Chapter 10: Part 2

2102 Words
"Kapal ng mukha putang ina," bigla niyang sambit.   "Easy. Kala ko ba nag-usap na kayo? Napatawad mo na, 'di ba?"   "Eh kaso kapag nakikita ko ang mukha niya naaalala ko yung...ay nako!" gigil niyang sambit. Tumawa na lamang ako hanggang sa maging tahimik kami. Hindi naman naging maganda ang aking pakiramdam. Parang may mali sa lahat.   "Awkward, 'no?" siya ang bumasag ng katahimikan.   Malumanay lamang akong tumango at ngumiti nang matamis sa kanya. Hinawakan niya ang aking kamay, kumalma ako nang maramdaman ko ang init ng kanyang palad sa aking mga daliri.   "I'm sorry," wika niya. Hindi na ako nagsalita. Huminga lamang ako nang malalim at ngumiti.   _________________________   "Natatawa ako," wika ni Jen. Nakangiti habang hinahaplos ang coat ko na nakapatong sa kanyang katawan.   "Bakit?"   "Hindi ko ma-imagine. Pangit ng timing, eh," sagot niya. Natawa na rin ako nang kaunti at napatingin sa kanya.   "As usual. Nagbago na naman ang mood niya. Meron nga daw kasi siya noong araw na 'yon. Nakakatawa lang kasi sumakto pa si Jerick na napadaan do'n," wika ko. Napatingin muli ako sa malawak na kalangitan. Unti-unting humuhupa ang maiitim na ulap at muling bumabalik ang ganda ng tanawin.   "And the party?" tanong ni Jen habang masayang nakangiti.   "Ahh! The party! Ito yung nakakaloko talaga!" natatawa kong sagot.   __________________________   "Mom has arrived! My goodness!"   Hawak ni Charmaine ang cellphone niya habang gulat na gulat na binabasa ang mensaheng naroon. Ako naman ay abala sa pagdila sa sandok upang tikman ang spaghetti sauce na aking niluluto.   "Hala! Sunduin ko ba?" tanong ko.   "Nako...hindi 'yon nagpapasundo. Mahilig 'yon manggulat o kaya minsan late pa dumarating. Ang gusto noon dapat laging ready."   Doon pa lang sa sinabi niya naisip ko na napakastrikto nga talaga ng mommy niya. Hindi ako nape-pressure sa niluluto ko, alam ko namang confident akong magluto. Sanay na akong mabuhay na mag-isa kaya natuto na akong magluto. Ang inaalala ko lang talaga ay ang mommy niya.   "My gooooooosh!" pagpa-panic ni Charmaine.   "Chill ka lang, aba...ako ang kinakabahan sa 'yo, eh," sagot ko.   "Kumusta na 'yang niluluto mo?"   "Malapit na," sambit ko. Hinugasan ko ang sandok at pagkatapos ay muling ipinanghalo sa spaghetti sauce.   "Hindi 'yon mahilig sa pinoy style na spaghetti ah? Yung matamis," sabi niya.   "Huwag kang mag-alala. Hindi din naman ako mahilig sa matamis na spaghetti. Nakakadiri kaya. Italian style 'to," pagmamalaki ko. Napangiti na lamang siya at lumapit sa akin. Muli kong tinikman ang sauce, sabay naman sa yakap niya mula sa aking likuran.   "Gusto mong tikman?" tanong ko. Lumapit naman siya sa aking kaliwang balikat at inilapit ang kanyang bibig. Napangiti siya nang matikman ang niluto ko.   "Wow! Galing, ah!" wika niya sabay yakap lalo nang mahigpit.   Inayos namin ang buong condo ni Charmaine. Pinaganda, pinaulit-ulit na nilinis, pinunasan ang mga babasaging gamit, mga libro at mga abubot. Maging ang mga lampara, mga ilaw at ang door knob ng bawat pinto ay hindi nakalusot. Minsan kong pinagmasdan ang pawis na pawis na katawan ni Charmaine habang nakasuot siya ng manipis na sando. Napalagok na lamang ako ng malamig na tubig habang kumakabog nang malakas ang dibdib. Sinusundan ng aking mga mata ang pagtulay ng isang butil ng kanyang pawis sa kanyang leeg pababa sa kanyang dibdib. Saka lamang siya napatingin sa akin. Napatingin na lamang ako sa itaas at pakanan saka tumalikod sa kanya.   "Leche ka, ah!" natatawa niyang sambit. Napatawa na lamang din ako at muling napalagok ng malamig na tubig. Saka niya pinalo ng tambo ang aking puwet.   "Sorry na!"   "Magbihis ka na ngang manyak ka! Kasi bibihis na rin ako pagkatapos nito," utos niya. Agad naman akong dumeretso sa kwarto niya upang magpalit ng damit.   Nang makalabas sa kwarto ay saka ko hinanda ang mga pagkain na aming niluto. May disenyo at maganda pa ang presentasyon ng mga pagkain. Umuusok pa ang mainit na kanin at ang kaldereta na paborito raw ng kanyang mommy.   Sumunod naman siyang tumungo sa kwarto niya matapos magwalis. Nagbihis siya, sakto namang tumunog ang doorbell. Lagot.   "Ch-Charmaine..." nanginginig kong sambit habang nakatayo sa labas ng kwarto niya.   "Yes, yes I know! Siya na 'yan!"   "Anong gagawin ko?" nag-aalala kong tanong.   "Kunin mo na yung cake! Sindihan mo na yung candles! Lalabas na ako!" utos niya.   Agad akong dumiretso sa mesa ng kusina. Inilabas ko ang cake at ipinatong na sa gitna ng mesa. Kinuha ang dalawang kandila na disenyong rosas at sinindihan iyon gamit ang isang mahabang lighter.   "Maine! Can you please open this door? I'm here for almost 10 minutes!"   May pagka-Australian accent ang kanyang mama nang siya ay magsalita. Lalo akong kinabahan, hindi basta-basta ang mommy niya na sa tingin ko ay may kasungitan din. Iniisip ko tuloy na plakadong-plakado ang mga kilay niyang nakataas.   Bigla namang bumalabag ang pinto sa kwarto ni Charmaine. Hindi pa nga tuluyang nakababa ang damit niya sa kanyang bewang. Inaayos niya pa ito pati ang kanyang buhok habang natatarantang naglakad patungo sa pinto.   "M-Mom..." wika niya pagkabukas ng pinto.   Lumukso naman ang aking dibdib nang makita ang isang maganda at may kabataan pang itsura na kanyang mommy. Mabait ang kanyang mukha, nakangiti, malumanay ngunit kitang-kita ang postura at pagkastrikta dahil sa pagpilantik ng kanyang mga kamay nang isasara na niya ang pinto. Agad niyang nakita ang mga pagkain at ang cake na Black Forest. Bagay na bagay sa pulang mga kandila na disenyong rosas.   "Happy birthday, mom!" matamis na sambit ni Charmaine. Agad niyang niyakap ang kanyang mommy. Yumakap din ito sa kanya at tila tuwang-tuwa.   "Wow. You prepared these for me?" tanong ng kanyang mommy.   "Yes...with the help of Ian of course."   Tiningnan ako ng mommy niya. Matipid lamang akong ngumiti habang ang aking mga kamay ay nasa aking likuran. Naging seryoso ang kanyang mukha, hindi ko mawari ngunit tila sinisipat niya ang kaibuturan ng aking katauhan sa pamamagitan lang ng pagtingin. Nilapag niya ang kanyang puti at maliit na bag sa maliit na espasyo ng mesa. Ang kanyang berdeng dress ay halatang mamahalin dahil sa kumikintab na itsura nito, maging ang kanyang necklace ay kumikintab din sa sobrang pagkaputi. Umupo siya at agad na nilanghap ang amoy ng mga pagkain. Sa makatuwid, hindi niya ako pinansin. Hindi ko alam kung nahihiya siya sa akin. Sa totoo lang wala naman siyang dapat ikahiya. Ako nga dapat ang mahiya sa amin.   "This is good," sambit niya nang maamoy ang kaldereta na aking niluto.   "Si Ian ang nagluto niyan, ma," salo naman ni Charmaine. Ngumiti lang ako habang nakatingin sa kanila. Tiningnan ako ng mommy niya at matipid na ngumiti.   "Finally, you've met a guy who can cook," sabi niya sa mataray na tono.   Tila nabawasan ng bigat ang aking dibdib nang marinig ko iyon. Nakita naman ni Charmaine ang pagbuntong hininga ko. Natatawa na lamang siya na para bang nang-iinis.   "Where's Jerick anyway?"   Tila muli namang nahawi ng katahimikan ang paligid sa tanong na iyon. Hindi ako umimik, si Charmaine naman ay tila nalukot ang mukha at napasimangot. Tumalikod siya at agad na dumeretso sa maliit na kusina upang kunin ang isang red wine.   "Hanggang ngayon pa rin ba, ma?" seryosong tanong ni Charmaine. Hindi siya ngumingiti, hindi siya lumilingon.   "Well...hindi mo ako masisisi. Siya ang nakilala ko, ipinagmamalaki mo sa 'kin. And now there is a new guy na ipinagmamalaki mo na naman. Baka lang..."   "Stop it mom! It was a different story! He cheated on me!"   Lumingon na si Charmaine noon. Hindi niya pa napuno ang wine glass at tila padabog niya nang inabot sa kanyang mommy. Ako naman ay napipi. Alam kong may katotohanan ang sinabi ng kanyang mommy. Masakit, kasi totoo.   "He's the guy, 'di ba? 'Yon ang sabi mo noon?" tanong ng kanyang mommy.   "Bakit? Ganyan din ba ang naisip mo noong pakasalan mo si papa? Yung papa ko talaga? Hindi mo ba siya pinagmalaki no'ng nagpakasal kayo? O nagsisi ka rin pagkatapos, 'di ba?" mataray na sagot ni Charmaine.   "That was a different story!"   Nagulat ako nang tumayo ang mommy niya. Pinandidilatan ng mata si Charmaine at tila nanginginig pa ang pisngi. Nakabibinging katahimikan ang sumunod sa palitan ng usapan na iyon. Napatulala na lamang ang kanyang mommy at tila naisip na pareho lang iyon sa isinagot ng kanyang anak.   "See? Don't preach, mom. Matagal ka ring nawala sa akin. Ang anak mo...pinilit mo pa akong pakisamahan yung step dad ko kahit alam mong hindi ko naman siya makakasundo," ani Charmaine nang basagin niya ang katahimikan.   Umupo siya sa harap ng mesa at sinenyasan ako na umupo na rin. Dahan-dahan kong hinatak ang upuan na gawa sa kahoy na dinisenyohan ng maganda at umupo. Kinuha ang kanin, sumandok nang kaunti at nilagyan ang kanyang plato. Sunod ko naman iyong inabot sa kanyang mommy. Dahan-dahan, maingat, tila natatakot na makagawa ng pagkakamali.   "Thank you," nakangiti namang sumagot ang kanyang mommy. Bagay na lalo pang nakapagpaluwag ng aking paghinga.   "Pagpasensyahan mo na kami, hijo. Ganito lang talaga kami mag-usap ng baby ko. We're like animals. Kung malumanay kaming magkuwentuhan, then...magtaka ka na," pagbibiro niya.   "Ayos lang po, tita. Siguro medyo masasanay rin ako dahil kay Charmaine," biro ko pabalik. Sumimangot naman siyang lalo pagtingin ko.   "You know what, this is the reason why Pablo, your step dad isn't here. We talk like animals, dear," wika ng mommy niya sabay nguya. Ako naman ay kumuha na rin ng kaldereta at isang piraso ng chicken lollipop.   "We're not here to talk about him, mom. Masaya na ako noon sa Australia. Sa sobrang saya ko ayoko nang balikan," sarkastikong sagot ni Charmaine. Tumingin siya sa akin at ngumiti.   "So you haven't told Ian kung ano talaga ang estado mo noon sa Australia?"   "Hindi niya kailangang malaman ma. That's a different story," sagot ni Charmaine habang nakayuko.   Unti-unti ko namang napagdudugtong ang lahat ng mga pangyayari. Tumahimik na lamang ako at nakinig ngunit sa totoo lang, nagiging awkward para sa akin ang lahat habang lumalalim ang usapan.   _________________________   Malalim na ang gabi, nakadungaw lang ako sa maliit na veranda ng condo ni Charmaine. Nakatitig sa mga bituin na tila ba ngayon ko lang ulit nasilayan. Kadalasan kasi nakikita lang namin ni Charmaine ang maliwanag na mga bituin sa tuwing nakahiga kami sa buhangin o sa damuhan. Yung walang ilaw sa paligid.   "Hey..." isang mahinhin na tinig ang aking narinig sa aking likuran, si Charmaine.   "Uy. Kumusta?" matamlay kong sambit.   "Ayos lang...she fell asleep on my bed. Pagod daw sa byahe...oh."   Inabot niya sa akin ang isang baso ng wine. Hawak niya ang bote sa kaliwa niyang kamay. Iyon ang kinuha ko at sabay lagok ng marami. Napangiwi nang tigilan ang pulang likido at huminga nang malalim. Siya na ang uminom ng wine mula sa baso.   "What a day," sabi ko.   "Haha...yeah," natatawang sagot niya. Napapangisi na lang din ako habang nakayuko.   "Nakakatakot kayo. Akala ko World War 3 na, eh."   "Pasensiya ka na, ah? Ngayon siguro alam mo na kung kanino ako nagmana?" biro niya.   "Oo...ngayon pa lang nakikita ko na ang pagtanda mo," biro ko rin.   Agad niyang siniko ang aking balikat gaya ng lagi niyang ginagawa. Muli kaming natahimik pagkatapos at sabay pang bumuntong hininga. Natawa nang kaunti at muling naging tahimik.   "Okay ba talaga ako sa kanya?" Binasag ko ang katahimikan.   "Good for 4 yung kaldereta na niluto mo, 'di ba? Tingin mo kung hindi siya okay eh mauubos niya 'yon?" tanong niya.   "Malay mo gutom lang talaga," sagot ko.   "Gago! Haha...wala naman siyang masamang nabanggit. Noon nga...noong pinakilala ko si Jerick, halos murahin niya na yung tao," wika niya. Kinuha ko naman ang basong hawak niya at sinalinan ng wine. Muli ko iyong inabot sa kanya.   "Noon 'yon. Noong medyo bata-bata ka pa. Hindi niya pa alam noon na kaya mo na palang mag-isa. Hindi niya alam na yung baby niya...isa nang dragon. Lilipad, bumubuga na pala ng apoy," natatawa kong sambit. Muli niyang tinabig ang balikat ko. Muli naman akong lumagok ng wine mula sa bote.   "Akala ko maayos ka noon sa Australia? Bago mo nakilala si Jerick?" tanong ko. Tumingin ako sa kanya. Tila nalukot lang ang mukha niya at napatingin sa malayo.   "Maayos naman talaga," matipid niyang sagot.   "Pero sa tono ng usapan niyo ng mama mo kanina...parang iba."   Agad siyang lumapit sa akin, yumakap habang ang kanyang baso ay nasa aking likuran. Tila sinisiksik niya ang kanyang ulo sa aking dibdib. Ibinalik ko na lamang ang yakap na iyon. Mahigpit, na para bang hindi ko na siya pakakawalan.   "I love you, Ian," matamis niyang sambit.   "I love you too...."   Napuno man ng katanungan ang aking isipan tungkol sa kanyang nakaraan, agad naman iyong nawala. Napakahina ko talaga. Sa isang yakap lang niya, tila nawala ang lahat ng problema at katanungan.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD