. Kaya ikaw na ang papupuntahin ko roon!"
"Ayos ka rin, mula Tarlac, papupuntahin mo pa ako ng Bulacan!" may pagkayamot nang pagrereklamo niya dahil sa pagboboluntaryo sa kanya ni Art na wala naman siyang kaalam-alam. "Nakakabastos din sa parish priest ng San Ildefonso ang ginawa mo. Baka akalain pa niya na pinangungunahan ko siya. Sana, siya na muna ang sinabihan at baka kayanin naman niya ang kaso."
"Naku, huwag kang mag-alala," paniniguro naman nito upang hindi na mainis pa sa kanya si Pablo sa nagawang padalos-dalos na desisyon. "Na-relieve nga 'yun parish priest at nagpapasalamat pa. Ang sabi nga niya, kayang-kaya mo na raw 'yun multo! Kapag dumalaw ka raw, pwedeng-pwede ka raw mag-stay-in sa monasteryo!"
Napailing-iling na lang si Pablo dahil pihadong hindi na nga siya makakaurong sa misyon na naatas sa kanya. Hindi na rin siya makakontra dahil kung tunay nga na may nawawalang mga bata roon, nararapat nga ng mabilisang aksyon.
"San Ildefonso..." sinambit niya habang unti-unting nagiging malamlam ang kanyang mga mata. Bumalik sa gunita niya ang pulang bahay kung saan sila tinangay ng mga Hapon. Doon din niya nasaksihan ang pagkasawi ng kaibigang si Manuel sa kamay ng malulupit na mananakop.
"Ang lugar kung saan iniiwan ko na sana ang masasamang alaala. Pero pilit ko man takasan, alam ko na hindi pa rin ako patatahimikin nito hangga't hindi ko hinaharap..."
Habang naghahanda si Pablo sa mahaba-habang biyahe, kasalukuyan naman na nagkakagulo ang pamilyang Bernardo. Kanina pa kasi sila nagpapaikot sa San Ildefonso pero mukhang naliligaw pa sila.
"Kanina pa tayo paikot-ikot rito!" pagtataray ni Mrs. Alice Bernardo sa asawang kanina pa tinitiis ang kakatalak niya. Rinding-rindi na siya sa kakadaldal nito pero pinipigil na lang niya ang sarili na patulan ito. "Alam mo ba talaga ang daan? Akala ko, sa resort tayo pupunta e baki nandito tayo sa gubat? Aminin mo na kasi, naliligaw na tayo!"
"Oo na, naliligaw na nga tayo!" pag-amin na ng mister nito na si Alex. "Pero hindi ba, 'yun kapatid mo nga 'yun nagdrawing ng direskyon? Tignan mo man, tama naman ang sinundan ko!"
"Sinisisi mo pa ang kuya ko? Ha! Ang sabihin mo, not following directions ka! Tignan mo nga itong drawing, nasaan dito ang gubat? Nasaan? Nasaan?"
Napakuyom na lang ng kamao ang lalaki habang tinitiis ang magkakasunod pa na paninisi. Mula sa rearview mirror ng kotse, sinulyapan na lang niya ang kaisa-isang anak na si Alfred na mahimbing na natutulog kaysa naman matuksong busalan ng baso ang bibig ng misis niyang bungangera.
Maliwanag naman ang sikat ng araw pero laking-pagtataka nila nang biglang nagdilim ang paligid nang marating ang krus na daan. Maya't maya, may natanaw si Alex na nakasilip sa may puno ng acacia. Inakala niya na ordinaryong bata lamang na nakikiusyoso ang naroon hanggang sa mapansin niya na hindi nakaapak sa lupa ang nga paa nito.
Nang dahil sa sindak ay mas lalo niyang binilisan ang pagmamaneho. Pinili niyang manahimik upang hindi na sana matakot ang mag-ina pero nabigo rin siyang ikubli ang takot nang lumutang ang katawan ng 'di kilalang bata at humarang sa daan. Biglang napaapak sa preno si Alex dahilan upang mapasubsob sa hawak na powderpuff ang misis na nagawa pang mag-retouch ng kolorete sa mukha kahit naliligaw na nga sila.
"Hoy! Mag-ingat ka naman!" Napalo pa siya ni Alice gamit ang makeup brush nang dahil sa biglaang paghinto nito ng kotse. "Kung makapreno ka, parang sasabog ang makina ng sasakyan!"
"A-Ano 'yun?" pagtatanong na niya sa kabiyak.
"Anong ano? Wala naman akong nakikita!" pasinghal na tugon nito habang nagpapahid ng blush-on sa mga pisngi.
"B-Bata? Wala ka bang nakitang bata?"
"Bata? Hay naku! Gutom lang yata 'yan kaya kung anu-ano na ang nakikita mo!"
Nanlaki ang mga mata ni Alex nang makita ang duguang katawan ng bata na nakasilip sa may windshield, kung saan nakapwesto ang asawa. Nais man niyang sumigaw ay parang naipit na ang kanyang boses kaya isang impit na ubo lang ang nailabas niya mula sa lalamunan.
"Huwag na kayong tumuloy!" inutos ng kaluluwa. Mas nangilabot ang lalaki nang marinig ang boses nito na tila ba nanggaling sa hukay. "Umalis na kayo bago pa mahuli ang lahat!"
Ilang sandali lang ay naglaho na ang nagbibigay ng babala. Nanginginig ang mga kamay na kinabig niya ang manibela upang magpatuloy sanang magmaneho. Subalit, nabahala na siya sa babalang ibinigay ng bata kaya imbis na umabante, inurong niya patalikod ang sasakyan.
"Ano bang nangyayari sa iyo?" pag-uusisa na ni Alice na abalang nag-a-apply naman ng lipstick. "Bakit tayo umuurong?"
"Hindi mo ba talaga nakikita 'yun bata?"
"Wala ngang bata e!" nayayamot na niyang binulyawan ang esposa. "Nagha-hallucinate ka na yata!"
"Umalis na lang tayo rito!" pagsusumamo na niya sa misis. "Iba na talaga ang pakiramdam ko sa lugar na ito!"
"Anong aalis? Tumuloy tayo kasi mukhang ito na nga ang tamang daan. Naaaninag ko na 'yun mga bahay sa malayo. Baka pwede na tayong magtanong doon."
"Masama ang kutob ko, sa iba na lang tayo dumaan."
"Hindi! Idiretso mo na-"
Natigilan na si Alice sa pagsasalita nang biglang humangin nang malakas. Kung kanina ay mainit ang klima, tila ba biglang nabalot sila ng lamig. Naramdaman nilang mag-asawa na tila ba may sumampa sa bubungan ng sasakyan. Maya't maya ay biglang nabalot ng itim na usok ang kinaroroonan nila. Biglang bumigat ang talukap ng mga mata dahil pwersahan silang kinukuhanan ng lakas ng hindi kilalang elemento. Pilit man nilang labanan ang antok ay nabigo sila.