Case Number 4: Crossroads (Part 2)

1634 Words
Nagising lang sila nang marinig ang malakas na pagbuhos ng ulan. Hindi pa man natatauhan, halos sabay na silang napatingin sa may likuran kung nasaan ang natutulog na anak. Nahintakutan sila nang makitang wala na pala roon si Alfred. Napaiyak na lang si Alice at ibinunton muli ang sisi sa kaawa-awang asawa na si Alex. "Kasalanan mo kasi! Kung hindi ka mali-mali sa pagda-drive, hindi sana nakuha ng multo ang anak natin! Ang tanga-tanga mo kasi e! Hindi talaga kita maasahan kahit sa maliliit na bagay!" paninisi ng misis sa lalaki habang nasa loob sila ng police station ng San Ildefonso. Imbis na ang mga pulis ang dapat mag-ayos ng problema, mabilis nilang ni-refer ang kaso sa kadarating lang na pari dahil mukhang paranormal naman daw ang kaso at hindi tao ang kriminal. Hindi pa man nag-iinit ang puwitan ni Pablo sa upuan ng hepe, nagkaroon na siya ng kaso kaagad. Habang siya ang abala at nagtitiyagang nag-i-interview sa maingay na mag-asawa, tuwang-tuwa na nagkakape at nagbabasa naman ng diyaryo sa isang sulok ang chief-of-police sa lugar. "Pwede ba, manahimik ka!" tugon na ni Alex sa masasakit na salitang natanggap mula sa misis. "Hindi ako mananahimik hangga't wala ang anak natin dito!" "Inaayos na nga yun problema e! Siyempre, hindi naman ito agad-agad! Maghintay ka!" "Kung maayos kang asawa, hindi ako magtatalak ng ganito!" pagsigaw lalo ni Alice na mas ikinainis ng asawa. "Ano ngayon ang nangyari? Nawawala ang anak ko! Wala kang kwentang ama talaga!" "Anak mo?" hindi makapaniwalang napabulalas ni Alex. "Parang 'di ko rin siya anak kung makapagsalita ka! At parang napakasama ko naman na ama!' "Alam mo, sawang-sawa na ako sa mga masasakit mong salita!" naubos na ang pagtitimping inamin na niya sa kabiyak. "Maghiwalay na lang tayo! Hahanapin ko ang anak natin pero hindi ko na siya ibibigay sa iyo! Ayaw ko siyang lumaki kasama ang inang bungangera!" "A...e..." pagsingit na ni Pablo sa away ng dalawa. Kanina pa kasi siya naroon at tinatyaga ang bangayan ng mag-asawang Bernardo at mukhang hindi na nga nila siya napansin na. "Maaari ba na sa susunod na lang kayo mag-away? Unahin muna natin ang anak niyo..." "Tama ka! Ito kasing misis ko, talak nang talak! Kahit po siguro kayo maririndi kung araw-araw mo siyang maririnig!" "E kaya lang naman kita pinagsasabihan, kasi mali-mali ka!" "Sandali! Makinig kayo! Kapag hindi kayo tumigil, kayo ang ipapalamon ko sa mga multo!" sagad na ang pasensyang pagbabanta na ni Pablo sa kanila. Siya rin ay sumasakit na ang tainga sa sigawan ng mag-asawa na dinig na rin sa kabilang building. Nainis na siya dahil nauubos na ang oras sa kakaaway nina Alice at Alex. Nagmamadali siya dahil kahit kaunting segundo lamang ang mawala, posibleng mas mataas ang pagkakataong mapahamak ang nawawalang bata. "Ikaw, Mr. Alex, dito ka sa kanan! At ikaw naman Ms. Alice, dito ka sa kaliwa!" inutos niya sa dalawa upang pumirmi na sa kinauupuan at hindi na mag-away. "Sorry po," magkasabay na paghingi nila ng paumanhin. Sila rin ay nasindak sa talas ng itsura ng pari at aura nito na mas kahindik-hindik pa kaysa sa demonyo. "Umupo kayo! Walang mag-aaway!" naniningkit ang mga matang inutos niya sa pasaway na magkabiyak. "Mula rito, ang isasagot niyo lang ay kung ano ang tinanong ko!" "O-Opo!' "OK, mabuti naman at marunong kayong makipag-cooperate," mahinahon na niyang paninimulang mag-usisa. "Saan nga bang daan kayo naligaw?" "Doon sa may krus na daan," tugon ni Alex. "Madilim doon, puro talahiban at naglalakihang puno nga ang nasa gilid ng daan." "May naramdaman ka ba na kakaiba bago nawala ang anak mo?" "O-Oo!" Napalunok pa siya nang makailang ulit habang inaalala kung ano ang itsura ng kaluluwang nagparamdam. "May nakita akong bata. Duguan. Parang may tama ng bala sa noo!' Tinuro pa niya kung saan naroon ang sugat ng 'di matahimik na multo. Bahagyang napakunot ang noo ni Pablo sa paglalarawan nito. Bumilis ang t***k ng kanyang puso habang pinakikinggan ang pagkukuwento ni Alex. Batid niya na ito na nga ang iniiwasan sana niyang mangyari. "Sa tantya ko, mga sampung taong gulang lamang 'yun multo. Ang sabi niya nga sa akin, 'huwag kayong tutuloy!'. Pagkatapos, nagdilim na ang paligid at nawalan kami ng malay ni Alice. Pagkagising, wala na ang anak namin!" "'Yun batang multo, meron ba siyang balat?" pagsasalarawan ni Pablo kasabay ng pagturo sa kaliwang pisngi. Iyon ang palatandaan na paniguradong magkukumpirma kung sino ang nagpaparamdam na kaluluwa. "Dito?" "Tumpak! Paano mo po nalaman?" "Basta, ako na ang bahalang maghanap sa anak niyo," paniniguro na lang niya kaysa magpaliwanag pa. Hinahabol kasi niya ang bawat sandali upang masigurong maililigtas pa ang anak ng mag-asawang Bernardo. Tumayo na siya mula sa kinauupuan at nagtungo kung saan nakaparke ang lumang kotse. Doon din ay napatunayan niya na ang nasawing kaibigan na si Manuel nga ang patuloy pa rin na nagpaparamdam sa krus na daan sa San Ildefonso. Ganoon pa man ay hindi siya makapaniwalang magagawa nito na kumuha ng mga bata. Sa pagkakaalam niya, napakabait nga ng kaibigan at wala sa karakter nito ang manakit o maghiganti. "Bakit mo ito ginagawa?" pag-aanalisa niya habang nagmamaneho patungo sa daan na marami na ang napapabalitang nawawala. "Gumaganti ka pa rin ba sa mga inosenteng bata?" Madilim-dilim na nang marating niya ang sinasabing krus na daan ng mga Bernardo. Sa ordinaryong tao, karaniwan lamang ang matatanaw sa lugar subalit sa pakiramdam ng pari, alam niya na may madilim na kapangyarihang lantarang gumagala roon. Ganoon pa man, hindi pa rin siya makapaniwala na magagawa ngang magpakasama ng kaibigang si Manuel. Habang papalapit nang papalapit sa tawiran ng magkakasalubong na daan, pabigat naman nang pabigat ang pakiramdam ni Pablo. Nagkakahalu-halo na ang emosyon niya ng lungkot, galit at takot dahil aminadong magpasahanggang ngayon, hindi pa rin niya makalimutan ang masamang mga pangyayari sa nasabing lugar. Mainit man ang panahon, kaagad niyang naramdaman ang paglamig ng paligid, lalong-lalo na sa may likuran ng kotse. Parang may malayelong mga kamay ang marahang humawak pa sa balikat niya. Imbis na lumingon sinadya niyang huwag magpahalata na nakakaramdam na upang masubok ang tunay na pakay ng kaluluwa sa mga napaparoon sa krus na daan. "Huwag kang tutuloy, tumigil ka," binulong nito sa kanya, malapit sa kanyang tainga. Mula sa rearview mirror ng sasakyan, tanaw na tanaw niya ang maputlang mukha ni Manuel, na may dumadaloy pang dugo at pira-pirasong bungo at utak mula sa noo nito. Bakas pa rin sa mukha nito ang pagpapahirap ng mga mananakop na Hapon, kahit ilang taon na ang lumipas. "Hindi mo ba ako naririnig? Huminto ka na sabi e!" malamig na sinabi nito subalit may diin ang bawat kataga. "Mapapahamak ka lang! Makinig ka sa akin!" desperadong pagbibigay na ng babala nito nang magpatuloy siya sa pagmamaneho. Pumreno na si Pablo upang maihinto ang sasakyan. Imbis na masindak, nalungkot pa siya sa sinapit ng kaibigan. Hindi niya matanggap na ang isang napakabait na bata ay naisumpa pang maging isang ligaw na kaluluwa. Sa loob ng labingwalong taon, inakala niya na natahimik na ito at napunta sa langit. "Dinig na dinig kita," tugon niya sa panawagan ng hindi matahimik na kaluluwa. "Manuel..." pagtawag na niya sa kaibigan. Nanlaki ang mga mata ng kausap dahil sa tinuran niya. Nang dahil sa bayolenteng pagkamatay at tagal ng panahong pagala-gala, halos nakalimutan na nito ang ilang detalye sa buhay noon, maging ang sariling pangalan, kaya para itong natauhan nang dahil sa narinig. "S-Sino ka?" "Ako ito, si Pablo Sandoval, taga-San Fernando, Pampanga," pagpapakilala niya. "Ikaw naman si Manuel Zaragosa, taga-San Miguel, Tarlac." Aminadong pamilyar ang itsura ng kausap lalong-lalo na ang mala-abong mga matang kung makatitig ay tila ba kilalang-kilala siya. Napahawak siya sa ulo ng kumirot iyon nang dahil sa pagpupumilit na makaalala. "Sinungaling ka! Ginagawa mo lang itong manipulasyon sa isipan ko para makumbinsi akong sumama!" sinigaw niya kaya bahagyang yumanig ang mga salamin sa sasakyan. "Hindi, ako talaga ito," pagkumpirma niya kay Manuel na walang tiwala pa rin sa kanya dahil makailang beses na itong pinagtatangkaang huliin ng ibang mga pari, maging mga espiritista. Nang dahil sa pagkabigla at takot na huliin at maparusahan, mabilis na tumagos ito sa kotse at nagtatakbo palabas. "Sandali!" pagpigil ni Pablo pero mabilis itong nagtungo sa masukal na gubat. 'Di alintana ang dilim at puno man ng talahib ang lugar, sinundan niya ang naguguluhang si Manuel. Malakas ang kutob niya na hindi nga ito ang may kasalanan sa pagkawala ng mga bata at malamang, tumutulong pa sa mga taong napupunta roon. Marahil, may alam din ito sa tunay na salarin at posibleng makatulong pa sa kaso. Natagpuan niya ang kaluluwa na nakahinto sa may pampang. Tila ba naging estatwa ito nang dahil sa takot. Lumingon ito sa may gawi niya at nang magtagpo ang kanilang mga mata, mas lalo itong nasindak. Tandang-tanda niya ang ilog na iyon. Doon sa may gawing iyon napaslang si Manuel... At doon din siya nakapatay ng mga taong para sa kanya ay halang ang mga kaluluwa. "D-Dito ako napaslang," nauutal na sinabi nito sa kanya. "Pero hindi nila ako binigyan ng disenteng libing. Pinaanod lang nila ang katawan ko sa ilog." "Halika," pag-aya na niya kay Manuel nang mapansing umiiyak at takot na takot na nga ito. "Tapos na iyon at wala na tayong magagawa. Sa ngayon, pag-usapan natin kung paano kita matutulungan na makatawid sa liwanag." "Hirap na hirap na ako!" tumatangis na pagsusumbong na ng kaibigan. Patakbo na itong lumapit sa pari at yumakap. Lumipas man ang panahon, nanatili pa rin itong bata hindi lang sa itsura, maging sa pamamaraan ng pagkilos at pag-iisip. Nagmistulang ama-amahan tuloy si Pablo kay Manuel na may kahinaan ang personalidad. "Hanggang ngayon, ayaw pa rin niya kaming palayain! Hindi ko na alam ang dapat kong gawin!' "Anong ibig mong sabihin?" "'Yun napatay mo na Hapon, narito pa rin siya! Patuloy pa rin siyang naghahasik ng lagim!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD