Case Number 4: Crossroads (Part 3)

4336 Words
"Dinadala niya sa ilalim ng pulang bahay ang mga batang nawawala," pagpapatuloy niya. "Marami-rami na siyang nabiktima. Doon ay ikukulong niya ang mga ito at hahayaang mamatay sa gutom. Nais ko man tumulong ay mas malakas siya sa akin! Protektado na rin siya ng itim na kapangyarihan kaya kahit anong gawin ko, nabibigo akong iligtas ang mga nabibiktima niya! Kahit ako ay hawak pa rin niya kaya hindi ako makapagpahinga!" "Hindi daw siya tigigil sa pagkuha ng mga bata hangga't hindi niya nahuhuli ang pumaslang sa kanya!" nakakapanindig-balahibong pagtatapat nito. Nabahala na si Pablo nang ipaalala sa kanya ang nagawang karumal-dumal sa kaaway noon. Self-defense man na makukunsidera, hindi pa rin niya maiwasang mabagabag sa nagawa dahil doon niya napatunayan na siya ay delikadong nilalang. Nakalaya man mula sa pagpapahirap ng mga Hapon at naghilom na ang mga sugat sa katawan, ilang taon din niyang nilabanan ang madilim na parte ng kanyang pagkatao. Magpasahanggang ngayon kahit pari na, may mga panahong nahihirapan pa rin siyang kontrolin ang sarili kapag nadadaig ng galit. Araw-araw, ipinagdarasal niya na sana, mapaninidigan niya ang sinumpaang tungkulin na maging mabuting tagapaglingkod ng Simbahan at hindi na bumalik sa dating siya na makasalanan at may hinanakit sa mundo. "Tutulungan ko kayo," paniniguro niya kay Manuel. "Pero kailangan ko rin ang tulong mo-" Napalingon siya bigla nang masagi ng paningin ang isang itim na imahe. Napatago tuloy sa may likuran niya si Manuel nang dahil sa sindak. Ganoon pa man, mabilis din siyang ipinagtulakan nito palayo. "Hindi mo siya kakayaning mag-isa," pagtataboy na nito. "Umalis ka na. Delikado na masyado, bilisan mo!" "Hindi kita iiwan dito!" pagmamatigas ni Pablo. "Atsaka, hindi ba sinabi mo, hindi siya titigil hangga't hindi ako nahahanap. E 'di pagbigyan!" "Hoy!" pagsigaw na nito sa gitna ng kagubatan. Inilahad pa nito ang mga kamay sa ere bilang akto ng pagboboluntaryong makausap nang walang pag-aalinlangan. "Hindi ba ako ang hanap mong lint*k ka! Magpakita ka sa akin para matapos na natin itong problema!" "Tama na," pakikiusap na ni Manuel dahil sa pag-aalalang mapapahamak pa ito. "Hindi ka sasantuhin niyan!" "Ssshhh," pagpapatahimik niya sa kasama. "Akong bahala, don't worry!" "Hoy, Hapon na pangit! Ako si Pablo Ezequiel Sandoval, ang favorite mong pahirapan, punyet* ka! Sa sobrang cute ko, gigil na gigil kang hinayup*k ka!" pang-iinis niya sa mapaghiganting kaluluwa upang mapilitan itong lumabas at magpakita sa kanya. Umalingangaw ang magkakasunod na murang nagmula sa Alagad ng Simbahan na aminadong hindi pa rin santon at malayong maging banal. Kung maririnig lamang siya ng obispong si Mark, marahil ay ipapadala na naman siya sa may bundok kung saan naroon ang monasteryong malayo sa kabihasnan upang makapagnilay-nilay sa mga nagawang kasalanan. Sa katunayan ay kontrolado na nga niya ang pagmumura kaysa noong kabataan pa na kapag nagagalit, malungkot, masaya o nagugulat man, parte na ng bokubularyo ang mura. Maya't maya ay may narinig sila na iyak ng isang bata. Tinalasan niya ang pandinig upang matunton kung saan iyon nagmumula. Nagtaka pa si Manuel nang kumuha ito mula sa lupa ng isang bato at ibinulsa. "Huwag kang lalayo sa akin, neh?" mariin na itutos ni Pablo sa kaibigan habang sinusundan ang tinig. "Tulong!" nagmamakaawang sinigaw ng bata. Palayo nang palayo ang boses kaya mas lalo siyang nagmadali na masundan ito. Nadala siya ng tinig sa pinakamasukal na parte ng gubat. Pag-angat ng tingin, nakita niya si Alfred na nakabitin patiwarik sa itaas ng puno ng balete. "Saklolo!" pag-iyak nito. Nagpumiglas ito upang makawala pero kaagad din siyang pinahinto ng pari dahil malalim na ilog pala ang kahuhulugan nito sa ilalim. "Huwag kang magkikilos," pagpigil niya rito. "Ako ang magbababa sa iyo!" Akmang aakyatin na sana niya ang puno upang hilain ang lubid na nagtatali sa bata subalit kaagad na nabalot ng itim na usok ang paligid. "Narito siya!" pagbibigay ng babala ni Manuel. Halos ipagtulakan na niya si Pablo upang umalis pero imbis na sumunod, inakbayan pa siya nito upang huminto. "Sandali lang, Alfred," nakangiting sinabi niya muna sa bata na wala pa rin tigil sa pag-iyak. "Relax ka lang, may kakausapin lang akong monster. Babalikan kita riyan." "Lumayo ka na!" aligagang pagtataboy na ni Manuel sa kanya. "Delikado ang itim na kapangyarihan! Patutulugin ka niyan kagaya ng mga unang nabiktima niya!" Nabalot man ng kadiliman ang paligid, takang-taka siya dahil wala man lang itong naging epekto sa kaibigan. Walang bahid ng takot na gumalaw lang ang mga mata nito sa direksyon kung saan nagmumula ang itim na usok. "Hindi eepekto sa akin 'yan special effects mo," sinabi niya sa kaluluwa na nais siyang ipahamak. "Magpakita ka!" Mula sa itim na usok ay nabuo ang imahe ng isang lalaki. Wasak ang mukha at halos mahati na ang bungo nito. Nang magtangkang magsalita, isang ungol lamang ang lumabas mula sa bibig na nadurog din nang hampasin ni Pablo ng bato noon. "Matagal na kitang hinahanap. Magbabayad ka," nagawa pa rin nitong iparating ang mensahe kay Pablo. "Wala akong utang sa iyo," tugon niya sa pagbabanta nito. "Hindi ba, pinagsamantalahan mo si Ate Paulina at pinahirapan mo ako? Pagkatapos, pinatay mo si Manuel at ang mga inosenteng bata na kinuha mo. Kung tutuusin, ikaw pa nga ang baon sa utang. Tsk! Matutuwa si Lucifer sa pagsunog sa iyo sa impiyerno!" Napahalakhak ang Hapon nang marinig ang mga paliwanag ni Pablo. Dahil sa sobrang kasamaan na namuo sa puso noong nabubuhay pa, nadoble pa iyon noong namatay na. Maihahalintulad ito sa isang nilalang na wala ng pakialam sa tamang pagrarason. Bigla-bigla ay umangat ito sa ere at lumipad patungo sa direksyon nila ni Manuel. Lumabas mula sa mga daliri nito ang nagtatalasang mga kuko at naghuhurimintadong sinugod ang pari. "Umalis na tayo! Bilis!" natatarantag suhestiyon ni Manuel habang hinihila siya. Napapikit na lang siya nang makitang iilang metro na lamang ay hihiwa na sa laman ng kaibigan ang mga kuko ng kaaway. Laking-gulat niya nang kalmadong inilabas ni Pablo ang bato mula sa bulsa at isinampal sa duguang mukha ng kinatatakutan. Sa sobrang lakas ng pagkakahampas, tumilapon at tumagos pa ito sa puno ng acacia. Halos hindi na masundan ni Manuel ang bilis ng kilos ni Pablo. Natagpuan na lang niyang hinahatak nito sa binti ang Hapon at kinakaladkad patungo sa pampang ng malalim na ilog. Doon ay sapilitan niyang pinadapa at dinaganan pa ang likuran nito gamit ang isang tuhod. "Talagang hindi ka nagtatanda, neh?" sarkastikong pagtatanong niya na may mala-demonyong ngisi. "Kung noon, nabigo ako na ihatid ka sa impiyerno, ngayon ay sisiguruhin ko na!" Nang marating ang ilog ay paulit-ulit na inilublob niya ang mukha ng kalaban doon. Nagpumiglas man ay wala itong nagawa sa paring walang epekto ang itim na kapangyarihan at walang kinatatakutang nilalang. "Mapapunta mo man ako sa impiyerno, hindi na maibabalik ang buhay ng mga batang napatay ko!" mapaghamong sinabi nito sa kanya. "Tuwang-tuwa ako kapag nakakapatay at nakakapagsamantala ng mga bata! Gustong-gusto kong kinukuha ang pagka-inosente nila at hinihiwa ang bawat hibla ng kanilang laman! Bigyan lang ako ng pagkakataon ng diablo, uulit-ulitin ko pa rin!' "Mas masahol ka pa sa demonyo!" may pandidiring ininsulto siya ni Pablo. Para sa kanya, ang pang-aabuso sa mga bata ang isa sa mga kasalanang hindi karapat-dapat na palampasin. Itinuturo man ng Simbahan na matututo dapat magpatawad, ang magsamantala ng mga inosente ay sukdulan na ang kasamaan. "Nararapat lang na ipadala kita sa lugar kung saan paulit-ulit kang susunugin hanggang sa ikaw na mismo ang magmamakaawang maglaho ka na lamang!" Inilabas na niya sa bulsa ang botelya ng holy water at ihinalo sa tubig sa may pampang. Napahiyaw ang Hapon dahil sa matinding sakit na hatid ng banal na tubig na mas napatindi pa ang epekto dahil humalo iyon sa buong ilog. Ang bawat patak na naroon, paniguradong susunog sa kaluluwa nito at higit pa sa pisikal na sakit ang naramdaman. Kung sa mortal na katawan ay laman lamang ang nasusunog, ang isinumpang kaluluwa ay buong espiriru na hindi na mamamatay pero ang hapdi at kirot ay isang milyong beses ang dulot na pagpapahirap sa kanya. "T-Tama na! Suko na ako!" pagmamakaawa nito pero hindi na siya pinakinggan pa ni Pablo. Sinimulan na niya ang panalangin upang magbukas ang lagusan sa impiyerno. Mula sa ilog ay nagbukas ang pintuan na may bumubulwak na apoy. Nagmistulang magnet ito na humatak sa kaluluwa ng nakundena. Sa takot na mahigop ng lagusan, kumapit ang lalaki sa braso ng Alagad ng Simbahan upang magsumamo. "Maawa ka," nahihintakutang paghingi nito ng simpatya. "Tao pa rin ako katulad mo!" "'Yan din ang paulit-ulit na sinabi sa iyo ni Ate Paulina, pero naawa ka ba?" sarkastikong pagtatanong nito sa kanya. "Naka-smile ka pa nga noong pinugutan mo ng ulo ang kapatid ko, hay*p ka!" Nakangising sinagi ni Pablo ang mga kamay nito upang tuluyan nang makuha ng impiyerno, kung saan ito narararapat na magdusa. Rinig ang nakakakilabot na hiyaw nito nang maramdaman ang pagkapaso ng apoy. Maging si Manuel ay bahagyang naawa pa sa sinapit ng malupit na banyaga. Ganoon pa man, pakiramdam niya ay nakamtan na niya ang hustisya at tila ba biglang gumaan na ang kanyang pakiramdam. "Makakalaya ka na," maligayang sinambit ni Pablo sa kanya habang unti-unti nang nagsasara ang lagusan mg impiyerno. Halos mahimatay sa tuwa si Alice nang maibalik na ni Pablo ang kaisa-isang anak na si Alfred. May mga kaunting galos lamang ito pero maayos naman ang kabuuan nito. Sa katunayan ay kaagad naman na nawala ang takot ng bata dahil binilhan pa siya ng laruang kotse ni Pablo at sinigurong hindi na masasaktan pa ng "bad monster". "Maraming salamat, Father!" maluha-luhang sinabi nito sa kanya kasabay ng mahigpit na pagyakap. "Halos mabaliw na talaga ako sa kakaisip sa kalagayan ng anak ko! Thank you po, nabalik mo sa amin siya nang ligtas!" "Walang anuman," tugon niya sa pagpapasalamat nito. "Naku, ano bang gusto mo, sabihin mo lang at ibibigay namin!" "Wala naman akong hinihingi na kapalit," pagkaklaro niya, gaya na ng nakagawian sa lahat ng mga taong natutulungan. "Ikaw ang kura paroko sa San Nicolas, hindi ba? Siguro, magdo-donate na lang kami doon?" "Kung balak niyong mag-donate naman sa Simbahan, ayos 'yan. Matutuwa si Lord kasi marami kayong matutulungan." "E ikaw, ano ba talagang gusto mo?" namumungay ang mga matang pangungulit pa rin nito habang nakatingin nang mataimtim sa kanya. Gwapong-gwapo kasi siya sa pari na kahawig daw ang pinagsamang itsura nina Gary Cooper at Montgomery Clift* at may karismang katulad naman ng kina Paul Newman at Marlon Brando*. (Mga artista sa Hollywood na sumikat noong 1950s). "Wala po," pag-uulit niya kasabay ng pagtawang may halong nerbiyos. Napansin kasi niya na napapatagal na ang pagyakap sa kanya ng ginang at pasimple pang sinisinghot ang suot niyang pang-itaas. Namantsahan pa tuloy ang puti niyang polo dahil sa pagdampi ng mukha nito na puno ng kolorete. "Lipstick ba 'yun?" tahimik na pag-aanalisa niya sa pulang mantsa na malapit sa kanyang dibdib. "Aru, neh! Lagot ako kay Bishop Mark kapag nakita niya! Baka akalain niya may babae ako!" "A, e Mrs. Bernardo," pagtawag na niya rito kasabay nang marahang pagbitiw sa pagkakayapos nito sa kanya. Inakay niya ito patungo kay Alex, ang butihing mister na bukod-tanging nakapagtitiyaga sa pagbubunganga nito. "Ayan, happy family na kayo ulit," pahayag niya sa mag-anak. "Kaya dapat, huwag kayong nag-aaway-away. Magkakampi kayo dapat kahit anong problema pa ang dumating." Mabilis na napangiti si Alice nang mapagtantong tama ang pari. Kahit na may hindi man pagkakaunawaan, mawerte at maligaya naman pala silang pamilya. Nakangiting inabot na ni Alex ang mga palad ng asawa. Kung kanina ay hinahamon na niya ito ng hiwalayan, ngayon ay ramdam niya na mahal pa rin pala niya ito. Ganoon din ang napagtanto ng esposa na inakalang tapos na ang samahan nila nang dahil sa pagkawala ng anak. Naisip niya na dapat nga, mas maging matatag pa ang relasyon nilang mag-asawa sa harap ng mga pagsubok. Ipinangako niya sa sarili na mas magiging maayos na ang pakikitungo sa mister at iiwasan na ang magsalita ng hindi maganda. Kahit na aminadong nagiging nagger o bungangera, sa kaibuturan ng kanyang puso ay iniibig pa rin niya si Alex. Nang masigurong maayos na ang kalagayan ng pamilyang Bernardo, nagpaalam na siya sa kanila sa kadahilang may pupuntahan pa siyang importante. Malayo pa man ay tanaw na niya si Manuel na nakaupo sa kotse na nakaparke sa harap ng police station. "Naging pari ka pala?" pag-uusisa nito nang makasakay na siya ng sasakyan. "Wala sa tipo mo. Hindi ko ma-imagine na nagmimisa at nagpapakumpisal ka." "Kung makatanong ka, parang hindi ka makapaniwala," magkasalubong ang kilay na sinabi niya sa kaibigan na kung ituring ay kasing edad na kahit pa ang itsura nito ay sampung taong gulang pa rin. "Hindi naman. Nagulat kang ako kasi palaban ka noon pa man. Ang akala ko, naging pulis o kaya sundalo ka." "Palaban pa rin naman ako," pag-amin pa rin niya. "Palaban ako kapag may mga nakikitang nanlalamang ng kapwa. O kaya may mga salbaheng kaluluwa at espiritu na nais manakit sa mga tao. Ako pa rin naman ito, pero enlightened and better version by the grace of God " "Wow! Nakakabilib!" paghanga nito sa kanya. "Sa totoo lang, ipinagmamalaki kita. Inakala ko nga na dahil sa masamang nangyari sa atin, tuluyan ka nang mapapariwara. Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos dahil tinupad niya ang panalangin ko na maging maayos ang buhay mo." "Salamat sa pagdadasal para sa akin," maligayang sinambit niya sa kausap. "Malakas nga ang panalangin. Kahit lumipas na ang mga taon, araw-araw ay nagdadasal pa rin ako na sana mapayapa na kayong mga nasawi noong panahon ng Hapon. Hindi ko inaasahan na hahayaan Niya tayong magkita ulit upang matulungan naman kita." "Ang bilis nga naman ng panahon, hindi ba? Eighteen years bago tayo nagkita. Marahil, kung nabuhay pa ako, may asawa't anak na ako." "Siguro kung narating mo ang edad ko, ako pa ang magkakasal sa inyo ng girlfriend mo," pagbibiro pa niya rito. "Pagkatapos, ako na rin ang host sa reception, pwede ba?" "Ngi, baka ibang pari ang hanapin ko," nakasimangot na pahayag nito. "Baka ilaglag mo ako sa nobya ko. Mag-away pa tayo nang 'di oras! Ganyan ka e, panira ka ng diskarte!" Napatawa na lang si Pablo sa tinuran nito dahil tunay nga na isusumbong niya sa nobya nito ang lahat kung sakali man na may ginawang kalokohan. Nanghihinayang man na hindi na nagbinata ang kaibigan, kahit paano ay masaya na rin siya dahil matutulungan na niya itong maitawid sa liwanag. Kung kanina ay duguan pa ito at namumutla, ngayon ay maayos na ang itsura nito, katulad pa noong nabubuhay pa. Alam ng pari na kaunti na lamang ay susunduin na si Manuel ng mga anghel at maihahatid sa langit na nararapat nitong puntahan. "Saan nga ba tayo papunta?" pag-uusisa ni Manuel habang nasa highway na sila ng Pampanga. "Sa San Miguel, Tarlac," tugon niya. "Sa Inay mo." "Kay Inay?" napabulalas niya. "Magkakilala na ba kayo?" "Oo, mga tatlong taon ko na siyang dinadalaw. Nagpapaampon nga ako kaso ang sabi niya, baby damulag na raw ako. Hindi na niya ako mapapalo kapag nagiging sutil kaya sa iba na lang daw ako magpakupkop," natatawang pagkukuwento niya. "Pero kahit ni-reject niya ako, mabait naman ang nanay mo at masuyo kaya itinuring ko na rin siyang kapamilya." "Salamat sa pag-aalaga kay Inay," maluwag na sa loob na sinambit ni Manuel kay Pablo. Nabawasan na ang pag-aalala niya na baka napabayaan na ang nanay simula noong pumanaw siya. Panganay kasi siya sa magkakapatid kaya kadalasang tumutulong sa ina sa trabaho at mga gawaing-bahay. Mula sa pagkahuli ng mga Hapon hanggang sa mapaslang, palagi pa rin niyang inaalala ang naulilang nanay at nakababatang mga kapatid. "Atsaka mabiro lang din si Inay. Panigurado, tuwang-tuwa sa iyo 'yun!' "Alam ko. 'Di naman kayo iba sa akin kaya kabisado ko na rin ang mga ugali niyo." Mag-a-alas singko na ng umaga nang marating nila ang lumang tirahan nina Manuel. Wala naman masyadong nagbago roon, maliban na lang sa nipang bubong na napalitan na ng yero. "Heto na tayo," hininto na niya ang sasakyan sa tapat ng bahay na yari sa bato. Inabot niya mula sa likuran ng kotse ang pasalubong na tsokolate at mansanas para sa babaeng itinuturing niya na pangalawang ina. "Halika, samahan mo muna ako," pag-aya niya kay Manuel. "Pagkakataon mo na ito para masabi ang iyong nais sa inay mo. Pero maghintay ka lang muna bago natin sabihin na narito ka, neh? Titiyempo lang ako at baka himatayin kapag binigla natin." "Tama ka, matatakutin pa naman si Inay sa multo kaya hinay-hinay lang tayo." "'Nay Pacing," may paglalambing na pagtawag niya rito sa may tarangkahan. "Labada Day na naman po? Everyday is Labada Day!" pagbibiro pa niya sa may edad ng babae. Maaga pa kasi ay nagsasampay na naman ng mga labahin si Pacing. Nakagawian na nito ang maglaba bawat umaga bilang exercise at pagtanggal din ng stress. Kinukuha na siya ng labandera ng mga anak pero siya na ang umaayaw dahil kaya pa naman daw niyang gawin iyon. Sa edad na limampunglima malakas pa talaga ito kumpara sa mga kaedaran. "Pablo?" may pagtatakang sinambit niya nang makita ang binata. Dali-dali niyang ibinaba ang hawak na kumot at sinalubong siya. "Mano po," pagbibigay-galang ni Pablo sa dinadalaw kasabay ng pag-abot ng kamay nito at paglapat sa kanyang noo. "God bless you. Napaaga ka yata. Akala ko sa susunod ka pa na linggo pupunta." "Na-miss na kita e. Heto, chocolate at apples." Inabot niya ang isang paper bag na naglalaman ng mga pasalubong. "Ikaw talaga, alam mo ang mga favorite ko," magiliw na pagtanggap ni Pacing sa mga pagkain. Inaabangan talaga niya ang bawat pagbisita ni Pablo. Malambing at maalalahanin naman kasi ito at higit sa lahat, nagpapaalala sa nasawing panganay na si Manuel. May pagkakahawig kasi sa ugali ang dalawa at halos pareho rin ang mga interes sa buhay kaya kinatutuwaan niya. Kasundo rin ito ng dalawang anak na babae kaya walang pagdadalawang-isip na tinanggap niya ito na parang tunay na anak. Lumipas man ang panahon, aminadong sariwa pa rin ang sakit na naidulot ng pagkawala ni Manuel. Ilang taon din siyang umasa na uuwi pa rin ito. Nais man niyang tanggapin na tunay na pumanaw na ito, nag-aabang pa rin siya araw-araw na kakatok ito sa pintuan. Subalit, naglaho ang katiting niyang pag-asa nang mahanap na siya ni Pablo at ipinagtapat ang kinahinatnan ng hinihintay. Ganoon pa man, kahit nalaman ang masamang balita, napunan naman din ni Pablo ang pangungulila ng ina sa panganay na anak. Minsan o dalawang beses sa isang buwan, pinupuntahan talaga siya nito upang masigurong maayos ang kalagayan niya. May dalawang anak pa naman siya pero nagsipag-asawa na at nanirahan sa malalayong lugar kaya mas madalas pang makadalaw ang hindi naman kadugo. "Kumain ka na ba?" pagtatanong naman ni Pacing. "Anong gusto mong kainin?' "Hindi pa po." Inakbayan na niya ang ginang at inayang pumasok sa bahay. "Tara, ako na ang magluluto. Relax lang po kayo, akong bahala sa breakfast, lunch at dinner." Habang naghihiwa ng bawang at sibuyas para sa sinangag, tahimik lamang siya na pinanood ni Manuel. "Dati-rati, ako ang gumagawa niyan kasi ako ang panganay," pagbabalik-tanaw niya noong nabubuhay pa. "Puro babae ang mga kapatid ko pero kadalasan, ako naman din ang gumagaw ng gawaing-bahay." "Noong sampung taong gulang pa lamang ako, ako rin ang official na tagasangag sa bahay. Tamad na tamad din kasing magluto si Ate Paulina," nakangiting deklarasyon din niya. "Ganyan tayo, e. Mga "siga" nga tayong mga lalaki sa bahay..." "Siga-pagsaing. Siga-pag-igib. Siga-paglinis ng bahay! Ang hirap din na maging lalaking siga sa totoo lang!" "Tama ka! Baka kapag nakapag-asawa tayo, mga under the saya pa tayo!" humahagikgik na pahayag ni Manuel. "Ayaw ko ngang maging under the saya! Hindi pwede!" mariin na pagtanggi ni Pablo. "Gusto ko, under the micro mini skirt." "Ayos ka rin, mabuti na lang nga at hindi ka nakapag-asawa! Ang pilyo mo pa rin! Hahaha! Paano ka kaya naging pari?" "Wala silang magagawa. May kakulangan sa pari kaya pagtiyagaan na nila ako!" "Ano nga ba itsura ng micro mini skirt?" kasunod na pag-uusisa naman ni Manuel habang namimilog ang mga mata. "Sumisilip na ba ang panty kapag ganoon? Pwede ba akong makakita niyon?" "Bata ka pa, P're, huwag mo nang alamin," panunuya ng kausap sa kanya. "Hindi na kaya ako bata!" pagtutol niya. "Magkasing-edad na kaya tayo!" "Bata ka pa. Hindi ka pa nga tuli!" "Excuse me, maaga akong natuli!" may pagmamalaking deklarasyon pa niya na ikinatawa ng pilyong pari. "Grade four pa lang ako, binata na ako!" "E bakit ganoon, noong ten years old pa tayo, bansot ka pa rin?" "Ang yabang mo naman!" nakangusong pagganti niya sa pamimikon ni Pablo. "Nagkataon lang na tisoy ka kaya mas matangkad ka sa akin! Pero mas malaki talaga ako kumpara sa kapwa Pilipino na walang halong lahi!" "A basta, bata ka pa rin!" pagmamatigas naman ng pari. "Kalimutan mo nang makakakita ka pa ng micro mini skirt! Baka maudlot pa ang pagtawid mo sa liwanag kapag nanilip ka pa!" Nagsitawanan silang dalawa habang nag-uusap na katulad ng mga binatang magbarkada. Natigilan lang sila nang sumilip si Pacing sa kusina upang mag-usisa. "Hijo, may kausap ka ba?" "A...ano po..." may pagkabiglang nasambit ni Pablo. Nagdalawang-isip kasi siya kung tamang panahon na ba upang ipagtapat na naroon ang kaluluwang ng anak. Ngumiti lang ang kaibigan at tumayo na sa kinauupuan, senyales na ayaw na muna nitong magparamdam sa inang matatakutin. Inaalala kasi nito na baka maatake pa sa puso ang nanay kapag nabigla. "Aakyat lang ako at maglilibot sa bahay. Nais ko rin makita ang dati kong silid," pagpapaalam muna nito sa kanya. "Ikaw na muna ang bahala kay Inay," pagbibilin din nito bago tumagos sa pader na yari sa bato. "Wala na akong mahihiling pa," maligayang napagtanto ni Manuel habang lumilibot sa tahanan. Natanaw niya mula sa dingding ang mga nakasabit na diploma ng mga kapatid na naka-graduate na ng kolehiyo. Malaki ang inasenso nila sa buhay dahil pati mga muwebles sa bahay ay mga bago na, malayo sa itsura noong iniwan niya na mga pinaglumaan na. Pag-akyat sa silid ay kapansin-pansin na maayos pa rin ito. Nakalatag pa ang mga kumot at unan na tila ba hinihintay pa talaga ni Pacing ang pagbabalik niya. Kumirot ang kanyang puso nang mapansin na may mga laruan pang binili ang ina para sa kanya. Naroon ang laruang tren na gustong-gusto sana niyang ipabili pero hindi posible dahil kapos sila sa pera noon. Masayang-masaya siya dahil alam niya na kahit kailan, hindi pa rin siya nawala sa puso ng pinakamamahal na ina. Ilang sandali lang ay may lumitaw na nakasisilaw na liwanag sa may likuran niya. Akmang tatakbuhan pa sana niya iyon upang makapagpaalam sa ina subalit sadyang nakakahatak ang sinag na nagmumula roon. Batid niya na iyon na ang tamang panahon upang lisanin na ang mundo ng mga tao at magpahinga na. Hahakbang na sana siya papasok subalit isang boses ng babae ang nagpahinto muna sa kanya. "Anak! Manuel!" pagtawag nito mula sa pintuan ng kanyang silid. Paglingon ay nakita niya ang luhaang ina. Mabilis na gumalaw ang mga mata nito na tila ba hinahanap siya. "Nasaan ka?" Kasunod si Pablo kaya naalalayan ang ginang patungo sa kinaroroonan ng kaibigan. Habang nasa kusina, ipinagtapat na niya rito na naroon nga ang anak. Gusto kasi niyang makapagpaalam nang maayos sa isa't isa sina Manuel at Pacing. Sa ganoong paraan, mababawasan na ang kalungkutan ng ina dahil alam na nito na maayos na ang kalagayan ng anak. "'Nay Pacing, sinusundo na ng liwanag si Manuel," pagsasabi na niya nang matanaw ang sinag na nagmumula sa lagusan na naghahati sa mundo ng nga mortal at kaluluwa. "Kaunting sandali na lang ang mayroon kaya sabihin niyo na po kaagad ang nais." "Anak ko, kaytagal kitang hinintay na makabalik," nagmamadaling sinabi nito sa hindi nakikitang kaluluwa. "Salamat at naalala mo pa rin ako. Gusto man kitang mayakap at makasama pa, pinalalaya na kita kasi dapat lang na makapahinga ka na sa heaven. Huwag kang mag-alala, magiging maayos ako, matatag si Nanay! Magkikita tayo ulit!" "Inay!" umaapaw sa tuwang pagtawag ni Manuel. Mabilisan itong nagtungo sa ina upang yumapos at humalik sa pisngi. Hindi man siya mahawakan o matanaw ng ina, ramdam pa rin nito ang init ng yakap ng anak kaya labis itong natuwa sa presensya niya. "Manuel, mahal na mahal ko kayong magkakapatid. Alam mo 'yan, Anak. Kapag oras ko na, salubungin mo ako sa heaven, ha," puno ng pag-ibig na binilin niya sa panganay. Dahil sa kakaunting oras na natitira na lamang bago siya makatawid sa lagusan, ibinilin na ni Manuel si Pacing kay Pablo. "Alam ko na magiging maayos ang kalagayan ni Inay hangga't nariyan ka. Pakiusap, pakibantayan siya para sa akin..." "Akong bahala sa nanay mo," paniniguro ni Pablo kasabay ng pagyakap sa ginang na hindi pa rin makapaniwala na nakapanayam ang anak. "Nagpapaampon nga ako, hindi ba? Kaya lang choosy si mother, ayaw akong kupkupin." "Ayan kasi, may pagkasutil ka e! Bad boy ka e!" "Bad boy kamo? Putrag*s! Lumayas ka na na nga sa harapan namin!" pabirong panunuplado at pagtataboy na niya sa kaibigan. "Kapag nagsara 'yan tawiran, baka one hundred years ka na naman maghintay. Abo na ako n'un kaya good luck kung may makakatulong pa sa iyo!" "Hala! Sige, bye muna sa inyo!" patakbong pamamaalam na ni Manuel. "Kapag nagkita tayo, pag-usapan natin ang micro mini skirt!" pahabol pa nito bago humakbang sa lagusan. Dinig ni Pablo ang malutong na paghalakhak nito kahit nakapasok na sa tulay patungo sa kabilang-buhay. Napailing-iling na lang siya dahil katulad niya, may pagkapilyo rin pala ang napakabait na batang si Manuel. Mabilis na naglaho ang liwanag nang matanggap na sa kabilang dulo ang kaluluwang sinusundo. Malungkot man na matagal pang panahon na magkikita sila muli ng butihing kaibigan, pasalamat na rin siya na matatahimik na ito. Maraming taon na rin itong nagdusa bilang ligaw na kaluluwa kaya karapat-dapat lang na maging maligaya na ito sa langit. "Hanggang sa muli, P're," pamamaalam muna niya. "Kapag nagkita tayo, marami tayong pag-uusapan na kapana-panabik, hindi lang tungkol sa micro mini skirt," naisip pa niya habang nakangisi. -WAKAS-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD