Chapter 10: Part 1

2265 Words
Maaga akong nakakuha ng tawag mula sa aking cellphone isang umaga. Pakamot-kamot pa ako ng likod at papunas-punas ng mukha habang nakahiga sa kama. Ayoko sanang sagutin ang tawag na iyon pero ginawa ko na rin dahil halos tatlong beses na siguro siyang tumatawag. Naalimpungatan din ako nang kaunti dahil naisip kong baka si Charmaine ang tumatawag. Hindi ako nagkamali, siya nga. Kinuha ko ang cellphone ko at ipinatong lang sa nakatagilid kong mukha. "Hello?" matamlay kong sagot. "Hey! Wake up!" sigaw niya. Napaangat na lamang ang aking ulo dahil sa lakas ng kanyang boses. "Charmaine...bakit?" tanong ko. "You almost forgot!" sagot niya. "Ang alin?" "Bukas na ang birthday ni mommy. Kailangan nating magshopping." Napakunot na lamang ako ng noo at napasimangot sa aking narinig. "Ang aga pa, eh," matamlay kong tugon. "Sige na please? Get up! O pupunta ako diyan mamili ka." Natawa ako sa kanyang sinabi at napakamot na lang ng mukha. "Hindi mo naman alam kung saan ako nakatira eh. Hindi ka pa nakakapunta dito," sagot ko. Natahimik siya nang saglit at pagkatapos ay muli na namang nagmakaawa. "Sige na, Ian...dapat samahan mo ako! Anong klaseng boyfriend ba 'yan?" Malungkot na ang tono ng kanyang pananalita ngunit mayroon pa ring lambing. Napangiti na lamang ako at umupo mula sa pagkakahiga. "Oo na sige na. Maliligo na ako." "Yehey! Punta ka muna dito, ah? Magkotse na lang tayo," sabi niya sabay patay ng cellphone. Hindi na ako nakapalag. Tumayo na lamang ako at tamad na naglakad patungo sa aking cabinet. Kukunin ko na sana ang aking damit ngunit muli na namang tumunog ang aking cellphone. Siguro may nakalimutan siyang sabihin. Lumapit ako sa cellphone ko na nakapatong lamang sa aking kama, hindi siya ang tumatawag kundi si papa. Mula pa sa ibang bansa ang tawag na iyon kaya't agad kong sinagot. "Pa..." sambit ko. "Anak, kumusta na? Kala ko tulog ka pa, eh," sagot niya. "Ah, kakagising ko lang, pa. Pasensya na, puyat sa shoot kagabi, eh. Napatawag po kayo. Ano pong meron?" "Kinukumusta ka lang. Eh ikaw lang ang mag-isa lagi diyan sa bahay, eh." "Eh, okay lang naman 'yon, pa. Sanayan lang 'yan. Marami namang maligno dito kaya okay lang," pagbibiro ko. Natawa naman ng saglit si papa at muling naging seryoso ang boses. "Kumusta na pala yung pagpho-photography mo?" "Eh ayos lang naman po, pa. Nakita niyo po ba yung mga bago kong upload sa f*******:?" tanong ko sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay tumungo na ako sa aking cabinet at inilabas na ang aking mga susuutin. "Oo, ang ganda ng mga kuha mo doon, ah! Bilib na talaga ako. May nakita lang akong picture doon, picture ng babae. Sino ba 'yon?" tanong niya. Pilit kong inalala ang mga imahe na aking kinuhanan. Napangiti na lang ako nang maalala kong baka napasama ang isa, dalawa o higit pang mga litrato doon ni Charmaine. "Yung nasa beach ba 'yon? Ang ganda ng kuha, ah, parang sunrise yata o sunset. Pero tulog yung babae," dagdag niya. "A-ah...si Charmaine, pa," matipid kong sagot. "Aahh haha...mukhang alam ko na. Hindi mo na kailangang sabihin. Maganda siya, ah, alam kong kaya mo 'yan." "Naman pa, mana ako sa'yo, eh," sambit ko. Nagtawanan na lang kami matapos noon. Nagsabihan ng paalam at binaba ang telepono. Saglit akong natigilan at umupo muna sa aking higaan. Gamit ang aking cellphone ay tiningnan ko ang litrato na sinasabi ni papa. Naroon nga ang isang litrato ni Charmaine. Ang kuha niya sa dalampasigan ng Sorsogon habang papasikat ang araw. Hindi alam ni Charmaine na kinuhanan ko siya ng litrato gamit ang DSLR camera ko. Ayokong makita niya ang litratong iyon kaya't agad kong binura. Binuksan ko naman ang aking camera at tiningnan ang iba pang litrato, ang mga stolen shots niya. Ang ilang mga litrato kung saan natutulog siya, kung saan ang kuha lamang sa frame ay ang kanyang labi, ang kanyang mga mata, ang kanyang ilong at kung minsan ay ang hibla ng kanyang buhok na nasisinagan ng araw. Wala siyang alam sa mga litratong ito. Napapangiti na lamang ako habang tinitingnan ko ang mga litratong iyon. Pinatong ko na lang muli sa mesa ang aking camera at nag-asikaso na upang masamahan siya sa kanyang pamimili. _______________________ "Wow! Ikaw ba 'yan?" tanong ko nang makita ko siya sa loob ng condo na nakasuot ng suot niyang pulang palda na ang disenyo ay tila katutubo noong una kaming magkita. Maging ang kanyang longsleeve ay binurdahan din ng pangkatutubong disenyo. Ang kanyang mga accessories ay gawa sa mga kahoy at tanso na inukit. "Anong meron?" tanong kong muli. Siya naman ay umikot at tila nagmodel. Ngumiti siya pagkatapos. "Namiss ko, eh..." sambit niya. Napailing na lamang ako, humawak sa aking bibig upang pigilin ang kakaibang ngiti na naghihintay na bumulusok sa aking pisngi. "Inaalala ang Tagaytay, oh..." sambit ko. Agad humupa ang matamis niyang ngiti. Napayuko na lang siya saglit at tila naging seryoso. "Tara na nga." May kakaibang kirot akong naramdaman sa inasta niyang iyon. Hindi ko maintindihan kung bakit. May kakaibang bigat sa pagbabago ng kanyang ekspresyon. Hindi ko na lamang iyon pinansin, sumunod na lamang ako sa kanya nang lumabas na siya ng kwarto. Tahimik siya habang iminamaneho ko ang kanyang sasakyan. Malalim ang iniisip, nakatingin sa bintana at pinagmamasdan ang mga nagtataasang gusali sa gilid ng aming dinaraanan. "Are you okay?" tanong ko. "Yeah," matipid niyang sagot. "May nasabi ba akong mali kanina?" "No," mabilis niyang sagot. "Pero bigla ka kasing..." "Please, Ian, puwede bang 'wag na nating balikan 'yon?" Matalas ang pagkakatitig niya sa akin. Nalukot na lamang ang aking mukha, itinikom ang bibig at tumingin nang tuwid sa dinaraanan ng sasakyan. Ilang segundo rin ang lumipas bago ko tuluyang basagin ang katahimikan. "Pati ba 'yong time na nagkita tayo at nagkakilala? Hindi ko na babalikan?" Huminga lamang siya nang malalim. "No, Ian...sorry. Sorry talaga. Meron lang kasi ako ngayon. Alam mo na, moody," sambit niya. Ngumiti ako nang saglit at muling nagtanong. "Bakit ka nga ba nasa Tagaytay 'non? Hindi mo pa nasabi sa akin ang totoong dahilan." Hindi niya sinagot ang tanong na iyon. Tumingin lang siya sa bintana. Tinaas niya ang kanyang kamay at gaya ng ginagawa niya minsan pag malalim ang kanyang iniisip, nilalaro niya ang daliri niya sa salamin. Iniba ko na lamang ang usapan para maging kumportable siyang muli. "Kailan dating ni mama? E-este ni tita?" sinadya kong magkamali. Natawa naman siya at napalingon sa akin. "Tae ka! Haha! Wagas maka-mama, ah? Sabagay...puwede na," sagot niya habang natatawa. "Oh eh, kailan nga? Kailangan kasi bihis na bihis ako niyan. Feeling ko strikta ang mama mo, eh." "Ay nako, sobra. Pero 'wag kang mag-alala do'n. Ako ang bahala sa kanya. Matigas ang ulo ko, mas matigas pa sa kanya," sambit niya. "Mas matigas pa sa akin?" may pagkamkanyakis