"Nanaginip ako isang beses. Gumising ako na blangko ang ekspresyon, parang tanga. Bakit nga ba kailangang mangyari 'yon? Bakit kailangang ipakita sa akin ang nakaraan?" tanong ko kay Jen. Tumingin lang siya sa akin.
"Sa panaginip ko, nandoon ang nakaraan ko. Masaya kami, tumatakbo...parang wala nang bukas. Pero nalungkot lang ako nang halikan niya ako. Kasi alam kong panaginip lang 'yon. Alam kong paggising ko...makikita ko lang ang kisame ng kwarto ko. Hindi nga totoo ang lahat. Matagal na panahon na 'yon. Pero sa panaginip nagbabalik ang saya at lungkot na nadarama..."
"Alam ni Charmaine?" tanong ni Jen. Umiling lang ako habang nakangiti at nakayuko.
"Kung sasabihin ko sa kanya, baka isipin niyang apektado pa ako. Siguro, puwede ring hindi. Madalas kasi ang panaginip lolokohin ka lang. Na akala mo nandoon ka, nandoon ang pakiramdam. Yung dati. Pero pag binuksan mo na ang mga mata mo, babalik ka sa realidad," paliwanag ko.
Ngumiti si Jen. Muli niyang sinilayan ang magandang tanawin sa aming harapan, tila may inaalala rin. Kitang-kita iyon sa kanyang mga ngiti.
"Naranasan ko na rin 'yan. Worse is, hiniling ko sa sarili ko noon na bumalik ako sa nakaraan. Natulog ako, parang ayoko nang magising."
Pumikit siya at tila nilasap ang mga imahe sa kanyang isipan. Inuugoy pa niya nang bahagya ang kanyang katawan sabay sa hangin na umiihip.
"Hindi maiwasan. Humihiling din tayo minsan, nagtatanong tungkol sa nakaraan. Bakit nga ba?" tanong ko.
"Kung may babalikan ka sa nakaraan, ano 'yon? O, sino 'yon?" tanong ni Jen. Bumuntong hininga lamang ako at nanahimik. Nag-isip ng malalim. Ang naaalala ko lang ay ang halik na iyon sa aking panaginip. Sinubukan kong pumikit, iba na ang aking nararamdaman. Ang halik ni Charmaine.
"Kung babalik ako sa nakaraan, siguro yung mga bagay na lang na sana naitama ko. Pero kapag ginawa ko 'yon, mawawala ang mga alaala niya," sagot ko. Tumango lamang si Jen at muling tumingin sa malayo.
"Pero naisip ko, sa huli? Dito lang din naman ako babagsak," pahabol ko. Ngumiti lamang ako pero sa loob ko, napakalaki ng puwang. Butas ang damdamin, mapait ang lasa. Muli kong nilunok upang guminhawa.
______________________________
"Oh...kararating mo lang?" tanong sa akin ni Marco. Abala silang lahat na nag-aasikaso ng gamit nang dumating ako sa studio.
"Anong meron?"
"Kaka-text ko lang din, basahin mo na lang, Ian," sabi naman ni boss Ronald habang binubuhat ang isang case na naglalaman ng mga camera sa mesa.
Hinawi niya ang mga papel, nagkandahulog naman sa ibaba ang ilang mga piraso ng bolpen, mga abubot at mga paper clip.
Kinuha ko ang cellphone ko sa aking bulsa at binasa ang text message:
'Ian, nasaan ka na? May shoot tayo bukas sa Zambales. Asikaso muna tayo.'
Napakamot lang ako ng ulo. Tumingin ako kay Greg, nakangisi lang siya habang napapailing. Ako naman ay natawa rin.
"Langya," sambit ko.
Binaba ko ang bag ko at nagsimulang kunin ang isa pang kaha. Kumuha ng ilang camera sa drawer at sa cabinet; mga lente at ilang mga baterya, tripod at kung ano ano pa. Ipinasok ko ang mga camera sa bag at ang mga lente naman ay nilinis muna.
"Kumusta nga pala ang bakasyon niyo?" tanong ni sir Ronald.
"Ayos lang boss. Nakapagpahinga naman. Kaso tambak pa editing natin eh. Pa'no 'to? May shoot na naman," tugon ni Marco habang binabalanse sa kanyang kamay ang flycam na gagamitin. Napabuntong hininga na lamang si sir Ronald at umiling-iling.
"Tangina..." lang ang nasabi niya. Nagtawanan lang kaming tatlo.
"Ikaw Ian? Nakapagdesisyon ka na ba?" tanong niya.
"Po?" nagtataka kong tanong.
"Yung sa Singapore! Akala ko iniisip mo 'yon. Hindi ka pa ba nakapagdesisyon do'n? May dalawang linggo ka na lang para makapagpasa ng application."
"Eh ang laki naman po ng registration fee."
"Walang problema ang registration fee. Sabihin mo nga lang kung sasali ka, para maisingit ko sa budget."
Napatigil kaming tatlo sa pag-aasikaso, nagtayuan at nagtinginan. Naglakad naman patungo sa akin si Greg at tinapik ang balikat ko bago kunin ang isang camera sa mesa. Sumenyas naman ng 'aprub' si Marco at muling nag-asikaso.
"Itatanong ko pa kay papa, boss," matipid kong tugon.
"Bilisan mo lang...kasi kung sakaling matuloy 'yon na sumali ka, medyo tatanggihan ko muna ang ibang projects. Hindi ka naman makakapag-edit no'n. Tambak ang editing natin eh," sagot niya.
____________________________
"Eh ikaw...ano bang gusto mong gawin talaga?"
Masaya ang tinig, mataas ang boses. Nasasabik din si papa sa ibinalita ko, ako naman ay nalilito.
"Hindi ko nga alam, pa, eh," sagot ko habang nakalapat ang cellphone sa aking tenga. Nasa kanang kamay ko pa ang yosing hinihithit habang nakahubad at nakasandal sa hindi pa tapos gawin na bintana ng aking kwarto.
"Kung ako sa'yo, i-grab mo na 'yan. Minsan lang 'yan. Matagal mo nang itinago 'yang talento mo, siguro oras na para ipakita sa iba."
Suminghal ako at napapangiti. Umiiling. Hindi ko alam kung mayroon pa nga ba akong talento o baka ginagamit ko na lang talaga para magkapera. Matagal ko nang iwinaksi sa isip ko na mayroon akong talento. Lahat nawalan ng saysay.
"Kung ang iniisip mo ay ang mama mo, matagal na 'yon Christian. Matagal na siyang wala, at sigurado ako kung nabubuhay pa siya 'yan din ang gugustuhin niya para sa 'yo."
Isang hithit sa maikli nang kasalanan, dinikdik ko ang yosi sa semento at isiniksik sa maliit na siwang nito kung saan napupuno na rin ng upos at abo.
"Sure ka, pa?" tanong kong muli.
"Oo nga! Sumali ka na, bakit mo pa ba tinatanong 'yan sa 'kin? May iba pa bang dahilan kung bakit hindi puwede?"
Nagulat ako sa tanong niya. May iba pa nga ba bukod sa sarili ko? Baka nga. Alam kong mayroon. Si Charmaine ba? Hindi ko alam. Hindi pa naman niya alam ang tungkol dito.
"Hmm. Wala naman pa. Siguro ako lang, nag-aalala lang siguro ako."
"Wag mo nang alalahanin, nakasuporta ako sa 'yo ang ate at kuya mo. Nakasuporta 'yon sa 'yo. Abala lang siguro sila sa ngayon." Napailing ako, kahit alam kong kasinungalingan ang sinabi niya ay naniwala na lang ako.
"Eh...sige pa, titingnan ko, ah?"
"'Wag mong tingnan, gawin mo!" Napangisi ako, alam kong narinig niya iyon.
"'Wag mo akong tawanan diyan. Pag-uwi ko dyan kakaltukan kita," pagbabanta niya.
"Oo na, pa, sige na...sasali na ko."
"Aasahan ko 'yan, sige na may gagawin pa kami dito! Mag-iingat ka lagi diyan, kaya mo 'yan anak. Kaya mo 'yan."
"Sige po, pa, salamat."
Tila walang lakas ang aking mga kamay nang patayin ko ang aking cellphone. Hawak ko iyon sa aking kanan bago isandal ang aking kamay sa aking hita. Tumingala ako at pinagmasdan ang kalawakan ng gabi, bumuntong hininga bago tumingin sa maliit na mesa na nasa loob ng aking kwarto kung saan nakapatong ang aking camera, ilang mga papel, ballpen, mga lente at ang ilang piraso ng mga maliliit na litratong nakaimprenta. Naroon ang mga imahe ni Charmaine, ang mga stolen shot, ang mga lugar na napuntahan namin. Mga anggulo kung saan hindi siya nakatingin, mga litratong tila napakaganda kung pagmasdan. Napakasaya ngunit nakakatakot din. Napakunot na lamang ako ng noo at napayuko.
__________________________
"Kung may gusto akong maabot na pangarap, yung gusto kong gawin para sa hinaharap, yung frustrated ako...siguro yun yung magkaroon ako ng sarili kong exhibit. Yung makikita ng buong mundo," sambit ko habang nakangiti at nakatingin sa kawalan. Nakarinig ako nang kaunting hagikgik mula kay Jen nang banggitin ko iyon.
"Seryoso ako!"
Tumingin ako sa kanya. Nakita kong nakangiti rin siya at tila inuugoy ang kanyang katawan sabay sa hangin na naglalaro sa paligid.
"I know, natatawa lang ako sa idea. Nangyari naman 'di ba? Nagulat pa nga sila," sambit niya.
Paunti-unti, ang mga ngiti sa kanyang labi ay humulas. Muling napalitan ng kalungkutan. Maging ang aking ekspresyon ay nabago rin kaagad.
"Yes," bulong ko.
"So...natuloy kayo sa Zambales?" Halatang binago niya ang usapan. Tumingin siya sa akin at pinilit na ngumiti.
"Oo, inayos ko ang mga gamit ko matapos akong tawagan ni papa. Maaga ang alis namin papuntang Zambales. 2 days stay, company retreat. Tinext ko noon si Charmaine tungkol doon. Hindi siya nagreply, nakakapagtaka rin noong araw na 'yon kasi halos dalawang text lang yata ang natanggap ko. Siguro nag-eenjoy sila ni tita, namamasyal kaya hindi ko na muna inistorbo."
Muling umihip ang hangin, sumulyap ang sinag ng araw at tila naging lalong maaliwalas ang paligid. Napatigil ako sa pagkukwento nang marinig ko ang kampana sa malayo. Pareho kami ni Jen na napatingin sa aming likuran. Napalunok na lamang ako ng kaunting laway at muling tumingin sa malawak na tanawin. Si Jen naman ay napayuko habang muling humaharap sa aking tinititigan.
"Noong bumyahe kami..." hindi ko naituloy ang aking sasabihin.
Muli kong nalasahan ang pait na unti-unting umaangat sa aking bibig. Nilunok ko iyon upang muling bumaba. Lumingong muli sa aking ikuran, dahan-dahang muling humarap at bumuntong hininga muna bago nagpatuloy.
"Umaga noon, halos madilim pa nang bumyahe kami papuntang Zambales. Si Greg ang nag-drive ng van. Marami kasing inasikaso si boss. Ako naman ang pinagbigyang magpahinga. Hindi na ako nakatulog noon, sinubukan ko na lang siyang itext ulit."
'Papunta na kami sa location.Baka maisipan mong sumulpot ah? Haha. Magsabi ka naman para hindi ako nagugulat.'
"Naghintay ng ilang segundo, minuto, hanggang sa maabot ang mga oras. Pero wala, wala akong natanggap. Nakarating na lang kami ng Zambales pero ni anino ng mensahe niya sa inbox o chat wala pa rin. Sumapit ang tanghali, shoot, kain, shoot ulit...at titingin sa cellphone. Pero wala...hanggang sa kumagat na ang dilim. Nakailang text na ako noon sa kanya, pero ganoon pa rin," kwento ko. Tiningnan lamang ako ni Jen nang magkahalong simangot at ngiti.
__________________________
"Hello?"
Madilim na noong tinawagan ko siya, hawak ko pa ang isang bote ng beer sa aking kaliwang kamay habang ang mga kasama ko at si boss ay nakikipagtawanan at nakikisaya sa aming mga kliyente. Napagdesisyunan ko na noong tawagan si Charmaine. Nag-aalala na kasi ako.
"Hey..." iyon lamang ang kanyang sinabi. Matamlay, walang buhay, para bang ayaw niya akong makausap.
"Hindi ka nagte-text, buong araw na, actually kahapon pa. Wala ka man lang balak na balitaan ako?"
"Uhmm. I'm sorry, busy kasi kami ni mommy. Gumala kami kahapon sa Enchanted Kingdom. Tapos kanina buong araw kami sa mall. Pagod na nga ako, eh," matamlay nyang tugon.
"Hoy! Ian! Maya na 'yan!" sigaw naman ni Greg habang ang iba ay nagtatawanan.
"Oo nga dito ka muna sa tabi ko! Charot!" sigaw rin ng isang babaeng kliyente namin. Napalayo tuloy ako nang kaunti sa kanila dahil baka kung ano ang isipin ni Charmaine...pero hindi pa rin nakalusot.
"Anong meron diyan? Sino 'yon?" May katigasan ang mga katagang iyon. Tila nabuhay ang kanyang boses.
"Ah...company party kasi. Nakalagay sa text ko, 'di ba? Ayon, sila boss nakisali. Akala mo kasama dun sa kompanya eh mga kliyente namin 'yon, eh," paliwanag ko habang medyo natatawa. Napangiwi naman ako nang makita kong hawak ko nga pala ang isang bote ng beer sa aking kamay. Wala akong lusot. Kung nakikita niya 'to ngayon siguro magagalit siya. Iisipin niya na ginusto ko rin naman ang kasiyahan.
"Eh sino nga 'yon?!"
"Sino do'n?"
"Yung babae!"
"Empleyado dun sa kompanya, wala nagti-trip lang sila. Ako na naman ang nakita, paano kasi tinatawagan kita. Hindi ka nga kasi nagtetext man lang."
"Ako Ian 'wag mo kong pinapaikot, ah! If anything happens to you there, mananagot ka talaga," gigil niyang sambit.
"Wow, ako na nga yung kawawa tapos ako pa mananagot sa 'yo," biro ko.
"Nako! Ayusin mo lang," pagbabanta niya.
"Sus, hindi naman ako katulad ng ex mo, 'no. Mabigyan lang ng konting motibo bibigay na agad." Nakangiti ako ngunit halata ko na ang tama ng aking iniinom. Bumabagal ang aking pagpikit at muntik pa akong matalisod sa buhangin na aking nilalakaran.
"s**t!" sambit ko.
"O, ano nangyari?"
"Wala...wala, lumubog lang yung paa ko sa buhangin. Lumayo muna kasi ako sa kanila. Gusto ko kasing makausap man lang ang mahal ko," paglalambing ko.
Walanghiya. Tinamaan na nga talaga ako sa iniinom ko. Talagang kapag lasing, mas lumalakas ang skills sa pambobola.
"Hmm...umayos ka nga diyan!" sigaw niya.
"Sweet naman, I love you," sarkastiko kong sagot.
"Teka, susunod ka nga ba dito gaya ng ginawa mo sa Bicol?" tanong ko.
"Eh alam mo namang na'ndito si mommy. Tsaka 'yon nga. Sorry, hindi ako nakatext. No cellphones daw muna kasi kami ni mom. Rule niya habang na'ndito siya. Hayaan mo uuwi na rin naman siya sa makalawa."
"Ah ganoon ba? Regards na lang, ah?" matamlay kong sambit.
"Sure! Don't worry..."
"Uhmm...I love you," sabi ko. Huminga ako nang malalim.
Bakit ba parang may mali? Hindi ko na alam. Pero sa tono niya, alam kong may iba na siyang iniisip. Ni hindi man lang niya masambit ang mga salitang hinihiling ko.
"Thank you Ian. Basta mag-iingat ka diyan, ha? Sige na magdi-dinner muna kami ni mommy. Bye!" sagot niya sabay patay ng tawag.
Muli na lamang akong huminga nang malalim at tumitig sa madilim na kawalan. Tanging ang hampas lamang ng alon ang maririnig at ang ihip ng hangin. Nilagok ko ang natitirang likido sa aking bote at saka naglakad nang mabilis pabalik.
Wala na akong pakialam. Bumalik ako sa malaking cottage kung saan naabutan ko silang nagsasayawan. Napailing na lamang ako pero dahil na rin siguro sa kalasingan, tumakbo ako lalo patungo sa kanila at nakisayaw din.
"Wooooh! Andito na si Ian!" sigaw ni Marco.
"YEEEESS!" sigaw naman ng iba pa. Pinalibutan nila ako, si Greg naman ay kumuha ng isa pang bote ng beer at inabot sa akin habang sumasayaw.
"Tang ina lasingin niyo na 'to!" sigaw niya.
Nilagok ko ang laman ng bote. Napangiti pa ako nang makita si boss Ronald na chill na chill lang na nakaupo sa gilid, nakasuot ang shades at itinataas ang kanyang bote. Tinaas ko rin ang aking bote at sumayaw, saka napaligiran ng aming mga kliyente. Ang babae na tumawag sa akin kanina na si Rachelle ay humarap sa akin at sumayaw. Wala na akong pakialam, pero sa totoo lang...pamaya't-maya kong naiisip si Charmaine. Hindi ko alam kung ano na nga ba ang iniisip niya.
________________________
Kumakalabog sa loob ng malaking kwarto na nirentahan ng buong kompanya na kliyente namin dahil sa ingay. Sa hilo ay lumabas na muna ako. Makikita naman ang mga natirang kalat mula sa kasiyahan kanina, ang mga boteng nakatumba, mga pika-pikang walang laman, mga upos ng sigarilyo at maging ang mga tumapong likido sa mesa. Napailing na lamang ako habang tinititigan ang mga iyon. Patuloy pa rin ang hiyawan, hindi yata nagsasawa sa kasiyahan at party ang mga taong 'yon. Ako? Hindi na ako masaya, hindi ko pa rin mapigilan ang makaramdam ng lungkot dahil sa inaasta niya.
Sinubukan kong umupo sa isang bakanteng upuan. Kinapa ang isang supot ng sigarilyo kahit alam kong wala na rin naman itong laman.
"Oh..." tawag pansin ng isang boses habang inaabot sa akin ang isang stick ng sigarilyo.
"Boss..." sambit ko habang nakangiwi at napapangiti.
"Tindi nila sa loob, tang'na. Nagda-drugs yata yung mga 'yon, eh. High na high!" sambit niya habang sinisindihan ang kanyang yosi gamit ang isang lighter. Sinindihan niya muli ang lighter na iyon at itinapat sa akin. Inilagay ko na lamang ang munting lason sa aking bibig at sinindihan ang mitsa nito.
"San mo ba nakuha 'yang kliyente natin boss?" tanong ko.
"Sa misis ko. Dyan din siya nagta-trabaho, hindi lang sumama kasi nga hindi naman siya mahilig sa mga events ng company nila...pwera na lang Christmas Party. Eh kailangan daw ng magco-cover," paliwanag niya. Hithit sabay buga. Ang puting usok ay dali-daling nawala dahil sa malamig na hangin.
Tumango na lamang ako matapos noon. Tumingin sa kawalan, sumandal sa upuan at tumahimik nang sandali.
"Ikaw, ayos ka lang ba?" seryosong tanong ni boss Ronald.
"Ayos lang ho, boss," matipid kong sagot habang sinusubukang ngumiti.
"Tang ina bilib din ako sa 'yo, eh. Ang tibay mo rin, ano?"
"Ha? Saan po?" pagtataka ko.
"Yung Rachelle? Trip na trip ka no'n...kanina pa 'yon, eh. Tinatanong ang pangalan mo. Pero ikaw wala kang kibo," sabi niya. Umiling na lamang ako habang natatawa.
"Wala boss, hindi na pwede. May girlfriend na 'ko, eh," sabi ko. Isang hithit, buga at hawak sa ulo habang natatawa.
"Ah oo nga pala, 'no? Si Charmaine ba 'yon? Yung sumulpot sa Bicol? Lakas din ng tama 'non sa 'yo, eh. Biruin mo sumunod pa, eh pagkalayo-layo no'n."
Hindi ako nagsalita. Tumawa na lamang ako nang pilit habang taas baba ng aking mga balikat.
"Sana nga gano'n..." matamlay kong sambit.
"Sabi na may problema, eh. Ano bang nangyari?"
"Ewan ko ba, boss," sabi ko na medyo nahihiya.
"Tang inang 'to. Lasing na tayo pareho. Kwentong lasing na lang 'to. Baka nga bukas hindi na natin maalala mga napag-usapan natin, eh. Nahiya ka pa!"
Natawa akong muli habang hinahawakan ang aking ulo. Umiiling at pagkatapos ay muling hihithit ng yosi. Magliliyab ang mitsa at sa bawat buga ay ang puting usok na dinadala ng hangin.
"Hindi ko alam, boss. Naramdaman niyo na ba yung parang...hindi kayo sigurado sa mga nangyayari? Yung parang kayo pero may mali? 'Yon yung hindi ko maintindihan sa amin kung minsan," kwento ko.
"Kita naman sa inyo yung agwat niyo, eh. Hindi man sa edad, siguro sa estado, personality...pwede rin. Hindi mo maiiwasan 'yan. Insecurity. Malaking bagay talaga 'yan," wika ni boss habang ginagawan pa ng exaggerated na actions ang kanyang pagpapaliwanag. Napangisi na lamang ako habang tinitingnan siya.
"On a serious note, eh...kung mahal mo naman kasi, maisasantabi mo 'yang mga ganyang pakiramdam. Unless may mali talaga sa nararamdaman niyo," paliwanag niyang muli. Humithit muna siya ng kanyang yosi bago muling nagpatuloy.
"Hindi equal ang love, nangyayari 'yan, eh. Ang mahalaga 'yong naisasalba 'yong relasyon," paliwanag niya habang sinasabayan ng galaw ng kanyang mga kamay. Hinithit niya ang kanyang yosi at muling bumuga ng usok.
"Sa pagmamahal kasi hindi naman talaga pantay yang dalawa, eh. Sobrang dalang na mangyari 'yon! Sabihin na nating 51 percent yung pagmamahal mo...siya 49 percent lang. 1 percent na lang ang difference walang hiya! 1 percent na lang, pinagdamot pa!" sigaw niya habang ang hintuturo ay nakalapit pa sa akin, kasabay pa ng kanyang ekspresyon ay talagang hindi ko maiwasang matawa. Pero may laman naman talaga ang kanyang sinasabi kaya't kahit na medyo napapangisi ako ay pinakinggan ko pa rin siya.
"Sinasabi ko sa 'yo, ah. Hindi ako love guru at kahit na yung host nung Tales from the Friend Zone sigurado ako ang sasabihin sa 'yo ganyan din. Napakadalang na 50/50 ang feelings niyo," dagdag pa niya. Sa pagkakataong iyon ay naging seryoso na ako.
"Siguro nga ho, boss..."
"Ito lang ang tanong diyan, ah. Mahal mo ba talaga?" tanong niya.
Ngumiti ako, napatulala ng kaunti at sa kaunting panahon ay muli kong binalikan ang mga panahon na masaya kami. Sa isang iglap ay naisip ko na mas matimbang pa rin siya kaysa sa mga pangit na bagay na nangyayari sa amin gaya nito.
"Oo naman, boss," malumanay kong sagot.
"Eh ikaw ba? Mahal niya?"
Ang tanong na sumampal sa akin sa katotohanan sa pagkakataong iyon. Napaisip ako. Mahal nga ba niya talaga ako? Paano ko nga ba malalaman iyon? Sa simpleng pagsasabi lang ba na mahal kita? Sa bawat hagod, halik at paglalambing? Hindi ko alam. Dahil nang tanungin sa akin 'yon ni boss, wala akong makita sa aking isipan kundi ang sakit na kanyang naramdaman noon.
Tumahimik ako sandali bago sagutin ang tanong ni boss. Umiling ako na sinabayan ng pagkibit-balikat. Napahinga naman ng malalim si boss at napailing din bago tumingin sa kawalan. Ako naman ay nakatingin na lamang sa mga butil ng buhangin na aking inaapakan. Saglit na katahimikan, muli siyang humithit ng kanyang yosi bago idikdik ang upos sa kahoy na mesa.
"Sinabi mo na ba sa kanya? Yung tungkol sa Singapore?"
Umiling lamang ako, hindi ko nga rin alam kung sasabihin ko iyon sa kanya. Ilang linggo ba akong mawawala o baka buwan? Hindi naman siguro ako aabot ng taon. Ang ibig kong sabihin, kung totoo nga na may kasamang magkakasunod na seminar at professional workshop ang contest na iyon, hindi naman siguro iyon aabot ng taon.
"Problema nga 'yan..." pagbasag niya sa katahimikan.
"Mabuti pa magpahinga na lang tayo, maaga daw silang gigising bukas kasi may palaro pa daw. Good luck sa kanila," sabi niya. Napangiti na lamang ako habang tinitingnan siyang tumatayo ngunit habang naglalakad siya palayo ay tila lalong hinuhugot ako pailalim dahil sa bigat na aking nararamdaman.