kong pang-aasar. Napakunot naman siya ng noo at napangiti. "f**k you!" sambit niya. Pinalo niya ako sa braso at naikabig ko naman sa kaliwa ang manibela. "Huy adik ka!" sigaw ko. Swerte lang at nakapagbusina ako sa kasalubong na kotse. Natawa na lamang siya ngunit ako ay nagulat. Ngumiti na lang din ako pagkatapos. ____________________ Naglakad kami sa supermarket. Bitbit ko ang isang basket at siya naman ang naglalagay ng mga ilalaman noon. Mga rekado ng pagkain, mga pampalasa, noodles, tomato paste at iba pa. Kumuha siya ng isang toyo at isang bote ng suka. Nang maglakad siya palayo ay palihim ko namang isinama ang isang bote ng oyster sauce at isang seasoning. Tinago ko iyon sa ilalim ng basket para hindi niya makita. Hindi ko naman mapigilan ang ngumiti. "Huy! Anong nangyayari sa 'yo?" pagtataka niya. "W-wala..." "Baka mamaya hindi ka na naman nakainom ng gamot diyan! Kung sino-sino na naman ang kinakausap at nakikita mo ah!" Sinadya niyang lakasan ang boses niya, nang-iinis. Napatingin na lamang sa akin ang ibang mamimili. Nanunudyo, nagtataka at nagugulat ang kanilang mga reaksyon. Lumayo naman si Charmaine upang pigilan ang kanyang pagtawa. "Gago talaga nito," bulong ko na lamang. __________________________ "Sabi mo theater actress ka. Hindi ko pa nakita ni isa ang pagtatanghal niyo. Wala ba kayong show? O kahit makita ko man lang ang ginagawa mo?" tanong ko sa kanya. Nasa counter na kami noon, nakapila. Siya naman ay kumuha ng isang tsokolate at paarteng ihinulog sa basket na bitbit ko. "Buti nabanggit mo!" wika niya. Agad kaming sumunod sa counter nang matapos na ang customer na kasunod namin. "May play nga kami, eh. Tapos na yung script. Tinitingnan na lang ng direktor namin ang iba pang detalye. Audition na naman 'yan for roles syempre. Iyon ang pinakaayaw ko." "Bakit naman?" tanong ko. Kinuha ko pa ang ibang laman ng basket at inilapag sa bakal na mesa. "Kapag audition kasi, sipsipan 'yan. Kung sino mas malakas kay direk eh siya ang makakakuha ng magandang role. Gano'n ang nangyayari," paliwanag niya. Kinuha niya pa ang ibang laman ng basket at nakita ang oyster sauce at overall seasoning na palihim kong inilagay kanina. "Kinuha ko ba 'to kanina?" tanong niya. Ngumiti na lang ako at nagmaang-maangan. "Ewan ko sa 'yo. Ikaw lang pumipili ng mga bibilhin, eh," sagot ko. "Gago ka talaga! Kaya pala pangiti-ngiti ka kanina, ah." "Trust me. Kailangan mo 'yan," sagot ko na lang. Wala siyang nagawa. Sinama niya sa mga bilihin ang mga idinagdag ko sa basket. Basta ba raw tulungan ko siya sa pagluluto. Pumayag naman ako. Nagpatuloy lang ang kuwentuhan namin nang makalabas na kami ng supermarket. "Yung tungkol sa play niyo nga. So sipsipan nangyayari? Eh, sa tagal mo na yatang nagte-teatro eh mukhang kilala ka na nung direktor niyo." "Kilala nga. 'Yon lang ang nakakainis. Kasi uso nga ang sipsipan, eh kahit hindi ka naman sumisipsip sa direktor namin, eh ang iisipin naman ng iba? Kumusta naman?" sagot niya. "Hmm...okay. Medyo kuha ko na." Marami rin ang mga pinamili namin. Balak pa naming lumibot sa loob ng mall kaya para magawa iyon ay iniwan namin ang mga pinamili sa baggage counter. Naglakad-lakad kami, tumingin ng mga gamit at nagkuwentuhan hanggang sa isang coffee shop kami mapadpad, bumili ng frappe, umupo sa labas at nagpahinga. Napansin kong muli ang kalaliman ng kanyang iniisip. Nagbago na naman marahil ang mood niya. Nakatitig lang siya sa baso ng kanyang kape kung saan nakasulat ang pangalang Bea Alonzo. Ngumiti na lamang ako nang tingnan ko ang baso ko kung saan nakalagay ang pangalan na John Lloyd Cruz. Napangiti na lang din siya nang mahimasmasan. Marahil ay alam niya na ang aking iniisip. "You're so cute," sabi niya. "Mas cute pa 'ko kay John Lloyd, eh." "Wow, ah! Ayoko ng mga ganyang biro, ah!" saway niya. Nagtawanan na lamang kami. Isang lalaki naman ang huminto sa aming gilid. Hindi ko kaagad napansin ang lalaking iyon ngunit agad na nag-iba ang mga guhit sa mukha ni Charmaine nang tingnan niya ang lalaki. Tila gulat at may pagkainis. "Uhmm. Charmaine?" tanong ng lalaki. Saka na lamang ako napalingon. Suot niya ang isang maong na pantalon na fit sa kanya at tila plantsado naman ang kanyang puting jacket. Pamilyar ang itsura ng lalaking 'to. Nag-iba ang ayos niya ngayon. Mas maaliwalas at para bang wala na siyang pasan na mabigat sa kanyang kalooban. Hindi ako nagkamali. Siya nga ang lalaking 'yon. "Jerick?" wika ni Charmaine. "Hi! Wow. You look great! Just like the old times!" sambit ng lalaki habang nakangiti. Napalunok naman si Charmaine matapos humigop ng kaunting frappe na kanyang iniinom. "It's nice to see you too! Blooming, ah?" sagot naman niya. Napayuko na lamang ako. Sa pagkakataong iyon ay bigla kong naisip na invisible ako. "Moved on na!" Awkward para sa akin ang pagkakasabi ni Jerick sa mga salitang iyon. Parang nagpipigil, may kumakawalang kung anong damdamin at tila sinasabi na 'oo, moved on na sa mga nangyari...pero sa 'yo hindi pa.' "Wow that's good to hear! Kumusta na kayo ni Joanna ba 'yon? Yung nahuli ko sa condo?" sarkastikong tanong ni Charmaine. Nakakunot ang noo nya at halatang ipinapakita niya na ang katotohanan na hindi niya gustong makita ang kanyang ex sa pagkakataong iyon. Nasamid naman ako ng kaunti habang umiinom ng frappe. Umiwas na lamang ako ng tingin at ipinakitang sa iba nakabaling ang aking atensyon. "A-ahh...ahmm. Hindi naman talaga naging kami no'n. Nasabi ko na sa 'yo, 'di ba? Just a fling," paliwanag ng lalaki na halatang nahihiya na. Tumahimik naman si Charmaine at tumango-tango lamang sa indayog ng kanyang mga labi na tila hindi natutuwa. "Is this Ian? Your new?" tanong ni Jerick. Napatingin naman ako sa kanya at bilang respeto ay nginitian ko siya at inabot ang aking kamay. Hindi naman siya nagdalawang isip na abutin din iyon. "Oh, yes...Ian, this is Jerick. Ex ko. Jerick si Ian...and yes. He's my new," pagpapakilala ni Charmaine. "Tingin ko nagkita na tayo dati, eh." "A-ah oo. Sa parking lot. Yung mga bulaklak. Saka sulat. A-ah. Ayun," mautal-utal kong sambit. Dyahe. Parang hindi tama ang scenario na ito para sa akin. Agad ko na lang kinuha ang kamay ko at bumaling ulit ng tingin sa malayo sabay higop ng kape. Nagmamadali, halos higupin ko na kahit na ang kaila-ilaliman ng baso. "Ah...yeah. I remember," malumanay ngunit may lungkot niyang sambit. "By the way! I have to go! May bibilhin pa kasi ako sa department store. Uhmm, Charmaine...pakisabi na lang kay tita happy birthday. Pasensiya na kamo kung hindi makakapunta. Medyo busy kasi," wika niya. Hindi naman sumagot si Charmaine. Pinagmukha niya lang na puno ang kanyang bibig dahil sa iniinom na kape. Tumango lang siya at ngumiti. Nag-iba naman agad ang kanyang ekspresyon nang tuluyan nang lumayo si Jerick sa aming puwesto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD